Add parallel Print Page Options

20 Iniwan naman ni Eliseo ang mga toro, humabol kay Elias at nakiusap, “Magpapaalam po muna ako sa aking ama't ina, at pagkatapos ay sasama na ako sa inyo.”

Sumagot naman si Elias, “Sige, umuwi ka muna.”

Read full chapter

21 Umuwi nga si Eliseo. Nagpatay siya ng isang pares na toro at iniluto. Ginamit niyang panggatong ang mga pamatok at mga araro. Ipinakain niya ito sa mga tao, at sumunod kay Elias at naging lingkod nito.

Read full chapter

Si Elias at si Haring Ahazias ng Israel

Nang mamatay si Ahab, naghimagsik ang Moab laban sa Israel. Si Ahazias ay nahulog noon mula sa balkonahe sa bubungan ng palasyo niya sa Samaria at naging malubha ang kalagayan. Kaya nagpadala siya ng mga sugo sa Ekron upang isangguni sa diyos ng mga Filisteo na si Baalzebub kung gagaling pa siya o hindi.

Ngunit sinabi ng anghel ni Yahweh kay Elias na taga-Tisbe, “Salubungin mo ang mga sugo ng hari ng Samaria at itanong mo kung wala nang Diyos ang Israel at kay Baalzebub na diyos ng Ekron na siya sasangguni. Sabihin mong hindi na siya gagaling sa kanyang sakit. Iyon na ang ikamamatay niya.” At lumakad nga si Elias.

Nang magbalik ang mga inutusan ng hari, sila'y tinanong nito, “Bakit kayo bumalik?”

Sinabi nila, “May nasalubong po kaming tao. Pinabalik niya kami at ipinapatanong sa inyo kung wala nang Diyos ang Israel kaya kay Baalzebub na diyos ng Ekron na kayo sasangguni? Hindi na raw kayo gagaling. Mamamatay na raw kayo sa sakit ninyong iyan.”

“Ano ang hitsura ng taong nagsabi nito sa inyo?” tanong ng hari.

“Mabalahibo(A) po ang kanyang kasuotan at nakasinturon ng balat,” sagot nila.

“Si Elias iyon na taga-Tisbe,” sabi ng hari.

Ipinatawag ni Haring Ahazias ang isa niyang opisyal at ang limampung kawal nito upang dakpin si Elias. Natagpuan siya ng opisyal na nakaupo sa burol at sinabi nito, “Lingkod ng Diyos, ipinapatawag kayo ng hari.”

10 Sumagot(B) si Elias, “Kung ako nga'y lingkod ng Diyos, umulan sana ng apoy at sunugin ka, pati ang iyong limampung kawal.” Umulan nga ng apoy at nasunog ang opisyal at ang mga kawal nito.

11 Nagsugo muli si Haring Ahazias ng ibang opisyal na may kasama ring limampung kawal. Ipinasabi niya kay Elias, “Lingkod ng Diyos, magmadali kayo, ipinapatawag kayo ng hari.”

12 Ngunit sinabi ni Elias, “Kung ako nga'y lingkod ng Diyos, umulan sana ng apoy at sunugin ka, pati iyong limampung kawal.” Ang Diyos ay nagpaulan uli ng apoy at sinunog ang opisyal at ang mga kawal nito.

13 Si Haring Ahazias ay nagpatawag uli ng isa pang opisyal at inutusan, kasama ng limampung kawal nito. Pagdating sa burol, lumuhod ang opisyal sa paanan ni Elias at nagsumamo, “Lingkod ng Diyos, maawa po kayo sa akin at sa aking limampung tauhan. Kami po ay inyong lingkod. Huwag po ninyong itulot na mamatay kami. 14 Alam ko pong tinupok ng apoy mula sa langit ang dalawang opisyal na nauna sa akin at ang kanilang mga kawal. Kaya nga po isinasamo ko sa inyo na hayaan ninyo kaming mabuhay.”

15 Sinabi ng anghel ni Yahweh kay Elias, “Sumama ka sa kanya at huwag kang matakot.” Sumama nga siya papunta sa hari. 16 Pagdating sa palasyo sinabi niya sa hari, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sapagkat nagsugo ka ng mga tao upang sumangguni kay Baalzebub na diyos ng Ekron na para bang wala nang Diyos sa Israel, hindi ka na gagaling. Mamamatay ka.’”

17 Namatay nga si Haring Ahazias ayon sa ipinasabi ni Yahweh kay Elias. Wala siyang anak kaya si Joram[a] na kanyang kapatid[b] ang humalili sa kanya bilang hari ng Israel. Noon naman ay dalawang taon nang hari sa Juda si Jehoram na anak ni Jehoshafat.

18 Ang iba pang ginawa ni Haring Ahazias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

Dinala si Elias ng Karwaheng Apoy

Dumating ang oras na si Elias ay kailangan nang kunin ni Yahweh sa pamamagitan ng ipu-ipo. Noon ay naglalakad sila ni Eliseo buhat sa Gilgal. Sinabi ni Elias, “Maiwan ka na rito at ako'y pinapapunta ni Yahweh sa Bethel.”

Ngunit sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[c] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At magkasama silang pumunta sa Bethel.

Sinalubong sila ng mga propeta roon at tinanong nila si Eliseo, “Alam mo bang ang panginoon mo'y kukunin na ngayon ni Yahweh?”

“Alam ko, kaya huwag na kayong maingay,” sagot niya.

Sinabi ni Elias, “Eliseo, maiwan ka na sana rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jerico.”

Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[d] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” Kaya nagpunta silang dalawa sa Jerico.

Pagdating doon, si Eliseo ay nilapitan ng pangkat ng mga propetang tagaroon at tinanong, “Alam mo bang ang panginoon mo'y kukunin na ngayon ni Yahweh?”

“Alam ko. Huwag na kayong maingay,” sagot niya.

Sinabi muli ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jordan.”

Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[e] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At nagpatuloy sila ng paglakad. Sinundan sila ng limampung propeta at sila'y tinanaw sa di-kalayuan nang sila'y tumigil sa tabi ng Ilog Jordan. Hinubad ni Elias ang kanyang balabal at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at sila'y tumawid sa tuyong lupa.

Pagkatawid(C) nila, sinabi ni Elias, “Sabihin mo sa akin kung ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo bago ako kunin.”

Sumagot si Eliseo, “Kung maaari'y ipamana ninyo sa akin ang dalawang bahagi ng inyong kapangyarihan.”

10 Sinabi ni Elias, “Mabigat ang hinihingi mo. Gayunman, kapag nakita mo akong kinuha, mangyayari ang kahilingan mo. Kapag hindi, hindi mo makakamit ang hinihingi mo.” 11 Patuloy silang nag-uusap habang naglalakad. Walang anu-ano'y pumagitna sa kanila ang isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy. Nagkahiwalay sila at si Elias ay iniakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo.

12 Kitang-kita(D) ito ni Eliseo, kaya't napasigaw siya: “Ama ko! Ama ko! Magiting na tagapagtanggol ng Israel!” At nawala na sa paningin niya si Elias.

Pinalitan ni Eliseo si Elias

Sa tindi ng kalungkutan, pinunit ni Eliseo ang kanyang damit mula itaas hanggang sa laylayan. 13 Dinampot niya ang nalaglag na balabal ni Elias at bumalik sa pampang ng Ilog Jordan. 14 Hinawakan niya sa isang dulo ang balabal at inihampas sa tubig sabay sabi, “Nasaan si Yahweh, ang Diyos ni Elias?” Nahawi ang tubig at siya'y tumawid.

15 Nang makita ito ng mga propetang taga-Jerico na nakatanaw sa di-kalayuan, sinabi nila, “Sumasakanya ang kapangyarihan ni Elias.” Siya'y sinalubong nila at buong paggalang na niyukuran. 16 Pagkatapos, sinabi nila, “May kasamahan pa po kaming limampu na pawang malalakas. Kung ibig ninyo, ipapahanap namin ang inyong panginoon. Maaaring tinangay lang siya ng Espiritu[f] ni Yahweh at ipinadpad sa ibabaw ng bundok o sa alinman sa mga libis sa paligid.”

Sinabi niyang huwag na. 17 Ngunit sa kapipilit sa kanya, hindi na siya nakatanggi kaya pinalakad na nila ang limampu.

Tatlong araw silang naghanap ngunit hindi nila nakita si Elias. 18 Nang magbalik sila kay Eliseo sa Jerico, sinabi niya sa kanila, “Hindi ba't sinabi ko nang huwag na ninyo siyang hanapin?”

Ginawang Dalisay ni Eliseo ang Tubig sa Jerico

19 Sinabi ng mga tagaroon kay Eliseo, “Tulad po ng inyong nakikita, maganda ang lunsod na ito, marumi nga lang ang tubig kaya't hindi mabunga ang lupa.”

20 Sinabi niya, “Bigyan ninyo ako ng isang bagong mangkok at lagyan ninyo ng asin.” Ganoon nga ang ginawa nila. 21 Dala ang mangkok, pumunta si Eliseo sa bukal ng tubig at ibinuhos ang asin. “Ito ang sabi ni Yahweh: ‘Lilinis ang tubig na ito at hindi na pagmumulan ng sakit o kamatayan,’” sabi niya. 22 Mula noon, naging malinis ang tubig na iyon gaya ng sinabi ni Eliseo.

23 Mula sa Jerico, pumunta siya sa Bethel. Sa daan, may mga kabataang lumabas mula sa bayan at pakutyang sinabi sa kanya: “Umalis ka rito, kalbo! Umalis ka rito, kalbo!” 24 Nilingon niya ang mga kabataang iyon at sinumpa sila sa pangalan ni Yahweh. Mula sa kagubata'y lumabas ang dalawang babaing oso at nilapa ang apatnapu't dalawa sa mga kabataang kumukutya sa kanya.

25 Mula roo'y nagtuloy siya sa Bundok ng Carmel bago bumalik sa Samaria.

Ang Digmaan ng Israel at Moab

Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, si Joram[g] namang anak ni Ahab ay nagsimulang maghari sa Israel. Labindalawang taon siyang naghari sa Samaria, ang kabisera ng Israel. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Subalit hindi siya naging kasinsama ng kanyang ama o ng kanyang ina na si Jezebel sapagkat ipinaalis niya ang rebulto ni Baal na ipinagawa ng kanyang ama. Ngunit tulad ni Haring Jeroboam na anak ni Nebat, si Joram[h] ay naging dahilan din upang magkasala ang Israel at hindi niya ito pinagsisihan.

Hinulaan ni Eliseo ang Tagumpay Laban sa Moab

Maraming tupa si Haring Mesa ng Moab at taun-taon ay nagbubuwis siya sa Israel ng sandaang libong kordero at balahibo ng sandaang libong tupa. Ngunit nang mamatay si Ahab, naghimagsik siya laban sa Israel. Kaya, mula sa Samaria'y tinipon ni Haring Joram[i] ang lahat ng mga kawal ng Israel. Nagpadala siya ng sugo kay Haring Jehoshafat ng Juda at ipinasabing naghimagsik laban sa kanya ang hari ng Moab. Ipinatanong niya kung tutulungan siya sa pakikipagdigma laban dito. Ganito naman ang sagot ni Jehoshafat: “Tutulungan kita sampu ng aking mga tauhan at kabayo. Saan kami dadaan sa aming paglusob?” tanong pa niya.

“Sa ilang ng Edom,” sagot ni Joram.[j]

Kaya, nagsama-sama ang sandatahang-lakas ng mga hari ng Israel, Juda at Edom. Makaraan ang pitong araw nilang paglalakad, naubusan sila ng tubig. Wala nang mainom ang mga kawal at ang mga hayop. 10 Dahil dito, sinabi ng hari ng Israel, “Tayong tatlo'y pinagsama-sama ni Yahweh upang ibigay sa kamay ng mga Moabita.”

11 Itinanong ni Jehoshafat, “Wala ba ritong propeta para makasangguni tayo kay Yahweh?” Sumagot ang isa sa mga opisyal ng hari ng Israel, “Narito po si Eliseo, ang anak ni Safat at dating lingkod ni Elias.”

12 Sinabi ni Jehoshafat, “Siya ay tunay na propeta ni Yahweh.” At ang tatlong hari ay pumunta kay Eliseo.

13 Tinanong ni Eliseo ang hari ng Israel, “Bakit sa akin kayo lumalapit at hindi sa mga propetang nilapitan ng inyong ama't ina?”

“Sapagkat kaming tatlo'y pinagsama-sama ni Yahweh upang ibigay sa kamay ng mga Moabita,” sagot ng hari.

14 Sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Makapangyarihan sa lahat, na siyang aking pinaglilingkuran.[k] Kung hindi lang dahil kay Haring Jehoshafat ng Juda, ni hindi kita papansinin. 15 Dalhan ninyo ako ng isang manunugtog.” Ganoon nga ang ginawa nila. Nang tumutugtog na ito, si Eliseo'y nilukuban ng kapangyarihan ni Yahweh. 16 At sinabi niya, “Sinasabi ni Yahweh na pababahain niya ang tuyong batis na ito. 17 Hindi uulan ngunit mapupuno ng tubig ang batis na ito para may mainom kayo at ang inyong mga hayop. 18 Hindi lamang iyan ang gagawin niya sa inyo. Ibibigay niya sa inyong mga kamay ang mga Moabita. 19 Kaya't masasakop ninyo ang kanilang magagandang lunsod na napapaligiran ng mga pader. Ibubuwal ninyo ang kanilang mga punongkahoy, sasarhan ang mga batis at tatambakan ng bato ang kanilang mga bukirin.”

20 Kinaumagahan, sa oras ng paghahandog, nakita nilang umaagos ang tubig mula sa Edom at naging masagana sa tubig ang lupaing iyon.

21 Nabalitaan ng mga Moabita na nagsama-sama ang tatlong hari upang sila'y digmain. Kaya, tinipon nila ang lahat ng maaaring humawak ng sandata mula pinakabata hanggang pinakamatanda at ipinadala sa labanan. 22 Kinaumagahan, nakita nila ang tubig na kasimpula ng dugo dahil sa sikat ng araw. 23 Kaya sinabi nila, “Dugo! Marahil ay naglaban-laban ang mga hari at sila-sila'y nagpatayan. Lusubin na natin sila at samsamin ang kanilang ari-arian!”

24 Ngunit pagdating nila sa himpilan ng mga Israelita, sinugod sila ng mga ito. Umurong ang mga Moabita ngunit tinugis sila ng mga Israelita at pinatay ang bawat abutan. 25 Winasak nila ang mga lunsod sa Moab at lahat ng bukirin ay tinambakan nila ng bato. Hinarangan nila ang lahat ng batis, at ibinuwal ang lahat ng punongkahoy. Wala nang natitirang lunsod kundi ang Kir-hareset, kaya't kinubkob ito ng mga maninirador na Israelita.

26 Nang makita ng hari ng Moab na natatalo na sila ng mga kaaway, nagtipon siya ng pitong daang kawal na sanay sa paggamit ng espada upang makalusot sila sa kinaroroonan ng hari ng Edom. Ngunit hindi sila nakalusot. 27 Kaya, kinuha niya ang panganay niyang lalaki, ang magmamana ng kanyang korona at sinunog bilang handog sa ibabaw ng pader. Nang makita ito ng mga Israelita, sila'y kinilabutan. Kaya umatras na sila at umuwi sa kanilang lupain.

Tinulungan ni Eliseo ang Isang Biyuda

Minsan, ang asawa ng isa sa mga propeta ay lumapit kay Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po kaila sa inyo na ang asawa ko'y namuhay nang may takot kay Yahweh hanggang sa mamatay. Ngayon po, ang dalawa kong anak na lalaki ay gustong gawing alipin ng isa sa mga pinagkakautangan namin.”

“Ano ang maitutulong ko sa iyo?” tanong ni Eliseo. “Ano bang mayroon ka sa bahay mo?”

“Wala po, maliban sa isang boteng langis,” sagot niya.

Sinabi ni Eliseo, “Puntahan mo ang iyong mga kapitbahay at humiram ka ng mga lalagyan ng langis hangga't mayroon kang mahihiram. Pagkatapos, magkulong kayong mag-iina sa inyong bahay at lahat ng lalagyang nahiram mo'y punuin mo ng langis na nasa bahay mo. Itabi mo ang mga napuno na.” Umuwi nga ang babae at pagdating sa bahay ay nagkulong silang mag-iina at isa-isang pinuno ng langis ang mga lalagyan habang ang mga ito'y dinadala sa kanya ng kanyang mga anak.

Hindi alam ng ina na puno nang lahat kaya sinabi niya: “Abutan pa ninyo ako ng lalagyan.”

“Puno na pong lahat,” sagot ng kanyang mga anak. At tumigil na ang pagdaloy ng langis.

Pumunta siya kay Eliseo, ang lingkod ng Diyos at isinalaysay ang nangyari. Sinabi ni Eliseo sa babae, “Ipagbili mo ang langis at bayaran mo ang iyong mga utang. Ang matitira ay gamitin ninyong mag-iina.”

Si Eliseo at ang Sunamita

Minsan, si Eliseo'y pumunta sa Sunem. May isang mayamang babae roon at siya'y inanyayahang kumain sa kanila. Mula noon, doon siya kumakain tuwing pupunta sa lugar na iyon. Sinabi ng babae sa kanyang asawa, “Natitiyak kong isang banal na lingkod ng Diyos ang taong ito. 10 Bakit di natin siya ipagpagawa ng isang silid para matuluyan niya tuwing pupunta rito? Bigyan natin siya ng higaan, mesa, upuan at ilawan.”

11 Isang araw, bumalik nga roon si Eliseo at doon siya nagpahinga sa silid na inihanda para sa kanya. 12 Tinawag niya ang katulong niyang si Gehazi at sinabi, “Tawagin mo ang babaing Sunamita.” Tinawag nga nito ang babae at di nagtagal ay dumating ang babae. 13 Sinabi niya sa kanyang katulong, “Sabihin mong pinasasalamatan natin ang pagpapagawa niya ng tuluyan nating ito. Itanong mo kung ano ang maitutulong natin sa kanya bilang ganti sa kaabalahan niya sa atin. Baka may gusto siyang ipasabi sa hari o sa pinuno ng hukbo.”

“Wala kayong dapat alalahanin. Nasisiyahan na po kami sa pamumuhay rito sa piling ng aming mga kababayan,” sagot ng babae.

14 Pagkaalis ng babae, tinanong ni Eliseo si Gehazi, “Ano kaya ang maitutulong natin sa kanya?”

Sumagot si Gehazi, “Wala po siyang anak at matanda na ang kanyang asawa.”

15 “Tawagin mo siyang muli,” utos ni Eliseo. Kaya't bumalik ang babae at tumayo sa may pintuan. 16 Sinabi(E) sa kanya ni Eliseo, “Isang taon mula ngayon ay mayroon ka nang anak na lalaking kakalungin.”

Sinabi ng babae, “Mahal na lingkod ng Diyos, huwag na po ninyo akong paasahin.”

17 Ngunit dumating ang araw at naglihi ang Sunamita. At tulad ng sinabi ni Eliseo, nanganak siya ng isang lalaki makalipas ng halos isang taon mula nang sabihin ito sa kanya.

18 At lumaki ang bata. Isang araw, sumunod ito sa kanyang ama kasama ang iba pang gumagapas sa bukid. 19 Bigla na lamang dumaing ang bata na masakit ang kanyang ulo. Sinabi ng ama sa isang katulong, “Iuwi mo na siya sa kanyang ina.” 20 Sumunod naman ang inutusan at inilagay ang bata sa kandungan ng ina nito. Ngunit nang magtatanghaling-tapat, namatay ang bata. 21 Ang bangkay ay ipinasok ng ina sa silid ni Eliseo. Inilagay niya ito sa higaan, isinara ang pinto at dali-daling lumabas.

22 Tinawag niya ang kanyang asawa at sinabi, “Madali ka! Pagayakin mo ang isang utusan at ipahanda ang isang asnong masasakyan ko. Pupunta ako sa lingkod ng Diyos.”

23 “Anong gagawin mo roon?” tanong ng asawa. “Hindi ngayon Araw ng Pamamahinga at hindi rin Kapistahan ng Bagong Buwan.”

“Kahit na. Kailangan ko siyang makausap,” sagot ng babae. 24 Nang maihanda na ang asno, dali-dali siyang sumakay at sinabi sa kanyang katulong, “Sige, pabilisin mo ang asno at huwag mong pababagalin hanggang hindi ko sinasabi sa iyo.” 25 At naglakbay sila, papunta sa Bundok ng Carmel sa kinaroroonan ni Eliseo.

Nasa daan pa lamang, natanaw na sila ni Eliseo. Sinabi nito kay Gehazi, “Dumarating ang Sunamita. 26 Salubungin mo. Kumustahin mo siya, ang kanyang asawa at ang kanyang anak.”

Nang kumustahin ni Gehazi, sumagot ang babae, “Mabuti po.” 27 Paglapit niya kay Eliseo, nagpatirapa ang babae at hinawakan ang mga paa ni Eliseo.

Itutulak sanang palayo ni Gehazi ang babae ngunit sinabi ni Eliseo, “Pabayaan mo siya. Tiyak na may malaki siyang problema. Hindi pa lang ipinapaalam sa akin ni Yahweh.”

28 Sinabi ng babae, “Humingi ba ako sa inyo ng anak? Hindi ba't sinabi kong huwag na ninyo akong paasahin?”

29 Nilingon ni Eliseo si Gehazi at sinabi, “Magbalabal ka. Dalhin mo ang aking tungkod at tumakbo ka. Kapag may nakasalubong ka sa daan, huwag mong babatiin. Kapag may bumati sa iyo, huwag mong papansinin. Tumuloy ka sa bahay nila at ipatong mo ang tungkod sa mukha ng bata.”

30 Sinabi ng Sunamita, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[l] at hangga't buháy ka, hindi ako aalis nang hindi ka kasama.” Pagkasabi nito'y lumakad siyang papalabas ng bahay. Kaya, tumindig na si Eliseo at sumunod sa kanya.

31 Samantala, nauna si Gehazi sa bahay ng Sunamita at ipinatong sa bangkay ng bata ang tungkod ni Eliseo. Ngunit walang palatandaang ito'y mabubuhay. Kaya, bumalik siya at sinalubong si Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po nagising ang bata.”

32 Nagtuloy si Eliseo sa kanyang silid at nakita niya ang bangkay sa kanyang higaan. 33 Isinara niya ang pinto at nanalangin kay Yahweh. 34 Dinapaan(F) niya ang bangkay at hinawakan ang mga kamay nito. Pagkatapos, itinapat niya sa bibig at mata ng bangkay ang kanyang bibig at mata. At unti-unting uminit ang bangkay. 35 Tumayo si Eliseo at nagpabalik-balik sa loob ng silid. Muli niyang dinapaan ang bangkay. At ang bata'y bumahin nang pitong beses, saka idinilat ang mga mata. 36 Ipinatawag niya kay Gehazi ang Sunamita at nang pumasok ito, sinabi niya, “Kunin mo na ang iyong anak.” 37 Ang babae'y nagpatirapa sa paanan ni Eliseo. Pagkatapos, kinuha ang kanyang anak at dinala sa kanyang silid.

Ang Kababalaghang Ginawa ni Eliseo para sa mga Propeta

38 Kasalukuyang taggutom sa Gilgal nang magbalik doon si Eliseo. Isang araw, samantalang nakaupo sa paligid niya ang pangkat ng mga propeta, sinabi niya sa kanyang katulong, “Isalang mo ang malaking palayok at ipagluto mo ang mga propetang ito.” 39 Tumayo ang isa sa mga naroon at lumabas ng bukid upang manguha ng gulay. Nakakita siya ng isang ligaw na baging na parang upo at maraming bunga. Kumuha siya ng makakaya niyang dalhin. Pagbabalik niya'y pinagputul-putol ang mga iyon at inilagay sa palayok na nakasalang.

40 Pagkaluto, inihain niya ito ngunit nang tikman nila'y napasigaw sila, “Lingkod ng Diyos, lason po ito!” Hindi nila ito makain.

41 Sinabi ni Eliseo, “Magdala kayo rito ng kaunting harina.” Inabutan nga siya at ito'y ibinuhos sa palayok saka sinabi, “Ihain ninyo ngayon.” Nang kainin nila, wala namang masamang nangyari sa kanila.

42 Isang lalaking taga-Baal-salisa ang lumapit kay Eliseo. May dala siyang bagong aning trigo at dalawampung tinapay na yari sa unang ani niya ng sebada. Sinabi ni Eliseo, “Ihain ninyo iyan sa mga tao.”

43 Sumagot ang kanyang katulong, “Hindi po ito magkakasya sa sandaang katao.”

Iniutos niya muli, “Ihain ninyo iyan sa mga tao sapagkat sinabi ni Yahweh: Mabubusog sila at may matitira pa.” 44 At inihain nga nila iyon. Kumain ang lahat at nabusog, at marami pang natira, tulad ng sabi ni Yahweh.

Pinagaling ang Ketong ni Naaman

Sa(G) Siria ay may isang pinuno ng hukbo na nagngangalang Naaman. Mataas ang pagtingin sa kanya ng hari sapagkat sa pamamagitan niya'y pinapagtatagumpay ni Yahweh ang Siria sa mga labanan. Si Naaman ay isang magiting na mandirigma ngunit siya'y may sakit na ketong. Minsan, ang mga taga-Siria ay nakabihag ng isang dalagitang Israelita. Naging katulong ang dalagitang ito ng asawa ni Naaman. Sinabi nito sa kanyang panginoon, “Kung ang asawa ninyo ay lalapit sa propeta na nasa Samaria, tiyak na pagagalingin siya niyon.” Nang marinig ito ni Naaman, pumunta siya sa hari at ibinalita ang sinabi ng dalagitang Israelita.

Sinabi naman ng hari, “Sige, pumunta ka at magpapadala ako sa iyo ng sulat para sa hari ng Israel.”

Pumunta nga si Naaman na may dalang 350 kilong pilak, anim na libong pirasong ginto at sampung magagarang kasuotan. Dala rin niya ang sulat para sa hari ng Israel. Ganito ang sabi sa sulat: “Mahal na hari, ang may dala nito'y si Naaman na aking lingkod. Nais ko sanang pagalingin mo siya sa kanyang ketong.”

Nang mabasa ito ng hari ng Israel, pinunit niya ang kanyang damit at sinabi, “Ako ba'y Diyos na maaaring pumatay at bumuhay? Bakit sa akin niya pinapunta ang taong ito para pagalingin sa kanyang sakit? Baka naman humahanap lang siya ng dahilan para magdigmaan kami?”

Nang mabalitaan ni Eliseo ang ginawa ng hari, ipinasabi niya, “Bakit kayo nababahala? Papuntahin ninyo siya sa akin upang malaman nilang may propeta rito sa Israel.”

Nalaman ito ni Naaman kaya sumakay siya sa kanyang karwahe, at pumunta sa bahay ni Eliseo, kasama ang marami niyang kawal na nakasakay sa kabayo at mga karwahe. 10 Ipinasabi sa kanya ni Eliseo: “Pumunta ka sa Ilog Jordan. Lumubog ka ng pitong beses at magbabalik sa dati ang iyong katawan. Gagaling ang iyong ketong.”

11 Nang marinig ito, galit na umalis si Naaman. Sinabi niya, “Akala ko pa nama'y sasalubungin niya ako, tatayo sa harap ko, tatawagan ang Diyos niyang si Yahweh, at ikukumpas ang kanyang mga kamay sa tapat ng aking ketong at ako'y pagagalingin. 12 At bakit hindi na lang sa mga ilog ng Damasco tulad ng Abana at ng Farfar na mas malinis kaysa alinmang ilog sa Israel? Hindi ba puwedeng doon na lang ako maligo para gumaling?”

13 Ngunit lumapit sa kanya ang kanyang mga lingkod at sinabi, “Ginoo, kung mas mahirap pa riyan ang ipinagagawa sa inyo ng propeta, di ba't gagawin ninyo iyon? Gaano pa iyang pinaghuhugas lang kayo para luminis?” 14 Kaya, pumunta rin si Naaman sa Ilog Jordan, at naglublob ng pitong beses gaya ng ipinagbibilin ng propetang si Eliseo. Nagbalik nga sa dati ang kanyang laman at kuminis ang kanyang balat, tulad ng kutis ng bata.

15 Si Naaman at ang kanyang mga kasama ay bumalik kay Eliseo. Sinabi niya, “Ngayo'y napatunayan kong walang ibang diyos sa ibabaw ng lupa kundi ang Diyos ng Israel. Narito, pagdamutan ninyo itong aking nakayanan.”

16 Ngunit sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos na aking pinaglilingkuran,[m] hindi ako tatanggap ng kahit ano.” Pinilit siya ni Naaman ngunit talagang ayaw niyang tumanggap.

17 Dahil dito, sinabi ni Naaman, “Kung ayaw ninyo itong tanggapin, maaari po bang mag-uwi ako ng lupa mula rito? Kakargahan ko ng lupa ang aking dalawang mola. Mula ngayon, hindi na ako mag-aalay ng handog na susunugin sa sinumang diyos liban kay Yahweh. 18 At sana ay patawarin niya ako sa gagawin ko. Kasi, pagpunta ng aking hari sa Rimon upang sumamba, isasama niya ako at kasama ring luluhod. Sana'y patawarin ako ni Yahweh sa aking pagluhod sa templo sa Rimon.”

19 Sinabi sa kanya ni Eliseo, “Humayo kang payapa.”

Nang malayu-layo na si Naaman, 20 naisaloob ni Gehazi na lingkod ni Eliseo, “Hindi tinanggap ng aking panginoon ang ibinibigay sa kanya ni Naaman? Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[n] hahabulin ko ang taga-Siriang iyon at hihingi ako sa kanya ng kahit ano.”

21 Sinundan nga niya si Naaman. Nang makita siya nitong tumatakbo, bumabâ ito ng karwahe. Sinalubong siya nito at tinanong, “May problema ba?”

22 Sumagot siya, “Wala naman po. Pinasunod lang ako ng aking panginoon para sabihing may dumating na dalawang mahirap na propeta mula sa Efraim. Kung maaari raw ay bigyan mo sila ng 35 kilong pilak at dalawang bihisang damit.”

23 Sinabi ni Naaman, “Tanggapin mo sana itong 70 kilong pilak.” At pilit niyang ibinigay ang 70 kilong pilak. Isinilid ito sa dalawang supot kasama ng dalawang bihisang damit at ipinapasan sa dalawa niyang tauhan. At ang mga ito'y naunang lumakad kay Gehazi. 24 Pagdating sa burol, kinuha niya sa dalawa ang mga dala nito at pinabalik na kay Naaman. At itinago niya sa bahay ang mga supot at mga damit. 25 Pagkatapos, bumalik siya sa kanyang panginoon. Tinanong siya nito, “Saan ka galing, Gehazi?”

“Hindi po ako umaalis,” sagot niya.

26 Sinabi ni Eliseo, “Hindi ba't kasama mo ang aking espiritu nang bumabâ sa karwahe si Naaman at salubungin ka. Hindi ngayon panahon ng pagtanggap ng salapi, damit, taniman ng olibo, ubasan, tupa, baka at mga alipin! 27 Kaya't ang sakit sa balat ni Naaman na parang ketong ay mapupunta sa iyo at sa mga susunod mong salinlahi.” Nang umalis si Gehazi, nagkaroon siya ng maputing sakit sa balat na parang ketong.

Pinalutang ang Talim ng Palakol

Minsan, lumapit kay Eliseo ang pangkat ng mga propetang pinapamahalaan niya. Sinabi nila, “Maliit na po para sa amin ang aming tirahan. Kung papayag kayo, pupunta kami sa Jordan at puputol kami roon ng kahoy na gagawin naming bahay.” Pumayag naman si Eliseo.

Sinabi ng isa sa kanila, “Kung maaari po ay sumama kayo sa amin.”

“Sige, sasama ako,” sagot niya. At pumunta nga sila sa Jordan upang pumutol ng kahoy.

Nang pumuputol na sila ng kahoy, nahulog sa tubig ang talim ng palakol ng isa sa kanila. Sumigaw siya, “Guro, anong gagawin ko ngayon? Hiniram ko po lamang iyon.”

Itinanong ni Eliseo, “Saang banda nahulog?” Nang ituro sa kanya kung saan nahulog, pumutol siya ng isang sanga ng kahoy. Inihagis niya iyon sa tubig, at lumutang ang talim ng palakol. Sinabi ni Eliseo, “Kunin mo na.” Inabot naman iyon ng lalaki.

Si Eliseo at ang mga Taga-Siria

Minsan, binalak ng hari ng Siria na digmain ang Israel. Tinipon rin niya ang kanyang mga tauhan at sinabi sa kanila ang kanyang napiling lugar na pagkakampuhan. Ngunit ipinasabi ito ni Eliseo sa hari ng Israel. Binalaan niya ito, “Huwag na huwag kayong pupunta sa naturang lugar sapagkat nag-aabang doon ang mga taga-Siria.” 10 At pinabantayan nga ng hari ng Israel ang mga lugar na sinabi ni Eliseo. Maraming beses na sinabi sa kanya ni Eliseo tungkol sa balak na pagsalakay ng mga taga-Siria. At lahat ng lugar na sabihin sa kanya'y pinalalagyan ng mga bantay.

11 Dahil dito, labis na nabahala ang hari ng Siria. Kaya, tinipon niya ang kanyang mga tauhan at tinanong, “Magsabi kayo ng totoo. Sino sa inyo ang nakikipagsabwatan sa hari ng Israel?”

12 Isa sa mga naroon ang sumagot, “Wala po, mahal na hari. Si Eliseo po, ang propeta sa Israel ang nagsasabi sa kanilang hari kahit ang inyong mga lihim na binabalak.”

13 Sinabi niya, “Kung ganoon, hanapin ninyo siya at hulihin.”

May nagsabi sa kanyang si Eliseo ay nasa Dotan, 14 kaya nagpadala siya roon ng maraming kawal na sakay ng mga karwahe at kabayo. Gabi na nang dumating sila roon at pinaligiran nila ang lunsod.

15 Kinabukasan ng umaga, lumabas ang katulong ni Eliseo at nakita niya ang maraming kawal, ang mga kabayo at karwaheng nakapaligid sa lunsod. Sinabi niya, “Guro, paano tayo ngayon?”

16 Sinabi ni Eliseo, “Huwag kang matakot. Mas marami tayong kakampi kaysa kanila.” 17 At siya'y nanalangin, “Yahweh, buksan po ninyo ang kanyang paningin nang siya'y makakita.” Pinakinggan ni Yahweh ang kanyang panalangin at nakita ng katulong ni Eliseo na ang bundok ay punung-puno ng mga kabayo at karwaheng apoy na nakapaligid kay Eliseo.

18 Nang salakayin sila ng mga taga-Siria, nanalangin uli si Eliseo, “Yahweh, bulagin po ninyo sana sila.” At binulag nga ni Yahweh ang mga taga-Siria bilang sagot sa panalangin ni Eliseo. 19 Sinabi niya sa mga ito, “Hindi rito ang daan, hindi ito ang lunsod. Sumunod kayo sa akin at dadalhin ko kayo sa taong hinahanap ninyo.” At sila'y kanyang dinala sa Samaria.

20 Pagpasok nila sa lunsod, nanalangin si Eliseo, “Yahweh, buksan na po ninyo ang kanilang paningin nang sila'y makakita.” Binuksan nga ni Yahweh ang paningin ng mga taga-Siria at nagulat sila nang makita nilang sila'y nasa loob ng Samaria.

21 Nang makita sila ng hari ng Israel, dalawang beses nitong itinanong kay Eliseo, “Papatayin ko po ba sila?”

22 Sumagot siya, “Huwag, mahal na hari. Hindi nga ninyo pinapatay ang mga nabibihag ninyo sa digmaan. Sila pa kaya? Sa halip, pakanin ninyo sila at painumin, pagkatapos ay pabalikin sa kanilang hari.” 23 Nagpahanda ng maraming pagkain ang hari ng Israel at pinakain ang mga bihag na taga-Siria, saka pinauwi sa kanilang hari. Mula noon, hindi na muling sumalakay ang mga taga-Siria sa lupain ng Israel.

Ang Pagkubkob sa Samaria

24 Hindi nagtagal, tinipon ni Ben-hadad, hari ng Siria ang kanyang buong hukbo at kinubkob ang Samaria. 25 Dahil dito'y nagkaroon ng taggutom sa Samaria. Ang isang ulo ng asno ay nagkahalaga ng walumpung pirasong pilak at limang pirasong pilak naman ang kalahating litro ng dumi ng kalapati.[o]

26 Minsan, nang naglalakad ang hari ng Israel sa ibabaw ng pader ng lunsod, tinawag siya ng isang babae, “Mahal na hari, tulungan po ninyo ako!”

27 Sinabi niya, “Kung hindi ka tutulungan ni Yahweh, paano nga kita matutulungan? Wala naman akong trigo o katas ng ubas. 28 Ano bang problema mo?” tanong sa kanya ng hari.

Sumagot ang babae, “Napag-usapan po namin ng babaing ito na iluto namin ang aking anak para may makain kami ngayon. Bukas, ang anak naman niya ang kakainin namin. 29 Kaya(H) naman po iniluto namin ang aking anak at kinain. Nang hingin ko na po ang kanyang anak para iluto, itinago po niya at ayaw niyang ibigay.”

30 Nang marinig ito, pinunit ng hari ang kanyang damit. Nakita ng mga taong malapit sa pader na nakasuot pala siya ng damit-sako na nakapailalim sa kanyang kasuotan bilang tanda ng matinding kalungkutan. 31 Sinabi niya, “Patayin sana ako ng Diyos kapag ngayong maghapo'y hindi ko napapugutan ng ulo si Eliseo na anak ni Safat!” 32 Kaya't inutusan niya ang kanyang lingkod na kunin si Eliseo.

Samantala, si Eliseo naman ay nasa kanyang bahay at kausap ng pinuno ng Israel. Papunta naman doon ang lalaking inutusan ng hari. Hindi pa ito nakakarating doon ay sinabi na ni Eliseo sa matatandang pinuno, “Tingnan ninyo at papupugutan pa ako ng mamamatay-taong iyon. Pagdating niya rito, isara ninyo ang pinto at bayaan siya sa labas. Kasunod na rin niya ang hari.”

33 Hindi pa halos natatapos ang sinasabi ni Eliseo ay dumating ang hari.[p] Sinabi nito, “Ang paghihirap nating ito'y padala ni Yahweh. Bakit ko pa hihintayin ang gagawin ni Yahweh bago ako kumilos?”

Sinabi ni Eliseo, “Makinig kayo sa ipinapasabi ni Yahweh: ‘Bukas sa ganitong oras, sa may pagpasok ng Samaria ay makakabili ka na ng isang takal[q] na pinong harina o dalawang takal na sebada sa halagang isang pirasong pilak.’”

Sinabi ng opisyal na kanang kamay ng hari, “Hindi magkakatotoo iyang sinasabi mo kahit pa buksan ni Yahweh ang mga bintana ng langit.”

Sinabi naman ni Eliseo, “Makikita mong ito'y mangyayari bukas ngunit hindi mo ito matitikman.”

Umalis ang Hukbo ng Siria

May apat na taong may sakit sa balat na parang ketong noon sa may pasukan ng lunsod. Nag-usap-usap sila, “Bakit nakaupo tayo rito at naghihintay na lang ng kamatayan? Kung papasok tayo ng lunsod, tiyak na mamamatay tayo sa gutom doon. Kung mananatili naman tayo rito, mamamatay rin tayo. Mabuti pa'y pumunta tayo sa kampo ng mga taga-Siria. Kung hindi nila tayo patayin, mabuti. Kung patayin nila tayo, matatapos na ang ating paghihirap.”

Nang palubog na ang araw, pumunta nga sila sa kampo ng mga taga-Siria. Pagdating doon, wala silang dinatnan isa man sapagkat sa kapangyarihan ni Yahweh, ang mga kawal ng Siria ay nakarinig ng mga yabag ng napakaraming kabayo at mga karwahe. Dahil dito, inakala nilang inupahan ng hari ng Israel ang mga hari ng Heteo at Egipcio para digmain sila. Kaya't tumakas sila nang magtatakipsilim. Iniwan nila ang kanilang kampo, pati mga kabayo, asno at lahat ng naroon at kanya-kanya silang takbo para iligtas ang kanilang buhay.

Pumasok ang apat sa unang tolda. Kumain sila at uminom. Pagkabusog, sinamsam nila ang lahat ng ginto, pilak at mga damit na naroon at ito'y itinago. Pagkatapos, pumasok din sila sa ibang tolda, sinamsam din ang lahat ng naroon at itinago.

Ngunit naisip nila, “Hindi tama itong ginagawa natin. Magandang balita ito at hindi natin dapat sarilinin. Hindi natin ito dapat ipagpabukas sapagkat tiyak na mapaparusahan tayo. Ang mabuti'y ipaalam na natin ito sa mga opisyal ng hari.” 10 At lumakad nga sila. Pagdating sa pasukan ng lunsod, sinabi nila sa mga bantay, “Galing kami sa kampo ng mga taga-Siria at isa mang bantay ay wala kaming dinatnan. Ang nakita lang namin ay mga kabayong nakatali, asno at mga tolda.” 11 Isinigaw naman ito ng mga bantay hanggang sa ang balita'y makarating sa palasyo.

12 Nang gabing iyon ay bumangon ang hari at tinipon ang pinuno ng Israel. Sinabi niya, “Pain lang ito ng mga taga-Siria. Alam nilang nagkakagutom tayo rito kaya iniwan nila ang kampo at nagtago sa paligid. Pagpasok natin doon, huhulihin nila tayo nang buháy. Sa ganoong paraan, mapapasok nila itong ating lunsod.”

13 Sinabi ng isa sa mga pinuno, “Pumili kayo ng ilang lalaki at patingnan natin kung ito'y totoo. Ipagamit natin sa kanila ang lima sa mga kabayong natitira pa sa atin. Kung makabalik sila nang buháy, magandang balita ito sa buong Israel. Kung mapatay naman sila, matutulad lamang sila sa mga kasama nating namatay na.”

14 Pumili nga sila ng dalawang karwahe at pinuntahan ang kampo ng mga taga-Siria upang malaman kung ano ang nangyari sa mga iyon. 15 Nakaabot sila hanggang sa Ilog Jordan at wala silang nakitang kaaway. Ang nakita nila'y damit at mga kagamitang naiwan ng mga taga-Siria dahil sa pagmamadali. Nagbalik ang mga inutusan ng hari at ibinalita ang kanilang nakita.

16 Nagpuntahan ang mga Israelita sa kampo ng mga taga-Siria at kinuhang lahat ang laman ng mga tolda. Kaya natupad ang sinabi ni Yahweh na may mabibili nang pagkain, isang pirasong pilak ang bawat takal ng pinong harina o kaya'y dalawang takal na sebada.

17 Ang opisyal na kanang kamay ng hari ang pinagbantay sa pintuan ng lunsod. Nang magdagsaan ang mga tao, siya'y natapak-tapakan at namatay tulad ng sinabi ni Eliseo. 18 Sapagkat nang sabihin ni Eliseo sa hari na bukas ay makakabili na ng dalawang takal na sebada o kaya'y isang takal na pinong harina sa halagang isang siklong pilak, 19 ang opisyal na ito ang nagsabing hindi magkakatotoo iyon buksan man ni Yahweh ang mga bintana sa langit. Sinabi rin noon ni Eliseo, “Makikita mong ito'y magkakatotoo ngunit hindi mo matitikman ang pagkaing sinasabi ko.” 20 Iyon nga ang nangyari, natapak-tapakan siya ng mga tao at namatay sa may pintuan ng lunsod.

Bumalik ang Babaing Taga-Sunem

Sinabi(I) ni Eliseo sa ina ng bata na kanyang muling binuhay, “Umalis kayo rito at mangibang-bayan sapagkat sinabi ni Yahweh na magkakaroon ng taggutom dito sa loob ng pitong taon.” Sumunod naman ang babae sa sinabi ng propeta. Umalis sila ng kanyang pamilya at nanirahan sa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong taon.

Pagkalipas ng pitong taon, bumalik siya sa Israel at nakiusap sa hari na ibalik sa kanya ang kanyang bahay at lupa.

Kausap noon ng hari si Gehazi, ang lingkod ng propetang si Eliseo. Sinabi ng hari, “Isalaysay mo sa akin ang mga himalang ginawa ni Eliseo.”

Nang isinasalaysay na ni Gehazi ang tungkol sa pagbuhay sa patay, dumating ang ina ng batang binuhay ni Eliseo. Pumunta nga siya roon upang humingi ng tulong tungkol sa kanilang bahay at lupa. Nang makita ni Gehazi ang babae, sinabi niya sa hari, “Mahal na hari, ito po ang ina ng batang binuhay ni Eliseo.” Ang babae'y tinanong ng hari kung totoo ang sinasabi ni Gehazi, at sinabi niyang totoo nga.

Kaya, ang hari ay humirang ng isang tao at inutusan ng ganito: “Gawan mo ng paraang maibalik sa babae ang lahat niyang ari-arian pati ang ani ng kanyang bukid mula nang umalis siya hanggang sa araw na ito.”

Ang Paghahari ni Hazael sa Siria

Si Eliseo ay pumunta sa Damasco at noon ay may sakit si Haring Ben-hadad ng Siria. Nang mabalitaan niyang nasa Damasco si Eliseo, inutusan niya si Hazael na magdala ng mga regalo at makipagkita kay Eliseo, ang propeta ng Diyos, upang itanong kay Yahweh kung gagaling pa siya o hindi. Lumakad si Hazael upang makipagkita kay Eliseo. Karga ng apatnapung kamelyo, dala niya ang iba't ibang magagandang regalo na produkto ng Damasco. Pagdating kay Eliseo, sinabi niya, “Inutusan po ako ng lingkod ninyong si Ben-hadad upang alamin kay Yahweh kung gagaling pa ang hari o hindi.”

10 Ang sagot ni Eliseo, “Bumalik ka sa kanya at sabihin mong gagaling siya ngunit ipinaalam sa akin ni Yahweh na mamamatay siya.” 11 At tinitigan niyang mabuti si Hazael[r] hanggang sa ito'y mapahiya. Napaiyak si Eliseo. 12 Nang itanong ni Hazael kung bakit siya umiiyak, sinabi ni Eliseo, “Sapagkat alam kong gagawan mo ng malaking kasamaan ang buong Israel. Susunugin mo ang kanilang mga kuta, papatayin mo ang mga kabataang lalaki, duduruging parang abo ang mga bata at bibiyakin mo ang tiyan ng mga buntis.”

13 “Paano(J) ko magagawa ang kakila-kilabot na bagay na iyan? Ako'y isang hamak na alipin lamang.” sagot ni Hazael.

Sinabi ni Eliseo, “Ipinahayag sa akin ni Yahweh na ikaw ay magiging hari ng Siria.” 14 At bumalik na si Hazael kay Ben-hadad.

Tinanong siya nito, “Ano ang sinabi sa iyo ni Eliseo?”

Sumagot siya, “Gagaling daw po kayo,” sagot ni Hazael. 15 Ngunit kinabukasan, binasa ni Hazael ang isang kumot at ibinalot sa mukha ng hari hanggang sa ito'y mamatay.

At si Hazael ang sumunod na hari ng Siria.

Ang Paghahari ni Jehoram sa Juda(K)

16 Nang si Joram na anak ni Ahab ay limang taon nang naghahari sa Israel,[s] si Jehoram na anak ni haring Jehoshafat ay nagsimula namang maghari sa Juda. 17 Tatlumpu't dalawang taon siya nang maging hari, at walong taóng naghari sa Jerusalem. 18 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan niya ang yapak ng mga naging hari ng Israel, tulad ng ginawa ng sambahayan ni Ahab na kanyang biyenan. 19 Gayunman,(L) hindi pa rin ibinagsak ni Yahweh ang Juda alang-alang sa lingkod niyang si David at sa pangako niya rito na maghahari ang kanyang mga susunod na salinlahi sa habang panahon.

20 Sa(M) panahon ni Jehoram,[t] naghimagsik ang Edom laban sa Juda at naglagay ng sariling hari. 21 Pumunta siya sa Zair, dala ang lahat niyang karwahe. Ngunit napaligiran sila ng mga Edomita kaya kinagabihan, nagpilit silang lumusot. Ang mga tauhan niya ay nagsitakas pauwi sa kani-kanilang bahay. 22 Mula noon, hindi na sakop ng Juda ang Edom.[u] Hindi nagtagal, naghimagsik din ang Libna.

23 Ang iba pang ginawa ni Jehoram[v] ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 24 Namatay siya at inilibing sa bayan ni David, sa libingan ng kanyang mga ninuno. Ang humalili sa kanya bilang hari ay ang anak niyang si Ahazias.

Ang Paghahari ni Ahazias sa Juda(N)

25 Si Ahazias na anak ni Haring Jehoram ay naging hari ng Juda noong ikalabindalawang taon ng paghahari sa Israel ni Joram na anak ni Ahab. 26 Si Ahazias ay dalawampu't dalawang taon noon at isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Atalia na apo ni Omri na naging hari din ng Israel. 27 Sinundan din niya ang yapak ng sambahayan ni Ahab na lolo ng kanyang asawa, nagkasala rin siya kay Yahweh.

28 Tinulungan niya si Joram nang salakayin nito sa Ramot-gilead si Haring Hazael ng Siria. Noon ay nasugatan nang malubha si Joram, 29 at umuwi siya upang magpagamot sa Jezreel. Nang mabalitaan ito ni Ahazias na anak ni Haring Jehoram ng Juda, dinalaw niya ito.

Ginawang Hari ng Israel si Jehu

Samantala, tinawag ni Propeta Eliseo ang isa sa mga propeta at inutusan, “Magbihis ka. Pumunta ka sa Ramot-gilead at dalhin mo ang langis na ito. Pagdating doon, hanapin mo si Jehu na anak ni Jehoshafat at apo ni Nimshi. Sabihin mong iwan muna niya ang kanyang mga kasamahan at isama mo siya sa isang silid. Doo'y ibuhos mo ang langis na ito sa kanyang ulo. Sabihin mong pinili siya ni Yahweh upang maging hari ng Israel. Pagkatapos, umalis ka na agad.”

Pumunta nga sa Ramot-gilead ang kabataang propeta. Nadatnan niyang nagpupulong ang mga opisyal ng hukbo. Sinabi niya, “Napag-utusan po ako, mahal na pinuno.”

Si Jehu ang sumagot, “Sino sa amin ang kailangan mo?”

“Kayo po,” sagot ng propeta. Tumindig(O) si Jehu at sumama sa propeta sa loob ng bahay.

Pagdating doon, ibinuhos niya sa ulo ni Jehu ang langis sabay sabi, “Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: binubuhusan kita ngayon ng langis upang maging hari ng Israel na kanyang bayan. Papatayin mo ang iyong hari na anak ni Ahab upang maipaghiganti ko kay Jezebel ang aking mga propeta at ang lahat ng lingkod ni Yahweh na kanyang pinatay. Mauubos ang angkan ni Ahab at papatayin ko ang mga anak niyang lalaki sa Israel, maging alipin o malaya. Gagawin ko sa pamilya niya ang ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat, at ni Baasa na anak ni Ahias. 10 Si(P) Jezebel ay lalapain ng mga aso sa kaparangan ng Jezreel at walang maglilibing sa kanya.” Pagkasabi nito, dali-daling umalis ang kabataang propeta.

11 Nang bumalik si Jehu sa kanyang mga kasamahan, tinanong siya ng mga ito, “Ano ang nangyari? Anong kailangan sa iyo ng luku-lukong iyon?”

Sinabi niya, “Alam na ninyo kung anong gusto ng luku-lukong iyon.”

12 “Ano nga ang sinabi niya?” tanong nila.

At sinabi niya, “Ganito ang sabi niya: ‘Inutusan ako ni Yahweh na buhusan kita ng langis upang ika'y maging hari ng Israel.’”

13 Pagkarinig nito'y dali-dali nilang inalis ang kanilang mga balabal at inilatag sa paanan ni Jehu. Hinipan nila ang trumpeta at saka sumigaw: “Mabuhay si Jehu! Mabuhay ang hari!”

Pinatay ni Jehu si Joram

14 Pinag-aralan ni Jehu kung paano niya mapapatay si Joram na noon ay kasama ang mga Israelitang nagbabantay sa Ramot-gilead laban kay Haring Hazael ng Siria. 15 Si Haring Joram ay bumalik noon sa Jezreel upang ipagamot ang sugat na tinamo sa pakikipaglaban kay Haring Hazael at sa mga tauhan nito. Sinabi ni Jehu, “Kung talagang kakampi ko kayo, isa man sa kanila'y huwag ninyong pababayaang makapunta sa Jezreel upang ibalita ang nangyaring ito.” 16 Sumakay siya sa kanyang karwahe upang puntahan si Joram sa Jezreel na noon ay dinadalaw ni Haring Ahazias ng Juda.

17 Mula sa tore ng Jezreel, natanaw ng bantay ang pangkat ni Jehu. Sinabi niya, “May isang pangkat na dumarating.”

Sumagot si Joram, “Sabihin mong salubungin ng isa nating mangangabayo at itanong kung mga kaibigan ba sila o mga kaaway.”

18 Kaya sinalubong sina Jehu ng isang mangangabayo at sinabi, “Ipinatatanong po ng hari kung kayo'y kaibigan o kaaway.”

Sumagot si Jehu, “Kaibigan man o kaaway, wala akong pakialam. Sumunod ka na lang sa akin.”

Dahil dito sinabi ng bantay, “Sinalubong na sila ng ating kawal ngunit paparating pa rin dito ang pangkat.”

19 Inutusan niyang muli ang isang mangangabayo at ipinatanong kung kaibigan ba sila o kaaway. Sinabi ni Jehu, “Anong kaibigan o kaaway? Sumunod ka na lang sa akin.”

20 Sinabi uli ng bantay kay Joram, “Sinalubong na sila ng ating kawal ngunit paparating pa rin ang pangkat. Parang isang sira-ulo sa sobrang bilis ng pagpapatakbo ng karwahe ang kanilang pinuno; parang si Jehu na anak ni Nimshi.”

21 Sinabi ni Joram, “Ihanda ninyo ang aking sasakyan.” Dali-daling sumakay sina Joram at Ahazias at sinalubong ang pangkat ni Jehu. Nagkasalubong sila sa lupain ni Nabot. 22 Nang makilala siya ni Joram, itinanong nito, “Kapayapaan ba ang sadya mo, Jehu?”

Sumagot si Jehu, “Magkakaroon ba ng kapayapaan habang naglipana ang pagsamba sa diyus-diyosan at pangkukulam na pinalaganap ng ina mong si Jezebel?”

23 Nang marinig ito, biglang ibinuwelta ni Joram ang kanyang karwahe upang tumakas kasabay ng sigaw kay Ahazias, “Pinagtaksilan tayo!” 24 Ngunit buong lakas na pinana ni Jehu si Joram. Tinamaan siya sa likod at tumagos ang palaso sa puso. Bumagsak si Joram sa loob ng karwahe. 25 Sinabi ni Jehu sa kanyang katulong na si Bidcar, “Buhatin mo siya at ihagis sa lupa ni Nabot ng Jezreel. Alalahanin mo ang pahayag ni Yahweh laban sa ama niyang si Ahab noong tayo'y kasama pa niya. 26 ‘Nakita(Q) mo ang pagkamatay ni Nabot at ng kanyang mga anak, gagantihan kita sa lupaing ito.’ Kaya nga, buhatin mo siya at ihagis sa lupa ni Nabot, upang matupad ang sinabi ni Yahweh.”

Pinatay ni Jehu si Ahazias

27 Nang makita ni Ahazias ang nangyari, tumakas siya papuntang Beth-agan. Ngunit ipinapana rin siya ni Jehu at siya'y bumagsak sa loob ng karwahe nang paahon ito sa Gur na malapit sa Ibleam. Gayunman, nakatakas siya sa Megido at doon namatay. 28 Ang bangkay niya'y kinuha ng kanyang mga tagapaglingkod at isinakay sa karwahe. At siya'y inilibing nila sa Jerusalem, sa libingan ng kanyang mga ninuno sa bayan ni David.

29 Si Ahazias ay naging hari ng Juda noong ika-11 taon ng paghahari ni Joram sa Israel.

Ang Pagkamatay ni Jezebel

30 Bumalik si Jehu sa Jezreel at ito'y nabalitaan ni Jezebel. Kinulayan ni Jezebel ang kanyang mga mata, inayos na mabuti ang buhok at dumungaw sa bintana ng palasyo. 31 Nang makita niyang pumapasok si Jehu, itinanong niya, “Kapayapaan ba ang sadya mo, Zimri, mamamatay ng sariling panginoon?”

32 Tumingala si Jehu at nagtanong, “Sino sa inyo riyan ang aking kakampi?” Nang dumungaw ang dalawa o tatlong eunuko 33 sinabi niya sa mga ito, “Ihulog ninyo ang babaing iyan.” Inihulog nga nila si Jezebel. Nang ito'y bumagsak sa lupa, tumilamsik sa pader at sa mga kabayo ang kanyang dugo. At ang bangkay ay pinasagasaan niya sa karwahe. 34 Pumasok si Jehu sa palasyo upang kumain at uminom. Maya-maya, sinabi niya, “Kunin ninyo ang isinumpang babaing iyon at ilibing ninyo sapagkat anak din naman siya ng hari.” 35 Nang puntahan nila ang bangkay upang ilibing, wala na silang nadatnan kundi ang ulo, mga buto ng kamay at paa nito. 36 Nang(R) ibalita nila ito kay Jehu, sinabi nito, “Ito'y katuparan ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Elias na, ‘Si Jezebel ay lalapain ng mga aso sa mismong nasasakupan ng Jezreel. 37 Parang duming sasambulat ang kanyang bangkay at walang makakakilala sa kanya.’”

Nilipol ni Jehu ang Sambahayan ni Ahab

10 Si Ahab ay may pitumpung anak na lalaki sa Samaria. Sinulatan ni Jehu ang mga pinuno ng Jezreel, ang matatandang pinuno, at ang mga tagapag-alaga ng mga anak ni Ahab. Ganito ang nasa sulat:

“Sinulatan ko kayo sapagkat kayo ang tagapangalaga sa sambahayan ng inyong panginoon, at nasa pamamahala ninyo ang kanyang mga karwahe at mga kabayo, mga sandata, at mga lunsod na napapaligiran ng pader. Piliin ninyo ang pinakamahusay sa mga anak ng inyong panginoon. Gawin ninyo siyang hari at ipagtanggol ninyo siya.” Kinilabutan sa takot ang mga pinuno sa Samaria sapagkat naisip nila na kung ang dalawang hari ay walang nagawa laban kay Jehu, lalong wala silang magagawa. Kaya, sinagot nila ang sulat ni Jehu at kanilang sinabi,

“Nakahanda kaming paalipin sa inyo. Susundin namin ang lahat ng ipag-uutos ninyo sa amin. Hindi kami maglalagay ng hari. Gawin na po ninyo ang inaakala ninyong mabuti.”

Sinulatan sila uli ni Jehu. Ang sabi sa sulat: “Kung talagang kampi kayo sa akin at handang sumunod sa mga utos ko, pugutan ninyo ng ulo ang mga anak ng inyong panginoon at dalhin dito sa Jezreel bukas ng ganitong oras.”

Ang pitumpung anak ni Haring Ahab ay nasa pangangalaga ng mga pangunahing lalaki ng lunsod. Pagkatanggap nila sa sulat, pinugutan nila ng ulo ang mga anak ng hari, at ang mga ulo'y inilagay sa mga basket at ipinadala kay Jehu sa Jezreel.

Pagdating doon, sinabi sa kanya ng tagapagbalita, “Narito na po ang mga ulo ng mga anak ni Ahab.”

Sinabi ni Jehu, “Pagdalawahin ninyong bunton sa may pagpasok ng bayan at hayaan ninyo roon hanggang bukas ng umaga.” Kinaumagahan, lumabas siya ng palasyo at sinabi sa mga tao, “Kayo ang humatol: kung ako ang pumatay sa aking panginoon, sino naman ang pumatay sa mga ito? 10 Natupad ngayon ang lahat ng sinabi ni Yahweh tungkol kay Ahab sa pamamagitan ni Propeta Elias.” 11 Wala(S) ngang itinira si Jehu sa sambahayan ni Ahab. Pinatay niyang lahat ang tauhan nito at mga kaibigan, pati ang mga pari.

Pinatay ang mga Kamag-anak ni Haring Ahazias

12 Pagkatapos, pumunta si Jehu sa Samaria. Sa daan, sa may lugar na tinatawag na Silungan ng mga Pastol, ay 13 nakasalubong niya ang mga kamag-anak ni Haring Ahazias ng Juda. Sila'y tinanong niya, “Sino kayo?”

“Mga kamag-anak po ni Haring Ahazias. Naparito kami upang dalawin ang mga anak ng hari at ng reyna,” sagot nila. 14 Ipinahuli niya ang mga ito at ipinapatay sa may hukay, malapit sa Silungan; wala siyang ipinatirang buháy. Lahat-lahat ng napatay ay apatnapu't dalawa.

Pinatay ang mga Natitirang Kamag-anak ni Ahab

15 Nang umalis doon si Jehu, nakasalubong niya si Jonadad na anak ni Recab. Binati siya ni Jehu at tinanong, “Ikaw ba'y buong pusong nakikiisa sa akin?”

“Oo,” sagot nito.

“Kung ganoon,” sabi ni Jehu, “sumakay ka sa aking karwahe.” At inalalayan niya ito sa pagsakay. 16 Sinabi pa niya, “Isasama kita para makita mo kung gaano ako katapat kay Yahweh.” At nagpatuloy silang magkasama sa karwahe. 17 Pagdating sa Samaria, pinatay niyang lahat ang natitira pang kamag-anak ni Ahab; wala siyang itinirang buháy, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Elias.

Pinatay ni Jehu ang mga Sumasamba kay Baal

18 Tinipon ni Jehu ang mga tao at sinabi niya, “Hindi masyadong pinaglingkuran ni Ahab si Baal, ngunit higit ko siyang paglilingkuran. 19 Tawagin ninyo ang lahat ng mga propeta, mga pari at mga tagasunod ni Baal, at gagawa tayo ng isang malaking paghahandog kay Baal. Kailangang makasama ang lahat ng tagasunod ni Baal. Papatayin ang sinumang hindi sasama.” Ngunit paraan lamang ito ni Jehu upang mapatay niyang lahat ang mga sumasamba kay Baal. 20 Iniutos niya, “Ipahayag ninyong tayo'y mag-uukol ng pagsamba para kay Baal.” At ganoon nga ang ginawa nila. 21 Ang pahayag na ito'y ipinaabot niya sa buong Israel at dumalo naman ang lahat ng sumasamba kay Baal kaya't punung-puno ang templo ni Baal. 22 Sinabi ni Jehu sa tagapag-ingat ng mga kasuotan sa templo, “Ilabas mong lahat ang kasuotan at ipasuot sa mga sumasamba kay Baal.” Sumunod naman ito. 23 Pumasok siya sa templo, kasama si Jonadad na anak ni Recab. Sinabi niya sa mga lingkod ni Baal, “Tingnan ninyong mabuti at tiyaking walang mga lingkod si Yahweh na napasama sa inyo.” 24 Pumasok sila upang ialay ang mga handog na susunugin.

Si Jehu ay naglagay ng walumpung tauhan sa labas ng templo at pinagbilinan ng ganito: “Bantayan ninyong mabuti ang mga taong ito. Kayo ang papatayin ko kapag may nakatakas.” 25 Nang maialay na ang mga handog na susunugin, pinapasok niya ang mga kawal at mga pinuno at ipinapatay ang lahat ng nasa loob, saka isa-isang kinaladkad palabas. Nagtuloy sila sa kaloob-looban ng templo, 26 inilabas ang mga sagradong haligi sa templo ni Baal at sinunog. 27 Pagkatapos, winasak nila ang rebulto ni Baal at iginuho ang templo. At ang templo ay ginawa nilang tapunan ng dumi hanggang sa ngayon.

28 Ganoon ang ginawa ni Jehu upang alisin sa Israel ang pagsamba kay Baal. 29 Ngunit(T) tinularan din niya ang kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na sumamba sa guyang ginto na nasa Bethel at Dan na siya namang naging dahilan ng pagkakasala ng Israel. 30 Sinabi ni Yahweh kay Jehu, “Dahil sa paglipol mo sa sambahayan ni Ahab na siya kong nais mangyari, sa sambayanan mo magmumula ang hari ng Israel, hanggang sa ikaapat na salinlahi.” 31 Ngunit si Jehu ay hindi nagpatuloy sa pagsunod sa Kautusan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Tinularan niya ang masasamang gawa ni Jeroboam na naghatid sa Israel sa pagkakasala.

Ang Kamatayan ni Jehu

32 Nang panahong iyon, pinabayaan ni Yahweh na masakop ng ibang kaharian ang ibang lupain ng Israel. Unti-unti na silang nasasakop ni Hazael. 33 Nakuha na sa kanila ang gawing silangan ng Jordan: ang buong Gilead, Gad, Ruben at Manases mula sa Aroer, sa may kapatagan ng Arnon, pati ang Gilead at ang Bashan.

34 Ang iba pang ginawa ni Jehu ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 35 Namatay siya at inilibing sa Samaria at ang anak niyang si Joahaz ang pumalit sa kanya bilang hari. 36 Naghari si Jehu sa Israel sa loob ng dalawampu't walong taon.

Inagaw ni Atalia ang Trono(U)

11 Nang malaman ni Atalia na patay na ang anak niyang si Ahazias, sinikap niyang patayin ang lahat ng kamag-anak ng hari. Ngunit si Joas na anak ni Ahazias ay naitakas ng tiya niyang si Jehoseba na anak ni Haring Jehoram at kapatid ni Ahazias. Itinago niya ito pati ang tagapag-alaga sa isang silid kaya hindi napatay ni Atalia. Pagkatapos, dinala niya ito sa Templo ni Yahweh at anim na taóng itinago roon habang si Atalia ang naghahari sa lupain.

Ngunit nang ikapitong taon ng pamumuno ni Atalia, ipinatawag ni Joiada ang mga pinuno ng mga bantay ng hari at ng mga bantay sa palasyo at pinapunta sa loob ng Templo. Pinagtibay nila roon ang isang kasunduan sa pangalan ni Yahweh. Pagkatapos, iniharap sila sa anak ng hari. Sinabi niya sa kanila, “Ito ang gagawin ninyo: ang ikatlong bahagi ng mga bantay para sa Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa palasyo ng hari. Ang isang ikatlong bahagi ay sa Pintuang Sur at ang isa pang bahagi ay sa may pagpasok sa likuran ng mga tagapagdala ng balita. Ang dalawang pangkat namang hindi nanunungkulan sa Araw ng Pamamahinga ang magbabantay sa hari. Sinumang lumapit ay patayin ninyo. Huwag ninyong hihiwalayan ang hari kahit saan magpunta.”

Sinunod ng mga pinuno ang lahat ng iniutos sa kanila ng paring si Joiada. Isinama nila kay Joiada ang kani-kanilang tauhan, pati ang hindi nakatalagang manungkulan kung Araw ng Pamamahinga. 10 At ibinigay ni Joiada sa mga opisyal ang mga kagamitan ni Haring David: ang mga sandata at pananggalang na nasa Templo ni Yahweh. 11 At bawat kawal ay tumayo sa kanya-kanyang lugar at nakahanda sa anumang mangyayari. Ang iba'y sa gawing timog, ang iba'y sa hilaga, sa paligid ng altar at ng tirahan ng hari. 12 Inilabas ni Joiada ang prinsipe. Kinoronahan niya ito, iniabot ang aklat ng Kautusan, binuhusan ng langis, at ipinahayag na hari. Pagkatapos, nagpalakpakan sila at nagsigawan: “Mabuhay ang hari!”

13 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga bantay at ng taong-bayan, pinuntahan niya ang mga ito sa Templo ni Yahweh. 14 Pagdating(V) doon, nakita niyang nakatindig ang hari sa tabi ng isang haligi sa harapan ng Templo, tulad ng kaugalian. Ang mga opisyal at ang mga taga-ihip ng trumpeta ay nakatayo sa tabi ng hari. Ang buong bayan naman ay di magkamayaw sa galak at walang malamang gawin sa pag-ihip ng kanilang trumpeta. Nang makita ito ni Atalia, sinira niya ang kanyang kasuotan at malakas na sinabi, “Ito'y isang malaking kataksilan!”

15 Iniutos ng paring si Joiada sa mga opisyal ng hukbo, “Ilabas ang babaing iyan at patayin pati ang sinumang magtatangkang magligtas sa kanya. Ngunit huwag ninyo silang papatayin sa loob ng Templo ni Yahweh.” 16 Siya'y sinunggaban nila, inilabas sa daanan ng mga kabayo ng hari, papasok sa palasyo at doon pinatay.

Ang mga Pagbabagong Isinagawa ni Joiada(W)

17 Pagkatapos, pinanumpa ni Joiada si Haring Joas at ang taong-bayan na maging tapat bilang sambayanan ni Yahweh. Pinanumpa rin niya sa isang kasunduan ang hari at ang sambayanan. 18 Pagkatapos, pumunta ang mga tao sa templo ni Baal. Giniba nila ito at winasak pati ang rebulto ni Baal. Pinatay nila sa harap ng altar si Matan na isang pari ni Baal. At si Joiada ay naglagay ng mga bantay sa Templo ni Yahweh. 19 Tinipon niya ang mga pinuno ng mga bantay ng hari at ng mga bantay ng palasyo at sinamahan nila ang hari mula sa Templo ni Yahweh hanggang sa palasyo kasunod ang mga tao. Pumasok si Joas sa pintuan ng bantay at umupo siya sa trono bilang hari. 20 Nagdiwang ang bayan. At naging mapayapa sila mula nang patayin si Atalia sa tirahan ng hari.

21 Si Joas ay pitong taóng gulang nang maging hari ng Juda.

Ang Paghahari ni Joas sa Juda(X)

12 Nang ikapitong taon ng paghahari ni Jehu sa Israel, si Joas ay nagsimulang maghari sa Jerusalem. Naghari siya sa loob ng apatnapung taon. Ang kanyang ina ay si Zibia na taga-Beer-seba. Sa buong buhay niya'y naging kalugud-lugod siya kay Yahweh dahil sa pagtuturo sa kanya ng paring si Joiada. Gayunman, hindi niya naipagiba ang mga dambana para sa mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao na maghandog ng hain at magsunog ng insenso doon.

Minsan,(Y) sinabi ni Joas sa mga pari, “Ipunin ninyo sa Templo ang salaping ibinayad kaugnay ng mga handog—ang bayad para sa mga karaniwang handog at ang salaping ibinigay ng kusang-loob. Ang salapi ay tatanggapin ng bawat pari mula sa mga tao upang gamitin sa pagpapaayos ng anumang sira sa Templo.” Ngunit dalawampu't tatlong taon nang naghahari si Joas ay wala pang naipapaayos sa Templo ang mga pari. Kaya ipinatawag ni Haring Joas si Joiada at ang iba pang pari. “Bakit hindi pa ninyo inaayos ang mga sira sa Templo?” tanong niya sa mga ito. “Mula ngayon, hindi na kayo ang tatanggap ng salaping para sa pagpapaayos ng Templo.” Sumang-ayon naman ang mga pari na hindi na sila ang tatanggap ng salapi sa mga tao at hindi na rin sila ang mamamahala sa pagpapaayos ng Templo.

Kumuha ng kahon ang paring si Joiada at binutasan niya ang takip nito. Inilagay niya ito sa tabi ng dambana, sa gawing kanan ng pintuan ng Templo ni Yahweh. Doon inilalagay ng mga paring nagbabantay sa pinto ang lahat ng salaping ibinibigay ng mga tao. 10 At kapag marami nang laman ang kahon, binibilang ito ng Pinakapunong pari at ng kalihim ng hari, saka inilalagay sa mga supot. 11 Pagkatapos timbangin ang mga salaping naipon, ibinibigay nila ito sa mga namamahala sa pagpapaayos ng Templo. Ito ang ibinabayad nila sa mga karpintero at sa mga manggagawa, 12 sa mga kantero at sa mga nagtatapyas ng adobe. Dito rin nila kinukuha ang pambili ng mga kahoy, ng mga batong tinapyas at ng iba pang kailangan sa pagpapaayos ng Templo ni Yahweh. 13 Ang nalikom na salaping ito'y hindi nila ginagamit sa paggawa ng mga palangganang pilak, mga pantabas ng mitsa, mga mangkok, mga trumpeta o anumang kasangkapang yari sa ginto o pilak. 14 Lahat ng malikom ay ibinabayad nila sa mga manggagawa at ibinibili ng mga kasangkapan para sa pagpapaayos ng Templo. 15 Hindi(Z) na nila hinihingan ng ulat ang mga namamahala sa mga gawain sapagkat matatapat ang mga ito. 16 Ang(AA) salaping mula sa handog na pambayad ng kasalanan at ang salaping mula sa handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay hindi na inilalagay sa kaban sapagkat nakalaan iyon sa mga pari.

17 Nang panahong iyon, ang lunsod ng Gat ay sinalakay at sinakop ni Hazael na hari ng Siria. Pagkatapos, tinangka naman niyang salakayin ang Jerusalem. 18 Kaya kinuha ni Haring Joas ang mga kaloob na nalikom ng mga ninuno niyang sina Jehoshafat, Jehoram at Ahazias na naging mga hari ng Juda, pati na rin ang mga kaloob na kanyang nalikom. Kinuha rin niya ang mga ginto at pilak sa kabang-yaman ng Templo at ng palasyo, at ipinadala kay Haring Hazael. Dahil dito, hindi na sinalakay ni Hazael ang Jerusalem.

19 Ang iba pang mga ginawa ni Joas ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 20 Nagkaisa ang kanyang mga opisyal laban sa kanya at pinatay siya ng mga ito sa bayan ng Millo, sa may papuntang Sila. 21 Ang pumatay sa kanya ay ang mga opisyal niyang si Josacar na anak ni Simeat at si Jozabad na anak ni Somer. Inilibing si Joas sa libingan ng mga hari, sa lunsod ni David. Humalili sa kanya ang anak niyang si Amazias bilang hari.

Ang Paghahari ni Jehoahaz sa Israel

13 Nang ikadalawampu't tatlong taon nang paghahari sa Juda ni Joas na anak ni Ahazias, nagsimula namang maghari sa Israel si Jehoahaz na anak ni Jehu. Naghari siya sa Samaria sa loob ng labimpitong taon. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan rin niya ang mga masasamang gawain ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nanguna sa Israel para magkasala. Nagpakasama rin siyang tulad nila. Dahil dito, nagalit si Yahweh sa Israel kaya hinayaan niyang matalo ito ni Haring Hazael ng Siria at ng anak nitong si Ben-hadad. Nanalangin si Jehoahaz kay Yahweh at pinakinggan naman siya sapagkat nakita ni Yahweh ang kalupitang dinaranas ng Israel sa kamay ng hari ng Siria. Binigyan sila ni Yahweh ng isang tagapagligtas na siyang nagpalaya sa kanila sa kapangyarihan ng Siria. At muling namuhay nang mapayapa ang mga Israelita sa kani-kanilang tahanan. Ngunit hindi pa rin nila tinalikuran ang kasamaan ni Jeroboam na umakay sa Israel para magkasala. Hinayaan nilang manatili sa Samaria ang haliging simbolo ng diyus-diyosang si Ashera. Walang natira sa hukbo ni Jehoahaz maliban sa limampung mangangabayo, sampung karwahe at 10,000 kawal. Parang alikabok na dinurog ni Hazael ang buong hukbo ni Jehoahaz. Ang iba pang ginawa ni Jehoahaz ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Namatay siya at inilibing sa Samaria, sa libingan ng kanyang mga ninuno. Humalili sa kanya ang anak niyang si Jehoas.

Ang Paghahari ni Jehoas sa Israel

10 Nang ikatatlumpu't pitong taon ng paghahari ni Joas sa Juda, si Jehoas na anak ni Jehoahaz naman ay nagsimulang maghari sa Israel. Naghari siya sa Samaria sa loob ng labing-anim na taon. 11 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Nagpakasama rin siyang tulad ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel sa pagkakasala. Wala siyang pinag-iba sa kanila. 12 Ang iba pang ginawa ni Jehoas, pati ang pakikipaglaban niya kay Haring Amazias ng Juda ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 13 Namatay si Jehoas at inilibing sa Samaria, sa libingan ng mga hari ng Israel. Si Jeroboam ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Pagkamatay ni Eliseo

14 Si(AB) Eliseo ay nagkasakit nang malubha at dinalaw siya ni Haring Jehoas ng Israel. Lumuluha nitong sinabi, “Ama ko, ama ko! Magiting na tagapagtanggol ng Israel!”

15 Iniutos ni Eliseo sa hari, “Kumuha ka ng pana at mga palaso.” Kumuha naman si Jehoas. Muling nag-utos si Eliseo, “Humanda ka sa pagtudla.” 16 Sinabi uli ni Eliseo, “Banatin mo ang pana.” Binanat ng hari ang pana at ipinatong ni Eliseo sa kamay ni Jehoas ang kanyang mga kamay. 17 Pagkatapos, iniutos ni Eliseo, “Buksan mo ang bintanang nakaharap sa Siria at itudla mo ang palaso.” Sinunod naman ito ni Jehoas. Sinabi ni Eliseo, “Iyan ang palaso ng tagumpay ni Yahweh laban sa mga taga-Siria. Lalabanan mo sila sa Afec hanggang sa sila'y malipol. 18 Ngayon, kumuha ka muli ng mga palaso at itudla mo sa lupa.” Sumunod muli si Jehoas. Tatlong beses siyang tumudla sa lupa. 19 Dahil dito'y pagalit na sinabi ni Eliseo, “Bakit tatlong beses ka lamang tumudla? Sana'y lima o anim na beses para lubusan mong malupig ang Siria. Sa ginawa mong iyan, tatlong beses ka lang magtatagumpay laban sa Siria.”

20 Namatay si Eliseo at inilibing.

Nang panahong iyon, nakagawian na ng mga Moabita na salakayin ang Israel taun-taon tuwing tagsibol. 21 Minsan, may mga Israelitang naglilibing ng isang lalaki. Walang anu-ano, may natanawan silang pangkat ng mga tulisan na palapit sa kanila. Kaya't sa pagmamadali ay naitapon na lamang nila ang bangkay sa libingan ni Eliseo. Nang ito'y sumayad sa kalansay ni Eliseo, nabuhay ang bangkay at bumangon.

Ang Digmaan ng Israel at Siria

22 Ang Israel ay pinahirapan ni Haring Hazael ng Siria sa buong panahon ng paghahari ni Jehoahaz. 23 Ngunit kinahabagan sila ni Yahweh dahil sa kasunduan niya kina Abraham, Isaac at Jacob. Kaya hanggang ngayo'y hindi niya ito hinayaang lubusang nililipol ni pinababayaan man.

24 Nang mamatay si Haring Hazael ng Siria, ang anak niyang si Ben-hadad ang humalili sa kanya. 25 Tatlong beses siyang natalo ni Jehoas at nabawi nito ang lahat ng bayan ng Israel na nasakop ni Hazael sa panahon ng paghahari ni Jehoahaz na ama ni Jehoas.

Ang Paghahari ni Amazias sa Juda(AC)

14 Nang ikalawang taon ng paghahari ni Jehoas sa Israel, nagsimula namang maghari sa Juda si Amazias na anak ni Joas. Dalawampu't limang taóng gulang siya noon at naghari siya sa loob ng dalawampu't siyam na taon. Ang kanyang ina ay si Jehoadin na taga-Jerusalem. Naging kalugud-lugod din siya sa paningin ni Yahweh kahit hindi siya naging katulad ng ninuno niyang si David. Tulad ng kanyang amang si Jehoas, hindi rin niya ipinagiba ang mga dambana ng mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng insenso doon. Nang matatag na ang kanyang paghahari sa Juda, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari. Ngunit(AD) hindi niya idinamay ang mga anak ng mga ito. Sinunod niya ang nakasulat sa Kautusan ni Moises: “Hindi dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng mga anak ni ang mga anak dahil sa krimeng nagawa ng mga magulang. Ang nagkasala lamang ang siyang dapat patayin.”

Si Amazias ay nakapatay ng sampung libong Edomita sa Libis ng Asin at nasakop niya ang Sela. Tinawag niya itong Jokteel na siya pa ring pangalan nito hanggang ngayon.

Pagkatapos, si Amazias ay nagpadala ng sugo kay Haring Jehoas ng Israel, anak ni Jehoahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya ito sa isang labanan, “Pumarito ka't harapin mo ako.”

Ganito naman ang sagot na ipinadala ni Jehoas sa hari ng Juda, “May isang maliit na puno sa Lebanon na nagpasabi sa isang malaking puno ng sedar sa Lebanon, ‘Ibigay mo ang anak mong babae para maging asawa ng anak ko.’ Dumating ang isang mabangis na hayop sa Lebanon at tinapakan ang maliit na puno. 10 Nang matalo mo ang Edom ay naging palalo ka na. Masiyahan ka na sana sa kasikatan mo at manatili ka na lang sa bahay mo. Bakit naghahanap ka pa ng gulo na ikapapahamak mo at ng buong Juda?”

11 Ngunit hindi pinansin ni Haring Amazias ang sinabi ni Haring Jehoas. Kaya sumalakay ang hukbo ni Jehoas sa Beth-semes na sakop ng Juda. 12 Natalo ng Israel ang Juda at ang mga tauhan nito'y nagkanya-kanyang takas pauwi. 13 Binihag ni Haring Jehoas si Amazias at sinalakay ang Jerusalem. Iginuho niya ang pader nito mula sa Pintuang Efraim hanggang sa Pintuang Sulok; ito'y may habang halos 180 metro. 14 Sinamsam niya ang mga pilak at ginto at ang mga kagamitan sa Templo ni Yahweh at sa kabang-yaman ng palasyo. Nagdala rin siya ng mga bihag nang magbalik siya sa Samaria.

15 Ang iba pang ginawa ni Jehoas pati ang kagitingan sa kanyang pakikidigma kay Haring Amazias ng Juda ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 16 Siya'y namatay at inilibing sa Samaria, sa libingan ng mga hari ng Israel. Pumalit sa kanya bilang hari ang anak niyang si Jeroboam.

Ang Kamatayan ni Haring Amazias ng Juda(AE)

17 Si Haring Amazias ng Juda ay nabuhay pa ng labinlimang taon mula nang mamatay si Haring Jehoas ng Israel. 18 Ang iba pang ginawa ni Amazias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda.

19 Mayroong pangkat sa Jerusalem na nagkaisang patayin si Amazias kaya tumakas siya sa Laquis. Ngunit siya'y sinundan nila roon at pinatay. 20 Iniuwi sa Jerusalem ang kanyang bangkay sakay ng kabayo at inilibing sa lunsod ni David, sa libingan ng kanyang mga ninuno. 21 Pagkatapos, kinuha ng mga taga-Juda si Azarias na labing-anim na taon pa lamang noon, at ginawang hari bilang kapalit ng kanyang amang si Amazias. 22 Muli niyang ipinatayo ang Elat at ibinalik niya ito sa Juda nang mamatay si Haring Amazias.

Ang Paghahari ni Jeroboam sa Israel

23 Nang ikalabing limang taon ng paghahari ni Amazias sa Juda, naging hari ng Israel sa Samaria si Jeroboam. Apatnapu't isang taon siyang naghari. 24 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh; wala rin siyang pinag-iba sa mga kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel para magkasala. 25 Bilang(AF) katuparan ng sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sa pamamagitan ng lingkod niyang si propeta Jonas na anak ni Amitai ng Gat-hefer, nabawi ni Jeroboam ang dating sakop ng Israel mula sa may pasukan ng Hamat sa hilaga hanggang sa Dagat ng Araba sa timog. 26 Nakita ni Yahweh ang matinding kahirapang dinaranas ng Israel. Halos wala nang ligtas sa kanila, maging malaya o alipin at wala namang ibang maaaring asahan. 27 Ayaw naman ni Yahweh na lubusang mawala sa daigdig ang Israel, kaya iniligtas niya ito sa pamamagitan ni Jeroboam na anak ni Jehoas.

28 Ang iba pang ginawa ni Jeroboam, ang kanyang mga pakikidigma pati ang pagbawi niya sa Damasco at Hamat para sa Israel ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 29 Nang mamatay si Jeroboam, inilibing siya sa Samaria sa libingan ng kanyang mga ninunong hari. Ang anak niyang si Zacarias ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Azarias sa Juda(AG)

15 Nang ikadalawampu't pitong taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel, si Azarias na anak ni Amazias ay nagsimula namang maghari sa Juda. Labing-anim na taóng gulang siya noon at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng limampu't dalawang taon. Ang kanyang ina ay si Jecolias na taga-Jerusalem. Siya'y naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat sumunod siya sa halimbawa ng kanyang amang si Amazias. Gayunman, hindi niya ipinagiba ang mga dambana ng mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao sa pagdadala roon ng mga handog at pagsusunog ng insenso. Pinarusahan siya ni Yahweh at nagkaroon siya ng sakit sa balat na parang ketong hanggang mamatay. Tumira siyang mag-isa sa isang bahay samantalang ang anak niyang si Jotam ang namamahala sa kaharian.

Ang iba pang ginawa ni Azarias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Nang(AH) mamatay si Azarias,[w] inilibing siya sa libingan ng kanyang mga ninunong hari, sa lunsod ni David. Ang anak niyang si Jotam ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Zacarias sa Israel

Nang ikatatlumpu't walong taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, si Zacarias na anak ni Jeroboam ay naging hari ng Israel. Naghari siya sa Samaria nang anim na buwan. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh tulad ng kanyang mga ninuno. Nagpakasama rin siyang tulad ni Jeroboam, anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel para magkasala. 10 Si Sallum na anak ni Jabes ay nakipagsabwatan laban kay Zacarias. Pinatay niya ito sa Ibleam[x] at siya ang pumalit bilang hari ng Israel.

11 Ang mga ginawa ni Zacarias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 12 Natupad(AI) ang pangako ni Yahweh kay Jehu nang sabihin niya, “Ang mga anak mo hanggang sa ikaapat na salinlahi ang maghahari sa Israel.”

Ang Paghahari ni Sallum sa Israel

13 Nang ikatatlumpu't siyam na taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, si Sallum naman na anak ni Jabes ay naging hari ng Israel. Siya ay naghari sa Samaria nang isang buwan lamang. 14 Mula sa Tirza, dumating si Menahem na anak ni Gadi at sinalakay ang Samaria. Pinatay niya si Sallum at siya ang pumalit bilang hari. 15 Ang iba pang ginawa ni Sallum pati ang pakikipagsabwatan niya laban kay Zacarias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 16 Mula sa Tirza patungong Samaria, winasak ni Menahem ang Tapua sapagkat ayaw nilang sumuko sa kanya. Wala siyang pinatawad at ipinabiyak niya pati ang tiyan ng mga buntis.

Ang Paghahari ni Menahem sa Israel

17 Nang ikatatlumpu't siyam na taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel si Menahem na anak ni Gadi. Siya'y naghari sa Samaria nang sampung taon. 18 Tulad ni Jeroboam, anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel upang magkasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

19 Sa panahon ni Menahem, ang Israel ay sinalakay ni Haring Pul ng Asiria.[y] Nagbigay sa kanya si Menahem ng 35,000 kilong pilak upang makuha ang suporta nito sa pagpapalakas ng kanyang paghahari sa Israel. 20 Para matipon ang halagang ito, hiningan niya ng tiglilimampung pirasong pilak ang lahat ng mayayaman sa Israel at ibinigay sa hari ng Asiria. Dahil dito, hindi sinakop ng Asiria ang Israel.

21 Ang iba pang ginawa ni Menahem ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 22 Namatay siya at inilibing at ang anak niyang si Pekahias ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Pekahias sa Israel

23 Nang ikalimampung taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel si Pekahias na anak ni Menahem. Siya'y naghari sa Samaria nang dalawang taon. 24 Tulad ni Jeroboam, anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel upang magkasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 25 Si Peka na anak ni Remalias, isa sa mga opisyal sa hukbo ni Pekahias, ay nakipagsabwatan sa limampung taga-Gilead laban kay Pekahias. Pinatay nila si Pekahias sa loob ng nasasakupan ng palasyo sa Samaria, at si Peka ang humalili sa kanya bilang hari ng Israel. 26 Ang iba pang ginawa ni Pekahias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

Ang Paghahari ni Peka sa Israel

27 Nang ikalimampu't dalawang taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel si Peka na anak ni Remalias. Siya'y naghari sa Samaria nang dalawampung taon. 28 Hindi rin siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan din niya ang kasamaan ni Jeroboam na anak ni Nebat na siyang umakay sa Israel para magkasala.

29 Sa panahon ng paghahari ni Peka, ang Israel ay sinalakay ni Haring Tiglat-pileser ng Asiria at nasakop nito ang Ijon, Abel-bet-maaca, Janoa, Kedes, Hazor, Gilead at Galilea at ang buong Neftali; dinala niyang bihag ang lahat ng naninirahan doon.

30 Nang ikadalawampung taon ng paghahari ni Jotam sa Juda, si Oseas na anak ni Ela ay nakipagsabwatan laban kay Peka. Pinatay niya ito at siya ang humalili bilang hari ng Israel. 31 Ang iba pang ginawa ni Peka ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

Ang Paghahari ni Jotam sa Juda

32 Nang ikalawang taon ng paghahari ni Peka na anak ni Remalias sa Israel, naging hari ng Juda si Jotam na anak ni Azarias. 33 Dalawampu't limang taóng gulang siya noon at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-anim na taon. Ang kanyang ina ay si Jerusa na anak ni Zadok. 34 Siya ay naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat sinundan niya ang mabuting halimbawa ng kanyang amang si Azarias. 35 Gayunman, hindi rin niya ipinagiba ang mga dambana ng mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao sa pagdadala ng mga handog at sa pagsusunog ng mga insenso roon. Siya ang nagpatayo ng pintuan sa gawing hilaga ng Templo ni Yahweh.

36 Ang iba pang ginawa ni Jotam ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 37 Nang panahong iyon, ang Juda ay ipinasalakay ni Yahweh kina Resin ng Siria at Peka na anak ni Remalias. 38 Namatay si Jotam at inilibing sa lunsod ni David, sa libingan ng kanyang mga ninunong hari. Humalili sa kanya ang anak niyang si Ahaz.

Ang Paghahari ni Ahaz sa Juda(AJ)

16 Nang ikalabimpitong taon ng paghahari ni Peka na anak ni Remalias sa Israel, si Ahaz na anak ni Jotam ay naging hari ng Juda. Dalawampung taóng gulang siya nang maghari sa Jerusalem. Naghari siya sa loob ng labing-anim na taon. Hindi siya naging kalugud-lugod sa Diyos niyang si Yahweh sapagkat hindi niya sinundan ang mabuting halimbawa ng kanyang ninunong si David, sa(AK) halip ang sinundan niya ay ang masamang halimbawa ng mga naging hari ng Israel. Ipinasunog pa niya bilang handog ang anak niyang lalaki. Ito'y isang kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga Israelita. Nagdala siya ng mga handog at nagsunog ng insenso sa mga dambana ng mga diyus-diyosan, sa mga burol, at sa bawat lilim ng mga punongkahoy.

Ang(AL) Juda ay sinalakay ni Haring Rezin ng Siria at ni Haring Peka ng Israel. Kinubkob nila ang Jerusalem ngunit hindi nila ito magapi. Nang panahong iyon, ang Elat ay nabawi ng hari ng Edom;[z] naitaboy nila ang mga taga-Juda. Mula noon, ang mga taga-Edom na ang tumira roon. Samantala, si Ahaz ay nagpadala ng sugo kay Haring Tiglat-pileser ng Asiria at kanyang ipinasabi, “Ako ay tapat mong lingkod. Iligtas mo ako sa mga hari ng Siria at Israel na sumasalakay sa akin.” Tinipon ni Ahaz ang lahat ng makita niyang pilak at ginto sa Templo ni Yahweh at sa kabang-yaman ng palasyo at ipinadala sa hari ng Asiria. Dininig naman ng hari ng Asiria ang panawagan ni Ahaz. Sinalakay nito ang Damasco, dinalang-bihag sa Kir ang mga tagaroon, at pinatay si Haring Rezin.

10 Nang magpunta sa Damasco si Ahaz para makipagkita kay Tiglat-pileser na hari ng Asiria, nakita niya ang altar doon. Ipinaguhit niya ang plano nito at ipinadala sa paring si Urias. 11 Ginawa naman ni Urias ang altar ayon sa plano ni Haring Ahaz at ito'y ipinatapos niya bago makabalik ang hari. 12 Pagdating ng hari mula sa Damasco, pinagmasdan nito ang altar. Nilapitan niya ito, umakyat siya sa mga baytang 13 at nagsunog ng handog. Inilagay rin niya rito ang handog na pagkaing butil, ibinuhos ang handog na inumin at iwinisik ang dugo ng handog pangkapayapaan. 14 At(AM) ang dating altar na tanso sa harap ng Templo ay ipinalipat niya sa gawing hilaga ng bagong altar. 15 Sinabi niya sa paring si Urias, “Lahat ng handog ay sa malaking altar: ang handog na hayop sa umaga at ang handog na pagkaing butil sa gabi, ang hayop at butil na handog ng hari pati ang gayunding mga handog ng mga tao, ang handog na inumin ng mga tao, at ang dugo ng lahat ng handog pangkapayapaan at ng mga hain. Ang altar na tanso naman ay gagamitin ko sa paghahandog na kailangan sa pagsangguni sa mga diyos.” 16 Lahat ng utos ni Haring Ahaz ay sinunod ng paring si Urias.

17 Sinira(AN) ni Haring Ahaz ang mga patungang tanso at inalis ang mga palangganang naroon. Inalis din niya ang malaking tangke na yari sa tanso sa patungan nitong mga bakang tanso at inilipat sa isang patungang bato. 18 Ipinaalis din niya ang trono ng hari sa bulwagan ng Templo at ipinasara ang daanan ng hari papunta sa Templo ni Yahweh upang pagbigyan ang hari ng Asiria.

19 Ang iba pang ginawa ni Haring Ahaz ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 20 Namatay(AO) siya at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninunong hari, sa lunsod ni David. Ang anak niyang si Ezequias ang humalili sa kanya bilang hari.

Si Haring Oseas ng Israel

17 Nang ikalabindalawang taon ng paghahari ni Ahaz sa Juda, naging hari ng Israel si Oseas na anak ni Ela. Siya'y naghari sa Samaria nang siyam na taon. Bagama't hindi tulad ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinalakay siya at sinakop ni Haring Salmaneser ng Asiria. Napasailalim sa Asiria ang kanyang kaharian at pinagbuwis taun-taon. Natuklasan ni Haring Salmaneser ng Asiria na si Haring Oseas ay hindi tapat sa kanya: ito'y nakipagsabwatan kay Haring So ng Egipto at hindi na nagbayad ng buwis. Kaya, ipinadakip niya si Haring Oseas at ipinabilanggo.

Ang Pagbagsak ng Samaria

Nilusob ni Salmaneser ang Israel, at tatlong taóng kinubkob ng mga hukbo ang Samaria. Nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Oseas, ang Samaria ay sinakop ng hari ng Asiria. Dinala niyang bihag ang mga Israelita sa Asiria at ikinalat sa Hala, ang iba'y sa Ilog Habor, sa Gozan, at sa mga lunsod ng Medes.

Nangyari ito sa mga Israelita sapagkat nagkasala sila kay Yahweh na kanilang Diyos na naglabas sa kanila sa Egipto, mula sa pagpapahirap ng Faraon na hari ng Egipto. Sumamba rin sila sa ibang mga diyos at ginaya ang mga kaugalian ng mga bansang itinaboy ni Yahweh mula sa lupaing sinakop nila. Bukod dito, sumunod sila sa mga kaugaliang pinasimulan ng mga hari ng Israel. Sila'y gumawa ng mga bagay na labag sa kalooban ni Yahweh. Pumili sila ng mga sagradong burol sa bawat bayan, mula sa pinakamaliit na nayon hanggang sa pinakamalaking lunsod. 10 Naglagay(AP) din sila ng mga haligi at mga rebulto ni Ashera sa mga burol at sa bawat lilim ng mga punongkahoy. 11 Doon sila nagsusunog ng insenso tulad ng ginagawa ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga lupaing sinakop nila. Nagalit si Yahweh sa kanila dahil sa mga kasamaang ito. 12 Naglingkod sila sa mga diyus-diyosan na mahigpit na ipinagbabawal ni Yahweh. 13 Kahit na binalaan ni Yahweh ang Israel at ang Juda sa pamamagitan ng kanyang mga sugo at mga propeta nang sabihin niya, “Talikuran ninyo ang inyong mga kasamaan at mamuhay kayo ayon sa kautusang ibinigay ko sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta,” 14 hindi nila ito pinakinggan. Sa halip, nagmatigas sila tulad ng kanilang mga ninuno na hindi nagtiwala kay Yahweh na kanilang Diyos. 15 Itinakwil nila ang kanyang mga utos, sinira ang kasunduang ginawa ni Yahweh sa kanilang mga ninuno, at binaliwala ang mga babala niya sa kanila. Sila'y naglingkod sa mga diyos na walang kabuluhan kaya nawalan din sila ng kabuluhan. Tinularan nila ang mga kaugalian ng mga bansang nakapaligid sa kanila na sa simula pa'y ipinagbawal na ni Yahweh. 16 Nilabag(AQ) nilang lahat ang mga utos ni Yahweh na kanilang Diyos at gumawa ng dalawang guyang metal. Iginawa rin nila ng rebulto ang diyus-diyosang si Ashera. Sinamba nila ang araw, buwan at mga bituin at naglingkod din kay Baal. 17 Sinunog(AR) nila bilang handog ang kanilang mga anak na lalaki't babae. Sumangguni sila sa mga manghuhula at sa mga nakikipag-ugnay sa espiritu ng mga patay. Nalulong sila sa paggawa ng masama. Dahil dito, labis na napoot sa kanila si Yahweh, 18 kaya itinaboy silang lahat mula sa kanyang paningin, maliban sa lipi ni Juda.

19 Ngunit hindi rin sumunod ang Juda sa mga utos ni Yahweh na kanilang Diyos at tinularan nila ang mga kaugalian ng Israel. 20 Itinakwil ni Yahweh ang lahat ng mga Israelita at pinabayaan niya sila sa malulupit na kaaway hanggang sila'y lubusang malupig.

21 Matapos paghiwalayin ni Yahweh ang Israel at ang Juda na kaharian ni David, ginawa ng Israel na hari si Jeroboam na anak ni Nebat. Siya ang nag-udyok sa Israel na talikuran si Yahweh at gumawa ng mga karumal-dumal na kasalanan. 22 Tinularan ng Israel ang mga kasamaan ni Jeroboam, at hindi sila nagbago 23 kaya itinakwil sila ni Yahweh, tulad ng babala sa kanila ng mga propeta. Ang mga Israelita ay dinalang-bihag sa Asiria kung saan sila ay nanirahan mula noon.

Nanirahan sa Israel ang mga Taga-Asiria

24 Ang Samaria ay pinatirhan ng hari ng Asiria sa mga taga-Babilonia, Cuta, Ava, Hamat at Sefarvaim. 25 Nang bago pa lamang sila roon, hindi sila sumasamba kay Yahweh kaya sila'y ipinalusob niya at ipinalapa sa mga leon. 26 May nagsabi sa hari ng Asiria, “Hindi alam ng mga taong pinatira mo sa mga lunsod ng Samaria kung ano ang batas ng diyos doon. Dahil dito, sila'y ipinakakain niya sa mga leon.” 27 Kaya, ipinasundo ng hari ng Asiria ang isa sa mga paring kasama ng mga Israelitang dinalang-bihag, at pinatira sa Samaria upang ituro sa mga tao ang kautusan ng diyos ng lupaing iyon. 28 At ibinalik nga nila sa Samaria ang isa sa mga paring dinalang-bihag at ito ay nanirahan sa Bethel. Itinuro niya sa mga tao kung paano nila sasambahin si Yahweh.

29 Ngunit ang mga taong pinatira sa Samaria ay nagpatuloy na gumawa ng kanilang mga diyus-diyosan at inilagay nila ang mga iyon sa mga dambana sa mga sagradong burol na ginawa ng mga Israelita. 30 Si Sucot-benot ang diyos na ginawa ng mga taga-Babilonia; si Nergal ang ginawa ng mga taga-Cuta; si Asima ang sa mga taga-Hamat; 31 si Nibkaz at Tartak ang sa mga taga-Abas; si Adramelec at Anamelec naman ang sa mga taga-Sefarvaim. Nagsunog sila ng kanilang mga anak bilang handog sa mga diyus-diyosang ito. 32 Sinamba rin ng mga taong ito si Yahweh at sila'y pumili ng iba't ibang uri ng tao bilang mga pari, at ang mga ito ang naghahandog sa mga dambana sa mga sagradong burol. 33 Ngunit patuloy pa rin sila sa pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan, tulad ng kaugalian sa mga bansang pinanggalingan nila.

34 Simula(AS) noon, iyon na ang naging paraan ng kanilang pagsamba. Hindi nila sinasamba si Yahweh sa tamang paraan. Hindi rin nila sinusunod ang mga tuntunin at kautusang ibinigay sa mga anak ni Jacob na pinangalanan niyang Israel. 35 Gumawa(AT) si Yahweh ng kasunduan sa kanila at inutusan sila na, “Huwag kayong sasamba sa ibang diyos, ni yuyukod o maglilingkod o maghahandog sa kanila. 36 Ang(AU) sasambahin ninyo ay si Yahweh na siyang naglabas sa inyo sa Egipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan. Siya lamang ang inyong paglilingkuran at hahandugan. 37 Susundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo. Huwag kayong sasamba sa ibang diyos, 38 at huwag ninyong kalilimutan ang kasunduang ginawa ko sa inyo. 39 Si Yahweh lamang ang inyong sambahin at ililigtas niya kayo sa inyong mga kaaway.” 40 Ngunit ayaw nilang sumunod kundi nagpatuloy sila sa dati nilang mga kaugalian.

41 Sumamba nga sila kay Yahweh ngunit sumamba rin sila sa kanilang mga diyus-diyosan. Hanggang ngayo'y ganoon pa rin ang kanilang ginagawa maging ng kanilang mga kaapu-apuhan.

Ang Paghahari ni Ezequias sa Juda(AV)

18 Nang ikatlong taon ng paghahari sa Israel ni Oseas na anak ni Ela, naging hari naman ng Juda si Ezequias na anak ni Ahaz. Siya'y dalawampu't limang taóng gulang noon at dalawampu't siyam na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya ay si Abi na anak ni Zacarias. Naging kalugud-lugod siya kay Yahweh sapagkat sumunod siya sa mabuting halimbawa ng ninuno niyang si David. Ipinagiba(AW) niya ang mga dambana sa mga sagradong burol at ipinasira ang mga sinasambang haligi, pati ang rebulto ni Ashera. Dinurog din niya ang tansong ahas na ginawa ni Moises na kung tawagin ay Nehustan sapagkat hanggang sa panahong iyon ay pinagsusunugan pa nila ito ng insenso. Nagtiwala si Ezequias kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Wala siyang katulad sa mga naging hari ng Juda, nauna man o sumunod sa kanya. Nanatili siyang tapat kay Yahweh at naging masunurin sa kautusang ibinigay ni Yahweh kay Moises kaya't pinatnubayan siya ni Yahweh at nagtagumpay siya sa kanyang mga gawain. Naghimagsik siya sa hari ng Asiria at tumangging pasakop dito.

Footnotes

  1. 2 Mga Hari 1:17 Joram: Sa tekstong Hebreo ay Jehoram , na isang paraan ng pagbaybay sa pangalang ito.
  2. 2 Mga Hari 1:17 na kanyang kapatid: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
  3. 2 Mga Hari 2:2 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
  4. 2 Mga Hari 2:4 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
  5. 2 Mga Hari 2:6 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
  6. 2 Mga Hari 2:16 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan, o hangin .
  7. 2 Mga Hari 3:1 Joram: Sa tekstong Hebreo ay Jehoram , na isang paraan ng pagbaybay ng pangalang ito.
  8. 2 Mga Hari 3:3 Joram: Sa tekstong Hebreo ay Jehoram , na isang paraan ng pagbaybay ng pangalang ito.
  9. 2 Mga Hari 3:6 Joram: Sa tekstong Hebreo ay Jehoram , na isang paraan ng pagbaybay ng pangalang ito.
  10. 2 Mga Hari 3:8 Joram: Sa tekstong Hebreo ay Jehoram , na isang paraan ng pagbaybay ng pangalang ito.
  11. 2 Mga Hari 3:14 Saksi si Yahweh…pinaglilingkuran: o kaya'y Hangga't si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat na aking pinaglilingkuran ay nabubuhay .
  12. 2 Mga Hari 4:30 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
  13. 2 Mga Hari 5:16 Saksi si Yahweh…pinaglilingkuran: o kaya'y Hangga't si Yahweh na aking pinaglilingkuran ay nabubuhay .
  14. 2 Mga Hari 5:20 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
  15. 2 Mga Hari 6:25 dumi ng kalapati: o kaya'y ligaw na gulay .
  16. 2 Mga Hari 6:33 hari: o kaya'y mensahero .
  17. 2 Mga Hari 7:1 TAKAL: Ang takalang ito ay maaaring maglaman ng mahigit na pitong litro.
  18. 2 Mga Hari 8:11 At tinitigan…Hazael: o kaya'y At tinitigan ni Hazael si Elias .
  19. 2 Mga Hari 8:16 sa Israel: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na at si Jehoshafat bilang hari ng Juda .
  20. 2 Mga Hari 8:20 Jehoram: Sa ibang manuskrito'y Joram .
  21. 2 Mga Hari 8:22 Mula noon…Edom: o kaya'y Mula noon naghimagsik ang Edom laban sa Juda .
  22. 2 Mga Hari 8:23 Jehoram: Sa ibang manuskrito'y Joram .
  23. 2 Mga Hari 15:7 Azarias: o kaya'y Uzias .
  24. 2 Mga Hari 15:10 Ibleam: Sa ibang manuskrito'y harap ng mga tao .
  25. 2 Mga Hari 15:19 Haring Pul ng Asiria: o kaya'y Tiglat-pileser .
  26. 2 Mga Hari 16:6 hari ng Edom: Sa ibang manuskrito'y Haring Rezin ng Siria .