1 Samuel 20-31
Magandang Balita Biblia
Ang Sumpaan nina David at Jonatan
20 Si David ay tumakas sa Nayot ng Rama at nakipagkita kay Jonatan. Itinanong niya rito, “Ano ba ang nagawa kong masama? Ano ba ang kasalanan ko at nais akong patayin ng iyong ama?”
2 Sumagot si Jonatan, “Hindi totoo iyan. Hindi ka na niya papatayin. Anumang balak niya ay sinasabi sa akin bago niya isagawa, at wala siyang nabanggit tungkol sa sinasabi mo. Kaya hindi ako naniniwalang gagawin niya iyon.”
3 Sinabi ni David, “Hindi lamang niya sinasabi sa iyo sapagkat alam niyang magdaramdam ka dahil matalik tayong magkaibigan. Ngunit saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] alam ko ring ako'y nakabingit sa kamatayan.”
4 Sinabi naman ni Jonatan, “Sabihin mo kung ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo.”
5 Sumagot(A) siya, “Bukas ay Pista ng Bagong Buwan, at dapat akong kumaing kasalo ng hari. Ngunit magtatago ako sa bukid hanggang sa ikatlong araw. 6 Kapag hinanap niya ako, sabihin mong nagpaalam ako sa iyo dahil ang pamilya namin ay may taunang paghahandog ngayon sa Bethlehem. 7 Kapag hindi siya nagalit, wala nga siyang masamang balak laban sa akin. Ngunit kapag nagalit siya, nais nga niya akong patayin. 8 Hinihiling ko sa iyong tapatin mo ako alang-alang sa ating sumpaan sa harapan ni Yahweh. Kung may nagawa akong kasalanan, ikaw na ang pumatay sa akin! Huwag mo na akong iharap sa hari.”
9 Sinabi ni Jonatan, “Hindi mangyayari iyon! Sasabihin ko kung may masamang balak sa iyo ang aking ama.”
10 Itinanong ni David, “Paano ko malalaman kung masama ang kanyang sagot?”
11 Sumagot si Jonatan, “Sumama ka sa akin sa bukid.”
12 Pagdating doon, sinabi ni Jonatan, “Naririnig ako ni Yahweh. Bukas o sa makalawa, sa ganito ring oras, kakausapin ko ang aking ama at malalaman ko kung galit pa nga siya sa iyo. 13 Kung galit, ipapaalam ko sa iyo para makalayo ka. Parusahan ako ni Yahweh kapag hindi ko ginawa ito. Patnubayan ka nawa ni Yahweh tulad ng pagpatnubay niya sa aking ama. 14 Kung buháy pa ako sa araw na iyon, huwag mong kakalimutan ang ating pangako sa isa't isa. 15 Kung(B) ako nama'y patay na, huwag mo sanang pababayaan ang aking sambahayan. Kung dumating ang araw na lipulin na ni Yahweh ang iyong mga kaaway, 16 huwag ka sanang sisira sa ating pangako. Parusahan sana ni Yahweh ang mga kaaway ni David.”
17 Hiniling ni Jonatan na muling mangako si David na sila'y magiging tapat sa isa't isa. Minahal siya ni Jonatan tulad ng pagmamahal nito sa sarili. 18 At sinabi ni Jonatan kay David, “Bukas ay Pista ng Bagong Buwan; tiyak na hahanapin ka kapag wala ka sa iyong upuan. 19 Sa makalawa, magtago kang muli sa pinagtataguan mo noon, sa tabi ng malaking bunton ng bato. 20 Kunwari ay may pinapana ako roon. Tatlong beses akong tutudla sa tabi ng taguan mo. 21 Pagkatapos, ipapahanap ko iyon sa isa kong utusan. Kapag narinig mong sinabi ko, ‘Nasa gawi rito ang mga palaso,’ lumabas ka sa pinagtataguan mo. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[b] tiyak na wala nang panganib. 22 Ngunit kapag sinabi kong, ‘Nasa gawi pa roon,’ tumakas ka na sapagkat iyon ang nais ni Yahweh. 23 At tungkol naman sa ating pangako sa isa't isa, si Yahweh ang ating saksi.”
24 Nagtago nga si David sa lugar na pinag-usapan nila ni Jonatan. Nang dumating ang Pista ng Bagong Buwan, dumulog sa hapag si Haring Saul at naupo 25 sa dati niyang upuan, sa tabi ng dingding. Katapat niya si Jonatan at katabi naman si Abner, ngunit si David ay wala sa kanyang upuan. 26 Nang araw na iyon, hindi pinansin ni Saul ang pagkawala ni David sapagkat inisip niyang maaaring may malaking dahilan o baka hindi ito malinis ayon sa kautusan. 27 Ngunit kinabukasan, wala pa rin si David kaya tinanong niya si Jonatan, “Bakit mula kahapon ay hindi natin nakakasalo si David?”
28 Sumagot si Jonatan, “Nagpaalam po siya sa akin kahapon at uuwi raw sa Bethlehem. 29 May taunang paghahandog daw ang kanilang sambahayan at pinapauwi siya ng kanyang mga kapatid. Kung maaari raw ay payagan ko siya para makita ang kanyang mga kamag-anak. Kaya po hindi natin siya kasalo ngayon.”
30 Nang marinig ang sinabi ni Jonatan, galit na galit niyang sinabi, “Isa kang suwail na anak! Ngayon ko natiyak na kampi ka kay David. Hindi mo ba alam na inilalagay mo sa kahihiyan ang iyong sarili, pati na rin ang iyong ina? 31 Dapat mong malamang hangga't buháy ang David na iyan ay hindi mapapasaiyo ang kahariang ito? Lumakad ka ngayon, ipahuli mo siya at iharap sa akin para mapatay ko.”
32 Sumagot si Jonatan, “Ano po ba ang kasalanan niya at dapat siyang patayin?”
33 Sa galit ni Saul, sinibat niya si Jonatan. Kaya't natiyak nitong talagang gustong patayin ni Saul si David. 34 Galit na umalis si Jonatan. Hindi siya kumain nang araw na iyon dahil sa sama ng loob sa ginawang paghamak ni Saul kay David. 35 Kinaumagahan, nagpunta siya sa bukid na pinag-usapan nila ni David, kasama ang isa niyang lingkod na batang lalaki. 36 Sinabi niya rito, “Hanapin mo itong pawawalan kong palaso.” Patakbong sumunod ang utusan at pinawalan ni Jonatan ang kanyang palaso sa unahan nito. 37 Pagdating sa lugar na binagsakan ng palaso, humiyaw si Jonatan, “Nasa gawi pa roon.” 38 Idinugtong pa niya, “Dalian mo, huwag ka nang magtagal diyan.” At nang makuha ng bata ang palaso, dali-dali itong nagbalik kay Jonatan. 39 Wala siyang kaalam-alam sa pangyayari ngunit nagkakaintindihan na sina David at Jonatan. 40 Pagkatapos, ang mga sandata ni Jonatan ay ipinauwi na niya sa kanyang batang lingkod.
41 Nang makaalis ito, lumabas si David sa kanyang pinagtataguan at tatlong beses na yumuko na ang mukha'y sayad sa lupa. Kapwa sila lumuluha at hinagkan ang isa't isa. Hindi na mapigil ni David ang sarili at siya'y humagulgol. 42 Pagkaraan ng ilang sandali, sinabi ni Jonatan, “Sige, lumakad ka na. Samahan ka nawa ng Diyos. Tulungan nawa tayo ni Yahweh na huwag masira ang ating pangako sa isa't isa, pati ang ating mga susunod na salinlahi magpakailanman.” At naghiwalay silang dalawa. Umalis na si David at umuwi naman sa lunsod si Jonatan.
Nagpunta si David sa Nob
21 Si(C) (D) David ay nagpunta sa Nob at nagtuloy siya sa paring si Ahimelec. Sinalubong siya nito at nanginginig na tinanong, “Wala kang kasama? Bakit ka nag-iisa?” 2 Sumagot si David, “Inutusan ako ng hari at ayaw niyang ipasabi kahit kanino. Iniwan ko ang aking mga kasama. Nagpapahintay ako doon sa kanila. 3 Ano bang makakain diyan? Bigyan mo ako ng limang tinapay o kahit anong nariyan.”
4 Sinabi ng pari, “Walang tinapay dito kundi ang panghandog. Maaari ko itong ibigay sa inyo kung ang mga kasamahan mo'y hindi sumiping sa babae bago magpunta rito.”
5 Sumagot si David, “Ang totoo, hindi kami sumisiping sa babae kapag may lakad kami, kahit pangkaraniwan lamang, ngayon pa kaya na di karaniwan ang lakad namin?”
6 At ibinigay ng pari kay David ang tinapay na panghandog sa harapan ni Yahweh upang ang mga ito'y palitan ng bago sa araw na iyon.
7 Nagkataong naroon si Doeg na Edomita, ang pinakapuno sa mga pastol ni Saul, upang sumamba kay Yahweh.
8 Tinanong pa ni David si Ahimelec, “Wala ka bang sibat o tabak diyan? Hindi ako nakapagdala kahit anong sandata sapagkat madalian ang utos ng hari.”
9 Sumagot(E) ang pari, “Ang tabak lamang ng Filisteong si Goliat na pinatay mo ang narito; nababalot ng damit at nakatago sa likod ng efod na nakasabit. Kunin mo kung gusto mo.”
“Iyan ang pinakamainam. Ibigay mo sa akin,” sabi ni David.
10 Nang araw na iyon, si David ay nagpatuloy ng pagtakas kay Haring Saul at siya'y nagpunta kay Aquis na hari ng Gat. 11 Ngunit(F) nakilala siya ng mga tauhan ni Aquis at sinabi nila, “Di ba't iyan si David na hari sa kanyang bayan? Siya ang tinutukoy ng mga mananayaw sa awit nilang,
‘Pumatay si Saul ng libu-libo,
si David nama'y sampu-sampung libo.’”
12 Pinag-isipang(G) mabuti ni David ang usapang ito, at siya'y natakot sa maaaring gawin sa kanya ni Haring Aquis. 13 Kaya't(H) nagkunwari siyang baliw nang siya'y hulihin. Nagsusulat siya sa mga pader ng pintuang-bayan at hinahayaang tumulo ang kanyang laway. 14 Kaya, sinabi ni Aquis sa kanyang mga tagapaglingkod, “Bakit iniharap ninyo iyan sa akin, hindi ba ninyo nakikita't baliw? 15 Masakit na ang ulo ko sa dami ng baliw dito. Bakit idinagdag pa ninyo 'yang isang iyan? Ilayo ninyo iyan!”
Ang Pagtakas ni David sa Adullam
22 Mula(I) sa Gat, tumakas si David at nagtago sa kuweba ng Adullam. Nabalitaan ito ng kanyang mga kapatid at ng kanyang buong pamilya kaya silang lahat ay nagpunta roon at sumama sa kanya. 2 Sumama rin sa kanya ang mga inaapi, pati ang mga nakalubog sa utang, at ang mga hindi nasisiyahan sa kanilang pamumuhay. Ang lahat ng ito'y umabot sa apatnaraang lalaki, at siya ang ginawa nilang pinuno.
3 Mula roon, nagtuloy sila sa Mizpa ng Moab. Sinabi niya sa hari doon, “Ipinapakiusap ko po na pabayaan muna ninyo rito sa Moab ang aking mga magulang hangga't hindi ko tiyak kung ano ang gagawin sa akin ng Diyos.” 4 Ipinagkatiwala nga niya ang kanyang mga magulang sa hari ng Moab at ang mga ito'y nanatili roon habang nagtatago si David sa kuweba.
5 Sinabi ni Propeta Gad kay David, “Huwag kang manatili rito, magpunta ka sa sakop ng Juda.” Sumunod naman si David at siya'y nagpunta sa kagubatan ng Heret.
6 Nabalitaan ni Saul kung saan nagtatago si David at ang mga kasama nito. Nakaupo siya noon sa ilalim ng punong tamarisko sa ibabaw ng isang burol sa Gibea; hawak niya ang kanyang sibat at nakapaligid sa kanya ang kanyang mga tauhan. 7 Sinabi niya sa mga ito, “Sagutin ninyo ako sa itatanong ko sa inyo, mga Benjaminita. Mabibigyan ba kayo ni David ng kahit isang pirasong bukid o ubasan? Gagawin ba niya kayong mga opisyal ng kanyang hukbo? 8 Bakit kayo nakikipagsabwatan sa kanya laban sa akin? Bakit isa man sa inyo'y walang nagsabi sa akin tungkol sa kasunduan ng anak kong si Jonatan at ni David? Bakit isa ma'y walang nakapagsabi sa akin tungkol sa pakikiisa ni Jonatan kay David laban sa akin?”
9 Sumagot(J) si Doeg, isa sa mga tauhan ni Saul, “Nakita ko po si David nang magpunta sa Nob, kay Ahimelec na anak ni Ahitob. 10 Sumangguni pa si Ahimelec kay Yahweh para kay David at binigyan pa ito ng pagkain; ibinigay rin dito ang espada ni Goliat.”
Ang Pagpatay sa mga Pari
11 Ipinatawag ng hari si Ahimelec at ang lahat ng kasambahay nito, na pawang mga pari sa Nob; humarap sila sa hari. 12 Tinawag ni Saul si Ahimelec at kanyang sinabi, “Ahimelec, makinig ka.”
“Nakikinig po ako, mahal na hari,” sagot ni Ahimelec.
13 Sinabi ni Saul, “Bakit ka nakipagsabwatan kay David laban sa akin? Bakit mo siya binigyan ng sandata at pagkain? Bakit mo siya isinangguni sa Diyos? Hindi mo ba alam na pinagtatangkaan niya ako ng masama?”
14 Sumagot si Ahimelec, “Hindi po ba si David ay manugang ninyo at pinakamatapat ninyong tauhan? Hindi po ba siya ang pinakapuno sa inyong mga kawal at iginagalang ng lahat sa buong kaharian? 15 At ngayon ko lamang po ba siya isinangguni sa Diyos? Huwag po kayong magalit sa amin, mahal na hari. Wala po kaming nalalaman sa ibinibintang ninyo sa amin.”
16 Sinabi ni Saul, “Mamamatay ka ngayon, Ahimelec, pati ang iyong buong angkan.” 17 At inutusan ng hari ang mga tauhan na malapit sa kanya, “Patayin ninyo ang mga pari ni Yahweh! Kasabwat sila ni David. Alam nila nang ito'y tumakas ngunit hindi sinabi sa akin.” Ngunit ayaw sumunod ang mga inutusan sapagkat natatakot silang pagbuhatan ng kamay ang mga pari ni Yahweh. 18 Kaya, si Doeg ang inutusan ni Saul, “Ikaw ang pumatay sa kanila.” Sumunod naman si Doeg at nang araw na iyon, pinatay niya ang walumpu't limang paring nakasuot ng efod. 19 At ipinapatay rin ni Saul ang lahat ng mga taga-Nob, isang lunsod ng mga pari: mga babae't lalaki, ang mga bata at mga sanggol, ang mga baka, asno at mga tupa.
20 Ngunit nakatakas si Abiatar na anak ni Ahimelec, at siya'y nagpunta kay David. 21 Ibinalita niya rito na ipinapatay ni Saul ang lahat ng mga pari ni Yahweh. 22 Sinabi ni David kay Abiatar, “Nakita ko noon si Doeg at noon pa'y alam ko nang magsusumbong siya kay Saul na ako'y nakita niya roon. Ako tuloy ang naging dahilan ng pagkalipol ng iyong angkan. 23 Ngunit huwag kang matakot. Sumama ka na sa amin dahil iisa ang nagtatangka sa buhay nating dalawa. Dito ay ligtas ka.”
Umalis si David sa Keila
23 Dumating ang araw na sinalakay ng isang pangkat ng mga Filisteo ang Keila at sinamsam ang trigo sa giikan. Nalaman ito ni David 2 kaya siya'y sumangguni kay Yahweh, “Lalabanan ko po ba ang mga Filisteong ito?”
“Oo,” sagot ni Yahweh. “Labanan mo sila at iligtas mo ang Keila.”
3 Ngunit sinabi ng mga kawal kay David, “Kung kay Saul lang ay takot tayo, kaya tayo nagtatago dito sa Juda, paano natin malalabanan ang napakaraming Filisteong ito?” 4 Kaya't muling sumangguni si David kay Yahweh.
Ang sagot naman sa kanya, “Pumunta kayo sa Keila at pagtatagumpayin ko kayo laban sa mga Filisteo.” 5 Kaya't nagpunta si David at ang kanyang mga tauhan sa Keila at nilabanan ang mga Filisteo. Marami silang napatay sa mga ito; sinamsam nila ang mga kawan at nailigtas ni David ang bayan ng Keila.
6 Nang si Abiatar ay tumakas at magpunta kay David sa Keila, dala niya ang efod.
7 Nabalitaan naman ni Saul na si David ay nasa Keila at sinabi nito, “Sa wakas, niloob din ng Diyos na mahulog sa mga kamay ko si David sapagkat pumasok siya sa isang lugar na napapaligiran ng pader at bakal ang mga pintuan.” 8 Tinipon niya ang lahat niyang tauhan at pinapunta sa Keila upang palibutan si David at ang mga tauhan nito.
9 Nalaman ito ni David kaya sinabi niya sa paring si Abiatar, “Dalhin mo rito ang efod.” 10 At sumangguni siya sa Diyos, “Yahweh, Diyos ng Israel, nabalitaan ko pong wawasakin ni Saul ang Keila sapagkat nalaman niyang narito ako. 11 Totoo po ba ito? Pababayaan po kaya ng mga taga-Keila na dakpin ako ni Saul? Isinasamo ko po, Yahweh, Diyos ng mga Israelita, na sagutin n'yo ako sa bagay na ito.”
Sumagot si Yahweh, “Oo, lulusubin nga ni Saul ang Keila.”
12 Nagtanong muli si David, “Pababayaan po ba ng mga taga-Keila na ako'y dakpin ni Saul, pati ang aking mga kasama?”
“Oo, pababayaan nila kayo,” sagot ni Yahweh.
13 Dahil dito, iniutos niya sa kanyang mga tauhan na noo'y halos animnaraang katao na umalis na doon at magpalipat-lipat ng lugar. Nang malaman ni Saul na si David ay nakatakas, hindi na niya itinuloy ang balak na pagsalakay sa Keila.
Si David sa Ilang
14 Si David ay nagtago sa ilang at maburol na lugar ng Zif. Araw-araw, hinahanap siya ni Saul, ngunit hindi itinulot ng Diyos na makita siya nito.
15 Nanatili ang pangamba ni David sapagkat alam niyang siya'y talagang gustong patayin ni Saul. Nang siya'y nasa Hores sa ilang ng Zif, 16 pinuntahan siya ni Jonatan at pinalakas ang kanyang loob sa pangalan ni Yahweh. 17 Sinabi nito, “David, huwag kang matakot at hindi ka mapapatay ng aking ama. Ikaw ay magiging hari ng Israel, magiging kanang kamay mo naman ako; alam na ito ng aking ama.” 18 At(K) ang kanilang pagiging magkaibigan ay muli nilang pinagtibay sa harapan ni Yahweh. Pagkatapos, umuwi na si Jonatan at naiwan naman sa Hores si David.
19 Ang(L) mga taga-Zif ay nagpunta kay Saul sa Gibea. Sinabi nila, “Si David po ay doon nagtatago sa lugar namin sa Hores, sa kaburulan ng Haquila sa gawing timog ng kagubatan ng Jesimon. 20 Alam po naming gustung-gusto ninyo siyang mahuli. Puntahan ninyo siya roon kung kailan ninyo gusto at tutulungan namin kayo sa paghuli sa kanya.”
21 At sinabi ni Saul, “Pagpalain nawa kayo ni Yahweh dahil sa pagmamalasakit ninyong ito sa akin. 22 Mauna kayo roon at tiyakin ninyo kung saan siya nagtatago at kung sino ang nakakita sa kanya. Alam kong mahirap siyang hulihin, 23 kaya't tiyakin ninyong mabuti kung saan siya nagtatago, saka ninyo ibalita sa akin. Kung naroon pa siya, sasama ako sa inyo para dakpin siya kahit na halughugin ko ang buong Juda.”
24 At sila'y nauna kay Saul papuntang Zif. Si David naman at ang kanyang mga kasama ay nasa ilang noon ng Maon, sa Araba, gawing timog ng Jesimon. 25 Lumakad si Saul at ang kanyang mga tauhan upang hanapin si David. Hindi lingid kay David na hinahanap siya ni Saul kaya nagtago siya sa ilang ng Maon, ngunit sinundan pa rin siya ni Saul. 26 Samantalang nasa kabilang panig ng bundok sina Saul, sina David naman ay nasa kabila at walang ibang mapuntahan. Masusukol na lamang sila nina Saul, 27 nang dumating ang isang tagabalita at sinabi kay Saul, “Magbalik na po kayo at sinasalakay tayo ng mga Filisteo.” 28 Kaya, tinigilan ni Saul ang paghabol kay David at hinarap ang mga Filisteo. Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Bato ng Paghihiwalay. 29 Mula roon, si David ay nagpunta sa En-gedi at doon muna nanirahan.
Hindi Pinatay ni David si Saul
24 Nang magbalik si Saul mula sa pagtugis sa mga Filisteo, may nagsabi sa kanyang si David ay nasa ilang ng En-gedi. 2 Kaya, kumuha siya ng tatlong libong mahuhusay na kawal mula sa Israel at isinama ang mga ito sa paghahanap kay David sa Kaburulan ng Maiilap na Kambing. 3 Nang(M) mapatapat sila sa isang kulungan ng tupa sa tabi ng daan, dumumi si Saul sa loob ng kuweba sa tapat ng mga kulungan ng tupa. Nagkataon namang si David at ang kanyang mga tauhan ay nagtatago sa loob ng kuwebang iyon. 4 Sinabi kay David ng kanyang mga tauhan, “Ito na ang katuparan ng sinabi ni Yahweh na, ‘Ibibigay ko sa iyo ang iyong kaaway at maaari mong gawin sa kanya ang gusto mo.’” Dahan-dahang lumapit si David at pinutol ang laylayan ng kasuotan ni Saul. 5 Nang magawâ niya ito, inusig siya ng kanyang budhi sapagkat para na niyang nilapastangan ang hari. 6 Sinabi(N) niya sa kanyang mga tauhan, “Huwag nawang itulot ni Yahweh na gawan ko ng masama ang hari na kanyang hinirang.” 7 Pinakiusapan ni David ang kanyang mga kasama na huwag saktan si Saul. Tumayo na si Saul at umalis.
8 Nang malayu-layo na si Saul, lumabas ng kuweba si David at sumigaw, “Mahal kong hari!” Nang lumingon si Saul, buong paggalang na yumukod si David. 9 Sinabi niya, “Bakit po kayo naniniwala sa mga nagsasabi sa inyo na gusto ko kayong patayin? 10 Mapapatunayan ko sa inyo na hindi totoo iyon. Kanina sa yungib ay binigyan ako ni Yahweh ng pagkakataong mapatay kayo. Gusto na ng mga tauhan kong patayin kayo ngunit hindi ko ginawa. Sinabi ko sa kanila na hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang aking hari sapagkat siya'y pinili ni Yahweh. 11 Narito, ama ko, ang kapiraso ng laylayan ng inyong balabal. Kung ito'y naputol ko sa inyong kasuotan, magagawa ko ring patayin kayo noon kung gusto ko. Ito ang katunayan na hindi ko kayo gagawan ng masama kahit pinagpipilitan ninyo akong patayin. 12 Hatulan nawa tayong dalawa ni Yahweh. Siya na ang magpaparusa sa inyo ngunit hindi ko kayo maaaring pagbuhatan ng kamay. 13 Gaya ng kasabihan ng matatanda, ‘Masamang tao lamang ang gumagawa ng masama,’ kaya't hindi ko kayo pagbubuhatan ng kamay. 14 Sino(O) ba ako upang hanapin ng hari ng Israel? Isang patay na aso o pulgas lamang ang aking katulad! 15 Si Yahweh nawa ang humatol sa ating dalawa. Magsiyasat nawa siya, at ipaglaban ako at iligtas sa iyong mga kamay.”
16 Pagkatapos magsalita ni David, sinabi ni Saul, “David, anak ko, ikaw nga ba iyan?” At siya'y tumangis. 17 Sinabi pa ni Saul, “Tama ka, David, at ako'y mali. Sinusuklian mo ng mabuti ang masamang ginagawa ko sa iyo. 18 Ito'y pinatunayan mo ngayon; hindi mo ako pinatay kahit inilagay na ako ni Yahweh sa iyong mga kamay. 19 Bihira sa tao ang makakagawa ng ginawa mo, ang pawalan pa ang kaaway na nasa ilalim na ng kanyang kapangyarihan. Pagpalain ka nawa ni Yahweh sa ginawa mong ito sa akin. 20 Ngayon, alam kong ikaw ay magiging hari ng Israel at sigurado akong magiging matatag ang kaharian sa ilalim ng iyong kapangyarihan. 21 Ipangako mo sa pangalan ni Yahweh, na hindi mo uubusin ang aking lahi at hindi mo buburahin sa daigdig ang pangalan ng aking angkan.” 22 Ipinangako naman ito ni David kay Saul.
Pagkatapos nito'y umuwi na si Saul. Sila David naman ay nagbalik sa kanilang pinagtataguan.
Ang Pagkamatay ni Samuel
25 Namatay si Samuel, at ang buong sambayanang Israel ay nagtipon upang magluksa. Inilibing nila ang kanyang bangkay sa kanyang tahanan sa Rama.
Si David, si Nabal, at si Abigail
Si David naman ay lumipat sa ilang ng Paran. 2 Sa Maon ay may isang taong mayaman. Malaki ang kanyang kawan sa Carmel. Mayroon siyang tatlong libong tupa at sanlibong kambing. 3 Nabal[c] ang kanyang pangalan at buhat sa angkan ni Caleb. Ang asawa niya'y si Abigail. Ang babaing ito'y maganda at matalino ngunit si Nabal ay masungit at magaspang ang pag-uugali.
4 Minsan, nabalitaan ni David na ginugupitan ni Nabal ang kanyang mga tupa. 5 Pinapunta ni David sa Carmel ang sampu sa kanyang tauhan 6 at ipinasabi ang ganito: “Sumainyo ang kapayapaan at sa buo ninyong sambahayan. 7 Nabalitaan naming ikaw ay naggugupit ng balahibo ng tupa. Ang mga pastol mo ay nakasama namin at hindi namin sila ginambala; sa halip ay tinulungan namin sila at hindi naligalig sa buong panahon ng pagpapastol nila rito sa Carmel. 8 Ito'y mapapatunayan nila sa inyo. Dahil dito, tanggapin mo ang aking mga tauhan at ipinapakiusap kong tulungan mo ako. Bigyan mo ako ng anumang maibibigay mo para maihanda sa aming pista.”
9 Sumunod naman ang mga inutusan ni David. Sinabi nila kay Nabal ang lahat ng ipinapasabi sa kanila at naghintay ng sagot. 10 Sinabi ni Nabal, “Sino ba si David? Sinong anak ni Jesse? Talagang maraming alipin ngayon na lumalayas sa kanilang mga amo. 11 Ang tinapay, inumin at pagkain para sa aking mga manggugupit ay hindi ko maibibigay sa mga taong hindi ko alam kung saang lupalop nanggaling!”
12 Nang marinig ito, nagbalik sila kay David at sinabing lahat ang sinabi ni Nabal. 13 Dahil dito, sinabi ni David sa kanyang mga tauhan, “Ihanda ninyo ang mga tabak ninyo!” Humanda naman ang apatnaraan sa kanyang mga tauhan at sumama sa kanya; naiwan ang dalawandaan upang magbantay sa kanilang mga dala-dalahan.
14 Sinabi ng isang pastol kay Abigail, “Si David po ay nagpadala ng sugo sa inyong asawa at magalang na nakipag-usap ngunit sila'y ininsulto ng inyong asawa. 15 Mababait ang mga taong iyon. Tinulungan nila kami at wala silang kinuhang anuman sa amin sa buong panahong kasama namin sila sa parang. 16 Binantayan po nila kami araw-gabi sa aming pagpapastol. 17 Pag-isipan po ninyo kung ano ang mabuting gawin ngayon, sapagkat ang nangyari ay tiyak na magbubunga ng masama sa aming panginoon at sa buo niyang sambahayan. Hindi naman namin masabi sa kanya ito sapagkat matigas ang ulo niya; tiyak na hindi niya kami papakinggan.”
18 Dali-daling naghanda si Abigail ng dalawandaang tinapay. Pinuno niya ng alak ang dalawang sisidlan, nagpapatay ng limang tupa, nagpakuha ng limang takal ng sinangag na trigo, sandaang kumpol ng pasas at dalawandaang tinapay na igos; lahat ng ito'y ikinarga niya sa mga asno. 19 Pagkatapos, sinabi niya sa ilan niyang tauhan, “Mauna kayo sa akin, at susunod ako.” Hindi niya ito ipinaalam kay Nabal na kanyang asawa.
20 Habang pababa si Abigail sa isang burol, dumarating naman sina David mula sa kabila. 21 Sa galit ni David kay Nabal ay nasabi niya, “Sayang lamang ang pangangalaga natin sa ari-arian ng Nabal na iyon. Tinulungan natin siya at walang nabawas sa kanyang kawan, ngunit ito pa ang iginanti sa atin. 22 Parusahan sana ako ng Diyos kapag hindi ko pinatay bukas ang lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan.”
23 Nang makita ni Abigail si David, nagmamadali siyang bumabâ sa kanyang asno at nagpatirapa sa harapan ni David. 24 Sinabi niya, “Ako na po ang inyong sisihin. Pakinggan po muna sana ninyo ang aking sasabihin. 25 Huwag po ninyong pansinin si Nabal. Wala pong kuwentang tao iyon. Tamang-tama po sa kanya ang kanyang pangalan, siya po'y luku-luko. Hindi ko po kasi nakita ang mga tauhan ninyong pinapunta sa amin. 26 Ngayon po'y niloob ni Yahweh na huwag matuloy ang inyong paghihiganti upang hindi mabahiran ng dugo ang inyong mga kamay. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[d] lahat ng naghahangad ng masama laban sa inyo ay mapapahamak, tulad ni Nabal. 27 Narito po, tanggapin po ninyo ang nakayanan ng inyong lingkod at ipamigay ninyo sa inyong mga tauhan. 28 At patawarin po ninyo ang anumang pagkakamali ko. Sigurado kong loloobin ni Yahweh na kayo'y maging hari, pati ng inyong lahi sapagkat nakikipaglaban kayo para sa kanya, at hindi kayo gagawa ng anumang kasamaan habang kayo'y nabubuhay. 29 Kung may magtatangka man sa inyong buhay, iingatan kayo ni Yahweh na inyong Diyos. Ang mga kaaway naman ninyo ay ihahagis na parang bato ng tirador. 30 At kung loobin ni Yahweh na maging hari na kayo sa Israel tulad ng kanyang ipinangako, 31 wala kayong pagsisisihan. Hindi kayo uusigin ng inyong budhi sapagkat hindi kayo pumatay nang walang sapat na dahilan o kaya'y naghiganti sa inyong kaaway. At sana'y maalala ninyo ako sa sandaling marapatin na ni Yahweh na maitatag na ang inyong sambahayan.”
32 Sinabi ni David kay Abigail, “Purihin si Yahweh na nagpapunta sa iyo rito. 33 Salamat sa kanya dahil sa iyong kabutihan, sapagkat sa ginawa mo'y nakaiwas ako sa pagpatay ng tao at magsagawa ng sariling paghihiganti. 34 Niloob niyang huwag ko kayong pagbuhatan ng kamay. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[e] kung hindi ka naparito ngayon, bukas ng umaga ay patay na sanang lahat ang lalaki sa inyong sambahayan.” 35 Tinanggap ni David ang mga dala ni Abigail. Pagkatapos, sinabi niya rito, “Umuwi ka na. Huwag ka nang mag-alala at gagawin ko ang kahilingan mo.”
36 At umuwi na si Abigail. Pagdating ng bahay, nakita niya ang handaan ni Nabal, walang iniwan sa papista ng isang hari. Naratnan niyang lasing na lasing ito kaya't wala siyang sinabing anuman nang gabing iyon. 37 Kinabukasan, nang wala na ang pagkalasing nito, isinalaysay niya ang buong pangyayari. Nang marinig ni Nabal ang lahat, inatake siya sa puso at nanigas ang buong katawan. 38 Pagkaraan pa ng sampung araw, pinarusahan ni Yahweh si Nabal at ito'y namatay.
39 Nang mabalitaan ni David ang nangyari kay Nabal, sinabi niya, “Purihin si Yahweh. Ipinaghiganti niya ako sa paghamak na ginawa sa akin ni Nabal at inilayo niya ako sa pagkakasala. Pinagbayad ni Yahweh si Nabal sa kanyang kasamaan.”
Si David ay nagpasugo kay Abigail at ipinasabing nais niya itong maging asawa. 40 Nang dumating sa Carmel ang mga inutusan ni David, sinabi nila, “Ipinapasabi po ni David na nais niya kayong mapangasawa.”
41 Yumukod si Abigail, ang mukha'y halos sayad sa lupa, at sinabi, “Narito ang inyong lingkod, handa po akong maghugas ng paa ng inyong mga tauhan.” 42 Nagmamadali siyang tumayo, sumakay sa asno at sumama sa mga tauhan ni David, kasama ang lima sa kanyang mga katulong. At siya'y naging asawa ni David.
43 Asawa na noon ni David si Ahinoam na taga-Jezreel, at ngayo'y naging asawa rin niya si Abigail. 44 Si(P) Mical naman na asawa ni David ay ibinigay ni Saul kay Palti na anak ni Lais ng Gallim.
Hindi na Naman Pinatay ni David si Saul
26 Samantala,(Q) nagbalik kay Saul sa Gibea ang mga Zifeo at sinabi nilang si David ay nagtatago sa kaburulan ng Haquila, sa silangan ng Jesimon. 2 Kaya lumakad si Saul, kasama ang tatlong libong pinakamahusay na kawal na Israelita, patungo sa ilang ng Zif upang hanapin si David. 3 Nagkampo sila sa tabing daan sa may kaburulan ng Haquila; sina David naman ay nasa ilang. Nang mabalitaan ni David na hinahanap na naman siya ni Saul, 4 pinalakad niya ang ilan sa kanyang mga tauhan upang lihim na magsiyasat. Sa pamamagitan nila, natiyak niyang hinahanap nga siya ni Saul. 5 Pumunta si David sa kampo ni Saul upang alamin ang kinalalagyan ni Saul. Nakita niyang napapaligiran si Saul ng mga kawal at natutulog sa tabi nito ang pinuno ng kanyang hukbo na si Abner na anak ni Ner.
6 Tinanong ni David ang Heteong si Ahimelec at si Abisai na kapatid ni Joab at anak ni Sarvia, “Sino ang sasama sa akin sa kampo ni Saul?”
“Ako,” sagot ni Abisai.
7 Kinagabihan, lihim na pinasok nina David at Abisai ang kampo ni Saul. Dinatnan nila itong tulog na tulog at napapaligiran ni Abner at ng buong hukbo. Ang sibat nito ay nakatusok sa gawing ulunan. 8 Sinabi ni Abisai kay David, “Niloob ng Diyos na mahulog ngayon sa mga kamay mo ang iyong kaaway. Kung gusto mo, tatarakan ko na siya ng sibat. Isang saksak lang iyan at hindi na kailangang ulitin pa.”
9 Ngunit sinabi ni David, “Huwag mong gagawin iyan. Malaking kasalanan na pagbuhatan ng kamay ang haring pinili ni Yahweh. 10 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[f] darating ang araw na mamamatay rin siya, maaaring sa sakit o sa digmaan. 11 Huwag(R) nawang itulot ni Yahweh na patayin ko ang kanyang piniling hari. Kunin na lang natin ang kanyang sibat, pati ang lalagyan niya ng inumin, at umalis na tayo.” 12 Kinuha nga ni David ang sibat sa ulunan ni Saul at ang lalagyan nito ng inumin, at sila'y umalis. Isa man kina Saul ay walang nagising sapagkat niloob ni Yahweh na makatulog sila nang mahimbing. Dumating at umalis sina David nang walang nakaalam.
13 Pagdating ni David sa kabilang gulod, tumayo siya sa isang mataas na lugar. 14 Sinigawan niya si Abner, “Abner, naririnig mo ba ako?” Ang sigaw niya'y dinig ng buong hukbo.
Sumagot si Abner, “Sino kang nambubulahaw sa hari?”
15 Sumagot naman si David, “Di ba't ikaw ang pinakamagaling na lalaki sa Israel? Bakit hindi mo binantayang mabuti ang mahal na hari? May nakapasok diyan upang patayin ang hari ngunit hindi mo man lamang namalayan. 16 Nagpabaya ka sa iyong tungkulin. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[g] dapat kang mamatay sapagkat hindi mo binantayang mabuti ang haring pinili ni Yahweh. Nasaan ang sibat at ang lalagyan ng tubig ng hari?”
17 Nakilala ni Saul ang tinig ni David. “David, anak ko, ikaw ba iyan?” tanong niya.
“Ako nga po, mahal kong hari,” sagot ni David. 18 Sinabi pa niya, “Bakit ninyo ako inuusig hanggang ngayon? Ano po ba ang nagawa kong kasalanan? 19 Isinasamo ko, mahal na hari, pakinggan po sana ninyo ang aking sasabihin. Kung si Yahweh po ang may gusto na ako'y usigin ninyo, maghandog po kayo sa kanya para mabago ang kanyang pasya. Kung tao naman po ang may udyok nito, sumpain nawa siya ni Yahweh. Dahil sa ginagawa nilang ito, napalayo ako sa bayan ni Yahweh at napadpad sa lupaing diyus-diyosan lamang ang maaari kong sambahin. 20 Huwag ninyo sanang hayaang mapatay ako sa ibang lupain, at malayo kay Yahweh. Bakit ako, na pulgas lamang ang katulad ay gustong patayin ng hari? Bakit kailangan pa niya akong habulin na parang isang mailap na ibon?”
21 Sinabi ni Saul, “Nagkamali nga ako, David, aking anak. Magbalik ka na at hindi na kita gagawan ng masama sapagkat sa araw na ito'y hindi mo na naman ako pinatay. Naging hangal ako! Napakalaki ng kasalanan ko!”
22 Sumagot si David, “Narito ang inyong sibat, mahal na hari. Ipakuha ninyo rito sa isa ninyong tauhan. 23 Ang taong tapat at matuwid ay ginagantimpalaan ni Yahweh. Sa araw na ito'y niloob niyang mahulog kayo sa aking mga kamay ngunit hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang haring pinili ni Yahweh. 24 Pinahalagahan ko ngayon ang inyong buhay at nawa'y ganoon din ang gawin sa akin ni Yahweh. Nawa'y iligtas niya ako sa lahat ng kaguluhan.”
25 Sinabi ni Saul kay David, “Pagpalain ka ng Diyos, anak. Marami pang gawaing naghihintay sa iyo at tiyak kong magtatagumpay ka.”
Pagkatapos nito'y lumakad na si David at umuwi naman si Saul.
Si David sa Lupain ng mga Filisteo
27 Sinabi ni David sa kanyang sarili, “Balang araw ay mahuhuli rin ako ni Saul kapag hindi ako umalis dito. Ang mabuti pa'y magtago na lang ako sa lupain ng mga Filisteo. Baka hindi na niya ako habulin kung hindi na niya ako makita sa lupain ng Israel. Ito na lamang ang paraan upang makaligtas ako sa kanya.” 2 Kaya, isinama niya ang animnaraan niyang tauhan at nagpunta sila kay Aquis na anak ni Maoc at hari ng Gat. 3 Doon nanirahan sina David, kasama ang mga asawa niyang si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na biyuda ni Nabal na taga-Carmel. Kasama naman ng kanyang mga tauhan ang kani-kanilang pamilya. 4 Nang mabalitaan ni Saul na si David ay nasa Gat, itinigil nga niya ang paghahanap dito.
5 Sinabi ni David kay Aquis, “Kung mamarapatin mo, bigyan mo kami ng isang maliit na bayan sa lalawigan upang doon manirahan. Hindi nararapat na kami ay kasama mong naninirahan dito sa iyong maharlikang lunsod.” 6 Ibinigay naman sa kanya ni Aquis ang Ziklag, kaya hanggang ngayon, ito ay sakop ng hari ng Juda. 7 At sila'y isang taon at apat na buwang nanirahan sa lupain ng mga Filisteo.
8 Sa loob ng panahong iyon, sinalakay nina David ang mga Gesureo, ang mga Girzita at ang mga Amalekita na matagal nang naninirahan doon; umabot sila sa Shur at hanggang sa Egipto. 9 Bawat lugar na salakayin nila ay wala silang itinitirang buháy, maging lalaki man o babae. At bago bumalik kay Aquis, sinasamsam nila ang lahat ng kanilang makita: tupa, baka, asno, kamelyo at mga damit. 10 Kapag tinatanong siya ni Aquis kung alin ang sinalakay nila, sinasabi niyang ang gawing timog ng Juda, timog ng Jerameel o kaya'y ang lupain ng Cineo. 11 Pinapatay nga niyang lahat ang nakatira sa alinmang lugar na salakayin niya para walang makapagbalita sa Gat na ang lugar na iyon ang kanilang nilusob. Palaging ganoon ang ginagawa nina David sa buong panahon ng paninirahan nila sa lupain ng mga Filisteo. 12 Si Aquis naman ay labis na nagtiwala sa kanya, sapagkat akala niya'y masamang-masama na si David sa mga Israelita at dahil doo'y maaalipin na niya ito habang panahon.
28 Nang panahong iyon, inihahanda ng mga Filisteo ang kanilang hukbong sandatahan upang digmain ang Israel. Sinabi ni Aquis kay David, “Inaasahan kong ikaw at ang mga tauhan mo'y sasanib sa aking hukbo.”
2 Sumagot si David, “Maaasahan po ninyo. Ngayon ko ipapakita sa inyo kung ano ang magagawa ko.”
Sinabi ni Aquis, “Mabuti kung gayon. Ikaw ang gagawin kong pansariling bantay ko habang buhay.”
Sumangguni si Saul sa Isang Kumakausap sa Espiritu ng mga Namatay na
3 Patay(S) na noon si Samuel at ipinagluksa siya ng buong Israel. Siya'y inilibing nila sa Rama, sa kanyang sariling bayan. Noon ay pinalayas na ni Saul ang mga sumasangguni sa espiritu ng mga namatay na at ang mga manghuhula.
4 Ang mga Filisteo ay nagkampo sa Sunem at sina Saul naman ay sa Gilboa. 5 Nanginig sa takot si Saul nang makita niya ang hukbo ng mga Filisteo. 6 Nang(T) sumangguni siya kay Yahweh, hindi sumagot si Yahweh kahit sa pamamagitan ng panaginip, ni sa pamamagitan man ng Urim o ng mga propeta. 7 Dahil dito, iniutos niya sa kanyang mga tagapaglingkod na ihanap siya ng isang babaing kumakausap sa mga espiritu ng namatay na upang siya'y tanungin. Sinabi naman sa kanya ng kanyang mga lingkod na mayroong ganoong babae sa Endor.
8 Nagbalatkayo si Saul, isinama ang dalawa niyang tagapaglingkod at sila'y lumakad. Gabi na nang dumating sila sa Endor. Sinabi niya sa babae, “Tingnan mo nga kung ano ang magiging kapalaran ko; kausapin mo ang espiritu ng sinumang sasabihin ko sa iyo.”
9 Sinabi sa kanya ng babae, “Hindi mo ba alam na pinalayas na ni Saul sa Israel ang mga sumasangguni sa mga espiritu ng patay at ang mga manghuhula? Bakit mo inilalagay sa panganib ang aking buhay?”
10 Kaya't nangako si Saul sa pangalan ni Yahweh. Sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[h] hindi ka mapaparusahan dahil sa gagawin mong ito.”
11 Itinanong(U) ng babae, “Kaninong espiritu ang gusto mong tawagin ko?”
“Kay Samuel,” sagot niya.
12 Nang makita ng babae si Samuel, napasigaw ito. Sinabi niya kay Saul, “Bakit ninyo ako nilinlang? Kayo pala si Haring Saul!”
13 Sinabi ni Saul, “Huwag kang matakot. Ano ba ang nakita mo?”
“Isang espiritu na lumilitaw mula sa lupa,” sagot ng babae.
14 Itinanong ni Saul, “Ano ang hitsura?”
“Isa siyang matandang lalaking nakabalabal,” sagot ng babae. Natiyak ni Saul na si Samuel ang tinutukoy ng babae, kaya siya'y nagpatirapa at nagbigay-galang.
15 Itinanong ni Samuel kay Saul, “Bakit mo ginagambala ang aking pamamahinga?”
Sumagot siya, “May malaki akong suliranin. Sinasalakay kami ng mga Filisteo. Tinalikuran na ako ng Diyos at ayaw na niyang magpahayag sa akin, maging sa mga propeta o sa mga panaginip. Ipinatawag nga kita upang itanong kung ano ang dapat kong gawin.”
16 Sinabi ni Samuel, “Bakit magtatanong ka pa sa akin gayong tinalikuran ka na ni Yahweh at siya'y kaaway mo na? 17 Iyan(V) na ang katuparan ng ipinasabi niya sa iyo. Inalis na sa iyo ang pagiging hari, at ibinigay na kay David. 18 Hindi(W) mo sinunod ang kanyang utos na lipulin ang mga Amalekita, kaya ginagawa niya ito sa iyo. 19 Ikaw at ang buong Israel ay ibibigay ni Yahweh sa kamay ng mga Filisteo. Bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay mamamatay rin sapagkat niloob na ni Yahweh na mahulog kayo sa kamay ng mga Filisteo.”
20 Dahil sa matinding takot sa sinabi ni Samuel, biglang nabuwal si Saul sa lupa. Bukod dito, hinang-hina na siya dahil sa pagod at gutom sapagkat maghapo't magdamag na siyang hindi kumakain. 21 Nilapitan siya ng babae at nakita niyang takot na takot si Saul. Kaya, sinabi niya, “Pinagbigyan ko po ang inyong kahilingan kahit alam kong nakataya ang aking buhay. 22 Ngayon po, ako naman ang hihiling sa inyo. Ipaghahanda ko kayo ng pagkain para lumakas kayo at makapagpatuloy sa inyong lakad.”
23 Sumagot si Saul, “Ayokong kumain.” Ngunit pinilit siya ng kanyang mga tauhan at ng babae. Pumayag na rin siya at pagkatapos ay naupo sa isang higaan. 24 Ang babae ay may isang pinatabang guya. Dali-dali niya itong kinatay. Nagmasa siya ng harina, ginawa itong tinapay na walang pampaalsa, 25 saka inihain kay Saul at sa mga kasamahan nito. Pagkakain, nagmamadali silang umalis.
Si David ay Tinanggihan ng mga Filisteo
29 Ang mga Filisteo'y nagtipun-tipon sa Afec at ang mga Israelita naman ay sa tabi ng malaking bukal sa libis ng Jezreel. 2 Nang ang mga pinunong Filisteo ay patungo na sa labanan kasama ang kani-kanilang pangkat na may daan-daan at may libu-libo, nakita nila ang pangkat ni David; ang mga ito'y nasa hulihan at kahanay ng pangkat ni Aquis. 3 Itinanong ng mga prinsipeng Filisteo, “Sino ang mga Hebreong ito? Ano ang ginagawa nila rito?”
Sumagot si Aquis, “Si David iyan na lingkod ni Haring Saul. Siya'y mahigit nang isang taong kasa-kasama ko. Buhat nang magkasama kami, wala akong maipipintas sa kanya.”
4 Nagalit ang mga pinunong Filisteo. Sinabi nila kay Aquis, “Pabalikin mo na sila sa lugar na ibinigay mo sa kanila. Hindi natin sila isasama sa labanan. Baka kung nandoon na, tayo pa ang labanan nila. Baka samantalahin niya ang pagkakataon upang maalis ang galit sa kanya ni Saul. 5 Hindi(X) ba iyan ang David na kanilang binabanggit sa awit na:
‘Pumatay si Saul ng libu-libo
si David nama'y sampu-sampung libo?’”
6 Tinawag ni Aquis si David. Sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[i] ikaw ay naging tapat sa akin. At para sa akin, nais kong kasama ka sa pakikidigma naming ito sapagkat buhat nang magkasama tayo'y wala akong masasabing masama laban sa iyo. Ngunit ayaw kang isama ng ibang pinuno. 7 Kaya, magbalik ka na para hindi magalit sa iyo ang mga pinuno ng mga Filisteo.”
8 Itinanong ni David, “Ano ba ang nagawa kong masama buhat nang sumama ako sa inyo at ayaw ninyo akong isama sa pakikipaglaban sa inyong mga kaaway?”
9 Sumagot si Aquis, “Alam kong wala kang ginawang masama. Natitiyak kong ikaw ay tapat, tulad ng isang anghel ng Diyos, ngunit ayaw kang isama ng mga pinunong Filisteo. 10 Kaya, pagliwanag bukas ng umaga, isama mong lahat ang mga tauhan mo at bumalik na kayo sa lugar na ibinigay ko sa inyo. Huwag sasama ang loob mo. Wala akong masasabing anuman laban sa iyo.”
11 Kinabukasan ng umaga, si David at ang mga tauhan nito'y nagbalik sa lupain ng mga Filisteo; nagpatuloy naman ang mga Filisteo ng pagsugod sa Jezreel.
Ang Pakikipagdigma sa mga Amalekita
30 Ikatlong araw na nang sina David ay makabalik sa Ziklag. Samantalang wala sila, lumusob ang mga Amalekita at sinunog ang buong bayan. 2 Wala silang pinatay isa man ngunit binihag nila ang mga babae, matanda't bata. 3 Nang dumating nga sina David, sunog na ang buong bayan at wala ang kani-kanilang asawa't mga anak. 4 Dahil dito, hindi nila mapigilan ang paghihinagpis; nag-iyakan sila hanggang sa mapagod sa kaiiyak. 5 Binihag(Y) din ang dalawang asawa ni David na sina Ahinoam at Abigail.
6 Balisang-balisa si David sapagkat pinag-uusapan ng kanyang mga tauhan na pagbabatuhin siya dahil sa sama ng loob sa pagkawala ng kanilang mga anak. Ngunit dumulog si David kay Yahweh na kanyang Diyos upang palakasin ang kanyang loob. 7 Sinabi(Z) ni David kay Abiatar, “Dalhin mo rito ang efod.” At dinala naman ni Abiatar. 8 Nagtanong si David kay Yahweh, “Hahabulin po ba namin ang mga tulisang iyon? Mahuhuli ko po kaya sila?”
“Sige, habulin ninyo. Maaabutan ninyo sila at maililigtas ang kanilang mga bihag,” sagot ni Yahweh.
9 Hinabol nga ni David ang mga Amalekita. Kasama niya hanggang sa batis ng Besor ang animnaraan niyang tauhan. 10 Ngunit pagdating doon, apatnaraan na lang ang nagtuloy na sumama kay David. Nagpaiwan na ang dalawandaan dahil sa matinding pagod. 11 Sa daan, may nakita silang isang kabataang Egipcio. Dinala nila ito kay David at binigyan ng pagkain at inumin. 12 Binigyan nila ito ng tinapay na igos at dalawang kumpol ng pasas. Matapos kumain, nanumbalik ang kanyang lakas; tatlong araw at tatlong gabi pala siyang hindi kumakain ni umiinom. 13 Tinanong siya ni David, “Sino ang panginoon mo at tagasaan ka?”
“Ako po'y Egipciong alipin ng isang Amalekita. Iniwan na ako ng aking panginoon sapagkat tatlong araw na akong may sakit. 14 Nilusob po namin ang teritoryo ng mga Kereteo sa timog ng Juda at ang teritoryo ng angkan ni Caleb; sinunog pa po namin ang buong Ziklag,” sagot nito.
15 “Maaari mo ba kaming samahan sa mga tulisang iyon?” tanong uli ni David.
“Kung ipapangako po ninyo sa akin sa pangalan ng Diyos na ako'y hindi ninyo papatayin ni ibabalik sa dati kong panginoon, ituturo ko sa inyo ang lugar ng mga Amalekita,” sagot ng Egipcio.
16 Itinuro nga ng alipin ang kampo ng mga Amalekita. Nakita nina David na kalat-kalat ang mga ito. Sila'y masasayang nagkakainan, nag-iinuman at nagsasayawan. Nagpapasasa sila sa kanilang mga samsam sa Filistia at Juda. 17 Kinaumagahan, lumusob sina David at pinagpapatay ang mga Amalekita hanggang gabi. Wala silang itinirang buháy maliban sa apatnaraang kabataan na nakatakas na sakay ng kanilang mga kamelyo. 18 Nabawi nila ang lahat ng sinamsam ng mga Amalekita, pati ang dalawang asawa ni David. 19 Isa man sa kasamahan nila'y walang nabawas, matanda't bata, maging sa kanilang mga anak; nabawi nga nilang lahat ang sinamsam ng mga Amalekita. 20 At sinamsam pa nina David ang mga tupa at mga baka. Ang mga ito'y ipinadala niya sa kanyang mga tauhan pauwi. Sinabi nila, “Ito ay samsam ni David.”
21 Nang makabalik sina David sa batis ng Besor, sinalubong sila ng dalawandaang tauhan niya na hindi nakasama dahil sa matinding pagod at sila'y kinumusta niya. 22 Sa mga nakasama ni David ay may mga makasarili at mararamot. Sinabi ng mga ito, “Huwag nating bibigyan kahit ano 'yung hindi sumama sa atin. Ibigay na lang natin sa kanila ang kanilang asawa't mga anak at paalisin na natin sila.”
23 Ngunit sinabi ni David, “Hindi tama iyan, mga kapatid. Ang mga bagay na ito ay ipinagkaloob sa atin ni Yahweh. Iniligtas niya tayo at ibinigay niya sa ating mga kamay ang mga kaaway na lumusob sa atin. 24 Kaya, pare-pareho ang magiging bahagi ng lahat, maging kasama sa paglusob o naiwan upang magbantay sa ating mga ari-arian.” 25 Mula noon, iyon ang naging patakaran ni David sa paghahati ng mga samsam, at ito'y sinunod ng buong Israel.
26 Pagdating sa Ziklag, pinadalhan ni David ng bahagi ang mga kaibigan niya at ang pinuno ng bayan sa Juda. “Ito ang bahagi ninyo sa mga nasamsam namin sa mga kaaway ni Yahweh,” sabi niya. 27 Pinadalhan din niya ang mga taga-Bethel, Timog Ramat, Jatir, 28 Aroer, Sifmot, Estemoa 29 at Racal. Gayundin ang mga taga-Jerameel at Cineo, 30 pati ang nasa Horma, Borasan, Atac, 31 Hebron at ang lahat ng lugar na narating ni David at ng kanyang mga tauhan.
Ang Kamatayan ni Saul at ng Kanyang mga Anak(AA)
31 Dinigma ng mga Filisteo ang mga Israelita; kaya't ang mga Israelita ay nagsitakas, at marami sa kanila ang namatay sa Bundok Gilboa. 2 Si Saul at ang kanyang mga anak ay inabutan ng mga Filisteo; pinatay ng mga Filisteo sina Jonatan, Abinadab at Melquisua, ang mga anak ni Saul. 3 Napakatindi ng labanan sa palibot ni Saul; at nang siya'y makita at panain ng mga manunudla, si Saul ay malubhang nasugatan. 4 Kaya, sinabi niya sa tagadala ng kanyang gamit-pandigma, “Saksakin mo na ako upang hindi na ako abutang buháy ng mga paganong iyan, at paglaruan pa nila.” Ngunit tumanggi ito sapagkat natatakot siyang gawin ito. Kaya binunot ni Saul ang kanyang espada at sinaksak ang kanyang sarili. 5 Nang makita ng tagapagdala na nagpakamatay si Saul, ganoon din ang ginawa nito sa kanyang sarili. 6 Kaya nang araw na iyon, sabay-sabay na namatay sina Saul, ang tatlo niyang anak na lalaki, ang kanyang tagadala ng sandata at ang lahat ng kanyang mga tauhan. 7 Nang makita ng mga Israelitang nasa kabila ng libis at ng Ilog Jordan na tumakas na ang hukbo ng Israelita, at nang mabalitaang napatay na sina Saul at ang tatlong anak nito, nilisan nila ang kanilang mga bayan at tumakas na rin. Kaya't nang dumating ang mga Filisteo, dito na sila nagkuta.
8 Kinabukasan, nang puntahan ng mga Filisteo ang kanilang mga napatay upang samsaman, natagpuan nila sa Bundok ng Gilboa ang bangkay ni Saul at ng tatlo niyang anak. 9 Pinugutan nila ng ulo si Saul, at kinuha ang kasuotang-pandigma nito. Pagkatapos, nagpadala sila ng mga sugo sa buong lupain ng mga Filisteo upang ibalita ang magandang pangyayari sa lahat ng tao at sa mga templo ng kanilang mga diyus-diyosan. 10 Ang kasuotang-pandigma ni Saul ay inilagay nila sa templo ni Astarte at ibinitin ang kanyang bangkay sa pader ng Bethsan.
11 Subalit nabalitaan ng mga taga-Jabes-gilead ang ginawa ng mga Filisteo kay Saul, 12 nagtipun-tipon ang mga magigiting na mandirigma. Magdamag silang naglakbay, at kinuha sa Bethsan. Dinala nila ang mga ito sa Jabes, at doon sinunog. 13 Pagkatapos, kinuha nila ang mga buto at ibinaon sa ilalim ng punong tamarisko sa Jabes. Pitong araw silang nag-ayuno bilang pagluluksa.
Footnotes
- 1 Samuel 20:3 saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
- 1 Samuel 20:21 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
- 1 Samuel 25:3 NABAL: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “Kahangalan”.
- 1 Samuel 25:26 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
- 1 Samuel 25:34 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
- 1 Samuel 26:10 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
- 1 Samuel 26:16 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
- 1 Samuel 28:10 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
- 1 Samuel 29:6 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
