2 Mga Hari 9:30-10:11
Ang Biblia, 2001
Pinatay si Jezebel
30 Nang si Jehu ay dumating sa Jezreel, nabalitaan ito ni Jezebel. Kanyang kinulayan ang kanyang mga mata, at ginayakan ang kanyang ulo, at dumungaw sa bintana.
31 At habang pumapasok si Jehu sa pintuang-bayan, kanyang sinabi, “Kapayapaan ba, ikaw Zimri, ikaw na mamamatay ng iyong panginoon?”
32 Siya ay tumingala sa bintana, at sinabi, “Sino ang sa aking panig? Sino?” Dalawa o tatlong eunuko ang dumungaw sa kanya.
33 Kanyang sinabi, “Ihulog ninyo siya.” Kaya't kanilang inihulog siya at ang iba niyang dugo ay tumilamsik sa pader at sa mga kabayo, at siya'y kanyang niyurakan.
34 Pagkatapos ay pumasok siya at kumain at uminom. At kanyang sinabi, “Tingnan ninyo ngayon ang isinumpang babaing ito. Ilibing ninyo siya, sapagkat siya'y anak ng hari.”
35 Ngunit nang sila'y lumabas upang ilibing siya, wala na silang natagpuan sa kanya maliban sa bungo, mga paa, at ang mga palad ng kanyang mga kamay.
36 Nang(A) sila'y bumalik at sabihin sa kanya, ay sinabi niya, “Ito ang salita ng Panginoon, na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Elias na Tisbita, ‘Sa nasasakupan ng Jezreel, kakainin ng mga aso ang laman ni Jezebel;
37 ang bangkay ni Jezebel ay magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng bukid sa nasasakupan ng Jezreel, upang walang makapagsabi, Ito si Jezebel.’”
Pinatay ang mga Anak ni Ahab
10 Si Ahab ay may pitumpung anak na lalaki sa Samaria. Kaya't gumawa si Jehu ng mga sulat, at ipinadala sa Samaria, sa mga pinuno sa Jezreel, sa matatanda, at sa mga tagapag-alaga ng mga anak ni Ahab, na sinasabi,
2 “Pagdating ng sulat na ito sa inyo, yamang ang mga anak ng inyong panginoon ay kasama ninyo, at mayroon kayong mga karwahe at mga kabayo, at mga lunsod na may kuta, at mga sandata,
3 piliin ninyo ang pinakamahusay at ang pinakamarapat sa mga anak ng inyong panginoon at iupo ninyo sa trono ng kanyang ama, at ipaglaban ninyo ang sambahayan ng inyong panginoon.”
4 Ngunit sila'y lubhang natakot, at nagsabi, “Tingnan ninyo, hindi nakatagal sa kanya ang dalawang hari; paano nga tayo makakatagal sa kanya?”
5 Kaya't ang tagapamahala ng palasyo, at ang tagapamahala ng lunsod, gayundin ang matatanda, at ang mga tagapag-alaga, ay nagsugo kay Jehu, na nagsasabi, “Kami ay iyong mga lingkod, at gagawin namin ang lahat ng iyong iuutos sa amin. Hindi namin gagawing hari ang sinuman; gawin mo ang mabuti sa iyong paningin.”
6 Nang magkagayo'y gumawa siya ng ikalawang sulat sa kanila, na nagsasabi, “Kung kayo'y nasa aking panig, at kung kayo'y handang sumunod sa akin, kunin ninyo ang mga ulo ng mga anak na lalaki ng inyong panginoon, at pumarito kayo sa akin sa Jezreel bukas sa ganitong oras.” Ang mga anak ng hari na binubuo ng pitumpung katao ay kasama ng mga pinuno sa lunsod na nag-aalaga sa kanila.
7 Nang ang sulat ay dumating sa kanila, kanilang kinuha ang mga anak ng hari na binubuo ng pitumpung katao; at pinagpapatay sila, at inilagay ang kanilang mga ulo sa mga basket, at ipinadala sa kanya sa Jezreel.
8 Nang dumating ang sugo at sinabi sa kanya, “Kanilang dinala ang mga ulo ng mga anak ng hari,” ay kanyang sinabi, “Ilagay ninyo sila ng dalawang bunton sa pasukan ng pintuang-bayan hanggang sa kinaumagahan.”
9 Kinaumagahan, nang siya'y lumabas, siya'y tumayo at sinabi sa buong bayan, “Kayo'y mga walang sala. Ako ang nakipagsabwatan laban sa aking panginoon at pumatay sa kanya; ngunit sinong pumatay sa lahat ng ito?
10 Talastasin ninyo ngayon na walang salita ng Panginoon ang mahuhulog sa lupa, na sinabi ng Panginoon tungkol sa sambahayan ni Ahab; sapagkat ginawa ng Panginoon ang kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Elias.”
11 Kaya't(B) pinatay ni Jehu ang lahat ng nalabi sa sambahayan ni Ahab sa Jezreel, ang lahat niyang mga pinuno, at ang kanyang mga malapit na kaibigan, at ang kanyang mga pari, hanggang sa wala siyang itinira.