Add parallel Print Page Options

14 Gayon itinayo ni Solomon ang bahay at tinapos ito.

15 Kanyang binalutan ang mga dingding sa loob ng bahay ng kahoy na sedro; mula sa sahig ng bahay hanggang sa mga dingding ng kisame, na kanyang binalot ng kahoy sa loob at kanyang binalutan ang sahig ng bahay ng mga tabla ng sipres.

16 Siya'y(A) gumawa ng isang silid na dalawampung siko sa pinakaloob ng bahay, ng tabla na sedro mula sa sahig hanggang sa mga panig sa itaas at kanyang ginawa sa loob bilang panloob na santuwaryo na siyang dakong kabanal-banalan.

17 At ang bahay, samakatuwid ay ang silid sa harap ng panloob na santuwaryo ay apatnapung siko ang haba.

18 Ang sedro sa loob ng bahay ay inukit na hugis tapayan at mga nakabukang bulaklak; lahat ay sedro at walang batong makikita.

19 Inihanda niya ang panloob na santuwaryo sa kaloob-looban ng bahay, upang ilagay roon ang kaban ng tipan ng Panginoon.

20 Ang panloob na santuwaryo ay may dalawampung siko ang haba, at dalawampung siko ang luwang, at dalawampung siko ang taas; at binalot niya ng lantay na ginto. Gumawa rin siya ng dambanang yari sa sedro.

21 Binalot ni Solomon ang loob ng bahay ng lantay na ginto; at kanyang ginuhitan ng mga tanikalang ginto ang harapan ng santuwaryo; at binalot iyon ng ginto.

22 Kanyang(B) binalot ng ginto ang buong bahay, hanggang sa ang bahay ay nayari. Gayundin, ang buong dambana na nauukol sa panloob na santuwaryo ay kanyang binalot ng ginto.

Dalawang Kerubin

23 Sa(C) panloob na santuwaryo ay gumawa siya ng dalawang kerubin na yari sa kahoy na olibo, bawat isa'y may sampung siko ang taas.

24 Limang siko ang haba ng isang pakpak ng kerubin, at limang siko ang haba ng kabilang pakpak ng kerubin, mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng kabila ay sampung siko.

25 Ang isang kerubin ay sampung siko; ang dalawang kerubin ay may parehong sukat at parehong anyo.

26 Ang taas ng isang kerubin ay sampung siko, gayundin ang isa pang kerubin.

27 Kanyang inilagay ang mga kerubin sa pinakaloob ng bahay, at ang mga pakpak ng mga kerubin ay nakabuka kaya't ang pakpak ng isa ay nakalapat sa isang dingding, at ang pakpak ng ikalawang kerubin ay lumalapat sa kabilang dingding. Ang kanilang tig-isa pang pakpak ay nagkakalapat sa gitna ng bahay.

28 At kanyang binalutan ng ginto ang mga kerubin.

Mga Ukit sa Palibot at sa mga Pintuan

29 Kanyang inukitan ang lahat na panig ng bahay sa palibot ng mga ukit na larawan ng mga kerubin, at ng mga puno ng palma, at ng mga nakabukang bulaklak, sa mga silid sa loob at sa labas.

30 At ang sahig ng bahay ay binalot niya ng ginto, sa loob at sa labas.

31 Sa pasukan ng panloob na santuwaryo, siya'y gumawa ng mga pintuang yari sa kahoy na olibo; ang itaas ng pintuan at ang mga haligi niyon na may limang gilid.

32 Binalutan niya ang dalawang pinto na yari sa kahoy na olibo, ng mga ukit na mga kerubin, mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak, at binalot niya ng ginto; at kanyang kinalatan ng ginto ang mga kerubin at ang mga puno ng palma.

33 Gayundin ang kanyang ginawa sa pasukan ng bulwagan na yari sa kahoy na olibo, na may apat na gilid,

34 at dalawang pinto na yari sa kahoy na sipres; ang dalawang paypay ng isang pinto ay naititiklop, at ang dalawang paypay ng kabilang pinto ay naititiklop.

35 Kanyang inukitan ang mga ito ng mga kerubin, ng mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak. Ang mga ito ay binalot niya ng ginto at maayos na inilagay sa mga gawang inukit.

36 Ginawa niya ang panloob na bulwagan na may tatlong hanay na batong tinabas, at isang hanay ng mga biga ng kahoy na sedro.

Read full chapter