Add parallel Print Page Options

Mga Handog para sa Santuwaryo(A)

25 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na maghandog sila ng kaloob sa akin at tanggapin mo ang mga buong pusong inihandog nila. Ito ang kanilang ihahandog: ginto, pilak, tanso; lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula; mga pinong telang lino at hinabing balahibo ng kambing; balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, mainam na balat, at kahoy na akasya; langis para sa ilawan at pabangong panghalo para sa langis na pampahid at para sa insenso. Maghahandog din sila ng mga alahas na kornalina at mga mamahaling alahas na pampalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari. Ipagpagawa mo ako ng santuwaryo na titirhan kong kasama nila. Ang santuwaryo at ang lahat ng kagamitang ilalagay roon ay gagawin mo ayon sa planong ibibigay ko sa iyo.

Ang Kaban ng Tipan(B)

10 “Gumawa kayo ng isang kaban na yari sa akasya: 1.1 metro ang haba, 0.7 metro ang luwang, at 0.7 metro ang taas. 11 Balutin ninyo ito ng lantay na ginto sa loob at labas, ang mga labi naman ay lagyan ninyo ng muldurang ginto. 12 Gagawa rin kayo ng apat na argolyang ginto na ikakabit sa apat na paa ng kaban, tigalawa sa magkabila. 13 Gumawa rin kayo ng kahoy na pampasan na yari sa akasya, babalutin din ito ng ginto 14 at isuot ninyo ang mga ito sa mga argolya sa magkabilang gilid ng kaban upang maging pasanan nito. 15 Huwag ninyong aalisin sa argolya ang mga pasanan. 16 Ang dalawang tapyas na bato ng kasunduang ibibigay ko sa iyo ay ilalagay mo sa kaban.

17 “Gumawa(C) ka ng Luklukan ng Awa na yari sa purong ginto. Ang haba nito'y 1.1 metro, at 0.7 metro naman ang luwang. 18 Lalagyan mo ng dalawang kerubing ginto ang dalawang dulo nito, 19 tig-isa sa magkabilang dulo. Ihihinang ang mga kerubin upang ito at ang Luklukan ng Awa ay maging iisang piraso. 20 Gawin mong magkaharap ang dalawang kerubin na parehong nakatungo, at nakabuka ang mga pakpak na nilulukuban ang Luklukan ng Awa. 21 Ilalagay mo ito sa ibabaw ng kaban na kinalalagyan ng dalawang tapyas na bato ng kautusang ibibigay ko sa iyo. 22 Doon tayo magtatagpo sa Luklukan ng Awa, sa pagitan ng dalawang kerubin; doon ko ibibigay sa iyo ang kautusan ko sa mga Israelita.

Ang Mesa ng Tinapay na Handog sa Diyos(D)

23 “Gagawa ka rin ng isang mesang yari sa akasya na 0.9 metro ang haba, 0.5 metro ang lapad, at 0.7 metro ang taas. 24 Balutan mo ito ng purong ginto at paligiran mo ng muldurang ginto. 25 Lagyan mo ang gilid nito ng sinepa na singlapad ng isang palad at paligiran din ng muldurang ginto. 26 Gumawa ka ng apat na argolyang ginto at ikabit mo sa apat na sulok, sa may tapat ng paa nito. 27 Ang mga argolyang pagkakabitan ng mga kahoy na pampasan ay malapit sa sinepa. 28 Gumawa rin kayo ng pampasan na yari sa akasya at babalutin din ito ng ginto. 29 Gumawa rin kayo ng mga kagamitang ginto: plato, tasa, banga at mangkok para sa mga handog na inumin. 30 Ang(E) mga tinapay na handog ninyo sa akin ay ilalagay ninyo sa mesa sa harapan ko.

Ang Lalagyan ng Ilaw(F)

31 “Gumawa kayo ng ilawang yari sa purong ginto. Ang patungan at tagdan nito'y yari sa pinitpit na purong ginto. Ang mga palamuti nitong bulaklak, ang buko at mga talulot ay parang iisang piraso. 32 Lalagyan mo ito ng anim na sanga, tatlo sa magkabila. 33 Bawat sanga'y lagyan mo ng tatlong magagandang bulaklak na parang almendra, may usbong at may talulot. 34 Ang tangkay naman ay lagyan mo rin ng apat na bulaklak na tulad ng nasa sanga. 35 Lalagyan mo ng usbong sa ilalim ng mga sanga, isa sa ilalim ng bawat dalawang sanga. 36 Ang mga usbong, mga sanga, at ang tagdan ng ilawan ay gagawin ninyong isang piraso na gawa sa purong ginto. 37 Gagawa kayo ng pitong ilaw para sa mga patungang ito. Iayos ninyo ito upang ang liwanag nito'y nasa harap ng ilawan. 38 Ang pang-ipit ng mitsa at ang patungan ay dalisay na ginto rin. 39 Sa lahat ng ito ay 35 kilong purong ginto ang gagamitin ninyo. 40 Sundin(G) mong mabuti ang planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.

Ang Tabernakulo ng Diyos(H)

26 “Para sa tabernakulo, gumawa ka ng sampung pirasong tela na yari sa telang lino na ihinabi sa lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula. Ito'y dapat burdahan ng larawan ng kerubin. Ang haba ng bawat piraso ay 13 metro at dalawang metro naman ang lapad. Pagkakabit-kabitin ninyo ito ng tiglilima. Ang tig-isang gilid nito'y lagyan ninyo ng silo na yari sa taling asul. Tiglilimampung silo ang ilagay ninyo sa bawat piraso. Gumawa ka ng limampung kawit na ginto at ang mga ito ang gagamitin ninyo para pagkabitin ang dalawang piraso.

“Gumawa ka rin ng labing-isang pirasong kurtina na gawa sa balahibo ng kambing na siyang gagawing takip sa ibabaw ng tabernakulo. Bawat isa nito'y 13 metro ang haba at 2 metro naman ang lapad. Pagkabit-kabitin ninyo ang limang piraso at gayundin ang gawin sa anim na natitira. Ang ikaanim ay ilulupi at siyang ilalagay sa harap ng tolda. 10 Bawat piraso ay palagyan mo ng tiglilimampung silo ang gilid. 11 Gumawa ka ng limampung kawit na tanso at isuot mo sa mga silo para pagkabitin ang dalawang piraso upang maging isa lamang. 12 Ang kalahating bahagi ng tabing ay ilaladlad sa likuran upang maging takip. 13 Ang tig-kalahating metrong sobra sa mga tabi ay siyang takip sa gilid. 14 Ito ay lalagyan pa ng dalawang patong ng pulang balat: ang ilalim ay balat ng tupang lalaki at ang ibabaw ay balat na mainam.

15 “Ang tabernakulo'y igawa mo ng mga patayong haligi na gawa sa akasya; 16 bawat haligi ay 4 na metro ang haba at 0.7 metro naman ang lapad. 17 Bawat haligi ay lagyan mo ng tigalawang mitsa para sa pagdurugtong. 18 Sa gawing timog, dalawampung haligi ang ilagay mo 19 at ikabit sa apatnapung patungang pilak, dalawang patungan sa bawat haligi. 20 Dalawampung haligi rin ang gawin mo para sa gawing hilaga 21 at apatnapung patungan, dalawa rin sa bawat haligi. 22 Sa likod naman, sa gawing kanluran ay anim na haligi ang ilagay mo 23 at dalawa para sa mga sulok. 24 Ang mga haliging panulok ay pagkabitin mo mula sa ibaba hanggang sa may argolya sa itaas. 25 Kaya, walong lahat ang haligi sa likuran at labing-anim naman ang patungan.

26 “Gagawa ka rin ng pahalang na haligi na yari sa akasya, lima sa isang tabi, 27 lima sa kabila, at lima sa likod, sa gawing kanluran. 28 Ang mga pahalang na haliging panggitna ay abot sa magkabilang dulo ng dingding. 29 Ang mga patayong haligi ay balutin mo ng ginto at kabitan ng mga argolyang ginto na pagsusuutan ng mga pahalang na haligi na binalot din ng ginto. 30 Gawin mo ang tabernakulo ayon sa planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.

31 “Gumawa ka ng kurtinang yari sa puting lino at lanang asul, kulay ube at kulay pula. Burdahan mo ito ng larawan ng kerubin. 32 Isabit mo ito sa mga kawit na ginto na nakakabit sa apat na haliging akasya na binalot din ng ginto at nakatindig sa apat na patungang pilak. 33 Isabit(I) mo ang tabing na ito sa tapat ng kawit sa bubong ng tabernakulo at ilagay sa likod ng tabing ang Kaban ng Tipan. Ang tabing na ito ang siyang maghihiwalay sa Dakong Banal at sa Dakong Kabanal-banalan. 34 Ang Luklukan ng Awa ay ilagay mo sa ibabaw ng Kaban ng Tipan na nasa Dakong Kabanal-banalan. 35 Ang mesa ay ilagay mo sa labas ng kurtina, sa gawing hilaga ng Dakong Banal at sa gawing timog naman ang patungan ng ilaw.

36 “Ang pintuan ng tabernakulo'y lagyan mo ng kurtinang iba't ibang kulay na hinabi sa lanang asul, kulay ube at kulay pula, at telang lino. Ito'y buburdahan nang maganda. 37 Gumawa ka ng limang posteng akasya para sa tabing. Balutin mo ito ng ginto, kabitan ng argolyang ginto at itayo sa limang tuntungang tanso.

Ang Altar(J)

27 “Gumawa ka ng isang altar na yari sa punong akasya; 2.2 metro ang haba, ganoon din ang lapad, at ang taas ay 1.3 metro. Ang apat na sulok niyon ay lagyan mo ng tulis na parang sungay. Gawin mo itong kaisang piraso ng altar at balutin mo ng tanso. Gumawa ka rin ng mga kagamitang tanso para sa altar: lalagyan ng abo ng sinunog na taba, ng pala, palanggana, malaking tinidor at lalagyan ng apoy. Gumawa ka rin ng parilyang tanso, at ang bawat sulok nito ay kabitan mo ng isang argolyang tanso na siyang bitbitan, at ikabit mo ang parilya sa ilalim ng tuntungan ng altar. Gumawa rin kayo ng pampasan na yari sa punong akasya at babalutin din ng tanso. Isuot mo ang mga ito sa mga argolya ng altar kung ito'y kailangang buhatin. Kaya nga't ang altar na gagawin mo ay may guwang sa gitna, ayon sa planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.

Ang Bulwagan ng Tabernakulo(K)

“Ang tabernakulo'y igawa mo ng bulwagang tatabingan ng mamahaling lino sa paligid. Sa gawing timog ay 45 metro ang haba ng tabing 10 na isasabit sa dalawampung posteng tanso na nakatindig sa dalawampung patungang tanso. Pilak naman ang mga kawit ng poste, gayon din ang mga baras na sabitan. 11 Ang ilalagay sa gawing hilaga ay tulad din ng nasa gawing timog; 45 metro ang haba ng mga tabing na nakasabit sa dalawampung posteng tanso na nakatindig sa dalawampung patungang tanso. Pilak naman ang mga kawit ng poste, gayon din ang baras. 12 Sa gawing kanluran naman, 22 metro ang haba ng tabing na isasabit sa sampung posteng nakatindig sa sampung patungan. 13 Ang luwang ng harapan sa gawing silangan ay 22 metro rin. 14 Ang isang tabi ng pintuan nito'y lalagyan ng kurtinang may habang 6.6 na metro, na nakasabit sa tatlong posteng nakapatong sa tatlong tuntungan. 15 Ganoon din sa kabilang gilid, 6.6 na metro ang haba ng kurtinang nakasabit sa tatlong posteng may kanya-kanyang tuntungan. 16 Ang kurtina naman sa mismong pinto ay 9 na metro ang haba, yari sa kulay asul, kulay ube at pulang lana, pinong lino na maganda ang burda. Isasabit ito sa apat na posteng nakatuntong sa apat na patungan. 17 Lahat ng poste sa bulwagan ay pagkakabitin ng baras na pilak; pilak din ang mga kawit ngunit tanso ang mga tuntungan. 18 Ang haba ng bulwagan ay 45 metro at 22 metro naman ang luwang. Ang mga tabing na pawang yari sa mamahaling lino ay 2.2 metro ang taas; ang mga patungan ay pawang tanso. 19 Lahat ng kagamitan sa tabernakulo, pati mga tulos ay panay tanso.

Ang Pangangalaga sa Ilawan(L)

20 “Pagdalhin mo ang mga Israelita ng pinakamainam na langis ng olibo para sa mga ilaw upang ito'y manatiling nagniningas. 21 Aalagaan ito ni Aaron at ng kanyang mga anak sa Toldang Tipanan. Ito'y ilalagay sa labas ng tabing, sa tapat ng Kaban ng Tipan. Hindi nila ito pababayaang mamatay mula hapon hanggang umaga at habang panahong gagawin ito ng mga Israelita at ng kanilang buong lahi.

Ang Kasuotan ng mga Pari(M)

28 “Ipatawag mo ang kapatid mong si Aaron at ang mga anak niyang sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Ibukod mo sila sa karamihan ng mga Israelita upang maglingkod sa akin bilang mga pari. Ipagpagawa mo ang kapatid mong si Aaron ng maganda at marangal na kasuotang nararapat sa kanyang banal na gawain. Ang mga kasuotang ito ay ipagawa mo sa mga taong binigyan ko ng kahusayan sa paggawa nito. Kailangan ito ni Aaron sa paglilingkod sa akin bilang pari. Ito ang kasuotang ipapagawa mo: pektoral, efod, abito, mahabang panloob na kasuotan, turbante at pamigkis. Ipagpagawa mo ng sagradong kasuotan si Aaron at ang mga anak niyang lalaki upang magamit nila sa paglilingkod sa akin bilang mga pari. Ang mga kasuotang ipapagawa mo ay gagamitan ng ginto, lanang asul, murado at pula, at pinong sinulid na lino.

Ang Efod

“Ang efod ay gagawin nilang yari sa ginto, lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula, at hinabing telang lino at buburdahan nang maganda. Palagyan mo ito ng dalawang tali sa balikat na siyang magdudugtong sa harap at likod. Kabitan ito ng pamigkis na yari din sa ginto, lanang asul, kulay ube at pula, at hinabing telang lino.

“Kumuha ka ng dalawang batong kornalina at ipaukit mo roon ang pangalan ng labindalawang anak na lalaki ni Israel, 10 tig-anim sa bawat bato ayon sa pagkakasunod ng kanilang kapanganakan. 11 Ipagawa mo ito sa mahusay na platero at ipakabit mo ito sa lalagyang ginto. 12 Ikakabit ito sa tali sa balikat ng efod bilang tagapagpaalala sa labindalawang anak na lalaki ni Israel. Sa ganitong paraan, dadalhin ni Aaron sa kanyang mga balikat ang mga pangalan ng labindalawang lipi ni Israel upang sila'y maalala ni Yahweh.

13 “Magpapagawa ka rin ng dalawa pang patungang ginto, 14 at dalawang nilubid na ginto na ikakabit mo sa dalawang patungan.

Ang Pektoral(N)

15 “Gumawa ka rin ng pektoral na gagamitin ng pinakapunong pari sa pag-alam ng kalooban ni Yahweh. Buburdahan ito nang maganda, tulad ng sa efod. Ang gagamitin dito'y ginto, lanang kulay asul, kulay ube at pula, at telang lino. 16 Gawin mo itong parisukat at magkataklob: 0.2 metro ang haba, at ganoon din ang lapad. 17 Lagyan ito ng apat na hilera ng mga mamahaling bato. Sa unang hilera ay rubi, topaz at karbungko. 18 Sa ikalawang hilera naman ay esmeralda, safiro at brilyante. 19 Sa ikatlong hilera ay jacinto, agata at ametista. 20 At sa ikaapat na hilera ay berilo, kornalina at jasper. Ang mga ito'y ikakabit sa patungang ginto. 21 Labindalawa lahat ang batong gagamitin upang kumatawan sa labindalawang anak ni Israel. Tulad ng isang pantatak, sa bawat bato'y nakaukit nang maganda ang pangalan ng bawat anak na lalaki ni Israel. 22 Gumawa ka ng dalawang maliliit na lubid na ginto at ikabit mo sa pektoral. 23 Kabitan mo ito ng dalawang argolyang ginto sa mga sulok sa itaas, 24 at dito itatali ang dalawang lubid na ginto. 25 Ang kabilang dulo ng mga ito ay ikakabit naman sa dalawang patungang ginto na nasa tali sa balikat ng efod, sa gawing harapan. 26 Kabitan mo rin ng tig-isang argolyang ginto sa magkabilang sulok sa ibaba, sa bandang loob, malapit sa efod. 27 Gumawa ka ng dalawa pang argolyang ginto, ikabit mo ito sa tali sa balikat ng efod, sa harapan, sa tabi ng dugtungan, sa gawing itaas ng pamigkis. 28 Ang argolya ng pektoral at ang argolya ng efod ay pagkakabitin ng lubid na asul para huwag magkahiwalay.

29 “Kaya, pagpasok ni Aaron sa Dakong Banal na suot ang pektoral, dala niya, sa tapat ng kanyang puso, ang pangalan ng mga lipi ng Israel upang sila'y maalala ni Yahweh. 30 Ilalagay(O) naman sa pektoral ang Urim at Tumim upang ito'y nasa tapat din ng puso ni Aaron pagharap niya kay Yahweh. Tuwing siya'y haharap kay Yahweh, dala niya sa tapat ng kanyang puso ang kagamitan sa pag-alam ng kalooban ko para sa Israel.

Ang Iba pang Kasuotan ng Pari(P)

31 “Gumawa rin kayo ng damit na ilalagay sa ilalim ng efod. Ito'y yari sa telang kulay asul. 32 Lalagyan ito ng butas sa suotan ng ulo at lalagyan ng tupi ang paligid ng butas tulad ng karaniwang baro, upang hindi matastas. 33 Gagawa(Q) ka ng palawit na parang bunga ng punong granada na yari sa lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula, at ikakabit mo sa laylayan. Pagkatapos, lagyan mo ng kampanilyang ginto ang pagitan ng mga palawit. 34 Ang magiging ayos nito ay isang hanay ng magkasalit na kampanilya at palawit sa buong laylayan. 35 Ito'y isusuot ni Aaron tuwing gaganap ng tungkulin bilang pari upang marinig ang tunog ng kampanilya tuwing siya'y papasok at lalabas sa Dakong Banal ni Yahweh. Sa gayon, hindi siya mamamatay.

36 “Gumawa ka rin ng isang palamuting ginto na may nakaukit na ganito: ‘Inilaan kay Yahweh.’ 37 Itali mo ito ng asul na lubid sa turbante, 38 sa tapat ng noo ni Aaron; siya ang magdadala ng anumang pagkukulang ng mga Israelita sa kanilang paghahandog kay Yahweh. Sa gayo'y magiging kalugud-lugod sa kanya ang kanilang mga handog.

39 “Ipagpagawa mo si Aaron ng mahabang panloob na kasuotan at turbanteng yari sa telang lino at pamigkis na buburdahan nang maganda.

40 “Ang mga anak naman ni Aaron ay ipagpapagawa mo ng mahabang panloob na kasuotan, pamigkis at karaniwang turbante upang sila'y maging kagalang-galang at maayos tingnan. 41 Ipasuot mo ito sa kapatid mong si Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki. Buhusan mo sila ng langis, italaga at ilaan sa paglilingkod sa akin bilang mga pari. 42 Ipagpapagawa mo rin sila ng linong salawal na hanggang hita para hindi makita ang kanilang kahubaran. 43 Si Aaron at ang mga anak niyang lalaki ay magsusuot nito pagpunta sa Toldang Tipanan o paglapit sa altar sa Dakong Banal para hindi magkasala at nang hindi sila mamatay. Mananatili itong tuntunin para kay Aaron at sa kanyang salinlahi.

Hinirang sa Pagkapari sina Aaron(R)

29 “Ganito ang gagawin mo sa paglalagay kay Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki sa tungkulin bilang mga pari: Kumuha ka ng isang batang toro at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. Kumuha ka rin ng tinapay na walang pampaalsa, bibingkang walang pampaalsa at minasa sa langis, at manipis na tinapay na wala ring pampaalsa at pinahiran ng langis. Lahat ng ito'y kailangang yari sa pinakamainam na harinang trigo. Ilagay mo ito sa isang basket at ihandog sa akin, kasama ng batang toro at ng dalawang lalaking tupa.

“Isama mo si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki sa pintuan ng Toldang Tipanan at maligo sila roon. Isuot mo sa kanya ang mahabang panloob na kasuotan, ang damit bago ang efod, ang efod at ang pektoral, saka itali ang pamigkis ng efod. Isuot mo kay Aaron ang turbante at ikabit rito ang koronang kinasusulatan ng katagang “Inilaan kay Yahweh”. Bilang pagtatalaga, kunin mo ang langis na pantalaga at buhusan mo ang kanyang ulo.

“Pagkatapos ni Aaron, ang kanyang mga anak naman ang iyong itatalaga. Isuot mo sa kanila ang mahabang panloob na kasuotan, itali ang mga pamigkis sa kanilang baywang, at ilagay ang turbante sa kanilang mga ulo. Sa gayon, magiging pari sila sa bisa ng aking utos. Ganyan ang gagawin mo sa pagtatalaga kay Aaron at sa kanyang mga anak.

10 “Dalhin mo sa harap ng Toldang Tipanan ang batang toro. Ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng torong ito. 11 Papatayin mo ang batang toro sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 12 Kumuha ka ng kaunting dugo nito at sa pamamagitan ng iyong daliri, pahiran mo ng dugo ang mga sungay ng altar. Ang matitirang dugo ay ibuhos mo sa paanan ng altar. 13 Pagkatapos, kunin mo ang taba ng mga laman-loob, ang taba ng atay at ang dalawang bato kasama ng taba nito, at sunugin mo sa altar bilang handog. 14 Ang balat, ang karne at ang dumi ay susunugin sa labas ng kampo sapagkat ito'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan.

15 “Kunin mo ang isa sa dalawang lalaking tupa at ipatong sa ulo nito ang kamay ni Aaron at ng kanyang mga anak. 16 Patayin mo ang tupa, kumuha ka ng kaunting dugo at iwisik mo sa mga gilid ng altar. 17 Pagkatapos, katayin mo ang tupa, hugasan ang mga laman-loob nito pati ang mga paa, at ipatong mo ito sa altar kasama ang ibang bahagi nito at ang ulo. 18 Sunugin(S) mo ang mga ito sa altar upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para kay Yahweh.

19 “Kunin mo ang isa pang tupa at ipapatong din sa ulo nito ang kamay ni Aaron at ng kanyang mga anak. 20 Patayin mo ang tupa at sahurin ang dugo. Pahiran mo nito ang lambi ng kanang tainga ni Aaron at ng kanyang mga anak at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa. Ang dugong matitira ay iwisik mo sa lahat ng gilid ng altar. 21 Kumuha ka ng kaunting dugo sa altar at kaunting langis na pantalaga. Iwisik mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak, pati sa kanilang kasuotan. Sa ganitong paraan, siya at ang kanyang mga anak pati ang kanilang kasuotan ay nakalaan para kay Yahweh.

22 “Kunin mo ang taba ng tupa: ang taba sa buntot, ang tabang nakabalot sa laman-loob, ang taba ng atay, ang dalawang bato kasama ang taba at ang kanang hita. 23 Kumuha ka ng isang tinapay, isang tinapay na hinaluan ng langis, at isang manipis na tinapay. Ang mga tinapay na ito ay walang pampaalsa at nakalagay sa basket na nasa altar ni Yahweh. 24 Lahat ng ito'y pahawakan mo kay Aaron at sa kanyang mga anak upang ialay nila bilang natatanging handog kay Yahweh. 25 Pagkatapos, kunin mo ito sa kanila at sunugin sa altar, sa ibabaw ng handog na sinusunog, upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin.

26 “Kunin mo ang parteng dibdib ng tupang ito, at ialay mo bilang natatanging handog kay Yahweh; ito naman ang bahaging nakalaan para sa iyo.

27 “Iaalay mo bilang natatanging handog ang dibdib at ang hitang para kay Aaron at sa kanyang mga anak. 28 Ito ay magiging tuntuning magpakailanman para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ang mga bahaging nabanggit na para sa kanila ay mula sa handog pangkapayapaan ng mga Israelita.

29 “Pagkamatay ni Aaron, ang sagrado niyang kasuotan ay ibibigay sa kanyang mga anak. Ang kasuotang ito ang gagamitin nila sa panahon na sila ay italaga at buhusan ng langis. 30 Pitong araw na isusuot ito ng sinumang hahalili kay Aaron pagpasok nito upang maglingkod sa Toldang Tipanan.

31 “Kunin mo ang tupang ginamit sa pagtatalaga at ilaga mo ito sa isang sagradong lugar. 32 Ipakain mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak, kasama ng tinapay na nasa basket, doon sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 33 Kakainin nila ang inihandog para sa kapatawaran ng kasalanan nang sila'y italaga. Mga pari lamang ang kakain nito sapagkat ito'y sagrado. 34 Kung hindi maubos ang tupa o ang tinapay, sunugin ito kinaumagahan at huwag kakainin sapagkat ito'y sagrado.

35 “Sundin mong lahat ang iniutos ko sa iyo tungkol sa pagtatalaga kay Aaron at sa kanyang mga anak; pitong araw mo itong gagawin. 36 Araw-araw, maghahandog ka ng isang bakang lalaki para sa pagpapatawad ng kasalanan. Gagawin mo ito upang maalis ang kasalanan sa altar. Pagkatapos, buhusan mo ito ng langis upang maging sagrado. 37 Pitong araw kang maghahandog ukol sa kasalanan at pagtatalaga. Pagkatapos, ito'y ituturing na ganap na sagrado at anumang malagay rito ay magiging sagrado.

Ang Paghahandog Araw-araw(T)

38 “Ganito ang gagawin mong paghahandog sa altar araw-araw: kumuha ka ng dalawang tupang isang taon ang gulang at iyong ihandog, 39 isa sa umaga, isa sa hapon. 40 Ang ihahandog sa umaga ay samahan mo ng kalahating salop na pinakamainam na harinang minasa sa isang litrong langis. Maglagay ka rin ng isang litrong alak bilang handog na inumin. 41 Ang ihahandog naman sa hapon ay samahan mo rin ng handog na pagkaing butil at inumin upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para kay Yahweh. 42 Ang paghahandog na ito'y gagawin ninyo habang panahon. Gaganapin ninyo ito sa harapan ko, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Doon ko kayo tatagpuin. Doon ako makikipag-usap sa inyo. 43 Doon ko nga tatagpuin ang mga Israelita at ang pook na iyon ay pababanalin ng aking kaluwalhatian. 44 Gagawin kong sagrado ang Toldang Tipanan, ganoon din ang altar, at ibubukod ko si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki upang maglingkod sa akin bilang mga pari. 45 Ako'y makakasama nila at ako ang magiging Diyos nila. 46 Makikilala nilang ako si Yahweh, ang Diyos na nagligtas sa kanila sa Egipto. Maninirahan akong kasama nila; ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.

Ang Altar na Sunugan ng Insenso(U)

30 “Gumawa ka ng altar na gawa sa akasya na sunugan ng insenso. Gawin mo itong parisukat: 0.5 metro ang haba, gayundin ang luwang at 0.9 na metro ang taas. Ang apat na sulok nito ay lalagyan mo ng sungay na kaisang piraso ng altar. Balutin mo rin ng purong ginto ang ibabaw, mga gilid, at ang mga sungay nito. Kabitan ito ng argolyang ginto sa magkabilang gilid, at sa ibaba para pagsuutan ng pampasan na yari sa punong akasya at babalutin din ng ginto. Pagkayari, ilagay ito sa labas ng kurtina ng Kaban ng Tipan at ng Luklukan ng Awa. Dito ko kayo tatagpuin. Tuwing umaga na aayusin ni Aaron ang ilawan, magsusunog siya rito ng insenso. Ganoon din ang gagawin niya kung gabi kapag inihahanda niya ang ilawan. Patuloy ninyo itong gagawin sa lahat ng inyong salinlahi. Huwag kayong magsusunog dito ng insensong iba sa iniuutos ko. Huwag din kayong magdadala rito ng handog na susunugin, maging hayop, pagkaing butil o inumin. 10 Minsan isang taon, gaganapin ni Aaron ang seremonya sa pagpapatawad ng kasalanan. Ang apat na tulis ng altar ay papahiran ng dugo ng hayop na handog para sa kasalanan. Gawin ninyo ito habang panahon. Ang altar na ito'y ganap na sagrado at nakalaan kay Yahweh.”

Ang Buwis para sa Templo

11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Pagkuha mo ng sensus ng mga Israelita, bawat isa'y hingan mo ng pantubos sa kanilang buhay. Ihahandog nila ito sa akin para walang kapahamakang umabot sa kanila habang ginagawa ang sensus. 13 Lahat(V) ng mabilang sa sensus ay magbabayad ng kinakailangang timbang ng pilak ayon sa timbangan ng templo (ang kinakailangang timbang ay katumbas ng 6 na gramo), bilang handog sa akin. 14 Lahat ng may dalawampung taon at pataas ay isasama sa sensus. 15 Pareho ang halagang ibabayad na pantubos ng mayayaman at ng mahihirap, walang labis at walang kulang. 16 Lahat ng ibabayad nila ay gagamitin sa mga kailangan sa Toldang Tipanan. Ang halagang ibibigay nila'y pantubos ng kanilang buhay, at sa pamamagitan nito, maaalala ko ang mga Israelita.”

Ang Palangganang Hugasan

17 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 18 “Gumawa(W) ka rin ng palangganang tanso at ng tansong patungan nito. Ilagay mo ito sa pagitan ng altar at ng Toldang Tipanan. Pagkatapos, lagyan mo ito ng tubig. 19 Ito ang gagamitin ni Aaron at ng kanyang mga anak sa paghuhugas ng kanilang paa't kamay. 20 Kailangang sila'y maghugas bago pumasok sa Toldang Tipanan o bago magsunog ng handog sa altar. Kung hindi, sila'y mamamatay. 21 Kailangan ngang maghugas muna sila ng paa't kamay upang hindi sila mamatay. Ito'y tuntuning susundin nila at ng kanilang lahi habang panahon.”

Ang Langis na Pampahid at ang Insenso

22 Sinabi(X) ni Yahweh kay Moises, 23 “Pumili ka ng pinakamainam na pabango: 6 na kilong mira, 3 kilong kanela at 3 kilong mabangong tubó 24 at 6 na kilong kasia ayon sa sukatang gamit sa templo. Pagkatapos, kumuha ka ng 4 na litrong langis ng olibo. 25 Paghalu-haluin mo ito tulad ng ginagawa ng mahuhusay na manggagawa ng pabango at gagamitin mo itong pampahid upang 26 maging sagrado ang Toldang Tipanan at ang Kaban ng Tipan, 27 ganoon din ang mesa at lahat ng kagamitan nito, ang ilawan at mga kasangkapang kaugnay nito at ang altar na sunugan ng insenso. 28 Pahiran mo rin ang altar na sunugan ng mga handog at mga kasangkapan nito, ang palangganang hugasan at ang patungan nito. 29 Ganyan ang gagawin mo sa mga kasangkapang nabanggit upang ang mga ito'y maging ganap na sagrado; magiging sagrado rin ang lahat ng maisagi rito.

30 “Pagkatapos, si Aaron naman at ang kanyang mga anak ang bubuhusan ng langis na ito upang lubos silang maitalaga bilang mga pari. 31 Sabihin mo sa mga Israelita na ang langis na ito'y banal at siya ninyong gagamitin habang panahon. 32 Huwag ninyo itong gagamitin sa karaniwang tao at huwag gagayahin ang paggawa nito. Ito'y banal at dapat igalang. 33 Ititiwalag ang sinumang gumaya nito at ang sinumang gumamit nito sa dayuhan.”

Ang Insenso

34 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Kumuha ka ng magkakasindaming pabango ng estacte, onise, galbano at purong insenso. 35 Paghalu-haluin mo ito at gawing insenso tulad ng ginagawa ng mahusay na manggagawa ng pabangong inasinan, malinis, at banal. 36 Dikdikin mo nang pino ang kaunti nito at ilagay sa harap ng Kaban ng Tipan, sa Toldang Tipanan. Ituring mo itong ganap na sagrado. 37 Huwag ninyong gagayahin ito kung gagawa kayo ng insenso na pansariling gamit. Aariin ninyong ito'y bukod-tangi para kay Yahweh. 38 Ititiwalag ang sinumang gumamit nito bilang pabango.”

Ang mga Gagawa ng Tabernakulo(Y)

31 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pinili ko si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur na mula sa lipi ni Juda. Pinuspos ko siya ng aking Espiritu[a] at binigyan ng kakayahan, kahusayan at katalinuhan sa lahat ng gawaing pansining. Ginawa ko ito upang makagawa siya ng magagandang disenyo at maiukit ito sa ginto, pilak o tanso. Gayundin, upang maging bihasa siya sa pagtabas ng mamahaling bato, mahusay sa paglilok, at dalubhasa sa anumang gawaing pansining. Pinili ko rin para makatulong niya si Aholiab, anak ni Ahisamac na mula naman sa lipi ni Dan. Binigyan ko rin ng kakayahan ang ibang mahuhusay na manggagawa upang sila ang gumawa ng lahat ng iniuutos ko sa iyo. Sila ang gagawa ng Toldang Tipanan, ng Kaban ng Tipan, ng Luklukan ng Awa at lahat ng kasangkapan sa tabernakulo. Sila rin ang gagawa ng mesang patungan ng handog na pagkaing butil at ng lahat ng kagamitan nito; ng ilawang ginto at mga kagamitan nito; ng altar na sunugan ng insenso; ng altar na sunugan ng mga handog at ang mga kasangkapan nito; ng palangganang hugasan at ng patungan nito. 10 Sila ang gagawa ng mga kasuotan ni Aaron at ng kanyang mga anak. 11 Sila rin ang maghahalo ng langis na pampahid at ng insenso para sa Dakong Banal. Sundin mong lahat ang sinasabi kong ito sa iyo.”

Ang Araw ng Pamamahinga

12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 13 “Sabihin mo sa mga Israelita na ipangilin ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito ang magsisilbing palatandaan sa inyo at sa inyong mga salinlahi na kayo'y aking pinili para maging bayan ko. 14 Ipangilin ninyo ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito'y sagrado. Papatayin ang sinumang hindi magpahalaga rito at ititiwalag ang sinumang magtrabaho sa araw na ito. 15 Anim(Z) na araw kayong magtatrabaho ngunit ang ikapitong araw ay araw ng ganap na pamamahinga at nakalaan para sa akin. Papatayin ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon. 16 Ipangingilin ito ng lahat ng inyong salinlahi bilang tanda ng tipan. 17 Ito'y(AA) isang palatandaan ko at ng bansang Israel, at ito'y mananatili habang panahon. Sapagkat sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit at ang lupa at nagpahinga ako sa ikapitong araw.”

18 Matapos sabihin ni Yahweh kay Moises ang lahat ng ito sa Bundok ng Sinai, ibinigay niya rito ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng Kautusan na si Yahweh mismo ang sumulat.

Footnotes

  1. 3 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan .