2 Cronica 3:1-5
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Nagpatayo si Solomon ng Templo sa Jerusalem
3 At sinimulan na ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon sa Jerusalem doon sa Bundok ng Moria, kung saan nagpakita ang Panginoon sa ama niyang si David. Doon niya ito ipinatayo sa giikan ni Arauna na Jebuseo, ang lugar na inihanda ni David. 2 Sinimulan niya itong ipatayo noong ikalawang araw ng ikalawang buwan, nang ikaapat na taon ng paghahari niya.
3 Ang pundasyon ng templo ng Dios ay may taas na 90 talampakan at lapad na 30 talampakan. 4 Ang balkonahe sa harapan ng templo ay 30 talampakan ang lapad, gaya ng lapad ng templo, at ang taas ay 30 talampakan din. Pinabalutan ni Solomon ang loob nito ng purong ginto.
5 Pinadingdingan niya ang bulwagan ng templo ng kahoy na sipres at pinabalutan ng purong ginto, at pinalamutian ng mga disenyo na palma at mga kadena. 6 Nilagyan din niya ang templo ng mga palamuti na mamahaling bato at ginto na galing pa sa Parvaim. 7 Pinabalutan niya ng ginto ang mga biga, hamba ng pintuan, mga dingding at mga pintuan. At pinaukitan niya ng kerubin ang mga dingding.
8 Ang Pinakabanal na Lugar ay may lapad na 30 talampakan at may haba na 30 talampakan din, na gaya ng lapad ng templo. Ang loob nitoʼy binalutan ng mga 21 toneladang ginto. 9 Ang mga pako ay ginto na may timbang na kalahating kilo. Ang mga dingding sa itaas na bahagi ay binalutan din ng ginto.
10 Nagpagawa si Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar ng dalawang kerubin at pinabalutan ito ng ginto. 11-13 Ang bawat kerubin ay may dalawang pakpak, at ang bawat pakpak ay may habang pitoʼt kalahating talampakan. Kaya ang kabuuang haba ng nakalukob na mga pakpak ng dalawang kerubin ay 30 talampakan. Ang kabilang dulo ng kanilang pakpak ay nagpapang-abot, at ang kabilang pakpak nito ay nakadikit sa dingding. 14 Ang kurtina na nakatakip sa Pinakabanal na Lugar ay gawa mula sa pinong telang linen na asul, kulay ube at pula, na may burdang kerubin.
Ang Dalawang Haligi(A)
15 Gumawa rin si Solomon ng dalawang haligi sa harapan ng templo na ang taas ng bawat isa ay 52 talampakan. Ang bawat haligi ay may hugis-ulo na ang taas ay pitoʼt kalahating talampakan. 16 Ang bawat hugis-ulo ng haligi ay nilagyan ng mga kadena na may nakasabit na mga palamuting ang korte ay parang prutas na pomegranata. Ang mga palamuting ito ay 100 piraso. 17 Ipinatayo niya ang mga haligi sa harapan ng templo. Ang isaʼy sa gawing timog at ang isaʼy sa gawing hilaga. Ang haligi sa gawing timog ay tinawag niyang Jakin at ang haligi sa gawing hilaga ay tinawag niyang Boaz.
Ang Kagamitan ng Templo(B)
4 Nagpagawa rin si Solomon ng tansong altar na 30 talampakan ang haba, 30 talampakan ang lapad at 15 talampakan ang taas. 2 Nagpagawa rin siya ng malaking lalagyan ng tubig na parang kawa, na tinatawag na Dagat. Ang lalim nito ay pitoʼt kalahating talampakan, ang luwang ay 15 talampakan, at ang sukat sa paligid ay 45 talampakan. 3 Napapalibutan ito ng dalawang hanay ng palamuting hugis toro sa ilalim ng bibig nito. Ang mga palamuti ay kasama na nang gawin ito. 4 Nakapatong ang sisidlan sa likod ng 12 tansong toro na magkakatalikod. Ang tatlong toro ay nakaharap sa gawing hilaga, ang tatlo ay sa kanluran, ang tatlo ay sa timog, at ang tatlo ay sa gawing silangan. 5 Ang kapal ng sisidlan ay mga tatlong pulgada, at ang ilalim nito ay parang bibig ng tasa na nakakurba palabas katulad ng namumukadkad na bulaklak ng liryo. At maaari itong malagyan ng 17,500 galong tubig. 6 Nagpagawa rin siya ng sampung planggana para paghugasan ng mga kagamitan sa mga handog na sinusunog. Inilagay ang lima sa gawing timog at ang lima ay sa gawing hilaga. Pero ang tubig sa lalagyan na tinatawag na Dagat ay ginagamit ng mga pari na panghugas. 7 Nagpagawa rin siya ng sampung lalagyan ng ilaw na ginto ayon sa plano, at inilagay sa templo, lima sa gawing hilaga at lima sa gawing timog. 8 Nagpagawa siya ng 10 mesa at inilagay sa templo, lima sa gawing timog at lima sa gawing hilaga. Nagpagawa rin siya ng 100 gintong mangkok na ginagamit sa pangwisik.
9 Nagpagawa rin siya ng bakuran ng mga pari at maluwang na bakuran sa labas. Pinagawan niya ng mga pintuan ang mga daanan papasok sa bakuran ng templo at pinabalutan niya ng tanso. 10 Inilagay niya ang sisidlan ng tubig na tinatawag na Dagat sa gawing timog-silangan ng templo. 11 Nagpagawa rin siya ng mga palayok, mga pala, at mga mangkok na ginagamit sa pangwisik.
Natapos ni Huram ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Solomon para sa templo ng Dios. Ito ang kanyang mga ginawa:
12 ang dalawang haligi;
ang dalawang parang mangkok na ulo ng mga haligi;
ang dalawang magkadugtong na mga kadenang palamuti sa ulo ng mga haligi;
13 ang 400 palamuti na ang hugis ay parang prutas na pomegranata (nakakabit ang dalawang hilera nito sa bawat magkadugtong na mga kadenang nakapaikot sa ulo ng mga haligi);
14 ang mga kariton at mga planggana;
15 ang lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat at ang 12 tansong toro sa ilalim nito;
16 ang mga palayok, mga pala, malalaking tinidor para sa karne, at ang iba pang kagamitan.
Ang lahat ng bagay na ipinagawa ni Haring Solomon kay Huram na para sa templo ng Panginoon ay gawa lahat sa pinakintab na tanso. 17 Ipinagawa ang mga ito ni Haring Solomon sa pamamagitan ng hulmahan na nasa kapatagan ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zaretan. 18 Napakaraming tanso na ginamit ni Solomon kaya hindi na kayang alamin ang eksaktong timbang nito.
19 Nagpagawa rin si Solomon ng mga kagamitang ito para sa templo ng Dios:
ang gintong altar,
ang mga gintong mesa na pinaglalagyan ng tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios,
20 ang mga patungan ng ilaw na purong ginto at ang mga lampara nito na pinapailaw sa harapan ng Pinakabanal na Lugar ayon sa tuntunin tungkol dito,
21 ang palamuting bulaklak, ang mga ilawan at ang mga pang-ipit, na puro ginto lahat;
22 ang mga panggupit ng mitsa ng ilaw, mga mangkok na ginagamit sa pangwisik, mga sandok at mga sisidlan ng insenso na puro ginto rin lahat;
ang mga pintuan ng templo at ang mga pintuan papasok sa Pinakabanal na Lugar, na nababalutan ng ginto.
5 Nang matapos na ni Solomon ang lahat ng gawain para sa templo ng Panginoon, dinala niya sa bodega ng templo ang lahat ng bagay na itinalaga ng ama niyang si David pati na ang ginto, pilak at iba pang kagamitan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®