2 Cronica 26-30
Magandang Balita Biblia
Si Haring Uzias ng Juda(A)
26 Ginawang hari ng buong Juda si Uzias sa gulang na labing-anim bilang kahalili ng namatay niyang amang si Amazias. 2 Sa panahon ng kanyang paghahari, nabawi niya ang lunsod ng Elat at muli itong itinatag para sa Juda.
3 Labing-anim na taóng gulang si Uzias nang maging hari at limampu't dalawang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya'y si Jecolias na taga-Jerusalem. 4 Si Uzias ay naging kalugud-lugod kay Yahweh tulad ni Amazias. 5 Habang nabubuhay si Zacarias, na nagturo sa kanya na matakot sa Diyos, naglingkod siya nang tapat kay Yahweh, at pinagpapala siya ng Diyos.
6 Sinalakay ni Uzias ang mga Filisteo at winasak ang mga kuta sa Gat, Jabne at Asdod. Nagtayo siya ng mga lunsod sa nasasakupan ng Asdod at ng mga Filisteo. 7 Tinulungan siya ng Diyos laban sa mga Filisteo at mga Arabo na naninirahan sa Gurbaal at laban sa mga Meunita. 8 Nagbabayad sa kanya ng buwis ang mga Ammonita at nakilala siya hanggang sa Egipto dahil sa kanyang kapangyarihan. 9 Nagtayo rin siya ng mga kuta sa Jerusalem: isa sa may Pintuan sa Sulok, isa sa Pintuan sa Libis at isa sa Panulukan ng Zion at ng Ofel. 10 Nagpagawa rin siya ng mga toreng bantayan sa ilang at nagpahukay ng maraming mga balon para sa kanyang mga kawan sa mga paanan ng burol at sa kapatagan. Palibhasa'y mahilig siya sa pagbubukid, kumuha siya ng mga magsasaka sa kanyang bukirin at mga tagapag-alaga ng ubasan sa kapatagan at kaburulan.
11 Si Uzias ay mayroon ding hukbo ng mga kawal na handa sa labanan. Nasa ilalim ito ng pamamahala ni Hananias. Nahahati ito sa maraming pangkat ayon sa listahang ginawa ni Jeiel na kalihim at ng tagapagtalang si Maasias. 12 May 2,600 pinuno ng sambahayan ang namamahala sa kanyang hukbo. 13 Binubuo ito ng may 300,750, magigiting na mandirigma na laging handang lumaban at magtanggol sa hari. 14 Silang lahat ay binigyan ni Uzias ng iba't ibang sandata tulad ng panangga, sibat, helmet, pana at tirador. 15 Sa mga tore at mga panulukan ng Jerusalem, naglagay siya ng mga kasangkapang ginawa ng mahuhusay na panday upang ipanghagis ng sibat at ng malalaking bato. Naging tanyag si Uzias at naging makapangyarihan dahil sa tulong na nagmumula sa Diyos.
Pinarusahan si Uzias Dahil sa Kapalaluan
16 Subalit nang maging makapangyarihan si Uzias, naging palalo siya na siyang dahilan ng kanyang pagbagsak. Nilapastangan niya ang Diyos niyang si Yahweh nang pumasok siya sa Templo upang maghandog sa altar na sunugan ng insenso. 17 Sinundan siya ng paring si Azarias, kasama ang walumpung matatapang na pari ni Yahweh. 18 Nang(B) makita siya ay sinabi nila, “Haring Uzias, wala po kayong karapatang magsunog ng insenso para kay Yahweh. Tanging ang mga paring mula sa angkan ni Aaron lamang ang inatasan ng Diyos sa katungkulang ito. Lumabas na kayo rito sa banal na dako. Nagkakasala kayo sa ginagawa ninyong iyan. Hindi sinasang-ayunan ng Panginoong Yahweh ang ginagawa ninyo.”
19 Nagalit si Haring Uzias sa mga pari. Siya ay nakatayo noon sa tabi ng altar na sunugan ng insenso. Ngunit nang sandaling iyon ay nagkaroon siya ng sakit sa balat na parang ketong sa noo. 20 Nang makita ni Azarias at ng mga pari ang nangyari kay Uzias, pinalabas nila ito agad. Hindi naman ito tumutol sapagkat naramdaman niyang siya'y pinarusahan na ni Yahweh.
21 Hindi na gumaling ang sakit sa balat ni Haring Uzias hanggang sa siya'y mamatay. Ibinukod siya ng tahanan, inalisan ng lahat ng katungkulan at pinagbawalang pumasok sa Templo ni Yahweh. Ang anak niyang si Jotam ang namahala sa palasyo at sa buong lupain.
22 Ang iba pang mga ginawa ni Uzias mula sa simula hanggang katapusan ay itinala ni Isaias na anak ni Amoz. 23 Nang(C) ito'y mamatay, inilibing lamang siya sa puntod na malapit sa libingan ng mga hari, sapagkat siya'y nagkaroon ng sakit sa balat na parang ketong. Ang anak niyang si Jotam ang humalili sa kanya bilang hari.
Si Haring Jotam ng Juda(D)
27 Si Jotam ay dalawampu't limang taóng gulang nang maging hari at labing-anim na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Jerusa na anak ni Zadok. 2 Tulad ng kanyang amang si Uzias, ang mga ginawa niya'y naging kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh ngunit hindi niya ito tinularan sa pagpasok sa Templo upang magsunog ng insenso roon. Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin sa pagkakasala ang sambayanan. 3 Ipinagawa ni Jotam ang Hilagang Pintuan ng Templo at pinatibay ang pader ng Jerusalem sa gawing Ofel. 4 Nagtayo siya ng mga lunsod sa kaburulan ng Juda. Gumawa rin siya ng mga kuta at bantayan sa kakahuyan. 5 Nakipaglaban siya at nagtagumpay sa hari ng mga Ammonita. Nang taóng iyon ay nagbayad sa kanya ang mga Ammonita ng 3,500 kilong pilak, trigo na nakalagay sa 10,000 malalaking sisidlan[a] at sebada na nakalagay sa 10,000 malalaking sisidlan. Gayundin ang ibinayad sa kanya nang ikalawa at ikatlong taon. 6 Dahil sa kanyang pananatiling tapat sa Diyos niyang si Yahweh, lumaki ang kapangyarihan ni Jotam. 7 Ang ibang mga ginawa ni Jotam sa panahon ng kanyang paghahari, pati ang lahat niyang pakikipaglaban at ginawa sa panahon ng kapayapaan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel at Juda. 8 Dalawampu't limang taóng gulang siya nang maging hari at labing-anim na taon siyang naghari sa Jerusalem. 9 Namatay siya at inilibing sa Lunsod ni David. Ang anak niyang si Ahaz ang humalili sa kanya bilang hari.
Si Haring Ahaz ng Juda(E)
28 Dalawampung taóng gulang naman si Ahaz nang magsimulang maghari at naghari siya ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Hindi siya tumulad sa mga ginawa ng kanyang ninunong si David at dahil dito'y hindi siya naging kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh. 2 Sa halip, ang sinundan niya'y ang mga halimbawa ng mga hari ng Israel. Nagpagawa siya ng mga metal na rebulto ni Baal. 3 Nagsunog siya ng insenso at nag-alay ng mga handog na susunugin sa Libis ng Ben Hinom. Inihandog din niya ang kanyang mga anak na lalaki at sinunog doon tulad ng mga karumal-dumal na kaugalian ng mga bansang pinalayas ni Yahweh nang dumating ang Israel sa lupain. 4 Naghandog siya at nagsunog ng insenso sa mga dambanang pagano, sa mga burol at sa bawat lilim ng mga punongkahoy.
Digmaan Laban sa Siria at Israel(F)
5 Dahil(G) dito, ipinatalo siya ni Yahweh na kanyang Diyos sa hari ng Siria. Maraming mamamayan ng Juda ang binihag nito at dinala sa Damasco. Nilusob din siya ng hari ng Israel at halos naubos ang kanyang hukbo. 6 Sa loob lamang ng isang araw ay may 120,000 kawal ng Juda ang napatay ng mga Israelita sa pamumuno ni Haring Peka na anak ni Remalias. Nangyari sa kanila iyon sapagkat itinakwil nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. 7 Pati ang prinsipeng si Maasias, si Azrikam na tagapamahala ng palasyo at si Elkana na kanang kamay ng hari ay napatay ni Zicri, isang mandirigmang taga-Efraim. 8 Bagama't kamag-anak ng mga taga-Israel ang mga taga-Juda, 200,000 kababaihan at mga batang babae at lalaki ng Juda ang binihag nila at dinala sa Samaria. Marami rin silang sinamsam na kayamanan.
Si Propeta Oded
9 Si Oded, isang propeta ni Yahweh, ay nasa Samaria noon. Sinalubong niya ang bumabalik na hukbo at kanyang sinabi, “Nagtagumpay kayo laban sa Juda sapagkat galit sa kanila si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Ngunit pinuksa ninyo sila dahil sa abot hanggang langit na ang galit ninyo sa kanila. 10 Gusto pa ninyo ngayong alipinin ang mga lalaki at babaing taga-Juda at Jerusalem. Hindi ba ninyo alam na kayo'y nagkakasala rin sa Diyos ninyong si Yahweh? 11 Makinig kayo sa akin. Mga kamag-anak ninyo ang mga bihag ninyong ito. Pauwiin na ninyo sila, kung hindi'y paparusahan kayo ni Yahweh dahil galit siya sa inyo.”
12 Nang sandaling iyon, may dumating ding ilang pinuno ng Efraim: sina Azarias na anak ni Johanan, Berequias na anak ni Mesillemot, Jehizkias na anak ni Sallum at Amasa na anak naman ni Hadlai. 13 Tumutol din sila sa ginawa ng Israel at nagsabi, “Huwag ninyong ipapasok sa ating bansa ang mga bihag na iyan. Lalo tayong magkakasala at ito'y pananagutan natin sa harapan ni Yahweh. Marami na tayong kasalanan at lalong magagalit ang Diyos sa Israel.” 14 Kaya't iniwan ng mga kawal ang mga bihag at ang mga nasamsam sa pangangalaga ng mga pinuno at ng mga taong-bayan. 15 Kumilos naman agad ang mga nabanggit na lalaki upang tulungan ang mga bihag. Ang mga bihag na wala na halos damit ay kanilang binihisan mula sa mga kasuotang nasamsam. Binigyan din nila ang mga ito ng mga sapin sa paa. Pinakain nila't pinainom ang mga bihag at ginamot ang mga sugatan. Ang mahihina nama'y isinakay nila sa mga asno at inihatid sa kanilang mga kasamahang nasa Jerico, ang lunsod ng mga palma. Pagkatapos ay bumalik na ang mga pinuno sa Samaria.
Si Ahaz ay Humingi ng Saklolo sa Asiria(H)
16 Nang panahong iyo'y humingi ng tulong si Haring Ahaz sa hari ng Asiria. 17 Ginawa niya ito sapagkat sumalakay na naman ang mga taga-Edom at natalo ang Juda. Marami na namang nabihag sa kanila. 18 Sinalakay din ng mga Filisteo ang mga bayan sa mga paanan ng mga burol sa kanluran at ang mga bayan sa katimugan ng Juda. Nakuha rin nila ang Beth-semes, Aijalon, Gederot, Soco, Timna at Gimzo pati ang mga nayong sakop ng mga lugar na ito, at sila ang tumira doon. 19 Pinarusahan ni Yahweh ang Juda dahil sa kasamaang ginawa dito ni Ahaz na hari ng Juda at dahil sa kataksilan nito sa kanya. 20 Sa halip na tumulong, kinalaban at ginulo pa ni Tiglat-pileser na hari ng Asiria si Ahaz. 21 Kaya't kinuha ni Haring Ahaz ang mga kayamanan sa Templo at sa palasyo ng hari, sa bahay ng mga opisyal, at ibinigay sa hari ng Asiria. Ngunit hindi rin nakatulong sa kanya ang ginawa niyang ito.
Ang mga Kasalanan ni Ahaz
22 Lalong nagkasala laban kay Yahweh si Haring Ahaz sa panahon ng kanyang kagipitan. 23 Naghandog siya sa mga diyus-diyosan sa Damasco, ang bansang tumalo sa kanya. Sinabi ni Ahaz, “Ang mga diyos ng mga hari sa Siria ang tumulong sa kanila, kaya doon ako maghahandog upang ako'y tulungan din.” Ito ang nagpabagsak sa kanya at sa bayang Israel. 24 Ang lahat ng kagamitan sa Templo ay sinira ni Ahaz. Ipinasara niya ang Templo at nagpatayo ng mga altar sa lahat ng sulok ng Jerusalem. 25 Gumawa siya sa bawat lunsod ng Juda ng mga burol na sunugan ng insenso para sa mga diyos ng ibang bansa. Dahil dito'y lalong nagalit sa kanya si Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.
26 Ang lahat ng nangyari sa pamamahala ni Ahaz at ang kanyang mga ginawa mula sa pasimula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda at Israel. 27 Namatay(I) siya at inilibing sa Jerusalem ngunit hindi isinama sa libingan ng mga hari ng Juda. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Ezequias.
Si Haring Ezequias ng Juda(J)
29 Si Ezequias ay dalawampu't limang taóng gulang nang maging hari at dalawampu't siyam na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Abija na anak ni Zacarias. 2 Katulad ng kanyang ninunong si David, gumawa siya ng kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh.
Ipinalinis ang Templo
3 Sa unang buwan ng unang taon ng paghahari ni Ezequias, pinabuksan niya ang mga pintuan ng Templo at ipinaayos ito. 4 Tinipon niya ang mga pari at mga Levita sa bulwagan sa gawing silangan ng Templo. 5 Sinabi niya: “Makinig kayo, mga Levita. Italaga ninyo ngayon ang inyong sarili at ang Templo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Alisin ninyo ang mga karumal-dumal na bagay sa dakong banal. 6 Nagkasala ang ating mga magulang. Hindi sila naging tapat kay Yahweh na ating Diyos. Kanilang tinalikuran siya at ang kanyang Templo. 7 Isinara nila ang mga pintuan sa portiko. Hindi nila sinindihan ang mga ilawan at hindi na nagsunog ng insenso. Hindi na rin sila nagdala ng handog na susunugin sa dakong banal ng Diyos ng Israel. 8 Kaya nagalit si Yahweh sa Juda at sa Jerusalem at ginawa niyang kahiya-hiya at kakila-kilabot ang kanilang sinapit gaya ng inyong nakikita. 9 Kaya naman napatay sa digmaan ang ating mga magulang at nabihag ng mga kaaway ang ating mga anak at mga asawa. 10 Napagpasyahan kong manumpa tayo kay Yahweh, ang Diyos ng Israel, upang mapawi ang galit niya sa atin. 11 Mga anak, huwag na kayong mag-aksaya ng panahon. Kayo ang pinili ni Yahweh na mag-alay ng handog at magsunog ng insenso at manguna sa pagsamba sa kanya.”
12 Inihanda ng mga Levita ang kanilang sarili. Sa angkan ni Kohat: si Mahat na anak ni Amasai at si Joel na anak ni Azarias. Sa angkan ni Merari: si Kish na anak ni Abdi at si Azarias na anak ni Jehalelel. Sa angkan ni Gershon: si Joah na anak ni Zimma at si Eden na anak naman ni Joah. 13 Sa angkan naman ni Elizafan: si Simri na anak ni Jeiel. Sa angkan ni Asaf: sina Zacarias at Matanias. 14 Sa angkan ni Heman: sina Jehiel at Simei. Sa angkan ni Jeduthun: sina Semaias at Uziel.
15 Tinipon ng mga ito ang kanilang mga kapwa Levita at nilinis ang kanilang sarili ayon sa Kautusan. Gaya ng utos sa kanila ng hari, pumasok sila at nilinis ang Templo ayon sa Kautusan ni Yahweh. 16 Pumasok naman sa loob ng Templo ang mga pari at inilabas ang maruruming bagay sa bulwagan ng Templo ni Yahweh. Kinuha naman ito ng mga Levita at dinala sa Libis ng Kidron. 17 Sinimulan nila ang gawain ng paglilinis noong unang araw ng unang buwan at ikawalong araw nang umabot sila sa portiko. Walong araw pa nilang nilinis ang Templo ni Yahweh at natapos nila ito sa ikalabing-anim na araw ng buwan ding iyon.
Muling Itinalaga ang Templo
18 Pagkatapos, pumunta ang mga Levita kay Haring Ezequias at sinabi dito, “Nalinis na po namin ang Templo ni Yahweh, ang altar na pinagsusunugan ng mga handog at ang lahat ng kagamitan doon, pati ang hapag ng mga tinapay na handog at ang mga kagamitan doon. 19 Ang mga kasangkapan namang inalis ni Haring Ahaz nang tumalikod siya sa Diyos ay ibinalik namin at muling inilaan para sa Diyos. Nakalagay na po ang lahat ng ito sa harap ng altar ni Yahweh.”
20 Maagang bumangon si Haring Ezequias at tinipon niya ang mga pinuno ng lunsod. Magkakasama silang pumunta sa Templo ni Yahweh. 21 May dala silang pitong toro, pitong lalaking tupa, pitong kordero at pitong lalaking kambing na handog pangkasalanan para sa kaharian, sa Templo at sa Juda. Iniutos ng hari sa mga paring mula sa angkan ni Aaron na ihandog ang mga ito sa altar ni Yahweh. 22 Kaya't pinatay ng mga pari ang mga toro at ang dugo nito'y iwinisik nila sa altar. Gayundin ang ginawa sa mga lalaking tupa at kordero. 23 Ngunit ang mga lalaking kambing na handog pangkasalanan ay dinala sa harapan ng hari at ng kapulungan. Ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga hayop na ito. 24 Pagkatapos, pinatay ng mga pari ang mga kambing at ang dugo ng mga ito'y dinala nila sa altar at inihandog bilang pambayad sa kasalanan ng buong Israel, sapagkat iniutos ng hari na ialay para sa buong Israel ang handog na susunugin at ang handog pangkasalanan.
25 Naglagay din siya ng manunugtog sa Templo ni Yahweh: mga Levitang tutugtog ng mga pompiyang, lira at alpa. Ito ang utos ni David, ni Gad na propeta ng hari at ni propeta Natan, ayon sa utos ni Yahweh na ibinigay sa pamamagitan ng kanyang mga propeta. 26 Nakatayo doon ang mga Levita na may hawak na mga panugtog na ginamit ni David at ang mga pari naman ang may hawak ng mga trumpeta. 27 Iniutos ni Ezequias na ialay sa altar ang handog na susunugin. Kasabay ng paghahandog, inawit ang papuri kay Yahweh sa saliw ng trumpeta at mga instrumento ni David. 28 Ang buong kapulungan ay sumamba, umawit ang mga mang-aawit at hinipan ang mga trumpeta hanggang sa matapos ang pagsusunog ng mga handog. 29 Pagkatapos, ang hari naman at ang kanyang mga kasama ang nagpatirapa at sumamba sa Diyos. 30 Iniutos ni Haring Ezequias at ng mga pinunong kasama niya sa mga Levita na awitin para kay Yahweh ang mga awit at papuring likha ni Haring David at ng propeta niyang si Asaf. Buong galak silang umawit ng papuri, nagpatirapa at sumamba sa Diyos.
31 Sinabi ni Ezequias sa mga tao, “Nalinis na ninyo ngayon ang inyong mga sarili para kay Yahweh. Lumapit na kayo at dalhin sa Templo ang inyong mga handog ng pasasalamat kay Yahweh.” Nagdala nga ang buong kapulungan ng mga handog ng pasasalamat at ang iba nama'y kusang-loob na nagdala ng mga handog na susunugin. 32 Ang mga handog na susunugin para kay Yahweh ay umabot sa pitumpung toro, sandaang lalaking tupa at dalawandaang kordero. 33 Ang inialay na mga handog ay umabot sa 600 toro at 3,000 tupa. 34 Ngunit iilan lamang ang mga pari at hindi nila kayang gawin lahat ang pag-aalay sa mga handog na susunugin. Kaya tinulungan sila ng mga Levita. Dahil dito, nagkaroon ng pagkakataong makapaglinis ng sarili ang ibang pari. Sapagkat naging mas masigasig sa paglilinis ng sarili ang mga Levita kaysa mga pari. 35 Bukod sa mga handog na susunugin, marami rin ang taba ng mga handog na pagkaing butil at inumin. Sa ganitong paraan, naibalik ang dating pagsamba sa Templo ni Yahweh. 36 Tuwang-tuwa si Haring Ezequias at ang buong bayan sa ginawa ng Diyos para sa kanila sapagkat hindi nila akalaing ito'y matatapos agad.
Ang Paghahanda para sa Paskwa
30 Inanyayahan ni Ezequias ang buong Israel at Juda upang idaos sa Jerusalem ang Paskwa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Pinadalhan din niya ng sulat ang mga taga-Efraim at Manases. 2 Pinag-usapan(K) ng hari, ng mga pinuno at ng buong kapulungan na idaos ang Paskwa sa ikalawang buwan. 3 Hindi ito naidaos sa takdang panahon sapagkat maraming pari ang hindi pa nakakapaglinis ng sarili ayon sa Kautusan at kaunti lamang ang taong natipon noon sa Jerusalem. 4 Nagkaisa ang hari at ang buong kapulungan sa ganoong panukala. 5 Kaya't ibinalita nila sa buong Israel mula Beer-seba hanggang Dan na kailangang dumalo ang lahat sa Jerusalem upang idaos ang paskwa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Ayon sa ulat, ito ang pagtitipong dinaluhan ng pinakamaraming tao. 6 Ganito ang nakasaad sa paanyaya na ipinadala ng hari at ng mga pinuno: “Mga taga-Israel, magbalik-loob kayo kay Yahweh, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Israel upang kalingain niyang muli ang mga nakaligtas sa inyo na di nabihag ng mga hari ng Asiria. 7 Huwag ninyong tularan ang ugali ng inyong mga ninuno at mga kababayan na nagtaksil sa Panginoong Yahweh. Kaya matindi ang parusa sa kanila ng Diyos tulad ng inyong nakikita ngayon. 8 Huwag maging matigas ang ulo ninyo katulad nila. Sa halip, maging masunurin kayo kay Yahweh. Dumulog kayo sa kanyang Templo na inilaan niya para sa kanyang sarili magpakailanman. Paglingkuran ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh upang mapawi ang galit niya sa inyo. 9 Kung manunumbalik kayo sa kanya, ang inyong mga kababayan at kamag-anak na dinalang-bihag sa ibang bansa ay kahahabagan ng mga bumihag sa kanila at pababalikin sila sa lupaing ito. Mahabagin at mapagpala ang Diyos ninyong si Yahweh at tatanggapin niya kayo kung kayo'y manunumbalik sa kanya.”
10 Pinuntahan ng mga sugo ang lahat ng lunsod sa lupain ng Efraim at Manases hanggang sa Zebulun ngunit pinagtawanan lamang sila ng mga ito. 11 Mayroon din namang ilan mula sa Asher, Manases at Zebulun na nagpakumbaba at pumunta sa Jerusalem. 12 Ngunit niloob ng Diyos na dumalong lahat ang mga taga-Juda at magkaisa silang sumunod sa utos ng hari at ng mga pinuno nila ayon sa salita ni Yahweh.
Ang Pagdiriwang ng Paskwa
13 Napakaraming pumunta sa Jerusalem noong ikalawang buwan upang ipagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 14 Inalis nila ang mga altar sa Jerusalem na pinagsunugan ng mga handog at ng insenso at itinapon ang mga ito sa Libis ng Kidron. 15 Pinatay nila ang mga korderong pampaskwa noong ikalabing apat na araw ng ikalawang buwan. Napahiya ang mga pari at Levita kaya naglinis sila ng sarili at nagdala ng mga handog na susunugin sa Templo ni Yahweh. 16 Muli nilang ginampanan ang dati nilang tungkulin ayon sa Kautusan ni Moises na lingkod ng Diyos. Iwinisik ng mga pari sa altar ang dugong ibinigay sa kanila ng mga Levita. 17 Marami sa kapulungan ang hindi pa nakakapaglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan kaya nagpatay ang mga Levita ng mga korderong pampaskwa upang maging banal ang mga ito para kay Yahweh. 18 Kahit marami ang hindi pa nakakapaglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan, kumain na rin sila ng korderong pampaskwa. Karamihan sa mga ito ay buhat sa Efraim, Manases, Isacar at Zebulun. Gayunman, nanalangin ng ganito si Ezequias para sa kanila: 19 “O Yahweh, Diyos ng aming mga ninuno, patawarin po ninyo ang lahat nang sumasamba sa inyo nang buong puso kahit hindi sila nakapaglinis ng sarili ayon sa kautusan.” 20 Pinakinggan ni Yahweh si Ezequias at pinatawad ang mga tao. 21 Pitong araw nilang ipinagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Buong lakas na umawit ng papuri araw-araw ang mga pari at ang mga Levita kay Yahweh. 22 Pinuri ni Haring Ezequias ang mga Levita dahil sa maayos nilang pangangasiwa ng pagsamba kay Yahweh. Pitong araw na ipinagdiwang ng bayan ang kapistahang iyon. Nag-alay sila ng mga handog pangkapayapaan, kumain ng mga handog at nagpuri kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
23 Nagkaisa ang kapulungan na ipagpatuloy ng pitong araw pa ang pista. Kaya, pitong araw pa silang nagsaya. 24 Nagkaloob si Haring Ezequias ng sanlibong toro at pitong libong tupa para sa pagtitipong iyon. Ang mga pinuno naman ay nagkaloob ng sanlibong toro at sanlibong tupa para sa mga tao. Dahil dito, maraming mga pari ang naglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan. 25 Masayang-masaya ang lahat, ang mga mamamayan ng Juda, ang mga pari at ang mga Levita. Gayundin ang lahat ng dumalo buhat sa Israel at ang mga dayuhang nakikipanirahan sa Israel at sa Juda. 26 Noon lamang nagkaroon ng ganoong pagdiriwang sa Jerusalem mula noong panahon ni Solomon na anak ni Haring David ng Israel. 27 Tumayo ang mga pari at ang mga Levita at binasbasan ang mga tao. Ang panalangin nila'y nakaabot sa tahanan ng Diyos sa langit.
Footnotes
- 2 Cronica 27:5 MALALAKING SISIDLAN: Ang bawat isa sa mga sisidlang ito ay maaaring maglaman ng timbang na 220 litro.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.