2 Hari 18:17-20:20
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
17 Ipinadala ng hari ng Asiria ang pinuno ng mga kumander, mga punong opisyal, at ang kumander ng mga sundalo niya. Kasama nila ang napakaraming sundalo mula sa Lakish para harapin si Haring Hezekia sa Jerusalem. Tumigil sila malapit sa may daluyan ng tubig na nasa itaas ng lugar na pinag-iimbakan ng tubig kung saan naglalaba ang mga tao. 18 Ipinatawag nila si Haring Hezekia, pero ang pinapunta ng hari ay sina Eliakim na anak ni Hilkia, na namamahala ng palasyo, Shebna na kalihim at Joa na anak ni Asaf, na namamahala ng mga kasulatan sa kaharian. 19 Sinabi sa kanila ng kumander ng mga sundalo, “Sabihin nʼyo kay Hezekia na ito ang sinasabi ng makapangyarihang hari ng Asiria:
“ ‘Ano ba ang ipinagmamalaki mo? 20 Sinasabi mong maabilidad at malakas ang mga sundalo mo, pero walang kabuluhan ang mga sinasabi mo. Sino ba ang ipinagmamalaki mo at nagrerebelde ka sa akin? 21 Ang Egipto ba? Ang bansang ito at ang hari nito ay parang nabaling tungkod na nakakasugat sa kamay kapag ginamit mo. 22 Maaari ninyong sabihin na nagtitiwala kayo sa Panginoon na inyong Dios, pero hindi baʼt ikaw din Hezekia ang nagpagiba ng mga sambahan niya sa matataas na lugar pati ng mga altar nito. At sinabi mo pa sa mga nakatira sa Jerusalem at mga lungsod ng Juda na sumamba sila sa nag-iisang altar doon sa Jerusalem?’
23 “Ngayon inaalok ka ng aking amo, ang hari ng Asiria. Bibigyan ka namin ng 2,000 kabayo kung may 2,000 ka ring mangangabayo! 24 Hindi ka mananalo kahit sa pinakamababang opisyal ng aking amo. Bakit Umaasa ka lang naman sa Egipto na bibigyan ka nito ng mga karwahe at mangangabayo. 25 Iniisip mo bang hindi ako inutusan ng Panginoon na pumunta rito? Ang Panginoon mismo ang nag-utos sa akin na lusubin at lipulin ang bansang ito.”
26 Sinabi nina Eliakim, Shebna at Joa sa kumander ng mga sundalo, “Pakiusap, kausapin mo kami sa wikang Aramico, dahil naiintindihan din namin ang wikang ito. Huwag mong gamitin ang wikang Hebreo dahil maririnig ka ng mga taong nasa mga pader ng lungsod.” 27 Pero sumagot ang kumander, “Inutusan ako ng aking amo na ipaalam ang mga bagay na ito hindi lang sa inyo at sa inyong hari kundi sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem. Magugutom at mauuhaw kayong lahat kapag nilusob namin kayo. Kaya kakainin ninyo ang inyong mga dumi at iinumin ninyo ang inyong mga ihi.”
28 Pagkatapos, tumayo ang kumander at sumigaw sa wikang Hebreo, “Pakinggan ninyo ang mensahe ng makapangyarihang hari ng Asiria! 29 Ito ang sinabi niya: Huwag kayong magpaloko kay Hezekia. Hindi niya kayo maililigtas mula sa mga kamay ko! 30 Huwag kayong maniwala sa kanya na magtiwala sa Panginoon kapag sinabi niya, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon; hindi ipapaubaya ang lungsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria.’
31 “Huwag kayong makinig kay Hezekia! Ito ang ipinapasabi ng hari ng Asiria: Huwag na kayong lumaban sa akin; sumuko na lang kayo! Papayagan ko kayong kainin ang bunga ng inyong mga ubasan at mga puno ng igos at inumin ang tubig sa sarili ninyong mga balon, 32 hanggang sa dumating ako at dadalhin ko kayo sa lupaing katulad din ng inyong lupain na may mga ubasan na magbibigay sa inyo ng bagong katas ng ubas at may mga trigo na magagawa ninyong tinapay, at mayroon ding mga punong olibo at mga pulot. Piliin ninyo ang mabuhay kaysa ang mamatay. Huwag ninyong pakinggan si Hezekia! Inililigaw lang niya kayo kapag sinasabi niyang, ‘Ililigtas tayo ng Panginoon!’ 33 May mga dios ba sa ibang bansa na nailigtas ang kanilang bayan mula sa kamay ng hari ng Asiria? 34 May nagawa ba ang mga dios ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena, at Iva? Nailigtas ba nila ang Samaria mula sa mga kamay ko? 35 Alin sa mga dios ng mga bansang ito ang nakapagligtas sa kanilang bansa laban sa akin? Kaya papaano maililigtas ng Panginoon ang Jerusalem mula sa mga kamay ko?” 36 Hindi sumagot ang mga tao dahil inutusan sila ni Haring Hezekia na huwag sumagot. 37 Pagkatapos, pinunit nina Eliakim, Shebna, at Joa ang damit nila sa sobrang kalungkutan. Bumalik sila kay Hezekia at ipinaalam ang lahat ng sinabi ng kumander ng mga sundalo.
Humingi ng Payo si Haring Hezekia kay Isaias(A)
19 Nang marinig ni Haring Hezekia ang balita, pinunit niya ang kanyang damit, nagdamit siya ng sako para ipakita ang kalungkutan niya at pumunta siya sa templo ng Panginoon para manalangin. 2 Pinapunta niya kay Propeta Isaias na anak ni Amoz sina Eliakim na tagapamahala ng palasyo, Shebna na kalihim at ang mga punong pari na nakadamit ng sako.
3 Pagdating nila kay Isaias, sinabi nila sa kanya, “Ito ang sinabi ni Haring Hezekia: Ito ang panahon ng paghihirap, pagtutuwid at kahihiyan. Katulad tayo ng isang babae na malapit nang manganak na wala ng lakas para iluwal ang sanggol. 4 Ipinadala ng hari ng Asiria ang kumander ng kanyang mga sundalo para kutyain ang Dios na buhay. Baka sakaling narinig ng Panginoon na iyong Dios ang lahat na sinabi ng kumander at parusahan ito sa sinabi niya. Kaya ipanalangin mo ang mga natira sa atin.”
5 Nang naipaalam na ng mga opisyal ni Haring Hezekia ang mensahe kay Isaias, 6 sinabi ni Isaias sa kanila, “Sabihin ninyo sa inyong amo na ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Huwag kang matakot sa narinig mong paglapastangan sa akin ng mga tauhan ng hari ng Asiria. 7 Pakinggan mo! Pupuspusin ko ng espiritu ang hari ng Asiria. Makakarinig siya ng balita na magpapabalik sa kanya sa sarili niyang bansa. At doon ko siya ipapapatay sa pamamagitan ng espada.’ ”
Muling Nagbanta ang Asiria(B)
8 Nang marinig ng kumander na umalis na sa Lakish ang hari ng Asiria at kasalukuyang nakikipaglaban sa Libna, pumunta siya roon. 9 Nang makatanggap ng balita si Haring Senakerib ng Asiria na lulusubin sila ni Haring Tirhaka ng Etiopia,[a] nagsugo siya ng mga mensahero kay Hezekia para sabihin ito: 10 “Huwag kang magpaloko sa inaasahan mong Dios kapag sinabi niya, ‘Hindi ipapaubaya ang Jerusalem sa kamay ng hari ng Asiria.’ 11 Makinig ka! Narinig mo kung ano ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa halos lahat ng bansa. Nilipol sila nang lubusan. Sa palagay mo ba makakaligtas ka? 12 Nailigtas ba ang mga bansang ito ng dios nila? Ang mga lungsod ng Gozan, Haran, Reshef at ang mga mamamayan ng Eden na nasa Tel Asar ay nilipol ng mga ninuno ko. 13 May nagawa ba ang hari ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena at Iva?”
Ang Panalangin ni Haring Hezekia
14 Nang makuha ni Hezekia ang sulat mula sa mensahero, binasa niya ito. Pumunta siya sa templo ng Panginoon at inilapag ang sulat sa presensya ng Panginoon. 15 Pagkatapos, nanalangin siya, “Panginoon, Dios ng Israel na nakaupo sa trono sa pagitan ng mga kerubin, kayo lang po ang Dios na namamahala sa lahat ng kaharian dito sa mundo. Nilikha ninyo ang kalangitan at ang mundo. 16 Panginoon, pakinggan nʼyo po at tingnan ang mga nangyayari. O Dios na buhay, narinig nʼyo ang mga sinabi ni Senakerib na lumapastangan sa inyo. 17 Panginoon, totoo po na nilipol ng mga hari ng Asiria ang maraming bansa. 18 Winasak nila ang mga dios-diosan nila sa pamamagitan ng pagtapon ng mga ito sa apoy. Dahil hindi po ito mga totoong dios kundi mga bato at kahoy lang na ginawa ng tao. 19 Kaya, Panginoon naming Dios, iligtas po ninyo kami sa kamay ng Asiria, para malaman ng lahat ng kaharian dito sa mundo na kayo lang, Panginoon, ang Dios.”
Ang Paglipol kay Senakerib(C)
20 Pagkatapos, nagpadala si Isaias na anak ni Amoz ng mensahe kay Hezekia ng ganito, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Narinig ko ang panalangin mo tungkol kay Haring Senakerib ng Asiria. 21 Ito ang sinabi ko laban sa kanya:
‘Pinagtatawanan at iniinsulto ka ng mga naninirahan sa Zion,[b] ang lungsod ng Jerusalem.
Umiiling-iling sila sa paghamak sa iyo habang nakatalikod ka.
22 Sino ba ang hinahamak at nilalapastangan mo?
Sino ang pinagtataasan mo ng boses at pinagyayabangan mo?
Hindi baʼt ako, ang Banal na Dios ng Israel?
23 Kinutya mo ako sa pamamagitan ng iyong mga sugo.
Sinabi mo pa, “Sa pamamagitan ng aking maraming karwahe naakyat ko ang matataas na bundok pati na ang tuktok ng bundok ng Lebanon.
Pinutol ko ang pinakamataas na mga puno ng sedro at natatanging sipres nito.
Nakarating ako sa tuktok nito na may makapal na kagubatan.
24 Naghukay ako ng balon sa ibang mga lugar at uminom ng tubig mula rito.
Sa pagdaan ko, natuyo ang mga sapa sa Egipto.”
25 “ ‘Totoo ngang winasak mo ang mga napapaderang lungsod.
Pero hindi mo ba alam na matagal ko nang itinakda iyon?
Mula pa noon, naplano ko na ito at ngayon, ginagawa ko na ito.
26 Ang mga mamamayan ng mga lungsod na iyong nilipol ay nawalan ng lakas. Natakot sila at napahiya.
Para silang mga damo sa parang na madaling malanta,
o mga damong tumutubo sa bubungan ng bahay na pagkatapos tumubo ay nalanta rin agad.
27 Pero alam ko ang lahat tungkol sa iyo,
kung saan ka nananatili, kung saan ka galing, kung saan ka pupunta, at kung gaano katindi ang galit mo sa akin.
28 Dahil narinig ko ang galit mo at ang pagmamayabang sa akin,
lalagyan ko ng kawit ang ilong mo, at bubusalan ko ang bibig mo,
at hihilahin ka pabalik sa iyong pinagmulan, sa daan na iyong tinahak.’ ”
29 Sinabi pa ni Isaias kay Hezekia, “Ito ang tanda na iingatan ng Panginoon ang Jerusalem sa mga taga-Asiria: Sa taon na ito, ang mga bunga ng mga tanim na kusang tumutubo lang ang kakainin ninyo, at sa susunod na taon ang mga bunga naman ng mga tanim na tumubo mula sa dating tanim. Pero sa ikatlong taon, makakapagtanim na kayo ng trigo at makakaani. Makakapagtanim na rin kayo ng mga ubas at makakakain ng mga bunga nito. 30 At ang mga natirang buhay sa Juda ay muling uunlad, katulad ng tanim na nagkakaugat nang malalim at namumunga. 31 Sapagkat may mga matitirang buhay na mangangalat mula sa Jerusalem, sa Bundok ng Zion. Titiyakin ng Panginoong Makapangyarihan na itoʼy magaganap.
32 “Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria: Hindi siya makakapasok sa lungsod ng Jerusalem, ni hindi makakapana kahit isang palaso rito. Hindi siya makakalapit na may pananggalang o kayaʼy mapapaligiran ang lungsod para lusubin ito. 33 Babalik siya sa pinanggalingan niya, sa daan na kanyang tinahak. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing hindi siya makakapasok sa lungsod na ito. 34 Iingatan at ililigtas ko ang lungsod na ito para sa karangalan ko at dahil sa pangako ko kay David na aking lingkod.”
35 Kinagabihan, pumunta ang anghel ng Panginoon sa kampo ng Asiria at pinatay niya ang 185,000 kawal. Kinaumagahan, paggising ng mga natitirang buhay, nakita nila ang napakaraming bangkay. 36 Dahil dito, umuwi si Senakerib sa Nineve at doon na tumira.
37 Isang araw, habang sumasamba si Senakerib sa templo ng dios niyang si Nisroc, pinatay siya ng kanyang dalawang anak na lalaki na sina Adramelec at Sharezer sa pamamagitan ng espada at tumakas ang mga ito papunta sa Ararat. At ang anak niyang si Esarhadon ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Pagkakasakit ni Hezekia(D)
20 Nang panahong iyon, nagkasakit si Hezekia na halos ikamatay niya. Pumunta sa kanya si Propeta Isaias na anak ni Amoz at sinabi, “Sinabi ng Panginoon na magbilin ka na sa sambahayan mo dahil hindi ka na gagaling; mamamatay ka na.” 2 Nang marinig ito ni Hezekia, humarap siya sa dingding at nanalangin sa Panginoon. 3 Sinabi niya, “Panginoon, alalahanin po ninyo kung papaano ako namuhay nang tapat at buong pusong naglingkod sa inyo at kung papaano ako gumawa ng mabuti sa paningin ninyo.” At umiyak siya nang husto.
4 Nang hindi pa nakakaalis si Isaias sa gitna ng bulwagan ng palasyo, sinabi sa kanya ng Panginoon, 5 “Bumalik ka kay Hezekia, na pinuno ng mga mamamayan ko at sabihin mo ito: ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng ninuno mong si David: Narinig ko ang panalangin mo at nakita ko ang mga luha mo kaya pagagalingin kita. Sa ikatlong araw mula ngayon, makakabangon ka na at makakapunta ka sa templo ng Panginoon. 6 Dadagdagan ko pa ng 15 taon ang buhay mo. Ililigtas kita at ang lungsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria. Iingatan ko ang lungsod na ito para sa karangalan ko at dahil kay David na aking lingkod.’ ” 7 Sinabi ni Isaias sa mga utusan ni Haring Hezekia na tapalan nila ang namamagang bukol nito ng dinurog na igos. Ginawa nga nila ito at gumaling siya.
8 Noong hindi pa gumagaling si Hezekia, nagtanong siya kay Isaias, “Ano ba ang magpapatunay na gagaling ako at makakapunta sa templo ng Panginoon sa ikatlong araw mula ngayon?” 9 Sumagot si Isaias, “Ito ang tanda na ibibigay ng Panginoon na magpapatunay na tutuparin niya ang pangako niya. Pumili ka sa dalawang ito: Aatras ng sampung hakbang ang anino ng araw sa orasan[c] o aabante ng sampung hakbang?” 10 Sumagot si Hezekia, “Mas madaling umabante ng sampung hakbang ang anino, kaya paatrasin mo na lang ito ng sampung hakbang!” 11 Kaya nanalangin si Isaias sa Panginoon at pinaatras ng Panginoon ng sampung hakbang ang anino ng araw sa orasan na ipinagawa ni Ahaz.
Ang mga Mensahero Mula sa Babilonia
12 Nang panahong iyon, nabalitaan ni Merodac Baladan na anak ni Haring Baladan ng Babilonia na nagkasakit si Hezekia. Kaya nagpadala siya ng mga sulat at regalo kay Hezekia. 13 Malugod na tinanggap ni Hezekia ang mga sugo, at ipinakita niya sa mga ito ang lahat ng mga bagay sa taguan ng kayamanan niya – ang mga pilak, ginto, sangkap, magagandang uri ng langis, mga armas at ang iba pa niyang mga kayamanan. Wala ni isang bagay sa palasyo o kaharian ang hindi niya ipinakita sa kanila.
14 Samantala, pumunta si Propeta Isaias kay Haring Hezekia at nagtanong, “Saan ba nanggaling ang mga taong iyan at ano ang kailangan nila?” Sumagot si Hezekia, “Nanggaling sila sa malayong lugar, sa Babilonia.” 15 Nagtanong pa ang propeta, “Ano ang nakita nila sa palasyo mo?” Sumagot si Hezekia, “Nakita nila ang lahat ng bagay sa palasyo ko. Wala kahit isa sa mga kayamanan ko ang hindi ko ipinakita sa kanila.” 16 Pagkatapos, sinabi ni Isaias kay Hezekia, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon: 17 Darating ang panahon na dadalhin sa Babilonia ang lahat ng kayamanan sa palasyo mo, pati ang lahat ng naipon ng mga ninuno mo na nariyan pa hanggang ngayon. Walang matitira, sabi ng Panginoon. 18 At ang iba sa mga susunod na lahi mo ay bibihagin at magiging alipin sa palasyo ng hari ng Babilonia.” 19 Ang akala ni Hezekia ay hindi pa mangyayari iyon, kundi magiging mapayapa at walang panganib sa kapanahunan niya. Kaya sinabi niya kay Isaias, “Maganda ang mensaheng iyon ng Panginoon na sinabi mo sa akin.”
Ang Katapusan ng Paghahari ni Hezekia(E)
20 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Hezekia, at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pagpapagawa niya ng imbakan ng tubig at dinadaluyan nito papunta sa lungsod ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®