1 Macabeo 9:23-73
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Si Jonatan ang Humalili kay Judas
23 Nang mamatay si Judas, lumitaw na naman ang mga taksil sa utos ng Diyos. Sa lahat ng dako ng Israel, naglipanang muli ang masasamang-loob. 24 Nagkaroon din ng matinding taggutom sa panahong iyon, kaya't ang mamamayan ay pumanig sa mga taksil. 25 Ang kinuha ni Baquides para mamahala sa bansa ay mga taong hindi kumikilala sa Diyos. 26 Hinanap ng mga ito ang lahat ng mga kaibigan ni Judas, dinakip at dinala kay Baquides upang paghigantihan at hiyain. 27 Hindi pa nararanasan ng bansang Israel ang ganitong kahirapan mula noong panahong wala nang lumitaw na propeta sa Israel.
28 Ang mga kaibigan ni Judas ay lumapit kay Jonatan. Sabi nila, 29 “Mula nang mamatay ang iyong kapatid, wala pang nangahas sumalungat sa mga kaaway natin. Walang makaharap kay Baquides at sa mga bansang kumakalaban sa atin. 30 Ikaw ang aming napili na kapalit niya upang pangunahan kami sa pakikipaglaban sa mga kaaway.” 31 Tinanggap ito ni Jonatan, at mula noo'y siya na ang gumanap ng tungkuling naiwan ni Judas.
Ang mga Pakikipaglaban ni Jonatan
32 Hindi nalingid sa kaalaman ni Baquides ang bagay na ito, kaya ipinasya niyang patayin si Jonatan. 33 Ngunit ang masamang balak na ito'y nalaman din ni Jonatan at ni Simon na kanyang kapatid. Tumakas sila at nagtago sa ilang ng Tekoa. Doon sila humimpil sa tabi ng tipunan ng tubig sa Asfar. 34 Nalaman din ito ni Baquides nang Araw ng Pamamahinga. Isinama niya ang kanyang hukbo at tumawid sila sa Jordan. 35 Sa gitna ng malaking panganib na ito, inutusan ni Jonatan ang kanyang kapatid na si Juan upang pangunahan ang isang pangkat na makikipagkaibigan sa mga taga-Nabatea para pahintulutan silang ilagak doon ang marami nilang kagamitan. 36 Ngunit mula sa Medaba ay sumalakay ang mga Jambrita at dinakip si Juan at sinamsam ang ari-arian nito.
37 Makalipas ang ilang panahon, dumating sa magkapatid na Jonatan at Simon ang balitang ang mga Jambrita ay magdiriwang ng isang kasalan. Ang ikakasal ay isang prinsesa sa Canaan na maglalakbay mula sa Nadaba. 38 Nais ng dalawa na ipaghiganti ang pagkamatay ng kapatid nilang si Juan, kaya nagtago sila at ang kanilang mga tauhan sa isang bundok at nag-abang sa pagdaraan ng ikakasal. 39 Dumating ngang nagkakaingay ang pangkat na may dalang kagamitan. Sinalubong sila ng lalaking ikakasal, ng mga kamag-anak at mga kaibigan na dala ang iba't ibang instrumento sa pagtugtog at mga sandata. 40 Mula sa kanilang pinagtatagua'y lumabas ang mga Judio at sinalakay ang pangkat. Marami ang napatay at ang iba nama'y nakatakas sa bundok. Sinamsam nila ang naiwang mga kagamitan. 41 Ang pagdiriwang na iyon ay naging pagdadalamhati. 42 Naipaghiganti rin nila ang kaapihan ng kanilang kapatid, at nagbalik ang mga Judio sa may latian ng Ilog Jordan.
43 Nalaman ni Baquides ang nangyari, kaya nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, nagsama siya ng isang malakas na hukbo at nagpunta sa may Ilog Jordan. 44 Sa harap ng ganitong panganib, sinabi ni Jonatan sa mga kasamahan, “Kailangang lumaban tayo kung gusto nating mabuhay. Mas mapanganib ang kalagayan natin ngayon kaysa noong mga araw na nagdaan. 45 Hindi natin maiiwasan ang hukbong ito sa ating harapan; sa likuran naman nati'y ang Ilog Jordan at sa magkabila naman ay mga latian. Wala tayong tatakasan. 46 Manalangin tayo ngayon sa Diyos para tayo maligtas sa ating mga kaaway.”
47 Nagsagupa ang dalawang pangkat at nang sugurin ni Jonatan si Baquides, ito'y umurong at di lumaban. 48 Dahil dito, lumangoy si Jonatan at ang kanyang mga kasamahan patungo sa kabilang pampang ng Jordan. Hindi naman sila sinundan ng kanilang kaaway. 49 May isang libong kawal ni Baquides ang nasawi nang araw na iyon.
50 Si Baquides at ang hukbo niya'y nagbalik sa Jerusalem. Nagpagawa siya ng matitibay na kuta sa buong Judea. Kabilang sa mga lunsod na tinayuan niya ng matataas na pader at matitibay na pinto ang mga sumusunod: Jerico, Emaus, Beth-horon, Bethel, Timnat, Paraton at Tefon. 51 Sa bawat lunsod na ito ay naglagay siya ng mga kawal na handang lumaban sa Israel. 52 Pinatibay rin niya ang muog at toreng bantayan ng lunsod ng Beth-sur, Gezer at Jerusalem. Nagtalaga rin siya ng mga kawal doon at nagtayo ng mga kamalig ng pagkain. 53 Ang mga anak ng mga pangunahing mamamayan ng bansa ay binihag niya at ikinulong sa kuta ng Jerusalem.
54 Nang ikalawang buwan ng taong 153, iniutos ni Alcimo na wasakin ang pader ng bulwagan ng Templo na ipinagawa ng mga propeta. Ngunit bago pa lang sinisimulan ang pagsira 55 ay dinapuan siya ng karamdaman at natigil ang pagwawasak niyon. Hindi niya maibuka ang kanyang bibig at siya'y naging lumpo. Bunga nito, hindi siya makapag-utos ng anuman sa kanyang sambahayan. 56 Hindi nagtagal, namatay siya sa tindi ng hirap. 57 Nang mamatay na si Alcimo, bumalik na sa hari si Baquides. Mula noon, dalawang taóng natahimik ang Judea.
58 Sa pagkabigong ito, nagpulong ang mga taksil sa Kautusan. Sinabi nila, “Matatag at tahimik na ngayong namumuhay sina Jonatan at ang kanyang mga kasama. Kung tawagin natin si Baquides at ipalusob sila ngayon, tiyak na sa isang gabi lamang ay mabibihag silang lahat.” 59 Lumabas nga sila at nakipag-usap kay Baquides. 60 Sumang-ayon naman ito at lumakad kasama ang isang malaking hukbo. Lihim siyang nagpadala ng liham sa kanyang mga kapanalig sa buong Judea upang sabihin sa kanilang dakpin si Jonatan at ang mga tauhan nito. Ngunit nabigo ang balak na ito sapagkat natuklasan agad. 61 Sa katunayan, limampu sa mga nanguna sa masamang hangad na iyon ang nahuli nina Jonatan at kanilang pinatay. 62 Pagkatapos nito, sina Jonatan at Simon ay nagpunta sa ilang ng Bethbasi kasama ang kanilang mga tauhan. Ang kutang sinira doon ay muli nilang itinayo at pinatibay. 63 Nabalitaan din ito ni Baquides at ito'y ipinaalam sa mga kapanalig niya sa Judea. Tinipon niya ang kanyang hukbo. 64 Lumakad sila at nagkampo sa tapat ng Bethbasi. Gumawa siya ng mga kasangkapang pandigma at puspusang sinalakay sina Jonatan. Ilang araw na naging mahigpitan ang labanan. 65 Ang pagtatanggol sa lunsod ay iniwan ni Jonatan kay Simon. Lumabas siya, kasama ang isang maliit na pangkat, 66 at sinalakay si Odomera. Nang magapi niya ito, isinunod ang kampo ni Fasiron. Pagkatapos ay nagbalik sila sa kuta nina Simon. 67 Sa kabilang dako, mula sa lunsod ay lumabas sina Simon at sinunog ang mga kuta't kagamitang panalakay ni Baquides. 68 Puspusan silang lumaban sa pangkat nito, at ito'y nagapi nila. Labis na dinamdam ni Baquides ang kanyang pagkatalo sapagkat nabigo ang kanyang hangarin. 69 Ang pinagbuntunan niya ng galit ay ang mga sumusuway sa utos ng Diyos dahil ang mga taong ito ang nagpayong lusubin niya ang lalawigan. Pinatay niya ang marami sa kanila, at pagkatapos, ipinasya niyang umuwi na.
70 Nalaman ito ni Jonatan, kaya't nagsugo siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo kay Baquides at tuloy sikaping mapalaya ang kanilang mga kasamang nabilanggo. 71 Pumayag si Baquides sa alok na ito ni Jonatan at nangako pang hahayaan siyang mabuhay ng mapayapa. 72 Gaya nang napagkasunduan, pinalaya niya ang mga bilanggong nabihag sa Judea. Nagbalik siya sa sariling bansa at mula noo'y hindi na nagpakita sa Judea. 73 Buhat noon, natigil na ang digmaan sa Israel. Si Jonatan ay nanirahan sa Micmas. Ginawa siyang hukom[a] ng mga tao at nilipol niya ang lahat ng ayaw kumilala sa Diyos ng bansang Israel.
Read full chapterFootnotes
- 73 hukom: o pinunong tagapamahala .