Add parallel Print Page Options

Mga Paghahanda para sa Pagtatayo ng Templo

Iniutos ni David na magtipon ang lahat ng mga dayuhan sa Israel, at inatasan niya ang ilan sa mga ito na maging tagatapyas ng mga batong gagamitin sa itatayong Templo ng Diyos. Naghanda siya ng maraming bakal para gawing pako at pang-ipit sa mga pintuan at nag-ipon din siya ng tanso na sa sobrang bigat ay hindi na matimbang. Napakaraming tabla at trosong sedar ang dinala ng mga taga-Sidon at taga-Tiro. Sinabi ni David, “Napakabata pa ng anak kong si Solomon at wala pa siyang karanasan. Dahil dito'y ihahanda ko ang lahat ng kailangan sa ipatatayo niyang Templo ni Yahweh. Kailangang ito'y walang kasingganda upang ito'y matanyag at hahangaan ng buong daigdig.” Naghanda nga si David ng napakaraming kagamitan bago pa siya namatay.

Ipinatawag niya ang anak niyang si Solomon, at sinabi, “Ipagtatayo mo ng bahay si Yahweh, ang Diyos ng Israel.” Sinabi(A) niya rito, “Anak, matagal ko nang binalak na magtayo ng templo upang parangalan ang aking Diyos na si Yahweh ngunit sinabi niya sa akin na marami na akong napatay at napakaraming hinarap na labanan. Dahil sa bahid ng dugo sa aking mga kamay, hindi niya ako pinayagang magtayo ng templo para sa kanya. Ngunit ipinangako niyang pagkakalooban niya ako ng isang anak na lalaki. Mamumuhay ito nang payapa at hindi gagambalain ng kanyang mga kaaway habang siya'y nabubuhay. Tatawagin siyang Solomon[a] sapagkat bibigyan ko ang Israel ng kapayapaan at kapanatagan sa panahon ng kanyang paghahari.’ 10 Sinabi pa niya sa akin, ‘Siya ang magtatayo ng templo para sa akin. Magiging anak ko siya at ako'y magiging ama niya. Patatatagin ko ang paghahari ng kanyang angkan sa Israel magpakailanman!’”

11 Sinabi pa ni David, “Samahan ka nawa ng iyong Diyos na si Yahweh. Tuparin nawa niya ang kanyang pangako na pagtatagumpayin ka niya sa pagtatayo ng templo para sa kanya. 12 Bigyan ka nawa ng Diyos mong si Yahweh ng karunungan at pang-unawa upang pagharian mo ang Israel ayon sa kanyang Kautusan. 13 Magtatagumpay(B) ka kung susundin mong mabuti ang mga utos at tuntuning ibinigay ni Yahweh kay Moises para sa Israel. Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matakot ni panghinaan man ng loob. 14 Sinikap kong magtipon ng lahat ng kailangan sa pagpapatayo ng Templo ni Yahweh. Nakaipon ako ng may 3,500,000 kilong ginto, at humigit-kumulang sa 35,000,000 kilong pilak. Ang tinipon kong tanso't bakal ay hindi na kayang timbangin dahil sa sobrang bigat. Nakahanda na rin ang mga kahoy at batong kailangan. Dagdagan mo pa ang mga ito. 15 Marami ka nang manggagawa: mga tagatapyas ng bato, mga kantero, mga karpintero, at lahat ng uri ng napakaraming manggagawa na eksperto sa 16 ginto, pilak, tanso at bakal. Simulan mo na ngayon ang gawain at tulungan ka nawa ni Yahweh!”

17 Inatasan ni David ang mga pinuno ng Israel na tulungan si Solomon. Sabi niya, 18 “Kayo ay patuloy na pinapatnubayan ni Yahweh. Hindi niya kayo iniiwanan kaya nagtatamasa kayo ng kapayapaan saanmang lugar. Niloob niyang malupig ko ang mga dating naninirahan sa lupaing ito. Sila ngayon ay alipin ninyo at ni Yahweh. 19 Kaya, paglingkuran ninyo si Yahweh nang buong puso't kaluluwa. Simulan na ninyo ang pagtatayo ng santuwaryo niya upang madala na roon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh at ang lahat ng sagradong kagamitan para sa pagsamba sa kanya.”

Ang Gawain ng mga Levita

23 Nang(C) matandang matanda na si David, ginawa niyang hari ng Israel ang anak niyang si Solomon.

Tinipon ni David ang mga pinuno ng Israel, ang mga pari at ang mga Levita. Ang mga nabilang na Levita mula sa gulang na tatlumpung taon pataas ay 38,000. Ang mga inatasan sa pangangalaga at paglilingkod sa Templo ay 24,000. Ang ginawang mga opisyal at mga hukom ay 6,000, at 4,000 ang kinuhang mga bantay sa pintuan. Ang magpupuri kay Yahweh sa saliw ng mga instrumentong ginawa ni David ay 4,000 rin. Pinagtatlong pangkat ni David ang mga Levita ayon sa tatlong anak ni Levi na sina Gershon, Kohat at Merari.

Ang mga anak ni Gershon ay sina Ladan at Simei. Tatlo ang anak ni Ladan: si Jehiel na pinuno, si Zetam at si Joel. Tatlo rin ang anak ni Simei: sina Zelomit, Haziel at Haran. Sila ang mga pinuno ng mga angkan na nagbuhat kay Ladan. 10 Apat ang anak ni Simei na kapatid ni Ladan: sina Jahat, Zina, Jeus at Berias. 11 Si Jahat ang pinuno at si Zisa naman ang kanang kamay. Kakaunti ang mga anak na lalaki nina Jeus at Berias kaya't pinagsama na sila at ibinilang na iisang angkan.

12 Apat ang anak ni Kohat: sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 13 Mga(D) anak ni Amram sina Aaron at Moises. Si Aaron at ang kanyang mga anak ay ibinukod upang mangalaga sa mga ganap na sagradong bagay habang panahon. Sila ang magsusunog ng mga handog sa harapan ni Yahweh, maglilingkod at magbabasbas sa pangalan ni Yahweh magpakailanman. 14 Ngunit ang mga anak ni Moises, ang lingkod ng Diyos, ay ibinilang na kasama ng mga Levita. 15 Ang mga anak ni Moises ay sina Gershon at Eliezer. 16 Sa mga anak ni Gershon, si Sebuel ang pinuno; 17 kay Eliezer naman ay si Rehabias na kaisa-isa niyang anak na lalaki. Si Rehabias naman ay maraming anak.

18 Sa mga anak ni Izar, na pangalawang anak ni Kohat, si Zelomit ang pinuno. 19 Ang apat na anak ni Hebron ay sina Jerias na pinuno, Amarias, Jahaziel at Jecamiam. 20 Sa mga anak naman ni Uziel, si Micas ang pinuno at si Isias ang pangalawa.

21 Ang mga anak ni Merari ay sina Mahli at Musi. Mga anak ni Mahli sina Eleazar at Kis. 22 Namatay si Eleazar na walang anak na lalaki, kundi panay babae. Sila ay napangasawa ng kanilang mga pinsan na mula sa angkan ni Kish. 23 Tatlo naman ang mga anak ni Musi: sina Mahli, Eder at Jeremot.

24 Ito ang bumubuo sa lipi ni Levi ayon sa angkan at sambahayan. Bawat isa, mula sa edad na dalawampu pataas ay katulong sa paglilingkod sa Templo ni Yahweh.

25 Sinabi ni David, “Binigyan na ni Yahweh, na Diyos ng Israel, ng kapayapaan ang kanyang bayan, at maninirahan na siya sa Jerusalem magpakailanman. 26 Dahil(E) dito'y hindi na bubuhatin ng mga Levita ang tabernakulo at ang mga kagamitan sa paglilingkod dito.” 27 Iyan ang dahilan kaya ipinapalista ang mga Levita mula sa gulang na dalawampu pataas. 28 Sila'y(F) tutulong na lamang sa mga paring mula sa angkan ni Aaron sa paglilingkod sa loob ng Templo ni Yahweh. Sila ang mangangalaga sa mga bulwagan, mga silid, mga sagradong kasangkapan, at iba pang mga gawain sa Templo ng Diyos. 29 Sila rin ang tutulong sa paghahanda ng tinapay na panghandog, ng harinang panghalo sa mga panghandog, ng manipis na tinapay na walang pampaalsa, mga nilutong handog, at ng harinang hinaluan ng langis. Tutulong din sila sa pagtakal at pagsukat ng mga handog. 30 Umaga't hapon, haharap sila kay Yahweh upang magpuri at magpasalamat, 31 at kung may handog na susunugin, sa mga Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at mga takdang kapistahan ayon sa bilang at patakarang ipinag-uutos, sa harapan ni Yahweh, sa lahat ng panahon. 32 Ang mga Levita nga ang mangangalaga sa Toldang Tipanan at sa dakong banal, at tutulungan nila ang mga paring kamag-anak nila sa lahat ng paglilingkod sa Templo ni Yahweh.

Ang Gawain ng mga Pari

24 Ito ang mga pangkat ng mga angkan ni Aaron: ang mga anak niya ay sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar. Sina(G) Nadab at Abihu ay naunang namatay kaysa kay Aaron at wala silang anak kaya sina Eleazar at Itamar lamang ang naging mga pari. Sa tulong nina Zadok na anak ni Eleazar, at ni Ahimelec na anak ni Itamar, ang mga kabilang sa angkan ni Aaron ay hinati ni David sa mga pangkat at binigyan ng kani-kanilang tungkulin. Marami ang pinuno ng mga sambahayan sa angkan ni Eleazar kaysa kay Itamar. Kaya sa dalawampu't apat na pangkat, labing-anim ang napili mula sa angkan ni Eleazar at walo naman ang kay Itamar. Pinili sila ni David sa pamamagitan ng palabunutan sapagkat maging sa angkan ni Eleazar at ni Itamar ay may mga tagapangasiwa sa loob ng dakong banal at may mga tagapanguna sa pagsamba. Si Semaias na anak ng Levitang si Netanel ang naglista ng mga pangalan, at ginawa niya ito sa harapan ng hari. Nasaksihan din ito ng mga prinsipe, ni Zadok na pari, ni Ahimelec na anak ni Abiatar, at ng mga pinuno ng angkan ng mga pari at Levita. Isang sambahayan ng mga pari ang inilista sa panig ni Eleazar at isa rin kay Itamar.

7-18 Ito ang pagkakasunud-sunod ng paglilingkod mula sa una hanggang sa ikadalawampu't apat na pangkat ayon sa palabunutan: Jehoiarib, Jedaias, Harim, Seorim, Malaquias, Mijamin, Hacos, Abias, Jeshua, Secanias, Eliasib, Jaquim, Jupa, Jesebeab, Bilga, Imer, Hezer, Afses, Petaya, Hazaquiel, Jaquin, Gamul, Delaias, Maasias.

19 Ito ang kaayusan at takdang panahon ng paglilingkod nila sa Templo ni Yahweh ayon sa itinatag ng kanilang ninunong si Aaron, gaya ng utos sa kanya ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.

Ang Listahan ng mga Levita

20 Ito ang iba pang mga pinuno ng mga angkan sa lipi ni Levi: si Subael sa angkan ni Amram at si Jehedias sa angkan ni Subael; 21 si Isias na isang pinuno sa angkan ni Rehabias; 22 si Zelomot sa angkan ng Isharita, at si Jahat sa angkan ni Zelomot; 23 sina Jerias, Amarias, Jahaziel, at Jecamiam sa angkan ni Hebron; 24 si Micas sa angkan ni Uziel; si Samir sa angkan ni Micas; 25 si Isias na kapatid ni Micas at si Zacarias sa angkan ni Isias; 26 sina Mahli at Musi sa angkan ni Merari; si Beno sa angkan ni Jaazias; 27 sina Beno, Soham, Zacur at Ibri, mga anak ni Jaazias sa angkan ni Merari. 28-29 Si Mahli ay may dalawang anak, sina Eleazar at Kish. Si Eleazar ay walang anak, ngunit si Kish ay mayroong isang anak, si Jerameel. 30 Sina Mahli, Eder at Jerimot ay mga anak ni Musi.

Sila ang mga angkan ng mga Levita. 31 Ang mga ito, tulad ng mga kamag-anak nila mula sa angkan ni Aaron ay nagpalabunutan din maging sila'y pinuno ng sambahayan o hindi. Sinaksihan ito ni Haring David, nina Zadok at Ahimelec, at ng mga pinuno ng sambahayan ng mga pari at mga Levita.

Ang mga Mang-aawit sa Templo

25 Pinili ni David at ng mga pinuno ng mga Levita ang mga anak nina Asaf, Heman at Jeduthun upang manguna sa pagsamba. Tungkulin nilang magpahayag ng salita ng Diyos sa saliw ng lira, alpa, at pompiyang. Ito ang listahan ng kanilang mga pangalan at ang kani-kanilang tungkulin: sina Zacur, Jose, Netanias at Asarela. Sila ay pinangunahan ni Asaf na kanilang ama sa pagpapahayag ng salita ng Diyos sa ilalim ng pamamahala ng hari. Sina Gedalias, Zeri, Jesaias, Hashabias, Matitias at Simei ay pinangunahan ng ama nilang si Jeduthun sa pagpapahayag ng salita ng Diyos nang may pagpupuri at pasasalamat kay Yahweh sa saliw ng lira. Sina Bukias, Matanias, Uziel, Sebuel, Jerimot, Hananias, Hanani, Eliata, Gedalti, Romamti-ezer, Josbecasa, Maloti, Hotir at Mahaziot ay mga anak ni Heman na propeta ng hari—labing-apat na lalaki at tatlong babae. Ang mga ito ang itinalaga ng Diyos kay Heman upang tumugtog ng tambuli. Ang kanilang ama ang namahala sa kanilang pag-awit sa Templo ni Yahweh, gayundin sa pagtugtog ng pompiyang, alpa, at lira. Sina Asaf, Jeduthun at Heman na namamahala sa kani-kanilang mga anak ay nasa ilalim ng pamamahala ng hari. Ang bilang ng mga ito kasama na ang iba pa nilang mga kamag-anak na pawang nagsanay sa pag-awit kay Yahweh ay 288.

Sama-sama silang nagpalabunutan para malaman ang kanilang tungkulin, bata at matanda, guro at mag-aaral.

9-31 Ang 288 na ito ay hinati, ayon sa kani-kanilang sambahayan, sa dalawampu't apat na pangkat na tiglalabindalawa. Ang bawat isa ay pinamahalaan ng isang pinuno. Ito ang pagkakasunud-sunod nila ayon sa kani-kanilang tungkulin: 1) Si Jose sa sambahayan ni Asaf; 2) si Gedalia; 3) si Zocur; 4) si Zeri; 5) si Netanias; 6) si Bukias; 7) si Azarel; 8) si Jesaias; 9) si Matanias; 10) si Simei; 11) si Uziel; 12) si Hashabias; 13) si Sebuel; 14) si Matitias; 15) si Jerimot; 16) si Hananias; 17) si Josbecasa; 18) si Honani; 19) si Maloti; 20) si Eliata; 21) si Hotir; 22) si Gidalti; 23) si Mahaziot; at 24) si Romamti-ezer.

Ang mga Bantay sa Pinto ng Templo

26 Ito naman ang mga pangkat ng mga bantay sa pinto ng Templo: sa angkan ni Korah ay si Meselemias na anak ni Korah, buhat sa pamilya ni Asaf. Ang pito niyang anak ay si Zacarias na siyang panganay, kasunod sina Jediael, Zebadias, Jatniel, Elam, Jehohanan at Eliehoenai. Pinagpala(H) ng Diyos si Obed-edom. Binigyan siya ng walong anak na lalaki; si Semaias na panganay, kasunod sina Jehozabad, Joa, Sacar, Natanel, Amiel, Isacar, at Peulletai. Si Semaias ay may mga anak na naging pinuno ng kanilang sambahayan, sapagkat sila'y mahuhusay at bihasa. Ang pangkat ng mga ito'y binubuo nina Otni, Refael, Obed, Elzabad, at ang dalawa pa niyang anak na matatapang din, sina Elihu at Semaquias. Ang mga anak at apo ni Obed-edom na pawang may kakayahang maglingkod ay animnapu't dalawa. Labingwalo naman ang mga kamag-anak na pinamumunuan ni Meselemias at pawang matatapang din. 10 Kabilang din ang pangkat ni Hosa, mula sa angkan ni Merari na binubuo ng kanyang mga anak. Si Simri, bagama't hindi panganay ay ginawang pinuno ng sambahayan ng kanyang ama. 11 Kasama rin ang iba pang mga anak niyang sina Hilkias, Tebalias at Zacarias. Labingtatlo ang mga anak at kamag-anak ni Hosa.

12 Ang mga pangkat na ito ng mga bantay-pinto sa pangunguna ng pinuno ng kanilang sambahayan ay may kanya-kanyang pananagutan sa paglilingkod sa Templo ni Yahweh gaya ng kanilang mga kamag-anak. 13 Nagpalabunutan sila ayon sa kani-kanilang sambahayan, para malaman kung aling pinto ang kanilang babantayan. 14 Ang pinto sa silangan ay napunta kay Selemias, at ang gawing hilaga ay sa anak niyang si Zacarias, isang mahusay na tagapayo. 15 Kay Obed-edom napunta ang gawing timog, at sa kanyang mga anak naman ang mga bodega. 16 Ang pinto sa kanluran at ang pinto ng Sallequet sa daang paakyat ay napunta kina Supim at Hosa. May kanya-kanyang takdang oras ang kanilang pagbabantay. 17 Sa gawing silangan, anim ang bantay araw-araw. Sa hilaga at timog ay tig-aapat, at tig-dadalawa naman sa bodega. 18 Sa malaking gusali sa gawing kanluran, apat sa labas at dalawa sa loob. 19 Ito ang mga pangkat ng mga bantay sa pinto mula sa mga angkan ni Korah at ni Merari.

Ibang Tungkulin sa Templo

20 Ang mga Levita sa pangunguna ni Ahias ang namahala sa kabang-yaman ng Templo at sa bodega ng mga kaloob sa Diyos. 21 Si Ladan na isa sa mga anak ni Gershon ay ninuno ng maraming angkan, kasama na ang pamilya ng kanyang anak na si Jehiel. 22 Ang mga pinuno ng pangkat ni Jehiel ay ang kanyang mga anak na sina Zetam at Joel. Sila ang namahala sa mga kabang-yaman ng Templo.

23 Ang mga Amramita, Isharita, Hebronita, at Uzielita ay binigyan din ng tungkulin.

24 Si Sebuel na anak ni Gershon at apo ni Moises ang siyang pinunong namahala sa mga kabang-yaman. 25 Sa angkan ni Eliezer, ang namahala ay ang mga anak niyang sina Rehabias, Jesaias, Joram, Zicri at Selomit. 26 Si Selomit at ang kanyang mga kamag-anak ang namahala sa bodega ng mga kaloob na inialay ni Haring David, ng mga pinuno ng sambahayan, at ng mga pinuno ng hukbo. 27 Buhat sa mga nasamsam sa pakikidigma, naglalaan sila ng bahaging panustos sa pangangalaga sa Templo ni Yahweh. 28 At lahat ng kaloob na inialay ni propeta Samuel, ni Saul na anak ni Kish, ni Abner na anak ni Ner at ni Joab na anak ni Zeruias, ay inilagay sa pangangalaga ni Selomit at ng kanyang mga kamag-anak.

Ang mga Tungkulin ng Iba pang Levita

29 Mula naman sa angkan ni Ishar, si Kenanias at ang kanyang mga anak ang inilagay na mga tagapagtala at mga hukom.

30 Sa sambahayan ni Hebron, si Hashabias at ang kanyang mga kamag-anak na may bilang na 1,700 na pawang mahuhusay ang nangalaga sa bansang Israel, sa gawing kanluran ng Jordan. Sila ang namahala sa gawain ukol kay Yahweh, at ang naglingkod sa hari ay 1,700. 31 Ayon sa talaan ng angkan ni Hebron, si Jerijas ang kanilang pinuno. Noong ikaapatnapung taon ng paghahari ni David, sinaliksik ang kasaysayan ng angkan ni Hebron at natuklasan na sa Jazer ng Gilead ay may mga lalaking may pambihirang kakayahan. 32 Pumili si Haring David ng 2,700 mga pinuno ng sambahayan at pawang mahuhusay mula sa kamag-anak ni Jerijas upang mamahala sa lipi nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases. Sila ang pinamahala ni David sa lahat ng bagay na may kinalaman sa Diyos at sa hari.

Ang Organisasyong Sibil at Militar

27 Ito ang listahan ng mga Israelitang pinuno ng kani-kanilang angkan at mga pinuno ng libu-libo at daan-daan, gayundin ang mga pinuno ng hukbong naglingkod sa hari. Sila ay pinagpangkat-pangkat ng tig-24,000 at maglilingkod bawat buwan sa pangunguna ng kani-kanilang pinuno. Si Jasobeam, anak ni Zabdiel, ang namahala sa pangkat na naglingkod sa unang buwan. Siya'y namuno sa 24,000 katao. Mula siya sa angkan ni Peres, at siya ang pangkalahatang pinuno. Si Dodai na taga-Aho ang namahala sa ikalawang buwan. Ang namahala naman sa ikatlong buwan ay si Benaias, anak ng paring si Joiada. Siya ang Benaias na pinuno ng Tatlumpung Matatapang na Mandirigma. Ang namahala sa kanyang pangkat ay ang anak niyang si Amizabad. Ang pangkat naman na nanungkulan sa ikaapat na buwan ay pinamahalaan ni Asahel, kapatid ni Joab. Ang humalili sa kanya ay ang anak niyang si Zebadias. Ang pangkat namang nanungkulan sa ikalimang buwan ay pinamahalaan ni Samhut na taga-Ishar. Ang namahala naman sa pangkat na nanungkulan sa ikaanim na buwan ay si Ira, anak ni Ikes na taga-Tekoa. 10 Ang pangkat para sa ikapitong buwan ay pinamahalaan ni Helez, anak ni Efraim at taga-Pelon. 11 Ang pangkat sa ikawalong buwan ay pinamahalaan naman ni Sibecai na taga-Husa, mula sa angkan ni Zera. 12 Ang pangkat na nanungkulan sa ikasiyam na buwan ay pinamahalaan ni Abiezer na isang taga-Anatot, buhat sa lipi ni Benjamin. 13 Ang pangkat namang nanungkulan sa ikasampung buwan ay pinamahalaan ni Maharai na taga-Netofa, mula sa angkan ni Zera. 14 Ang pangkat na nanungkulan sa ikalabing isang buwan ay pinamahalaan naman ni Benaias na isang taga-Peraton, mula sa lipi ni Efraim. 15 Ang pangkat na nanungkulan sa ikalabindalawang buwan ay pinamahalaan naman ni Heldai, taga-Netofa, buhat sa angkan ni Otniel.

Ang mga Namahala sa mga Lipi ng Israel

16 Ito ang mga namahala sa Israel: sa lipi ni Ruben ay si Eliezer na anak ni Zicri; sa lipi ni Simeon ay si Sefatias na anak ni Maaca; 17 sa lipi ni Levi ay si Hashabias na anak ni Kemuel; sa angkan ni Aaron ay si Zadok; 18 sa lipi naman ni Juda ay si Elihu, isa sa mga kapatid ni David; sa lipi ni Isacar ay si Omri na anak ni Micael; 19 sa lipi ni Zebulun ay si Ismaias na anak ni Obadias; sa lipi ni Neftali ay si Jerimot na anak ni Azriel; 20 sa lipi ni Efraim ay si Hosea na anak ni Azarias; sa kalahating lipi ni Manases ay si Joel na anak ni Pedaias. 21 Ang namahala naman sa kalahating lipi ni Manases na nasa Gilead ay si Iddo na anak ni Zacarias; sa lipi ni Benjamin ay si Jaasiel na anak ni Abner; 22 at sa lipi naman ni Dan ay si Azarel na anak ni Jeroham.

23 Hindi(I) na ibinilang ni David sa sensus ang mga Israelitang wala pang dalawampung taóng gulang sapagkat ipinangako ng Diyos na pararamihin niyang sindami ng mga bituin sa langit ang mga Israelita. 24 Ang(J) sensus ay sinimulan ni Joab, anak ni Zeruias ngunit hindi niya ito natapos sapagkat nagalit ang Diyos sa Israel sa ginawang ito. Kaya't hindi na napabilang ang mga ito sa listahan ni Haring David.

Ang mga Namahala sa Kayamanan ng Hari

25 Ang namahala sa mga kabang-yaman ng hari ay si Azmavet na anak ni Abdiel, ngunit sa mga kayamanang nasa mga lalawigan, lunsod, nayon, at ang nasa mga tore, ang namahala ay si Jonatan na anak ni Uzias. 26 Si Ezri na anak ni Kelub ang ginawang tagapamahala ng mga magsasaka. 27 Si Simei na isang taga-Rama ang namahala sa mga ubasan, at si Zabdi na isang taga-Sephan ang namahala naman sa imbakan ng alak. 28 Si Baalhahan na isang taga-Geder ang namahala sa mga tanim na olibo at sikamoro sa Sefela, at sa bodega naman ng langis ay si Joas. 29 Si Sitrai na taga-Saron ang namahala sa mga kawan sa pastulan ng Saron at si Safat, anak ni Adlai ang namahala naman sa mga kawan na nasa kapatagan. 30 Sa mga kamelyo naman, ang namahala ay si Obil na isang Ismaelita; sa mga inahing asno ay si Jedeias na taga-Meronot, at sa mga kawan ay si Jaziz na Hagrita. 31 Ang lahat ng ito'y mga katiwala ng mga ari-arian ni David.

Ang mga Tagapayo ni David

32 Si Jonatan, ang tiyo ni David, ang kinuhang tagapayo ng mga anak ng hari sapagkat siya'y matalino at dalubhasa. Magkatulong sila ni Jehiel, anak ni Hacmoni, sa pagtuturo sa mga anak ng hari. 33 Ang tagapayo naman ng hari ay si Ahitofel; at si Husai naman, na isang Arkita, ang matalik na kaibigan ng hari. 34 Nang mamatay si Ahitofel ay pumalit sa kanya si Joiada na anak ni Benaias at si Abiatar. Si Joab naman ang pinakamataas na pinuno ng hukbo ng hari.

Mga Tagubilin ni David tungkol sa Templo

28 Tinipon ni David sa Jerusalem ang lahat ng mga pinuno ng Israel, lahat ng pinuno ng mga lipi, lahat ng namamahala ng mga pangkat na naglilingkod sa hari, ang mga pinuno ng mga libu-libo at mga pinuno ng mga daan-daan. Tinawag din niya ang mga katiwala ng mga ari-arian, at ng mga kawan ng hari, at ng mga anak niya, lahat ng mga may tungkulin sa palasyo, lahat ng matatapang na lalaki, at lahat ng mahuhusay na mandirigma.

Nang(K) naroon na ang lahat, tumayo siya at nagsalita, “Mga kapatid at mga kababayan, matagal ko nang minimithi na magtayo ng isang permanenteng tahanan para sa Kaban ng Tipan na siyang tuntungan ng Diyos nating si Yahweh. Inihanda ko na ang lahat ng kailangan upang maitayo ito. Ngunit sinabi sa akin ng Diyos na hindi ako ang magtatayo ng Templo para sa kanya sapagkat ako'y isang mandirigma at may bahid ng maraming dugo ang aking kamay. Subalit sa sambahayan ng aking ama, ako ang pinili ni Yahweh, ang Diyos ng Israel upang maghari sa bansang ito magpakailanman. Ang pinili niyang mangunguna ay si Juda, at nagmula sa lipi nito ang pamilya ng aking ama. Sa amin namang pamilya, ako ang kanyang itinalaga para maging hari ng buong Israel. Binigyan ako ni Yahweh ng maraming anak at mula sa kanila, si Solomon ang pinili niya upang umupo sa trono ng Israel, ang kaharian ni Yahweh. Ang sabi niya sa akin, ‘Ang iyong anak na si Solomon ang magtatayo ng aking Templo, sapagkat siya ang pinili kong maging anak, at ako naman ang magiging ama niya. Patatatagin ko ang kanyang kaharian magpakailanman kung patuloy niyang susundin ang aking mga utos at tuntunin gaya ng ginagawa niya ngayon.’ Kaya nga, sa harapan ng buong Israel na bayan ni Yahweh, at ng Diyos na ngayo'y nakikinig, inaatasan ko kayo na sundin ninyong mabuti ang kautusan ng Diyos ninyong si Yahweh upang manatiling sa inyo ang masaganang lupaing ito at maipapamana naman ninyo sa inyong mga salinlahi magpakailanman.

“At ikaw naman, Solomon, anak ko, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at paglingkuran mo siya nang buong puso at pag-iisip, sapagkat sinisiyasat ni Yahweh ang ating damdamin at nauunawaan ang ating binabalak at iniisip. Kung lalapit ka sa kanya, tatanggapin ka niya. Ngunit kung tatalikuran mo siya, itatakwil ka niya magpakailanman. 10 Alalahanin mong ikaw ang pinili ni Yahweh upang magtayo ng kanyang banal na Templo. Magpakatatag ka at gawin mo ito nang may paninindigan.”

Ibinigay kay Solomon ang Plano ng Templo

11 Ibinigay ni David kay Solomon ang mga plano ng mga gusali ng Templo, ng mga kabang-yaman, ng mga silid sa itaas, ng mga silid sa loob at ng silid para sa banal na trono ng awa. 12 Ibinigay din niya ang plano para sa mga bulwagan at mga silid sa palibot nito at ang kabang-yaman ng Templo ng Diyos at ang bodega para sa mga kaloob na ukol kay Yahweh. 13 Ibinigay din niya ang plano para sa organisasyon ng mga pari at Levita at ang paghahati-hati sa mga gawaing may kinalaman sa paglilingkod sa Templo, at sa mga kagamitan dito. 14 Itinakda niya ang timbang ng ginto o pilak na gagawing mga sisidlan, 15 mga ilawan at patungan ng mga ito. 16 Gayundin ang timbang ng ginto na ibabalot sa bawat mesa na pagpapatungan ng tinapay na handog, at ang pilak na gagamitin sa bawat mesang pilak. 17 Itinakda rin niya ang timbang ng purong ginto na gagawing mga tinidor, mga palanggana, mga kopa, at mga gintong mangkok, gayundin ang pilak at gintong gagamitin sa mga mangkok. 18 Itinakda rin niya ang timbang ng purong ginto para sa altar na sunugan ng insenso, pati ang plano at gintong gagamitin sa karwahe ng mga kerubin na ang mga pakpak ay tumatakip sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. 19 Sinabi ni David, “Ang lahat ng ito ay nasa plano na ginawa ayon sa utos ni Yahweh at siyang kailangang isagawa.”

20 Pagkatapos, sinabi ni David sa kanyang anak na si Solomon, “Magpakatatag ka, lakasan mo ang iyong loob at gawin mo ito. Huwag kang matatakot ni panghinaan ng loob sapagkat ang Panginoong Yahweh, na aking Diyos ay kasama mo. Hindi ka niya bibiguin. Hindi ka niya pababayaan hangga't hindi mo natatapos ang lahat ng bagay na kailangan sa paglilingkod sa kanyang Templo. 21 Narito ang mga pangkat ng mga pari at mga Levita na handa para sa lahat ng gawain sa Templo ng Diyos. Narito rin ang mga ekspertong manggagawa, ang buong bayan at ang kanilang mga pinuno na handang tumulong at sumunod sa iyo sa anumang oras.”

Ang mga Kaloob para sa Templo

29 Ipinahayag(L) ni Haring David sa buong kapulungan, “Ang anak kong si Solomon na pinili ng Diyos upang humalili sa akin ay bata pa at walang sapat na karanasan. Napakalaki ng gawaing kakaharapin niya, sapagkat ang gagawin niya ay hindi isang palasyo para sa tao kundi Templo para sa Panginoong Yahweh. Dahil dito, sinikap kong magtipon ng mga gagamitin para sa Templo ng aking Diyos tulad ng ginto, pilak, tanso, bakal at kahoy. Napakarami ng inihanda kong batong onise at iba pang mahahalagang batong pampalamuti, at lahat ng uri ng mahahalagang bato at marmol. Hindi lang iyan, pati na ang sarili kong pilak at ginto ay inilaan ko na rin sa gawaing ito, sapagkat kasiyahan kong magkaroon ng Templo ang aking Diyos. May nakalaan akong 105,000 kilong ginto na mula pa sa Ofir, at 245,000 kilong purong pilak na ididikit sa mga dingding ng Templo, at sa iba pang bagay na gagawin ng mga mahuhusay na platero. Sino sa inyo ngayon ang kusang-loob na magbibigay para kay Yahweh?”

Sumang-ayon agad ang mga pinuno ng mga sambahayan, ang mga pinuno ng mga lipi, ang mga pinuno ng mga hukbo at ang mga katiwala ng hari. Kusang-loob silang nagbigay, at ang natipon para sa gagawing templo ay 175,000 kilong ginto, 350,000 kilong pilak, 630,000 kilong tanso, at 3,500,000 kilong bakal. Ipinagkaloob nila ang kanilang mahahalagang bato sa kabang-yaman ng Templo ni Yahweh na nasa pamamahala ni Jehiel na mula sa angkan ni Gershon. Masayang-masaya ang mga tao sa kanilang mga kusang-loob na panghandog kay Yahweh, at labis din itong ikinatuwa ni Haring David.

Pinuri ni David si Yahweh

10 Sa harapan ng mga tao'y tuwang-tuwa si David na nagpuri kay Yahweh. Sinabi niya, “Purihin kayo magpakailanman, Yahweh, ang Diyos ni Israel na aming ama. 11 Sa(M) inyo ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang karangalan at ang pagtatagumpay sapagkat inyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa inyo ang kaharian at kayo ang dakila sa lahat. 12 Sa inyo nagmumula ang kayamanan at ang karangalan at kayo ang naghahari sa lahat. Taglay ninyo ang kapangyarihan at kadakilaan, at kayo ang nagbibigay ng lakas at kapangyarihan sa lahat. 13 Pinasasalamatan namin kayo, O Diyos, at pinupuri ang inyong maluwalhating pangalan.

14 “Ngunit sino ako at ang bayang ito? Buong puso kaming nagkakaloob sapagkat ang lahat ng ito ay galing sa inyo at ibinabalik lamang namin. 15 Tulad ng aming mga ninuno, kami nga'y mga dayuhan at naglalakbay lamang. Ang buhay namin sa daigdig na ito ay parang anino at pansamantala lamang. 16 O Yahweh na aming Diyos, ang lahat ng kayamanang ito na aming ibinigay para ipagpagawa ng inyong tahanan ay sa inyo rin nagmula. 17 Alam kong sinasaliksik ninyo ang puso ng bawat tao, at natutuwa kayo sa mga matuwid. O Diyos, buong puso kong ipinagkakaloob sa inyo ang lahat ng ito. Nasaksihan ko rin ang buong puso at may kagalakang pagkakaloob ng inyong bayan na narito ngayon. 18 Yahweh, Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob na aming mga ninuno, panatilihin ninyo sa isipan ng inyong bayan ang mga layuning ito, at akayin ninyo silang palapit sa inyo. 19 Tulungan ninyo ang anak kong si Solomon na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga utos at tuntunin upang maitayo niya ang Templong aking pinaghandaan.”

20 At sinabi ni David sa sambayanan, “Purihin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh!” Pinuri nga ng buong kapulungan si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Yumuko ang lahat, sumamba kay Yahweh, at nagbigay-galang sa hari. 21 Kinabukasan, ang dinala nilang handog na susunugin ay 1,000 toro, 1,000 tupang lalaki, 1,000 kordero at mga alak na handog, at napakaraming handog para sa buong Israel. 22 Masasaya silang nagsalu-salo sa harapan ni Yahweh noong araw na iyon.

Minsan pa nilang ipinahayag na si Solomon na anak ni David ay hari, at binuhusan ito ng langis sa pangalan ni Yahweh. Si Zadok naman ay hinirang bilang pari. 23 Mula(N) noon, umupo si Solomon sa tronong itinatag ni Yahweh bilang kahalili ng kanyang amang si David. Naging matagumpay siya at sumunod sa kanya ang buong Israel. 24 Nanumpa ng katapatan kay Haring Solomon ang mga pinuno at mandirigma, pati na ang iba pang anak ni Haring David. 25 Binigyan ni Yahweh si Solomon ng dakilang karangalan at katanyagang higit sa mga naging hari sa Israel.

Ang Buod ng Paghahari ni David

26 Si David na anak ni Jesse ay naghari sa buong Israel. 27 Apatnapung(O) taon siyang naghari: pitong taon sa Hebron, at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem. 28 Nabuhay siya nang matagal, at namatay na mayaman at marangal. Si Solomon ang humalili sa kanya bilang hari. 29 Ang lahat ng pangyayari sa buong panahon ng paghahari ni David ay nakasulat sa mga aklat ng mga propetang sina Samuel, Natan at Gad. 30 Sa mga aklat na iyon nakasulat kung paano siya namahala, gaano kalawak ang kanyang kapangyarihan at ang mga nangyari sa kanya sa Israel, at sa lahat ng mga kaharian sa paligid.

Footnotes

  1. 1 Cronica 22:9 SOLOMON: Sa wikang Hebreo, ang pangalang ito ay nagmula sa salitang “shalom” na ang kahulugan ay “kapayapaan at kapanatagan”.