Add parallel Print Page Options

19 “Ang iyong kaluwalhatian, O Israel ay pinatay sa iyong matataas na dako!
    Paano nabuwal ang magigiting!
20 Huwag ninyong sabihin sa Gat,
    huwag ninyong ibalita sa mga lansangan ng Ascalon;
baka ang mga anak na babae ng mga Filisteo ay magalak,
    baka ang mga anak na babae ng mga di-tuli ay magsaya.

21 “Kayong mga bundok ng Gilboa,
    huwag magkaroon ng hamog, o ulan sa inyo,
    kahit masasaganang bukid,
sapagkat doon ang kalasag ng magiting ay narumihan,
    ang kalasag ni Saul na hindi binuhusan ng langis.

22 “Mula sa dugo ng pinatay,
    mula sa taba ng magiting,
ang busog ni Jonathan ay hindi umurong,
    ang tabak ni Saul ay hindi bumalik nang walang laman.

23 “Sina Saul at Jonathan, minamahal at kaibig-ibig!
    Sa buhay at sa kamatayan ay hindi sila nagkahiwalay;
sila'y higit na maliliksi kaysa mga agila,
    sila'y higit na malalakas kaysa mga leon.

24 “Kayong mga anak na babae ng Israel, iyakan ninyo si Saul,
    na sa inyo'y nagbihis ng matingkad na pula,
    na siyang naglagay ng palamuting ginto sa inyong mga kasuotan.

25 “Paano nabuwal ang magigiting
    sa gitna ng labanan!

“Si Jonathan ay patay na nakabulagta sa iyong matataas na dako.
26     Ako'y namamanglaw dahil sa iyo, kapatid kong Jonathan;
ikaw ay naging kalugud-lugod sa akin;
    ang iyong pagmamahal sa akin ay kahanga-hanga,
    higit pa sa pagmamahal ng mga babae.

27 “Paano nabuwal ang magigiting,
    at nasira ang mga sandatang pandigma!”

Read full chapter