2 Mga Hari 2:1-12
Ang Biblia, 2001
Si Elias ay Iniakyat sa Langit
2 Nang malapit nang iakyat ng Panginoon si Elias sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo, sina Elias at Eliseo ay magkasamang umalis mula sa Gilgal.
2 Sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maghintay ka rito sapagkat sinugo ako ng Panginoon hanggang sa Bethel.” Ngunit sinabi ni Eliseo, “Habang buháy ang Panginoon, at habang ikaw ay nabubuhay, hindi kita iiwan.” Kaya't pumunta sila sa Bethel.
3 Ang mga anak ng mga propeta na nasa Bethel ay lumapit kay Eliseo, at sinabi sa kanya, “Nalalaman mo ba na kukunin ngayon ng Panginoon ang iyong panginoon mula sa iyo?” At kanyang sinabi, “Oo, nalalaman ko, manahimik kayo.”
4 Sinabi ni Elias sa kanya, “Eliseo, maghintay ka rito; sapagkat sinugo ako ng Panginoon sa Jerico.” Ngunit kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, at habang buháy ka, hindi kita iiwan.” Kaya't sila'y dumating sa Jerico.
5 Lumapit kay Eliseo ang mga anak ng mga propeta na nasa Jerico, at nagsipagsabi sa kanya, “Nalalaman mo ba na kukunin ngayon ng Panginoon ang iyong panginoon mula sa iyo?” At siya'y sumagot, “Oo, nalalaman ko; manahimik kayo.”
6 At sinabi ni Elias sa kanya, “Maghintay ka rito; sapagkat sinugo ako ng Panginoon sa Jordan.” At kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, at habang buháy ka, hindi kita iiwan.” Kaya't humayo silang dalawa.
7 Limampu sa mga anak ng mga propeta ay humayo rin, at tumayo sa tapat nila sa di-kalayuan habang silang dalawa ay nakatayo sa tabi ng Jordan.
8 At kinuha ni Elias ang kanyang balabal at tiniklop ito, at hinampas ang tubig, at nahawi ang tubig sa isang panig at sa kabila, hanggang sa ang dalawa ay makatawid sa tuyong lupa.
9 Nang(A) sila'y makatawid, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Hingin mo kung ano ang gagawin ko sa iyo, bago ako kunin sa iyo.” At sinabi ni Eliseo, “Hayaan mong mapasaakin ang dobleng bahagi ng iyong espiritu.”
10 Siya ay tumugon, “Ang hinihingi mo ay isang mahirap na bagay; gayunma'y kung makita mo ako habang ako'y kinukuha sa iyo, iyon ay ipagkakaloob sa iyo. Ngunit kung hindi mo ako makita, iyon ay hindi mangyayari.”
11 Samantalang sila'y naglalakad at nag-uusap, isang karwaheng apoy at mga kabayong apoy ang naghiwalay sa kanilang dalawa. At si Elias ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo.
12 Iyon(B) ay nakita ni Eliseo at siya'y sumigaw, “Ama ko, ama ko! Mga karwahe ng Israel at mga mangangabayo nito!” Ngunit siya'y hindi na niya nakita. Kaya't kanyang hinawakan ang kanyang sariling kasuotan, at pinunit sa dalawang piraso.
Read full chapter