2 Corinto 12:1-10
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Mga Pangitain at Pahayag
12 Kailangang ako'y magmalaki, kahit wala akong pakinabang dito. Ngunit tutuloy na rin ako tungkol sa mga pangitain at mga pahayag ng Panginoon. 2 May kilala akong isang lalaking na kay Cristo, na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakalilipas. Hindi ko alam kung siya noon ay nasa katawan, o wala sa katawan. Ang Diyos ang nakakaalam. 3 At alam kong ang taong iyon—kung nasa katawan man, o wala sa katawan, hindi ko alam, ang Diyos ang nakaaalam— 4 ay tinangay at dinala sa Paraiso. Nakarinig siya roon ng mga salitang hindi mabigkas at hindi ipinahihintulot na sabihin ng tao. 5 Ipagmamalaki ko ang taong iyon, at hindi ang aking sarili. Ang tanging maipagmamalaki ko ay ang aking mga kahinaan. 6 Kung naisin ko mang magmalaki ay hindi ako magiging hangal, sapagkat ako'y magsasabi ng katotohanan. Ngunit iniiwasan ko ito upang walang sinumang mag-isip tungkol sa akin nang higit kaysa kanyang nakikita o naririnig sa akin. 7 At upang hindi ako magmayabang dahil sa mga kahanga-hangang bagay na ipinahayag sa akin, binigyan ako ng isang tinik sa laman na nagsilbing sugo ni Satanas upang ako'y pahirapan. Ito nga'y upang hindi ako magmayabang. 8 Tatlong ulit akong nakiusap sa Panginoon tungkol dito na sana'y iwan na ako nito. 9 Ngunit sinabi niya sa akin, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang kapangyarihan ko ay lubos na nahahayag sa kahinaan.” Dahil dito, masaya kong lalong ipagmamalaki ang mga kahinaan ko upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Kaya, alang-alang kay Cristo, ako'y may kasiyahan sa gitna ng mga kahinaan, mga panlalait, mga paghihirap, mga pag-uusig, at mga kasawian. Sapagkat kung kailan ako mahina, noon naman ako malakas.
Read full chapterAng Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
