2 Cronica 10-28
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Nagrebelde ang Israel kay Rehoboam(A)
10 Pumunta si Rehoboam sa Shekem, kung saan nagtipon ang lahat ng mga Israelita para hirangin siya na hari. 2 Nang mabalitaan ito ni Jeroboam na anak ni Nebat, bumalik siya sa Israel. (Sapagkat sa panahong ito, doon siya nakatira sa Egipto, kung saan tumakas siya kay Haring Solomon.) 3 Ipinatawag ng mga Israelita si Jeroboam, at pumunta sila kay Rehoboam at sinabi, 4 “Mabigat ang mga ipinapatupad ng inyong ama sa amin. Pero kung pagagaanin nʼyo ito, paglilingkuran namin kayo.”
5 Sumagot si Rehoboam, “Bigyan nʼyo muna ako ng tatlong araw para pag-isipan ito, pagkatapos, bumalik kayo sa akin.” Kaya umuwi ang mga tao. 6 Nakipagkita agad si Haring Rehoboam sa mga tagapamahala na naglilingkod sa ama niyang si Solomon nang nabubuhay pa ito. Nagtanong si Rehoboam sa kanila, “Ano ba ang maipapayo ninyo na isasagot ko sa hinihiling ng mga taong iyon?” 7 Sumagot sila, “Kung ipapakita nʼyo ang inyong kabutihan sa kanila, at ibibigay sa kanila ang kanilang kahilingan, maglilingkod sila sa inyo magpakailanman.”
8 Pero hindi sinunod ni Rehoboam ang kanilang payo. Sa halip, nakipagkita siya sa mga kababata niya na naglilingkod sa kanya. 9 Nagtanong siya sa kanila, “Ano ba ang maipapayo nʼyo na isasagot ko sa kahilingan ng mga taong iyon? Humihiling sila sa akin na pagaanin ko ang mabigat na mga ipinapatupad ng aking ama sa kanila.” 10 Sumagot ang mga binata, “Ito ang isagot mo sa mga taong iyon na humihiling sa iyo: ‘Ang aking kalingkingan ay mas malaki pa sa baywang ng aking ama. 11 Ang ibig kong sabihin mas mabigat pa ang ipapatupad ko sa inyo kaysa sa ipinapatupad ng aking ama. Kung pinalo kayo ng aking ama ng latigo, papaluin ko kayo ng latigong may matalim na mga bakal.’ ”[a]
12 Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik si Jeroboam at ang mga tao kay Haring Rehoboam, ayon sa sinabi ng hari sa kanila. 13 Pero hindi tinupad ni Rehoboam ang ipinayo ng mga tagapamahala. Sa halip, pinagsalitaan niya nang masasakit ang mga tao 14 ayon sa ipinayo ng mga binata. Sinabi niya sa kanila, “Mabigat ang ipinapatupad ng aking ama sa inyo, pero mas mabigat pa ang ipapatupad ko sa inyo. Kung pinalo kayo ng aking ama ng latigo, papaluin ko kayo ng latigong may matalim na mga bakal.”
15 Kaya hindi nakinig ang hari sa mga tao, itoʼy niloob ng Dios para matupad ang kanyang sinabi kay Jeroboam na anak ni Nebat sa pamamagitan ni Ahia na taga-Shilo. 16 Nang malaman ng mga Israelita na hindi sila pinakinggan ng hari, sinabi nila sa hari, “Hindi kami bahagi ng lahi ni David! Bahala ka na sa iyong kaharian! Halikayo mga Israelita, umuwi na tayo!” Kaya umuwi ang lahat ng mga Israelita. 17 Ang mga Israelita lang na nakatira sa mga bayan ng Juda ang pinamahalaan ni Rehoboam.
18 Ngayon, pinapunta ni Haring Rehoboam sa mga Israelita si Adoram, ang tagapamahala ng mga tao na pinagtatrabaho ng sapilitan, para makipag-ayos sa kanila. Pero binato siya ng mga Israelita hanggang sa mamatay. Nagmamadaling sumakay si Rehoboam sa kanyang karwahe at tumakas papunta sa Jerusalem. 19 Hanggang ngayon, nagrerebelde ang mga Israelita sa mga angkan ni David.
Binalaan ni Shemaya si Rehoboam(B)
11 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mahuhusay na sundalo ng mga lahi nina Juda at Benjamin. Nakapagtipon siya ng 180,000 sundalo na makikipaglaban sa mga mamamayan ng Israel at para bawiin ang kaharian niya. 2 Pero sinabi ng Panginoon kay Shemaya na kanyang lingkod, 3 “Sabihin mo kay Haring Rehoboam ng Juda, na anak ni Solomon, at sa lahat ng Israelita sa Juda at Benjamin 4 na ito ang sinasabi ko: ‘Huwag kayong makipaglaban sa inyong kadugo. Umuwi kayo, dahil kalooban ko ang lahat ng ito.’ ” Sumunod sila sa Panginoon at hindi nila nilusob si Jeroboam.
5 Nagpaiwan si Rehoboam sa Jerusalem at pinalakas niya ang mga bayan na ito para maprotektahan ang Juda: 6 Betlehem, Etam, Tekoa, 7 Bet Zur, Soco, Adulam, 8 Gat, Maresha, Zif, 9 Adoraim, Lakish, Azeka, 10 Zora, Ayalon at Hebron. Ito ang mga napapaderang lungsod sa Juda at Benjamin. 11 Pinatatag niya ang mga tanggulan nito at pinalagyan ito ng mga kumander. Silaʼy binigyan niya ng mga pagkain, langis ng olibo, at katas ng ubas. 12 Pinalagyan niya ang mga lungsod ng mga pananggalang at mga sibat bilang dagdag na pampatibay. Kaya ang Juda at ang Benjamin ay naging sakop niya.
13 Pero ang mga pari at mga Levita na nakatira kasama ng ibang lahi ng Israel ay kumampi kay Rehoboam. 14 Ang mga Levitang ito ay iniwan ang kanilang bahay at lupa, at lumipat sa Juda at Jerusalem dahil itinakwil sila ni Jeroboam at ng mga anak nito bilang mga pari ng Panginoon. 15 Nagtalaga si Jeroboam ng sarili niyang mga pari sa mga sambahan sa matataas na lugar,[b] kung saan sumasamba sila sa kanilang mga dios-diosan na kambing at baka na gawa ni Jeroboam. 16 Ang mga Israelita sa ibang lahi ng Israel na gustong dumulog sa Panginoon, ang Dios ng Israel ay sumunod sa mga Levita sa Jerusalem, para makapaghandog sila ng mga handog sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno. 17 Pinatibay nila ang kaharian ng Juda, at sa loob ng tatlong taon, sinuportahan nila si Rehoboam na anak ni Solomon. Sumunod sila sa Panginoon gaya ng kanilang ginawa noong naghari sina David at Solomon.
Ang Pamilya ni Rehoboam
18 Pinakasalan ni Rehoboam si Mahalat, na anak ni Jerimot na anak ni David, at Abihail na anak ni Eliab at apo ni Jesse. 19 Si Rehoboam at si Mahalat ay may tatlong anak na lalaki na sina Jeush, Shemaria at Zaham. 20 Pinakasalan din ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom. Ang kanilang mga anak na lalaki ay sina Abijah, Atai, Ziza at Shelomit. 21 Mas mahal ni Rehoboam si Maaca kaysa sa iba niyang mga asawa. May 18 asawa si Rehoboam at may 60 pa siyang mga asawang alipin. At ang mga anak niya ay 28 lalaki at anim na babae. 22 Ang anak niya kay Maaca na si Abijah ang pinili niyang maging pinuno ng mga anak niyang prinsipe, na nangangahulugang si Abijah ang papalit sa kanya bilang hari. 23 Maingat na binigyan ni Rehoboam ng katungkulan ang iba pa niyang mga anak, at inilagay niya sila sa napapaderang lungsod ng Juda at Benjamin. Binigyan niya sila ng kanilang mga pangangailangan at mga asawa.
Nilusob ni Shisak ang Jerusalem(C)
12 Nang matatag na ang paghahari ni Rehoboam at makapangyarihan na siya, itinakwil niya at ng buong Israel ang kautusan ng Panginoon. 2 Dahil hindi sila matapat sa Panginoon, nilusob ni Haring Shisak ng Egipto, ang Jerusalem noong ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam. 3 Kasama ni Shisak ang 1,200 karwahe, 60,000 mangangabayo at napakaraming sundalo, na ang iba sa kanilaʼy galing pa sa Libya, Sukot at Etiopia. 4 Sinakop ni Shisak ang napapaderang lungsod ng Juda at lumusob hanggang sa Jerusalem.
5 Pagkatapos, pumunta si Propeta Shemaya kay Rehoboam at sa mga pinuno ng Juda na tumakas sa Jerusalem dahil sa takot kay Shisak. Sinabi ni Shemaya sa kanila, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Itinakwil nʼyo ako, kaya ngayon, pababayaan ko kayo kay Shisak.”
6 Nagpakumbaba ang hari at ang mga pinuno ng Israel. Sinabi nila, “Matuwid ang Panginoon!”
7 Nang makita ng Panginoon na silaʼy nagpakumbaba, sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Shemaya, “Dahil nagpakumbaba sila, hindi ko sila lilipulin at hindi magtatagal ay palalayain ko sila. 8 Pero ipapasakop ko sila sa kanya para matutuhan nila na mas mabuti ang maglingkod sa akin kaysa sa paglingkuran ang mga makalupang hari.”
9 Nang nilusob ni Haring Shisak ng Egipto ang Jerusalem, ipinakuha niya ang mga kayamanan sa templo ng Panginoon at sa palasyo. Kinuha niya ang lahat, pati ang lahat ng pananggalang na ginto na ipinagawa ni Solomon. 10 Kaya nagpagawa si Haring Rehoboam ng mga pananggalang na tanso na kapalit ng mga ito, at ipinamahala niya ito sa mga opisyal ng mga guwardya ng pintuan ng palasyo. 11 At kapag pupunta ang hari sa templo ng Panginoon, sasama sa kanya ang mga tagapagbantay na nagdadala ng mga pananggalang na ito, at pagkatapos, ibabalik din nila ito sa kanilang kwarto.
12 Dahil nagpakumbaba si Rehoboam, nawala ang galit ng Panginoon sa kanya, at hindi siya nalipol nang lubos. May natira pang kabutihan sa Juda.
13 Lalong tumatag ang pamamahala ni Haring Rehoboam at nagpatuloy siya sa paghahari roon sa Jerusalem. Siyaʼy 41 taong gulang nang maging hari, at naghari siya ng 17 taon sa Jerusalem, ang lungsod na pinili ng Panginoon sa lahat ng lahi ng Israel, kung saan pararangalan siya. Ang ina ni Rehoboam ay si Naama na isang Ammonita. 14 Pero gumawa ng kasamaan si Rehoboam dahil hindi siya naghangad na hanapin ang Panginoon.
15 Ang salaysay tungkol sa paghahari ni Rehoboam mula sa umpisa hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ni Propeta Shemaya at Aklat ni Propeta Iddo, na talaan ng mga salinlahi. Nagpatuloy ang paglalaban nina Rehoboam at Jeroboam. 16 Nang mamatay si Rehoboam, inilibing siya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Abijah ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Abijah sa Juda(D)
13 Naging hari ng Juda si Abijah noong ika-18 taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel. 2 Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng tatlong taon. Ang ina niya ay si Maaca[c] na anak ni Uriel na taga-Gibea.
Naglaban sina Abijah at Jeroboam. 3 Lumusob si Abijah kasama ang 400,000 matatapang na tao, at naghanda si Jeroboam ng 800,000 matatapang na tao sa pakikipaglaban. 4 Pagdating nila Abijah sa mababang bahagi ng Efraim, tumayo si Abijah sa Bundok ng Zemaraim, at sumigaw kay Jeroboam at sa mga taga-Israel, “Makinig kayo sa akin. 5 Hindi nʼyo ba alam na ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay gumawa ng walang hanggang kasunduan kay David na siya at ang kanyang mga angkan ang maghahari sa Israel magpakailanman? 6 Pero ikaw Jeroboam na anak ni Nebat ay nagrebelde sa iyong amo na si Solomon na anak ni David. 7 Sumama sa iyo ang mga walang kwentang tao, at kumakalaban sa anak ni Solomon na si Rehoboam noong bata pa ito, at wala pang karanasan at kakayahang lumaban sa inyo. 8 At ngayon gusto nʼyong kalabanin ang kaharian ng Panginoon na pinamamahalaan ng angkan ni David. Nagmamayabang kayo na marami ang mga sundalo ninyo at dala nʼyo ang mga gintong baka na ipinagawa ni Jeroboam bilang mga dios ninyo. 9 Pinalayas nʼyo ang mga pari ng Panginoon, na angkan ni Aaron at ang mga Levita, at pumili kayo ng sarili nʼyong mga pari gaya ng ginagawa ng ibang mga bansa. Sinuman sa inyo na may toro at pitong lalaking tupa ay maaari ng italaga bilang pari ng inyong huwad na mga dios.
10 “Pero kami, ang Panginoon ang aming Dios, at hindi namin siya itinakwil. Ang mga pari namin na naglilingkod sa Panginoon ay mga angkan ni Aaron, at tinutulungan sila ng mga Levita. 11 Tuwing umaga at gabi, naghahandog sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at insenso. Naglalagay sila ng tinapay sa mesa na itinuturing na malinis. At tuwing gabi, sinisindihan nila ang mga ilaw na nasa gintong mga patungan. Tinutupad namin ang mga utos ng Panginoon naming Dios. Pero kayo, itinakwil nʼyo siya. 12 Ang Dios ay kasama namin; siya ang pinuno namin. Patutunugin ng kanyang mga pari ang mga trumpeta nila sa pangunguna sa amin sa pakikipaglaban sa inyo. Mga mamamayan ng Israel, huwag kayong sumalungat laban sa Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno, dahil hindi kayo magtatagumpay.”
13 Habang nagsasalita si Abijah, lihim na nagsugo si Jeroboam ng mga sundalo sa likod ng mga taga-Juda para tambangan sila. 14 Nang makita ng mga taga-Juda na nilulusob sila sa likuran at sa harapan, humingi sila ng tulong sa Panginoon. Pinatunog agad ng mga pari ang mga trumpeta, at 15 sumigaw nang malakas ang mga taga-Juda sa paglusob. Sa kanilang pagsigaw, tinalo ng Dios si Jeroboam at ang mga sundalo ng Israel. Hinabol sila ni Abijah at ng mga sundalo ng Juda. 16 Tumakas sila at ibinigay sila ng Dios sa mga taga-Juda. 17 Marami ang napatay ni Abijah at ng mga tauhan niya – 500,000 matatapang na taga-Israel. 18 Kaya natalo ng mga taga-Juda ang mga taga-Israel, dahil nagtiwala sila sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno.
19 Hinabol ni Abijah si Jeroboam at inagaw niya rito ang mga bayan ng Betel, Jeshana at Efron, at ang mga baryo sa paligid nito. 20 Hindi na mabawi ni Jeroboam ang kanyang kapangyarihan nang panahon ni Abijah, at pinarusahan siya ng Panginoon at siyaʼy namatay. 21 Samantala, lalo pang naging makapangyarihan si Abijah. May 14 siyang asawa at 22 anak na lalaki at 16 na anak na babae. 22 Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Abijah, ang kanyang mga sinabi at mga ginawa ay nakasulat sa Aklat ni Propeta Iddo.
14 Namatay si Abijah at inilibing sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Asa ang pumalit sa kanya bilang hari. Sa panahon ng paghahari niya, nagkaroon ng kapayapaan sa Juda sa loob ng sampung taon.
Ang Paghahari ni Asa sa Juda.
2 Matuwid ang ginawa ni Asa sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios. 3 Ipinagiba niya ang mga altar ng mga dios-diosan at ang mga sambahan sa matataas na lugar.[d] Ipinagiba rin niya ang mga alaalang bato at pinaputol ang posteng simbolo ng diosang si Ashera. 4 Inutusan niya ang mamamayan ng Juda na dumulog sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, at tumupad sa kanyang mga kautusan. 5 Ipinagiba niya ang mga sambahan sa matataas na lugar at ang mga altar na pinagsusunugan ng mga insenso sa lahat ng bayan ng Juda. Kaya may kapayapaan ang kaharian ng Juda sa panahon ng paghahari ni Asa. 6 At habang mapayapa, pinalagyan niya ng mga pader ang mga lungsod ng Juda. Walang nakipaglaban sa kanya sa panahong ito, dahil binigyan siya ng Panginoon ng kapayapaan.
7 Sinabi ni Asa sa mga taga-Juda, “Patatagin natin ang mga bayan na ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga pader sa paligid nito na may mga tore, at ng mga pintuan at mga kandado. Angkinin natin ang lupaing ito, dahil dumulog tayo sa Panginoon na ating Dios. Binigyan niya tayo ng kapayapaan sa ating mga kalaban sa paligid.” Kaya pinalakas nila ang bayan at naging maunlad sila.
8 May 300,000 sundalo si Asa na taga-Juda, na armado ng malalaking pananggalang at mga sibat. At mayroon din siyang 280,000 sundalo na taga-Benjamin, na armado ng maliliit na pananggalang at mga pana. Silang lahat ay matatapang na sundalo.
9 Nilusob ni Zera na taga-Etiopia[e] ang Juda kasama ang maraming sundalo at 300 karwahe. At nakarating sila hanggang sa Maresha. 10 Pumwesto sina Asa sa Lambak ng Zefata malapit sa Maresha. 11 Pagkatapos, nanalangin si Asa sa Panginoon na kanyang Dios, “O Panginoon, wala na pong iba pang makakatulong sa mga taong walang kakayahan laban sa mga makapangyarihan kundi kayo lang. Tulungan nʼyo po kami, O Panginoon naming Dios, dahil umaasa po kami sa inyo, at sa inyong pangalan, pumunta kami rito laban sa napakaraming sundalong ito. O Panginoon, kayo po ang aming Dios; huwag nʼyo pong payagang manaig ang tao laban sa inyo.”
12 Kaya dinaig ng Panginoon ang mga taga-Etiopia sa harapan ni Asa at ng mga taga-Juda. Tumakas ang mga taga-Etiopia, 13 at hinabol sila ni Asa at ng kanyang mga sundalo hanggang sa Gerar. Marami sa mga ito ang namatay at hindi na makalaban pa. Dinaig sila ng Panginoon at ng kanyang mga sundalo. Maraming ari-arian ang nasamsam ng mga sundalo ng Juda. 14 Nilipol nila ang mga baryo sa paligid ng Gerar, dahil dumating sa mga ito ang nakakatakot na parusa ng Panginoon. Sinamsam nila ang mga ari-arian ng mga bayan dahil marami ang mga ari-arian nito. 15 Nilusob din nila ang mga kampo ng mga tagapagbantay ng mga hayop, at pinagkukuha ang mga tupa, mga kambing at mga kamelyo. Pagkatapos, nagsibalik sila sa Jerusalem.
Ang Mga Pagbabagong Ginawa ni Asa
15 Pinuspos ng Espiritu ng Dios si Azaria na anak ni Obed. 2 Nakipagkita siya kay Asa at sinabi, “Pakinggan nʼyo po ako Haring Asa, at lahat kayong taga-Juda at taga-Benjamin. Mananatili ang Panginoon sa inyo habang nananatili kayo sa kanya. Kung dudulog kayo sa kanya, tutulungan niya kayo. Pero kung tatalikuran nʼyo siya, tatalikuran din niya kayo. 3 Sa mahabang panahon, namuhay ang mga Israelita na walang tunay na Dios, walang paring nagtuturo sa kanila, at walang kautusan. 4 Pero sa kanilang paghihirap, dumulog sila sa Panginoon, ang Dios ng Israel, at tinulungan niya sila. 5 Nang panahong iyon, mapanganib ang maglakbay dahil nagkakagulo ang mga tao. 6 Naglalaban ang mga bansa at ang mga lungsod, dahil ginulo sila ng Dios sa pamamagitan ng ibaʼt ibang mga kahirapan. 7 Pero kayo naman, magpakatapang kayo at huwag manghina dahil ang mga gawa ninyo ay gagantimpalaan.”
8 Nang marinig ni Asa ang mensahe ni Azaria na anak ni Obed, nagpakatapang siya. Inalis niya ang kasuklam-suklam na mga dios-diosan sa buong Juda at Benjamin, at sa mga bayan na kanyang inagaw sa mababang bahagi ng Efraim. Ipinaayos niya ang altar ng Panginoon na nasa harapan ng balkonahe ng templo ng Panginoon.
9 Pagkatapos, ipinatipon niya ang lahat ng mamamayan ng Juda at Benjamin, at ang mga mamamayan mula sa Efraim, Manase, at Simeon na nakatirang kasama nila. Maraming lumipat sa Juda mula sa Israel nang makita nilang si Asa ay sinasamahan ng Panginoon na kanyang Dios.
10 Nagtipon sila sa Jerusalem noong ikatlong buwan nang ika-15 taon ng paghahari ni Asa. 11 At sa oras na iyon, naghandog sila sa Panginoon ng mga hayop na kanilang nasamsam sa labanan – 700 baka at 7,000 tupa at kambing. 12 Gumawa sila ng kasunduan na dumulog sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, nang buong puso nilaʼt kaluluwa. 13 Ang sinumang hindi dumulog sa Panginoon, ang Dios ng Israel ay papatayin, bata man o matanda, lalaki man o babae. 14 Nangako sila sa Panginoon sa malakas na tinig na may pagsasaya at pagpapatunog ng mga trumpeta at mga trumpeta. 15 Nagsaya ang lahat ng taga-Juda dahil nangako sila nang buong puso. Dumulog sila sa Panginoon nang taimtim sa kanilang puso, at tinulungan niya sila. At binigyan niya sila ng kapayapaan sa kanilang mga kalaban kahit saan.
16 Inalis din ni Haring Asa ang kanyang lolang si Maaca sa pagkareyna nito dahil gumawa ito ng karumal-dumal na posteng simbolo ng diosang si Ashera. Ipinaputol ni Asa ang poste, ipinasibak ito, at ipinasunog sa Lambak ng Kidron. 17 Kahit hindi nawala ang mga sambahan sa matataas na lugar,[f] naging matapat pa rin si Asa sa Panginoon sa buong buhay niya. 18 Dinala niya sa templo ng Panginoon ang mga pilak, ginto at iba pang mga bagay na inihandog niya at ng kanyang ama sa Panginoon.
19 Hindi nagkaroon ng digmaan hanggang sa ika-35 taon ng paghahari ni Asa.
Ang Huling Taon ni Asa(E)
16 Nang ika-36 na taon ng paghahari ni Asa, nilusob ni Haring Baasha ng Israel ang Juda. At pinabakuran niya ang Rama para walang makalabas o makapasok sa teritoryo ni Haring Asa ng Juda. 2 Ipinakuha ni Asa ang mga pilak at ginto sa mga bodega ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo. At ibinigay niya ito kay Haring Ben Hadad ng Aram[g] doon sa Damascus kung saan siya nakatira. 3 Ito ang mensahe ni Asa kay Ben Hadad: “Gumawa tayo ng kasunduan na magkakampihan tayo, gaya ng ginawa ng ating mga magulang. Tanggapin mo ang ipinadala ko sa iyong pilak at ginto, at hinihiling kong tigilan mo na ang pagkampi kay Haring Baasha ng Israel para pabayaan na niya ako.”
4 Pumayag si Ben Hadad sa kahilingan ni Haring Asa, at inutusan niya ang mga kumander ng kanyang mga sundalo na lusubin ang mga bayan ng Israel. Nasakop nila ang Ijon, Dan, Abel Maim, at ang lahat ng lungsod ng Naftali na ginagamit na bodega. 5 Nang marinig ito ni Baasha, ipinahinto niya ang pagpapatayo ng pader sa Rama. 6 Pagkatapos, nag-utos si Haring Asa sa lahat ng lalaki ng Juda na kunin nila ang mga bato at mga troso na ginagamit ni Baasha sa paggawa ng pader ng Rama. At ginamit ito ni Haring Asa sa paggawa ng pader ng Geba at ng Mizpa.
7 Nang panahong iyon, pumunta ang propetang si Hanani kay Haring Asa ng Juda at sinabi sa kanya, “Dahil nagtiwala ka sa hari ng Aram at hindi sa Panginoon na iyong Dios, hindi nʼyo malilipol ang mga sundalo ng hari ng Aram. 8 Naalala mo ba kung ano ang nangyari sa mga taga-Etiopia at taga-Libya, na ang mga sundalo, mga karwahe at mga mangangabayo ay napakarami? Nang panahong iyon, nagtiwala ka sa Panginoon, at kayoʼy pinagtagumpay niya sa kanila. 9 Sapagkat nakatingin ang Panginoon sa buong mundo para palakasin ang mga taong matapat sa kanya. Kamangmangan ang iyong ginawa! Kaya mula ngayon makikipaglaban ka na.”
10 Dahil dito, labis na nagalit si Asa sa propeta, kaya itoʼy kanyang pinakulong. At sa panahong ding iyon, nagsimulang pahirapan ni Asa ang iba niyang mga mamamayan.
11 Ang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Asa mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at ng Israel. 12 Nang ika-39 na taon ng paghahari ni Asa, nagtiis siya ng karamdaman sa paa. Kahit malubha na ang kanyang karamdaman, hindi siya humingi ng tulong sa Panginoon kundi sa mga manggagamot. 13 At nang ika-41 taon ng paghahari niya, namatay siya. 14 Inilibing siya sa libingan na ipinagawa niya para sa kanyang sarili sa Lungsod ni David.[h] Inilagay siya sa kabaong na may ibaʼt ibang mga pabango. At nagpaningas ng malaking apoy ang mga tao sa pagpaparangal sa kanya.
Si Haring Jehoshafat ng Juda
17 Ang pumalit kay Asa bilang hari ay ang anak niyang si Jehoshafat. Pinatibay ni Jehoshafat ang kaharian niya para makalaban siya sa Israel. 2 Nagtalaga siya ng mga sundalo sa lahat ng napapaderang lungsod, at naglagay din siya ng mga kampo ng sundalo sa Juda at sa mga bayan ng Efraim na sinakop ni Asa na kanyang ama. 3 Sinamahan ng Panginoon si Jehoshafat dahil sa unang mga taon ng paghahari niya sinunod niya ang pamumuhay ng kanyang ninuno na si David. Hindi siya dumulog kay Baal,[i] 4 kundi dumulog siya sa Dios ng kanyang ama, at sumunod sa kanyang kautusan sa halip na sumunod sa pamumuhay ng mga taga-Israel. 5 Pinatibay ng Panginoon ang kaharian sa ilalim ng kanyang pamumuno. Nagdala ng mga regalo ang lahat ng taga-Juda sa kanya, kaya yumaman siya at naging tanyag. 6 Matapat siya sa pagsunod sa mga pamamaraan ng Panginoon. Ipinagiba niya ang mga sambahan sa matataas na lugar[j] at ang posteng simbolo ng diosang si Ashera sa Juda.
7 Nang ikatlong taon ng paghahari niya, dinala niya ang kanyang mga opisyal na sila Ben Hail, Obadias, Zacarias, Netanel at Micaya para magturo sa mga bayan ng Juda. 8 Kasama nila ang ibang mga Levita na sina Shemaya, Netania, Zebadia, Asahel, Shemiramot, Jehonatan, Adonia, Tobia, Tob Adonia, at ang mga pari na sina Elishama at Jehoram. 9 Dinala nila ang Aklat ng Kautusan ng Panginoon at umikot sila sa lahat ng bayan ng Juda at nagturo sa mga tao.
10 Niloob ng Panginoon na matakot sa kanya ang lahat ng kaharian sa paligid ng Juda, kaya wala sa kanila na nakipaglaban kay Jehoshafat. 11 Ang ibang mga Filisteo ay nagdala kay Jehoshafat ng mga regalo at pilak bilang buwis, at ang mga taga-Arabia ay nagdala sa kanya ng 7,700 tupa at 7,700 kambing. 12 Kaya naging makapangyarihan pa si Jehoshafat. Nagpatayo siya sa Juda ng mga depensa at ng mga lungsod na ginawang mga bodega. 13 Maraming pantustos ang tinipon niya sa mga bayan ng Juda. Naglagay din siya ng mahuhusay at matatapang na sundalo sa Jerusalem. 14 Ang kanyang mga sundaloʼy inilista ayon sa kanilang mga pamilya. Mula sa lahi ni Juda: si Adna ang kumander ng 300,000 sundalo, na binukod-bukod sa tig-1,000. 15 Ang sumunod sa kanya ay si Jehohanan na kumander ng 280,000 sundalo. 16 Sumunod ay si Amasia na anak ni Zicri, na kumander ng 200,000 sundalo. Nagkusang-loob siya para sa gawain ng Panginoon.
17 Mula sa lahi ni Benjamin: si Eliada, na isang matapang na tao, ang kumander ng 200,000 sundalo. Ang mga sundalong itoʼy may mga pananggalang at mga pana. 18 Ang sumunod sa kanya ay si Jehozabad na kumander ng 180,000 armadong sundalo.
19 Sila ang mga naglilingkod kay Haring Jehoshafat bukod pa sa mga sundalo na kanyang inilagay sa lahat ng napapaderang lungsod sa Juda.
Nagsalita si Micaya Laban kay Ahab(F)
18 Yumaman at naging tanyag na si Jehoshafat, at naging mabuti ang kanyang relasyon kay Haring Ahab[k] ng Israel dahil sa pagpapakasal ng ilang miyembro ng kanilang mga pamilya. 2 Pagkalipas ng ilang taon, dumalaw si Jehoshafat kay Ahab sa Samaria. Nagkatay si Ahab ng maraming tupa at baka para sa pagpapapiging kay Jehoshafat at sa mga tauhan niya. At hinikayat niya si Jehoshafat na lusubin ang Ramot Gilead. 3 Sinabi niya kay Jehoshafat, “Sasama ka ba sa amin sa pakikipaglaban sa Ramot Gilead?” Sumagot si Jehoshafat, “Handa akong sumama sa iyo, at handa akong ipagamit sa iyo ang aking mga sundalo. Oo, sasama kami sa inyo sa pakikipaglaban. 4 Pero tanungin muna natin ang Panginoon kung ano ang kanyang masasabi.”
5 Kaya ipinatawag ni Ahab ang mga propeta – 400 silang lahat, at tinanong, “Pupunta ba kami sa Ramot Gilead o hindi?” Sumagot sila, “Sige, lumakad kayo, dahil pagtatagumpayin kayo ng Panginoon!”
6 Pero nagtanong si Jehoshafat, “Wala na bang iba pang propeta ng Panginoon na mapagtatanungan natin?” 7 Sumagot si Ahab kay Jehoshafat, “May isa pang maaari nating mapagtanungan – si Micaya na anak ni Imla. Pero napopoot ako sa kanya dahil wala siyang magandang propesiya tungkol sa akin kundi puro kasamaan.” Sumagot si Jehoshafat, “Hindi ka dapat magsalita ng ganyan.” 8 Kaya ipinatawag ni Ahab ang isa sa kanyang opisyal at sinabi, “Dalhin nʼyo agad dito si Micaya na anak ni Imla.”
9 Ngayon, sina Haring Ahab ng Israel at Haring Jehoshafat ng Juda, na nakasuot ng kanilang damit panghari, ay nakaupo sa kanilang trono sa harapan ng giikan na nasa bandang pintuang bayan ng Samaria, at nakikinig sa sinasabi ng mga propeta. 10 Si Zedekia na isa sa mga propeta, na anak ni Kenaana ay gumawa ng sungay na bakal. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Sa pamamagitan ng sungay na ito, lilipulin mo, Haring Ahab, ang mga Arameo hanggang sa maubos sila.’ ” 11 Ganito rin ang sinabi ng lahat ng propeta. Sinabi nila, “Lusubin nʼyo po ang Ramot Gilead, Haring Ahab, at magtatagumpay kayo, dahil ibibigay ito sa inyo ng Panginoon.”
12 Samantala, ang mga inutusan sa pagkuha kay Micaya ay nagsabi sa kanya, “Ang lahat ng propeta ay pare-parehong nagsasabing magtatagumpay ang hari, kaya ganoon din ang iyong sabihin.” 13 Pero sinabi ni Micaya, “Nanunumpa ako sa buhay na Panginoon na aking Dios na sasabihin ko lang ang ipinapasabi niya sa akin.”
14 Pagdating ni Micaya kay Haring Ahab, nagtanong ang hari sa kanya, “Micaya, lulusubin ba namin ang Ramot Gilead o hindi?” Sumagot si Micaya, “Lusubin nʼyo at magtatagumpay kayo, dahil ibibigay ito sa inyo.” 15 Pero sinabi ng hari kay Micaya, “Ilang beses ba kitang panunumpain na sabihin mo sa akin ang totoo sa pangalan ng Panginoon?” 16 Kaya sinabi ni Micaya, “Nakita ko sa pangitain na nakakalat ang mga Israelita sa mga kabundukan gaya ng mga tupa na walang nagbabantay, at nagsabi ang Panginoon, ‘Ang mga taong itoʼy wala ng pinuno. Pauwiin sila na may kapayapaan.’ ” 17 Sinabi ni Haring Ahab kay Jehoshafat, “Hindi ba sinabihan na kitang wala siyang magandang propesiya tungkol sa akin kundi puro kasamaan lang?”
18 Sinabi pa ni Micaya, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon! Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, na may nakatayo sa kanan niya at kaliwa niyang mga makalangit na nilalang. 19 At sinabi ng Panginoon, ‘Sino ang hihikayat kay Haring Ahab ng Israel para lusubin ang Ramot Gilead upang mamatay siya roon?’ Iba-iba ang sagot ng mga makalangit na nilalang. 20 At may espiritu na lumapit sa Panginoon at nagsabi, ‘Ako ang hihikayat sa kanya.’ Nagtanong ang Panginoon, ‘Sa paanong paraan?’ 21 Sumagot siya, ‘Pupunta ako at pagsasalitain ko ng kasinungalingan ang mga propeta ni Ahab.’ Sinabi ng Panginoon, ‘Lumakad ka at gawin mo ito. Magtatagumpay ka sa paghihikayat sa kanya.’ ”
22 Sinabi agad ni Micaya, “Pinadalhan ng Panginoon ang iyong mga propeta ng espiritu na nagpasalita sa kanila ng kasinungalingan. Ipinahintulot ng Panginoon na matalo ka.” 23 Lumapit agad si Zedekia kay Micaya at sinampal ito. Sinabi agad ni Zedekia, “Paano mong nasabi na ang Espiritu ng Panginoon ay umalis sa akin at nakipag-usap sa iyo?” 24 Sumagot si Micaya, “Malalaman mo ito sa araw na matalo kayo sa labanan at magtatago ka sa kaloob-loobang kwarto ng bahay.”
25 Nag-utos agad si Haring Ahab, “Dakpin nʼyo si Micaya at dalhin pabalik kay Ammon na pinuno ng lungsod at kay Joash na aking anak. 26 At sabihin nʼyo sa kanila na nag-utos ako na ikulong ang taong ito, tinapay at tubig lang ang ibigay sa kanya hanggang makabalik akong ligtas mula sa labanan.”
27 Sinabi ni Micaya, “Kung makabalik ka ng walang nangyari, ang ibig sabihin hindi nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ko.” At sinabi ni Micaya sa lahat ng tao roon, “Tandaan nʼyo ang sinabi ko!”
Namatay si Ahab(G)
28 Kaya lumusob sa Ramot Gilead si Haring Ahab ng Israel at si Haring Jehoshafat ng Juda. 29 Sinabi ni Ahab kay Jehoshafat, “Sa panahon ng labanan, hindi ako magpapakilala na ako ang hari, pero ikaw ang siyang magsusuot ng damit panghari.” Kaya nagkunwari ang hari ng Israel, at nakipaglaban sila.
30 Samantala, nag-utos ang hari ng Aram sa kumander ng kanyang mga mangangarwahe, “Huwag ninyong lusubin ang kahit sino, kundi ang hari lang ng Israel.” 31 Pagkakita ng mga kumander ng mga mangangarwahe kay Jehoshafat, inisip nila na siya ang hari ng Israel, kaya nilusob nila ito. Pero humingi ng tulong sa Panginoon si Jehoshafat, at tinulungan siya at inilayo sa mga kalaban niya. 32 Nang mapansin ng mga kumander ng mga mangangarwahe na hindi pala siya ang hari ng Israel, huminto sila sa paghabol sa kanya.
33 Pero habang namamana ang isang sundalong Arameo sa mga sundalo ng Israel, natamaan niya ang hari ng Israel sa pagitan ng kanyang panangga sa dibdib. Sinabi ni Haring Ahab sa nagdadala ng kanyang karwahe, “Ilayo mo ako sa labanan! Dahil nasugatan ako.” 34 Matindi ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ng Israel ay nakasandal lang sa kanyang karwahe na nakaharap sa mga Arameo hanggang hapon. At nang lumubog na ang araw, siyaʼy namatay.
19 Bumalik si Jehoshafat sa palasyo niya sa Jerusalem na ligtas, 2 sinalubong siya ni propeta Jehu na anak ni Hanani at sinabi, “Bakit tinulungan mo ang masama at inibig ang napopoot sa Panginoon? Dahil dito, nagalit ang Panginoon sa iyo. 3 Pero mayroon ding mabuti sa iyo. Inalis mo sa Juda ang posteng simbolo ng diosang si Ashera at hinangad mo ang sumunod sa Dios.”
Pumili si Jehoshafat ng mga Hukom
4 Nakatira si Jehoshafat sa Jerusalem, pero pinupuntahan niya ang mga tao mula sa Beersheba hanggang sa bulubundukin ng Efraim para hikayatin silang manumbalik sa Panginoon, ang Dios ng kanilang ninuno. 5 Naglagay siya ng mga hukom sa bawat napapaderang lungsod ng Juda. 6 Sinabi niya sa kanila, “Mag-isip muna kayo ng mabuti bago kayo humatol dahil hindi kayo hahatol para sa tao kundi para sa Panginoon, na siyang sumasainyo sa tuwing magbibigay kayo ng hatol. 7 Gumalang kayo sa Panginoon, at humatol kayo nang mabuti dahil hindi pinapayagan ng Panginoon na ating Dios ang kawalan ng katarungan, ang paghatol nang may kinikilingan, at ang pagtanggap ng suhol.”
8 Naglagay din sa Jerusalem si Jehoshafat ng mga Levita, mga pari, at mga pinuno ng pamilya ng mga Israelita sa pagdinig ng mga kaso na may kinalaman sa kautusan ng Panginoon at mga alitan. At silaʼy tumira sa Jerusalem. 9 Ito ang utos niya sa kanila: “Kailangang maglingkod kayo nang tapat at buong puso, na may paggalang sa Panginoon. 10 Kung may kaso na dumating sa inyo mula sa mga kababayan ninyo sa kahit saang lungsod na may kinalaman sa pagpatay o paglabag sa mga utos at mga tuntunin, balaan nʼyo sila na huwag magkasala sa Panginoon dahil kung hindi, ipapataw niya ang kanyang galit sa inyo at sa kanila. Gawin nʼyo ito para hindi kayo magkasala. 11 Kung may mga kaso tungkol sa Panginoon na hindi nʼyo maayos, si Amaria na punong pari ang siyang mag-aayos nito. At kung may kaso tungkol sa gobyerno na hindi nʼyo maayos, si Zebadia na anak ni Ishmael, na pinuno ng lahi ni Juda, ang siyang mag-aayos nito. Ang mga Levita ay tutulong sa inyo para matiyak na mapapairal ang hustisya. Magpakatapang kayo sa paggawa ng inyong mga tungkulin. Nawaʼy samahan ng Dios ang mga taong gumagawa ng matuwid.”
Tinalo ni Jehoshafat ang Moab at Ammon
20 Pagkatapos, nakipaglaban ang mga Moabita at mga Ammonita, kasama ng ibang mga Meuneo,[l] kay Jehoshafat. 2 May mga taong pumunta kay Jehoshafat at nagsabi, “Napakarami pong sundalo ang papalapit upang lusubin kayo. Silaʼy galing sa Edom,[m] sa kabilang bahagi ng Dagat na Patay. Naroon sila sa Hazazon Tamar” (na tinatawag ding En Gedi). 3 Natakot si Jehoshafat at dumulog siya sa Panginoon. At nag-utos siya na mag-ayuno ang lahat ng taga-Juda. 4 Kaya nagtipon ang mga tao mula sa lahat ng bayan ng Juda upang humingi ng tulong sa Panginoon. 5 Tumayo si Jehoshafat sa harapan ng mamamayan ng Juda at ng Jerusalem doon sa harap ng templo ng Panginoon, sa harapan ng bagong bakuran nito, 6 at nagsabi, “O Panginoon, Dios ng aming mga ninuno, kayo po ang Dios na nasa langit. Kayo ang namamahala sa lahat ng kaharian sa mundo. Makapangyarihan po kayo dahil walang makakalaban sa inyo. 7 O Dios namin, hindi baʼt itinaboy nʼyo po ang mga nakatira sa lupaing ito sa pamamagitan ng inyong mga mamamayan? At hindi ba ibinigay nʼyo po ito sa kanila na mga lahi ni Abraham na inyong kaibigan, para maging kanila magpakailanman? 8 Nakatira po sila rito at pinatayuan ng templo para sa karangalan ng inyong pangalan. Sinabi nila, 9 ‘Kung may sakunang darating sa amin gaya ng labanan, kasamaan, o taggutom, tatayo kami sa inyong presensya sa harap ng templong ito kung saan pinararangalan kayo. Hihingi kami ng tulong sa inyo sa aming kahirapan, at pakikinggan nʼyo kami at ililigtas.’
10 “Ngayon, nilulusob kami ng mga tao mula sa Ammon, Moab at Bundok ng Seir. Noon, ang mga teritoryo nila ay hindi nʼyo pinapayagang sakupin ng mga Israelita nang lumabas sila sa Egipto. Kaya umiwas ang mga Israelita sa kanila at hindi sila nilipol. 11 Pero ngayon, masdan nʼyo po ang iginanti nila sa amin. Nilulusob nila kami para itaboy kami sa lupain na inyo pong ibinigay sa amin bilang mana. 12 O Dios namin, hindi nʼyo po ba sila parurusahan? Sapagkat wala kaming kakayahang humarap sa napakaraming sundalo na lumulusob sa amin. Hindi po namin alam kung ano ang gagawin namin, pero nagtitiwala po kami sa inyo.”
13 Habang nakatayo roon ang lahat ng lalaking taga-Juda, kasama ang kanilang mga asawaʼt anak, at kanilang mga sanggol, 14 pinatnubayan ng Espiritu ng Panginoon si Jahaziel na nakatayo roon kasama nila. Si Jahaziel ay anak ni Zacarias. Si Zacarias ay anak ni Benaya. Si Benaya ay anak ni Jeyel. At si Jeyel ay anak ni Matania na Levita at mula sa angkan ni Asaf.
15 Sinabi ni Jahaziel, “Makinig po kayo, Haring Jehoshafat, at lahat kayong nakatira sa Juda at Jerusalem! Ito ang sinasabi ng Panginoon sa inyo, ‘Huwag kayong matakot o manlupaypay dahil sa napakaraming sundalong ito, dahil ang pakikipaglaban ay hindi sa inyo kundi sa Dios. 16 Bukas, puntahan nʼyo sila. Makikita nʼyo sila na aahon sa ahunan ng Ziz, sa dulo ng kapatagan na papuntang disyerto ng Jeruel. 17 Hindi na kailangan na makipaglaban pa kayo. Maghanda lang kayo at magpakatatag, at masdan nʼyo ang katagumpayan na gagawin ng Panginoon para sa inyo. Kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem, huwag kayong matakot o manghina. Harapin nʼyo sila bukas at ang Panginoon ay sasama sa inyo.’ ” 18 Lumuhod si Jehoshafat at ang lahat ng taga-Juda at taga-Jerusalem sa pagsamba sa Panginoon. 19 Pagkatapos, tumayo ang ibang mga Levita mula sa mga pamilya nina Kohat at Kora at nagpuri sa Panginoon, ang Dios ng Israel, sa napakalakas na tinig.
20 Kinabukasan nang maagang-maaga pa, pumunta sina Jehoshafat sa disyerto ng Tekoa. Habang naglalakad sila, huminto si Jehoshafat at nagsabi, “Pakinggan nʼyo ako, kayong taga-Juda at taga-Jerusalem! Maniwala kayo sa Panginoon na inyong Dios, at maging matatag kayo. Maniwala kayo sa kanyang propeta, at magtatagumpay kayo.” 21 Pagkatapos niyang makipag-usap sa mga tao, pumili siya ng mga mang-aawit para mauna sa kanila at umawit sa Panginoon upang papurihan siya sa kanyang banal na presensya. Ito ang kanilang inaawit: “Pasalamatan ang Panginoon dahil ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.” 22 At nang nagsimula silang umawit ng mga papuri, pinaglaban-laban ng Panginoon ang mga Moabita, Ammonita at mga taga-Bundok ng Seir. 23 Nilusob ng mga Ammonita at Moabita ang mga sundalo ng mga taga-Bundok ng Seir at nilipol silang lahat. Pagkatapos nilang pumatay, sila naman ang nagpatayan. 24 Pagdating ng mga sundalo ng Juda sa mataas na bahagi ng disyerto, nakita nila ang mga bangkay ng mga kalaban nila na nakahandusay sa lupa. Wala kahit isang buhay. 25 Kaya pinuntahan ito ni Jehoshafat at ng mga tauhan niya, at sinamsam ang kanilang mga ari-arian. Marami ang kanilang nasamsam na mga gamit, mga damit,[n] at iba pang mahahalagang bagay na halos hindi na nila madala. Inabot sila ng tatlong araw sa pagsamsam dahil sa sobrang dami ng mga ari-arian. 26 Nang ikaapat na araw, nagtipon sila sa Lambak ng Beraca kung saan nagpuri sila sa Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit tinawag itong Lambak ng Beraca[o] hanggang ngayon.
27 Pagkatapos, bumalik sila sa Jerusalem na pinangunahan ni Jehoshafat. Masaya sila dahil pinagtagumpay sila ng Panginoon sa kanilang mga kalaban. 28 Pagdating nila sa Jerusalem, dumiretso sila sa templo ng Panginoon, na tumutugtog ng mga alpa, lira at mga trumpeta.
29 Nang marinig ng lahat ng kaharian kung paano nakipaglaban ang Panginoon sa mga kalaban ng Israel, natakot sila. 30 Kaya may kapayapaan ang kaharian ni Jehoshafat dahil binigyan siya ng kanyang Dios ng kapayapaan sa kanyang paligid.
Ang Katapusan ng Paghahari ni Jehoshafat(H)
31 Iyon ang paghahari ni Jehoshafat sa Juda. Siyaʼy 35 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 25 taon. Ang ina niya ay si Azuba na anak ni Silhi. 32 Sinunod niya ang pamumuhay ng ama niyang si Asa. Matuwid ang kanyang ginawa sa paningin ng Panginoon. 33 Pero hindi niya inalis ang mga sambahan sa matataas na lugar,[p] at ang mga tao ay hindi pa rin naging tapat sa pagsunod sa Dios ng kanilang ninuno.
34 Ang iba pang salaysay sa paghahari ni Jehoshafat, mula simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Mga Aklat ni Jehu na anak ni Hanani, na kasama sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
35 Pero sa mga huling bahagi ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, nakipag-alyansa siya kay Haring Ahazia ng Israel, na isang masamang tao. 36 Nagkasundo sila na magpagawa ng mga barko na pang-negosyo.[q] Ipinagawa nila ito sa piyer ng Ezion Geber. 37 Sinabi ni Eliezer na anak ni Dodavahu na taga-Maresha kay Jehoshafat, “Dahil kumampi ka kay Ahazia, gigibain ko ang ipinagawa ninyo.” Kaya nagiba ang barko at hindi ito nakapaglakbay.
21 Nang mamatay si Jehoshafat, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Jehoram ang pumalit sa kanya bilang hari. 2 Ang mga kapatid ni Jehoram ay sina Azaria, Jehiel, Zacarias, Azariahu, Micael, at Shefatia. Silang lahat ang anak ni Haring Jehoshafat ng Juda.[r] 3 Binigyan sila ni Jehoshafat ng maraming regalo na pilak at ginto, mahahalagang bagay at mga napapaderang lungsod sa Juda. Pero si Jehoram ang kanyang ipinalit bilang hari dahil siya ang panganay.
Ang Paghahari ni Jehoram sa Juda(I)
4 Nang matatag na ang paghahari ni Jehoram sa kaharian ng kanyang ama, ipinapatay niya ang lahat ng kanyang kapatid, pati ang ibang mga opisyal ng Juda.[s] 5 Si Jehoram ay 32 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng walong taon. 6 Sumunod siya sa pamumuhay ng mga hari ng Israel, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, dahil ang kanyang napangasawa ay anak ni Ahab. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. 7 Pero dahil sa kasunduan ng Panginoon kay David, hindi niya nilipol ang angkan ni David. Nangako siya kay David na hindi mawawalan si David ng angkan na maghahari magpakailanman.[t]
8 Nang panahon ng paghahari ni Jehoram, nagrebelde ang Edom sa Juda, at pumili sila ng sarili nilang hari. 9 Kaya pumunta si Jehoram at ang kanyang mga opisyal sa Edom dala ang lahat niyang karwahe. Pinalibutan siya at ang kumander ng kanyang mga mangangarwahe ng mga taga-Edom, pero kinagabihan sinalakay nila ang mga Edomita, at nakatakas sila. 10 Hanggang ngayon, nagrerebelde pa rin ang Edom sa Juda.
Sa panahon ding iyon, nagrebelde rin ang Libna sa Juda, dahil itinakwil ni Jehoram ang Panginoon, ang Dios ng kanyang mga ninuno. 11 Nagpatayo siya ng mga sambahan sa mga bulubundukin ng Juda na siyang dahilan ng pagsamba ng mga taga-Jerusalem at taga-Juda sa mga dios-diosan.
12 Pinadalhan ni Propeta Elias si Jehoram ng sulat na nagsasabi:
“Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng iyong ninunong si David: Hindi mo sinunod ang pamumuhay ng iyong amang si Jehoshafat o ng iyong lolo na si Asa na naging hari rin ng Juda. 13 Sa halip, sinunod mo ang pamumuhay ng mga hari ng Israel. Hinikayat mo ang mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem sa pagsamba sa mga dios-diosan gaya ng ginawa ni Ahab. Pinatay mo rin ang iyong sariling mga kapatid na mas mahusay pa sa iyo. 14 Kaya ngayon parurusahan ka ng Panginoon, ikaw at ang iyong mamamayan, mga anak, mga asawa at ang lahat ng iyong ari-arian. Matinding parusa ang ipapadala niya sa inyo. 15 Ikaw mismo ay magtitiis ng malubhang karamdaman sa tiyan, hanggang sa lumabas ang iyong bituka.”
16 Pagkatapos, pinalusob ng Panginoon laban kay Jehoram ang mga Filisteo at ang mga Arabo, na nakatira malapit sa Etiopia. 17 Nilusob nila ang Juda at sinakop, at sinamsam ang mga ari-arian sa palasyo ng hari, pati ang kanyang mga asawaʼt anak. Ang bunso lang niyang anak na si Ahazia[u] ang hindi nadala.
18 Pagkatapos noon, pinahirapan ng Panginoon si Jehoram ng karamdaman sa tiyan na walang kagalingan.
19 At pagkalipas ng dalawang taon, lumabas ang kanyang bituka dahil sa karamdaman, at namatay siya sa sobrang sakit. Hindi nagsindi ng apoy ang kanyang mamamayan sa pagpaparangal sa kanya, tulad ng kanilang ginawa sa kanyang mga ninuno. 20 Si Jehoram ay 32 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng walong taon. Nang mamatay siya, walang nagluksa sa kanya. Inilibing siya sa Lungsod ni David, pero hindi sa libingan ng mga hari.
Ang Paghahari ni Ahazia sa Juda(J)
22 Si Ahazia na bunsong anak ni Jehoram ang iniluklok ng mga mamamayan ng Jerusalem na kanilang hari. Sapagkat ang ibang mga anak ni Jehoram ay pinagpapatay ng mga tulisang Arabo na lumusob sa Juda. Kaya naghari sa Juda si Ahazia na anak ni Haring Jehoram. 2 Si Ahazia ay 22[v] taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng isang taon. Ang ina niya ay si Atalia na apo ni Omri.
3 Sumunod din si Ahazia sa pamumuhay ng sambahayan ni Ahab, dahil hinikayat siya ng kanyang ina sa paggawa ng kasamaan. 4 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, dahil pagkatapos mamatay ng kanyang ama, naging tagapayo niya ang mga miyembro ng sambahayan ni Ahab. 5 Sinunod niya ang payo nila na kumampi kay Joram na anak ni Haring Ahab ng Israel. Sumama siya kay Joram sa pakikipaglaban kay Haring Hazael ng Aram. Naglaban sila sa Ramot Gilead, at nasugatan si Joram.
6 Kaya umuwi siya sa lungsod ng Jezreel para magpagaling ng sugat niya. Habang naroon siya, dinalaw siya ni Haring Ahazia ng Juda.
7 Ang pagdalaw ni Ahazia kay Joram ay ginamit ng Dios para lipulin si Ahazia. Nang naroon si Ahazia sa Jezreel, tinulungan niya si Joram para makipaglaban kay Jehu na anak ni Nimsi. Si Jehu ang pinili ng Panginoon para lipulin ang sambahayan ni Ahab.
8 Habang nililipol ni Jehu ang sambahayan ni Ahab, nakita niya ang mga opisyal ng Juda at ang mga anak ng mga kamag-anak ni Ahazia na sumama kay Ahazia. At pinagpapatay niya sila. 9 Pagkatapos, hinanap ng mga tauhan ni Jehu si Ahazia, at nakita nila ito na nagtatago sa lungsod ng Samaria. Dinala siya kay Jehu at pinatay. Siyaʼy inilibing nila dahil sabi nila, “Apo siya ni Jehoshafat, ang taong dumulog sa Panginoon ng buong puso.”
Wala ni isang naiwan sa mga miyembro ng pamilya ni Ahazia ang may kakayahang maghari.
Si Atalia at si Joash(K)
10 Nang malaman ni Atalia na patay na ang anak niyang si Ahazia, nagpasya siyang patayin ang lahat ng miyembro ng pamilya ng hari ng Juda. 11 Pero iniligtas ni Jehosheba ang anak ni Ahazia na si Joash nang papatayin na ito at ang iba pang mga anak ng hari. Si Jehosheba[w] ay kapatid ni Ahazia at anak na babae ni Haring Jehoram, at asawa ng paring si Jehoyada. Itinago niya si Joash at ang kanyang yaya sa isang silid sa templo, kaya hindi siya napatay ni Atalia. 12 Sa loob ng anim na taon, nakatago sa templo ng Panginoon si Joash habang si Atalia ang namamahala sa kaharian at lupain.
23 Nang ikapitong taon, gumawa na ng hakbang si Jehoyada. Gumawa siya ng kasunduan sa limang kumander ng daan-daang sundalo. Silaʼy sina Azaria na anak ni Jehoram, Ishmael na anak ni Jehohanan, Azaria na anak ni Obed, Maaseya na anak ni Adaya at Elishafat na anak ni Zicri. 2 Umikot sila sa buong Juda para tipunin ang mga Levita at ang mga pinuno ng mga pamilya.
Pagdating ng mga tao sa Jerusalem, 3 pumunta sila sa templo at gumawa ng kasunduan kay Joash, na anak ng hari. Sinabi ni Jehoyada sa mga tao, “Ito na ang panahon na ang anak ng hari ay dapat maghari. Nangako ang Panginoon na palaging mayroon sa angkan ni David na maghahari.[x] 4 Ngayon, ito ang gagawin ninyo: Ang isa sa tatlong grupo ng pari at Levita, na nagbabantay sa Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa mga pintuan ng templo. 5 Ang pangalawa sa tatlong grupo nila ay magbabantay sa palasyo ng hari. At ang huli sa tatlong grupo ay magbabantay sa Pintuan ng Sur. Ang ibaʼy doon sa bakuran ng templo ng Panginoon. 6 Walang papasok sa templo ng Panginoon, maliban lang sa mga pari at mga Levita na naglilingkod sa oras na iyon. Pwede silang pumasok dahil itinalaga sila para sa gawaing ito. Pero ang ibaʼy kailangang sa labas lang magbabantay ayon sa utos ng Panginoon. 7 Dapat bantayang mabuti ng mga Levita ang hari, na nakahanda ang kanilang mga sandata, at susundan nila siya kahit saan siya magpunta. Ang sinumang papasok sa templo na hindi pari o Levita ay dapat patayin.”
8 Ginawa ng mga Levita at ng mga taga-Juda ang iniutos ng paring si Jehoyada. Tinipon ng mga kumander ang mga tauhan nila na nagbabantay sa Araw ng Pamamahinga, pati rin ang mga hindi nagbabantay sa araw na iyon. Hindi muna pinauwi ni Jehoyada ang mga Levita kahit tapos na ang kanilang takdang oras. 9 Pagkatapos, binigyan ni Jehoyada ang mga kumander ng mga sibat at ng malalaki at maliliit na pananggalang na pag-aari noon ni Haring David, na itinago sa templo ng Panginoon. 10 Pinapwesto niya ang mga armadong lalaki sa palibot ng templo at ng altar para protektahan ang hari.
11 Pagkatapos, pinalabas ni Jehoyada at ng kanyang mga anak si Joash na anak ng hari at kinoronahan. Binigyan siya ng kopya ng mga tuntunin tungkol sa pamamahala ng hari,[y] at idineklara siyang hari. Pinahiran siya ng langis para ipakita na siya na ang hari at sumigaw agad ang mga tao, “Mabuhay ang Hari!”
12 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga tao na tumatakbo at nagsisigawan para papurihan ang hari, pumunta siya sa kanila roon sa templo ng Panginoon. 13 At nakita niya roon ang bagong hari na nakatayo malapit sa haligi, sa may pintuan ng templo. Nasa tabi ng hari ang mga kumander at ang mga tagatrumpeta, at ang lahat ng tao roon ay nagsasaya at nagpapatunog ng mga trumpeta. Ang mga mang-aawit ay nangunguna sa pagpupuri sa Dios, na tumutugtog ng mga instrumento. Nang makita itong lahat ni Atalia, pinunit niya ang kanyang damit sa sama ng loob, at sumigaw, “Mga traydor! Mga traydor!”
14 Inutusan ni Jehoyada ang mga kumander ng mga sundalo, “Dalhin ninyo sa labas si Atalia at patayin ang sinumang magliligtas sa kanya. Huwag nʼyo siyang patayin dito sa loob ng templo ng Panginoon.” 15 Kaya dinakip nila siya at dinala sa labas ng pintuan na dinadaanan ng mga kabayong papunta sa palasyo, at doon siya pinatay.
Mga Pagbabagong Ginawa ni Jehoyada(L)
16 Pagkatapos, gumawa ng kasunduan sina Jehoyada, ang mga tao, at ang hari na magiging mamamayan sila ng Panginoon. 17 Pumunta agad ang lahat ng tao sa templo ni Baal at giniba ito. Dinurog nila ang mga altar at mga dios-diosan doon, at pinatay nila si Matan na pari ni Baal sa harapan ng mga altar.
18 Pagkatapos, ipinagkatiwala ni Jehoyada sa mga paring Levita ang pamamahala sa templo ng Panginoon gaya ng ginawa ni David noon. Maghahandog sila ng mga handog na sinusunog ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises, at magsasaya at aawit ayon sa iniutos ni David. 19 Nagpalagay din si Jehoyada ng mga guwardya ng pintuan ng templo ng Panginoon para walang makapasok na tao na itinuturing na marumi.
20 Pagkatapos, isinama niya ang mga kumander, ang mga kilalang tao, at ang lahat ng tao, at inihatid nila ang hari sa palasyo mula sa templo ng Panginoon. Doon sila dumaan sa Hilagang Pintuan. At naupo ang hari sa kanyang trono. 21 Nagdiwang ang mga tao, at naging mapayapa na ang lungsod matapos patayin si Atalia.
Ipinaayos ni Joash ang Templo(M)
24 Si Joash ay pitong taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 40 taon. Ang ina niya ay si Zibia na taga-Beersheba. 2 Matuwid ang ginawa ni Joash sa paningin ng Panginoon sa buong buhay ng paring si Jehoyada. 3 Pumili si Jehoyada ng dalawang asawa para sa kanya, at nagkaroon siya ng mga anak na lalaki at babae.
4 Pagkalipas ng ilang panahon, nagpasya si Joash na ipaayos ang templo. 5 Ipinatawag niya ang mga pari at mga Levita, at sinabi, “Pumunta kayo sa mga bayan ng Juda at kolektahin nʼyo ang mga buwis ng Israelita bawat taon, para maipaayos natin ang templo ng ating Dios.” Pero hindi agad sumunod ang mga Levita.
6 Kaya ipinatawag ni Haring Joash si Jehoyada, ang punong pari, at tinanong, “Bakit hindi mo kinolekta sa mga Levita ang buwis ng mga mamamayan ng Juda at ng Jerusalem? Hindi ba nag-utos si Moises sa mamamayan ng Israel na ibigay nila ito para sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan?”
7 Ang mga anak ng masamang babaeng si Atalia ay pumasok noon sa templo ng Dios at nanguha ng mga banal na kagamitan para gamitin sa pagsamba kay Baal. 8 Kaya nag-utos si Haring Joash na gumawa ng kahon na paglalagyan ng pera, at ilagay ito sa labas ng pintuan ng templo. 9 Pagkatapos, naglabas siya ng pabalita sa Juda at sa Jerusalem, na kailangang dalhin ng mga tao sa Panginoon ang kanilang buwis ayon sa iniutos ni Moises sa mamamayan ng Israel sa disyerto. 10 Masayang nagbigay ang lahat ng opisyal at tao. Inihulog nila ang kanilang pera sa kahon hanggang mapuno ito.
11 Kapag puno na ang kahon, dinadala ito ng mga Levita sa mga opisyal ng hari. Pagkatapos, binibilang ito ng kalihim ng hari at ang opisyal ng punong pari, at ibinabalik nila ang kahon sa pintuan ng templo. Ginagawa nila ito araw-araw hanggang sa dumami ang koleksyon. 12 Pagkatapos, ibinigay nina Haring Joash at Jehoyada ang pera sa mga tao na namamahala sa pag-aayos ng templo ng Panginoon. At kumuha sila ng mga karpintero at manggagawang mahusay sa bakal at tanso. 13 Napakasipag ng mga itinalaga sa mga trabaho, kaya naging mabilis ang paggawa. Naayos nila ang templo ng Dios ayon sa orihinal na disenyo at mas pinatatag pa ito. 14 Nang matapos ang trabaho, isinauli nila sa hari at kay Jehoyada ang sobrang pera at ginamit ito sa paggawa ng mga kagamitan sa templo ng Panginoon – ang mga ginagamit sa pagsamba, sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog, pati na ang mga mangkok at mga sisidlan na ginto at pilak. At habang nabubuhay si Jehoyada, nagpatuloy ang pag-aalay ng mga handog na sinusunog sa templo ng Panginoon.
15 Nabuhay si Jehoyada nang mahabang taon, at namatay siya sa edad na 130. 16 Inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lungsod ni David, dahil sa mabubuting ginawa niya sa Israel para sa Dios at sa kanyang templo.
17 Pero pagkatapos mamatay ni Jehoyada, pumunta ang mga opisyal ng Juda kay Haring Joash at hinimok siyang makinig sa kanila. 18 Nagpasya sila na pabayaan na lang ang templo ng Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, at sumamba sa posteng simbolo ng diosang si Ashera at sa iba pang mga dios-diosan. Dahil sa ginawa nila, nagalit ang Dios sa Juda at sa Jerusalem. 19 Nagpadala ang Panginoon ng mga propeta sa mga tao para pabalikin sila sa kanya, pero hindi sila nakinig.
20 Si Zacarias na anak ni Jehoyada na pari ay pinuspos ng Espiritu ng Dios. Tumayo siya sa harapan ng mga tao at nagsabi, “Ito ang sinabi ng Dios: Bakit hindi nʼyo sinusunod ang mga utos ng Panginoon? Hindi kayo uunlad kailanman. Dahil itinakwil nʼyo ang Panginoon, itatakwil din niya kayo.”
21 Nagplano ang mga opisyal na patayin si Zacarias. At sa utos ng hari, binato nila si Zacarias sa loob ng bakuran ng templo ng Panginoon, at namatay ito. 22 Kinalimutan ni Haring Joash ang kabutihang ipinakita sa kanya ni Jehoyada, na ama ni Zacarias. Sa halip, pinatay niya si Zacarias. Ito ang sinabi ni Zacarias nang naghihingalo na siya, “Sanaʼy pansinin ng Panginoon ang inyong ginawa, at singilin niya kayo.”
23 Nang simula ng bagong taon, nilusob ng mga sundalo ng Aram ang Juda. Natalo nila ang Juda at ang Jerusalem, at pinatay nila ang mga pinuno ng Juda. At dinala nila sa kanilang hari sa Damascus ang lahat ng kanilang nasamsam. 24 Kakaunti lang ang mga sundalo ng Aram na lumusob kung ihahambing sa mga sundalo ng Juda. Pero ipinatalo sa kanila ng Panginoon ang Juda, dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno. Kaya dumating ang parusang ito kay Joash.
25 Pag-alis ng mga taga-Aram, malubha ang mga sugat ni Joash. Pero nagplano ang kanyang mga opisyal na patayin siya dahil sa pagpatay niya sa anak ni Jehoyada na pari. Kaya pinatay nila siya sa kanyang higaan. Inilibing siya sa Lungsod ni David, pero hindi sa libingan ng mga hari.
26 Ang mga pumatay sa kanya ay sina Zabad na anak ng isang babaeng Ammonita na si Shimeat, at si Jehozabad na anak ng isang babaeng Moabita na si Shimrit. 27 Ang salaysay tungkol sa mga anak ni Joash, sa mga propesiya tungkol sa kanya, at sa pagpapaayos ng templo ng Dios ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari. At ang anak niyang si Amazia ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Amazia sa Juda(N)
25 Si Amazia ay 25 taong gulang nang siya ay naging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Jehoadin na taga-Jerusalem. 2 Matuwid ang ginawa ni Amazia sa paningin ng Panginoon, pero hindi lubos ang pagsunod niya sa Panginoon. 3 Nang matatag na ang paghahari ni Amazia, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari. 4 Pero hindi niya ipinapatay ang kanilang mga anak, dahil ayon sa nasusulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises, sinabi ng Panginoon, “Huwag papatayin ang mga magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, at ang mga anak ay hindi rin dapat patayin dahil sa kasalanan ng kanilang mga magulang. Papatayin lang ang tao dahil sa sarili niyang kasalanan.”
5 Tinipon ni Amazia ang kanyang mga sundalo na mula sa Juda at Benjamin. Binukod-bukod niya sila ayon sa kanilang pamilya at nilagyan ng mga kumander na mamamahala ng tig-100 at tig-1,000 sundalo. Pagkatapos, binilang niya ang kanyang mga sundalo na nasa 20 taong gulang pataas, at ang bilang ay 300,000. Silaʼy mahuhusay sa sibat at pananggalang. 6 Kumuha rin siya ng 100,000 sundalo mula sa Israel. Nagbayad siya ng 3,500 kilong pilak bilang upa sa mga sundalo.
7 Pero may isang lingkod ng Dios na pumunta kay Amazia at nagsabi, “Mahal na Hari, huwag po kayong kumuha ng mga sundalong mula sa Israel, dahil ang bayang iyon ay hindi pinapatnubayan ng Panginoon. Ang mga mamamayan ng Efraim ay hindi na tinutulungan ng Panginoon. 8 Kung pasasamahin nʼyo po sila sa labanan, matatalo kayo kahit makipaglaban pa kayo nang mabuti. Ang Dios lang ang makapagpapanalo o makapagpapatalo sa inyo.” 9 Sinabi ni Amazia sa lingkod ng Dios, “Pero paano ang ibinayad kong 3,500 kilong pilak?” Sumagot ang lingkod ng Dios, “Higit pa po riyan ang ibibigay ng Panginoon sa inyo.” 10 Kaya pinauwi ni Amazia ang mga sundalo na taga-Efraim. Umuwi sila na galit na galit sa Juda.
11 Buong tapang na lumusob si Amazia at pinangunahan niya ang kanyang mga sundalo sa pagpunta sa Lambak ng Asin, kung saan nakapatay sila ng 10,000 Edomita.[z] 12 Nakadakip pa sila ng 10,000 sundalo, at dinala nila ito sa isang bangin at doon inihulog, kaya nagkabali-bali ang buto ng mga ito.
13 Samantala, ang mga sundalong pinauwi ni Amazia at hindi pinasama sa labanan ay lumusob sa mga bayan ng Judea, mula sa Samaria hanggang sa Bet Horon. Nakapatay sila ng 3,000 tao, at maraming ari-arian ang kanilang sinamsam.
14 Pagbalik ni Amazia mula sa pagpatay sa mga Edomita, dinala niya ang mga dios-diosan ng mga Edomita. Ginawa niya itong sariling dios, sinamba, at pinag-alayan ng mga handog. 15 Kaya labis ang galit ng Panginoon kay Amazia. Nagpadala siya ng propeta kay Amazia para sabihin, “Bakit dumudulog ka sa mga dios-diosan na hindi nakapagligtas ng kanilang mga mamamayan sa iyong mga kamay?”
16 Habang nagsasalita ang propeta, sumagot ang hari, “Bakit mo ako pinapayuhan? Ginawa ba kitang tagapayo? Tumahimik ka, dahil kung hindi, ipapapatay kita!” Kaya tumahimik ang propeta pagkatapos niyang sabihin, “Tiyak na lilipulin ka ng Dios dahil sinamba mo ang mga dios-diosan at hindi ka nakinig sa akin.”
17 Matapos makipag-usap ni Haring Amazia sa kanyang mga tagapayo, nagpadala siya ng mensahe sa hari ng Israel na si Jehoash na anak ni Jehoahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya si Jehoash na maglaban sila. 18 Pero sinagot siya ni Haring Jehoash sa pamamagitan ng kwentong ito: “Doon sa Lebanon ay may halamang may tinik na nagpadala ng mensahe sa puno ng sedro: ‘Ipakasal mo ang iyong anak na babae sa aking anak na lalaki.’ Pero may dumaang hayop mula sa gubat at tinapak-tapakan ang halamang may tinik. 19 Amazia, totoong natalo mo ang Edom, at ipinagyabang mo ito. Pero mabuti pang huwag ka na lang makipaglaban sa amin, manatili ka na lang sa iyong lugar. Bakit gustong-gusto mo ng gulo na magdadala lang ng kapahamakan sa iyo at sa Juda?”
20 Pero hindi nakinig si Amazia, dahil kumikilos ang Dios para wasakin siya ni Jehoash dahil sa kanyang pagsamba sa mga dios ng Edom. 21 Kaya nilusob siya ni Haring Jehoash at ng mga sundalo nito. Naglaban sila sa Bet Shemesh na sakop ng Juda. 22 Natalo ng Israel ang Juda, at ang bawat sundalo ng Juda ay tumakas pauwi sa kanilang bahay. 23 Nadakip ni Haring Jehoash si Haring Amazia roon sa Bet Shemesh, at dinala niya siya sa Jerusalem. Pagkatapos, giniba ni Jehoash ang mga pader ng Jerusalem mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Sulok na Pintuan, na mga 600 talampakan ang haba. 24 Kinuha niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitan na nakita niya sa templo ng Dios na iniingatan noon ni Obed Edom. Kinuha rin niya ang mga kayamanan sa palasyo. Dinala niya ito at ang mga bihag pagbalik sa Samaria.
25 Nabuhay pa si Haring Amazia ng Juda ng 15 taon matapos mamatay si Haring Jehoash ng Israel. 26 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Amazia, mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at Israel.
27 Matapos tumalikod ni Amazia sa Panginoon, may mga taga-Jerusalem na nagplanong patayin siya. Kaya tumakas siya papunta sa bayan ng Lakish pero nagpadala sila ng tao para sundan siya roon at patayin. 28 Ikinarga sa kabayo ang bangkay niya pabalik sa Jerusalem at inilibing sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David.[aa]
Ang Paghahari ni Uzia sa Juda(O)
26 Ang ipinalit ng mga mamamayan ng Juda kay Amazia bilang hari ay ang anak nitong si Uzia[ab] na 16 na taong gulang. 2 Siya ang bumawi ng Elat[ac] at ang muling nagpatayo nito matapos mamatay ang ama niyang si Amazia. 3 Si Uzia ay 16 na taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 52 taon. Ang ina niya ay si Jecolia na taga-Jerusalem. 4 Matuwid ang ginawa ni Uzia sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ng ama niyang si Amazia. 5 Dumulog siya sa Dios nang panahon ni Zacarias, na siyang nagturo sa kanya sa paggalang sa Dios. Hanggaʼt dumudulog siya sa Panginoon, binibigyan siya nito ng katagumpayan.
6 Nakipaglaban siya sa mga Filisteo at winasak niya ang mga pader sa mga lungsod ng Gat, Jabne at Ashdod. Pagkatapos, nagpatayo siya ng bagong mga bayan malapit sa Ashdod at sa iba pang mga bayan ng Filisteo. 7 Tinulungan siya ng Dios sa kanyang pakikipaglaban sa mga Filisteo, Meuneo at sa mga Arabo na nakatira sa Gur Baal. 8 Nagbabayad ng buwis ang mga Ammonita sa kanya, at naging tanyag siya hanggang sa Egipto, dahil naging makapangyarihan siya.
9 Pinatatag pa ni Uzia ang Jerusalem sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga tore sa Sulok na Pintuan, sa Pintuan na Nakaharap sa Lambak, at sa likuan ng pader. 10 Nagpatayo rin siya ng mga tore sa ilang at nagpahukay ng mga balon na imbakan ng mga tubig, dahil marami ang kanyang mga hayop sa mga kaburulan sa kanluran at sa kapatagan. May mga tauhan siya na nag-aalaga sa kanyang bukirin at ubasan sa kabundukan at sa kapatagan, dahil mahilig siyang magtanim.
11 May mahuhusay na sundalo si Uzia na laging handa sa labanan. Silaʼy binuo nina Jeyel na kalihim at Maaseya na opisyal, sa ilalim ng pamamahala ni Hanania na isa sa mga opisyal ng hari. 12 Ang mga kumander ng matatapang na sundalo ay ang mga pinuno ng mga pamilya na 2,600 lahat. 13 Ang kabuuang bilang ng mga sundalo ay 307,500. Silaʼy mahuhusay sa labanan at handa sa pagtulong sa hari laban sa mga kaaway niya. 14 Binigyan sila ni Uzia ng mga pananggalang, sibat, helmet, kasuotang panangga ng katawan, pana at tirador. 15 Nagpagawa rin si Uzia sa mahuhusay na manggagawa ng makina para gamitin sa pamamana at sa paghahagis ng malalaking bato mula sa mga tore at sa mga sulok ng mga pader. Naging tanyag si Uzia kahit saan, dahil tinulungan siya ng Panginoon hanggang sa naging makapangyarihan siya.
16 Pero nang naging makapangyarihan siya, naging mayabang siya. At ito ang nagpabagsak sa kanya. Hindi siya sumunod sa Panginoon na kanyang Dios, dahil pumasok siya sa templo ng Panginoon at personal na nagsunog ng insenso sa altar. 17 Sinundan siya ni Azaria na punong pari at ng 80 pang matatapang na mga pari ng Panginoon, 18 at sinaway. Sinabi nila, “Uzia, hindi ka dapat magsunog ng insenso para sa Panginoon. Ang gawaing iyan ay para lang sa mga pari na mula sa angkan ni Aaron. Sila ang pinili ng Panginoon para magsunog ng insenso. Lumabas ka sa templo dahil hindi ka sumunod sa Panginoon. Hindi ka pagpapalain ng Panginoong Dios.”
19 Labis na nagalit si Uzia sa mga pari. At habang hawak niya ang sisidlan ng insenso sa may altar sa templo ng Panginoon, tinubuan ng malubhang sakit sa balat[ad] ang kanyang noo. 20 Nang makita ni Azaria at ng mga kasama niyang pari na tinubuan ng malubhang sakit sa balat ang noo ni Uzia, nagmadali silang ilabas ito. Hindi naman ito tumutol sapagkat naramdaman niyang siyaʼy pinarusahan ng Panginoon.
21 May malubhang sakit sa balat si Haring Uzia hanggang sa araw na namatay siya. Nakatira siya sa isang bukod na bahay, at hindi pinayagang makapasok sa templo. Si Jotam na anak niya ang siyang namahala sa palasyo at sa mga mamamayan ng Juda. 22 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Uzia, mula sa simula hanggang sa katapusan ay isinulat ni Propeta Isaias na anak ni Amoz. 23 Nang mamatay si Uzia, inilibing siya malapit sa libingan ng mga ninuno niyang hari. Hindi siya isinama sa kanila, dahil may malubhang sakit siya sa balat. At ang anak niyang si Jotam ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Jotam sa Juda(P)
27 Si Jotam ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Ang ina niya ay si Jerusha na anak ni Zadok. 2 Matuwid ang ginawa ni Jotam sa paningin ng Panginoon, gaya ng ama niyang si Uzia. At mas matuwid pa siya dahil hindi niya ginaya ang kasalanang ginawa ng kanyang ama sa pamamagitan ng labag na pagpasok sa templo ng Panginoon. Sa kabila ng mga kabutihang ginawa ni Jotam, patuloy pa rin ang mga tao sa masasama nilang gawain. 3 Si Jotam ang nagpatayo ng Hilagang Pintuan ng templo ng Panginoon, at nagpaayos ng pader sa bulubundukin ng Ofel. 4 Siya rin ang nagpatayo ng mga bayan sa bulubundukin ng Judea, at nagpatayo ng mga pader at mga tore sa mga kagubatan.
5 Nakipaglaban si Jotam sa mga Ammonita at sa kanilang hari, at tinalo niya sila. Sa taon ding iyon, nagbigay sa kanila ang mga Ammonita ng 3,500 kilo ng pilak, 30,000 sako ng trigo, at 30,000 sako ng sebada. Ginawa nila ito hanggang sa ikatlong taon.
6 Naging mas makapangyarihan pa si Jotam dahil matapat siyang sumunod sa Panginoon na kanyang Dios. 7 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jotam, pati ang lahat ng kanyang pakikipaglaban at mga ginawa ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel at Juda. 8 Si Jotam ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. 9 Nang mamatay si Jotam, inilibing siya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Ahaz ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Ahaz sa Juda(Q)
28 Si Ahaz ay 20 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon, hindi katulad ng ginawa ng kanyang ninuno na si David. 2 Sumunod siya sa pamumuhay ng mga hari ng Israel, at gumawa ng metal na mga imahen ni Baal. 3 Nagsunog siya ng mga handog sa Lambak ng Ben Hinom, at inihandog niya mismo sa apoy ang kanyang mga anak na lalaki. Sinunod niya ang kasuklam-suklam na mga kaugalian ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita. 4 Nag-alay siya ng mga handog at nagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar,[ae] sa ibabaw ng bundok at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy.
5 Kaya ibinigay siya ng Panginoon na kanyang Dios sa hari ng Aram. Tinalo siya ng mga Arameo at marami sa kanyang mamamayan ang binihag sa Damascus. Ibinigay din siya sa hari ng Israel, na pumatay ng marami sa kanyang mamamayan. 6 Sa isang araw lang 120,000 sundalo ng Juda ang pinatay ni Haring Peka ng Israel, na anak ni Remalia. Nangyari ito sa mga taga-Juda dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno. 7 Pinatay ni Zicri, na isang matapang na sundalo ng Israel,[af] sina Maaseya na anak ni Haring Ahaz, Azrikam na tagapamahala ng palasyo, at Elkana na pangalawa sa hari. 8 Binihag ng mga taga-Israel ang kanilang mga kadugo na taga-Juda – 200,000 asawaʼt mga anak. Sinamsam din nila ang mga ari-arian ng mga taga-Juda at dinala pauwi sa Samaria.
9 Pero nang dumating ang mga sundalo sa Samaria, sinalubong sila ni Oded na propeta ng Panginoon, at sinabi, “Ipinaubaya sa inyo ng Panginoon na inyong Dios ang Juda dahil sa kanyang galit sa kanila. Pero labis ang ginawa ninyo; pinagpapatay nʼyo sila nang walang awa, at nalaman ito ng Panginoon doon sa langit. 10 At ngayon, gusto pa ninyong alipinin ang mga lalaki at mga babae na mula sa Jerusalem at sa iba pang lungsod ng Juda. Hindi baʼt may kasalanan din kayo sa Panginoon na inyong Dios? 11 Makinig kayo sa akin! Galit na galit ang Panginoon sa inyo. Kaya pabalikin nʼyo ang inyong mga kadugo na inyong binihag.”
12 Ganito rin ang sinabi ng ibang mga pinuno ng Israel sa mga sundalo na dumating galing sa labanan. Ang mga pinuno ay sina Azaria na anak ni Jehohanan, Berekia na anak ni Meshilemot, Jehizkia na anak ni Shalum, at Amasa na anak ni Hadlai. 13 Ito ang sinabi nila sa mga sundalo: “Huwag nʼyong dalhin dito ang mga bihag na iyan, dahil pananagutan natin ito sa Panginoon. Dadagdagan nʼyo pa ba ang kasalanan natin? Marami na tayong kasalanan, at galit na galit na ang Panginoon sa Israel.”
14 Kaya pinakawalan ng mga sundalo ang mga bihag at isinauli ang kanilang ari-arian sa harapan ng mga pinuno at mga mamamayan. 15 Pagkatapos, lumapit sa mga bihag ang apat na pinuno na nabanggit, at tinulungan ang mga bihag. Kumuha sila ng mga damit mula sa mga kagamitang nasamsam ng mga sundalo, at ipinasuot ito sa mga hubad na bihag. Binigyan nila ang mga bihag ng mga damit, sandalyas, inumin, at gamot. Ipinasakay nila sa mga asno ang mga mahina, at dinala nila pabalik ang lahat ng bihag sa kani-kanilang mga kababayan. Doon nila sila iniwan sa Jerico, sa Bayan ng mga Palma. Pagkatapos, umuwi sila sa Samaria.
Humingi ng Tulong si Ahaz sa Asiria(R)
16 Nang panahong iyon, humingi ng tulong si Haring Ahaz sa hari ng Asiria. 17 Sapagkat muling nilusob ng mga taga-Edom ang Juda at binihag ang ibang mga naninirahan dito. 18 Bukod pa rito, nilusob din ng mga Filisteo ang mga bayan ng Juda na nasa kaburulan sa kanluran at nasa Negev. Naagaw nila ang Bet Shemesh, Ayalon, Gederot, Soco, Timnah at Gimzo, pati ang mga baryo sa paligid nito; at doon na sila nanirahan. 19 Ibinaba ng Panginoon ang Juda dahil hinikayat ni Haring Ahaz ang mga mamamayan sa paggawa ng kasamaan, at hindi siya sumunod sa Panginoon. 20 Kaya pagdating ni Haring Tiglat Pileser ng Asiria, ginipit niya si Ahaz sa halip na tulungan. 21 Nanguha si Ahaz ng mga ari-arian sa templo ng Panginoon, sa palasyo, at sa mga bahay ng mga opisyal, at ibinigay niya ito sa hari ng Asiria. Pero hindi ito nakatulong kay Ahaz.
22 Sa panahon ng mga kahirapan ni Haring Ahaz, lalo pa siyang naging suwail sa Panginoon. 23 Nag-alay siya ng mga handog sa mga dios ng mga taga-Damascus na tumalo sa kanya. Sapagkat sinabi niya, “Ang mga hari ng Aram ay tinulungan ng kanilang mga dios. Kaya maghahandog din ako sa mga dios na ito para tulungan din nila ako.” Pero ang mga ito ang nagpahamak sa kanya at sa mga taga-Israel.
24 Kinuha ni Ahaz ang mga kagamitan sa templo ng Dios at ipinadurog ito. Ipinasara niya ang pintuan ng templo, at nagpatayo siya ng mga altar sa bawat kanto ng Jerusalem. 25 Nagpatayo rin siya ng mga sambahan sa matataas na lugar sa lahat ng bayan sa Juda, para makapaghandog sa ibang mga dios. At labis itong nakapagpagalit sa Panginoon, ang Dios ng kanyang mga ninuno.
26 Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Ahaz at sa kanyang pag-uugali, mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at Israel. 27 Nang mamatay si Ahaz, inilibing siya sa lungsod ng Jerusalem, pero hindi sa libingan ng mga hari ng Israel. At ang anak niyang si Hezekia ang pumalit sa kanya bilang hari.
Footnotes
- 10:11 latigong … bakal: sa literal, alakdan. Ganito rin sa talatang 14.
- 11:15 sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
- 13:2 Maaca: o, Micaya.
- 14:3 sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
- 14:9 taga-Etiopia: sa Hebreo, taga-Cush.
- 15:17 sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
- 16:2 Aram: o, Syria.
- 16:14 Lungsod ni David: Jerusalem.
- 17:3 Baal: o, sa mga imahen ni Baal.
- 17:6 sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
- 18:1 Ahab: sa Hebreo, hari ng Israel. Ganito rin sa talatang 7-9,17,25,29.
- 20:1 Meuneo: Ito ay sa ibang teksto sa Griego. Sa Hebreo, Ammonita.
- 20:2 Edom: Ito ay makikita sa isa sa mga tekstong Hebreo. Karamihan, Aram.
- 20:25 mga damit: Ito ay sa ibang tekstong Hebreo. Pero karamihan sa ibang kopya, bangkay.
- 20:26 Beraca: Ang ibig sabihin, pagpuri.
- 20:33 sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
- 20:36 mga barko na pang-negosyo: sa Hebreo, mga barko na papuntang Tarshish.
- 21:2 Juda: sa Hebreo, Israel.
- 21:4 Juda: sa Hebreo, Israel.
- 21:7 Nangako … magpakailanman: sa literal, Nangako ang Panginoon na bibigyan niya si David at ang kanyang angkan ng ilaw magpakailanman.
- 21:17 Ahazia: o, Jehoahaz.
- 22:2 Ito ay sa ibang tekstong Septuagint at Syriac. Sa Hebreo, 42.
- 22:11 Jehosheba: o, Jehoshabet.
- 23:3 Nangako … maghahari: sa literal, ayon sa sinabi ng Panginoon tungkol sa angkan ni David. Tingnan sa talatang 7.
- 23:11 tuntunin … hari: o mga utos ng Dios.
- 25:11 Edomita: sa Hebreo, angkan ni Seir. Ganito rin sa talatang 14.
- 25:28 Lungsod ni David: sa ibang mga tekstong Hebreo, Lungsod ng Juda.
- 26:1 Uzia: o, Azaria.
- 26:2 Elat: o, Elot.
- 26:19 malubhang sakit sa balat: Sa ibang salin ng Biblia, ketong. Ang salitang Hebreo nito ay ginamit sa ibaʼt ibang klase ng sakit sa balat na itinuturing na marumi ayon sa Lev. 13.
- 28:4 sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
- 28:7 Israel: sa Hebreo, Efraim. Isa sa mga lahi sa Israel at kumakatawan sa buong kaharian ng Israel. Ganito rin sa talatang 12.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®