2 Samuel 15:30-17:23
Ang Dating Biblia (1905)
30 At umahon si David sa ahunan sa bundok ng mga Olibo, at umiiyak habang siya'y umaahon; at ang kaniyang ulo ay may takip, at lumalakad siya na walang suot ang paa; at ang buong bayan na kasama niya ay may takip ang ulo ng bawa't isa, at sila'y nagsisiahon, na nagsisiiyak habang sila'y nagsisiahon.
31 At isinaysay ng isa kay David na sinasabi, Si Achitophel ay nasa nanganghihimagsik na kasama ni Absalom. At sinabi ni David, Oh Panginoon, isinasamo ko sa iyo, na iyong gawing kamangmangan ang payo ni Achitophel.
32 At nangyari na nang si David ay dumating sa taluktok ng bundok, na doon sinasamba ang Dios, narito, si Husai na Arachita ay sumalubong sa kaniya, na ang kaniyang suot ay hapak, at may lupa sa kaniyang ulo:
33 At sinabi ni David sa kaniya, Kung ikaw ay magpatuloy na kasama ko ay magiging isang pasan ka nga sa akin.
34 Nguni't kung ikaw ay bumalik sa bayan, at sabihin mo kay Absalom, Ako'y magiging iyong lingkod, Oh hari; kung paanong ako'y naging lingkod ng iyong ama nang panahong nakaraan, ay gayon magiging lingkod mo ako ngayon: kung magkagayo'y iyo ngang masasansala ang payo ni Achitophel sa ikabubuti ko.
35 At hindi ba kasama mo roon si Sadoc at si Abiathar na mga saserdote? kaya't mangyayari, na anomang bagay ang iyong marinig sa sangbahayan ng hari, iyong sasaysayin kay Sadoc at kay Abiathar na mga saserdote.
36 Narito nasa kanila roon ang kanilang dalawang anak, si Ahimaas na anak ni Sadoc, at si Jonathan na anak ni Abiathar; at sa pamamagitan nila ay inyong maipadadala sa akin ang bawa't bagay na inyong maririnig.
37 Sa gayo'y si Husai na kaibigan ni David ay pumasok sa bayan; at si Absalom ay pumasok sa Jerusalem.
16 At nang si David ay makaraan sa dako pa noon ng kaunti ng taluktok ng bundok, narito, si Siba na lingkod ni Mephiboseth ay sumalubong sa kaniya, na may handang isang tuwang na asno, at sa ibabaw ng mga yaon ay dalawang daang tinapay, at isang daang kumpol na pasas, at isang daang bunga sa taginit, at isang sisidlang balat ng alak.
2 At sinabi ng hari kay Siba, Ano ang iyong ibig sabihin sa mga ito? At sinabi ni Siba, Ang mga asno ay upang sakyan ng sangbahayan ng hari; at ang tinapay at ang bunga sa taginit ay upang mangakain ng mga binata; at ang alak ay upang mainom ng nangapapagod sa ilang.
3 At sinabi ng hari, At nasaan ang anak ng iyong panginoon? At sinabi ni Siba sa hari, Narito, siya'y tumatahan sa Jerusalem; sapagka't kaniyang sinabi, Ngayo'y ibabalik sa akin ang sangbahayan ng Israel, ang kaharian ng aking ama.
4 Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Siba, Narito, iyo ang buong nauukol kay Mephiboseth. At sinabi ni Siba, Ako'y yumuyukod; makasumpong nawa ako ng biyaya sa paningin mo, panginoon ko, Oh hari.
5 At nang dumarating ang hari sa Bahurim, narito, lumalabas na mula roo'y isang lalake sa angkan ng sangbahayan ni Saul, na ang pangala'y Semei, na anak ni Gera: siya'y lumalabas, at manunumpa habang siya'y lumalabas.
6 At kaniyang hinagis ng mga bato si David, at ang lahat ng lingkod ng haring si David: at ang buong bayan, at ang lahat na malalakas na lalake ay nasa kaniyang kanan, at sa kaniyang kaliwa.
7 At ganito ang sinabi ni Semei nang siya'y nanunumpa, Lumayas ka, lumayas ka, ikaw na lalaking mabagsik, at hamak na lalake:
8 Ibinalik sa iyo ng Panginoon ang buong dugo ng sangbahayan ni Saul na siya mong hinalinhan ng pagkahari; at ibinigay ng Panginoon ang kaharian sa kamay ni Absalom na iyong anak: at, narito, ikaw ay nasa iyong sariling kasamaan, sapagka't ikaw ay lalaking mabagsik.
9 Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai na anak ni Sarvia sa hari, Bakit susumpain nitong asong patay ang aking panginoon na hari? payaunin mo ako, isinasamo ko sa iyo, at pugutin ang kaniyang ulo.
10 At sinabi ng hari, Anong ipakikialam ko sa inyo, kayong mga anak ni Sarvia? Sapagka't siya'y nanunumpa, at sapagka't sinabi ng Panginoon sa kaniya, Sumpain mo si David, sino nga ang magsasabi, Bakit ka gumawa ng ganyan?
11 At sinabi ni David kay Abisai, at sa lahat niyang mga lingkod, Narito, ang anak ko, na lumabas sa aking tiyan, siyang humahanap ng aking buhay: gaano pa nga kaya ang gagawin ngayon ng Benjamitang ito? bayaan ninyo siya at manumpa siya: sapagka't iniutos ng Panginoon sa kaniya.
12 Marahil ay titingnan ng Panginoon ang kasamaang ginagawa sa akin, at gagawan ako ng mabuti ng Panginoon sa sumpa niya sa akin sa araw na ito.
13 Sa gayo'y nagpatuloy ng lakad si David at ang kaniyang mga lalake: at si Semei ay yumaon sa tagiliran ng bundok sa tapat niya, at sumusumpa habang siya'y yumayaon, at hinahagis ng bato siya, at nananaboy ng alabok.
14 At ang hari at ang buong bayan na nasa kaniya ay nagsidating na pagod; at siya'y nagpahinga roon.
15 At si Absalom at ang buong bayan, na mga lalake ng Israel, ay nagsidating sa Jerusalem at si Achitophel na kasama niya.
16 At nangyari, nang si Husai na Arachita, na kaibigan ni David, ay dumating kay Absalom, na sinabi ni Husai kay Absalom, Mabuhay ang hari, mabuhay ang hari.
17 At sinabi ni Absalom kay Husai, Ito ba ang iyong kagandahang loob sa iyong kaibigan? bakit hindi ka sumama sa iyong kaibigan?
18 At sinabi ni Husai kay Absalom, Hindi; kundi kung sinong piliin ng Panginoon, at ng bayang ito, at ng lahat na lalake sa Israel, doroon ako, at sa kasamahan noon tatahan ako.
19 At saka, kanino ako maglilingkod? hindi ba sa harap ng kaniyang anak? kung paanong ako'y naglingkod sa harap ng iyong ama, ay magiging gayon ako sa iyong harap.
20 Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom kay Achitophel, Magbigay payo kayo kung ano ang ating gagawin.
21 At sinabi ni Achitophel kay Absalom, Sipingan mo ang mga babae ng iyong ama, na kaniyang iniwan na magsipagingat ng bahay; at mababalitaan ng buong Israel na ikaw ay makayayamot sa iyong ama: kung magkagayo'y lalakas ang mga kamay ng lahat na nasa iyo.
22 Sa gayo'y kanilang ipinagladlad si Absalom ng isang tolda sa bubungan ng bahay; at sinipingan ni Absalom ang mga babae ng kaniyang ama sa paningin ng buong Israel.
23 At ang payo ni Achitophel, na kaniyang ipinapayo sa mga araw na yaon, ay gaya ng kung ang isang lalake ay nagsisiyasat sa salita ng Dios: gayong lahat ang payo ni Achitophel kay David at gayon din kay Absalom.
17 Bukod dito'y sinabi ni Achitophel kay Absalom, Papiliin mo ako ng labing dalawang libong lalake, at ako'y titindig at aking hahabulin si David sa gabing ito:
2 At ako'y darating sa kaniya samantalang siya'y pagod at may mahinang kamay, at akin siyang tatakutin: at ang buong bayan na nasa kaniya ay tatakas; at ang hari lamang ang aking sasaktan:
3 At aking ibabalik sa iyo ang buong bayan: ang lalake na iyong inuusig ay parang kung ang lahat ay nagbabalik: sa gayo'y ang buong bayan ay mapapayapa.
4 At ang sabi ay nakalugod na mabuti kay Absalom, at sa lahat ng matanda sa Israel.
5 Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, Tawagin mo naman ngayon si Husai na Arachita, at atin ding dinggin ang kaniyang sasabihin.
6 At nang dumating si Husai kay Absalom, ay sinalita ni Absalom sa kaniya, na sinasabi, Nagsalita si Achitophel ng ganitong paraan: atin bang gagawin ang ayon sa kaniyang sabi? Kung hindi, magsalita ka.
7 At sinabi ni Husai kay Absalom, Ang payo na ibinigay ni Achitophel ngayon ay hindi mabuti.
8 Sinabi ni Husai bukod sa rito, Iyong kilala ang iyong Ama at ang kaniyang mga lalake, na sila'y makapangyarihang lalake at sila'y nagngingitngit sa kanilang mga pagiisip na gaya ng isang oso na ninakawan sa parang ng kaniyang mga anak: at ang iyong ama ay lalaking mangdidigma, at hindi tatahan na kasama ng bayan.
9 Narito, siya'y nagkukubli ngayon sa isang hukay o sa ibang dako: at mangyayari, na pagka ang ilan sa kanila ay nabuwal sa pasimula, sinomang makarinig ay magsasabi, May patayan sa bayang sumusunod kay Absalom.
10 At pati ng matapang, na ang puso ay gaya ng puso ng leon, ay lubos na manglulupaypay: sapagka't kilala ng buong Israel na ang iyong ama ay makapangyarihang lalake, at sila na nasa kaniya ay matatapang na lalake.
11 Nguni't aking ipinapayo na ang buong Israel ay mapisan sa iyo, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, na gaya ng buhangin na nasa tabi ng dagat ang dami; at ikaw ay pumaroon sa pagbabaka ng iyong sariling pagkatao.
12 Sa gayo'y aabutin natin siya sa ibang dako na kasusumpungan natin sa kaniya, at tayo'y babagsak sa kaniya na gaya ng hamog na lumalapag sa lupa: at sa kaniya at sa lahat ng mga lalake na nasa kaniya ay hindi tayo magiiwan kahit isa.
13 Bukod dito, kung siya'y umurong sa isang bayan, ang buong Israel ay magdadala nga ng mga lubid sa bayang yaon, at ating babatakin sa ilog, hanggang sa walang masumpungan doon kahit isang maliit na bato.
14 At si Absalom at ang lahat na lalake sa Israel ay nagsipagsabi, Ang payo ni Husai na Arachita ay lalong mabuti kay sa payo ni Achitophel. Sapagka't ipinasiya ng Panginoon na masansala ang mabuting payo ni Achitophel, upang dalhin ng Panginoon ang kasamaan kay Absalom.
15 Nang magkagayo'y sinabi ni Husai kay Sadoc at kay Abiathar na mga saserdote. Ganito't ganito ang ipinayo ni Achitophel kay Absalom at sa mga matanda sa Israel; at ganito't ganito ang aking ipinayo.
16 Ngayon nga'y magsugo kang madali, at saysayin kay David, na sabihin, Huwag kang tumigil ng gabing ito sa mga tawiran sa ilang, kundi sa anomang paraan ay tumawid ka: baka ang hari ay mapatay at ang buong bayan na nasa kaniya.
17 Si Jonathan at si Ahimaas nga ay nagsitigil sa tabi ng Enrogel; at isang alilang babae ang pinaparoon at pinapagsaysay sa kanila; at sila'y nagsiparoon, at isinaysay sa haring kay David: sapagka't sila'y hindi makapakitang pumasok sa bayan.
18 Nguni't nakita sila ng isang bata, at isinaysay kay Absalom: at sila'y kapuwa lumabas na nagmadali, at sila'y nagsiparoon sa bahay ng isang lalake sa Bahurim, na may isang balon sa kaniyang looban; at sila'y nagsilusong doon.
19 At ang babae ay kumuha ng isang panakip at inilatag sa bunganga ng balon, at nilagyan ng mga trigo na giniik; at walang bagay na naalaman.
20 At ang mga bataan ni Absalom ay nagsidating sa babae sa bahay; at kanilang sinabi, Saan nandoon si Ahimaas at si Jonathan? At sinabi ng babae sa kanila, Sila'y tumawid sa batis ng tubig. At nang kanilang mahanap at hindi nila masumpungan ay bumalik sila sa Jerusalem.
21 At nangyari, pagkatapos na sila'y makaalis, na sila'y nagsilabas sa balon, at nagsiyaon at isinaysay sa haring kay David: at kanilang sinabi kay David, Kayo'y magsibangon, at magsitawid na madali sa tubig: sapagka't ganito ang ipinayo ni Achitophel laban sa inyo.
22 Nang magkagayo'y nagsibangon si David, at ang buong bayan na kasama niya, at sila'y tumawid sa Jordan; sa pagbubukang liwayway ay walang naiwan kahit isa sa kanila na hindi tumawid sa Jordan.
23 At nang makita ni Achitophel na ang kaniyang payo ay hindi sinunod, kaniyang siniyahan ang kaniyang asno, at bumangon, at umuwi siya sa bahay, sa kaniyang bayan at kaniyang inayos ang kaniyang bahay, at nagbigti; at siya'y namatay, at nalibing sa libingan ng kaniyang ama.