Awit ni Solomon 7 - Ecclesiastico 2
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Mangingibig:
7 Ang paa mong makikinis,
O babaing tila reyna,
ang hugis ng iyong hita, isang obra maestra.
2 Ang pusod mo'y anong rikit, mabilog na tila kopa,
laging puno niyong alak na matamis ang lasa.
Balakang mo'y mapang-akit, bigkis-trigo ang kapara,
ang paligid ay tulad ng mga liryong kay gaganda.
3 Ang iyong dibdib, O giliw, parang kambal na usa,
punung-puno pa ng buhay, malulusog, masisigla.
4 Ang leeg mo ay katulad ng toreng gawa sa marmol,
mga mata'y nagniningning, parang bukal sa may Hesbon.
Ilong mo ay ubod ganda, parang tore ng Lebanon,
mataas na nakabantay sa may Lunsod ng Damasco.
5 Para bang Bundok ng Carmel, ulo mong napakaganda,
ang buhok mong tinirintas, kasingganda ng purpura,
kaya naman pati hari'y nabihag mo't nahalina.
6 Kay ganda mo, aking mahal; kay ganda mo, aking sinta,
sa akin ay nagdudulot ka ng galak at ligaya.
7 Kay hinhin ng iyong kilos tulad ng punong palmera,
ang dibdib mong ubod yaman ay tulad ng buwig niya.
8 Puno niya'y aakyatin upang bunga ay pitasin.
Sa tingin ko ang dibdib mo'y buwig ng ubas ang kahambing,
hininga mo ay mabango, mansanas nga ang katuring.
9 Ang tamis ng iyong labi ay katulad ng inumin,
dahan-dahang tumatalab habang ito'y sinisimsim.
Babae:
10 Itong buhay na taglay ko'y sa sinta ko nakalaan,
sa akin siya'y nananabik, lagi akong inaasam.
11 Halika na, aking mahal, tayo na ro'n sa may parang,
ang gabi ay palipasing magkasalo sa ubasan.[a]
12 At pagdating ng umaga, isa-isa nating tingnan
kung ang puno'y nagsusupling, bulaklak ay lumilitaw;
ganoon din ang granada, tingnan natin ang bulaklak,
at doon ay lasapin mo ang pag-ibig kong matapat.
13 Ang halaman ng mondragora ay iyo ngang masasamyo,
bungangkahoy na masarap ay naroon sa ating pinto,
ito'y aking inihanda, inilaan ko sa iyo,
at lahat ng kaaliwan, maging luma maging bago.
8 Bakit kaya ika'y hindi naging isa kong kapatid?
Inaruga ng ina ko, lumaki sa kanyang dibdib,
upang kahit sa lansangan, kung sa iyo ay humalik
ay di tayo papansinin, pagkat tayo'y magkapatid.
2 Sa bahay ng aking ina ikaw ay aking dadalhin
upang doon ituro at ipadama ang paggiliw,
dudulutan ka ng alak, ng masarap na inumin.
3 Sa kaliwa niyang kamay ang ulo ko'y nakaunan
habang ako'y hinahaplos ng kanan niyang kamay.
4 Ipangako n'yo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem,
ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.
Ang Ikaanim na Awit
Mga Babae:
5 Sino itong dumarating na buhat sa kaparangan,
hawak-hawak pa ang kamay ng kanyang minamahal?
Babae:
Sa puno ng mansanas, ikaw ay aking ginising,
doon mismo sa lugar na iyong sinilangan.
6 Kaya ako'y mahalin mo, sa bisig mo ay ikulong.
O kay lakas ng pag-ibig, panibugho man ay gayon;
sinlakas ng kamatayan, tumutupok, parang apoy.
7 Kahit baha ay di kayang pigilin itong paggiliw,
buhusan man nitong tubig, di makuhang palamigin.
Subukin mong ang pag-ibig ay sa yaman mo daanin,
baka nga ang mangyari ay ikaw pa ang siyang kutyain.
Mga Lalaking Kapatid ng Babae:
8 Kami ay mayro'ng kapatid, dibdib niya ay maliit,
ano kayang dapat gawin kung sa kanya'y may umibig?
9 Kung pader lang sana siya, toreng pilak ay lalagyan,
at kung pintuan lamang siya, tablang sedar, ay lalagyan.
Babae:
10 Ako'y isang batong muog, dibdib ko ang siyang tore;
sa piling ng aking mahal ay panatag ang sarili.
Mangingibig:
11 May ubasan si Solomon sa dako ng Baal-hamon,
mga taong tumitingin, magsasakang tagaroon;
buwis nila'y libong pilak, bawat isa taun-taon.
12 Kung si Haring Solomon ay mayroong libong pilak
at ang mga magsasaka'y may dalawandaang hawak,
ako naman ay mayroong taniman ng mga ubasan.
13 Bawat isang kasama ko'y malaon nang nananabik,
na magmula ro'n sa hardin, ang tinig mo ay marinig.
Babae:
14 Halika na aking sinta, madali aking mahal,
tulad ng pagtakbo ng usa sa kaburulan
na punung-puno ng mababangong halaman.
Ang Paghahanap sa Katarungan
1 Kayong(A) mga namamahala at may kapangyarihan sa daigdig, mahalin ninyo ang katarungan;
taimtim ninyong isipin ang Panginoon,
at taos-pusong hanapin siya.
2 Matatagpuan siya ng mga hindi nag-aalinlangan sa kanya.
Nagpapakita siya sa mga lubos na nagtitiwala sa kanya.
3 Ngunit ang mga baluktot ang isipan ay di makalalapit sa Diyos.
Sinumang hangal na mangahas subukin ang kanyang kapangyarihan ay tiyak na mabibigo.
4 Ang Karunungan ay di papasok sa may masamang kalooban,
at di mananahan sa pusong alipin ng kasalanan.
5 Ang tunay na nagpapakabanal ay umiiwas sa mga manlilinlang.
Lumalayo siya sa lahat ng nagpapahayag ng kahangalan,
at di niya matitiis ang anumang pang-aapi o kawalang-katarungan.
Alam ng Diyos ang Ating Sinasabi
6 Ang Karunungan ay diwang magaan ang loob sa lahat,
ngunit hindi niya mapapayagang lapastanganin ang Diyos.
Sapagkat alam ng Diyos ang ating mga damdamin at isipan,
at naririnig niya ang lahat ng sinasabi natin.
7 Ang Espiritu[b] ng Panginoon ay laganap sa buong sanlibutan,
at siya ang nagpapanatili sa lahat ng bagay,
kaya alam niya ang bawat katagang sinasalita ng bawat nilalang.
8 Walang makakapagsabi ng di matuwid na di mapapansin ng Panginoon.
Batay sa katarungan, lalapatan ito ng angkop na parusa.
9 Ang mga binabalak ng mga walang takot sa Diyos ay isa-isang sisiyasatin.
Ang bawat sinasabi nila'y makakarating sa kaalaman ng Panginoon,
at tatanggap sila ng parusang angkop sa kanilang masasamang gawa.
10 Hindi ipahihintulot ng Diyos na may lumaban sa kanya.
At dahil naririnig niya ang lahat, hindi ninyo maililihim ang inyong mga paghihimagsik.
11 Kaya huwag kayong reklamo nang reklamo;
walang kabutihang maidudulot iyan.
Iwasan ninyo ang mga usapang udyok ng hinanakit.
Ang mga sinabi ninyo nang palihim ay tiyak na magbubunga,
At ang pagsisinungaling ay kapahamakan ng kaluluwa.
Ang Kamatayan ay Hindi Likha ng Diyos
12 Huwag ninyong hanapin ang inyong kamatayan sa pamamagitan ng masasamang gawa;
huwag kayong pumasok sa kapahamakan na kayo na rin ang may kagagawan.
13 Ang(B) kamatayan ay hindi gawa ng Diyos.
Hindi siya nalulugod sa pagkamatay ng alinmang may buhay.
14 Ginawa niya ang bawat nilalang upang magpatuloy,
at lahat ng nilalang niya ay mabuti at mahusay.
Wala silang kamandag na nakamamatay.
Ang kamatayan ay di naghahari sa daigdig na ito,
15 sapagkat ang katarungan ng Diyos ay walang kamatayan.
16 Ngunit(C) ang masasama ay naghahanap ng kamatayan sa pamamagitan ng kanilang mga gawa;
kinaibigan nila ang kamatayan at nakipagtipan dito,
sapagkat iyon ang nararapat nilang kasama.
Masamang Pag-iisip
2 Ang walang kabuluhang pangangatuwiran ng masama ay ganito:
“Maikli at malungkot ang buhay,” wika nila sa sarili,
“at wala nang lunas pagdating ng wakas ng buhay ng tao,
wala na ring patay na nakakabalik mula sa libingan.
2 Pagkakataon lamang ang pagkasilang sa atin;
pagkatapos, tayo'y papanaw at parang di isinilang.
Ang hininga natin ay tulad lamang ng usok,
at ang isipa'y parang tilamsik na mula sa pintig ng puso.
3 Pagtigil ng pintig na iyon, ang ating katawang lupa ay babalik sa alabok,
at maglalaho ang ating espiritu kasama ng hanging nagdaraan.
4 Sa kalaunan, malilimot na ang ating pangalan, pati ang ating mga nagawa.
Mawawala ang buhay natin, parang balumbon ng mga ulap,
matutunaw na parang hamog sa init ng araw.
5 Ang buhay natin ay lumilipas na parang anino,
ang araw ng pagkamatay ay hindi maiiwasan,
nakatakda na iyon at wala nang makakapagbago.”
6 Sabi(D) pa rin nila, “Kaya nga, magpakasawa tayo sa lahat ng bagay;
gaya ng ginawa natin noong tayo'y bata pa
at magpakasaya tayo sa kagandahan ng sangnilikha.
7 Magpakasawa tayo sa mamahaling alak at pabango,
at huwag palampasin isa mang bulaklak sa panahon ng tagsibol.
8 Pitasin natin ang mga rosas bago ito malanta,
at isuksok sa ating buhok habang sariwa pa ito at mabango.
9 Magsama-sama tayo sa ating pagdiriwang.
Mag-iwan tayo ng bakas ng kasaysayan sa lahat ng dako,
sapagkat ito'y ating buhay; ito'y ating karapatan.
10 “Apihin natin ang mahihirap kahit na sila ay matuwid.
Pahirapan natin ang mga biyuda.
Huwag nating igalang maging ang matatanda.
11 Ang pairalin nating batas ay ang ating lakas,
sapagkat wala tayong mapapala sa pagiging mahina.
12 Tambangan natin ang mga taong matuwid,
sapagkat hadlang sila sa ating mga balak.
Ipinamumukha nila sa atin ang pagsuway sa kautusan,
at sinasabing tayo'y nagkasala laban sa ating kaugalian.
13 Ipinagmamalaki nilang nakikilala nila ang Diyos,
at sinasabing sila'y mga anak ng Panginoon.
14 Sila ang nagbibigay sa atin ng mga problema.
15 Makita lang natin sila'y balisa na tayo,
sapagkat kaiba ang kanilang gawain at pamumuhay.
16 Ang palagay nila sa atin ay mababang-mababa,
at nandidiri sila sa ating gawain.
Sinasabi nilang kaligayahan ang wakas ng matuwid,
at ipinagmamagaling na sila'y anak ng Diyos.
17 Tingnan natin kung ang sinasabi nila'y magkakatotoo,
kung ano ang mangyayari sa kanila pagkamatay nila.
18 Kung ang mga matuwid ay anak nga ng Diyos,
sila ay tutulungan niya at ililigtas sa mga kaaway.
19 Subukin natin silang kutyain at pahirapan,
upang malaman natin kung hanggang saan ang kanilang kabutihang-loob,
at kung hanggang kailan sila makakatagal.
20 Subukin nating ilagay sila sa bingit ng kamatayan,
dahil ang sabi nila ay iingatan sila ng Diyos.”
21 Iyon ang pangangatuwiran ng masasama, ngunit sila'y nagkakamali,
sapagkat binubulag sila ng kanilang kasamaan.
22 Hindi nila nabatid ang lihim na panukala ng Diyos.
Hindi sila umasa sa gantimpala ng kabanalan,
hindi naisip ang magandang wakas ng malinis na pamumuhay.
23 Sapagkat(E) ang tao'y hindi nilikha ng Diyos para mamatay,
kundi upang maging larawan niyang buháy.
24 Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang kamatayan
at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya.
Ang Kapalaran ng mga Matuwid
3 Ngunit ang mga matuwid ay nasa kamay ng Diyos,
at di sila makakaranas ng kaunti mang pahirap.
2 Sa(F) akala ng mga hangal, ang mga matuwid ay namamatay.
Iniisip nilang ang kamatayan ay kapahamakan,
3 at ang pagpanaw nila ay tuluyang pagkawala,
Ngunit ang totoo, sila'y nananahimik na.
4 Bagama't sa tingin ng tao sila'y pinarusahan,
ngunit ang totoo, sila'y nasa buhay na walang hanggan.
5 Ang(G) kaunting pagtitiis nila ay tutumbasan ng malaking pagpapala.
Napatunayan ng Diyos na sila'y karapat-dapat.
6 Sila'y kanyang sinubok, tulad ng ginto sa tunawan,
kaya't sila'y tinanggap niyang parang handog na sinusunog.
7 Darating ang Panginoon upang gantimpalaan ang mga matuwid.
Magliliwanag silang parang ningas ng nagliliyab na dayami.
8 Sila ang mamamayani sa mga bansa sa daigdig,
at ang Panginoon ang maghahari sa kanila magpakailanman.
9 Ang mga nananalig sa kanya ay makakaunawa sa katotohanan ng kanyang pamamaraan,
at ang mga naging tapat sa kanya ay mamumuhay na kasama niya sa kanyang pag-ibig,
sapagkat siya'y mabuti at maawain sa kanyang mga hinirang.[c]
Ang Parusa sa Masasama
10 Ngunit ang mga masama'y paparusahan niya nang ayon sa kanilang masasamang kaisipan,
sapagkat sila'y naghimagsik sa Panginoon
at niyurakan ang katuwiran.[d]
11 Malungkot ang sasapitin ng hindi nagpapahalaga sa Karunungan at pag-aaral.
Wala silang maaasahan; ang pagsisikap nila'y walang mararating
at wala silang magagawang kabutihan.
12 Lalabas na di mapagkakatiwalaan ang kanilang mapapangasawa,
at ang kanilang mga anak ay maliligaw ng landas.
13 Ang magiging lahi nila ay sasailalim sa sumpa.
Ang Kahalagahan ng Kalinisan
Mapalad ang babaing hindi nagkaanak kailanman.
Kung hindi siya nakipagtalik sa paraang makasalanan;
gagantimpalaan siya ng Diyos sa Araw ng Paghuhukom.
14 Mapalad ang eunuko na hindi gumawa ng masama
at hindi nagkimkim ng hinanakit laban sa Panginoon.
Siya ay may tanging gantimpala para sa kanyang katapatan
na higit na mahalaga kaysa pagkakaroon ng anak.
Bibigyan siya ng tanging lugar sa tahanan ng Panginoon.
15 Ang matuwid na gawa ay parang punongkahoy na hitik sa masasarap na bunga.
Ang Karunungan ay parang buháy na ugat na maaaring litawan ng sariwang usbong.
16 Ngunit ang mga anak ng mga mapangalunya ay walang kinabukasan;
di hahaba ang kanilang buhay.
17 At kung mabuhay man sila nang matagal ay wala ring kabuluhan
sapagkat hindi sila igagalang kahit sila'y matanda na.
18 At kung mamatay nang maaga ay wala ring pag-asa,
o kaaliwan sa Araw ng Paghuhukom.
19 Kasawiang talaga ang wakas ng mga anak sa pagkakasala.
4 Mabuti(H) na ang walang anak ngunit malinis ang kalooban,
sapagkat ito ay napakahalaga sa mata ng Diyos at ng tao,
at ang may malinis na kalooban ay maaalala magpakailanman.
2 Ang taong ito ay nagiging huwaran,
at kapag ito'y nawala sa kanya ay tunay na hinahanap.
Ito ang pinakamahalagang gantimpala na maaaring makamit ng tao,
at pinakamainam na katangiang maaaring taglayin ng sinuman.
3 Ang mga anak sa pagkakasala, gaano man karami, ay hindi papakinabangan;
ang lahi nila ay di mapapanatag.
4 Wari'y mga punongkahoy na mababaw ang ugat,
sandali silang tutubo, ngunit hindi magtatagal,
sapagkat madali silang ibubuwal ng malakas na hangin.
5 Mababali ang kanilang mga sanga sa kanilang kamuraan,
at ang mga bunga nila'y di mahihinog, di papakinabangan.
6 Pagdating ng Araw ng Paghuhukom,
ang mga anak na iyan sa pagkakasala ang siyang magiging saksi sa kasalanan ng kanilang mga magulang.
7 Sa kabilang dako, ang taong matuwid at banal,
mamatay man nang bata pa, ay mapapanatag.
8 Ang marangal na katandaan ay di sinusukat sa haba ng buhay
o sa dami ng taong inilagi dito sa balat ng lupa.
9 Ang Karunungan at katuwiran ay malilinaw na palatandaan ng hustong kaisipan,
at siya ring sukatan ng tunay na pinagkatandaan.
Ang Halimbawa ni Enoc
10 Si(I) Enoc ay namuhay nang kalugud-lugod sa Diyos.
Napamahal siya sa Diyos kaya't siya ay kinuhang buháy
samantalang namamayan pa sa gitna ng mga makasalanan,
11 upang ang kanyang puso't diwa
ay huwag nang mahawa sa kasamaan at panlilinlang.
12 Sapagkat pinalalabo ng kasamaan ang kagandahan ng kabutihan,
at ginugulo ng masamang pita ang walang malay na isipan.
13 Sa maikling panahon ay narating niya ang lubos na kabanalan
na di maabot ng marami sa loob ng mahabang panahon.
14 Naging kalugud-lugod nga siya sa Panginoon,
kaya't siya'y kinuha agad mula sa makasalanang paligid.
15 Nakita ng mga tao ang kanyang pag-alis ngunit hindi nila naunawaan,
wari'y hindi maabot ng kanilang isipan
na pinagpapala at kinahahabagan ng Diyos ang kanyang mga hinirang,
at iniingatan ang kanyang banal na bayan.
Ang Sasapitin ng Masasama
16 Ang matuwid at banal, kahit mamatay at sumakabilang-buhay,
siya'y magiging sumbat sa mga nabubuhay sa kasamaan.
Ang matandang namuhay ng di wasto, ay mapapahiya sa mga batang maagang nagtamo ng Karunungan.
17 Makikita ng mga masama ang pagkamatay ng mga matuwid,
ngunit hindi nila mauunawaan na ito ang paraan ng pagliligtas ng Panginoon.
18 Pagtatawanan nila ang pagkamatay ng banal,
ngunit sa huli'y sila ang pagtatawanan ng Panginoon.
Pagkamatay nila, bangkay nila ay hindi pararangalan,
at maging sa libinga'y kukutyain sila at kamumuhian ng mga patay magpakailanman.
19 Ibabagsak sila ng Panginoon at sila'y matitigilan.
Tulad ng gusali'y mayayanig ang kanilang mga pundasyon,
at guguho nang tuluyan.
Ganap silang pahihirapan at lubusang malilimutan.
20 Mangingilabot sila kapag inisa-isa[e] ang kanilang mga kasalanan,
at kapag ipinamukha sa kanila ang kanilang kasamaan.
Ang Pagsisisi ng Masasama
5 Pagdating ng araw, ang matuwid ay taas-noong haharap sa mga nagpahirap sa kanya
at hindi nagpahalaga sa kanyang mga pagsisikap.
2 Pagkakita sa kanya, ang masasama'y magugulat,
sapagkat hindi nila inaasahang siya ay maliligtas, at sila'y manginginig sa matinding takot.
3 Pagsisisihan nila ang kanilang ginawa,
at sa gitna ng paghihirap ng damdamin ay sasabihin nila,
4 “Narito ang taong dati'y ating pinagtatawanan! Tayo pala ang hangal!
Nilibak natin siya at hinamak.
Akala natin ay kabaliwan ang kanyang pamumuhay,
at nang mamatay siya'y hindi natin pinarangalan.
5 Ngayon, narito siya't itinuturing na anak ng Diyos,
at kabilang sa mga taong hinirang ng Diyos.
6 Tayo pala ang lumihis sa landas ng katotohanan!
Hindi tayo namuhay sa liwanag ng katuwiran,
hindi man lamang natin nasilayan ang unang sinag ng kanyang liwanag.
7 Nagpakasawa tayo sa daan ng kasamaan at kapahamakan,
naglakbay tayo sa gubat ng kasalanan,
hindi natin tinunton ang landas ng Panginoon.
8 Ito ang napala natin sa ating pagmamataas,
maging ang ipinagmamagaling nating kayamanan ay walang kabutihang naidulot sa atin.
9 Ang lahat ng iyon ay naglahong parang anino,
para lamang nagdaang ugong ng balita.
10 “Pagdaan ng barko sa ibabaw ng dagat,
nahati ang mga alon at nahawi ang tubig,
ngunit pagkalampas ay walang naiwang bakas.
11 Paglipad ng ibon sa himpapawid,
di mo matutunton ang kanyang dinaanan.
Ang hanging hinampas ng kanyang mga pakpak
at binagtas ng mabilis niyang lipad,
dagling naghilom na parang di nagalaw.
12 Nahahati ng palasong patungo sa tudlaan ang hangin na kanyang dinaanan,
ngunit pagkalampas ay wala ka ring makikitang bakas.
13 Ganyan ang mangyayari sa ating buhay.
Isinilang tayo at pagkatapos ay mamamatay,
at wala tayong maiiwang bakas ng anumang kabutihan.
Sa halip, inaaksaya natin ang panahon sa pagpapakasama.”
14 Ang pag-asa ng masama ay parang dayaming ikinakalat ng malakas na hangin,
parang bula sa karagatang hinahampas ng bagyo,
parang usok na itinataboy ng banayad na simoy ng hangin.
Parang alaala ng isang panauhing tumira lamang nang isang araw.
Ang Taong Matuwid
15 Ngunit ang matuwid ay mabubuhay magpakailanman,
gagantimpalaan sila ng Panginoon,
iingatan sila ng Kataas-taasang Diyos.
16 Sila'y bibigyan ng maringal na karangalan
at puputungan ng maningning na korona.
Sila'y lulukuban ng kanang kamay niyang matuwid,
at ipagtatanggol ng kanyang malalakas na bisig.
17 Sasalakayin(J) niya ang kanyang mga kaaway hanggang sa malipol,
at gagamitin niyang sandata ang sangnilikha.
18 Ang baluti niya'y ang katuwiran,
ang helmet niya'y ang katarungan,
19 at ang kabanalan ang kanyang kalasag.
20 Ihahasa niya ang kanyang galit upang gamiting espada,
at sasamahan siya ng mga lakas ng kalikasan,
upang bakahin ang mga hangal na nangangahas lumaban sa kanya.
21 Mula sa balumbon ng mga ulap, iigkas ang mga kidlat,
na tila mga palasong walang mintis na tatama sa bawat tudlain ng Panginoon.
22 Uulanin ang kanyang mga kaaway ng malalaking tipak ng yelo,
hahampasin sila ng nagngangalit na alon ng dagat,
at tatabunan sila ng umuugong na baha.
23 Babayuhin sila ng malakas na hangin
at ipapadpad silang parang dayami.
Kaguluhan ang maghahari sa buong daigdig,
at babagsak ang mga pamahalaan dahil sa kanilang masasamang gawa.
Ang Katungkulan ng mga Pinuno
6 Mga hari, pakinggan ninyo ito at unawain;
mga namamahala sa buong daigdig, pag-aralan ninyo ito.
2 Makinig kayo, mga pinuno ng maraming bansa;
kayo na ang ipinagmamalaki ay ang lawak ng inyong mga nasasakupan.
3 Ang(K) pamamahala ninyo'y kaloob ng Panginoon,
at ang kapangyariha'y mula sa Kataas-taasang Diyos.
Siya ang susuri ng inyong mga gawa at sisiyasat ng inyong mga panukala.
4 Kung hindi kayo magiging tapat sa inyong pamamahala ng kanyang kaharian,
kung hindi ninyo susundin ang Kautusan,
at kung hindi kayo mamumuhay ayon sa kanyang kalooban,
5 darating agad siya at kayo'y paparusahan ng mabigat.
Walang katulad ang bigat ng parusang inilalaan niya sa mga namumuno at makapangyarihan.
6 Ang mga abâ ay kahahabagan at patatawarin,
ngunit ang mga nasa kapangyarihan ay mahigpit na hahatulan.
7 Ang Panginoon ng lahat ay hindi natatakot kaninuman, gaano man ito kadakila.
Siya ang may likha sa lahat, sa dakila at sa abâ,
kaya't pare-pareho lang ang tingin niya sa lahat.
8 Ngunit mas mahigpit ang paghatol niya sa mga nasa kapangyarihan.
9 Kaya, mga hari, sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito
upang matuto kayo at nang hindi kayo magkasala.
10 Ito ay mga banal na bagay at kung gagamitin ninyo sa paraang banal, kayo rin ay magiging banal.
Kapag natutunan ninyo ang mga aral na ito, maipagtatanggol ninyo ang inyong sarili sa Araw ng Paghatol.
11 Kaya nga, pahalagahan ninyo ang aking mga aral;
unawain ninyo ito at kayo'y matututo.
Ang Kahalagahan ng Karunungan
12 Ang Karunungan ay maningning at di kumukupas,
madaling natatagpuan ng naghahanap sa kanya,
at nakikita agad ng mga nagpapahalaga sa kanya.
13 Madali siyang nagpapakilala sa mga naghahangad sa kanya.
14 Ang maagang bumabangon upang siya'y hanapin, hindi mahihirapan na siya'y masumpungan;
makikita niyang ang Karunungan ay nag-aabang sa may pintuan.
15 Isipin mo lamang siya'y magkakaroon ka ng ganap na pagkaunawa;
hanapin mo siya't matatahimik ang iyong kalooban.
16 Sapagkat hinahanap niya ang mga karapat-dapat sa kanya,
at malugod na nagpapakita siya sa kanila saan mang dako.
Siya'y maamo, at sasamahan ka niya sa bawat iniisip mo.
17 Ang unang hakbang para magtamo ng Karunungan ay ang matapat na pagnanais na matuto,
sapagkat para na ring pagmamahal sa Karunungan ang paghahangad na matuto.
18 Sumusunod sa kanyang mga tuntunin ang nagmamahal sa Karunungan,
at magkakaroon ng buhay na walang hanggan ang sumusunod sa kanyang mga tuntunin.
19 At ang buhay na walang katapusan naman ay naglalapit sa Diyos.
20 Ang naghahangad ng Karunungan ay naghahanda upang maging pinuno ng kaharian.
21 Kaya, mga hari, kung talagang mahal ninyo ang inyong trono at setro,
pahalagahan ninyo ang Karunungan at maghahari kayo magpakailanman.
Ibinahagi ni Solomon ang Kanyang Karunungan
22 Sasabihin ko sa inyo kung ano ang Karunungan at kung paano nagkaroon nito;
wala akong ililihim sa inyo;
iisa-isahin ko ang kanyang dinaanan mula sa panahon ng paglikha,
upang maging malinaw ito sa inyo;
hindi ako lilihis sa katotohanan.
23 Hindi ko ililihim ang anuman dahil sa takot na mapantayan,
sapagkat hindi maaaring pagsamahin ang Karunungan at ang damdaming ganyan.
24 Kung maraming marunong sa daigdig, mahahango sa dusa ang maraming tao.
Magdudulot ng kapanatagan sa kanyang nasasakupan, ang isang marunong na hari.
25 Kaya, sikapin ninyong matutunan ang aking mga aral at papakinabangan ninyo ito.
Ang Hari ay Katulad din ng Sinumang Tao
7 Ako'y may kamatayan din, tulad ng sinumang tao,
supling ng unang tao na nagmula sa alabok,
inanyuan sa sinapupunan ng aking ina.
2 Mula sa binhi ng lalaki, nagkaanyo ako sa sinapupunan ng aking ina, bunga ng pagtatalik nilang dalawa.
Sa loob ng siyam na buwan, ang katawan ko'y nabuo mula sa dugo ng aking ina.
3 Nang ako'y isilang, nagsimula akong lumanghap ng hanging nilalanghap ng lahat.
Inihiga ako sa lupang tinatapakan ng mga tao,
ang iyak ng lahat ng bagong silang ang unang tinig na nagmula sa akin.
4 Buong ingat akong inalagaan at binalot ng lampin.
5 Lahat ng hari ay ganyan din ang simula.
6 Sapagkat sa lahat ng tao'y iisa lamang ang paraan ng pagdating at pag-alis sa buhay na ito.
Ang Pag-ibig ni Solomon sa Karunungan
7 Sapagkat(L) alam kong ako'y tao lamang, ako'y nanalangin at binigyan naman ako ng pang-unawa.
Tumawag ako sa Diyos at binigyan ako ng Karunungan.
8 Higit na mahalaga sa akin ang Karunungan kaysa trono at setro,
at mas matimbang kaysa alinmang kayamanan.
9 Hindi ko siya maipagpapalit maging sa pinakamahal na alahas.
Ang ginto ay tulad lamang ng buhangin kung ihahambing sa Karunungan.
Ang pilak nama'y nagmimistulang putik kapag inihambing sa kanya.
10 Para sa akin, siya'y higit pa sa kalusugan o kagandahan.
Mas gusto ko siya kaysa alinmang ilaw
sapagkat ang luningning niya'y walang pagkupas.
11 Nang makamit ko ang Karunungan, dumating sa akin ang lahat ng pagpapala;
siya ang nagkaloob sa akin ng kayamanang walang kapantay.
12 Malaking kaligayahan ang dulot ng mga ito sa akin, sapagkat ang mga ito'y bunga ng Karunungan.
Ngunit di ko alam noon na ang mga ito'y nagmula sa Karunungan.
13 Walang pag-iimbot na nag-aral ako sa Karunungan;
at ngayon ay malugod kong ibinabahagi sa iba ang aking natutunan.
14 Hindi mauubos ninuman ang yaman ng Karunungan.
Angkinin ninyo iyan at mapapalapit kayo sa Diyos;
ikinalulugod niya ang matuto kayo sa Karunungan.
15 Loobin nawa ng Diyos na ang nasa isip ko'y maging karapat-dapat sa natutunan ko sa Karunungan,
at ang ihahayag ko'y maging naaayon sa kalooban niya,
sapagkat ang Diyos ang patnubay ng Karunungan,
at siya ang nagtutuwid sa marurunong.
16 Tayong lahat ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos—ang ating pagkatao, ang ating mga salita,
ang ating pagkaunawa, at ang ating mga kakayahan.
17 Siya ang nagbigay sa akin ng pagkaunawa
sa kaayusan ng buong daigdig at sa mga lakas ng kalikasan;
18 kung paanong sinusukat ang takbo ng daigdig sa pamamagitan ng pagsikat at paglubog ng araw,
at ang pagbabagu-bago ng mga panahon;
19 ang pag-inog ng mga bituin sa kalawakan, at ang pag-ikot ng mga taon.
20 Sa kanya ko natutunan ang kalikasan ng mga nilalang na may buhay,
ang ugali ng mga mababangis na hayop,
ang lakas ng hangin, ang takbo ng isipan ng mga tao,
ang pagkakaiba ng mga halaman, at ang paggamit ng mga ugat bilang gamot.
21 Natutunan ko ang mga bagay na dati nang alam, at ang mga bagay na wala pang ibang nakakaalam,
22 sapagkat ang Karunungan na humugis sa lahat ng bagay ang siyang nagturo sa akin.
Ang Likas ng Karunungan
Ang diwa ng Karunungan ay matalino at banal.
Iisa ang kanyang likas ngunit nahahayag sa maraming paraan.
Siya'y dalisay at walang katawang materyal, at malayang kumikilos;
malinis, nagtitiwala at di maaaring mapinsala;
maibigin sa mabuti, matalas at di malulupig.
23 Ang Karunungan ay mapagkawanggawa, mabait,
matatag, tiyak, hindi nababalisa,
makapangyarihan at mulat sa lahat ng bagay.
Ang Karunungan ay laganap sa lahat ng diwang matalino, matalas at dalisay.
24 Sapagkat ang Karunungan ay mas mabilis kaysa anumang kumikilos,
at dahil sa kanyang kadalisayan, siya'y laganap sa lahat ng bagay.
25 Siya ay tilamsik ng kapangyarihan ng Diyos,
maningning na silahis ng kanyang kaluwalhatian.
Kaya walang marumi na makalalapit sa kanya.
26 Siya ay sinag ng walang hanggang liwanag,
salaming nagpapakita ng mga gawa at kabutihan ng Diyos.
27 Bagama't nag-iisa ang Karunungan, magagawa niya ang lahat ng bagay,
at bagaman siya'y hindi nagbabago, nababago niya ang lahat ng bagay.
Sa lahat ng salinlahi, siya'y nananahan sa mga banal,
at ang mga ito'y ginagawa niyang mga propeta at mga kaibigan ng Diyos.
28 Walang pinakamamahal ang Diyos nang higit pa sa mga taong nalulugod sa Karunungan.
29 Ang Karunungan ay mas maganda kaysa araw,
higit ang kagandahan kaysa mga bituin, at higit pa sa liwanag.
30 Sapagkat ang liwanag ay napapalitan ng dilim,
ngunit ang Karunungan ay di malulupig ng masama kailanman.
8 Ang lakas niya'y abot sa lahat ng sulok ng daigdig,
at maayos na pinamamahalaan ang lahat ng bagay.
Ang Pag-ibig ni Solomon sa Karunungan
2 Ang(M) Karunungan ay mahal ko, kaya sinikap kong hanapin siya mula sa aking kabataan.
Ipinasya kong siya ang makaisang-dibdib;
ako'y lubos na nabighani sa kanyang kagandahan.
3 Lalong naging marangal ang kanyang pagsilang dahil sa pagiging malapit niya sa Diyos,
ang Panginoon ng lahat, na nagmamahal sa kanya.
4 Siya(N) ang tagapagturo sa mga hiwaga ng Diyos,
at siya ang nagpapasya ng dapat gawin ng Diyos.
5 Kung ang kayamanan ay kanaisnais makamtan,
lalong higit ang Karunungan na nagpapakilos sa lahat ng bagay.
6 Kung gumagawa man ang kaalaman,
lalong malaki ang nagagawa ng Karunungan na nagbigay-anyo sa lahat ng bagay.
7 Kung ang pinahahalagahan ninyo'y katuwiran,
iyan ay bunga ng Karunungan.
Itinuturo niya ang pagpipigil at pag-unawa,
katarungan at tibay ng loob.
Ang tao'y wala nang makakamtang pakinabang na higit pa kaysa mga ito.
8 Kung nais ninyo ang malawak na karanasan,
alam ng Karunungan ang mga nakaraan at ang darating.
Alam niyang ipaliwanag ang pangungusap ng tao at ang kasagutan sa mga suliranin.
Maihahayag niya ang mga tanda ng panahon at ang mga kababalaghan,
at ang kahihinatnan ng mga pangyayari.
9 Kaya nga, ipinasya kong ang Karununga'y makaisang-dibdib,
sapagkat alam kong bibigyan niya ako ng magagandang aral,
at mga payo sa panahon ng kabalisahan at kalungkutan.
10 Nasabi ko sa aking sarili, “Dahil sa kanya ay magiging tanyag ako sa paningin ng mga tao,
at magkakamit ng karangalan sa paningin ng matatandang pinuno, kahit ako'y bata pa.
11 Makikita nila ang kahusayan ko sa paghatol,
at ako'y hahangaan ng mga tagapamahala.
12 Kapag ako'y nanahimik, hihintayin nila akong magsalita,
at kapag nagsalita ako, sila'y makikinig.
Kung ako man ay magsalita nang mahaba,
sila'y tatahimik.
13 Dahil sa Karunungan, hindi ako mamamatay,
sapagkat mag-iiwan ako ng alaalang mananatili sa isipan ng mga susunod sa akin.
14 Mamamahala ako sa maraming tao,
at masasakop ko ang maraming bansa.
15 Ang malulupit na hari ay matatakot sa akin.
Ipapakita ko sa aking nasasakupan na ako'y bihasang pinuno at isang matapang na mandirigma.
16 Pag-uwi ko sa amin, magpapahinga akong kapiling ng Karunungan,
sapagkat kung siya ang kasama ko, wala akong sakit ng kalooban,
kundi pawang galak at kasiyahan.”
17 Napag-isip-isip ko at napagbulay-bulayan:
Walang kamatayan ang sinumang makaisang-dibdib ng Karunungan.
18 Ganap na kaligayahan ang umibig sa kanya,
malaking kayamanan ang magsagawa ng kanyang mga panukala.
Karangalan ang makisalamuha sa kanya
at matututong magpasya nang mahusay ang makisama sa kanya.
Dahil dito, ipinasya kong siya ang aking makaisang-dibdib.
19 Sa aking pagkabata, ako'y may kaakit-akit na katauhan,
at nagkapalad na magtaglay ng malinis na kaluluwa.
20 O kaya, marahil sa pagiging mabuti ko, nabigyan ako ng malusog na katawan.
21 Ngunit naniniwala akong hindi ako magkakaroon ng Karunungan, kung hindi iyon ipinagkaloob sa akin ng Diyos.
Ang isa pang tanda ng pagkaunawa ay ang pagkaalam na ang Diyos lamang ang maaaring magkaloob niyon.
Kaya, buong puso akong nanalangin sa Panginoon nang ganito:
Nanalangin si Solomon Upang Makamtan ang Karunungan
9 “Diyos(O) ng aking mga ninuno, O mahabaging Panginoon,
ikaw po na lumikha ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng iyong salita.
2 Sa iyong Karunungan, nilikha mo ang sangkatauhan
upang maghari sa sangnilikha,
3 upang pamahalaan ang daigdig nang may kabanalan at katuwiran,
at pairalin ang katarungan nang may katapatan.
4 Bahaginan mo po ako ng Karunungang nakaluklok sa tabi ng iyong trono,
at ibilang mo po ako sa iyong mga lingkod.
5 Ako'y alipin mo, anak ng alipin mong babae,
isang taong mahina at maikli ang buhay.
Lubhang kakaunti ang pagkaunawa ko sa Kautusan at kung paano iyon papairalin.
6 At kahit na ang isang tao ay maging ganap,
wala rin siyang magagawa kung wala siyang Karunungang nagmumula sa iyo.
7 Hinirang mo po akong maging hari ng iyong bayan,
at maging hukom ng iyong mga anak.
8 Iniutos mo sa aking magtayo ng isang templo sa iyong banal na bundok,
isang dambana sa Jerusalem, ang lunsod na iyong piniling tahanan.
Larawan ito ng makalangit na templong inihanda mo buhat pa sa simula.
9 Sumasaiyo ang Karunungan at nalalaman niya ang iyong mga gawa,
sapagkat kasama mo siya nang likhain mo ang daigdig.
Alam niya kung ano ang iyong kinalulugdan,
kung ano ang mabuti at naaayon sa iyong mga utos.
10 Isugo mo po siya mula sa kalangitan
at mula sa luklukan ng iyong karangalan.
Sa gayon, siya'y sasaakin at sasamahan ako sa aking ginagawa,
at ituturo niya sa akin kung ano ang kalugud-lugod sa iyo.
11 Alam niya at nauunawaan ang lahat ng bagay.
Papatnubayan niya ang lahat ng kilos ko,
at iingatan ako sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
12 Kung magkagayon, mapapamahalaan ko po ang bayan mo nang may katarungan,
at magiging karapat-dapat ako sa trono ng aking ama,
at magiging kalugud-lugod sa iyo ang aking mga gawa.
13 “Sinong tao ang lubos na makakaunawa sa kaisipan ng Diyos?
Sino ang makakaalam sa kalooban ng Panginoon?
14 Kapos ang kaisipan ng tao
at walang kasiguruhan ang aming mga panukala.
15 Sapagkat ang aming kaluluwa ay binabatak na pababa ng aming katawang ang hantungan ay kamatayan.
Ang aming katawang lupa ay pabigat sa isipang punung-puno ng mga panukala.
16 Nahihirapan kaming mahulaan man lamang ang nilalaman ng daigdig,
at malaman kung ano ang mga bagay sa paligid namin.
Sino, kung gayon, ang makakaunawa sa mga bagay na makalangit?
17 Wala pong makakaalam ng iyong kalooban
malibang bigyan mo siya ng iyong Karunungan,
at lukuban ng iyong banal na espiritung mula sa kaitaasan.
18 Sa ganitong paraan po lamang naaakay mo ang mga tao sa matuwid na landas.
Natututunan po namin kung ano ang kalugud-lugod sa iyo,
at naliligtas kami sa pamamagitan ng iyong Karunungan.
Iningatan ng Karunungan si Adan
10 Karunungan(P) ang nag-ingat sa unang ama ng sangkatauhan noong siya pa lamang ang nalilikha.
Ang Karunungan din ang nagligtas sa kanya sa pagkakasala,
2 at nagbigay ng kapangyarihan sa lahat ng bagay.
Nilayuan ni Cain ang Karunungan
3 Ngunit(Q) ang masama ay lumayo sa Karunungan,
at sa bugso ng galit ay pinatay ang kanyang kapatid,
at sa gayo'y ipinahamak ang sarili.
Iningatan ng Karunungan si Noe
4 Dahil(R) sa kasalanang iyon, ginunaw ang daigdig sa pamamagitan ng baha, ngunit iniligtas itong muli ng Karunungan.
Tinuruan niya ang isang taong matuwid na sumakay sa isang barkong yari sa kahoy na madaling masira.
Tinulungan ng Karunungan si Abraham
5 Matapos(S) na ang mga bansa ay mabigo sa palalo nilang balak,
pumili ang Karunungan ng isang taong matuwid, na iningatan niyang walang-sala sa paningin ng Diyos.
Binigyan niya ang taong ito ng tibay ng kalooban, na sundin ang utos sa kanya ng Diyos, sa kabila ng pagmamahal niya sa kanyang anak.
Iniligtas ng Karunungan si Lot
6 Isa(T) pang taong matuwid ang iniligtas ng Karunungan.
Pinatakas niya ito sa nasusunog na limang lunsod, samantalang nililipol ang mga tagaroon dahil sa kanilang kasamaan.
7 Ang mga palatandaan ng kasamaan ng lunsod na iyon ay nakikita pa:
lupang walang tumutubo at patuloy na umuusok,
mga punongkahoy na ang bunga'y hindi mahinog,
isang haliging asin, tagapagpaalala sa taong ayaw maniwala.
8 Hindi nila pinahalagahan ang Karunungan,
at bilang parusa, nawalan sila ng kakayahang makakilala ng mabuti.
Hanggang ngayon ang guho ng kanilang lunsod ay alaala pa ng kanilang kahangalan.
Anupa't ang kamalian nila'y di na malilimutan magpakailanman.
9 Ngunit iniligtas ng Diyos sa panganib ang mga naglilingkod sa Karunungan.
Iningatan ng Karunungan si Jacob
10 Ang(U) Karunungan din ang umakay
sa pagtakas ng isang taong matuwid sa galit ng kanyang kapatid.
Ipinahayag sa kanya na ang Diyos ang siyang hari,
at binigyan siya ng pagkaunawa tungkol sa mga bagay na banal,[f]
at pinasagana ang kanyang pamumuhay.
11 Nang siya'y dinadaya at ibig agawan ng kabuhayan,
tinulungan muli siya ng Karunungan;
at sa bandang huli, siya rin ang yumaman.
12 Iningatan siya ng Karunungan laban sa kanyang mga kaaway,
at iniligtas sa mga tumatambang sa kanya.
Pinagtagumpay siya sa isang mahigpit na paligsahan,
upang ipakilala sa kanya na ang pagiging maka-Diyos, ang tanging makakatulong sa tao.
Iningatan ng Karunungan si Jose
13 May(V) isang taong matuwid na ipinagbiling alipin;
ngunit di siya pinabayaan ng Karunungan.
Inilayo siya nito sa pagkakasala at sinamahan hanggang sa bilangguan.
14 Kahit nang siya'y gapos ng tanikala, hindi rin siya hiniwalayan ng Karunungan.
Ang pamamahala ng buong kaharian ay ibinigay sa kanya,
at ipinailalim sa kanyang kapangyarihan ang mga dating umuusig sa kanya.
Napabulaanan ang mga paratang sa kanya,
at nagkamit siya ng karangalang walang hanggan.
Pinalaya ng Karunungan ang mga Israelita
15 Ang(W) Karunungan din ang nagpalaya sa isang lahing walang sala at malapit sa Diyos.
Hinango sila sa bansang umalipin sa kanila.
16 Pumasok ang Karunungan sa diwa ng isang lingkod ng Panginoon.
Kaya't hinarap nito ang mababagsik na hari sa pamamagitan ng mga himala at kababalaghan.
17 Ginantimpalaan niya ang paghihirap ng bayang pinili,
at pinatnubayan sa isang kagila-gilalas na paglalakbay.
Nililiman niya sila kung araw at tinanglawan kung gabi.
18 Pinangunahan niya sila sa pagtawid
sa malalim na tubig ng Dagat na Pula.
19 Ngunit nilunod niya ang kanilang mga kaaway
at ibinulusok sa pusod ng dagat.
20 Kaya sinamsaman ng mga banal ang masasama,
at umawit po sila ng parangal sa banal mong pangalan, O Panginoon.
Pinuri nila ang iyong makapangyarihang kamay.
21 Binuksan ng Karunungan ang bibig ng mga pipi,
at maging ang mga sanggol ay matatas na nakapagsalita.
Ang mga Israelita ay Pinangunahan ng Karunungan Habang Nasa Ilang
11 Pinapagtagumpay(X) din ng Karunungan ang mga Israelita noong panahon ng banal na propeta.
2 Nilakbay nila ang mga ilang at nagtayo ng tolda
sa mga dakong hindi pa natitirhan ng tao.
3 Hinarap nila ang kanilang mga kaaway at naitaboy ang mga ito.
4 Nang sila'y mauhaw, tumawag po sila sa iyo, Panginoon,
at binigyan mo sila ng tubig, mula sa isang batong buháy.
5 Ang mga pahirap na ginamit mo bilang parusa sa kanilang mga kaaway
ay pagpapala ring ginamit mo sa panahon ng kanilang pangangailangan.
Ang Parusa sa mga Taga-Egipto
6 Pinalabo mo ang mga bukal ng kanilang ilog na walang patid ang agos.
Bumaho ang tubig at namulang parang dugo.
7 Iyon ang parusa sa utos nilang patayin ang mga sanggol ng iyong bayan.
Ngunit ang bayan mo'y binigyan mo ng masaganang tubig sa panahong hindi nila inaasahan,
8 matapos silang magdanas ng uhaw sa ilang
upang matikman nila ang parusa na ginawa mo sa kanilang mga kaaway.
9 Pinaraan mo sila sa mahigpit na pagsubok; bagaman ang parusang iyon ay may halong habag,
upang malaman nila kung paano mo pinahihirapan ang masasama, kapag nagalit ka at sila'y hatulan.
10 Sila'y sinusubok mo bilang babala ng isang ama sa kanilang mga anak,
ngunit ikaw ang mahigpit na haring humatol sa mga kaaway.
11 Malayo man o malapit sila sa iyong bayan, pare-pareho mo silang pinahihirapan.
12 Sumidhi ang kanilang kalungkutan,
at naghinagpis sila habang inaalaala ang mga nangyari.
13 Nang malaman nila na ang kanilang kaparusahan ay naging kapakinabangan sa iyong bayan,
nabatid nilang ang mga iyon ay mula sa iyo, Panginoon.
14 Kinutya nila at ayaw pakitunguhan, ang lalaking itinapon noong sanggol pa,
ngunit pagkatapos ay hinangaan nila't kinagulatan.
Matinding di hamak ang uhaw na dinanas nila kaysa sa uhaw ng mga matuwid.
15 Dala(Y) ng kanilang kahibangan at masamang isipan,
sumamba sila sa mga ahas at hayop na walang isip.
Dahil dito, pinadalhan mo sila ng makapal na hayop na walang isip,
16 upang malaman nila na ang mga bagay na kinakasangkapan nila sa pagkakasala ang siya mo ring ginagamit sa pagpaparusa.
17 Ang makapangyarihan mong kamay
ang lumikha sa daigdig mula sa wala.
Madali kang makakapagpadala ng mababangis na oso at leon upang maparusahan sila.
18 Maaari ka ring lumikha ng mababangis at di kilalang hayop
na bumubuga ng apoy at makapal na usok,
at ang mata'y nilalabasan ng apoy na parang kidlat.
19 Maaari kang lumikha ng ganyang mga hayop, na di na kailangang sumalakay para pumatay.
Makita lamang ang mga ito, mamamatay na sila sa takot.
20 Ngunit hindi na kailangan ang lahat ng iyan.
Maaari mo silang lipulin sa bagsik ng iyong katarungan,
o sa isang banayad na ihip ng iyong kapangyarihan.
Ngunit mas minabuti mong sukatin, bilangin at timbangin ang lahat mong ginagawa.
Makapangyarihan at Mahabagin ang Diyos
21 Maipapakita mo ang iyong kapangyarihan anumang oras,
at walang sinumang makakatutol.
22 Sa iyong paningin, para lamang isang butil ng buhangin na hindi halos makatikwas ng timbangan ang buong daigdig;
para lamang isang patak ng hamog sa umaga sa pisngi ng lupa.
23 Labis-labis ang iyong kapangyarihan para gawin ang anuman, ngunit mahabagin ka sa bawat kinapal.
Pinatawad mo ang aming mga kasalanan, at binibigyan mo kami ng panahong makapagsisi.
24 Mahal mo ang lahat ng bagay,
at wala kang hinahamak sa iyong mga nilalang.
Kung hindi gayon, bakit mo pa sila nilikha?
25 Walang anumang bagay na mananatili kung hindi mo kalooban,
at walang makapagpapatuloy kung hindi mo nilalang.
26 Ipinahintulot mong manatili ang bawat nilikha sapagkat bawat isa ay sa iyo.
Ang lahat ng nabubuhay ay mahal mo, Panginoon.
12 Ang espiritu mong walang kamatayan ay nasa lahat ng bagay,
2 kaya unti-unti mong itinutuwid ang mga nagkakasala.
Pinapaalalahanan mo at binabalaan sila sa kanilang mga ginawa,
upang iwanan na nila ang kanilang masamang pamumuhay at sa iyo sila manalig, Panginoon.
Ang mga Kasalanan ng mga Canaanita
3 Kinamuhian(Z) mo ang mga nanirahan sa banal mong lupain noong unang panahon,
4 dahil sa kasuklam-suklam nilang mga gawain:
dahil sa kanilang pangkukulam at maling pagsamba,
5 dahil sa walang habag na pagpatay nila ng mga sanggol,
at pagkain ng laman at dugo ng tao.
Sa kanilang mga lihim na seremonya ng pagtanggap sa mga baguhan,
6 pinapatay ng mga magulang ang kanilang mga anak na walang malay.
Kaya, ipinasya mong ipalipol sila sa aming mga ninuno,
7 upang ang lupaing itinangi mo
ay maging angkop na tirahan ng iyong bayan.
8 Gayunman,(AA) sila'y kinaawaan mo sapagkat sila'y mga tao rin.
Kaya nagsugo ka ng mga pukyutan upang mauna sa iyong hukbo
at lipulin nang unti-unti ang mga kaaway na iyon;
9 bagama't magagawa mong ipagapi sa bayan mong pinili ang masasamang taong iyon,
o lipulin sila sa pamamagitan ng mababangis na hayop,
o sa bisa ng makapangyarihan mong salita.
10 Ngunit hindi mo binibigla ang pagpapatupad ng iyong hatol,
upang mabigyan pa sila ng pagkakataong makapagsisi,
kahit alam mong sila'y likas na masama,
at hindi na magbabago sa masama nilang paniniwala.
11 Sapagkat sapul pa sa simula, sila'y isang lahing isinumpa,
ngunit hindi dahil sa takot kaninuman kaya hindi mo sila pinarusahan.
Ang Diyos ang Panginoon ng Lahat
12 Ikaw ang lumikha sa mga bansang iyon, at walang makakapagtanong kung bakit gayon ang ginawa mo sa kanila.
Wala rin namang makakatutol sa iyong naging pasya.
Hindi ka maaaring panagutin ninuman sa paglipol mo sa kanila,
at walang makakadulog sa hukuman laban sa iyo para ipagtanggol ang makasalanang lahing iyon.
13 Lahat ng bagay ay nasa ilalim ng iyong pangangalaga,
at sa iyong paghatol ay wala kang pananagutan sa ibang diyos.
14 Hindi ka maaaring paratangan ng alinmang hari o pinuno,
na pinarusahan mo ang lahing iyon nang walang katarungan.
15 Ikaw ay matuwid at makatarungang namamahala sa lahat ng bagay.
Hindi mo ginagamit ang iyong kapangyarihan
upang parusahan ang isang taong wala namang kasalanan.
16 Sa iyong lakas nagmumula ang iyong katarungan,
at maaari kang magpakita ng habag kaninuman sapagkat ikaw ang Panginoon ng lahat.
17 Ipinapakita mo ang iyong lakas sa nag-aalinlangan sa iyong ganap na kapangyarihan,
at pinaparusahan mo ang sinumang nakakaalam nito ngunit sinasadyang di ka pansinin.
18 Walang hanggan ang kapangyarihan mo ngunit mahabagin ka kung humatol.
Maaari mo kaming parusahan kung iyan ang nais mo,
ngunit sa halip ay pinamamahalaan mo kami nang buong hinahon at pagpipigil.
19 Sa pamamagitan ng ginawa mong iyan,
itinuro mo sa mga taong makatarungan
na dapat din silang maging maawain.
At binigyan mo naman ng pag-asa ang iyong bayan,
sa pagkakaloob sa kanila ng pagkakataong makapagsisi.
20 Naging marahan at maunawain[g] ka sa pagpaparusa sa mga kaaway ng iyong bayan.
Bagama't dapat na silang mamatay,
binigyan mo pa rin sila ng lahat ng pagkakataong iwanan ang masama nilang pamumuhay.
21 Ngunit naging mahigpit ka sa paghatol sa iyong bayan,
bagama't nakipagtipan ka sa kanilang mga ninuno at pinangakuan sila ng mabubuting bagay.
22 Oo, kami'y iyong pinarusahan, ngunit higit na matindi ang parusa mo sa aming mga kaaway,
upang kapag kami ay humatol sa iba, ay maalala namin ang iyong kabutihan.
At kapag kami naman ang hinatulan, ay makaasa kami na kami'y kahahabagan.
Ang Parusa sa mga Taga-Egipto
23 Pinarusahan mo ang mga namuhay nang masama,
at ang ginamit mo sa pagpaparusa ay ang mga kasuklam-suklam na bagay na kanilang sinamba.
24 Nahiwalay sila nang malayo sa katotohanan,
at sumamba sa mga kasuklam-suklam na hayop.
Nalinlang sila na para bang mga batang walang isip.
25 Pinarusahan mo sila dahil sa kanilang kahangalan,
kaya't ang lagay nila'y parang mga batang walang muwang.
26 Magaan ang naging parusa sa kanila,
ngunit daranas ng buong bigat na parusa ng Diyos ang hindi pumansin sa gayong mga babala.
27 Nang gamitin ng Diyos sa pagpaparusa sa kanila ang mga hayop na kanilang sinasamba,
nagising sila sa mapait na katotohanan.
Nakilala nila ang Diyos na matagal nilang di pinansin,
kaya't bumagsak sa kanila ang pinakamasaklap na parusa.
Kahangalan ang Sumamba sa Kalikasan
13 Napakahangal ng mga taong hindi nakakakilala sa Diyos.
Nakikita nila ang mabubuting bagay sa daigdig, ngunit hindi nila makita ang Diyos na buháy.
Pinag-aaralan nila ang kanyang mga nilalang, ngunit hindi nila nakilala ang lumalang sa kanila.
2 Sa halip, ang apoy, ang mabilis na hangin, ang unos,
ang mga bituing naglalayag sa kaitaasan,
ang rumaragasang tubig at ang mga bituin sa kalangitan,
ang kinilala nilang mga diyos na namamahala sa daigdig.
3 Kung kinilala nilang diyos ang mga ito dahil sa kanilang angking kariktan,
dapat ay nalaman nilang higit na dakila ang lumalang sa lahat ng iyan, ang Panginoong Maykapal.
Siya ang pinagmulan ng lahat ng kagandahan, ang lumikha sa lahat ng mga ito.
4 Kung namangha sila sa kapangyarihan ng mga ito,
dapat nilang malaman na higit ang kapangyarihan ng lumikha ng mga ito.
5 Sapagkat sa pagmalas natin sa kalawakan at kagandahan ng sangnilikha,
makikilala natin ang Lumikha.
6 Baka naman hindi sila dapat sisihin nang lubos.
Maaaring nagsikap silang makilala ang Diyos,
ngunit naligaw lamang sila sa kanilang paghahanap.
7 Sa pag-aaral ng mga bagay na nasa paligid nila,
lubha silang naakit sa kagandahang kanilang nakita, hanggang sa naniwala silang diyos nga ang mga ito.
8 Ngunit wala silang tunay na maidadahilan sa kanilang pagkaligaw.
9 Kung nakayanan nilang pag-aralan ang sansinukob,
bakit di nila nakilala ang Panginoong maylikha sa lahat?
Kahangalan ang Sumamba sa Diyus-diyosan
10 Ang(AB) umaasa sa mga bagay na walang buhay ang pinakahangal sa lahat ng hangal.
Silang sumasamba sa mga bagay na likha ng tao:
larawan ng mga hayop na yari sa ginto, pilak, o hamak na batong nililok noong unang panahon.
11 May isang mahusay na manlililok.
Pumutol siya ng isang punongkahoy, inalisan ng balat
at ginawang isang kasangkapan na maaaring pakinabangan ng tao.
12 Pinulot niya ang mga pinagtabasan at ginamit na panggatong
sa pagluluto ng pagkain na makakabusog sa kanya.
13 May isang piraso na walang mapaggamitan
sapagkat balu-baluktot at sanga-sanga.
Sa oras na wala siyang ginagawa,
maingat niya itong hinuhugisan
at ginagawang isang larawan ng tao,
14 o hugis ng isang hamak na hayop.
Pinipinturahan niya ito ng pula,
at tinatakpan ang mga bahaging may mantsa.
15 Iginawa niya ito ng isang angkop na lalagyan,
isinabit sa dingding at ipinako nang matibay.
16 Pinag-ingatan niyang huwag mahulog iyon
pagkat alam niyang iyon ay larawan lamang,
at hindi nito mapapangalagaan ang sarili.
17 Ngunit hindi siya nahihiyang manalangin sa larawang iyon
tungkol sa kanyang asawa, anak at kabuhayan.
18 Mahina iyon, ngunit doon siya humihingi ng lakas ng katawan.
Patay iyon, ngunit doon siya humihingi ng buhay.
Wala iyong karanasan, ngunit doon siya humihingi ng tulong.
Iyo'y walang paa, ngunit doon siya humihingi ng mabuting paglalakbay.
19 Ang mga kamay niyon ay di man lamang maigalaw,
ngunit doon siya humihingi ng tulong para sa kanyang negosyo, hanapbuhay, at anumang gawain.
Mga Diyus-diyosang Kahoy at ang Daong ni Noe
14 Ganyan ang katulad ng taong naghahangad maglakbay sa maalong karagatan.
Isang pirasong kahoy na marupok pa kaysa barko ang hinihingan niya ng tulong.
2 Ang barkong iyon ay binalangkas upang pagkakitaan,
at nagawa iyon dahil sa Karunungan ng gumawa.
3 Ngunit ang iyong kalinga, O ama, ang nagbibigay direksyon sa barkong iyon,
at ikaw ang nagtatakda ng kanyang dadaanan.
Ikaw rin ang pumapatnubay sa pagtahak niya sa mga alon.
4 Kahit ang walang karanasan ay maaaring pumalaot,
sapagkat maililigtas mo sila sa anumang panganib.
5 Niloob mong gamitin at pakinabangan ang lahat ng bagay na likha ng iyong Karunungan.
Kaya naman, nagtiwala ang mga tao sa isang pirasong kahoy.
At lulan ng isang marupok na barko ay sumalungat sa mga alon hanggang sa dumaong sila sa isang ligtas na dako.
6 Ganyan ang nangyari noong unang panahon, samantalang nagkakamatay ang isang lahi ng mga higante.
Sa iyong pamamatnubay ay nakatakas ang pag-asa ng daigdig, lulan ng isang barko.
Sa gayong paraan, natira sa daigdig ang isang angkan na siyang magpapatuloy sa lipi ng tao.
7 Pinagpala ang barkong nagligtas sa katuwiran.
8 Ngunit sinumpa ang diyus-diyosang kahoy na gawa ng kamay ng tao.
At sinumpa rin ang mga gumawa niyon,
sapagkat inari niyang diyos ang isang bagay na nasisira at gawa lamang ng kanyang mga kamay.
9 Kasuklam-suklam sa Diyos ang masasamang tao at ang kanilang mga ginagawa.
10 Ang gumawa at ang ginawa ay kapwa paparusahan.
11 Ang hatol ng Diyos ay babagsak din sa mga diyus-diyosan.
Sapagkat, bagaman mga bagay na likha ng Diyos ang ginamit sa paggawa ng mga larawang iyon,
nang mayari na ay naging kasuklam-suklam na bagay—
bitag na sanhi ng kapahamakan ng mga kaluluwa ng mga hangal.
Ang Pinagmulan ng Pagsamba sa Diyus-diyosan
12 Ang mga pakikiapid ay nagsimula nang gawin ang mga larawang dinidiyos.
Simula nang lumitaw ang mga ito, sumamâ na nang sumamâ ang pamumuhay ng tao.
13 Ang mga ito naman ay hindi kaalinsabay ng tao
at hindi rin mananatili magpakailanman.
14 Lumitaw ang mga ito dahil sa kapalaluan ng isip ng tao,
kaya naman nakatakda ang mga itong malipol sa loob ng kaunting panahon.
15 Isang ama ang minsa'y labis na nagdadalamhati dahil sa maagang pagpanaw ng kanyang anak.
Dahil dito, naisipan niyang gumawa ng larawan ng kanyang anak na namatay.
Pagkatapos, sinamba niya itong tulad ng isang diyos,
at itinuro niya sa kanyang mga nasasakupan ang mga lihim na pamamaraan ng pagsamba.
16 Nang tumagal, lumaganap at nag-ugat ang ganitong maling gawain.
Sa kahuli-huliha'y tuluyan itong naging batas.
Nagsimula rin sa mga utos ng mga makapangyarihang hari ang pagsamba sa nililok na mga diyus-diyosan.
17 Sa malayong lugar ng kaharian ay may mga nasasakupang nais magparangal sa hari.
Ngunit dahil sa kalayuan ay hindi nila ito magawâ nang harapan,
kaya, gumagawa sila ng larawan ng hari batay sa kanilang mga imahinasyon,
at ito ay hinahandugan ng papuri at paggalang.
18 Ang ambisyon naman ng manlililok na gumawa ng larawan ng hari
ang nagiging dahilan ng paglaganap ng pagsamba sa larawan,
kahit sa mga taong hindi nakakakilala sa hari.
19 Sapagkat, sa hangad niyang magmapuri sa hari
ay ginagamit niya ang kanyang kasanayan upang pagandahin ang larawan nang higit pa kaysa sa taong inilalarawan.
20 Marami naman ang labis na naakit sa kagandahan ng likhang ito ng sining,
pinaparangalan at nang tumagal ay sinamba nilang parang diyos.
21 Kaya ang lahat ng ito ay naging bitag na nakamamatay.
Dala ng pangungulila o ng utos ng isang hari,
gumawa ang mga tao ng larawang kahoy o bato,
na sa huli ay pinag-ukulan nila ng parangal na nauukol lamang sa iisang Diyos.
Ang Kahihinatnan ng Pagsamba sa Diyus-diyosan
22 Hindi lamang sila tumangging kilalanin ang Diyos, kundi dahil sa kanilang kamangmangan,
gumawa sila ng maraming karahasan at iba pang kasamaan na ginagawa lamang sa digmaan,
ngunit sa kanilang kamangmangan ay tinawag nilang kapayapaan.
23 Ipinapatay nila ang mga sanggol kung tumatanggap sila ng mga baguhan sa kanilang pagsamba.
At sa kanilang mga lihim na pagsamba ay nagdaraos sila ng mga kainan
at inumang kasabay ng lasingan at mga nakakapandiring kahalayan.
24 Hindi na nila iniingatan ang kalinisan ng pamumuhay at ang buhay may-asawa.
Pumapatay sila ng tao nang pataksil at kinakalunya ang asawa ng may-asawa.
25 Kahit saa'y laganap ang patayan, nakawan, panlilinlang, pambubuyo sa masama, pagtataksil, kaguluhan, pagsisinungaling,
26 pang-aapi sa mga walang malay, di pagtanaw ng utang-na-loob,
karumihan ng budhi, kahalayang labag sa kalikasan,
paghihiwalay, pangangalunya, at kawalang-hiyaan.
27 Ang pagsamba sa mga diyus-diyosan na ang pangala'y di dapat sambitin man lamang,
ang siyang puno't dulo, ang dahilan at hantungan ng lahat ng kasamaan.
28 Ang mga sumasamba sa diyus-diyosan ay lubusang mawawala sa sarili.
Dahil sa sarap ng pagtatalik, o nagsasabi ng kasinungalingan
at sinasabing iyon ay pahayag ng Diyos, namumuhay nang masama, at walang atubiling sumisira sa usapan.
29 Sapagkat ang mga larawan ng diyos nila at pinagtiwalaan ay walang buhay.
Walang takot silang nanunumpa nang di totoo.
30 Ngunit sapilitang aabutin sila ng parusa sa dalawang dahilan:
Una, sapagkat nasira ang pagkilala sa tunay na Diyos nang sumamba sila sa mga diyus-diyosan.
Pangalawa, walang galang na nilapastangan nila ang kabanalan nang sila'y manumpa nang di totoo, malinlang lamang nila ang mga tao.
31 Hindi ang kapangyarihan ng kanilang pinanumpaan ang magpaparusa sa mga taong masama.
Kundi sapilitang lalapatan sila ng parusang angkop lamang sa mga makasalanan.
Ang Bunga ng Pagkilala sa Tunay na Diyos
15 Ngunit ikaw, aming Diyos, ay mabait, tapat at mapagpaumanhin.
Pinamamahalaan mo ang sansinukob nang may pagkahabag.
2 Kung kami man ay nagkakasala, kami'y iyo pa rin,
sapagkat kumikilala pa rin kami sa iyong kapangyarihan.
At yamang alam namin ito, hindi na kami magkakasala.
3 Ang pagkilala sa iyo ay ganap na pagiging-matuwid.
Ang pagkilala sa iyong kapangyarihan ang ugat ng pagiging walang kamatayan.
4 Hindi kami nailigaw ng anumang gawa ng likong kaalaman ng tao,
gaya ng isang walang kabuluhang larawang ginuhit ng pintor,
o ng isang imaheng pinintahan ng iba't ibang kulay.
5 Makita lamang ang mga ito ng mga mangmang ay nagsisiklab na agad ang kanilang pananabik
sa isang imaheng walang buhay at walang hininga.
6 Sinumang gumawa, magnasa, o sumamba sa gayong larawan ay umiibig sa isang bagay na masama,
at natatamo niya ang marapat sa kanya nang umasa siya sa bagay na iyon.
Ang Kahibangan ng Pagsamba sa mga Diyus-diyosang Putik
7 Minamasa ng magpapalayok ang malagkit na putik
at maingat na hinuhugisan upang gawing kasangkapan.
Mula sa iisang uri ng lupa,
gumagawa siya ng iba't ibang kasangkapan na ginagamit ng mga tao.
May ginagamit sa gawaing malinis at marangal,
at may ginagamit naman para sa maruruming bagay.
Tanging ang magpapalayok lamang ang nagpapasya,
kung alin-alin at kung saan-saan ito gagamitin.
8 Ang magpapalayok ay isang tao lamang.
Hindi pa nagtatagal na siya'y nilikha mula sa alabok,
at pagkatapos ay magbabalik uli sa alabok na pinanggalingan, kapag binawi sa kanya ang hiram niyang buhay.
Ngunit inaaksaya niya ang pagod at talino sa paglikha ng isang diyus-diyosang walang kabuluhan
mula sa putik na ginagamit niya sa paggawa ng palayok.
9 Hindi niya pansin na maikli lamang ang buhay sa mundo.
Nakikipagpaligsahan siya sa mga nagpapanday ng ginto, pilak, at tanso.
At ipinagmamalaki niya ang kanyang mga ginagawa, kahit na ang mga ito ay pawang huwad na diyus-diyosan.
10 Ang puso niya'y alabok lamang.
Mahalaga pa ang alabok kaysa kanyang pag-asa,
at ang putik na ginagamit niya'y mahalaga pa kaysa sa kanyang buhay,
11 sapagkat hindi niya nakilala ang Diyos na humugis sa kanya,
at nagbigay sa kanya ng kaluluwang nagpapasigla—
ang Diyos na nagkaloob sa kanya ng espiritung nagbibigay-buhay.
12 Ang buhay ng tao sa balat ng lupa'y isang laro lamang,
o isang pamilihang mapagkukunan ng pakinabang.
Kinakailangang siya'y magkamal ng maraming salapi kahit sa anong paraan—kahit sa masama.
Iyan ang kanyang paniwala.
13 Alam niya—higit sa sinuman—na siya'y nagkakasala sa paggawa ng mga diyus-diyosan
at marurupok na sisidlan mula sa iisang uri ng luwad.
Parusa sa mga Taga-Egipto
14 Ngunit, Panginoon, lalong hangal—
hangal pa kaysa sanggol na walang muwang—
ang mga kaaway na nagmalupit sa iyong bayan.
15 Inaari nilang diyos ang lahat ng mga imahen,
na mayroon ngang mata, ngunit hindi naman makakita.
May ilong ngunit hindi makahinga,
may tainga ngunit hindi makarinig.
May daliri ngunit hindi makadama.
May paa ngunit hindi makalakad.
16 Ang gumawa sa mga ito ay taong hiram lamang ang buhay.
Walang makakagawa ng isang diyus-diyosang maipapantay sa tao.
17 Ang lahat ng tao ay mamamatay balang araw,
ngunit ang hinugisan ng makasalanan niyang kamay sa mula't mula pa ay isa nang patay.
Higit pa siyang mahalaga kaysa larawang kanyang sinasamba, sapagkat siya ay buháy;
ngunit ang sinasamba niya ay hindi buháy at hindi naging buháy kahit kailan.
18 Sumasamba sila sa mga karumal-dumal na hayop,
pati na sa mga hayop na walang isip.
19 Mga hayop na walang angking kagandahan, na kahit bilang hayop ay walang magmahal.
Tila kinaligtaan nang ipakita ng Diyos ang kanyang pagkalugod at igawad ang kanyang pagpapala sa sangnilikha.
16 Dahil dito, pinadalhan sila ng angkop na parusa,
pinahirapan sila sa pamamagitan ng napakaraming hayop.
2 Ngunit(AC) hindi mo pinarusahan nang ganito ang iyong bayan,
sa halip, kinaawaan mo sila, Panginoon.
Pinadalhan mo sila ng mga pugo upang may makain sila,
masarap at pambihirang pagkain, upang sila'y masiyahan.
3 Ginawa mo ito upang ang mga taong iyon ay hindi makakain kahit nagugutom,
sapagkat ang mga hayop na ipinadala mo ay pawang nakakapandiri.
Ngunit ang bayan mo'y nagutom lamang ng sandaling panahon,
at pagkatapos ay pinakain mo sila agad ng napakasarap na pagkain.
4 Kailangang ang mga mapang-api na bayang iyon ay magdanas ng matinding paghihirap,
upang makita ng iyong bayan kung paano mo pinahihirapan ang kanilang mga kaaway.
5 Nang(AD) ang bayan mo'y lusubin ng mababangis na hayop at makakamandag na ulupong,
at pagpapatayin sila sa bagsik ng kanilang kamandag,
hindi nagtagal at nawala na ang galit mo at hindi mo sila pinabayaang malipol.
6 Ang maikling pahirap na iyan ay isang babala lamang.
Kapagdaka'y binigyan mo sila ng isang sagisag ng kaligtasan.
Ang ahas na tanso ay isang paalala sa kanila na hinihingi ng iyong Kautusan.
7 Ang sinumang tumingin doon ay naligtas sa kagat ng ahas,
ngunit hindi sa bisa ng kanilang nakita, kundi sa kapangyarihan mo, ang tagapagligtas ng sangkatauhan.
8 Sa pamamagitan nito, ipinakita mo sa aming mga kaaway
na ikaw ang nagliligtas sa tao sa lahat ng kasamaan.
9 Nagkamatay ang aming mga kaaway sa kagat ng mga balang at langaw,
at walang nakuhang igagamot sa kanila,
sapagkat kailangang parusahan sila sa pamamagitan ng gayong paraan.
10 Samantala, ang mga anak mo ay di nagapi kahit ng kagat ng makamandag na ahas,
sapagkat kinahabagan mo sila, tinulungan at pinagaling.
11 Binayaan mo silang tuklawin ng mga ahas upang maalala nila ang iyong mga utos,
subalit agad mo silang iniligtas upang di ka nila makalimutan
at upang hindi nila tuluyang makaligtaang pakinabangan ang kabutihan mo sa kanila.
12 Hindi gamot na pantapal o panghaplos ang nagpagaling sa kanila.
Pinagaling sila ng iyong salita, O Panginoon, ng salita mong nagpapagaling sa sangkatauhan.
13 Ikaw ang may kapangyarihan sa buhay at kamatayan;
ikaw ang makapagdadala sa tao sa daigdig ng mga patay, at ikaw rin ang tanging makapagbibigay sa kanya ng panibagong buhay.
14 Ang masamang tao ay maaaring pumatay ng kapwa,
ngunit hindi siya maaaring bumuhay ng patay
o magpalaya sa isang kaluluwang bilanggo ng kamatayan.
Pinarusahan ang Egipto
15 Sinuman ay hindi makakaligtas sa iyong mga kamay.
16 Tingnan ninyo ang masasamang taong iyon.
Ayaw ka nilang kilalanin bilang Diyos,
kaya pinarusahan mo sila sa pamamagitan ng dakila mong kapangyarihan.
Hinagupit mo sila ng malalakas na bagyo ng ulan at yelo,
at lubusan silang natupok sa apoy.
17 Ito ang kahanga-hanga: ang apoy ay lalong naglagablab sa gitna ng tubig na siyang ipinampapatay sa apoy.
Ang buong sansinukob ay tumulong upang ipagtanggol ang mga matuwid.
18 Sa isang pagkakataon ang ningas ay biglang namatay,
nang hindi mamatay ang mga hayop na ipinadala mo upang parusahan ang mga taong iyon.
Sa gayon ay ipinakita mo sa kanila
na sila'y inuusig ng parusa ng Diyos.
19 Ngunit sa iba namang pagkakataon, ang apoy ay lalo pang naglagablab nang palibutan ng tubig,
upang sirain ang ani sa lupain ng mga makasalanan.
Ang Pagkaing Mula sa Langit
20 Ngunit(AE) ang bayan mo'y hindi nahirapan nang ganyan; sa halip, pinadalhan mo sila ng pagkain ng mga anghel.
Mula sa langit, binigyan mo sila ng tinapay na hindi na kailangang iluto kundi handa nang kainin;
pagkaing naging kasiya-siya sa lahat, kahit na ano ang kanilang panlasa.
21 Dito nakikita kung gaano ang pagkalinga mo sa iyong mga anak.
Nagustuhan ng lahat ang pagkaing iyon,
sapagkat nagbabago ang lasa ayon sa nais na lasa ng bawat kumakain.
22 Ang pagkaing iyon ay dapat sanang natunaw na gaya ng yelo o niyebe,
ngunit hindi natunaw kahit lutuin sa apoy.
Dito'y ipinakilala mo sa iyong bayan na ang apoy na tumupok sa ani ng kanilang kaaway, samantalang umuulan ng yelo,
23 ay siya ring apoy na inalisan mo ng kapangyarihan,
upang sila'y may makain.
24 Ikaw ang lumikha sa sansinukob, at ang lahat ay nasa ilalim ng iyong kapangyarihan.
Ginagamit ng kalikasan ang kanyang lakas upang parusahan ang masasama,
ngunit siya'y banayad at maamo sa mga nagtitiwala sa iyo.
25 Ang kalikasan ay nag-angkin ng lahat ng anyo,
upang ipakita kung paano mo pinangangalagaan ang lahat ng tumatawag sa iyo.
26 Nangyari ang lahat ng ito, Panginoon, upang maunawaan ng bayan mong minahal,
na hindi sila mabubuhay sa pamamagitan lamang ng kanilang mga tanim.
Ang iyong salita ang nagbibigay-buhay sa lahat ng umaasa sa iyo.
27 Ang pagkaing hindi natupok sa apoy
ay natunaw sa unang sinag ng araw.
28 Dito'y tinuruan mo kaming bumangon bago magbukang-liwayway,
at magpasalamat sa iyo at manalangin sa pagsikat ng araw.
29 Ang pag-asa ng taong di marunong tumanaw ng utang na loob ay matutunaw na parang hamog na nagyelo,
at aagos na parang tubig na di pinakinabangan.
Gabi ng Lagim para sa Taga-Egipto
17 Kahanga-hanga, Panginoon, ang iyong mga hatol at mahirap ipaliwanag;
kaya, ang mga hindi nag-aral nito karaniwa'y naliligaw.
2 Noong inaakala ng mga taong di kumikilala ng batas na bihag nila ang bayan mong banal,
sa katotohana'y sila ang nakabilanggo sa karimlan ng gabi,
nakukulong sa ilalim ng kanilang bubong at di saklaw ng iyong walang hanggang pagkalinga.
3 Akala nila'y walang nakapansin sa lihim nilang kasalanan,
at naikubli na sa likod ng madilim na tabing ng paglimot.
Ngunit ngayo'y nanginginig sila sa takot,
nababalisa at binabagabag ng mga guni-guni.
4 Ang madilim na silid na kanilang pinangungubliha'y hindi nakahadlang sa matinding takot,
sapagkat sa paligid nila'y umaalingawngaw ang mga ingay na nakapangingilabot,
at binubulaga sila ng mga multong nakakasindak tingnan.
5 Hindi sila kayang liwanagan maging ng pinakamalaking siga.
Ang ningning ng mga tala ay di man lamang makabawas sa pusikit na dilim.
6 Ang tanging sumisinag sa kanila'y nakakatakot na ningas
at sa takot nila'y naniwala silang ang kanilang nakita'y
higit na nakakatakot kaysa iniisip nila.
7 Nabigo ang mapanlinlang na pamamaraan ng kanilang salamangka,
at nawalang-kabuluhan ang ipinagmamalaki nilang Karunungan.
8 Ipinagmamalaki nilang nakapagpaalis sila ng takot at pagkabalisa sa mga taong nagugulo ang isip,
ngunit sila ngayon ang hibang sa takot nang wala namang kadahi-dahilan.
9 Kahit walang nangyaring mapanganib na dapat katakutan,
nanginginig sila sa takot sa huni ng mga ahas at pagdagsa ng maraming hayop na papalapit sa kanila.
10 Namatay sila sa sindak sa gitna ng pangangatog,
natatakot silang idilat man lamang ang mga mata,
ngunit ang malungkot nito'y namatay sila nang dilat.
11 Ang kasamaan ay talagang likas na duwag, sapagkat siya na rin ang humahatol sa sarili.
At sa pag-uusig ng sariling budhi, siya na rin ang nagpapalaki sa laman ng guni-guni.
12 Ang takot ay bunga lamang ng di paggamit sa tulong na idinudulot ng isipan.
13 Ang walang lakas ng loob na magtiwala sa pag-iisip
ay aalipinin ng takot na likha ng kamangmangan.
14 Sa buong magdamag ay balisang-balisa sila sa pagtulog,
bagaman ang kadilimang iyon ay walang magagawa laban sa kanila,
sapagkat iyon ay mula lamang sa walang kapangyarihang bangin ng daigdig ng mga patay.
15 Hinahabol sila ng mga kakila-kilabot na pangitain,
ngunit naroon silang hindi makakilos
nang sila'y biglang pagharian ng matinding takot.
16 Bigla na lamang silang nabubuwal at di makaalis sa pagkahandusay,
gapos ng mga tanikala ng sariling takot.
17 Maging magsasaka, pastol o manggagawa sa kaparangan,
silang lahat ay nabihag ng iisang kapalaran,
sila ay nagapos ng tanikalang di nakikita sa gitna ng kadiliman.
18-19 Ang lahat sa paligid ay kinatakutan nila—pati ang marahang ihip ng hangin,
o ang magandang huni ng mga ibon sa mga sanga ng punongkahoy,
o ang lagaslas ng tubig sa umaagos na batis,
ang ugong ng mga batong gumuguho,
ang ingay ng mga hayop na tumatakbo at lumulukso ngunit hindi nakikita,
ang atungal ng mababangis na hayop,
ang alingawngaw ng mga kuweba sa libis ng bundok—
at halos mamatay sila sa takot.
20 Samantala, ang buong daigdig ay naliligo sa liwanag ng araw,
at ang lahat ng bagay sa kanilang paligid ay patuloy sa kani-kanilang gawain.
21 Tanging sila lamang ang nabalot ng pusikit na dilim,
larawan ng kadiliman ng kamatayang naghihintay sa kanila.
Ngunit ang mas mabigat na pasaning kanilang dinadala kaysa kadilimang iyon ay ang kanilang sarili.
Sumikat ang Liwanag sa mga Israelita
18 Ngunit(AF) para sa iyong bayang banal, nagniningning ang liwanag.
Ang tinig nila'y naririnig ng kanilang mga kaaway ngunit di sila nakikita,
at ipinapalagay na mapalad sapagkat di naghihirap.
2 Ang mga kaaway nila'y nagpapasalamat, sapagkat kahit na ginawan ng masama ay hindi gumaganti.
Sila'y humingi ng tawad dahil sa kanilang pakikipag-away.[h]
3 Kaya, sa paglalakbay nila patungo sa ibang lupain,
sila'y pinasubaybayan mo sa haliging apoy.
Parang araw na nagliliwanag ngunit hindi sila nasusunog sa makasaysayang paglalakbay na iyon.
4 Nararapat lang sa kanilang mga kaaway na pagkaitan ng liwanag at ibilanggo sa kadiliman,
pagkat ibinilanggo nila ang iyong bayan
na naging kasangkapan sa pagsasabog ng liwanag ng iyong Kautusan sa buong daigdig.
Pagkamatay ng mga Panganay
5 Pinatay nila ang mga sanggol ng iyong bayan maliban sa isang nailigtas,
Kaya pinatay mo rin ang kanilang mga sanggol,
at nilipol mo ang kanilang hukbo sa pamamagitan ng isang malaking baha.
6 Ang mangyayari sa gabing iyon ay ipinagpauna mong sabihin sa aming mga ninuno,
upang magalak sila sa katuparan ng iyong mga pangakong pinagtiwalaan nila.
7 Alam ng iyong bayan na ililigtas mo
ang mga matuwid at paparusahan ang kanilang mga kaaway.
8 Ang paraang ginamit mo sa pagpaparusa sa aming mga kaaway
ay siya mo ring ginamit na pantawag sa amin,
upang kami'y bahaginan mo ng iyong karangalan.
9 Ang mga tapat na anak ng mabuting bayang ito ay lihim na naghahandog.
Nagkaisa silang sumunod sa mga utos ng Diyos at magsama sa hirap at ginhawa.
Noon pa'y inaawit na nila ang matatandang awit na ito ng papuri.
10 Samantala, ang panaghoy ng kanilang mga kaaway ay abot sa buong paligid,
dahil sa pagkamatay ng kanilang mga anak.
11 Iisa ang parusang iginawad sa alipin at sa panginoon.
Iisa ang kapalarang sinapit ng hari at ng karaniwang tao.
12 Pare-pareho silang namatayan.
Hindi mabilang ang mga bangkay na iisa ang ikinamatay.
Kakaunti ang natira sa kanila,
at hindi nila kayang ilibing ang napakaraming patay.
Sa isang kisap-mata, ang pinakamamahal nilang mga anak ay namatay na lahat.
13 Noong una'y wala silang pinaniniwalaan liban sa kapangyarihan ng kanilang salamangka.
Ngunit nang mamatay ang kanilang mga panganay, naniwala rin silang ikaw, O Diyos, ang ama ng bayang Israel.
14 Payapa at tahimik ang lahat,
nangangalahati na ang gabi,
15 walang anu-ano'y bumabâ ang makapangyarihan mong mga salita,
mula sa iyong maharlikang trono sa langit,
pumagitna sa lupaing iyon na itinalaga mong wasakin
gaya ng mabagsik na mandirigma.
16 Taglay niya ang matalim na tabak ng iyong mga utos.
Tumayo siya, ang ulo niya'y abot sa langit,
at pinalaganap ang kamatayan sa buong lupain.
17 Walang anu-ano, nakakita sila ng nakakatakot na mga mukha,
at sila'y pinagharian ng takot.
18 Kabi-kabila ay may nabubuwal na naghihingalo.
Bawat isa'y nagsasabi kung bakit siya namamatay.
19 Ipinagpauna ito sa kanila sa pamamagitan ng isang nakakatakot na panaginip,
upang bago sila mamatay ay malaman nila ang dahilan.
Iniligtas ang mga Israelita
20 Ang(AG) mga matuwid man ay nakaranas din ng kamatayan sa kanilang paglalakbay sa ilang,
ngunit hindi iyon nagtagal at tumigil.
21 Isang taong walang kasalanan ang nagligtas sa kanila noon.
Ginawa niya ang nararapat niyang gawin bilang pari.
Nanalangin siya at nagsunog ng insenso.
Nanindigan siya sa harap ng iyong poot.
Ipinakilala niyang siya ay iyong lingkod.
22 Nagtagumpay siya sa poot na iyon,[i]
hindi sa pamamagitan ng lakas
kundi sa pamamagitan ng panalangin,
at pagbanggit sa iyong mga pangako sa kanilang mga ninuno.
23 Nang nakabunton na ang mga patay, namagitan na siya,
at napigil niya ang galit ng Diyos,
at tumigil ang salot.
24 Sa mahaba niyang balabal ay nakalarawan ang buong daigdig.
Ang alaala ng kanilang mga ninuno ay nakaukit sa apat na hilera ng mamahaling bato,
at ang iyong karangalan ay nasa korona sa kanyang ulo.
25 Dahil sa mga ito, napahinuhod ang Anghel ng Kamatayan.[j]
At ang karanasang iyon ay sapat na upang matakot ang bayan mo.
Hindi na kailangang danasin nila ang buong bigat ng galit mo.
Ang Pagkamatay ng mga Taga-Egipto
19 Ngunit ang mga taong di kumikilala sa iyo ay walang awa mong inuusig hanggang wakas,
pagkat alam mo ang gagawin nila bago pa ito mangyari.
2 Pinayagan nga nilang umalis ang iyong bayan,
ngunit pagkatapos ay hinabol din nila.
3 Nagluluksa pa sila sa libingan ng kanilang mga mahal sa buhay,
ay may iniisip na naman silang kasamaan.
Hinabol nilang parang mga takas na bilanggo
ang mga taong pinakiusapan nilang umalis.
4 Ang kasawiang nakatalaga sa kanila ang nagtulak sa kanila na iyon ay gawin.
Nalimutan nila ang nangyari
kaya nalubos ang parusa sa kanila.
5 Sa gayon, nakapagpatuloy ang bayan mo sa kanilang paglalakbay,
samantalang ang mga kaaway nila ay inabot ng kamatayang walang katulad.
Pinapatnubayan at Kinakalinga ng Diyos ang Kanyang mga Anak
6 Ang sangnilikha ay dumanas ng pagbabago
upang masunod ang iyong kalooban,
at mailigtas ang iyong bayan.
7 Ang ulap ay lumukob sa kanilang kampamento,
ang tubig ay nahawi at lumitaw ang tuyong lupa,
isang malinis na landas sa gitna ng Dagat na Pula,
at luntiang kapatagan mula sa naglalakihang mga alon.
8 Ang bayan mo ay nakatawid na lahat, sa ilalim ng iyong pagkalinga,
matapos masdan ang iyong kamangha-manghang gawa.
9 Tulad nila'y mga kabayo sa sariwang pastulan,
parang mga tupang naglulundagan sa tuwa sa pagpupuri sa iyo,
O Panginoon, sapagkat iniligtas mo sila.
10 Inaalaala nila ang mga pangyayari
noong sila'y mga alipin pa sa lupaing inalisan nila;
sa halip na mga baka, ang lumitaw sa lupa ay mga kuto,
at sa halip na isda, ang ilog ay napuno ng palaka.
11 Pagkatapos, nakita nilang lumitaw ang ibang uri ng ibon.
Nang humingi sila ng masarap na pagkain
12 ay lumitaw mula sa dagat ang makapal na bilang ng mga pugo.
Ang Parusa sa mga Taga-Egipto
13 Ngunit ang masasama ay binabalaan ng darating na parusa.
Nararapat lang parusahan sila dahil sa kasamaan nila.
Labis ang pagkapoot nila sa mga nakikipamayan sa kanila.
14 May mga bayang tumangging magpatuloy sa mga taga-ibang bayan,
ngunit ang mga ito ay higit na masama.
Inalipin nila ang mga panauhing tumulong sa kanila.
15 Hindi lamang iyon, daranas pa sila ng ibang uri ng parusa,
dahil sa masama nilang pagtanggap sa mga taga-ibang bayan.
16 Matapos ipagpista ang pagdating ng mga dayuhan, at ituring na kanilang kapantay,
sa bandang huli, ang mga ito'y pinahirapan at inalipin.
17 Silang lahat ay nabulag, tulad ng mga nasa pintuan ni Lot.
Nangapa ng kanilang dadaanan matapos pagdimlan ng paligid.
Ang Mahimalang Kapangyarihan ng Diyos
18 Ang mga bagay-bagay ay nagpapalit-palit lang.
Tulad ng lira, nababago ang kalagayan ng himig kahit hindi binabago ang nota.
Ito'y maliwanag na makikita sa mga pangyayari.
19 Ang mga nilalang sa katihan ay nagagawang mga nilalang sa tubigan,
at ang mga nasa tubigan ay umaahon sa katihan.
20 Hindi nababago ang lakas ng apoy kahit nasa tubig,
at ang likas na kapangyarihan ng tubig sa pagpatay ng apoy ay nawala.
21 Ang ningas ay hindi makasunog,
kahit ng mga nilalang na madaling masunog.
Ni hindi rin makatunaw ng mga pagkaing madaling matunaw.
22 Sa lahat ng bagay, Panginoon, niloob mong padakilain ang iyong bayan.
Hindi mo sila pinabayaan saan mang dako sa lahat ng panahon.
Papuri sa Karunungan
1 Mula(AH) sa Panginoon ang lahat ng karunungan,
at iyon ay taglay niya magpakailanman.
2 Sino ang makakabilang ng buhangin sa dagat, o ng patak ng ulan, o ng mga araw,
o sa panahong walang pasimula at walang katapusan?
3 Sino ang makakasukat sa taas ng langit, o sa lawak ng lupa?
Sino ang makakaarok sa karagatan at sino ang makakasaliksik sa Karunungan?
4-5 Bago pa likhain ang alinmang nilalang, nalikha na ang Karunungan,
at ang tunay na pagkaunawa, bago pa nagsimula ang mga panahon.[k]
6-7 Kanino ipinahayag ang simula ng Karunungan,
at sinong nakakaalam ng kanyang pamamaraan?[l]
8 Iisa lamang ang talagang marunong;
dapat tayong gumalang na may paghanga sa harap ng kanyang luklukan.
9 Ang(AI) Panginoon ang lumikha ng Karunungan,
kinilala niya ang kahalagahan nito
at ibinuhos niya ito sa lahat ng kanyang nilalang.
10 Binahaginan niya ng Karunungan ang lahat ng tao,
ngunit higit na masagana ang kaloob niya sa mga umiibig sa kanya.[m]
11 Kung may paggalang ka sa Panginoon, magkakamit ka ng karangalan at kasiyahan,
mapuputungan ka ng tuwa at kagalakan.
12 Ang magparangal sa Panginoon ay nagdudulot ng kaligayahan at tuwa,
nagkakaloob ng buhay na mahaba at maligaya.[n]
13 Ang may paggalang sa Panginoon ay sasagana sa bandang huli;
pagpapalain siya sa oras ng kamatayan.
14 Ang paggalang sa Panginoon ay simula ng tunay na Karunungan;
sa sinapupunan pa ng ina'y kasama na siya ng mga tapat.
15 Nanirahan siya[o] sa gitna ng mga tao mula pa noong una
at magtitiwala sa kanya ang mga susunod na salinlahi.
16 Ang may paggalang sa Panginoon ay siyang nagkakamit ng pinakamataas na Karunungan;
mag-uumapaw sa kanila ang kanyang masaganang bunga,
17 pinasasagana(AJ) niya sa mabubuting bagay ang kanilang tahanan,
pinupuno niya ng masaganang ani ang kanilang[p] mga kamalig.
18 Ang paggalang sa Panginoon ay magandang bulaklak ng Karunungan,
na nagdudulot ng kapayapaan at kalusugan.[q]
19 Namamahagi siya ng kaalaman at ganap na pagkaunawa;
ang nagpapahalaga sa kanya ay kanyang pinaparangalan at pinagiging tanyag.
20-21 Ang(AK) paggalang sa Panginoon ay siyang ugat ng Karunungan,
at ang mga sanga naman nito ay mahabang buhay.[r]
Pagtitimpi sa Sarili
22 Ang marahas na galit ay laging walang katuwiran;
mapapahamak ang tao sa sandaling padala siya sa kanyang galit.
23 Maghintay ka at magtimpi,
at sa huli ay hindi mo ito pagsisisihan.
24 Huwag kang magsalita hanggang hindi napapanahon;
pagkatapos, igagalang ng lahat ang iyong katalinuhan.
Ang Karunungan at ang Paggalang sa Diyos
25 Ang Karunungan ay may magagandang aral na iniingatan,
ngunit ang makasalanan ay nasusuklam sa kabanalan.
26 Sundin mo ang Kautusan, kung nais mo ng Karunungan;
ito'y masaganang ipagkakaloob sa iyo ng Panginoon.
27 Ang paggalang sa Panginoon ay karunungan at kaalaman;
nalulugod siya sa matapat at mababang-loob.
28 Huwag mong itatakwil ang paggalang sa Panginoon;
huwag kang dudulog sa kanya nang di tapat sa loob.
29 Pag-ingatan mo ang iyong pananalita,
at huwag kang magkukunwari sa paningin ng mga tao.
30 Huwag kang magmamataas,
baka ka bumagsak at sukdulang mapahiya.
Ihahayag ng Panginoon ang iyong mga lihim,
at hihiyain ka niya sa harap ng madla,
sapagkat dumulog ka sa kanya nang walang paggalang,
at ang puso mo'y puno ng pandaraya.
Katapatan sa Diyos
2 Anak, kung nais mong maglingkod sa Panginoon,
humanda ka sa mga pagsubok.
2 Maging tapat ka at magpakatatag,
huwag kang masisiraan ng loob sa panahon ng kasawian.
3 Manalig ka sa Panginoon at huwag kang lalayo sa kanya,
upang ikaw ay parangalan sa katapusan ng iyong buhay.
4 Tanggapin ang anumang ipagkaloob niya sa iyo,
tiisin mo ang kabiguan kahit ano ang mangyari.
5 Kung(AL) ang ginto ay dinadalisay sa apoy,
ang banal ay sinusubok ng Panginoon sa apoy ng paghamak.[s]
6 Magtiwala ka at tutulungan ka niya,
mamuhay ka sa katuwiran at umasa sa kanya.
7 Kayong may paggalang sa Panginoon, maghintay kayo ng kanyang habag;
huwag kayong lalayo sa kanya nang hindi kayo mapahamak.
8 Kayong may paggalang sa Panginoon, magtiwala kayo sa kanya,
at siguradong tatanggap kayo ng gantimpala.
9 Kayong lahat na may paggalang sa Panginoon, umasa kayo sa kanyang pagpapala.
Asahan ninyo ang kanyang pagkahabag at kagalakang walang hanggan.[t]
10 Tingnan ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno:
May nagtiwala ba sa Panginoon at nabigo?
May nanatili bang naglilingkod sa kanya na kanyang pinabayaan?
May tumawag ba sa kanya na hindi niya dininig?
11 Sapagkat maawain at mapagpatawad ang Panginoon,
pinatatawad niya tayo sa ating kasalanan at inililigtas sa kagipitan.
Footnotes
- 11 ubasan: o kaya'y kanayunan .
- 7 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan .
- 9 sapagkat…mga hinirang: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na at kanyang iniingatan ang sarili niyang bayan (tingnan ang 4:15).
- 10 katuwiran: o kaya'y mga taong makatuwiran .
- 20 inisa-isa: o kaya'y hinatulan .
- 10 bagay na banal: o kaya'y anghel .
- 20 maunawain: Sa ibang manuskrito'y mapanalanginin .
- 2 Sila'y…pakikipag-away: o kaya'y Sila'y pinakiusapang umalis na .
- 22 sa poot na iyon: Sa ibang manuskrito'y malaking pulutong ng mga tao .
- 25 Anghel ng Kamatayan: Sa literal ay Mamumuksa .
- 4-5 Bago pa…panahon: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ang Karunungan ay nagmula sa salita ng Diyos sa kataas-taasang langit, at ang kanyang mga aral ay batas na walang hanggan .
- 6-7 at sinong…pamamaraan: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Kanino ipinagkaloob ang makakilala sa Karunungan, at sinong nakakaunawa ng kanyang masaganang mga karanasan?
- 10 Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ang pag-ibig ng Panginoon ay maningning na karunungan na ibinabahagi niya sa mga taong kanyang pinagpapakitaan, upang siya'y mahayag sa kanila .
- 12 Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ang pagpaparangal sa Panginoon ay kaloob buhat sa kanya at alang-alang sa pag-ibig, matitibay na landas ang kanyang ginagawa .
- 15 Nanirahan siya: Ganito ang nasa tekstong Hebreo. Sa tekstong Griego'y Gumawa siya ng pugad at doo'y nanirahan .
- 17 kanilang…kanilang: Sa ibang manuskrito'y kanyang…kanyang .
- 18 Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ang mga ito'y parehong kaloob ng Diyos alang-alang sa kapayapaan; ang kaluwalhatian ay tinatamo ng mga umiibig sa kanya. Nakita siya ng Diyos at ginawang sukatan .
- 20-21 at ang mga…buhay: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ang pagpaparangal sa Panginoon ay nakakapawi ng kasalanan; lumalayo ang galit ng Panginoon sa mga taong may paggalang sa kanya .
- 5 Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Sa karamdaman at karalitaan, magtiwala ka sa kanya .
- 9 Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Pagkat ang kanyang gantimpala ay isang walang hanggang kaloob na may kalakip na kagalakan .