2 Samuel 17:17-21
Magandang Balita Biblia
17 Para walang makakita sa kanila, sina Jonatan at Ahimaaz ay hindi na pumasok ng lunsod; doon na lamang sila naghintay sa En-rogel. Ang anumang balita para kay David ay dinadala sa kanila ng isang aliping babae. 18 Ngunit may binatilyo palang nakakita sa kanila at ito ang nagsumbong kay Absalom. Nang malaman nila ito, umalis agad ang dalawa at nagtago sa Bahurim. Lumusong sila sa balon sa loob ng bakuran ng isang tagaroon. 19 Tinakpan agad ng asawa nito ang balon at kinalatan ng trigo ang ibabaw niyon upang hindi paghinalaang may nagtatago roon. 20 Dumating ang mga alipin ni Absalom at nagtanong sa babae, “Saan naroon sina Ahimaaz at Jonatan?”
“Tumawid na sila sa ilog,” tugon ng babae.
Ginalugad nila ang lugar na iyon, ngunit walang nakita, kaya't nagbalik na sila sa Jerusalem. 21 Pagkaalis ng mga tauhan, umahon sa balon ang dalawa. Nagpunta agad sila kay David at ipinagtapat ang masamang binabalak ni Ahitofel. Pagkatapos, sinabi nila, “Tumawid kayo agad ng ilog.”
Read full chapterMagandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.