1 Corinto 7:17 - 2 Corinto 11:14
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Mamuhay ayon sa Pagkatawag ng Diyos
17 Hayaang mamuhay ang bawat isa ayon sa itinakda sa kanya ng Panginoon, at sa kalagayan niya noong tawagin siya ng Diyos. Ganito ang itinatagubilin ko sa lahat ng mga iglesya. 18 Natuli na ba ang sinuman nang siya'y tawagin? Huwag niyang alisin ang mga tanda ng pagtutuli. Hindi pa ba natuli ang sinuman nang siya'y tawagin? Huwag na siyang magpatuli. 19 Walang kabuluhan ang pagiging tuli o hindi tuli; ang mahalaga ay ang pagtupad sa mga utos ng Diyos. 20 Ang bawat isa ay hayaang manatili sa kalagayan nang siya ay tawagin. 21 Isa ka bang alipin nang ikaw ay tawagin? Wala kang dapat alalahanin. Subalit kung magagawa mong maging malaya ay gamitin mo ang pagkakataon. 22 Sapagkat ang tinawag na maging kaisa ng Panginoon nang siya'y alipin ay malaya sa Panginoon, at ang tinawag naman nang siya'y malaya ay alipin ni Cristo. 23 Mahal ang pagkabili sa inyo, kaya huwag kayong maging mga alipin ng mga tao. 24 Mga kapatid, hayaang manatili ang bawat isa sa kalagayan noong siya'y tawagin ng Diyos.
Sa mga Walang Asawa at mga Balo
25 At tungkol naman sa mga walang asawa[a] ay wala akong utos mula sa Panginoon, ngunit nagbibigay ako ng kuru-kuro bilang isang taong mapagkakatiwalaan dahil sa habag ng Panginoon. 26 Sa palagay ko, dahil sa kagipitang kinakaharap ngayon, makabubuti sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan. 27 Nakatali ka ba sa asawang-babae? Huwag mong sikaping makalaya. Nakalaya ka ba mula sa asawa? Huwag kang nang humanap ng asawa. 28 Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, hindi ka nagkakasala, at kung ang isang dalaga ay mag-asawa, hindi siya nagkakasala. Subalit ang mga may asawa ay daranas ng kahirapan sa buhay[b] at iniiwas ko lamang kayo sa mga iyon. 29 Ang ibig kong sabihin, mga kapatid, ay maikli na ang panahon. Mula ngayon, ang mga may asawa ay mamuhay tulad sa walang asawa; 30 at ang mga umiiyak ay maging katulad ng mga hindi umiiyak, at ang mga natutuwa ay maging katulad ng mga hindi natutuwa; at ang mga bumibili ay maging katulad ng mga walang pag-aari, 31 at ang mga gumagamit ng mga bagay ng sanlibutan ay maging katulad ng mga hindi lubos na gumagamit nito. Sapagkat lumilipas ang anyo ng sanlibutang ito. 32 At nais kong mawalan kayo ng mga alalahanin. Ang lalaking walang asawa ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang Panginoon. 33 Ngunit ang lalaking may asawa ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa, 34 at nahahati ang kanyang pag-iisip. Ang babaing walang asawa at ang birhen ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng Panginoon, kung paano magiging banal sa katawan at sa espiritu, ngunit ang babaing may asawa ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya bibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa. 35 Sinasabi ko ito para sa inyong kapakanan, hindi upang paghigpitan kayo, kundi upang magkaroon kayo ng kaayusan at makapaglingkod sa Panginoon nang walang sagabal.
36 Ngunit kung iniisip ng sinuman na hindi tama ang kanyang inaasal sa kanyang dalaga[c] na nasa hustong gulang na, hayaang mangyari ang gusto niya, hayaan silang magpakasal—walang masama rito. 37 Subalit sinumang may matibay na paninindigan sa kanyang puso, at hindi nakakaramdam ng pangangailangan kundi napipigil niya ang kanyang sariling kagustuhan at nagpasya sa kanyang puso na panatilihin siya bilang kanyang dalaga, mabuti ang kanyang ginagawa. 38 Kaya't ang nagpapakasal sa kanyang kasintahan ay gumagawa ng mabuti at ang hindi naman nagpapakasal ay gumagawa ng mas mabuti.
39 Ang asawang babae ay nakatali habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung namayapa na ang kanyang asawa, malaya na siyang mag-asawa sa kanino mang nais niya, basta sa kapwa nasa Panginoon. 40 Ngunit sa aking palagay, mas maligaya siya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan. Iniisip ko rin naman na taglay ko ang Espiritu ng Diyos.
Tungkol sa mga Pagkaing Inialay sa Diyus-diyosan
8 Tungkol naman sa mga pagkaing inialay sa mga diyus-diyosan, alam nating tayong lahat ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nagpapayabang, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatibay. 2 Sinumang nag-aakala na mayroon siyang alam ay hindi pa niya alam ang dapat niyang malaman. 3 Ngunit sinumang umiibig sa Diyos, ang taong ito ay kinikilala ng Diyos. 4 Kaya't tungkol sa pagkain ng mga inialay sa mga diyus-diyosan, alam natin na walang totoong diyos na inilalarawan ng mga diyus-diyosan sa sanlibutan, at walang Diyos maliban sa isa. 5 Sapagkat kahit may tinatawag na mga diyos, sa langit man o sa lupa, gaya ng pagkakaroon ng maraming “mga diyos” at maraming “mga panginoon,” 6 ngunit para sa atin ay may iisang Diyos, ang Ama, na siyang pinagmulan ng lahat ng mga bagay, at para sa kanya tayo'y nabubuhay, at may iisang Panginoon, si Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng lahat ng mga bagay, at sa pamamagitan niya, tayo'y nabubuhay.
7 Subalit hindi lahat ng mga tao ay may ganitong kaalaman. At may ibang nasanay na sa mga diyus-diyosan hanggang ngayon ay kumakain na para bang totoong inialay sa diyus-diyosan ang pagkain, at dahil mahina ang kanilang budhi, inaakala nilang sila'y nadungisan. 8 Ngunit “hindi tayo napapalapit sa Diyos dahil sa pagkain.” Walang nawawala sa atin kung hindi tayo kumain, at wala rin naman tayong napapala kung tayo'y kumain. 9 Ngunit mag-ingat kayo, baka ang kalayaan ninyong ito ay maging sanhi ng pagkakasala ng mahihina. 10 Sapagkat kapag may nakakita sa iyo, ikaw na mayroong alam, na nakikisalo ka sa pagkain sa loob ng templo ng diyus-diyosan, hindi kaya ang kanyang mahinang budhi ay mahikayat na kumain ng mga bagay na inialay sa mga diyus-diyosan? 11 Kaya't sa pamamagitan ng iyong kaalaman ay napapahamak ang mahina; alang-alang sa kapatid na ito ay namatay si Cristo. 12 Sa gayong paraan, dahil sa pagkakasala sa mga kapatid at pagsugat sa kanilang mahinang budhi, ay nagkakasala kayo laban kay Cristo. 13 Kaya't kung ang pagkain ay nagtutulak sa aking kapatid upang magkasala, hinding-hindi na ako kakain ng karne kahit kailan, upang hindi ko maitulak sa pagkakasala ang aking kapatid.
Mga Karapatan ng Apostol
9 Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako apostol? Hindi ko ba nakita si Jesus na Panginoon natin? Hindi ba bunga kayo ng aking gawain sa Panginoon? 2 Kung sa iba'y hindi ako apostol, ngunit sa inyo nama'y apostol ako, sapagkat kayo ang tatak ng aking pagkaapostol sa Panginoon.
3 Ito ang aking pagtatanggol sa mga tumutuligsa sa akin. 4 Wala ba kaming karapatang kumain at uminom? 5 Wala ba kaming karapatang magsama ng asawa sa aming paglalakbay gaya ng ibang mga apostol at ng mga kapatid ng Panginoon, at ni Pedro?[d] 6 O kami lamang ba ni Bernabe ang walang karapatang tumigil sa paghahanap-buhay? 7 Mayroon bang kawal na naglilingkod sa sarili niyang gastos? Mayroon bang nagtatrabaho sa ubasan at hindi kumakain ng bunga nito? Mayroon bang nag-aalaga ng mga hayop sa kawan, at hindi umiinom ng gatas ng mga iyon? 8 Sinasabi ko ang mga bagay na ito hindi ayon sa pamantayan ng tao. Hindi ba't ito rin ang sinasabi ng Kautusan? 9 Sapagkat (A) nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang baka kapag gumigiik.” Ang mga baka lang ba ang pinagmamalasakitan ng Diyos? 10 Hindi ba't siya ay nagsasalita para sa atin? Ito ay nasulat para sa atin, sapagkat ang nag-aararo ay dapat mag-araro nang may pag-asa, at ang gumigiik ay dapat gumiik nang may pag-asa, at sila'y kapwa tatanggap ng bahagi. 11 Kung (B) kami ay nakapaghasik sa inyo ng mga bagay na espirituwal, kalabisan bang umani kami sa inyo ng mga bagay na materyal? 12 Kung ang iba ay may ganitong karapatan sa inyo, di ba lalong mas may karapatan kami?
Ngunit hindi namin ginamit ang karapatang ito, kundi tinitiis namin ang lahat, upang hindi kami makapaglagay ng balakid sa ebanghelyo ni Cristo. 13 Hindi (C) ba ninyo nalalaman na ang mga naglilingkod sa mga gawain sa templo ay kumakain ng mga bagay mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa dambana ay nakikibahagi sa mga handog sa dambana? 14 Sa gayunding paraan, (D) itinakda ng Panginoon na ang mga nangangaral ng ebanghelyo ay dapat kumuha ng ikabubuhay mula sa ebanghelyo. 15 Ngunit hindi ko ginamit ang alinman sa mga karapatang ito, at hindi ako sumusulat nito ngayon upang ganito ang gawin sa akin. Sapagkat mas nanaisin ko pang mamatay, kaysa maagaw ng sinuman ang batayan ng aking pagmamalaki! 16 Kung ipinangangaral ko ang ebanghelyo ay wala akong maipagmamalaki sapagkat ito ay tungkuling iniatang sa akin. Kaysaklap ng sasapitin ko kung hindi ko ipangaral ang ebanghelyo! 17 Sapagkat kung kusang-loob ko itong ginagawa, ako ay may gantimpala. Ngunit kung hindi kusang-loob, isang pangangasiwa ang ipinagkatiwala sa akin. 18 Ano naman ang gantimpala ko? Iyon ay ang maipangaral ko ang ebanghelyo nang walang bayad, upang hindi ko magamit nang lubusan ang aking karapatan sa ebanghelyo.
19 Bagaman malaya ako, at hindi alipin ng sinuman, nagpaalipin ako sa lahat, upang mas marami akong mahikayat. 20 Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng isang Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng Kautusan, ako ay naging gaya ng isang nasa ilalim ng Kautusan, bagaman ako ay wala sa ilalim ng Kautusan, upang mahikayat ko ang mga nasa ilalim ng Kautusan. 21 Sa mga nasa labas ng Kautusan, ako ay naging tulad sa walang Kautusan, ngunit hindi ibig sabihing hindi ako saklaw ng Kautusan ng Diyos, sa halip ako nga'y napapasakop sa Kautusan ni Cristo, upang mahikayat ko ang mga nasa labas ng Kautusan. 22 Sa mahihina, ako ay naging mahina, upang mahikayat ko ang mahihina. Sa lahat ng bagay ay nakibagay ako sa lahat ng tao, upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng ilan. 23 Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa ebanghelyo, upang ako'y maging kabahagi sa mga biyaya nito.
24 Hindi ba ninyo nalalaman na tumatakbong lahat ang mga kasali sa isang takbuhan, ngunit iisa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Kaya't tumakbo kayo sa paraang kayo'y magkakamit niyon. 25 Ang mga nakikipagpaligsahan sa mga palaro ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay. Ginagawa nila iyon upang sila ay magkamit ng isang koronang nasisira, ngunit tayo'y para sa hindi nasisira. 26 Kaya't ako'y tumatakbo hindi gaya ng walang patutunguhan; hindi ako sumusuntok na parang sumusuntok sa hangin. 27 Sa halip ay sinusupil ko ang aking katawan, at inaalipin ko ito, baka pagkatapos na mangaral ako sa iba, ako mismo ay hindi makapasa sa pagsubok.
Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan
10 Mga (E) kapatid, nais kong malaman ninyo na ang ating mga ninuno ay napasailalim ng ulap, at silang lahat ay tumawid sa dagat, 2 at lahat ay nabautismuhan kay Moises sa ulap at sa dagat. 3 Silang (F) lahat ay kumain ng parehong pagkaing espirituwal; 4 at (G) lahat ay uminom ng parehong inuming espirituwal. Sapagkat sila'y uminom mula sa batong espirituwal na sumunod sa kanila, at ang Batong iyon ay si Cristo. 5 Ngunit (H) hindi nasiyahan ang Diyos sa karamihan sa kanila, at sila'y pinuksa sa ilang. 6 Ang (I) mga bagay na ito'y nagsisilbing halimbawa sa atin, upang huwag tayong magnasa ng masasamang bagay katulad nila. 7 Huwag (J) kayong sumamba sa mga diyus-diyosan, tulad ng iba sa kanila. Ayon sa nasusulat, “Naupo ang taong-bayan upang kumain at uminom, at tumayo upang sumayaw.” 8 Huwag (K) tayong makiapid, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila, kaya't sa loob ng isang araw ay may dalawampu't tatlong libo ang namatay.[e] 9 Huwag (L) nating subukin si Cristo na gaya ng ginawang pagsubok ng ilan sa kanila, kaya't sila'y nilipol ng mga ahas. 10 Huwag (M) din tayong magreklamo, gaya ng iba na nagreklamo, at sila'y pinuksa ng taga puksa. 11 Ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang halimbawa, at isinulat bilang babala sa atin na inabutan ng katapusan ng mga panahon. 12 Kaya't ang nag-aakalang siya'y nakatayo ay mag-ingat na baka siya'y mabuwal. 13 Ang bawat tuksong nararanasan ninyo ay pawang karaniwan sa tao. Ngunit mapagkakatiwalaan ang Diyos, at hindi niya hahayaang kayo'y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya; kundi kalakip ng tukso ay magbibigay siya ng paraan ng pag-iwas upang ito'y inyong makayanan.
14 Kaya, mga minamahal ko, layuan ninyo ang pagsamba sa diyus-diyosan. 15 Kinakausap ko kayo bilang matitinong tao; kayo na ang humatol sa sinasabi ko. 16 Ang (N) kopa ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi ba ito'y pakikibahagi sa dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputul-putol, hindi ba ito'y pakikibahagi sa katawan ni Cristo? 17 Sapagkat may isang tinapay at tayong marami ay iisang katawan, sapagkat tayong lahat ay nakikibahagi sa iisang tinapay. 18 Tingnan (O) ninyo ang Israel ayon sa laman, hindi ba't ang mga kumakain ng mga alay ay kabahagi sa dambana? 19 Ano nga ang ibig kong sabihin? Na ang alay sa mga diyus-diyosan ay may kabuluhan? O ang diyus-diyosan ay may kabuluhan? 20 Hindi! (P) Sa halip, ang mga bagay na iniaalay ng mga pagano ay iniaalay nila sa mga demonyo at hindi sa Diyos, at ayaw kong kayo'y maging kabahagi ng mga demonyo. 21 Hindi ninyo maaaring inuman ang kopa ng Panginoon at pati ang kopa ng mga demonyo. Hindi kayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng mga demonyo. 22 (Q) Ibubunsod ba natin sa panibugho ang Panginoon? Mas malakas ba tayo kaysa kanya?
Gawin ang Lahat sa Ikaluluwalhati ng Diyos
23 “Maaaring gawin (R) ang lahat ng bagay,” ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang. “Maaaring gawin ang lahat ng bagay,” ngunit hindi lahat ay makapagpapatibay. 24 Huwag maghangad ang sinuman para sa kanyang sariling kapakanan kundi para sa kapakanan ng iba. 25 Kainin ninyo ang lahat ng ipinagbibili sa pamilihan nang walang pagtatanong dahil sa budhi, 26 sapagkat (S) “ang lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng naririto.” 27 Kung anyayahan kayo ng isa sa mga hindi sumasampalataya at nais ninyong pumunta, anumang ihain sa inyo ay kainin ninyo nang walang pagtatanong dahil sa budhi. 28 Ngunit kung may magsabi sa inyo, “Inialay ito bilang handog sa templo,” ay huwag ninyong kainin, alang-alang sa taong nagsabi, at dahil sa budhi. 29 Ang tinutukoy ko ay ang budhi niya, hindi ang sa iyo. Sapagkat bakit ang aking kalayaan ay hahatulan ng budhi ng iba? 30 Kung ako'y nakikisalo nang may pasasalamat sa Diyos, bakit ako'y pipintasan dahil sa bagay na aking ipinagpapasalamat? 31 Kaya kung kayo man ay kumakain o umiinom, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos. 32 Huwag kayong maging sanhi ng gulo para sa mga Judio, o sa mga Griyego, o sa iglesya ng Diyos, 33 katulad ng pagsisikap kong bigyang kasiyahan ang lahat ng tao sa lahat ng bagay, at hindi ko hinahangad ang sarili kong kapakanan, kundi ang kapakanan ng marami, upang sila'y maligtas.
11 Tularan (T) ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.
Tungkol sa Pagtatalukbong
2 Ipinagmamalaki ko kayo, sapagkat sa lahat ng bagay ay naaalala ninyo ako, at nananatili kayong matibay sa mga tradisyon gaya ng ibinigay ko sa inyo. 3 Ngunit ibig kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay si Cristo, at ang ulo ng babae ay ang lalaki, at ang ulo ni Cristo ay ang Diyos. 4 Ang bawat lalaking nananalangin o nagpapahayag ng propesiya nang may takip ang ulo ay naglalagay sa kanyang ulo sa kahihiyan. 5 Subalit ang bawat babaing nananalangin o nagpapahayag ng propesiya nang walang talukbong sa ulo ay naglalagay sa kanyang ulo sa kahihiyan; sapagkat wala siyang ipinag-iba sa babaing inahitan ang ulo. 6 Sapagkat kung ang babae ay hindi nagtatalukbong, magpagupit na lang siya ng kanyang buhok. Ngunit kung kahiya-hiya sa babae ang magpagupit o magpaahit, dapat siyang magtalukbong. 7 Sapagkat (U) hindi nararapat sa lalaki ang magtalukbong ng kanyang ulo, sapagkat siya ay larawan at kaluwalhatian ng Diyos, ngunit ang babae ay siyang kaluwalhatian ng lalaki. 8 Sapagkat (V) ang lalaki ay hindi mula sa babae, kundi ang babae ay mula sa lalaki, 9 at hindi rin nilikha ang lalaki dahil sa babae kundi ang babae dahil sa lalaki. 10 Kaya nga, nararapat na ang babae ay magkaroon sa kanyang ulo ng tanda ng awtoridad, dahil sa mga anghel. 11 Gayunman, sa Panginoon, ang babae ay hindi hiwalay sa lalaki at ang lalaki ay hindi hiwalay sa babae. 12 Sapagkat kung paanong ang babae ay nagmula sa lalaki, ang lalaki naman ay isinisilang sa pamamagitan ng babae; ngunit ang lahat ng mga bagay ay mula sa Diyos. 13 Kayo na ang humatol: angkop ba sa isang babae na manalangin sa Diyos nang walang talukbong? 14 Hindi ba't ang kalikasan mismo ang nagtuturo sa inyo na kahihiyan para sa isang lalaki ang magkaroon ng mahabang buhok, 15 ngunit karangalan naman para sa babae kung siya'y may mahabang buhok? Sapagkat ang kanyang buhok ay ibinigay sa kanya bilang pantalukbong. 16 Ngunit kung nagbabalak ang sinuman na makipagtalo, wala kaming gayong kaugalian, ni ang mga iglesya ng Diyos.
Mga Maling Gawain sa Banal na Hapunan
17 Sa mga sumusunod na tagubilin naman ay hindi ko kayo mapupuri, sapagkat kapag kayo'y nagkakatipon, ito ay hindi para sa ikabubuti, kundi sa ikasasama pa. 18 Sapagkat una sa lahat, sa pagpupulong ninyo sa iglesya, ay nababalitaan ko na may mga pagkakampi-kampi sa inyo, at parang pinaniniwalaan ko na ito. 19 Sa isang dako, kailangang magkaroon sa inyo ng mga pagbubukud-bukod upang lubusang makilala kung sino sa inyo ang tunay. 20 Sa pagkakatipon ninyo ay hindi ang hapunan ng Panginoon ang kinakain ninyo. 21 Sapagkat sa inyong pagkain, mayroon sa inyong nauunang kumain ng sarili niyang hapunan, kaya may nagugutom, at ang iba nama'y lasing. 22 Ano? Wala ba kayong mga bahay na makakainan at maiinuman? O hinahamak ba ninyo ang iglesya ng Diyos, at hinihiya ang mga walang kahit ano? Ano ang sasabihin ko sa inyo? Pupurihin ko ba kayo? Sa bagay na ito ay hindi ko kayo mapupuri.
Pagganap ng Hapunan ng Panginoon(W)
23 Sapagkat ang tinanggap ko mula sa Panginoon ang siyang itinatagubilin ko sa inyo: na ang Panginoong Jesus nang gabing siya'y ipagkanulo ay kumuha ng tinapay; 24 at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 25 Sa (X) gayunding paraan ay kinuha niya ang kopa, pagkatapos maghapunan, at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan sa aking dugo. Gawin ninyo ito, tuwing kayo'y iinom nito, bilang pag-alaala sa akin.” 26 Sapagkat sa tuwing kakainin ninyo ang tinapay na ito at iinuman ang kopa, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagdating.
Ang Di-Nararapat na Pagganap ng Banal na Hapunan
27 Kaya't ang sinumang kumain ng tinapay o uminom sa kopa ng Panginoon sa paraang hindi nararapat ay mananagot sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Suriin nga ng bawat tao ang kanyang sarili, bago siya kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom ay kumakain at umiinom ng hatol sa kanyang sarili kung hindi niya kinikilala ang katawan.[f] 30 Dahil dito, marami sa inyo ang mahihina at maysakit, at ang ilan ay yumao na.[g] 31 Ngunit kung hinahatulan natin ang ating sarili, hindi tayo mahahatulan. 32 At kapag tayo'y hinatulan ng Panginoon, dinidisiplina niya tayo upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanlibutan. 33 Kaya nga, mga kapatid, kapag kayo'y nagtitipon upang kumain, maghintayan kayo. 34 Kung nagugutom ang sinuman, kumain siya sa bahay, upang hindi kayo mahatulan kapag kayo ay nagtitipon. Tungkol sa iba pang mga bagay ay magbibigay ako ng tagubilin pagdating ko.
Tungkol sa mga Kaloob na Espirituwal
12 Ngayon naman, mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang tungkol sa mga kaloob na espirituwal. 2 Alam ninyo na noong mga pagano pa kayo, iniligaw kayo sa mga piping diyus-diyosan. 3 Nais ko ngang maunawaan ninyo na walang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na nagsasabi, “Sumpain si Jesus!” at walang makapagsasabi, “Si Jesus ay Panginoon,” maliban sa patnubay ng Banal na Espiritu.
4 May (Y) iba't ibang uri ng mga kaloob, ngunit mula sa iisang Espiritu. 5 At may iba't ibang uri ng paglilingkod, ngunit mula sa iisang Panginoon. 6 May iba't ibang uri ng gawain, ngunit mula sa iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng bagay sa lahat. 7 Ngunit ibinigay sa bawat isa ang kapahayagan ng Espiritu para sa kapakinabangan ng lahat. 8 May binigyan ng salita ng karunungan sa pamamagitan ng Espiritu, at ang iba nama'y binigyan ng salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu; 9 ang iba'y pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at ang iba'y mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 10 Ang iba'y binigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga himala, ang iba'y propesiya, ang iba'y kakayahang kumilala ng mga espiritu, ang iba'y kakayahang magsalita ng iba't ibang wika, at ang iba nama'y pagpapaliwanag ng mga wika. 11 Ngunit ang lahat ng ito ay pinakikilos ng iisa at parehong Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa ninanais ng Espiritu.
Iisang Katawan, Maraming Bahagi
12 Sapagkat (Z) kung paanong iisa ang katawan at marami ang mga bahagi, at ang lahat ng bahagi ng katawan, bagama't marami ay iisang katawan, gayundin naman kay Cristo. 13 Sapagkat sa pamamagitan ng iisang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat tungo sa iisang katawan, maging Judio o Griyego, alipin o malaya—at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu. 14 Sapagkat ang katawan ay hindi binubuo ng iisang bahagi, kundi ng marami. 15 Kung sasabihin ng paa, “Sapagkat hindi ako kamay, hindi ako kabilang sa katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 16 At kung sasabihin ng tainga, “Sapagkat hindi ako mata, hindi ako kabilang sa katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 17 Kung ang buong katawan ay mata, saan naroroon ang pandinig? Kung ang lahat ay pandinig, saan naroroon ang pang-amoy? 18 Inilagay ng Diyos ang mga bahagi ng katawan, ang bawat isa sa kanila ayon sa kanyang kagustuhan. 19 At kung ang lahat ay isang bahagi, nasaan pa ang katawan? 20 Maraming mga bahagi ngunit iisa ang katawan. 21 Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin makapagsasabi ang ulo sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” 22 Sa halip, ang mga bahagi ng katawan na sa tingin natin ay mahihina ay silang kailangan. 23 Ang mga bahagi ng katawan na sa tingin natin ay walang karangalan, ay pinag-uukulan natin ng ibayong karangalan, at ang mga kahiya-hiyang bahagi natin ang lalong pinararangalan— 24 na hindi naman kailangan ng mga bahagi nating higit na magaganda. Subalit ang Diyos ang bumuo ng katawan sa paraang mabibigyan ng ibayong kapurihan ang bahaging may kakulangan. 25 Ito'y upang huwag magkaroon ng pagkakahati-hati sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng parehong pagmamalasakit sa isa't isa. 26 Kapag naghihirap ang isang bahagi, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang natutuwa ang mga bahagi.
27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at ang bawat isa'y bahagi nito. 28 At (AA) ang Diyos ay naglagay sa iglesya, una, ng mga apostol, ikalawa, ng mga propeta, ikatlo, ng mga guro, at ng mga himala, at mga kaloob ng pagpapagaling, mga pagtulong, mga kakayahan sa pamumuno, at iba't ibang uri ng wika. 29 Lahat ba'y mga apostol? Lahat ba'y mga propeta? Lahat ba'y mga guro? Lahat ba'y mga manggagawa ng mga himala? 30 Lahat ba'y may mga kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba'y nagsasalita ng iba't ibang wika? Lahat ba'y nagpapaliwanag? 31 Ngunit pakamithiin ninyo ang mga mas dakilang kaloob.
At ngayon ay ipapakita ko sa inyo ang walang kapantay na daan.
Ang Pag-ibig
13 Kung makapagsalita man ako ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, wala naman akong pag-ibig, ako'y nagiging isang maingay na pompiyang, o batingaw na umaalingawngaw. 2 Kung mayroon man akong kaloob ng propesiya at nauunawaan ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman, at taglayin ko man ang lahat ng pananampalataya upang mapalipat ko ang mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan. 3 Kahit ipamigay ko pa ang lahat ng aking ari-arian, at ibigay ko ang aking katawan upang sunugin,[h] ngunit wala naman akong pag-ibig, wala itong pakinabang sa akin.
4 Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait; hindi mapanibughuin, hindi mapagmalaki o mayabang; 5 hindi magaspang ang asal; hindi nag-iisip para sa sariling kapakanan, hindi mayayamutin, hindi nagbibilang ng kamalian. 6 Hindi ito nagagalak sa kasamaan, kundi nakikigalak sa katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay nagtitiis sa lahat, nagtitiwala sa lahat, may pag-asa sa lahat at may tiyaga sa lahat.
8 Ang pag-ibig ay walang katapusan. Ngunit maging ang mga propesiya ay matatapos; maging ang iba't ibang wika ay titigil; maging ang kaalaman ay lilipas. 9 Sapagkat bahagi lamang ang ating nalalaman at bahagi lamang ang ipinahahayag nating propesiya; 10 ngunit kapag ang lubusan ay dumating na, lilipas na ang bahagi lamang. 11 Nang ako'y bata pa, nagsasalita ako tulad ng isang bata, nag-iisip ako tulad ng isang bata, nangangatwiran ako tulad ng isang bata. Nang sumapit na ako sa hustong gulang ay tinalikuran ko na ang mga bagay ng pagkabata. 12 Sapagkat malabo pa ang ating nakikita sa salamin, ngunit pagkatapos nito ay makakakita tayo nang mukhaan. Ang nalalaman ko ngayon ay bahagi lamang, ngunit pagkatapos ay lubos akong makauunawa kung paanong ako ay lubos na nauunawaan. 13 Samantala, nananatili ang tatlong ito: pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
Propesiya at Pagsasalita ng Iba't ibang Wika
14 Pakamithiin ninyo ang pag-ibig at naisin ninyong magkaroon ng mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang kayo'y makapagpahayag ng propesiya. 2 Sapagkat ang nagsasalita sa iba't ibang wika ay hindi sa mga tao nagsasalita kundi sa Diyos, sapagkat walang nakakaunawa sa taong iyon, yamang sa Espiritu ay nagsasalita siya ng mga hiwaga. 3 Ngunit ang nagpapahayag ng propesiya ay sa mga tao nagsasalita upang sila'y maging matatag, masigla at mabigyang-kaaliwan. 4 Ang nagsasalita sa ibang wika ay nagpapatibay lamang ng sarili, ngunit ang nagpapahayag ng propesiya ay nagpapatibay ng iglesya. 5 Nais ko rin naman sanang kayong lahat ay magsalita sa iba't ibang wika, ngunit mas nais ko na kayo ay magpahayag ng propesiya. Ang nagpapahayag ng propesiya ay higit kaysa nagsasalita ng iba't ibang wika, malibang may nagpapaliwanag nito upang mapatatag ang iglesya.
6 Subalit ngayon, mga kapatid, kung dumating ako sa inyo at nagsasalita sa iba't ibang wika, ano'ng pakinabang ninyo sa akin? Wala nga, malibang ako'y may dalang pahayag, o kaalaman, propesiya, o isang aral. 7 Maging ang mga instrumentong walang buhay katulad ng plauta o alpa, kung hindi magbigay ng malinaw na tunog, di ba't hindi malalaman ng sinuman kung ano ang tinutugtog? 8 Sapagkat kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta, sino ang maghahanda para sa digmaan? 9 Gayundin naman sa inyo. Kung sa pagsasalita ninyo sa isang wika ay gumagamit kayo ng mga salitang hindi nauunawaan, paano malalaman ng mga tao ang ibig ninyong sabihin? Kung gayon, sa hangin lamang kayo magsasalita. 10 Sadyang napakaraming uri ng mga wika sa daigdig, at lahat ng mga ito ay may kahulugan. 11 Ngunit kung hindi ko alam ang kahulugan ng wikang ginagamit, ako ay magiging banyaga sa nagsasalita, at ang nagsasalita ay magiging banyaga sa akin. 12 Gayundin naman sa inyo. Yamang nagnanais kayong magkaroon ng mga espirituwal na kaloob, maging masagana sana kayo sa mga kaloob na makapagpapatatag sa iglesya. 13 Kaya't ang nakapagsasalita sa ibang wika ay dapat manalangin na magkaroon din siya ng kakayahang makapagpaliwanag. 14 Sapagkat kung ako'y nananalangin sa ibang wika, nananalangin ang aking espiritu, ngunit wala namang ibinabahagi ang aking pag-iisip. 15 Ano kung gayon ang aking gagawin? Ako'y mananalangin sa espiritu, at mananalangin din ako sa aking pag-iisip. Aawit ako sa espiritu, at aawit din ako sa aking pag-iisip. 16 Kung hindi gayon, kapag nagpupuri ka sa pamamagitan ng espiritu, paano makapagsasabi ng “Amen” sa iyong pagpapasalamat ang isang taong walang kaalaman, kung hindi naman niya nauunawaan ang sinasabi mo? 17 Maaaring ikaw ay lubos na nakapagpapasalamat, ngunit ang iba naman ay hindi napapalakas. 18 Nagpapasalamat ako sa Diyos na nagsasalita ako sa mga wika nang higit kaysa inyong lahat. 19 Ngunit sa iglesya, mas nanaisin ko pang bumigkas ng limang salita na nauunawaan, upang makapagturo ako sa iba, kaysa sampung libong mga salita sa ibang wika.
20 Mga kapatid, huwag kayong mag-isip na parang mga bata. Tungkol sa kasamaan ay maging musmos kayo, ngunit sa pag-iisip ay maging tulad kayo ng mga taong nasa hustong gulang. 21 Sa (AB) Kautusan ay nasusulat,
“Sa pamamagitan ng mga taong may kakaibang wika,
at sa pamamagitan ng mga labi ng mga banyaga
ay magsasalita ako sa bayang ito,
subalit hindi nila ako pakikinggan,”
sabi ng Panginoon. 22 Kaya nga, ang pagsasalita sa iba't ibang wika ay tanda hindi para sa mga sumasampalataya kundi sa mga hindi sumasampalataya. Ngunit ang pagpapahayag ng propesiya ay hindi para sa mga hindi sumasampalataya, kundi sa mga sumasampalataya. 23 Kaya't kung nagkakatipon ang buong iglesya at ang lahat ay nagsasalita sa iba't ibang wika, at pumasok ang mga walang kaalaman o mga di-nanampalataya, hindi kaya nila sabihing kayo'y nababaliw? 24 Subalit kung ang lahat ay nagpapahayag ng propesiya at may pumasok na di-mananampalataya, o isang walang kaalaman, siya ay mahihikayat ng lahat na siya'y isang makasalanan. Siya ay pananagutin ng lahat, 25 yamang nailantad ang mga lihim ng kanyang puso, at ang taong iyon ay yuyukod,[i] at kanyang sasambahin ang Diyos, at siya'y magpapahayag, “Tunay na kasama ninyo ang Diyos.”
Kaayusan sa Pagsamba
26 Kaya ano'ng ibig kong sabihin, mga kapatid? Sa inyong pagkakatipon, bawat isa ay may awit, may aral, may pahayag, may wika, o kaya'y may pagpapaliwanag. Dapat isagawa ang lahat ng mga bagay para sa pagpapatibay ng iglesya. 27 Kung mayroong nagsasalita ng ibang wika, dapat ay dalawa o pinakamarami na ang tatlo, at isa-isa silang magsasalita. Kailangang may magpaliwanag ng mga sinabi. 28 Ngunit kung walang tagapagpaliwanag, tumahimik na lamang sa iglesya ang tagapagsalita at makipag-usap sa kanyang sarili, at sa Diyos. 29 Hayaang magpahayag ng propesiya ang dalawa o tatlong tao, habang inuunawa naman ng iba ang ipinapahayag. 30 Kung may dumating na pahayag sa isang nakaupo, dapat munang tumahimik ang nauna. 31 Sapagkat kayong lahat ay maaaring magpahayag ng propesiya, nang sunud-sunod, upang ang lahat ay matuto, at ang lahat ay mapasigla. 32 Ang mga espiritu ng mga propeta ay nasa pamamahala ng mga propeta, 33 sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.
Gaya sa lahat ng mga kapulungan ng mga banal, 34 ang mga babae ay dapat tumahimik sa mga iglesya. Sapagkat hindi sila pinahihintulutang magsalita, sa halip ay magpasakop, alinsunod sa sinasabi ng Kautusan. 35 Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kani-kanilang mga asawa sa bahay; sapagkat hindi naaangkop para sa isang babae ang magsalita sa iglesya. 36 Sa inyo ba nanggaling ang salita ng Diyos? O dumating lamang ito sa inyo?
37 Kung inaakala ng sinuman na siya'y isang propeta, o may kaloob na espirituwal, dapat niyang kilalanin na ang mga isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon. 38 Ang hindi kumilala nito ay hindi rin dapat kilalanin. 39 Kaya, mga kapatid, naisin ninyong mabuti ang makapagpahayag ng propesiya, ngunit huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba't ibang mga wika. 40 Gayunma'y dapat isagawa ang lahat ng mga bagay sa karapat-dapat at maayos na paraan.
Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo
15 Ngayon ay ipinapaalala ko sa inyo, mga kapatid, ang tungkol sa ebanghelyo[j] na ipinangaral ko sa inyo, na inyong tinanggap, na siya naman ninyong kinatatayuan. 2 Sa pamamagitan nito ay naliligtas kayo, kung panghahawakan ninyo itong mabuti. Kung hindi, kayo'y sumampalataya nang walang kabuluhan. 3 Sapagkat (AC) ibinigay ko sa inyo bilang pangunahin sa lahat ang akin din namang tinanggap: na si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan, ayon sa kasulatan, 4 at (AD) siya'y inilibing; at muling binuhay pagsapit ng ikatlong araw ayon sa mga kasulatan, 5 at (AE) siya'y nagpakita kay Pedro,[k] at pagkatapos ay sa labindalawa. 6 Pagkatapos ay nagpakita siyang minsanan sa mahigit na limang daang kapatid na ang karamihan sa mga ito ay nabubuhay pa hanggang ngayon, bagaman ang mga iba'y namayapa na. 7 Pagkatapos ay nagpakita siya kay Santiago, pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol, 8 at (AF) sa kahuli-hulihan na parang ipinanganak nang wala sa panahon, ay nagpakita rin siya sa akin. 9 Sapagkat (AG) ako ang pinakahamak sa mga apostol, ni hindi ako karapat-dapat na tawaging apostol, sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos. 10 Ngunit kung ano ako ngayon, ito ay sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, at ang kanyang biyaya para sa akin ay hindi nawawalan ng saysay. Sa halip, ako'y nagsikap nang higit kaysa kanilang lahat, gayunma'y hindi ako, kundi ang biyaya ng Diyos na nasa akin. 11 Kaya't maging ako o sila, ganito ang ipinangangaral namin, at ito ang sinasampalatayanan ninyo.
Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay
12 At kung ipinapangaral na si Cristo ay binuhay mula sa mga patay, paanong nasasabi ng ilan sa inyo na hindi muling mabubuhay ang mga patay? 13 Kung hindi muling mabubuhay ang mga patay, kahit si Cristo ay hindi sana muling binuhay. 14 At kung si Cristo ay hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral, at wala ring kabuluhan ang inyong pananampalataya. 15 Bukod dito, matatagpuan pa kaming mga sinungaling na saksi ng Diyos sapagkat kami ay nagpatotoo tungkol sa Diyos, na muli niyang binuhay si Cristo, na hindi naman niya pala muling binuhay, kung totoo na ang mga patay ay hindi muling binubuhay. 16 Sapagkat kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, kahit si Cristo ay hindi muling binuhay. 17 At kung si Cristo ay hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang inyong pananampalataya, nananatili pa rin kayo sa inyong mga kasalanan. 18 Kung gayon, ang mga namayapa na kay Cristo ay napahamak. 19 Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng mga tao.
20 Ngunit sa katunayan, si Cristo ay binuhay mula sa mga patay. Siya ang unang bunga ng mga namatay. 21 Sapagkat yamang dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, sa pamamagitan din ng isang tao'y dumating ang muling pagkabuhay ng mga patay. 22 Sapagkat kung paanong dahil kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin dahil kay Cristo ang lahat ay bubuhayin. 23 Ngunit ang bawat isa'y ayon sa kanyang takdang panahon. Si Cristo ang unang bunga; at pagkatapos ay ang mga kabilang kay Cristo sa panahon ng kanyang pagdating. 24 Pagkatapos ay darating ang wakas, kapag kanyang ibibigay na ang kaharian sa Diyos Ama, matapos niyang lipulin ang lahat ng paghahari, pamamahala at kapangyarihan. 25 Sapagkat (AH) kailangang maghari siya hanggang mailagay niya ang lahat ng kanyang mga kaaway sa ilalim ng kanyang mga paa. 26 Ang huling kaaway na lilipulin ay ang kamatayan. 27 Sapagkat (AI) “ipinasakop niya ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa.” Sa pagsasabi na ang lahat ng mga bagay ay ipinasakop sa kanya, maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos, na siyang nagpasakop ng lahat ng mga bagay kay Cristo. 28 At kapag ang lahat ng mga bagay ay ipinasakop na sa Anak, ang Anak ay pasasakop din sa Ama na naglagay ng lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang kapangyarihan, upang ang Diyos ay mangibabaw sa lahat.
29 At kung walang muling pagkabuhay, ano'ng gagawin ng mga binabautismuhan para sa mga patay? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, bakit may mga taong binabautismuhan para sa kanila? 30 At bakit namin inilalagay sa panganib ang aming buhay sa bawat sandali? 31 Araw-araw akong humaharap sa kamatayan! Ipinapahayag ko ito, mga kapatid, dahil sa aking pagmamalaki tungkol sa inyo, na tinataglay ko kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 32 Kung (AJ) sa makataong dahilan lamang kaya ako lumaban sa maiilap na hayop sa Efeso, ano ang mapapakinabang ko? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo ay mamamatay.” 33 Huwag kayong padaya: “Ang masasamang kasamahan ay sumisira ng magagandang asal.” 34 Magpakatino kayo gaya ng nararapat at huwag na kayong magkasala, sapagkat may mga taong hindi pa nakakakilala sa Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo.
Ang Katawan sa Muling Pagkabuhay
35 Ngunit may magtatanong, “Paano muling bubuhayin ang mga patay? Anong uri ng katawan ang tataglayin nila?” 36 Ikaw na hangal! Dapat munang mamatay ang binhing iyong itinatanim bago ito mabuhay. 37 Kapag ikaw ay nagtatanim, hindi malaking katawan na ng halaman ang iyong itinatanim, kundi binhi lamang, maaaring ng trigo o ng ibang uri ng mga butil. 38 Subalit binibigyan ito ng Diyos ng katawang ayon sa kanyang kagustuhan, at ang bawat uri ng binhi ay binibigyan niya ng sariling katawan. 39 Hindi lahat ng laman ay magkakatulad. May isang uri ng laman ang mga tao, at ibang laman naman ang sa mga hayop, ibang laman sa mga ibon, at iba rin sa mga isda. 40 May mga katawang panlangit, at may mga katawang panlupa, ngunit may sariling kaluwalhatian ang panlangit, at iba naman ang panlupa. 41 May isang uri ng kaningningan ang araw, at iba ang kaningningan ng buwan, at iba rin ang kaningningan ng mga bituin; at ang mga bituin ay magkakaiba rin ng kaningningan.
42 Gayundin naman sa muling pagkabuhay ng mga patay. Itinatanim na may pagkabulok, muling binubuhay nang walang pagkabulok. 43 Itinatanim ito na walang karangalan, binubuhay ito na may kaluwalhatian; itinatanim na may kahinaan, binubuhay na may kapangyarihan. 44 Itinatanim ito bilang katawang pisikal, binubuhay na katawang espirituwal. Kung may katawang pisikal, mayroon ding espirituwal. 45 Gaya ng (AK) nasusulat, “Ang unang taong si Adan ay naging buháy na nilalang.”[l] Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay. 46 Ngunit hindi una ang espirituwal, kundi ang pisikal, pagkatapos ay ang espirituwal. 47 Ang unang tao ay mula sa alabok ng lupa, ang pangalawa naman ay mula sa langit. 48 Silang mga mula sa alabok ay katulad ni Adan na mula sa alabok; at silang panlangit ay katulad niya na nagmula sa langit. 49 At kung paanong tinaglay natin ang larawan ng taong mula sa alabok, tataglayin din natin ang larawan ng taong mula sa langit.
50 Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid: ang laman at dugo ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos; ni ang may pagkabulok ay magmamana ng walang pagkabulok. 51 Pakinggan ninyo ang (AL) sasabihin kong isang hiwaga. Hindi tayong lahat ay mahihimlay, ngunit tayong lahat ay babaguhin— 52 sa isang saglit, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta. Sapagkat tutunog ang trumpeta at ang mga patay ay bubuhaying muli na walang pagkasira at tayo'y babaguhin. 53 Sapagkat ang may pagkabulok ay kailangang magbihis ng walang pagkabulok, at itong may kamatayan ay magbihis ng kawalang kamatayan. 54 Ngunit (AM) kapag itong may pagkabulok ay mabihisan ng walang pagkabulok at itong may kamatayan ay mabihisan ng kawalang kamatayan, ay mangyayari ang salitang nasusulat,
“Ang kamatayan ay nilamon na ng tagumpay.”
55 “Nasaan na, (AN) kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan na, kamatayan, ang iyong kamandag?”
56 Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan. 57 Subalit salamat sa Diyos! Pinagtatagumpay niya tayo sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 58 Kaya, mga kapatid kong minamahal, magpakatatag kayo; huwag kayong patitinag, kayo'y laging sumagana sa gawain ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi mawawalan ng saysay ang inyong pagpapagal para sa Panginoon.
Ang Tulong para sa mga Kapatid
16 At (AO) tungkol naman sa ambag para sa mga banal: gawin din ninyo kung ano ang itinagubilin ko sa mga iglesya sa Galacia. 2 Tuwing unang araw ng linggo, ang bawat isa sa inyo ay magbukod at maglaan ng halaga ayon sa kanyang kinita, upang huwag nang magkaroon ng mga ambagan pagpunta ko. 3 At pagdating ko riyan, ang mga taong inyong mapili ay aking isusugo na may dalang mga sulat upang maghatid ng inyong kaloob sa Jerusalem. 4 Kung kinakailangan kong pumunta ay sasamahan nila ako.
Plano ni Pablo sa Paglalakbay
5 Dadalawin (AP) ko kayo pagdaan ko sa Macedonia, sapagkat daraan ako roon. 6 At maaaring tumigil muna ako riyan sa inyo o kaya'y magpalipas ng taglamig, upang ako'y maihatid ninyo, saan man ako pumunta. 7 Ayaw kong maging sandali lang ang ating pagkikita; kung loloobin ng Panginoon, ibig kong magtagal-tagal diyan na kasama ninyo. 8 Ngunit (AQ) titigil ako sa Efeso hanggang araw ng Pentecostes, 9 sapagkat (AR) nabuksan para sa akin ang isang maluwang na pintuan tungo sa makabuluhang gawain, bagama't maraming sumasalungat.
10 Pagdating (AS) ni Timoteo, sikapin ninyo na wala siyang anumang dapat ipangamba sa piling ninyo, sapagkat tulad ko ay ginagampanan niya ang gawain ng Panginoon. 11 Kaya't huwag siyang hamakin ng sinuman. Mapayapa ninyo siyang ihatid sa kanyang paglalakbay upang makabalik siya sa akin, sapagkat inaasahan ko siyang kasama ng mga kapatid.
12 Tungkol naman kay kapatid na Apolos, nakiusap akong mabuti sa kanya na puntahan kayo kasama ng ibang mga kapatid. Wala pa siyang balak na pumunta riyan ngayon. Ngunit darating siya kapag nagkaroon na siya ng pagkakataon.
Pagwawakas at Pagbati
13 Magbantay kayo, manindigan kayo sa pananampalataya, magpakatapang kayo, magpakatatag kayo. 14 Gawin ninyo ang lahat nang may pag-ibig.
15 Alam ninyo (AT) na ang sambahayan ni Estefanas ang mga unang bunga ng pangangaral sa Acaia. Inilaan na nila ang kanilang sarili sa paglilingkod sa mga banal. Kaya't nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, 16 na magpailalim kayo sa pamumuno ng gayong uri ng mga tao at sa bawat isang nagpapagal at nakikiisa sa gawain. 17 Natutuwa ako sa pagdating nina Estefanas, Fortunato, at Acaico, sapagkat kanilang pinunan ang inyong kakulangan. 18 Pinaginhawa rin nila ang aking espiritu at ang sa inyo. Pahalagahan ninyo ang pagkilala sa katulad nila.
19 Binabati (AU) kayo ng mga iglesya sa Asia. Malugod kayong binabati sa Panginoon nina Aquila at Priscila[m] gayundin ng iglesyang nagtitipon sa kanilang bahay. 20 Binabati kayo ng lahat ng mga kapatid. Magbatian kayo nang may banal na halik.
21 Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito sa pamamagitan ng aking sariling kamay. 22 Sumpain ang sinumang hindi nagmamahal sa Panginoon. Dumating ka nawa, Panginoon! 23 Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Jesus. 24 Sumainyo nawang lahat ang aking pag-ibig kay Cristo Jesus. Amen.
1 Mula kay (AV) Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at mula kay Timoteo na ating kapatid—
Sa iglesya ng Diyos sa Corinto, kasama ng lahat ng mga banal na nasa buong Acaia: 2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.
Pasasalamat sa Gitna ng Paghihirap
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng mga kahabagan at Diyos ng lahat ng kaaliwan. 4 Inaaliw niya tayo sa lahat ng ating paghihirap, upang maaliw natin ang nasa anumang paghihirap, sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin mula sa Diyos. 5 Sapagkat kung paanong ang paghihirap ni Cristo ay sumasagana sa ating buhay, sa pamamagitan din ni Cristo ay umaapaw ang ating kaaliwan. 6 Ngunit kung pinahihirapan man kami, ito ay upang kayo'y maaliw at maligtas. Kung kami ay inaaliw, ito ay upang kayo'y maaliw, at sa pamamagitan nito'y magkakaroon kayo ng kakayahang magtiis ng mga pagdurusang aming dinaranas. 7 Matibay ang aming pag-asa tungkol sa inyo, sapagkat alam namin na kung kayo'y karamay namin sa pagdurusa, karamay din namin kayo sa kaaliwang tinatanggap namin.
8 Nais (AW) naming malaman ninyo, mga kapatid, ang tungkol sa mga paghihirap na sinapit namin sa Asia. Sapagkat napakabigat ang aming naranasan doon na halos hindi namin nakaya, anupa't nawalan kami ng pag-asang mabuhay. 9 Ngunit kami mismo ang tumanggap ng hatol na kamatayan, upang kami ay huwag magtiwala sa aming sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay sa mga patay. 10 Siya na nagligtas sa amin mula sa gayong tiyak na kamatayan ang patuloy na magliligtas sa amin. Umaasa kami na patuloy pa niya kaming ililigtas, 11 habang tinutulungan ninyo kami sa pamamagitan ng inyong panalangin para sa amin. Sa gayon ay maraming tao ang magpapasalamat dahil sa mga biyayang ibinigay sa amin bilang kasagutan sa maraming panalangin.
Pagpapaliban ng Pagdalaw ni Pablo
12 Sapagkat ito ang aming maipagmamalaki: nagpapatotoo ang aming budhi na ang pamumuhay namin sa sanlibutan, at lalo na sa inyo ay may kalinisan at katapatang mula sa Diyos, hindi ayon sa makamundong karunungan, kundi sa biyaya ng Diyos. 13 Sapagkat ang isinusulat namin ay ang kaya lamang ninyong basahin at unawain. Umaasa ako na lubos ninyo itong mauunawaan, 14 kung paanong naunawaan ninyo kami nang bahagya, na kami ay maipagmamalaki ninyo gaya ninyo na aming maipagmamalaki sa araw ng Panginoong Jesus.
15 Dahil sa pagtitiwalang ito, binalak kong dalawin muna kayo, upang kayo'y magkaroon ng higit pang pagpapala. 16 Ninais kong dalawin kayo noong ako'y (AX) papuntang Macedonia, at mula roon ay bumalik sa inyo, at sa ganoon ay maihatid ninyo ako sa aking paglalakbay papuntang Judea. 17 Nagdalawang-isip ba ako nang binalak kong gawin ito? Katulad ba ako ng makamundong tao kung magplano, na pinagsasabay ang “Oo at Hindi?” 18 Dahil tapat ang Diyos, ang aming salita sa inyo ay hindi “Oo at Hindi.” 19 Sapagkat (AY) ang Anak ng Diyos, si Jesu-Cristo na ipinangaral sa inyo sa pamamagitan ko at nina Silvano at Timoteo, ay hindi “Oo at Hindi,” kundi sa kanya ang “Oo” ay “Oo.” 20 Sapagkat gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, lahat ng mga ito kay Cristo ay “Oo.” Kaya't sa pamamagitan niya ay nasasabi namin ang “Amen,” sa ikaluluwalhati ng Diyos. 21 At ang nagpapatatag sa amin at sa inyo kay Cristo ay ang Diyos. Hinirang niya kami, 22 tinatakan at ibinigay ang Espiritu sa aming mga puso bilang katibayan.
23 Nagsusumamo ako sa Diyos bilang aking saksi, na hindi ako natuloy sa pagpunta sa Corinto upang hindi kayo mabigatan. 24 Hindi sa ibig naming maging panginoon ninyo sa pananampalataya, sa halip kami ay mga kamanggagawa ninyo upang magdulot sa inyo ng kagalakan, sapagkat kayo'y nananatiling matatag sa pananampalataya.
2 Nagpasya ako na hindi na ako muling dadalaw sa inyo nang may kalungkutan. 2 Sapagkat kung palulungkutin ko kayo, sino ang magpapasaya sa akin, kundi kayo na pinalungkot ko? 3 Kaya't sumulat ako sa inyo, upang pagdating ko ay hindi ako palungkutin ng mga taong dapat ay magpapasaya sa akin. May tiwala ako sa inyong lahat na masaya kayo kung masaya ako. 4 Sumulat ako sa inyo sa gitna ng matinding paghihirap ng kalooban at pangamba ng puso at kasabay ng maraming pagluha, hindi upang kayo'y palungkutin kundi upang malaman ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig ko sa inyo.
Pagpapatawad sa Nagkasala
5 Subalit kung may taong naging sanhi ng kalungkutan, hindi ako ang pinalungkot niya, kundi sa katunayan ay kayong lahat—sinasabi ko ito sa paraang hindi kayo masyadong masasaktan. 6 Sapat na para sa taong iyon ang parusang iginawad sa kanya ng nakararami. 7 Sa halip, patawarin ninyo siya at aliwin, upang hindi siya madaig ng labis na kalungkutan. 8 Kaya't nakikiusap ako sa inyo na ipadama ninyong muli ang inyong pag-ibig sa kanya. 9 Ito ang dahilan kung bakit sumulat ako: upang subukin ko at alamin kung kayo nga'y masunurin sa lahat ng mga bagay. 10 Ang sinumang pinapatawad ninyo ay pinapatawad ko rin. Kung may dapat patawarin ay pinatawad ko na, alang-alang sa inyo, sa harapan ni Cristo, 11 upang hindi tayo madaya ni Satanas. Sapagkat alam na alam natin ang kanyang mga binabalak.
Pangamba ni Pablo sa Troas
12 Pagdating (AZ) ko sa Troas, may pintuang binuksan para sa akin ang Panginoon upang ipangaral ang ebanghelyo ni Cristo. 13 Hindi mapalagay ang aking kalooban, sapagkat hindi ko natagpuan doon ang aking kapatid na si Tito. Kaya't ako'y nagpaalam sa mga kapatid doon at tumuloy sa Macedonia.
14 Ngunit salamat sa Diyos, na siyang laging nagdadala sa atin sa pagtatagumpay kay Cristo, at sa pamamagitan natin ay nagpapalaganap ng samyo ng pagkakilala sa kanya sa bawat dako. 15 Sapagkat kami ang halimuyak ng handog ni Cristo sa Diyos, na nalalanghap ng mga inililigtas at ng mga napapahamak. 16 Para sa isa kami ay halimuyak ng kamatayan na nagdudulot ng kamatayan; at sa isa naman ay halimuyak ng buhay na nagdudulot ng buhay. Sino ang sapat para sa gawaing ito? 17 Sapagkat hindi kami katulad ng marami na gumagamit ng salita ng Diyos para sa sariling pakinabang, kundi bilang mga tapat na sugo ng Diyos, ay nagsasalita kami para kay Cristo sa paningin ng Diyos.
Mga Lingkod ng Bagong Tipan
3 Ipagmamalaki na naman ba naming muli ang aming sarili? O kailangan ba namin, gaya ng iba, ng mga sulat ng papuri ng aming mga sarili para sa inyo, o mula sa inyo? 2 Kayo mismo ang aming sulat na nakasulat sa aming mga puso at ito'y nauunawaan at nababasa ng lahat ng mga tao. 3 Ipinapahayag (BA) ninyo na kayo'y sulat na ipinadala ni Cristo sa pamamagitan ng aming paglilingkod. Kayo'y isinulat hindi ng tinta, kundi ng Espiritu ng Diyos na buháy, hindi sa mga tapyas na yari sa bato kundi sa mga tapyas na gawa sa puso ng tao.
4 Mayroon kaming ganitong pagtitiwala sa pamamagitan ni Cristo sa harapan ng Diyos. 5 Hindi dahil sa mayroon kaming sariling kakayahan upang mag-angkin na sa amin galing ang anuman, kundi sa Diyos nanggaling ang aming kakayahan. 6 Ginawa (BB) niya kaming karapat-dapat na maging mga lingkod ng bagong tipan, isang tipan na hindi batay sa titik, kundi sa Espiritu, sapagkat ang titik ay pumapatay, subalit ang Espiritu ay nagbibigay buhay.
7 Ngayon, (BC) kung ang paglilingkod[n] na may dalang kamatayan na nakasulat at nakaukit sa mga bato ay dumating na may kaluwalhatian, anupa't ang mga Israelita ay hindi makatitig sa mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian nito, bagama't ang kaluwalhatiang iyon ay lumilipas, 8 di ba't magtataglay ng higit na kaluwalhatian ang paglilingkod na dala ng Espiritu? 9 Kung ang paglilingkod na may dalang kahatulan ay maluwalhati, lalong maluwalhati ang paglilingkod na may dalang katuwiran. 10 Sapagkat sa ganitong kalagayan, ang dating maluwalhati ay wala na ngayong kaluwalhatian, dahil doon sa may higit na kaluwalhatian. 11 At kung ang lumilipas ay dumating na may kaluwalhatian, ang nananatili ay lalong may kaluwalhatian.
12 Kaya't yamang taglay namin ang gayong pag-asa, napakalakas ng loob namin sa pagsasalita. 13 Hindi kami (BD) katulad ni Moises, na nagtakip ng kanyang mukha upang hindi makatitig ang mga Israelita sa pagtatapos ng kaluwalhatiang naglalaho. 14 Ngunit nakasara ang kanilang mga pag-iisip, sapagkat hanggang sa araw na ito, kapag kanilang binabasa ang lumang tipan, ang dating talukbong ay naroroon pa rin, sapagkat sa pamamagitan lamang ni Cristo ito maaalis. 15 At hanggang ngayon, tuwing binabasa ang Kautusan ni Moises,[o] may talukbong na nakatakip sa kanilang puso. 16 Gayunman, (BE) kapag ang isang tao ay lumalapit sa Panginoon, naaalis ang talukbong na iyon. 17 Ngayon, ang Panginoon ay ang Espiritu, at kung nasaan ang Espiritu ng Panginoon, doon ay may kalayaan. 18 At tayong lahat, na walang talukbong ang mukha, parang sa salamin nakikita sa pamamagitan natin ang kaluwalhatian ng Panginoon. Binabago ang ating anyo upang maging kalarawan niya, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, na nagmumula sa Panginoon na siyang Espiritu.
Mga Kayamanan sa Sisidlang-Lupa
4 Kaya't yamang sa pamamagitan ng kahabagan ng Diyos ay tinataglay namin ang paglilingkod na ito, hindi kami pinanghihinaan ng loob. 2 Sa halip ay itinatakwil namin ang mga kahiya-hiyang bagay na inililihim. Hindi kami namumuhay sa katusuhan at hindi namin binabaluktot ang salita ng Diyos, kundi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan ay inilalapit namin ang aming sarili sa bawat budhi ng mga tao sa paningin ng Diyos. 3 At kung ang aming ebanghelyo ay natatalukbungan pa, ito ay natatalukbungan lamang sa mga napapahamak. 4 Binulag ng diyos ng sanlibutang ito ang pag-iisip ng mga hindi sumasampalataya, upang hindi nila makita ang liwanag ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Diyos. 5 Sapagkat hindi ang mga sarili namin ang aming ipinangangaral, kundi si Cristo Jesus na Panginoon, at ang aming mga sarili ay mga alipin ninyo alang-alang kay Cristo. 6 Sapagkat (BF) ang Diyos na nagsabi, “Magliwanag ang ilaw sa kadiliman,” ay siyang nagliwanag sa aming mga puso upang ihasik ang liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Diyos na nasa mukha ni Jesu-Cristo.
7 Ngunit taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, upang ipakita na ang walang kapantay na kapangyarihang ito ay mula sa Diyos, at hindi mula sa amin. 8 Kabi-kabila ang pagpapahirap sa amin, ngunit hindi kami nadudurog; nalilito ngunit hindi nanlulupaypay; 9 pinag-uusig, ngunit hindi pinababayaan; pinababagsak, ngunit hindi nawawasak. 10 Dala-dala namin sa katawan ang kamatayan ni Jesus, upang mahayag din sa aming katawan ang buhay ni Jesus. 11 Sapagkat kaming nabubuhay ay laging nabibingit sa kamatayan dahil kay Jesus, upang ang kanyang buhay ay mahayag sa pamamagitan ng aming katawang may kamatayan. 12 Kaya't ang kumikilos sa amin ay kamatayan, ngunit sa inyo naman ay buhay. 13 Ngunit dahil (BG) taglay namin ang gayunding espiritu ng pananampalataya, ayon sa nasusulat, “Sumampalataya ako, kaya't ako ay nagsasalita,” sumasampalataya rin kami, kaya't kami ay nagsasalita. 14 Sapagkat alam namin na ang bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin na kasama ni Jesus, at dadalhin kaming kasama ninyo sa kanyang harapan. 15 Ang lahat ng mga ito ay para sa inyo, upang ang biyayang nakararating sa mas marami pang mga tao ay lalong magparami ng pagpapasalamat tungo sa ikaluluwalhati ng Diyos.
Mamuhay sa Pananampalataya
16 Kaya't hindi kami pinanghihinaan ng loob; bagaman ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, binibigyan naman ng panibagong lakas sa araw-araw ang aming panloob na pagkatao. 17 Sapagkat itong magaan at pansamantalang paghihirap ang naghahanda sa atin para sa walang hanggang kaluwalhatian na hindi maihahambing sa anuman. 18 Sapagkat hindi namin pinagmamasdan ang mga bagay na nakikita, kundi ang mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay pansamantala lamang, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.
5 Sapagkat alam namin na kung mawasak ang ating tirahang tolda sa lupa, mayroon tayong gusali mula sa Diyos, isang bahay na hindi gawa ng kamay ng tao, walang hanggan sa sangkalangitan. 2 Sa ngayon tayo ay dumaraing, nasasabik na mabihisan ng ating panlangit na tahanan, 3 sapagkat kapag tayo ay nabihisan na,[p] hindi tayo madadatnang hubad. 4 Sapagkat habang tayo ay nasa toldang ito, tayo ay dumaraing dahil sa pasanin, hindi sa nais naming matagpuang hubad, kundi ang mabihisan, upang ang may kamatayan ay lunukin ng buhay. 5 Ang naghanda sa atin para sa layuning ito ay Diyos, na nagbigay sa atin ng Espiritu bilang katibayan.
6 Kaya't kami'y laging may lakas ng loob, kahit nalalaman namin na habang kami ay naninirahan sa katawan, kami ay malayo sa Panginoon. 7 Sapagkat lumalakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng aming nakikita. 8 Kaya't malakas ang aming loob, at mas nanaisin pa naming mapalayo sa katawan at mapunta sa tahanan sa piling ng Panginoon. 9 Kaya't pinakamimithi namin na bigyan siya ng kasiyahan, kami man ay nasa tahanan o malayo sa tahanan. 10 Sapagkat (BH) tayong lahat ay kailangang humarap sa hukuman ni Cristo, upang bawat isa ay tumanggap ng kabayaran sa mga bagay na ginawa niya habang nasa katawan, mabuti man o masama.
Ang Paglilingkod Tungo sa Pakikipagkasundo
11 Kaya't yamang nalalaman namin kung paano magkaroon ng takot sa Panginoon, sinisikap naming humikayat ng mga tao. Kung ano kami ay hayag sa Diyos; at ako'y umaasa na kami ay hayag din sa inyong mga budhi. 12 Hindi namin ipinagmamalaking muli ang aming sarili sa inyo, kundi binibigyan namin kayo ng pagkakataon na ipagmalaki kami, upang masagot ninyo ang mga nagmamalaki batay sa nakikita at hindi sa nilalaman ng puso. 13 Sapagkat kung kami ay wala sa aming sarili, ito ay para sa Diyos; kung kami ay nasa katinuan ng pag-iisip, ito ay para sa inyo. 14 Ang pag-ibig ni Cristo ang nag-uudyok sa amin, sapagkat kami'y nakatitiyak na may isang namatay para sa lahat, kaya't ang lahat ay namatay. 15 At siya'y namatay para sa lahat upang ang mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kanya na alang-alang sa kanila ay namatay at muling nabuhay.
16 Kaya't mula ngayon ay hindi namin kinikilala ang sinuman ayon sa pamantayan ng laman, bagaman noon ay nakilala namin si Cristo ayon sa pamantayan ng laman, ngunit ngayon ay hindi na gayon ang aming pagkakilala sa kanya. 17 Kaya't ang sinumang nakipag-isa na kay Cristo ay isa nang bagong nilikha. Ang mga lumang bagay ay lumipas. Masdan ninyo, ang lahat ay naging bago. 18 Lahat ng ito ay mula sa Diyos, at sa pamamagitan ni Cristo ay pinagkasundo tayo ng Diyos sa kanyang sarili, at siyang nagbigay sa amin ng paglilingkod tungo sa pakikipagkasundo. 19 Samakatuwid, ang Diyos ay na kay Cristo, na ipinagkakasundo ang sanlibutan sa kanyang sarili at hindi ibinibilang sa mga tao ang kanilang mga pagkakasala. Ipinagkatiwala niya sa amin ang mensahe ng pakikipagkasundo. 20 Kaya nga kami ay mga sugo para kay Cristo, na parang ang Diyos mismo ang nakikiusap sa pamamagitan namin. Nakikiusap kami sa inyo, alang-alang kay Cristo: makipagkasundo kayo sa Diyos. 21 Itinuring niyang nagkasala siya na hindi nakaranas ng kasalanan, upang sa pamamagitan niya, tayo'y ituring na matuwid sa harapan ng Diyos.
6 Bilang mga kamanggagawa ng Diyos, nagsusumamo kami sa inyo na huwag ninyong sayangin ang pagtanggap ninyo ng kanyang biyaya. 2 Sapagkat (BI) sinasabi niya,
“Sa tamang panahon ikaw ay aking pinakinggan,
at sa araw ng kaligtasan ikaw ay aking tinulungan.”
Ngayon na ang tamang panahon; ngayon na ang araw ng kaligtasan. 3 Hindi kami nagbibigay ng dahilan upang ang sinuman ay matisod, upang hindi mapintasan ang aming paglilingkod. 4 Kundi, sa lahat ng mga bagay, bilang mga lingkod ng Diyos, sinisikap naming maging kagalang-galang. Ito'y kahit sa gitna ng maraming pagtitiis, mga pagdurusa, mga paghihirap, at mga kalungkutan, 5 sa (BJ) mga pagkabugbog, mga pagkabilanggo, mga kaguluhan, mga pagpapagal, mga pagpupuyat, at sa pagkagutom. 6 Maging sa katapatan, kaalaman, pagtitiyaga, at kagandahang-loob; sa Banal na Espiritu at sa pag-ibig na hindi pakunwari; 7 sa pagsasalita ng katotohanan at sa kapangyarihan ng Diyos. Ginagamit namin ang mga sandata ng katuwiran sa kaliwa't kanan, 8 kahit ito'y humantong sa karangalan o kahihiyan, sa panlalait o sa papuri ng kapwa. Nananatili kaming tapat kahit itinuturing kaming mga huwad; 9 kahit kilala, itinuturing na mga hindi kilala; tulad sa mga naghihingalo, gayunma'y nabubuhay; tulad sa mga pinaparusahan, ngunit hindi pinapatay; 10 tulad sa mga nalulungkot, subalit laging natutuwa; tulad sa mga dukha, subalit maraming pinayayaman, tulad sa mga walang-wala, subalit mayroon ng lahat ng bagay.
11 Matapat kaming nagsalita sa inyo, mga taga-Corinto, maluwang naming binuksan ang aming puso para sa inyo. 12 Hindi namin kayo pinaghihigpitan, kundi pinaghihigpitan kayo ng sarili ninyong damdamin. 13 Kinakausap ko kayo ngayon na parang sarili kong mga anak, buksan din naman ninyo ang inyong mga puso.
Ang Templo ng Diyos na Buháy
14 Huwag kayong makipamatok nang hindi patas sa mga di-mananampalataya. Sapagkat anong samahan mayroon ang katuwiran at kamalian? O anong pakikisama mayroon ang liwanag sa kadiliman? 15 At anong pagkakasundo mayroon si Cristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang mananampalataya sa di-mananampalataya? 16 Anong (BK) pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga diyus-diyosan? Sapagkat tayo[q] ay templo ng Diyos na buhay. Gaya ng sinabi ng Diyos,
“Ako'y maninirahan sa kanila, at lalakad na kasama nila,
ako'y magiging Diyos nila,
at sila'y magiging bayan ko.
17 Kaya't (BL) lumabas kayo sa kanila,
at humiwalay kayo, sabi ng Panginoon.
Huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi,
at kayo'y aking tatanggapin,
18 at (BM) ako'y magiging ama ninyo,
at kayo'y magiging mga anak ko,
sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.”
7 Mga minamahal, yamang mayroon tayong mga ganitong pangako, linisin natin ang ating mga sarili sa lahat ng nagpaparumi ng katawan at ng espiritu, at gawin nating lubusan ang kabanalan nang may takot sa Diyos.
Ang Kagalakan ni Pablo
2 Buksan ninyo sa amin ang inyong mga puso. Wala kaming inaping sinuman. Wala kaming sinirang sinuman. Wala kaming pinagsamantalahan. 3 Hindi ko sinasabi ito upang husgahan kayo, sapagkat sinabi ko na nang una pa, na kayo'y nasa aming mga puso, anupa't kami'y handang mamatay at mabuhay na kasama ninyo. 4 Malaki ang tiwala ko sa inyo. Labis ko kayong ipinagmamalaki. Punung-puno ako ng lakas ng loob. Nag-uumapaw ang aking kagalakan sa kabila ng aming paghihirap.
5 Sapagkat (BN) maging nang dumating kami sa Macedonia ay walang pahinga ang aming mga katawan, sa halip ay kabi-kabila ang pagpapahirap sa amin—sa labas ay may pakikipaglaban, sa loob naman ay may takot. 6 Ngunit pinasigla kami ng Diyos, na siyang nagpapasigla sa mga nalulungkot sa pamamagitan ng pagdating ni Tito, 7 at hindi lamang sa pamamagitan ng kanyang pagdating, kundi sa pamamagitan din ng kasiglahang ibinigay ninyo sa kanya. Ibinalita niya sa amin ang inyong pananabik, ang inyong matinding kalungkutan, at ang inyong pagmamalasakit para sa akin, at ang mga ito'y lalo ko pang ikinagalak. 8 Sapagkat kahit pinalungkot ko kayo sa pamamagitan ng aking sulat, hindi ko ito ipinagdaramdam, bagama't nagdamdam din ako, sapagkat nalaman ko na ang sulat na iyon ay nakapagpalungkot sa inyo, kahit sa maikling panahon lamang. 9 Ngayon, ako'y nagagalak hindi dahil sa kayo'y nalungkot, kundi dahil ang inyong kalungkutan ang nagdala sa inyo sa pagsisisi. Sapagkat kayo'y nalungkot nang ayon sa kalooban ng Diyos, upang kayo'y huwag dumanas ng kalugihan sa pamamagitan namin. 10 Sapagkat ang kalungkutang ayon sa kalooban ng Diyos ay nagbubunga ng tunay na pagsisisi tungo sa kaligtasan, ngunit ang kalungkutang ayon sa sanlibutan ay nagbubunga ng kamatayan. 11 Tingnan ninyo ngayon ang nagawa sa inyo ng kalungkutang ito na naaayon sa Diyos: kung anong pagsisikap upang ipagtanggol ang inyong mga sarili, kung anong pagkagalit, kung anong pangamba, pananabik, pagmamalasakit, at pagnanais na maigawad ang katarungan! Lubos ninyong napatunayan na kayo'y walang sala tungkol sa bagay na ito. 12 Kaya't bagaman ako ay sumulat sa inyo, iyon ay hindi dahil sa taong gumawa ng kamalian, at hindi rin dahil sa taong ginawan ng kamalian, kundi upang maging malinaw sa inyo na kayo'y may pagmamalasakit para sa amin sa harapan ng Diyos. 13 Dahil dito'y napasigla kami.
Bukod sa aming sariling kasiglahan ay lalo pa kaming natuwa dahil sa kagalakan ni Tito, sapagkat pinaginhawa ninyo ang kanyang espiritu. 14 Ipinagmalaki ko kayo sa kanya at hindi naman ako napahiya. Kung paanong ang lahat ng aming sinabi sa inyo ay totoo, napatunayan din namang totoo ang aming pagmamalaki tungkol sa inyo kay Tito. 15 At lalo pang lumaki ang pagmamahal niya sa inyo kapag naaalala niya na kayong lahat ay masunurin, at kung paanong tinanggap ninyo siya na may takot at panginginig. 16 Ikinagagalak kong lubos ang pagtitiwala ko sa inyo.
Ang Bukas-Palad na Pagbibigay
8 Ngayon naman, (BO) nais naming malaman ninyo, mga kapatid, ang tungkol sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa mga iglesya ng Macedonia. 2 Bagama't dumaranas sila ng napakatinding pagsubok at halos nakalubog sa kahirapan, sila'y may nag-uumapaw na kagalakang namahagi ng yaman ng kanilang kagandahang-loob. 3 Ako ay makapagpapatunay na sila ay kusang-loob na nagbigay ayon sa kanilang kakayahan, at kahit higit pa sa kanilang kakayahan. 4 Masidhi pa silang nakiusap sa amin na mabigyan ng pagkakataong makibahagi sa biyayang ito ng paglilingkod sa mga banal. 5 Ang ginawa nila'y hindi namin inaasahan. Ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin ayon sa kagustuhan ng Diyos. 6 Kaya't pinakiusapan namin si Tito na yamang mayroon na siyang pinasimulan, nararapat na tapusin din niya sa inyo ang biyayang ito. 7 Ngunit kung paanong kayo'y sumasagana sa lahat ng bagay, sa pananampalataya, sa pananalita, sa kaalaman, sa kasabikang tumulong, at sa inyong pag-ibig sa amin, sikapin din ninyo na kayo ay sumagana sa biyaya ng pagbibigay.
8 Hindi sa inuutusan ko kayo, ngunit nais kong subukin ang katapatan ng inyong pag-ibig sa pamamagitan ng kasabikan ng iba na tumulong. 9 Sapagkat nalalaman ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit siya'y mayaman, naging dukha siya alang-alang sa inyo, upang kayo sa pamamagitan ng kanyang kahirapan ay maging mayaman. 10 At tungkol dito'y ito ang maipapayo ko: pinakamabuti para sa inyo ngayon na tapusin ang sinimulan ninyo nang nakaraang taon, hindi lamang ang paggawa kundi ang pagnanais sa inyong gagawin. 11 At ngayon, tapusin ninyo ang gawain, upang ang inyong matinding pagnanais na gawin iyon ay matumbasan ng pagsasagawa ninyo nito, ayon sa inyong makakaya. 12 Sapagkat kung talagang handang magbigay ang isang tao, tinatanggap ang kanyang kaloob batay sa kung anong mayroon siya, at hindi batay sa wala sa kanya. 13 Hindi sa nais kong guminhawa ang iba at kayo naman ay mabigatan, kundi upang magkaroon ng pagkakapantay-pantay. 14 Sa kasalukuyang panahon, ang inyong kasaganaan ang tutustos sa kanilang pangangailangan, upang balang araw ang kanilang kasaganaan naman ang tutustos sa inyong pangangailangan, sa gayon ay magkakaroon ng pagkakapantay-pantay. 15 Gaya (BP) ng nasusulat,
“Ang nagtipon ng marami ay hindi nagkaroon ng labis,
at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinapos.”
Si Tito at ang Kanyang mga Kasama
16 Salamat sa Diyos na naglagay sa puso ni Tito ng parehong pagsisikap para sa inyo. 17 Sapagkat hindi lamang niya tinanggap ang aming pakiusap, kundi pupunta pa siya riyan sa inyo nang may buong sigasig, at ito'y sa sarili niyang kapasyahan. 18 Isinusugo naming kasama niya ang kapatid na iginagalang ng mga iglesya dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. 19 Bukod dito, pinili siya ng mga iglesya na maglakbay na kasama namin kaugnay ng biyayang ito sa ilalim ng aming paglilingkod, upang maparangalan ang Panginoon, at upang ipakita ang aming kahandaang tumulong. 20 Iniiwasan naming kami ay mapintasan tungkol sa pangangasiwa namin sa masaganang kaloob na ito. 21 Sapagkat (BQ) sinisikap naming gawin ang mga bagay nang may katapatan hindi lamang sa paningin ng Panginoon, kundi maging sa paningin ng mga tao. 22 Isinugo rin naming kasama nila ang aming kapatid na subok na subok na namin at napatunayang masigasig sa maraming bagay, at lalo pa ngayon dahil sa kanyang malaking pagtitiwala sa inyo. 23 Tungkol kay Tito, siya'y aking katuwang at kamanggagawa para sa inyo. Tungkol naman sa ating mga kapatid, sila'y mga sugo ng mga iglesya, ang kaluwalhatian ni Cristo. 24 Kaya't sa harapan ng mga iglesya, ipakita ninyo sa mga taong ito ang katibayan ng inyong pag-ibig at kung may dahilan nga ba kaming ipagmalaki kayo.
Ang Ambagan para sa mga Taga-Jerusalem
9 Tungkol naman sa pag-aambagan para sa mga banal, hindi ko na kailangang sumulat pa sa inyo tungkol dito. 2 Sapagkat alam kong handang-handa na kayong tumulong, na siya ngang aking ipinagmamalaki tungkol sa inyo sa mga taga-Macedonia. Kayong nasa Acaia ay nakapaghanda na noong nakaraang taon pa, at ang inyong sigasig ang gumising sa karamihan sa kanila. 3 Ngunit isinugo ko ang mga kapatid upang ang ipinagmamalaki namin tungkol sa inyo ay huwag mawalan ng kabuluhan, gaya ng aking sinabi na kayo'y maghahanda. 4 Sapagkat kung may mga taga-Macedonia na sumama sa akin at madatnan kayong hindi handa, kami—at kahit hindi ko na sabihin—kami ay lalo nang mapapahiya dahil sa gayong pagtitiwala sa inyo. 5 Kaya't minabuti ko na kailangang pakiusapan ang mga kapatid na ito na maunang pumunta riyan sa inyo, at maihanda agad ang kaloob na nauna ninyong ipinangako. Sa gayon, maihahanda ito bilang isang handog na bukal sa loob at hindi sapilitan.
6 At ito ang ibig kong sabihin: Ang nagtatanim ng kaunti ay kaunti rin ang aanihin, at ang nagtatanim ng marami ay marami rin ang aanihin. 7 Ang bawat isa ay magbigay ayon sa ipinasya ng kanyang puso, hindi nanghihinayang, o napipilitan lamang sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay. 8 Kaya ng Diyos na pagkalooban kayo ng masaganang pagpapala sa lahat ng bagay, upang maging masagana kayo sa lahat ng uri ng mabuting gawa, habang pinupunan ang lahat ng inyong mga pangangailangan sa tuwina. 9 Gaya (BR) ng nasusulat,
“Siya'y naghasik ng mga pagpapala sa mga dukha;
ang kanyang katarungan ay nananatili magpakailanman.”
10 Siyang (BS) nagbibigay ng binhi sa magsasaka at ng tinapay upang makain ng tao ay siya ring magbibigay at magdaragdag ng inyong binhing itatanim, at magpaparami ng mga bunga ng inyong mga gawang matuwid. 11 Payayamanin niya kayo sa lahat ng bagay upang lalo kayong makapagbigay at sa pamamagitan namin ay magbunga ito ng pasasalamat sa Diyos. 12 Sapagkat ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang tumutustos sa pangangailangan ng mga banal, kundi nagiging sanhi rin ng pag-apaw ng pasasalamat sa Diyos. 13 Napatunayan ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng paglilingkod na ito, kaya't niluluwalhati ng mga tao ang Diyos dahil sa inyong pagsunod na naaayon sa inyong pagkilala sa ebanghelyo ni Cristo, at dahil din sa inyong kagandahang-loob sa pamamahagi para sa kanila at sa lahat ng tao. 14 Habang sila naman sa pananalangin alang-alang sa inyo ay nananabik sa inyo dahil sa hindi masukat na biyayang ibinigay sa inyo ng Diyos. 15 Salamat sa Diyos dahil sa kanyang kahanga-hangang kaloob.
Ipinagtanggol ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod
10 Ako mismong si Pablo, ay nakikiusap sa inyo, sa ngalan ng kababaang-loob at kahinahunan ni Cristo—akong sinasabing mapagpakumbaba kapag kaharap ninyo, ngunit matapang kapag wala sa harap ninyo! 2 Hinihiling ko na kapag ako'y nariyan na sa inyo, hindi ko na kailangang maging matapang gaya ng alam kong kaya kong gawin laban sa ibang taong nag-aakalang kami ay lumalakad ayon sa pamantayan ng tao. 3 Sapagkat bagaman kami ay nabubuhay pa sa katawang tao, ang pakikipaglaban namin ay hindi ayon sa pamantayan ng tao. 4 Sapagkat hindi galing sa tao ang mga sandatang ginagamit namin sa pakikipaglaban, kundi galing sa Diyos, na may kapangyarihang magwasak kahit ng mga kuta. 5 Ibinabagsak namin ang mga pangangatwiran at anumang kapalaluan na nagmamataas laban sa karunungan ng Diyos, at binibihag namin ang bawat pag-iisip upang sumunod kay Cristo. 6 At kapag ganap na ang inyong pagsunod, nakahanda na rin kaming magparusa sa bawat pagsuway.
7 Ang panlabas na anyo lamang ang tinitingnan ninyo. Kung ang sinuman ay nagtitiwala na siya'y kay Cristo, isipin niyang muli na kung siya'y kay Cristo ay gayundin naman kami. 8 Sapagkat kung labis ko mang ipinagmamalaki ang kapangyarihang ibinigay sa amin ng Panginoon para sa inyong ikatitibay at hindi para sa inyong ikawawasak, hindi ko iyon ikahihiya. 9 Ayaw kong lumabas na tinatakot ko kayo sa pamamagitan ng mga sulat ko. 10 Sapagkat may nagsasabi, “Mabibigat at matitindi ang kanyang mga sulat, ngunit mahina naman siya kapag kaharap, at walang kuwenta ang sinasabi.” 11 Dapat isipin ng ganoong tao na kung ano kami sa aming mga sulat kapag kami'y wala riyan, ganoon din kami sa gawa kapag kami ay nariyan.
12 Wala kaming lakas ng loob na isama o ihambing ang aming sarili sa mga taong napakataas ng tingin sa kanilang sarili. Ngunit kung sinusukat nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang sarili, at sa kani-kanila ring sarili inihahambing ang mga sarili, sila ay salat sa pang-unawa. 13 Ngunit hindi kami magmamalaki ng lampas sa saklaw, kundi sa loob lamang ng sukat ng pamantayang ibinahagi ng Diyos sa amin, at kayo ay saklaw niyon. 14 Sapagkat hindi namin inilalampas ang aming mga sarili, na para bang hindi namin kayo naabot. Kami nga ang unang dumating sa inyo dala ang ebanghelyo ni Cristo. 15 Hindi kami lumalampas sa sukat sa pamamagitan ng pagmamalaki namin sa pinagpaguran ng iba. Umaasa kami na habang lumalago ang inyong pananampalataya, ang nasasaklaw namin sa inyo ay lalong lalawak, 16 upang maipahayag namin ang Magandang Balita sa mga lupaing lampas pa sa inyo, sa gayo'y hindi namin ipagmamalaki ang gawaing natapos na sa nasasakupan ng iba. 17 Ngunit, “Siyang (BT) nagmamalaki ay Panginoon ang ipagmalaki.” 18 Sapagkat hindi ang taong pumupuri sa kanyang sarili ang kapuri-puri, kundi ang taong pinupuri ng Panginoon.
Si Pablo at ang mga Huwad na Apostol
11 Pagtiisan muna sana ninyo itong aking kaunting kahangalan. At pinagtitiisan nga naman ninyo ako! 2 Nakadarama ako para sa inyo ng isang maka-Diyos na pagseselos, sapagkat kayo'y itinakda kong maging asawa ng isang lalaki, si Cristo, at maiharap ko kayo sa kanya bilang isang malinis na birhen. 3 Ngunit (BU) natatakot ako na kung paanong si Eva ay dinaya ng ahas sa pamamagitan ng katusuhan nito, ang inyong mga pag-iisip din ay mailigaw mula sa tapat at malinis na pakikitungo kay Cristo. 4 Sapagkat kung may dumating at nangaral ng ibang Jesus na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y tumanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap noon o ibang ebanghelyo na hindi ninyo tinanggap, pinagtitiisan ninyo itong mabuti. 5 Masasabi kong hindi ako páhuhulí sa magagaling na mga apostol na ito. 6 Hindi man ako mahusay sa pananalita, mayroon din naman akong nalalaman. Nilinaw naming mabuti sa inyo ang bagay na ito.
7 Kasalanan ko ba kung ibinaba ko ang aking sarili upang kayo'y maitaas, dahil ipinangaral ko sa inyo nang walang bayad ang ebanghelyo ng Diyos? 8 Ninakawan ko ang ibang mga iglesya, sa pagtanggap ko ng tustos mula sa kanila upang maglingkod sa inyo. 9 Nang (BV) kasama pa ninyo ako at ako'y may pangangailangan, hindi ako naging pabigat sa kaninuman, sapagkat ang mga pangangailangan ko ay tinustusan ng mga kapatid na galing sa Macedonia. Iniwasan ko nga na maging pabigat sa inyo sa lahat ng bagay, at patuloy ko itong gagawin. 10 Habang nananatili sa akin ang katotohanan ni Cristo, walang sinuman sa mga nasasakupan ng Acaia na makapipigil sa akin sa pagmamalaking ito. 11 At bakit? Dahil ba sa hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos na mahal ko kayo!
12 At kung ano ang aking ginagawa ay patuloy kong gagawin, upang alisan ng pagkakataon ang mga naghahangad ng pagkakataong kilalanin bilang kapantay namin tungkol sa mga bagay na ipinagmamalaki nila. 13 Sapagkat ang gayong mga tao ay mga huwad na apostol, mga mandarayang manggagawa, nagpapanggap na mga apostol ni Cristo. 14 At hindi kataka-taka! Sapagkat si Satanas man ay nagpapanggap na isang anghel ng liwanag.
Footnotes
- 1 Corinto 7:25 Sa Griyego, birhen.
- 1 Corinto 7:28 Sa Griyego, sa laman.
- 1 Corinto 7:36 ++ 36, 37 Sa Griyego, birhen.
- 1 Corinto 9:5 Pedro: sa tekstong Griyego, Cefas, na ang kahulugan ay bato.
- 1 Corinto 10:8 Sa Griyego, nabuwal.
- 1 Corinto 11:29 Sa ibang manuskrito katawan ng Panginoon.
- 1 Corinto 11:30 Sa Griyego, natutulog.
- 1 Corinto 13:3 Sa ibang manuskrito upang ako ay magmalaki.
- 1 Corinto 14:25 Sa Griyego isusubsob ang mukha.
- 1 Corinto 15:1 o magandang balita.
- 1 Corinto 15:5 Pedro: sa tekstong Griyego Cefas, na ang kahulugan ay bato.
- 1 Corinto 15:45 Sa Griyego, kaluluwa.
- 1 Corinto 16:19 o Prisca.
- 2 Corinto 3:7 ++ 7, 8, 9 o ministeryo.
- 2 Corinto 3:15 ang Kautusan ni Moises: Sa Griyego, si Moises.
- 2 Corinto 5:3 Sa ibang manuskrito mahubaran.
- 2 Corinto 6:16 Sa ibang mga manuskrito kayo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
