Add parallel Print Page Options

Ang mga Opisyal ni Solomon

1-6 Ito ang matataas na opisyal ni Solomon nang siya'y hari ng buong Israel:

Pari: Azariah na anak ni Zadok

Kalihim ng Pamahalaan:

Elihoref at Ahias na mga anak ni Sisa

Tagapag-ingat ng mga Kasulatan:

Jehoshafat na anak ni Ahilud

Pinakamataas na pinuno ng hukbo:

Benaias na anak ni Joiada

Mga Pari: Zadok at Abiatar

Tagapamahala sa mga punong-lalawigan:

Azarias na anak ni Natan

Tagapayo ng Hari:

Ang paring si Zabud na anak ni Natan

Katiwala sa palasyo: Ahisar

Tagapangasiwa sa sapilitang paggawa:

Adoniram na anak ni Abda

Naglagay din si Solomon ng labindalawang punong-lalawigan. Bawat buwan, isa sa kanila ang nag-iipon at nagpapadala ng pagkain para sa hari at kanyang sambahayan. Ito ang kanilang mga pangalan: si Benhur, sa kabundukan ng Efraim; si Ben-dequer ang sa Macaz, Saalbim, Beth-semes, at Elon-behanan; 10 si Ben-hessed, sa Arubot; sa kanya rin ang Socoh at ang buong lupain ng Hefer. 11 Sa kataasan ng Dor, si Ben-abinadab, na manugang ni Solomon—asawa ni Tafath. 12 Si Baana, anak ni Ahilud, ang sa Taanac at Megido, kabila ng Jokneam. Sakop din niya ang buong Beth-sean sa ibaba ng Jezreel, buhat sa Beth-sean hanggang sa Abel-mehola na nasa tabi ng Zaretan. 13 Si Ben-geber ang sa Ramot-galaad. Kanya ang mga kampo ni Jair na anak ni Manases sa lupain ng Gilead. Kanya rin ang sakop ng Argob sa lupain ng Bashan—animnapung lunsod na napapaligiran ng pader at may kandadong tanso sa mga tarangkahan. 14 Sa Mahanaim naman ay si Ahinadab na anak ni Iddo, 15 at si Ahimaaz, asawa ni Basemat na anak ni Solomon ang sa Neftali. 16 Si Baana na anak ni Husai ang sa Asher at sa Alot, 17 at si Jehoshafat na anak ni Parua ang sa Isacar. 18 Sa Benjamin ay si Simei na anak ni Ela, 19 samantalang si Geber na anak ni Uri ay inilagay niya sa Gilead, sa lupain ni Sihon, hari ng mga Amoreo, at ni Og, hari ng Bashan.

At mayroon pang isang pinuno sa mga sariling lupain ng hari.

Ang Kayamanan at Karunungan ni Solomon

20 Parang buhangin sa tabing-dagat sa dami ang mga mamamayan sa Juda at Israel. Sagana sila sa pagkain at inumin at masaya silang namumuhay. 21 Napasailalim(A) sa kaharian ni Solomon ang lahat ng kaharian mula sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at hangganan ng Egipto. Nagbabayad sila ng buwis at naglilingkod sa kanya habang siya'y nabubuhay.

22 Ganito karami ang pagkaing nauubos ni Solomon at ng kanyang mga tauhan araw-araw. Harinang mainam, 150 kaban; harinang karaniwan, 300 kaban; 23 ulo ng pinatabang baka, sampu nito ay bakang galing sa pastulan; isandaang tupa, bukod pa ang mga usang malalaki at maliliit, mga usang gubat at mga gansa.

24 Sakop niya ang lahat ng lupain sa kanluran ng Ilog Eufrates buhat sa Tifsa hanggang sa Gaza, at nagpasakop sa kanya ang lahat ng hari sa kanluran ng ilog. Kaya't walang gumagambala sa kanyang kaharian. 25 Habang nabubuhay si Solomon ay mapayapa ang buong Juda at Israel. Mula sa Dan hanggang sa Beer-seba bawat pamilya ay may sariling punong ubas at punong igos.

26 Si(B) Solomon ay may 40,000 kuwadra ng kabayo para sa kanyang mga karwahe, at mayroon rin siyang 12,000 mangangabayo. 27 Ang labindalawang punong-lalawigan ang nagpapadala ng mga pagkain at lahat ng pangangailangan ni Solomon at ng mga tauhang pinapakain niya, bawat isa'y isang buwan. Kailanma'y hindi sila nagkulang. 28 Sila rin ang nagbibigay ng sebada at dayami para sa mga kabayong sasakyan at pangkarwahe; ipinadadala nila iyon kung saan kailangan.

29 Walang kapantay ang katalinuhan at karunungang ipinagkaloob ni Yahweh kay Solomon. Walang katulad ang kanyang kaalaman. 30 Ito ay higit sa karunungan ng lahat ng mga matatalinong tao sa silangan at sa buong Egipto. 31 Mas(C) marunong siya kaysa sinumang tao. Mas marunong siya kay Etan na mula sa angkan ni Ezra, at kina Heman, Calcol, Darda, na mga anak ni Machol. Naging tanyag siya sa lahat ng bansa sa paligid. 32 Siya(D) ang may-akda ng tatlong libong salawikain; kumatha rin siya ng isang libo't limang mga awit. 33 Nakapagpapaliwanag siya tungkol sa lahat ng uri ng halaman: mula sa sedar ng Lebanon hanggang sa hisopong tumutubo sa pader. Naipapaliwanag din niya ang tungkol sa mga hayop na lumalakad o gumagapang sa lupa; gayundin ang tungkol sa mga ibon at mga isda. 34 Dinadayo siya ng mga hari sa buong daigdig upang makinig sa kanyang karunungan. Pinapapunta rin sa kanya ang maraming mga tao upang siya'y mapakinggan.

Paghahanda sa Pagtatayo ng Templo(E)

Matagal nang magkaibigan si Hiram na hari ng Tiro at si Haring David. Kaya't nang mabalitaan nitong si Solomon ay pinili na bilang hari, at siyang kahalili ng kanyang amang si David, nagpadala agad ito ng mga sugo kay Solomon. Nagsugo rin sa kanya si Solomon at ganito ang ipinasabi: “Alam po ninyo na ang ama kong si David ay hindi nakapagtayo ng Templo para kay Yahweh na kanyang Diyos. Ito'y dahil sa mga digmaang hinarap niya sa magkabi-kabilang panig hanggang sa pagtagumpayin siya ni Yahweh laban sa lahat niyang mga kaaway. Ngunit binigyan ako ngayon ng Diyos kong si Yahweh ng kapayapaan sa buong kaharian. Wala na akong kaaway at wala nang panganib na pinangangambahan. Kaya(F) binabalak kong ipagtayo ng isang templo si Yahweh na aking Diyos. Gaya ng pangako niya sa aking ama, ‘Ang anak mo na pauupuin ko sa iyong trono bilang kahalili ang siyang magtatayo ng aking Templo.’ Kaya hinihiling ko sa inyong Kamahalan na bigyan ako ng mga tauhang puputol ng mga sedar sa Lebanon. Babayaran ko sila sa halagang itatakda ninyo. Tutulong sa kanila ang mga tauhan ko sapagkat hindi sila sanay magputol ng mga punongkahoy tulad ng mga taga-Sidon.”

Lubos na ikinatuwa ni Hiram nang marinig niya ang kahilingang iyon ni Solomon. Kaya't sinabi niya, “Purihin si Yahweh sa araw na ito sapagkat binigyan niya si David ng isang anak na marunong mamahala sa kanyang dakilang sambayanan!” At ganito ang naging tugon ni Hiram kay Solomon: “Natanggap ko ang iyong mensahe. Handa akong magbigay sa inyo ng lahat ng kailangan ninyong kahoy na sedar at sipres. Ilulusong ng aking mga tauhan ang mga troso buhat sa Lebanon hanggang sa dagat. Buhat naman doon ay babalsahin hanggang sa daungan na inyong mapili. Pagdating doon, saka paghihiwa-hiwalayin upang inyong ipahakot. Bilang kapalit, bibigyan naman ninyo ako ng mga pagkain para sa aking mga tauhan.”

10 Kaya't pinadalhan ni Hiram si Solomon ng lahat ng kahoy na sedar at sipres na kailangan nito. 11 Taun-taon naman ay pinadadalhan ni Solomon si Hiram ng 100,000 takal ng trigo at 110,000 galong langis ng olibo para sa mga tauhan nito.

12 Si Solomon nga'y binigyan ni Yahweh ng karunungan tulad ng kanyang ipinangako. Naging magkaibigan sina Solomon at Hiram, at gumawa sila ng kasunduan ng pagkakaibigan.

13 Iniutos ni Solomon sa buong Israel ang sapilitang pagtatrabaho ng 30,000 kalalakihan. 14 Ipinadadala(G) niya sa Lebanon ang mga ito, 10,000 bawat pangkat. Isang buwan sila sa Lebanon, at dalawang buwan sa kani-kanilang tahanan. Si Adoniram ang tagapangasiwa ng sapilitang paggawang ito. 15 Si Solomon ay may walumpung libong tagatibag ng mga bato sa bundok at pitumpung libong tagahakot ng mga ito. 16 Umabot sa 3,300 naman ang mga kapatas na namamahala sa mga manggagawa. 17 Sa utos ng hari, nagtatabas sila ng malalaking bato upang gamiting pundasyon ng Templo. 18 Katulong din ng mga tauhan ni Solomon at ni Hiram ang mga taga-Biblos sa pagtibag ng bato at pagputol ng kahoy na ginamit sa pagtatayo ng Templo.

Itinayo ni Solomon ang Templo

Apatnaraan at walumpung taon makalipas na ang Israel ay umalis sa Egipto, nang ikalawang buwan, ng ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon, sinimulan ni Solomon ang pagtatayo ng Templo. Ang templong ipinagawa ni Solomon para kay Yahweh ay dalawampu't pitong metro ang haba, siyam na metro ang luwang at labingtatlo't kalahating metro ang taas. Sa harapan ng Templo, pahalang sa takbo ng kabahayan, ay may pasilyo na apat at kalahating metro ang haba, at siyam na metro ang luwang. Ang mga bintana ng Templo'y may bastidor at mga rehas. Nagtayo rin ng isang gusaling may tatlong palapag sa mga gilid ng pader at sa likod ng templo. Dalawa't kalahating metro ang luwang ng unang palapag, tatlong metro ang pangalawa, at tatlo't kalahati ang pangatlo. Ganito ang nangyari sapagkat sa gawing labas, ang pader ng Templo ay pakapal nang pakapal ng isang siko sa bawat palapag, mula sa itaas hanggang pababa. Ang mga biga ng bawat palapag ay nakapatong sa pader at hindi iniukit dito.

Tinabas na sa lugar na pinagtibagan ang mga batong ginamit sa Templo, kaya't walang narinig na pukpok ng martilyo, palakol o anumang kasangkapang bakal habang ginagawa ang Templo.

Nasa kanang sulok ng Templo ang pintuang papasok sa unang palapag. Buhat naman dito'y may paikot na hagdang paakyat sa ikalawang palapag, at gayundin buhat sa ikalawa paakyat sa ikatlo. Nang maitayo na ni Solomon ang mga pader ng Templo, binubungan ito at nilagyan ng kisame na ipinako sa mga pahalang na posteng sedar. 10 Dalawa't kalahating metro ang taas ng bawat palapag ng gusaling karugtong ng gilid ng Templo. Bawat palapag ay nakakabit sa kabahayan sa pamamagitan ng mga bigang sedar.

11 Sinabi ni Yahweh kay Solomon, 12 “Kung susundin mo ang aking mga utos at tutuparin ang aking mga tagubilin, tutuparin ko ang aking pangako sa iyong amang si David. 13 Maninirahan akong kasama ng sambayanang Israel sa pamamagitan ng Templong ito na iyong itinatayo, at hindi ko pababayaan ang aking bayang Israel.”

14 At tinapos nga ni Solomon ang pagpapagawa sa Templo.

Ang Loob ng Templo(H)

15 Binalot niya ng tabla ang loob niyon. Tablang sedar ang inilapat sa pader buhat sa sahig hanggang sa kisame[a] at tablang sipres naman ang inilatag na sahig. 16 Diningdingan(I) niya ang siyam na metro mula sa silid sa kaloob-looban ng Templo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. Ang lugar na ito'y nilapatan ng tablang sedar mula sa sahig hanggang sa kisame. 17 Ang labingwalong metrong natira matapos dingdingan ang Dakong Kabanal-banalan ay tinawag namang Dakong Banal. 18 May ukit na mga nakabukang bulaklak at mga tapayan ang tablang sedar na ibinalot sa pader ng Templo. 19 Ang Dakong Kabanal-banalan na siyang kaloob-looban ng Templo ay inihanda niya upang paglagyan ng Kaban ng Tipan. 20 Siyam na metro ang haba, ang luwang, at ang taas ng Dakong Kabanal-banalan, at ito'y binalot niya ng lantay na ginto. 21 Sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, nagtayo siya ng isang altar na yari sa tablang sedar at ito'y binalot din niya ng lantay na ginto. 22 Binalot(J) din ni Solomon ng lantay na ginto ang buong loob ng Templo, pati ang altar sa Dakong Kabanal-banalan.

23 Sa(K) loob ng Dakong Kabanal-banalan, nagpalagay siya ng dalawang kerubin, imaheng nililok sa kahoy na olibo. Apat at kalahating metro ang taas ng bawat isa. 24 Kulang na dalawa't kalahating metro ang haba ng bawat pakpak, kaya't apat at kalahating metro ang sukat ng mga pakpak buhat sa magkabilang dulo. 25 Apat at kalahating metro rin ang sukat ng pangalawang kerubin, iisa ang sukat at hugis ng dalawa. 26 Apat at kalahating metro rin ang taas ng bawat kerubin. 27 Inilagay niya ang mga kerubin sa gitna ng Dakong Kabanal-banalan. Nakabuka ang kanilang mga pakpak, at sa gawing labas ay abot sa dingding ng silid ang tig-isa nilang pakpak. Sa gawing loob naman, ang mga dulo ng tig-isa nilang pakpak ay nagtagpo sa gitna ng silid. 28 Balot din ng gintong lantay ang dalawang kerubin.

29 Ang buong dingding ng Templo, maging sa Dakong Kabanal-banalan at sa Dakong Banal ay may ukit na mga kerubin, punong palma at mga bulaklak. 30 Ang sahig ng Templo buhat sa Dakong Kabanal-banalan hanggang sa Dakong Banal ay may balot na gintong lantay.

31 May limang sulok ang pinto ng Dakong Kabanal-banalan, at kahoy na olibo ang mga hamba niyon. 32 Tablang olibo rin ang dalawang pangsara, at may ukit itong imahen ng mga kerubin, punong palma at mga bulaklak. Ang mga pangsara'y may kalupkop na gintong kapit na kapit sa mga nakaukit na larawan.

33 Parihaba naman ang pintuan ng Dakong Banal. Kahoy na olibo ang mga hamba ng pintong iyon, 34 at tablang sipres naman ang mga pinto. Bawat pinto ay may tigalawang panig na natitiklop. 35 May ukit ding mga kerubin, punong palma at mga bulaklak ang mga pinto, at may kalupkop na gintong lapat na lapat sa mga ukit.

36 Ang bulwagang panloob sa harap ng Templo ay binakuran ni Solomon ng pader na may tatlong hanay ng batong tinabas, at isang hanay na bigang sedar.

37 Ikalawang buwan, ng ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon, nang ilagay ang mga pundasyong bato ng Templo. 38 Ikawalong buwan ng taon nang matapos naman ang Templo. Noo'y ikalabing isang taon ng paghahari ni Solomon. Sa loob ng pitong taon, natapos ang buong Templo ayon sa plano.

Ang Palasyo ni Solomon

Labingtatlong taon naman ang ginugol ni Solomon sa pagpapagawa ng kanyang palasyo. Ang gusaling tinatawag na Gubat ng Lebanon ay may apatnapu't limang metro ang haba, dalawampu't dalawa't kalahating metro ang luwang at labingtatlo't kalahating metro ang taas. Ang gusaling ito ay may apat na hanay ng haliging sedar, na siyang kinapapatungan ng mga bigang sedar. Sedar din ang bubong ng mga silid na nakapatong sa apatnapu't limang haligi. Tatlong hanay ang mga bintana, at ang mga ito'y magkakatapat. Parihaba ang mga hamba ng mga pinto at bintana, at pawang magkakatapat.

Nagpagawa rin siya ng Bulwagan ng mga Haligi na dalawampu't dalawa't kalahating metro ang haba at labingtatlo't kalahating metro naman ang luwang. Sa pagpasok nito ay may isang pasilyong may bubong.

Ang silid na kinalalagyan ng trono na tinatawag ding Bulwagan ng Katarungan at kung saan nagbibigay ng hatol si Solomon, ay may dingding, sahig at kisame na tablang sedar.

Sa(L) likod naman ng bulwagang iyon ay nagpagawa siya ng kanyang tirahan, at ang yari nito'y tulad ng silid Hukuman. Ang kanyang reyna, ang anak ng Faraon, ay ipinagtayo rin niya ng tirahan, at ito'y katulad ng sa kanya.

Ang lahat ng gusali ay yari sa naglalakihang bato na tinabas ng lagari sa likod at harap. 10 May tatlo't kalahating metro ang sukat ng mga batong ginamit sa pundasyon, at mayroon ding apat at kalahating metro. 11 Sa paitaas naman, mamahaling batong tinabas at mga trosong sedar ang ginamit. 12 Gaya ng portiko at patyo ng Templo, ang patyo ng palasyo ay naliligid ng tatlong hanay na batong tinabas at isang hanay na trosong sedar.

Ang mga Kagamitan sa Templo

13 Ipinatawag ni Solomon sa Tiro si Hiram, 14 anak ng isang balo mula sa lipi ni Neftali na napangasawa ng isang manggagawa ng mga kagamitang tanso na taga-Tiro. Si Hiram ay matalinong manggagawa, at mahusay gumawa ng anumang kagamitang tanso. Siya ang ipinatawag ni Haring Solomon upang gumawa ng lahat ng kagamitang yari sa tanso.

Ang mga Haliging Tanso(M)

15 Gumawa siya ng dalawang haliging tanso. Walong metro ang taas ng mga ito at lima't kalahating metro ang sukat sa pabilog. 16 Ang bawat haligi ay nilagyan niya ng koronang tanso na dalawa't kalahating metro ang taas. 17 Gumawa pa siya ng dalawang palamuting animo'y kadena na pinalawit niya sa dakong ibaba ng kapitel, pitong likaw bawat kapitel. 18 Naghulma pa siya ng mga hugis granadang tanso na inilagay niya sa ibaba at itaas ng palamuting kadena, dalawang hanay bawat korona ng haligi.

19 Ang mga korona naman ng mga haligi ay hugis bulaklak ng liryo at dalawang metro ang taas. 20 Sa ibaba nito nakapaligid ang mga granadang tanso, 200 bawat kapitel.

21 Ang mga haliging ito ay itinayo sa pasilyong nasa harap ng Templo, sa magkabilang tabi ng pinto. Ang kanan ay tinawag na Jaquin[b] at ang kaliwa'y Boaz.[c] 22 At sa ibabaw ng mga haligi'y nilagyan ng mga kapitel na hugis-liryo. Dito natapos ang paggawa ng mga haligi.

Ang Tansong Ipunan ng Tubig(N)

23 Gumawa si Hiram ng isang malaking ipunan ng tubig apat at kalahating metro ang luwang ng labi nito, dalawa't kalahating metro ang lalim at labingtatlo't kalahating metro naman ang sukat sa pabilog. 24 Sa gilid nito'y nakapaikot ang palamuting hugis upo, sampu sa bawat kalahating metro. Ang mga palamuti ay nakahanay nang dalawa na kasamang hinulma ng ipunan. 25 Ang ipunan ay ipinatong sa gulugod ng labindalawang torong tanso, na magkakatalikuran: tatlo ang nakaharap sa silangan, tatlo sa kanluran, tatlo sa hilaga at tatlo sa timog. 26 Tatlong pulgada ang kapal ng ipunan at ang labi nito'y parang labi ng tasa, hugis bulaklak ng liryo. Ang ipunang tanso ay naglalaman ng 10,000 galong tubig.

Ang mga Patungan ng Hugasan

27 Gumawa pa siya ng sampung patungang tanso para sa mga hugasan. Bawat isa'y dalawang metro ang haba at lapad; isa't kalahating metro naman ang taas. 28 Ang mga ito ay ginawang parisukat na dingding na nakahinang sa mga balangkas. 29 Ang bawat dingding ay may mga nakaukit na larawan ng leon, baka, at kerubin. Ang mga gilid naman ng balangkas sa itaas at ibaba ng leon at baka ay may mga nakaukit na palamuting bulaklak na hugis korona. 30 Ang bawat patungan ay may apat na gulong na tanso at mga eheng tanso. Sa apat na sulok ng patungan ay may apat na tukod na tanso na siyang patungan ng hugasan. 31 Sa ibabaw ng mga tukod na ito ay may pabilog na balangkas para patungan ng hugasan at may taas na kalahating metro. Ang butas ng korona ay bilog at may 0.7 metro ang lalim. Ngunit parisukat ang ibabaw ng patungan, at ito'y may mga dibuhong nakaukit.

32 Ang bastidor ay nakapatong sa mga ehe ng gulong. Ang mga gulong naman ay nasa ilalim ng mga dingding. Dalawampu't pitong pulgada ang taas ng mga gulong, 33 at ang mga ito'y parang mga gulong ng karwahe; ang mga ehe, gilid, rayos at ang panggitnang bahagi ng gulong ay yaring lahat sa tanso. 34 Ang mga tukod naman sa apat na sulok at ang patungan ay iisang piraso. 35 Ang ibabaw ng patungan ay may leeg na pabilog, siyam na pulgada ang taas. Dito nakasalalay ang labi ng hugasan. Ang leeg, ang kanyang suporta at ang ibabaw ng patungan ay iisang piyesa lamang, 36 at ito'y may mga disenyong kerubin, leon, baka at mga punong palma.

37 Ganyan ang pagkayari ng sampung patungang tanso; iisa ang pagkakahulma, iisang sukat at iisang hugis.

38 Gumawa(O) rin siya ng sampung hugasang tanso, tig-isa ang bawat patungan. Dalawang metro ang luwang ng labi, at naglalaman ang bawat isa ng 880 litrong tubig. 39 Inilagay niya ang lima sa gawing kaliwa at ang lima'y sa gawing kanan ng Templo. Samantala, ang tangkeng tanso ay nasa gawing kanan ng Templo, sa sulok na timog-silangan.

40 Gumawa rin si Hiram ng mga kaldero, mga pala at mga mangkok. Natapos nga niyang lahat ang mga ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon: 41 ang dalawang haliging tanso, ang mga kapitel nito at mga kadenang nakapalamuti sa kapitel; 42 ang 400 hugis granada na nakapaligid nang dalawang hanay sa puno ng kapitel; 43 ang sampung hugasan at ang kani-kanilang mga patungan; 44 ang tangkeng tanso at ang labindalawang toro na kinapapatungan niyon; 45 ang mga kaldero, pala at mangkok.

Ang lahat ng nasabing kagamitan na ipinagawa ni Haring Solomon kay Hiram ay purong tanso. 46 Ipinahulma niya ang lahat ng iyon sa kapatagan ng Jordan sa isang pagawaang nasa pagitan ng Sucot at Zaretan. 47 Hindi na ipinatimbang ni Solomon ang mga kasangkapang tanso sapagkat napakarami ng mga iyon.

48 Nagpagawa(P) rin si Solomon ng mga kagamitang ginto na nasa Templo ni Yahweh: ang altar na sunugan ng insenso, ang mesang patungan ng tinapay na handog; 49 ang(Q) mga patungan ng ilawan sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, lima sa kanan at lima sa kaliwa; ang mga palamuting bulaklak, ang mga ilawan at pang-ipit ng mitsa; 50 ang mga tasang lalagyan ng langis, ang mga pamutol ng mitsa, ang mga mangkok, ang mga sisidlan ng insenso at lalagyan ng apoy; at ang mga paikutan ng mga pinto ng Dakong Kabanal-banalan, at gayundin ng mga pinto ng Dakong Banal.

51 Natapos(R) ngang lahat ang mga ipinagawa ni Solomon para sa Templo ni Yahweh. Tinipon din niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitang inihandog ng kanyang amang si David, at itinago sa lalagyan ng kayamanan ng Templo.

Dinala sa Templo ang Kaban ng Tipan(S)

Ang(T) pinuno ng Israel at ang mga pinuno ng mga lipi at ng mga angkan ng Israel ay ipinatawag ni Solomon sa Jerusalem upang kunin ang Kaban ng Tipan sa Zion, ang lunsod ni David. Kaya(U) nagpunta kay Solomon ang mga pinuno ng Israel noong kapistahan ng ikapitong buwan ng taon. Nang naroon na ang lahat, binuhat ng mga pari ang Kaban ng Tipan. Tinulungan sila ng mga Levita sa pagdadala ng Kaban ng Tipan, ng Tolda, at ng mga kagamitang naroroon. Hindi mabilang ang mga baka at tupang inihandog ni Haring Solomon at ng buong Israel sa harap ng Kaban ng Tipan. Pagkatapos, ipinasok ng mga pari ang Kaban ng Tipan sa Dakong Kabanal-banalan, at inilagay sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. Nakabuka ang pakpak ng mga kerubin, kaya't nalulukuban ng mga iyon ang Kaban ng Tipan at ang mga pasanan nito. Lampas sa Kaban ang mga dulo ng pasanan, kaya't kitang-kita sa Dakong Banal, sa harap ng Dakong Kabanal-banalan; ngunit hindi nakikita sa labas. Naroon pa ang mga pasanan hanggang sa panahong ito. Walang(V) ibang laman ang Kaban kundi ang dalawang tapyas ng batong inilagay roon ni Moises noong sila'y nasa Sinai.[d] Ito ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa bayang Israel noong umalis sila sa lupain ng Egipto.

Ang Templo'y Napuno ng Kaluwalhatian ni Yahweh

10 Pagkalabas(W) ng mga pari, ang Templo'y napuno ng ulap; 11 kaya't hindi sila makapagpatuloy ng gawain sa loob. Ang Templo'y napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh.

12 Kaya't(X) sinabi ni Solomon:
“O Yahweh, kayo ang naglagay ng araw sa langit,
    ngunit minabuti ninyong manirahan sa makapal na ulap.
13 Ipinagtayo ko kayo ng isang kahanga-hangang Templo,
    isang bahay na titirhan ninyo habang panahon.”

Nagpuri si Solomon kay Yahweh(Y)

14 Pagkatapos, humarap si Solomon sa buong bayan at sila'y binasbasan. 15 Wika niya, “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako kay David na aking ama. Sinabi niya noon, 16 ‘Mula(Z) pa nang ilabas ko sa Egipto ang aking bayang Israel hanggang ngayon, hindi ako pumili ng alinmang lunsod sa labindalawang lipi upang ipagtayo ako ng Templo na kung saa'y sasambahin ang aking pangalan. Ngunit pinili ko si David upang mamuno sa aking bayan.’

17 “Binalak(AA) ng aking ama na ipagtayo ng Templo si Yahweh, ang Diyos ng Israel. 18 Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, ‘Maganda ang balak mong magtayo ng Templo para sa akin, 19 subalit(AB) hindi ikaw ang magtatayo niyon. Ang iyong magiging anak ang siyang magtatayo ng Templo para sa ikararangal ng aking pangalan.’

20 “Natupad ngayon ang pangako ni Yahweh. Humalili ako sa aking amang si David at naupo sa trono ng Israel, gaya ng ipinangako niya. Naitayo ko na ang Templo para sa ikararangal ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 21 Naglaan ako roon ng lugar para sa Kaban na kinalalagyan ng Tipan na ibinigay ni Yahweh sa ating mga ninuno nang sila'y ilabas niya sa Egipto.”

Ang Panalangin ni Solomon(AC)

22 Pagkatapos nito, sa harapan pa rin ng buong bayan, tumayo si Solomon sa harap ng altar. Itinaas niya ang mga kamay, 23 at nanalangin ng ganito:

“Yahweh, Diyos ng Israel, sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos na tulad ninyo. Tapat kayo sa inyong mga pangako sa inyong mga alipin; wagas ang pag-ibig na ipinadarama ninyo sa kanila habang sila'y nananatiling tapat sa inyo. 24 Tinupad ninyo ang inyong pangako sa aking amang si David; ang ipinangako ninyo noon ay tinupad ninyo ngayon. 25 Kaya(AD) nga Yahweh, ipagpatuloy ninyong tuparin ang inyong pangako kay David na sa habang panahon ay magmumula sa kanyang angkan ang maghahari sa Israel, kung sila'y mananatiling tapat sa inyo gaya ng ginawa niya. 26 Pagtibayin ninyo, Diyos ng Israel, ang mga pangakong binitiwan ninyo sa aking amang si David na inyong alipin.

27 “Maaari(AE) bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay di sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na templo na aking itinayo! 28 Gayunman, pakinggan ninyo ang dalangin at pagsamo ng inyong alipin, O Yahweh, aking Diyos. Dinggin ninyo sa araw na ito ang panawagan ng inyong alipin. 29 Huwag(AF) ninyong iwaglit sa inyong paningin araw-gabi ang Templong ito, yamang kayo ang maysabi na ang pangalan ninyo'y mamamalagi rito. Sa gayon maririnig ninyo ang bawat dalangin ng inyong alipin tuwing mananalangin sa lugar na ito.

30 “Pakinggan po ninyo ang inyong lingkod at ang inyong bayang Israel tuwing kami'y mananalanging paharap sa lugar na ito. Pakinggan ninyo kami buhat sa inyong tahanan sa langit at patawarin ninyo kami!

31 “Kapag nagkasala sa kanyang kapwa ang isang tao, at siya'y pinanumpa sa harap ng inyong altar sa Templong ito, 32 pakinggan ninyo sila buhat sa langit at kayo ang humatol sa kanila. Parusahan ninyo ang nagkasala at pagpalain ninyo ang walang kasalanan.

33 “Kapag natalo ng kanilang mga kaaway ang bayan ninyong Israel dahil sa pagtalikod nila sa inyo, sa sandaling magbalik-loob sila sa inyo, kumilala sa inyong kapangyarihan, nanalangin at nanawagan sa inyo sa Templong ito, 34 pakinggan ninyo sila at patawarin. Ibalik ninyo sila sa lupaing ibinigay ninyo sa kanilang mga ninuno.

35 “Kapag ang langit ay nagkait ng ulan sapagkat nagkasala sa inyo ang bayang Israel, kung sila'y manalangin sa Templong ito at magpuri sa inyong pangalan, kapag sila'y nagsisi sa kanilang kasalanan sa pagkakilalang iyon ang dahilan ng inyong pagpaparusa, 36 pakinggan ninyo sila, Yahweh. Patawarin ninyo ang inyong mga alipin, ang bayang Israel. Ituro ninyo sa kanila ang landas na dapat nilang lakaran. Ibuhos na ninyo ang ulan sa lupaing ibinigay ninyo sa inyong bayan.

37 “Kung lumaganap sa lupain ang gutom at salot, kung malanta at matuyo ang mga halaman, kung ang mga ito'y salantain ng uod at balang, kapag ang alinman sa kanilang lunsod ay kinubkob ng kaaway, 38 pakinggan ninyo ang kanilang dalangin. Sa sandaling sila'y magsisi at iunat ang kanilang mga kamay paharap sa lugar na ito upang tumawag at magmakaawa sa inyo, 39 pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong tahanan at sila'y patawarin. Ibigay ninyo sa kanila ang nararapat sa kanilang mga gawa, sapagkat kayo lamang ang nakakaalam kung ano ang nasa puso ng mga tao. 40 Sa gayon, mananatili silang may takot sa inyo habang sila'y nabubuhay dito sa lupaing ibinigay ninyo sa aming mga ninuno.

41-42 “Kung ang isang dayuhan na mula pa sa malayong lugar na nakarinig ng kadakilaan ng inyong pangalan at mga kabutihang ginawa ninyo para sa inyong bayang Israel ay nanirahan sa bayang ito at nagsadya sa Templong ito upang manalangin, 43 pakinggan ninyo siya buhat sa langit na inyong tahanan, at ipagkaloob ang kanyang hinihiling. Sa gayon, makikilala ng lahat ng tao sa buong mundo ang inyong pangalan at sila'y sasamba sa inyo, tulad ng Israel. Malalaman nilang dito sa Templong ito na aking itinayo, ang inyong pangalan ay dapat sambahin.

44 “Kapag inutusan ninyo ang inyong bayan na makipagdigma sa kanilang mga kaaway bilang pagsunod sa inyong kalooban, kapag sila'y humarap sa lunsod na ito na inyong pinili, sa Templong ito na ipinatayo ko para sa inyong karangalan, 45 pakinggan ninyo sila at papagtagumpayin ninyo sila.

46 “Yahweh, ang lahat po ay nagkasala. Kung ang bayang ito'y magkasala sa inyo at dahil sa galit ninyo'y pinabayaan ninyo silang mabihag ng kanilang mga kaaway sa malayo o malapit man, 47 kung sa lupaing pinagdalhan sa kanila'y makilala nila ang kanilang kamalian at tanggapin nilang sila nga'y naging masama at nagkasala sa inyo, 48 sa sandaling sila'y magsisi at magbalik-loob sa inyo, at mula doo'y humarap sila sa lupaing kaloob sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na ito na inyong pinili, sa Templong ito na ipinatayo ko sa inyong pangalan, 49 pakinggan ninyo sila mula sa tahanan ninyo sa langit at ipaglaban po ninyo sila. 50 Patawarin ninyo ang inyong bayan sa kanilang pagkakasala sa inyo. Loobin ninyong kahabagan sila ng mga kaaway na bumihag sa kanila, 51 sapagkat ito ang bayang inyong pinili at inilabas mula sa Egipto, ang lupaing tulad sa nagliliyab na hurno.

52 “Lagi ninyong lingapin ang bayang Israel; lagi ninyong pakinggan ang kanilang panawagan. 53 Kayo at wala nang iba pa ang pumili sa kanila mula sa lahat ng mga bansa sa buong mundo, upang sila'y maging inyo. Ito, Panginoong Yahweh, ang sinabi ninyo sa pamamagitan ni Moises nang hanguin ninyo sa Egipto ang aming mga ninuno.”

Pagbabasbas sa Bayan

54 Nakaluhod si Solomon sa harap ng altar ni Yahweh at nakataas ang mga kamay samantalang nananalangin. Nang matapos ang kanyang pananawagan kay Yahweh, 55 tumayo siya at sa malakas na tinig ay binasbasan ang buong Israel na nagkakatipon doon. 56 “Purihin(AG) si Yahweh! Tinupad niyang lahat ang kanyang mga pangako, at binigyan ng kapayapaan ang bayan niyang Israel. Sa lahat niyang mga pangako kay Moises, wala isa mang nasira. 57 Sumaatin nawang lagi si Yahweh, ang ating Diyos, gaya ng ginawa niya sa ating mga ninuno. Huwag nawa niya tayong pabayaan o itakwil kailanman. 58 Tulungan nawa niya tayong maging tapat sa kanya, upang mamuhay ayon sa kanyang kalooban, at sundin ang kanyang mga batas, tuntunin at hatol, gaya ng ipinag-utos niya sa ating mga ninuno. 59 Manatili nawa araw-gabi sa harapan ni Yahweh itong aking panalangin upang sa bawat araw ay pagkalooban niya ng katarungan ang kanyang alipin, at ang kanyang bayang Israel ayon sa hinihingi ng pagkakataon. 60 Sa gayon, malalaman ng lahat ng tao sa balat ng lupa na si Yahweh ay Diyos, at liban sa kanya'y wala nang iba. 61 Manatili nga kayong tapat kay Yahweh, na ating Diyos. Sundin ninyo ang kanyang mga utos, tulad ng ginagawa ninyo ngayon.”

Mga Handog sa Araw ng Pagtatalaga ng Templo(AH)

62 Sa pagtitipong ito nag-alay si Solomon at ang buong Israel ng napakaraming handog. 63 Nagpatay sila ng 22,000 baka at 120,000 tupa bilang handog na pinagsasaluhan. Sa gayong paraan ginawa ni Solomon at ng buong Israel ang pagtatalaga ng Templo ni Yahweh. 64 Nang araw ding iyon, itinalaga ni Solomon ang bulwagan sa harap ng Templo. Doon niya inihain ang handog na susunugin, ang mga handog na pagkaing butil, at ang mga taba ng handog na pinagsasaluhan sapagkat ang altar na tanso sa harapan ng Templo ay napakaliit para sa ganoon karaming handog.

65 Kaya nga't nang taóng iyon, natipon sa Jerusalem ang buong Israel mula sa Pasong Hamat hanggang sa Batis ng Egipto. Sa pamumuno ni Solomon, ipinagdiwang nila ang Pista ng mga Tolda sa loob ng pitong araw.[e] 66 Sa ikawalong araw, pinauwi na ni Solomon ang mga mamamayan. Masaya silang umuwi at binasbasan ang hari dahil sa mga pagpapalang ipinagkaloob ni Yahweh kay David na kanyang lingkod, at sa kanyang bayang Israel.

Muling Nagpakita kay Solomon si Yahweh(AI)

Nang maipagawa na ni Solomon ang Templo ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at ang lahat ng binalak niyang ipatayo, nagpakita(AJ) muli sa kanya si Yahweh, tulad ng nangyari sa Gibeon. Sinabi sa kanya, “Ibinigay ko ang lahat ng hiniling mo sa iyong panalangin. Itinatakda kong sa Templong ito na inyong ipinatayo, dito mo ako sasambahin magpakailanman. Babantayan ko at iingatan ang Templong ito habang panahon. Kung ikaw naman ay mananatiling tapat sa akin, gaya ng iyong amang si David, kung gagawin mong lahat ang mga ipinagagawa ko sa iyo, at susundin mo ang aking mga utos at tuntunin, pananatilihin(AK) ko sa trono ng Israel ang iyong angkan. Iyan ang aking ipinangako sa iyong amang si David. Ngunit kung ikaw, o ang iyong mga anak, ay tatalikod sa akin at hindi susunod sa aking mga kautusan at batas; kapag kayo'y sumamba at naglingkod sa ibang diyos, palalayasin ko ang bayang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila. Itatakwil ko ang Templong ito na aking itinuring na banal at itinakdang lugar na kung saan ako ay sasambahin. Ang Israel ay pagtatawanan at hahamakin ng lahat ng bansa. Magigiba(AL) ang Templong ito, at sinumang mapadaan dito'y mangingilabot at magtataka. Sasabihin nila, ‘Bakit ginawa ito ni Yahweh sa lupaing ito at sa Templong ito?’ At ganito ang isasagot ng mga tao: ‘Sapagkat tinalikuran nila si Yahweh, ang kanilang Diyos na nagligtas sa kanilang mga ninuno mula sa pagkaalipin sa Egipto. Sumamba sila at naglingkod sa ibang mga diyos kaya pinabayaan sila ni Yahweh na mapahamak.’”

Iba pang mga Ipinagawa ni Solomon(AM)

10 Dalawampung taon ang nagugol ni Solomon sa pagpapatayo ng Templo ni Yahweh at ng kanyang palasyo. 11 Si Hiram, hari ng Tiro, ang nagpadala ng mga kahoy na sedar at sipres at ginto na ginamit para doon. Dahil dito, siya'y binigyan ni Solomon ng dalawampung lunsod sa lupain ng Galilea bilang kapalit. 12 Ngunit nang dumating si Hiram mula sa Tiro upang tingnan ang mga lunsod na bigay sa kanya ni Solomon, hindi siya lubos na nasiyahan. 13 Kaya nasabi niya, “Kapatid, bakit naman ganito ang mga lunsod na ibinigay mo sa akin?” Kaya't tinawag na Lupa ng Cabul[f] ang mga lunsod na iyon hanggang ngayon. 14 Nagpadala si Hiram kay Solomon ng 4,200 kilong ginto.

15 Gumamit si Haring Solomon ng sapilitang pagtatrabaho upang maipatayo ang Templo ni Yahweh at ang kanyang palasyo, at upang patatagin ang Millo at ang mga pader ng Jerusalem, Hazor, Megido at Gezer. 16 Ang Gezer ay dating lunsod ng mga Cananeo na sinalakay at sinakop ng Faraon, hari ng Egipto. Sinunog niya ito at pinatay ang mga tagaroon. Pagkatapos, ibinigay ng Faraon ang lunsod na ito kay Solomon bilang dote ng kanyang anak na naging reyna ni Solomon. 17 Ngunit ito'y muling ipinatayo ni Solomon. Ipinagawa rin niya ang Beth-horon sa Timog, 18 ang Baalat, ang Tadmor sa ilang 19 at ang mga lunsod at bayang himpilan ng kanyang mga kabayo at karwahe. Ipinagpatuloy niya ang lahat niyang binalak ipagawa sa Jerusalem, sa Lebanon at sa lahat ng lupaing kanyang sakop. 20 Sapilitang pinapagtrabaho ni Solomon ang mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Hivita at Jebuseo na nakatira pa sa lupain. 21 Ito ang mga anak at apo ng mga nakaligtas nang iutos ni Yahweh sa mga Israelita na lipulin ang lahat ng lahi na daratnan nila sa lupain ng Canaan. 22 Hindi niya isinama sa sapilitang paggawa ang mga Israelita. Sa halip ang mga ito'y ginawa niyang mandirigma, mga kawal at pinuno ng hukbo, ng kanyang kabayuhan, at ng kanyang mga karwahe.

23 Ang bilang ng mga tagapangasiwa ni Solomon na pinamahala niya sa mga manggagawa ay 550 katao.

24 Nang mayari na ang palasyong ipinagawa niya para sa reyna na anak ng Faraon, pinalipat niya ito mula sa Lunsod ni David. Pagkatapos, ipinagawa niya ang Millo.

25 Taun-taon,(AN) tatlong beses na naghahandog si Solomon sa altar na itinayo niya para kay Yahweh. Nag-aalay siya ng mga handog na susunugin at mga handog na pinagsasaluhan, at nagsusunog din siya ng insenso para kay Yahweh. At natapos niya ang pagtatayo ng Templo.

26 Nagpagawa rin si Solomon ng maraming barko sa Ezion-geber. Ang lunsod na ito ay nasa baybayin ng Dagat na Pula,[g] sa lupain ng Edom, malapit sa Elat. 27 Upang tulungan ang mga tauhan ni Solomon, pinadalhan siya ni Hiram ng sarili niyang mga tauhan na parang mga sanay na mandaragat. 28 Pumunta sila sa Ofir, at pagbalik ay nag-uwi sila ng 14,700 kilong ginto at dinala nila kay Solomon.

Ang Pagdalaw ng Reyna ng Seba(AO)

10 Nabalitaan(AP) ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon.[h] Kaya't nagsadya siya upang subukin ito sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. Dumating siya sa Jerusalem na may kasamang maraming alalay at may dalang maraming kayamanan: mga kamelyo na may kargang iba't ibang uri ng pabango, napakaraming ginto at batong hiyas. At nang makaharap na siya ni Solomon, sinabi niya ang kanyang pakay. Sinagot naman ni Solomon ang lahat ng kanyang tanong at wala ni isa mang hindi nito naipaliwanag. Humanga ang reyna sa karunungan ni Solomon at sa palasyong ipinagawa nito. Napansin niya ang pagkain sa hapag ng hari, ang mga tirahan ng kanyang mga opisyal at ang kaayusan ng kanyang mga tauhan. Napansin din niya ang kanyang kasuotan, ang mga tagadulot niya ng inumin, ang handog na iniaalay niya sa Templo. Hangang-hanga ang reyna sa kanyang nakita.

Kaya't sinabi niya sa hari, “Totoo nga palang lahat ang narinig ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan. Hindi ko mapaniwalaan ang mga sinasabi nila sa akin tungkol sa inyo. Ngunit ngayong nakita ko na ang lahat, napatunayan kong wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Sapagkat ang inyong karunungan ay talagang higit kaysa ibinalita nila. Napakapalad ng inyong mga asawa. Mapalad ang inyong mga tauhan sapagkat lagi nilang naririnig ang inyong karunungan! Purihin si Yahweh, ang inyong Diyos, na nagpala sa inyo at naglagay sa inyo sa trono ng Israel. Dahil sa walang katapusang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, ginawa niya kayong hari upang mamahala dito at magpairal ng katarungan.”

10 At ang hari'y binigyan niya ng halos 4,200 kilong ginto, at napakaraming pabango at batong hiyas. Kailanma'y hindi natumbasan sa dami ang pabangong iyon na bigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.

11 Bukod dito, ang mga barko ni Hiram na nagdadala ng ginto buhat sa Ofir ay may dala ring mga batong hiyas at napakaraming kahoy na algum. 12 Ito ang kahoy na ginamit sa mga upuan sa Templo at sa palasyo ng hari at sa mga lira at alpa ng mga manunugtog. Wala na muling dumating o nakita pang kahoy na tulad nito mula noon hanggang ngayon.

13 Ibinigay naman ni Haring Solomon sa reyna ng Seba ang bawat magustuhan nito, ang lahat niyang hinihingi, bukod pa sa kanyang kusang ipinagkaloob sa reyna. Pagkatapos nito'y umuwi na ang reyna pati ang kanyang mga alalay sa lupain ng Seba.

Ang mga Kayamanan ni Solomon(AQ)

14 Ang gintong dumarating kay Solomon taun-taon ay umaabot sa 23,310 kilo. 15 Hindi pa kabilang dito ang buwis na galing sa mga mangangalakal, ang tubo sa pangangalakal mula sa labas ng bansa, at ang buwis[i] na galing sa mga hari ng Arabia at sa mga gobernador ng mga lalawigan.

16 Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking kalasag na balot ng ginto. Umabot sa labinlimang librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. 17 Nagpagawa pa siya ng 300 maliliit na kalasag na may balot ding ginto. Halos apat na librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. Ipinalagay ng hari ang mga nasabing kalasag sa palasyo, sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon.

18 Nagpagawa rin siya ng isang malaking tronong yari sa garing ng elepante na may mga balot ding gintong lantay. 19 Anim na baytang ang paakyat sa trono. May ulo ng bisirong baka ang ulunan ng trono, at may patungan ng bisig sa dalawang tagiliran. May dalawang leon na nakatayo sa tabi nito, 20 at labindalawa naman sa magkabilang dulo ng mga baytang. Kailanma'y wala pang ginawang trono na tulad nito sa alinmang kaharian.

21 Gintong lahat ang mga inuman ng Haring Solomon, at gayundin ang mga kasangkapan sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon. Walang kagamitang pilak dahil hindi pa ito pinahahalagahan noong panahon ni Solomon. 22 May mga malalaking barko siya sa karagatan, kasama ng mga barko ni Hiram, at tuwing ikatlong taon ay dumarating ang mga barkong ito na may dalang ginto, pilak, garing, mga unggoy at pabo real.

23 Si Haring Solomon ang pinakamarunong at pinakamayaman sa lahat ng mga hari sa buong mundo. 24 Dinadayo siya ng mga tao mula sa lahat ng panig ng daigdig upang marinig ang karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 25 At ang bawat isa'y may dalang regalo sa kanya: mga sisidlang ginto at pilak, mga damit at mga sandata, mga pabango, mga kabayo, at mola. At nagpatuloy ito sa loob ng maraming taon.

Mga Sasakyan ni Solomon

26 Nagtatag(AR) si Haring Solomon ng isang malaking hukbo na binubuo ng 1,400 karwahe at 12,000 mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga bayang himpilan ng mga karwahe at sa Jerusalem upang bantayan ang hari. 27 Sa(AS) Jerusalem, ang pilak ay naging parang bato sa dami, at ang sedar ay naging kasindami ng sikamoro sa kapatagan. 28 Galing(AT) pa sa Musri at Cilicia ang mga kabayo ni Solomon. May mga mangangalakal siyang tagapamili doon sa tiyak na halaga. 29 Bumibili din sila ng mga karwahe sa Egipto sa halagang 600 pirasong pilak bawat isa at sa 150 piraso naman ang bawat kabayo. Ang mga ito'y ipinagbibili ng mga mangangalakal ni Solomon sa mga haring Heteo at Arameo.

Footnotes

  1. 15 kisame: o kaya'y dingding .
  2. 21 JAQUIN: Sa wikang Hebreo, ang salitang ito'y kasintunog ng salitang “siya ang nagpapatatag”.
  3. 21 BOAZ: Sa wikang Hebreo, ang salitang ito'y kasintunog ng salitang “siya ang nagpapalakas”.
  4. 9 Sinai: o kaya'y Horeb .
  5. 65 pitong araw: Sa ibang manuskrito'y pitong araw at pitong araw pa, labing-apat na araw lahat .
  6. 13 CABUL: Sa wikang Hebreo, ang salitang ito'y kasintunog ng salitang “walang halaga”.
  7. 26 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo .
  8. 1 katanyagan ni Solomon: o kaya'y ang kaalaman ni Solomon tungkol kay Yahweh .
  9. 15 buwis: Sa ibang manuskrito'y mga tauhan .