Deuteronomio 2-4
Ang Biblia, 2001
Ang mga Taon sa Ilang
2 “Pagkatapos,(A) tayo ay naglakbay pabalik sa ilang patungo sa Dagat na Pula, gaya ng sinabi sa akin ng Panginoon; at tayo'y lumigid ng maraming araw sa bundok ng Seir.
2 At nagsalita ang Panginoon sa akin, na sinasabi,
3 ‘Matagal na ninyong naligid ang bundok na ito; lumiko kayo sa dakong hilaga.
4 At(B) iutos mo ang ganito sa taong-bayan: Kayo'y daraan sa nasasakupan ng inyong mga kapatid na mga anak ni Esau, na naninirahan sa Seir; at sila'y matatakot sa inyo kaya't mag-ingat kayong mabuti.
5 Huwag kayong makipaglaban sa kanila, sapagkat hindi ko ibibigay sa inyo ang alinman sa kanilang lupain, kahit na ang tuntungan ng talampakan ng isang paa, sapagkat ibinigay ko na kay Esau ang bundok ng Seir bilang ari-arian.
6 Kayo'y bibili ng pagkain sa kanila sa pamamagitan ng salapi upang kayo'y makakain; at kayo'y bibili rin sa kanila ng tubig sa pamamagitan ng salapi upang kayo'y makainom.
7 Sapagkat pinagpala ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gawa ng iyong kamay; kanyang nalalaman ang iyong paglalakbay dito sa malawak na ilang; ang Panginoon mong Diyos ay nakasama mo nitong apatnapung taon at ikaw ay di kinulang ng anuman.’
8 Kaya't tayo'y nagpatuloy palayo sa ating mga kapatid, na mga anak ni Esau, na nakatira sa Seir, palayo sa daan ng Araba, mula sa Elat at Ezion-geber. “Tayo'y pumihit at dumaan sa ilang ng Moab.
9 At(C) sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag mong guluhin ang Moab, ni kalabanin sila sa digmaan, sapagkat hindi ko ibibigay ang kanilang lupain sa iyo bilang pag-aari, sapagkat aking ibinigay na pag-aari ang Ar sa mga anak ni Lot.’
10 (Ang mga Emita ay tumira doon noong una, isang bayang malaki at marami, at matataas na gaya ng mga Anakim.
11 Ang mga ito man ay itinuturing na mga Refaim, na gaya ng mga Anakim; ngunit tinatawag silang Emita ng mga Moabita.
12 Ang mga Horita ay nanirahan din sa Seir noong una, ngunit ito ay binawi sa kanila ng mga anak ni Esau at pinuksa sila nang harapan at nanirahang kapalit nila, gaya ng ginawa ng Israel sa lupaing kanyang pag-aari na ibinigay ng Panginoon sa kanila.)
13 ‘Ngayon, tumindig kayo at tumawid sa batis ng Zared.’ At tayo'y tumawid sa batis ng Zared.
14 Ang(D) panahon mula nang tayo ay lumabas sa Kadesh-barnea hanggang sa tayo'y nakarating sa batis ng Zared ay tatlumpu't walong taon, hanggang sa ang buong lahi ng mga lalaking mandirigma ay malipol sa gitna ng kampo, gaya ng ipinangako sa kanila ng Panginoon.
15 Talagang ang Panginoon ay laban sa kanila, upang lipulin sila sa gitna ng kampo, hanggang sa sila'y nalipol.
16 “Kaya't nang mapuksa at mamatay sa gitna ng bayan ang lahat ng lalaking mandirigma,
17 ay sinabi sa akin ng Panginoon,
18 ‘Ikaw ay daraan sa araw na ito sa hangganan ng Moab sa Ar.
19 Kapag(E) ikaw ay papalapit na sa hangganan ng mga anak ni Ammon, huwag mo silang guluhin ni makipaglaban sa kanila, sapagkat hindi ko ibibigay sa iyo ang lupain ng mga anak ni Ammon yamang ibinigay ko na ito bilang pag-aari ng mga anak ni Lot.’
20 (Iyon ay kilala rin na lupain ng mga Refaim: ang mga Refaim ang nanirahan doon noong una, ngunit sila ay tinawag na mga Zamzumim ng mga Ammonita,
21 isang lunsod na malaki, marami at matataas na gaya ng mga Anakim; ngunit sila ay pinuksa ng Panginoon nang harapan. Sila'y sinamsaman at nanirahang kapalit nila.
22 Gayundin ang kanyang ginawa sa mga anak ni Esau na naninirahan sa Seir, nang kanyang puksain ng harapan ang mga Horita. Sila'y sinamsaman at nanirahang kapalit nila hanggang sa araw na ito.
23 Tungkol naman sa mga Avim na naninirahan sa mga nayon hanggang sa Gaza, ang mga Caftoreo[a] na nagmula sa Caftor,[b] lipulin ninyo sila at manirahang kapalit nila.)
24 ‘Tumindig kayo, at maglakbay. Dumaan kayo sa libis ng Arnon, at ibinigay ko na sa iyong kamay si Sihon na Amoreo, na hari ng Hesbon, at ang kanyang lupain. Pasimulan mong angkinin, at kalabanin mo siya sa digmaan.
25 Sa araw na ito ay pasisimulan kong ilagay ang pagkasindak at pagkatakot sa inyo sa mga bayang nasa ilalim ng buong langit, na makakarinig ng balita tungkol sa iyo. Manginginig at mahahapis sila dahil sa iyo.’
Nilupig ng Israel ang Hesbon(F)
26 “Kaya't ako'y nagpadala ng mga sugo mula sa ilang ng Kedemot kay Sihon na hari ng Hesbon na may mga salita ng kapayapaan, na sinasabi,
27 ‘Paraanin mo ako sa iyong lupain. Sa lansangan lamang ako daraan, hindi ako liliko sa kanan ni sa kaliwa.
28 Pagbilhan mo ako ng pagkain kapalit ng salapi, upang makakain ako, at bigyan mo ako ng tubig kapalit ng salapi, upang makainom ako; paraanin mo lamang ako,
29 gaya nang ginawa sa akin ng mga anak ni Esau na naninirahan sa Seir, at ng mga Moabita na naninirahan sa Ar, hanggang makatawid ako sa Jordan, sa lupaing ibinibigay sa amin ng Panginoon naming Diyos.’
30 Ngunit ayaw tayong paraanin ni Sihon na hari ng Hesbon; sapagkat pinapagmatigas ng Panginoon mong Diyos ang kanyang espiritu at kanyang puso, upang maibigay siya sa iyong kamay gaya sa araw na ito.
31 Sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Pinasimulan ko nang ibigay sa iyo si Sihon at ang kanyang lupain, pasimulan mong kunin upang matirahan ang kanyang lupain.’
32 At dumating si Sihon upang kami ay harapin, siya at ang kanyang buong bayan, upang makipagdigmaan sa Jahaz.
33 Ibinigay siya ng Panginoon nating Diyos sa harapan natin; at ginapi natin siya at ang kanyang mga anak, at ang kanyang buong bayan.
34 At nasakop natin ang lahat ng kanyang mga lunsod nang panahong iyon, at ganap na winasak ang bawat lunsod, mga lalaki, mga babae, at mga bata; wala tayong itinira.
35 Ang mga hayop lamang ang para sa ating sarili, at sinamsaman ang mga lunsod na ating sinakop.
36 Mula sa Aroer na nasa tabi ng libis ng Arnon at mula sa lunsod na nasa libis hanggang sa Gilead, ay walang lunsod na napakataas para sa atin. Ang lahat ay ibinigay na sa atin ng Panginoon nating Diyos.
37 Hindi lamang kayo lumapit sa lupain ng mga anak ni Ammon; sa alinmang bahagi sa buong pampang ng ilog Jaboc at sa mga lunsod ng lupaing maburol, at sa lahat na ipinagbawal sa atin ng Panginoon nating Diyos.
Nilupig ng Israel si Haring Og(G)
3 “Pagkatapos, tayo'y pumihit at umahon sa daang patungo sa Basan, at si Og na hari ng Basan at ang kanyang buong lunsod ay lumabas upang tayo ay harapin, upang makipaglaban sa Edrei.
2 Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag kang matakot sa kanya, sapagkat ibinigay ko na siya sa iyong kamay, at ang kanyang buong bayan, at ang kanyang lupain. At gagawin mo sa kanya ang gaya ng ginawa mo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na nanirahan sa Hesbon.’
3 Ibinigay din ng Panginoon nating Diyos sa ating kamay si Og, na hari ng Basan, at ang buong lunsod niya; at ating pinuksa siya hanggang sa walang natira sa kanya.
4 Ating sinakop ang lahat ng kanyang mga lunsod nang panahong iyon; walang lunsod na hindi natin inagaw sa kanila; animnapung lunsod ang buong lupain ng Argob na kaharian ni Og sa Basan.
5 Ang lahat ng mga lunsod nito'y napapaligiran ng matataas na pader, mga pintuang-lunsod at mga halang; bukod pa ang napakaraming mga nayong walang pader.
6 Pinuksa natin silang lahat, na gaya ng ating ginawa kay Sihon na hari ng Hesbon, ating pinuksa ang bawat lunsod, ang mga lalaki, mga babae, at mga bata.
7 Sinamsam natin ang mga hayupan at ang nasamsam sa mga lunsod ay ating dinala.
8 Ating sinakop ang lupaing nasa kabila ng Jordan mula sa libis ng Arnon hanggang sa bundok ng Hermon mula sa kamay ng dalawang hari ng mga Amoreo
9 (tinatawag ng mga taga-Sidon ang Hermon na Sirion, at ito ay tinatawag ng mga Amoreo na Senir),
10 lahat ng mga lunsod sa kapatagan, at ang buong Gilead, at ang buong Basan, hanggang Saleca at Edrei, ang mga lunsod ng kaharian ni Og sa Basan.
11 (Sapagkat tanging si Og na hari ng Basan ang natira sa nalabi sa mga Refaim. Ang kanyang higaan ay higaang bakal; hindi ba't ito'y nasa Rabba sa mga anak ni Ammon? Siyam na siko ang haba at apat na siko ang luwang nito, ayon sa karaniwang siko.[c])
Mga Lipi na Nanirahan sa Silangan ng Jordan(H)
12 “Ito ang mga lupaing ating sinakop nang panahong iyon; mula sa Aroer, na nasa gilid ng libis ng Arnon, at kalahati ng lupaing maburol ng Gilead, at ang mga lunsod nito, ay aking ibinigay sa mga Rubenita at sa mga Gadita;
13 ang ibang bahagi ng Gilead, at ang buong Basan na kaharian ni Og, ang buong lupain ng Argob, ay aking ibinigay sa kalahating lipi ni Manases. (Ang buong Basan ay tinatawag na lupain ng mga Refaim.
14 Sinakop ni Jair na anak ni Manases ang buong lupain ng Argob na ito ng Basan, hanggang sa hangganan ng mga Geshureo at ng mga Macatita; tinawag niya ang mga nayon ayon sa kanyang pangalang Havot-jair hanggang sa araw na ito.)
15 At aking ibinigay ang Gilead kay Makir.
16 Sa mga Rubenita at sa mga Gadita ay aking ibinigay ang mula sa Gilead hanggang sa libis ng Arnon, na siyang kalahatian ng libis, bilang hangganan niyon hanggang sa ilog Jaboc, na siyang hangganan ng mga anak ni Ammon;
17 pati ng Araba at ng Jordan at ng hangganan niyon, mula sa Cineret hanggang sa Dagat ng Araba na Dagat ng Asin, sa ibaba ng gulod ng Pisga sa dakong silangan.
18 “At(I) kayo'y aking inutusan nang panahong iyon, na sinasabi, ‘Ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos ang lupaing ito upang angkinin; kayong lahat na mandirigma ay daraang may sandata sa harapan ng inyong mga kapatid na mga anak ni Israel.
19 Tanging ang inyong mga asawa at ang inyong mga bata, at ang inyong mga hayop (alam ko na kayo'y mayroong maraming hayop) ang mananatili sa inyong mga lunsod na aking ibinigay sa inyo,
20 hanggang sa bigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang inyong mga kapatid, na gaya ninyo, at kanilang angkinin din ang lupain na ibinigay sa kanila ng Panginoon ninyong Diyos sa kabila ng Jordan. Pagkatapos ay babalik ang bawat lalaki sa inyo sa kanyang pag-aari na aking ibinigay sa inyo.’
21 At aking iniutos kay Josue nang panahong iyon, na sinasabi, ‘Nakita ng iyong mga mata ang lahat ng ginawa ng Panginoon mong Diyos sa dalawang haring ito; gayon ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng mga kahariang iyong daraanan.
22 Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ang makikipaglaban para sa inyo.’
Hindi Pinapasok si Moises sa Canaan
23 “Ako'y(J) nanalangin sa Panginoon nang panahon ding iyon, na sinasabi,
24 ‘O Panginoong Diyos, pinasimulan mong ipakita sa iyong lingkod ang iyong kadakilaan at ang iyong kamay na makapangyarihan: sino ang diyos sa langit o sa lupa ang makakagawa ng tulad sa iyong mga gawa ng iyong kapangyarihan?
25 Hinihiling ko sa iyo, patawirin mo ako at nang aking makita ang mabuting lupaing nasa kabila ng Jordan, ang mainam na lupaing maburol at ang Lebanon.’
26 Ngunit ang Panginoon ay nagalit sa akin dahil sa inyo, at hindi ako pinakinggan. At sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag ka nang magsalita pa sa akin ng tungkol sa bagay na ito.
27 Umahon ka sa taluktok ng Pisga at igala mo ang iyong paningin sa dakong kanluran, sa hilaga, sa timog, at sa silangan, at masdan mo sapagkat hindi ka makatatawid sa Jordang ito.
28 Ngunit utusan mo si Josue, at palakasin mo ang kanyang loob at patatagin mo siya sapagkat siya'y tatawid na nangunguna sa bayang ito, at kanyang ipapamana sa kanila ang lupain na iyong makikita.’
29 Kaya't nanatili tayo sa libis na nasa tapat ng Bet-peor.
Ang Israel ay Pinaalalahanang Maging Masunurin
4 “At ngayon, O Israel, pakinggan mo ang mga tuntunin at ang mga batas, na aking itinuturo at inyong gawin ang mga ito upang kayo'y mabuhay, at pumasok at angkinin ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoong Diyos ng inyong mga ninuno.
2 Huwag(K) ninyong daragdagan ni babawasan ang salita na aking iniuutos sa inyo, upang inyong matupad ang mga utos ng Panginoon ninyong Diyos na aking iniuutos sa inyo.
3 Nakita(L) ng inyong mga mata ang ginawa ng Panginoon sa Baal-peor; sapagkat lahat ng mga tao na sumunod kay Baal-peor ay pinuksa ng Panginoon mong Diyos sa gitna mo.
4 Ngunit kayong humawak ng matatag sa Panginoon ninyong Diyos ay buháy na lahat sa araw na ito.’
5 Tinuruan ko kayo ng mga tuntunin at ng mga batas, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon kong Diyos upang inyong gawin sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang angkinin.
6 Tuparin ninyo at inyong gawin, sapagkat ito ang inyong magiging karunungan at kaalaman sa paningin ng mga tao na makakarinig ng mga tuntuning ito, at magsasabi, ‘Tunay na ang dakilang bansang ito ay matalino at may pagkaunawa.’
7 Sapagkat aling dakilang bansa ang may Diyos na napakalapit sa kanila, na gaya ng Panginoon nating Diyos tuwing tumatawag tayo sa kanya?
8 At aling dakilang bansa ang may mga tuntunin at mga batas na napakatuwid na gaya ng buong kautusang ito na aking inilagay sa harapan ninyo sa araw na ito?
9 “Mag-ingat ka lamang sa iyong sarili, at ingatan mo ang iyong kaluluwa ng buong sikap, baka malimutan mo ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata, at baka mahiwalay sa iyong puso ang lahat ng araw ng iyong buhay. Ipaalam mo ito sa iyong mga anak at sa mga anak ng iyong mga anak.
10 Nang araw na ikaw ay tumayo sa harapan ng Panginoon mong Diyos sa Horeb, nang sabihin sa akin ng Panginoon, ‘Tipunin mo sa akin ang bayan, at aking iparirinig sa kanila ang aking mga salita, upang sila'y matutong matakot sa akin sa lahat ng araw ng kanilang buhay sa lupa, at upang kanilang maituro sa kanilang mga anak.’
11 Kayo'y(M) lumapit at tumayo sa ibaba ng bundok samantalang ito ay nagningas sa apoy hanggang sa langit, at nabalot ng dilim, ulap, at makapal na kadiliman.
12 Ang Panginoon ay nagsalita sa inyo mula sa gitna ng apoy. Narinig ninyo ang tunog ng mga salita, ngunit wala kayong anyong nakita; tanging tinig lamang.
13 At(N) kanyang ipinahayag sa inyo ang kanyang tipan na kanyang iniutos na inyong ganapin, samakatuwid ay ang sampung utos; at kanyang isinulat ang mga ito sa dalawang tapyas na bato.
14 Iniutos(O) sa akin ng Panginoon nang panahong iyon na turuan ko kayo ng mga tuntunin at mga batas upang inyong gawin sa lupaing inyong paroroonan upang angkinin.
Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan
15 “Kaya't ingatan ninyong mabuti ang inyong sarili. Yamang wala kayong nakitang anumang anyo nang araw na magsalita ang Panginoon sa inyo sa Horeb mula sa gitna ng apoy,
16 baka(P) kayo'y magpakasama, at kayo'y gumawa para sa inyong sarili ng isang larawang inanyuan na kawangis ng alinmang larawan, na katulad ng lalaki o babae,
17 na(Q) kahawig ng anumang hayop na nasa lupa, at anumang ibong may pakpak na lumilipad sa himpapawid,
18 na kahawig ng anumang bagay na gumagapang sa lupa, at anumang isda na nasa tubig sa ilalim ng lupa.
19 Baka itingin mo ang iyong mga mata sa langit, at kung iyong makita ang araw, buwan, bituin, at lahat ng hukbo ng sangkalangitan ay matukso ka at iyong sambahin at paglingkuran sila na inilagay ng Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng mga bayan na nasa ilalim ng buong langit.
20 Ngunit(R) kinuha kayo ng Panginoon, at hinango kayo sa hurnong bakal, mula sa Ehipto, upang maging isang bayan na kanyang pag-aari, isang pamana, gaya sa araw na ito.
21 At(S) nagalit sa akin ang Panginoon dahil sa inyong mga salita, at sumumpa na ako'y hindi tatawid sa Jordan, at hindi ako papasok sa mabuting lupaing ibinibigay ng Panginoon mong Diyos sa iyo bilang pamana.
22 Kundi ako'y nararapat mamatay sa lupaing ito, ako'y hindi nararapat tumawid sa Jordan. Ngunit kayo'y tatawid at inyong aangkinin ang mabuting lupaing ito.
23 Mag-ingat kayo sa inyong sarili, upang huwag ninyong malimutan ang tipan ng Panginoon ninyong Diyos, na kanyang pinagtibay sa inyo. Huwag kayong gagawa ng larawang inanyuan na katulad ng anumang bagay na ipinagbawal sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
24 Sapagkat(T) ang Panginoon mong Diyos ay isang apoy na tumutupok at isang Diyos na mapanibughuin.
25 “Kapag ikaw ay nagkaanak at nagkaanak ang inyong mga anak, at nagtagal kayo sa lupain, at nagpakasama kayo, at gumawa kayo ng larawang inanyuan na katulad ng anumang bagay, at gumawa kayo ng masama sa paningin ng Panginoon mong Diyos, upang siya ay galitin;
26 aking tinatawag ang langit at ang lupa upang sumaksi laban sa inyo sa araw na ito, upang kayo'y kaagad na mamatay sa lupain na inyong patutunguhan sa kabila ng Jordan upang angkinin, hindi ninyo mapapatagal ang inyong mga araw doon, kundi kayo'y lubos na mapupuksa.
27 Ikakalat(U) kayo ng Panginoon sa mga bayan, at kayo'y maiiwang iilan sa bilang sa gitna ng mga bansa na pagtatabuyan sa inyo ng Panginoon.
28 Doo'y maglilingkod kayo sa ibang mga diyos na yari ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato na hindi nakakakita, ni nakakarinig, ni nakakakain, ni nakakaamoy.
29 Ngunit(V) kung mula roon ay iyong hahanapin ang Panginoon mong Diyos, siya ay iyong matatagpuan kung iyong hahanapin ng buong puso at buong kaluluwa.
30 Sa iyong kapighatian, kapag lahat ng mga bagay na ito ay dumating sa iyo sa mga huling araw, ay magbabalik-loob ka sa Panginoon mong Diyos, at iyong papakinggan ang kanyang tinig.
31 Sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay maawaing Diyos. Hindi ka niya pababayaan, ni lilipulin ka niya, ni kakalimutan ang tipan sa iyong mga ninuno na kanyang ipinangako sa kanila.
32 “Sapagkat ipagtanong mo nga ang mga araw na nagdaan na nauna sa iyo, mula nang araw na lalangin ng Diyos ang tao sa ibabaw ng lupa, at mula sa isang hangganan ng langit hanggang sa kabila, kung nagkaroon ng isang bagay na higit na dakila kaysa rito, o may narinig na gaya nito?
33 Mayroon bang mga tao na nakarinig ng tinig ng Diyos na nagsalita sa gitna ng apoy, gaya ng narinig mo, at nabubuhay pa?
34 O may Diyos kaya na nagtangkang humayo at sumakop ng isang bansa sa gitna ng ibang bansa sa pamamagitan ng mga pagsubok, mga tanda, mga kababalaghan, digmaan, makapangyarihang kamay, ng unat na bisig, at ng kakilakilabot na pagpapakita ng kapangyarihan ayon sa lahat na ginawa ng Panginoon mong Diyos sa iyo sa Ehipto, sa harapan ng iyong paningin?
35 Ipinakita(W) sa iyo ito, upang makilala mo na ang Panginoon ay siyang Diyos; wala nang iba liban sa kanya.
36 Mula sa langit ay ipinarinig niya sa iyo ang kanyang tinig, upang kanyang turuan ka. Sa ibabaw ng lupa ay kanyang ipinakita sa iyo ang kanyang dakilang apoy, at iyong narinig ang kanyang mga salita sa gitna ng apoy.
37 At sapagkat minahal niya ang iyong mga ninuno at pinili ang kanilang mga anak pagkatapos nila, at inilabas ka sa Ehipto na kasama niya, sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan,
38 na pinalayas sa harapan mo ang mga bansang lalong malalaki at makapangyarihan kaysa sa iyo, upang ikaw ay kanyang papasukin, upang ibigay sa iyo ang kanilang lupain bilang pamana, gaya sa araw na ito.
39 Kaya't alamin mo sa araw na ito at ilagay sa iyong puso, na ang Panginoon ay siyang Diyos sa itaas sa langit at sa ibaba sa lupa; wala nang iba pa.
40 Kaya't tuparin mo ang kanyang mga tuntunin at mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, upang kayo ay mapabuti, at ng inyong mga anak pagkamatay mo, at upang mapahaba mo ang iyong mga araw sa ibabaw ng lupaing ibinibigay sa iyo magpakailanman ng Panginoon mong Diyos.”
Mga Lunsod-Kanlungan sa Silangan ng Jordan
41 Nang(X) magkagayo'y ibinukod ni Moises ang tatlong lunsod sa silangan sa kabila ng Jordan,
42 upang ang nakamatay ng tao ay makatakas patungo doon, na nakamatay sa kanyang kapwa na hindi sinasadya, na hindi niya naging kaaway nang nakaraan; na sa pagtakas sa isa sa mga lunsod na ito ay maaari niyang iligtas ang kanyang buhay:
43 Ang Bezer sa ilang, sa kapatagang lupa na para sa mga Rubenita; at sa Ramot sa Gilead na para sa mga Gadita; at ang Golan sa Basan na para sa mga anak ni Manases.
Paunang-salita sa Pagbibigay ng Kautusan ng Diyos
44 Ito ang kautusang inilagay ni Moises sa harapan ng mga anak ni Israel.
45 Ito ang mga patotoo, mga tuntunin, at mga batas na sinalita ni Moises sa mga anak ni Israel nang sila'y lumabas sa Ehipto,
46 sa kabila ng Jordan, sa libis na nasa tapat ng Bet-peor, sa lupain ni Sihon na hari ng mga Amoreo na tumira sa Hesbon, na nilupig ni Moises at ng mga anak ni Israel nang sila'y umalis sa Ehipto.
47 Kanilang inangkin ang kanyang lupain at ang lupain ni Og na hari sa Basan, ang dalawang hari ng mga Amoreo, na nanirahan sa dakong silangan sa kabila ng Jordan;
48 mula sa Aroer na nasa hangganan ng libis ng Arnon, hanggang sa bundok ng Sirion[d] (na siya ring Hermon),
49 at ang buong Araba sa kabila ng Jordan sa dakong silangan hanggang sa Dagat ng Araba sa ibaba ng gulod ng Pisga.
Footnotes
- Deuteronomio 2:23 o Filisteo .
- Deuteronomio 2:23 o Crete .
- Deuteronomio 3:11 Sa Hebreo ay siko ng isang lalaki .
- Deuteronomio 4:48 Sa Hebreo ay Zion .
