Add parallel Print Page Options

Minamahal kong Teofilus:

Sa aking unang aklat, isinulat ko ang lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus mula nang nagsimula siya sa kanyang gawain 2-3 hanggang sa araw na dinala siya sa langit. Matapos siyang mamatay at mabuhay muli, makailang beses siyang nagpakita sa kanyang mga apostol sa ibaʼt ibang paraan para patunayan sa kanila na muli siyang nabuhay. Sa loob ng 40 araw, nagpakita siya sa kanila at nagturo tungkol sa paghahari ng Dios. At sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, nag-iwan siya ng mga utos sa kanyang piniling mga apostol. Isang araw noon, habang kumakain sila kasama ni Jesus, sinabi niya, “Huwag muna kayong umalis sa Jerusalem. Hintayin ninyo ang Banal na Espiritu na ipinangako ng Dios Ama. Sinabi ko na ito noon sa inyo. Nagbautismo si Juan sa tubig, ngunit makalipas lang ang ilang araw ay babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.”

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit

Minsan nang nagtitipon sila, tinanong nila si Jesus, “Panginoon, ito na po ba ang panahon na ibabalik ninyo ang kaharian ng Israel?”[a] Sumagot si Jesus, “Hindi pinahihintulutan ng Ama na malaman ninyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na itinakda niya. Ngunit pagdating ng Banal na Espiritu sa inyo, bibigyan niya kayo ng kapangyarihan. At ipapahayag ninyo ang mga bagay tungkol sa akin, mula rito sa Jerusalem hanggang sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa buong mundo.” Pagkasabi niya nito, dinala siya paitaas. At habang nakatingin sila sa kanya na pumapaitaas, tinakpan siya ng ulap at agad na nawala sa kanilang paningin.

10 Habang nakatitig sila sa langit, may dalawang lalaking nakaputi na biglang tumayo sa tabi nila 11 at nagsabi, “Kayong mga taga-Galilea, bakit nakatayo pa kayo rito at nakatingala sa langit? Si Jesus na inyong nakita na dinala paitaas ay babalik dito sa mundo. At kung paano siya pumaitaas, ganyan din ang kanyang pagbalik.”

Pumili ang mga Apostol ng Kapalit ni Judas

12 Pagkatapos noon, bumalik ang mga apostol sa Jerusalem galing sa Bundok ng mga Olibo. Ang bundok na ito ay halos isang kilometro ang layo mula sa lungsod ng Jerusalem. 13 Pagdating nila sa Jerusalem, dumiretso sila sa kwarto na nasa itaas ng bahay na tinutuluyan nila. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeus, Simon na makabayan,[b] at si Judas na anak ni Santiago. 14 Lagi silang nagtitipon para manalangin, kasama ang ilang mga babae, pati si Maria na ina ni Jesus, at ang mga lalaking kapatid ni Jesus.

15 Nang mga araw na iyon, nagtipon ang mga 120 mananampalataya. Tumayo si Pedro at nagsalita,

16 “Mga kapatid, kinakailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan na ipinahayag ng Banal na Espiritu noong una sa pamamagitan ni David. Ito ay tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. 17 Dati, kasama namin siya bilang apostol, at may bahagi siya sa aming gawain.”

18 (Pero bumili si Judas ng lupa mula sa perang isinuhol sa kanya sa pagtatraydor kay Jesus, at doon ay pasubsob siyang nahulog. Pumutok ang tiyan niya at lumabas ang kanyang bituka. 19 Nalaman ito ng lahat ng tao sa Jerusalem, kaya tinawag nila ang lugar na iyon na Akeldama, na ang ibig sabihin ay “Bukid ng Dugo”.) 20 Sinabi pa ni Pedro, “Nasusulat sa mga Salmo,

‘Pabayaan na lang ang kanyang tirahan,
    at dapat walang tumira roon.’[c]

At nasusulat din,

‘Ibibigay na lang sa iba ang kanyang tungkulin.’

21-22 “Kaya kinakailangan nating pumili ng tao na ipapalit kay Judas, na kasama nating magpapatotoo sa muling pagkabuhay ni Jesus. Dapat isa siya sa mga kasama natin na naglingkod sa Panginoong Jesus noong nandito pa siya sa mundo, mula noong nagbabautismo si Juan hanggang sa panahon na dinala si Jesus sa langit.” 23 Kaya dalawang lalaki ang kanilang pinagpilian: si Matias at si Jose na tinatawag na Barsabas (o Justus). 24 At bago sila pumili, nanalangin sila, “Panginoon, ikaw ang nakakaalam ng puso ng lahat ng tao. Kaya ipaalam nʼyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang pipiliin nʼyo 25 na maging apostol bilang kapalit ni Judas. Sapagkat tinalikuran ni Judas ang kanyang gawain bilang isang apostol, at pumunta siya sa lugar na nararapat sa kanya.” 26 Pagkatapos nilang manalangin, nagpalabunutan sila. At ang nabunot nila ay si Matias. Kaya si Matias ang idinagdag sa 11 apostol.

Ang Pagdating ng Banal na Espiritu

Pagdating ng araw ng pista na tinatawag na Pentecostes,[d] nagtipon ang lahat ng mananampalataya sa isang bahay. Habang nagtitipon sila, bigla na lang silang nakarinig ng ugong na mula sa langit, na katulad ng malakas na hangin. At puro ugong na lang ang kanilang narinig sa bahay na kanilang pinagtitipunan. Pagkatapos, may nakita silang mga ningas ng apoy na parang mga dila na kumalat at dumapo sa bawat isa sa kanila. Napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu, at nakapagsalita ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan. Ang Banal na Espiritu ang siyang nagbigay sa kanila ng kakayahang makapagsalita nang ganoon.

Nang panahon ding iyon, doon sa Jerusalem ay may mga relihiyosong Judio na nanggaling sa ibaʼt ibang bansa sa buong mundo. Pagkarinig nila sa ugong na iyon, nagmadali silang pumunta sa pinagtitipunan ng mga mananampalataya. Namangha sila dahil narinig nilang sinasalita ng mga mananampalataya ang kani-kanilang wika. Sinabi nila, “Aba, hindi baʼt mga taga-Galilea silang lahat? Bakit sila nakakapagsalita ng sarili nating wika? Ang iba sa atin ay taga-Partia, Media at Elam. Mayroon ding mga taga-Mesopotamia, Judea, Capadosia, Pontus at Asia. 10 Ang iba ay taga-Frigia, Pamfilia, Egipto, at mula sa mga lugar na sakop ng Libya na malapit sa Cyrene. Mayroon ding mga taga-Roma, 11 mga Judio, at mga hindi Judio na nahikayat sa relihiyon ng mga Judio. At ang iba ay mula sa Crete at Arabia. Pero naririnig natin sila na nagsasalita ng mga wika natin tungkol sa mga kamangha-manghang ginawa ng Dios!”

12 Namangha talaga ang lahat ng tao roon. At dahil hindi nila maunawaan kung ano ang nangyayari, nagtanungan na lang sila sa isaʼt isa, “Ano kaya ito?” 13 Pero tinuya ng iba ang mga mananampalataya. Sinabi nila, “Lasing lang ang mga iyan!”

Nangaral si Pedro

14 Kaya tumayo si Pedro kasama ang 11 apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga kababayan kong mga Judio, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, makinig kayo sa akin, dahil ipapaliwanag ko kung ano ang ibig sabihin ng mga nangyayaring ito. 15 Mali ang inyong akala na lasing ang mga taong ito, dahil alas nuwebe pa lang ng umaga. 16 Ang pangyayaring itoʼy katuparan ng ipinahayag ni propeta Joel noon:

17 ‘Sinabi ng Dios, “Sa mga huling araw, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng uri ng tao.
    Ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpapahayag ng aking mga salita;
    ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain;
    at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip.
18 Oo, sa mga araw na iyon, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa aking mga lingkod na lalaki at babae, at ipapahayag nila ang aking mga salita.
19 Magpapakita ako ng mga himala sa langit at sa lupa sa pamamagitan ng dugo, apoy, at makapal na usok.
20 Magdidilim ang araw, at ang buwan ay pupula katulad ng dugo. Mangyayari ito bago dumating ang kamangha-manghang araw ng paghahatol ng Panginoon.
21 Ngunit ang sinumang tatawag sa Panginoon ay maliligtas sa parusang darating.” ’ ”[e]

22 Nagpatuloy si Pedro sa pagsasalita, “Mga kababayan kong Israelita, makinig kayo sa akin! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Dios sa inyo, at pinatotohanan ito ng Dios sa pamamagitan ng mga himala at kamangha-manghang ginawa niya sa pamamagitan ni Jesus. Alam nʼyo mismo ang mga ito dahil ang lahat ng itoʼy nangyari rito sa inyo. 23 Alam na noon pa ng Dios na itong si Jesus ay ibibigay sa inyo at ganito na talaga ang kanyang plano. Ipinapatay ninyo siya sa mga makasalanang tao na nagpako sa kanya sa krus. 24 Ngunit binuhay siya ng Dios at iniligtas mula sa kapangyarihan ng kamatayan, dahil ang totoo, kahit ang kamatayan ay walang kapangyarihang pigilan siya. 25 Ito ang sinabi ni David na para rin sa kanya,

    ‘Alam kong ang Panginoon ay lagi kong kasama at hindi niya ako pinapabayaan, kaya hindi ako nangangamba.
26 Kaya masaya ako, at hindi mapigil ang aking pagpupuri sa Dios.
    At kahit mamatay ako, may pag-asa pa rin ako.
27 Sapagkat alam kong hindi mo ako pababayaan doon sa libingan.[f]
    Hindi mo rin hahayaang mabulok ang iyong tapat na lingkod.
28 Itinuro mo sa akin ang daan patungo sa buhay,
    at dahil sa palagi kitang kasama, masayang-masaya ako.’[g]

29 “Mga kababayan, malinaw na hindi tinutukoy ni David ang kanyang sarili, dahil ang ating ninunong si David ay namatay at inilibing, at hanggang ngayon ay alam natin kung saan siya nakalibing. 30 Si David ay propeta at alam niya na nangako ang Dios sa kanya na ang isa sa kanyang mga lahi ay magmamana ng kanyang kaharian. 31 At dahil alam ni David kung ano ang gagawin ng Dios, nagsalita siya tungkol sa muling pagkabuhay ni Cristo, na hindi siya pinabayaan sa libingan at hindi nabulok ang kanyang katawan. 32 Ang kanyang tinutukoy ay walang iba kundi si Jesus na muling binuhay ng Dios, at kaming lahat ay saksi na muli siyang nabuhay. 33 Itinaas siya sa kanan ng Dios.[h] At ibinigay sa kanya ng Ama ang Banal na Espiritung ipinangako sa kanya. Ang Banal na Espiritung ito ay ipinadala naman ni Jesus sa amin, at ang kanyang kapangyarihan ang siyang nakikita ninyo at naririnig ngayon. 34-35 Hindi si David ang itinaas sa langit, pero sinabi niya,

    ‘Nagsalita ang Panginoon sa aking Panginoon[i]:
    Umupo ka rito sa kanan ko hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’

36 Kaya dapat talagang malaman ng lahat ng Israelita na itong si Jesus na ipinapako nʼyo sa krus ang siyang pinili ng Dios na maging Panginoon at Cristo.”

37 Nang marinig iyon ng mga tao, tumagos ito sa kanilang puso. Kaya nagtanong sila kay Pedro at sa kanyang kasamang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” 38 Sumagot si Pedro sa kanila, “Magsisi ang bawat isa sa inyong mga kasalanan at magpabautismo sa pangalan ni Jesu-Cristo,[j] at mapapatawad ang inyong mga kasalanan at matatanggap ninyo ang regalo ng Dios na walang iba kundi ang Banal na Espiritu. 39 Sapagkat ang Banal na Espiritung ito ay ipinangako para sa inyo, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng taong nasa malayo – sa lahat ng tatawagin ng Panginoon nating Dios na magsisilapit sa kanya.”

40 Marami pang ipinahayag si Pedro para patunayan sa kanila ang kanyang sinabi. At hiniling niya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong sarili sa masamang henerasyong ito.” 41 Marami ang naniwala sa kanyang mensahe at nagpabautismo agad sila. Nang araw na iyon, mga 3,000 tao ang nadagdag sa mga mananampalataya. 42 Naging masigasig sila sa pag-aaral ng mga itinuturo ng mga apostol, sa pagtitipon bilang magkakapatid, sa paghahati-hati ng tinapay, at sa pananalangin.

Ang Pamumuhay ng mga Mananampalataya

43 Maraming himala at kamangha-manghang ginawa ang Dios sa pamamagitan ng mga apostol. Kaya namuhay ang mga tao nang may paggalang at takot sa Dios. 44 Maganda ang pagsasamahan ng mga mananampalataya, at pinag-isa nila ang kanilang mga ari-arian para makabahagi ang lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga lupa at mga ari-arian, at ang peraʼy ipinamahagi nila sa kanilang mga kasama ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 46 Araw-araw, nagtitipon sila sa templo at naghahati-hati ng tinapay sa kanilang mga bahay. Lubos ang kagalakan nila sa kanilang pakikibahagi sa pagkain, 47 at palagi silang nagpupuri sa Dios. Nagustuhan sila ng lahat ng tao. Araw-araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga taong kanyang inililigtas.

Ang Paggaling ng Taong Lumpo

Isang araw, bandang alas tres ng hapon, pumunta si Pedro at si Juan sa templo. Oras noon ng pananalangin. Sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda” ay may isang taong lumpo mula nang ipinanganak. Araw-araw siyang dinadala roon para humingi ng limos sa mga taong pumapasok sa templo. Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos. Tinitigan siya nina Pedro at Juan. Pagkatapos, sinabi ni Pedro sa kanya, “Tumingin ka sa amin.”

Tumingin ang lalaki sa kanila na naghihintay na malimusan. Pero sinabi ni Pedro sa kanya, “Wala akong pera.[k] Ngunit may ibibigay ako sa iyo: Sa pangalan[l] ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, lumakad ka!” At hinawakan ni Pedro ang kanang kamay nito at pinatayo siya. Biglang lumakas ang kanyang mga paa at bukong-bukong. Tumayo siya agad at lumakad-lakad. Pagkatapos, sumama siya kina Pedro at Juan sa templo. Palakad-lakad at patalon-talon siyang nagpupuri sa Dios. Nakita ng lahat na lumalakad siya at nagpupuri sa Dios. 10 Napansin nila na siya pala ang taong palaging nakaupo at humihingi ng limos doon sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda.” Kaya lubos ang kanilang pagkamangha sa nangyari sa kanya.

Nagsalita si Pedro sa Balkonahe ni Solomon

11 Parang ayaw nang humiwalay ng taong iyon kina Pedro at Juan. Lagi siyang nakahawak sa kanila habang naglalakad sila sa lugar na tinatawag na “Balkonahe ni Solomon.” Nagtakbuhan ang lahat ng tao palapit sa kanila, dahil manghang-mangha sila. 12 Pagkakita ni Pedro sa mga tao, sinabi niya sa kanila, “Mga kababayan kong mga Israelita, bakit kayo namangha sa pangyayaring ito? Bakit ninyo kami tinititigan? Akala ba ninyoʼy napalakad namin ang taong ito dahil sa aming kapangyarihan at kabanalan? 13 Hindi! Ang Dios ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob ang siyang gumawa nito upang parangalan niya ang kanyang lingkod na si Jesus. Ang Jesus na ito ang siyang ibinigay ninyo sa mga may kapangyarihan at itinakwil ninyo sa harapan ni Pilato, kahit napagpasyahan na niyang pakawalan siya. 14 Banal siya at matuwid, ngunit itinakwil nʼyo at hiniling kay Pilato na pakawalan ang isang mamamatay-tao sa halip na siya. 15 Pinatay nʼyo ang nagbibigay ng buhay, ngunit binuhay siyang muli ng Dios. At makapagpapatunay kami na nabuhay siyang muli. 16 Ang pananampalataya kay Jesus[m] ang siyang nagpalakas sa taong ito na inyong namukhaan at nakikita ngayon. Kayo man ay mga saksi na gumaling siya. Nangyari ito dahil sa pananampalataya kay Jesus.

17 “Mga kapatid, alam kong nagawa ninyo at ng inyong mga pinuno ang mga bagay na iyon kay Jesus dahil hindi nʼyo alam kung sino talaga siya. 18 Ipinahayag na ng Dios noon sa pamamagitan ng mga propeta na si Cristo ay kinakailangang magdusa. At sa inyong ginawa sa kanya, natupad ang sinabi ng Dios. 19 Kaya ngayon, kailangang magsisi na kayo at lumapit sa Dios, para patawarin niya ang inyong mga kasalanan, 20 at matanggap nʼyo ang bagong kalakasan mula sa Panginoon. Pagkatapos, ipapadala niya si Jesus, ang Cristo na itinalaga niya noon para sa inyo. 21 Ngunit kinakailangang manatili muna si Jesus sa langit hanggang sa dumating ang panahon na mabago ng Dios ang lahat ng bagay. Iyan din ang sinabi ng Dios noon sa pamamagitan ng kanyang mga propeta. 22 Katulad ng sinabi ni Moises, ‘Ang Panginoon na ating Dios ay magbibigay sa inyo ng isang propetang katulad ko at kalahi ninyo. Kinakailangang sundin ninyo ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. 23 Ang hindi susunod sa sinasabi ng propetang ito ay ihihiwalay sa bayan ng Dios at lilipulin.’[n] 24 Ganyan din ang sinabi ng lahat ng propeta mula kay Samuel. Silang lahat ay nagpahayag tungkol sa mga bagay na mangyayari ngayon. 25 Ang mga ipinangako ng Dios sa pamamagitan ng kanyang mga propeta ay para talaga sa atin na mga Judio, at kasama tayo sa kasunduan na ginawa ng Dios sa ating mga ninuno, dahil sinabi niya kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo sa pamamagitan ng iyong lahi.’ 26 Kaya sinugo ng Dios ang kanyang piniling Lingkod, una sa atin na mga Judio, para tulungan niya tayong talikuran ang kasamaan.”

Sina Pedro at Juan sa Harapan ng Korte

Habang nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga tao, nilapitan sila ng mga pari, ng kapitan ng mga guwardya sa templo, at ng mga Saduceo. Nagalit sila dahil nangangaral ang dalawa na muling nabuhay si Jesus, at itoʼy nagpapatunay na may muling pagkabuhay. Kaya dinakip nila sina Pedro at Juan. Iimbestigahan pa sana ang dalawa, pero dahil gabi na, ipinasok na lang muna sila sa bilangguan hanggang sa kinaumagahan. Pero kahit ganito ang nangyari sa kanila, marami sa mga nakarinig ng kanilang pagtuturo ang sumampalataya. Ang mga lalaki na sumampalataya ay 5,000.

Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga namamahalang pari, mga pinuno ng mga Judio at mga tagapagturo ng Kautusan. Naroon din si Anas na punong pari, si Caifas, si Juan, si Alexander, at ang iba pang mga miyembro ng pamilya ni Anas. Iniharap sa kanila sina Pedro at Juan at tinanong, “Sa anong kapangyarihan at kaninong awtoridad[o] ang inyong ginamit sa pagpapagaling sa taong lumpo?”

Si Pedro na puspos ng Banal na Espiritu ay sumagot, “Kayong mga namamahalang pari at mga pinuno ng mga Judio, kung ang itinatanong ninyo sa amin ay tungkol sa paggaling ng taong lumpo, 10 dapat malaman ninyong lahat at ng lahat ng taga-Israel, na ang taong ito na nakatayo rito ngayon ay pinagaling ng kapangyarihan[p] ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret. Siya ang inyong ipinako sa krus at pinatay, ngunit binuhay siyang muli ng Dios. 11 Si Jesus ang tinutukoy na bato sa talatang ito ng Kasulatan: ‘Ang bato na itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong pundasyon.’ 12 Walang sinuman sa mundong ito ang makapagliligtas sa atin kundi si Jesus lang.”

13 Namangha sila kina Pedro at Juan dahil sa lakas ng loob nilang magsalita, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lang sila at walang mataas na pinag-aralan. Namukhaan din nilang silaʼy mga kasama ni Jesus noon. 14 Magsasalita pa sana sila laban sa himalang ginawa nina Pedro at Juan, pero dahil ang taong pinagaling ay nakatayo mismo sa tabi ng dalawa, wala na silang nasabi. 15 Kaya pinalabas muna nila sina Pedro at Juan sa kanilang pinagtitipunan at nag-usap-usap sila. 16 Sinabi nila, “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito? Sapagkat kumalat na ang balita sa buong Jerusalem na nakagawa sila ng himala, at hindi natin ito maikakaila. 17 Kaya para huwag nang kumalat ang kanilang pangangaral sa mga tao, balaan natin sila na huwag nang magturo tungkol kay Jesus.”

18 Ipinatawag nila sina Pedro at Juan at sinabihang huwag nang magsalita o magturo tungkol kay Jesus. 19 Pero sumagot sina Pedro at Juan, “Isipin nga ninyong mabuti kung alin ang tama sa paningin ng Dios: ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Dios? 20 Hindi pwedeng hindi namin ipahayag ang aming nakita at narinig.”

21 Pero mahigpit pa rin silang binawalan na mangaral bago sila pinakawalan. Gusto sana nilang parusahan ang dalawa, pero hindi nila magawa. Natatakot sila sa mga tao, dahil pinupuri ng mga ito ang Dios sa nangyaring himala. 22 Sapagkat ang taong pinagaling sa pamamagitan ng himala ay mahigit 40 taon nang lumpo.

Ang Panalangin ng mga Mananampalataya

23 Nang pinakawalan na sina Pedro at Juan, bumalik sila sa kanilang mga kasamahan, at ibinalita nila kung ano ang sinabi ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. 24 Nang marinig iyon ng mga mananampalataya, nanalangin sila sa Dios. Sinabi nila, “Panginoon na makapangyarihan sa lahat, kayo po ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at lahat ng nasa mga ito. 25 Nagsalita kayo sa pamamagitan ng aming ninunong si David na inyong lingkod. Sinabi niya sa patnubay ng Banal na Espiritu,

    ‘Bakit matindi ang galit ng mga bansa?
    Bakit sila nagpaplano ng wala namang patutunguhan?
26 Ang mga hari at mga pinuno sa mundo ay nagsama-sama,
    at nagsipaghanda sa pakikipaglaban sa Panginoon,
    at sa kanyang Cristo.’[q]

27 Natupad na ngayon ang sinabi ninyo noon, dahil dito mismo sa Jerusalem, ang mga Judio at hindi Judio, pati si Haring Herodes at si Gobernador Pilato, ay nagkaisang kalabanin ang inyong banal na lingkod na si Jesus na inyong pinili na maging Hari. 28 Sa kanilang ginawa, natupad na ang inyong balak noon. At itoʼy nangyari ayon sa inyong kapangyarihan at kalooban. 29 At ngayon, Panginoon, pinagbabantaan nila kami. Tulungan nʼyo kami na inyong mga lingkod na maging matapang sa pangangaral ng inyong salita. 30 Ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan. Loobin nʼyo na sa pamamagitan ng kapangyarihan[r] ni Jesus na inyong banal na lingkod ay mapagaling namin ang mga may sakit at makagawa kami ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay.”

31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang bahay na kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu at buong tapang na nangaral ng salita ng Dios.

Ang Pagtutulungan ng mga Mananampalataya

32 Nagkaisa ang mga mananampalataya sa damdamin at isipan. Itinuring ng bawat isa na ang kanilang mga ari-arian ay hindi lang para sa kanilang sarili kundi para sa lahat. 33 Patuloy ang paggawa ng mga apostol ng mga kamangha-manghang gawa bilang patunay na ang Panginoong Jesus ay talagang nabuhay muli. At lubusang pinagpala ng Dios ang lahat ng mga mananampalataya. 34 Hindi sila nagkulang sa kanilang pangangailangan dahil ipinagbili ng mga may kaya ang kanilang mga lupaʼt bahay, 35 at ang peraʼy ibinigay nila sa mga apostol. At ibinigay naman ito ng mga apostol sa bawat isa ayon sa kanilang pangangailangan.

36 Ganyan din ang ginawa ng Levitang si Jose na taga-Cyprus. Tinatawag siya ng mga apostol na Bernabe, na ang ibig sabihin ay “Tagapagpalakas ng Loob.” 37 Ibinenta ni Jose ang kanyang lupa at ang peraʼy ibinigay niya sa mga apostol.

Sina Ananias at Safira

May mag-asawang nagbenta rin ng kanilang lupa. Ang pangalan ng lalaki ay Ananias, at ang babae naman ay Safira. Pero binawasan ni Ananias ang pinagbilhan ng kanilang lupa. At pumayag naman ang kanyang asawa. Pagkatapos, ibinigay niya ang natirang pera sa mga apostol, at sinabi niyang iyon ang buong halaga ng lupa. Agad namang nagtanong si Pedro, “Ananias, bakit ka nagpalinlang kay Satanas? Nagsisinungaling ka sa Banal na Espiritu dahil binawasan mo ang pinagbilhan ng lupa ninyo. Hindi baʼt ikaw ang may-ari ng lupang iyon bago mo ibinenta? At nang maibenta na, hindi baʼt nasa sa iyo ang pagpapasya kung ano ang gagawin mo sa pera? Bakit mo pa nagawa ang ganito? Nagsinungaling ka hindi lang sa tao kundi lalung-lalo na sa Dios.”

5-6 Pagkarinig noon ni Ananias, natumba siya at namatay. Agad naman siyang nilapitan ng mga binata at binalot ang kanyang bangkay. Pagkatapos, dinala nila siya palabas at inilibing. At ang lahat ng nakarinig sa pangyayaring iyon ay lubhang natakot.

Pagkaraan ng mga tatlong oras, pumasok ang asawa ni Ananias. Wala siyang kamalay-malay sa nangyari sa kanyang asawa. Tinanong siya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin ang totoo, ito lang ba ang pinagbilhan ng inyong lupa?” Sumagot si Safira, “Oo, iyan nga ang buong halaga.” Kaya sinabi ni Pedro sa kanya, “Bakit nagkaisa kayong mag-asawa na subukan ang Espiritu ng Panginoon? Tingnan mo, nandiyan na sa pintuan ang mga binata na naglibing sa asawa mo, at bubuhatin ka rin nila para ilibing.”

10 Natumba noon din si Safira sa harapan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga binata, nakita nilang patay na si Safira. Kaya binuhat nila siya palabas at inilibing sa tabi ng kanyang asawa. 11 Dahil sa mga pangyayaring iyon, lubhang natakot ang buong iglesya at ang lahat ng nakabalita nito.

Mga Himala at mga Kamangha-manghang Gawa

12 Maraming himala at kamangha-manghang ginawa ang mga apostol sa mga tao. Laging nagtitipon ang lahat ng mga mananampalataya sa Balkonahe ni Solomon. 13 Kahit na mataas ang pagtingin sa kanila ng mga tao, ang ibaʼy hindi nangahas na sumama sa kanila. 14 Sa kabila nito, nadagdagan pa ang bilang ng mga lalaki at babaeng sumasampalataya sa Panginoon. 15 Dahil sa mga himalang ginawa ng mga apostol, dinala ng mga tao ang mga may sakit sa tabi ng daan at inilagay sa mga higaan, para pagdaan ni Pedro ay madadaanan sila kahit anino man lang nito. 16 Hindi lang iyan, kundi marami ring mga tao mula sa mga kalapit baryo ang dumating sa Jerusalem na may dalang mga may sakit at mga taong sinasaniban ng masamang espiritu. At gumaling silang lahat.

Ang Pag-uusig sa mga Apostol

17 Labis na nainggit ang punong pari at ang mga kasama niyang miyembro ng grupong Saduceo. 18 Kaya dinakip nila ang mga apostol at ikinulong. 19 Pero kinagabihan, binuksan ng anghel ng Panginoon ang pintuan ng bilangguan at pinalabas sila. Sinabi ng anghel sa kanila, 20 “Pumunta kayo sa templo at turuan ninyo ang mga tao tungkol sa bagong buhay na ibinibigay ng Dios.” 21 Sinunod nila ang sinabi ng anghel. Pagsikat ng araw, pumasok sila sa templo at nagturo sa mga tao.

Ipinatawag ng punong pari at ng kanyang mga kasamahan ang lahat ng pinuno ng mga Judio para magpulong ang buong Korte ng mga Judio. May mga inutusan din silang pumunta sa bilangguan para kunin ang mga apostol at dalhin sa kanila. 22 Pero pagdating ng mga inutusan sa bilangguan, wala na roon ang mga apostol. Kaya bumalik sila sa Korte ng mga Judio 23 at sinabi, “Pagdating namin sa bilangguan nakasusi pa ang mga pintuan, at nakabantay doon ang mga guwardya. Pero nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob.” 24 Nang marinig ito ng kapitan ng mga guwardya sa templo at ng punong pari, naguluhan sila at hindi maunawaan kung ano ang nangyari sa mga apostol. 25 Nang bandang huli, may taong dumating at nagbalita, “Ang mga taong ikinulong ninyo ay naroon na sa templo at nagtuturo sa mga tao.” 26 Agad na pumunta sa templo ang kapitan ng mga guwardya at ang kanyang mga tauhan at muling dinakip ang mga apostol, pero hindi nila sila pinuwersa dahil natatakot sila na baka batuhin sila ng mga tao.

27 Dinala nila ang mga apostol doon sa Korte ng mga Judio. Sinabi ng punong pari sa kanila, 28 “Hindi baʼt pinagbawalan na namin kayong mangaral tungkol kay Jesus? Pero tingnan ninyo ang inyong ginawa! Kumalat na ang inyong aral sa buong Jerusalem, at kami pa ang pinagbibintangan ninyong pumatay sa kanya!” 29 Sumagot si Pedro at ang kanyang mga kasama, “Ang Dios ang dapat naming sundin, at hindi ang tao. 30 Pinatay ninyo si Jesus sa pamamagitan ng pagpako sa kanya sa krus. Ngunit binuhay siyang muli ng Dios, ang Dios na sinasamba ng ating mga ninuno. 31 Itinaas ng Dios si Jesus, at naroon na siya sa kanyang kanan bilang Pinuno at Tagapagligtas, para tayong mga Judio ay mabigyan ng pagkakataon na magsisi at sa gayoʼy mapatawad ang ating mga kasalanan. 32 Nagpapatunay kami na ang lahat ng ito ay totoo, at ganoon din ang Banal na Espiritu na ibinigay ng Dios sa lahat ng sumusunod sa kanya.”

33 Nang marinig ito ng mga miyembro ng Korte, galit na galit sila at gusto nilang patayin ang mga apostol. 34 Pero tumayo ang kanilang kasamang si Gamaliel. Isa siyang Pariseo at tagapagturo ng Kautusan, at iginagalang ng lahat. Nag-utos siya na palabasin muna ang mga apostol. 35 Nang makalabas na ang mga apostol, sinabi ni Gamaliel sa kanyang mga kasama, “Mga kababayan kong Israelita, isipin ninyong mabuti kung ano ang gagawin ninyo sa mga taong iyan, at baka magkamali kayo. 36 Sapagkat noong araw ay may taong ang pangalan ay Teudas na nagmalaki na parang kung sino, at may mga 400 siyang tagasunod. Pero nang bandang huli, pinatay siya at ang kanyang mga tagasunod ay nagkawatak-watak, at naglaho na lang ang grupong iyon. 37 Pagkatapos, noong panahon ng sensus, si Judas naman na taga-Galilea ang nakapagtipon ng mga tagasunod. Pero pinatay din siya at nagkawatak-watak ang kanyang mga tagasunod. 38 Kaya ito ang masasabi ko sa inyo: pabayaan na lang natin ang mga taong ito, at huwag silang pansinin. Sapagkat kung ang mga ginagawa at itinuturo nila ay galing lang sa tao, mawawala rin iyan. 39 Pero kung galing iyan sa Dios, hindi natin sila mapipigilan. Hindi lang iyan, baka lumabas pa na ang Dios na mismo ang ating kinakalaban.” Kaya sinunod ng Korte ang payo ni Gamaliel. 40 Ipinatawag nilang muli ang mga apostol at ipinahagupit. Pagkatapos, binalaan sila na huwag nang magturo pa tungkol kay Jesus, at pinalaya sila. 41 Umalis doon ang mga apostol na masayang-masaya, dahil binigyan sila ng Dios ng pagkakataon na magtiis alang-alang sa pangalan ni Jesus. 42 Araw-araw ay pumupunta sila sa templo at sa mga bahay-bahay, patuloy ang kanilang pagtuturo at pangangaral ng Magandang Balita na si Jesus ang Cristo.

Ang Pagpili ng Pitong Lalaki

Nang mga panahong iyon, dumarami na ang mga tagasunod ni Jesus. Nagreklamo ang mga Judiong nagsasalita ng Griego laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo. Itoʼy sa dahilang hindi nabibigyan ng pang-araw-araw na rasyon ang kanilang mga biyuda. Kaya ipinatawag ng 12 apostol ang lahat ng tagasunod ni Jesus, at sinabihan sila, “Hindi mabuting pabayaan namin ang pangangaral ng salita ng Dios para mag-asikaso lang ng materyal na mga tulong. Kaya mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking may malinis na pangalan, marunong, at puspos ng Banal na Espiritu. Sila ang pamamahalain natin sa mga materyal na tulong. At ilalaan naman namin ang aming oras sa pananalangin at sa pangangaral ng salita ng Dios.” Sumang-ayon ang lahat ng mga mananampalataya sa sinabi ng mga apostol. Kaya pinili nila si Esteban na may matibay na pananampalataya at puspos ng Banal na Espiritu. Pinili rin nila sina Felipe, Procorus, Nicanor, Timon, Parmenas, at Nicolas na taga-Antioc. Si Nicolas ay hindi Judio pero umanib sa relihiyon ng mga Judio. Dinala nila ang mga napiling ito sa mga apostol. At ipinanalangin sila ng mga apostol at pinatungan ng kamay bilang pagtatalaga sa tungkulin.

Kaya patuloy na kumalat ang salita ng Dios. Marami pang mga taga-Jerusalem ang naging tagasunod ni Jesus, at marami ring pari ang sumampalataya sa kanya.

Ang Pagdakip kay Esteban

Pinagkalooban ng Dios si Esteban ng pambihirang kapangyarihan. Kaya maraming himala at mga kamangha-manghang ginawa niya ang nasaksihan ng mga tao. Pero may mga taong kumalaban sa kanya. Ito ay ang mga Judiong mula sa Cyrene, Alexandria, Cilicia, at Asia. Mga miyembro sila ng sambahan ng mga Judio na tinatawag na Sambahan ng mga Pinalaya sa Pagkaalipin. Nakikipagtalo sila kay Esteban, 10 pero hindi nila kayang talunin si Esteban dahil binigyan siya ng karunungan ng Banal na Espiritu. 11 Kaya lihim nilang sinulsulan[s] ang ilang tao na magsabi, “Narinig namin si Esteban na nagsalita ng masama laban kay Moises at sa Dios.” 12 Sa ganitong paraan, naudyukan nilang magalit ang mga tao, ang mga pinuno ng mga Judio, at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Dinakip nila si Esteban at dinala sa korte ng mga Judio. 13 Mayroon din silang pinapasok na ilang tao para tumestigo ng kasinungalingan laban kay Esteban. Sinabi nila, “Ang taong ito ay palaging nagsasalita ng laban sa ating sagradong templo at sa Kautusan ni Moises. 14 Narinig naming sinabi niya na ang ating templo ay gigibain ni Jesus na taga-Nazaret at papalitan niya ang mga kaugaliang iniwan sa atin ni Moises!” 15 Ang lahat ng miyembro ng Korte ay tumitig kay Esteban, at nakita nila ang kanyang mukha na nagliwanag na parang mukha ng anghel.

Ang Pangangaral ni Esteban

Nagtanong ang punong pari kay Esteban, “Totoo ba ang sinasabi ng mga taong ito?” Sumagot si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ako. Noong unang panahon, nagpakita ang makapangyarihang Dios sa ating ninunong si Abraham noong siyaʼy nasa Mesopotamia pa, bago siya lumipat sa Haran. Sinabi ng Dios sa kanya, ‘Lisanin mo ang iyong bansa, ang mga kamag-anak mo at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo.’[t] Kaya umalis si Abraham sa bayan ng Caldeo at doon siya nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, pinapunta siya ng Dios sa lugar na ito na tinitirhan natin ngayon. Noong panahong iyon, hindi pa binibigyan ng Dios si Abraham ng kahit kapirasong lupa. Pero nangako ang Dios na ang lugar na ito ay ibibigay niya kay Abraham at sa kanyang mga lahi. Wala pang anak si Abraham nang ipinangako ito ng Dios. Sinabi rin ng Dios sa kanya, ‘Ang iyong mga lahi ay maninirahan sa ibang bansa, at gagawin silang mga alipin doon at pagmamalupitan sa loob ng 400 taon. Ngunit parurusahan ko ang bansang aalipin sa kanila. Pagkatapos, aalis sila sa bansang iyon at babalik sa lugar na ito, at dito sila sasamba sa akin.’ At bilang tanda ng kanyang pangako, nag-utos ang Dios kay Abraham na ang lahat ng lalaki ay dapat tuliin. Kaya nang isilang ang kanyang anak na si Isaac, tinuli niya ito noong walong araw pa lang. Ganito rin ang ginawa ni Isaac sa kanyang anak na si Jacob. At ginawa rin ito ni Jacob sa kanyang 12 anak na siyang pinagmulan nating mga Judio.

“Si Jose na isa sa mga 12 anak ni Jacob ay kinainggitan ng mga kapatid niya, kaya ipinagbili nila siya. Dinala siya sa Egipto at naging alipin doon. Pero dahil ang Dios ay kasama ni Jose, 10 tinulungan siya nito sa lahat ng mga paghihirap na kanyang dinanas. Binigyan din siya ng Dios ng karunungan, kaya nagustuhan siya ng Faraon, ang hari ng Egipto. Ginawa siya ng hari na tagapamahala ng buong Egipto at ng lahat ng kanyang ari-arian. 11 Dumating ang taggutom sa buong Egipto at Canaan. Hirap na hirap ang mga tao, at ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. 12 Kaya nang mabalitaan ni Jacob na may pagkain sa Egipto, pinapunta niya roon ang kanyang mga anak, na siyang ating mga ninuno. Iyon ang una nilang pagpunta sa Egipto. 13 Sa ikalawang pagpunta nila, nagpakilala na si Jose na siyaʼy kapatid nila, at sinabi rin niya sa Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. 14 Pagkatapos, ipinag-utos ni Jose na papuntahin ang ama niyang si Jacob sa Egipto kasama ang kanyang buong pamilya. (Mga 75 silang lahat.) 15 Kaya pumunta si Jacob at ang ating mga ninuno sa Egipto. Doon sila nanirahan at doon na rin namatay. 16 Dinala ang kanilang mga bangkay sa Shekem at inilibing sa libingang binili ni Abraham noon sa mga anak ni Hamor.

17 “Nang malapit nang matupad ang pangako ng Dios kay Abraham, lalo pang dumami ang ating mga ninuno na naroon sa Egipto. 18 Dumating din ang araw na nagkaroon ng bagong hari ang Egipto na hindi kilala si Jose. 19 Dinaya ng haring ito ang ating mga ninuno at pinagmalupitan. Pinilit niya silang itapon ang kanilang sanggol para mamatay. 20 Iyon din ang panahon nang isilang si Moises, isang bata na kinalugdan ng Dios. Inalagaan siya ng kanyang mga magulang sa kanilang bahay sa loob ng tatlong buwan. 21 At nang napilitan na silang iwan siya, kinuha siya ng anak na babae ng Faraon at inalagaan na parang tunay niyang anak. 22 Tinuruan si Moises ng lahat ng karunungan ng Egipto, at naging dakila sa salita at sa gawa.

23 “Nang si Moises ay 40 taon na, naisipan niyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita. 24 Nakita niya na pinagmamalupitan ng isang Egipcio ang isa niyang kababayan. Ipinagtanggol niya ito, at bilang paghihiganti, pinatay niya ang Egipcio. 25 Sa ginawa niyang iyon inakala niya na mauunawaan ng mga Israelita na siya ang gagamitin ng Dios sa pagpapalaya sa kanila. Pero hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, bumalik si Moises at nakita niya ang dalawang Israelitang nag-aaway. Gusto niyang pagkasunduin ang dalawa, kaya sinabi niya sa kanila, ‘Pareho kayong mga Israelita. Bakit kayo nag-aaway?’ 27 Pero itinulak siya ng lalaking nang-aapi at sinabi, ‘Sino ang nagtalaga sa iyo para maging pinuno at hukom namin? 28 Ano, papatayin mo rin ba ako tulad ng ginawa mo roon sa Egipcio kahapon?’ 29 Nang marinig ito ni Moises, tumakas siya at pumunta sa Midian. Doon siya nanirahan at nag-asawa, at doon din isinilang ang dalawa niyang anak na lalaki.

30 “Pagkalipas ng 40 taon, may isang anghel na nagpakita kay Moises habang siyaʼy nasa ilang, malapit sa Bundok ng Sinai. Nakita ni Moises ang anghel sa nagliliyab na mababang punongkahoy. 31 Namangha si Moises sa kanyang nakita, kaya nilapitan niya ito para tingnan. Nang papalapit na siya, narinig niya ang tinig ng Panginoon na nagsasabi, 32 ‘Ako ang Dios ng iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob.’ Nang marinig ito ni Moises, nanginig siya sa takot at hindi na nangahas pang tumingin. 33 Sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Tanggalin mo ang iyong sandalyas, dahil banal ang lugar na kinatatayuan mo. 34 Nakikita ko ang mga paghihirap na tinitiis ng aking mga mamamayan sa Egipto, at narinig ko rin ang kanilang mga pagtangis. Kaya bumaba ako upang iligtas sila. Ngayon humanda ka, dahil susuguin kita sa Egipto.’

35 “Ito ang Moises na itinakwil noon ng kanyang mga kapwa Israelita na nagsabi, ‘Sino ang nagtalaga sa iyo para maging pinuno at hukom namin?’ Pero siya ang sinugo ng Dios na maging pinuno at tagapagligtas ng mga Israelita sa tulong ng anghel na kanyang nakita roon sa nagliliyab na mababang punongkahoy. 36 Si Moises ang nanguna sa mga Israelita palabas sa Egipto. Gumawa siya ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay sa Egipto, sa Dagat na Pula, at sa disyerto na kanilang dinaanan sa loob ng 40 taon. 37 Ito rin ang Moises na nagsabi sa mga Israelita, ‘Magtatalaga ang Dios sa inyo ng isang propeta na katulad ko na sa inyo rin manggagaling.’ 38 Nang naroon na ang ating mga ninuno sa disyerto, si Moises din ang namagitan sa mga tao at sa anghel na nakipag-usap sa kanya sa Bundok ng Sinai; at doon niya natanggap ang salita ng Dios na nagbibigay ng buhay para ibigay din sa atin.

39 Pero nang hindi pa nakakabalik si Moises galing sa bundok, hindi tinupad ng ating mga ninuno ang ipinagawa sa kanila ni Moises. Itinakwil nila si Moises bilang kanilang pinuno, dahil gusto nilang bumalik sa Egipto. 40 Sinabi nila kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga dios na mangunguna sa amin, dahil hindi namin alam kung ano na ang nangyari kay Moises na nagpalabas sa amin sa Egipto.’ 41 Pagkatapos, gumawa sila ng dios-diosang kaanyo ng guya.[u] Naghandog sila rito, at ipinagdiwang nila ang gawa ng sarili nilang mga kamay. 42 Sa ginawa nilang iyon, tinalikuran sila ng Dios at hinayaan na lang na sumamba sa mga bituin sa langit. Ganito ang isinulat ng mga propeta:

    ‘Kayong mga Israelita, naghandog kayo ng ibaʼt ibang uri ng handog sa loob ng 40 taon doon sa disyerto.
    Ngunit hindi ako ang inyong pinaghandugan.
43 Dala-dala pa ninyo ang tolda ng inyong dios-diosan na si Molec,
    at ang bituing imahen ng inyong dios-diosang si Refan.
    Ginawa ninyo ang mga iyon upang sambahin.
    Kaya itataboy ko kayo sa kabila pa ng Babilonia.’ ”

44 Sinabi pa ni Esteban, “Nang naroon pa ang ating mga ninuno sa disyerto, may tolda sila kung saan naroon ang presensya ng Dios. Ginawa ang Tolda ayon sa utos ng Dios kay Moises at sa planong ipinakita sa kanya. 45 Nang namatay na ang ating mga ninuno, ang kanilang mga anak naman ang nagdala ng tolda. Ang kanilang pinuno ay si Josue. Napasakanila ang lupain na ipinangako ng Dios matapos itaboy ng Dios ang mga nakatira roon. At nanatili roon ang tolda hanggang sa panahon ng paghahari ni David. 46 Hiniling ni David sa Dios na pahintulutan siyang magpatayo ng bahay para sa Dios para makasamba roon ang mga lahi ni Jacob. Pero hindi siya pinayagan, kahit nalulugod ang Dios sa kanya. 47 Sa halip, si Solomon ang nagtayo ng templo ng Dios.

48 “Pero ang Kataas-taasang Dios ay hindi tumitira sa mga bahay na gawa ng tao. Katulad ng sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,

49 ‘Ang langit ang aking trono, at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Kaya anong uri ng bahay ang gagawin nʼyo para sa akin? Saan ba ang lugar na aking mapagpapahingahan? 50 Hindi baʼt ako ang gumawa ng lahat ng bagay?’ ”

51 Pagkatapos, sinabi ni Esteban, “Napakatigas ng ulo ninyo! Nagbibingi-bingihan kayo sa mga mensahe ng Dios, dahil ayaw ninyong sumunod sa mga sinasabi niya sa inyo. Palagi ninyong kinakalaban ang Banal na Espiritu. Manang-mana kayo sa ugali ng inyong mga ninuno. 52 Walang propeta sa kanilang kapanahunan na hindi nila inusig. Ang mga nagpahayag tungkol sa pagdating ng Matuwid na Lingkod[v] ay pinatay nila. At pagdating dito ni Jesus, kayo ang siyang nagkanulo at pumatay sa kanya. 53 Tumanggap kayo ng Kautusan na ibinigay ng Dios sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi ninyo sinunod.”

Ang Pagbato kay Esteban

54 Nang marinig iyon ng mga miyembro ng Korte, galit na galit sila kay Esteban. Nagngalit ang kanilang mga ngipin sa matinding galit. 55 Pero si Esteban na puspos ng Banal na Espiritu ay tumingala sa langit, at nakita niya ang nagniningning na kapangyarihan ng Dios at si Jesus na nakatayo sa kanan nito. 56 Sinabi ni Esteban, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukas ang langit at nakatayo si Jesus na Anak ng Tao sa kanan ng Dios!” 57 Sumigaw ang mga miyembro ng Korte at tinakpan nila ang kanilang mga tainga para hindi nila marinig ang sinasabi ni Esteban. At sabay-sabay silang sumugod sa kanya. 58 Kinaladkad nila si Esteban palabas ng lungsod at binato. Hinubad ng mga saksing laban kay Esteban ang kanilang balabal at iniwan sa isang binatang ang pangalan ay Saulo. 59 Habang binabato nila si Esteban, nananalangin siya. Sinabi niya, “Panginoong Jesus, tanggapin nʼyo po ang aking espiritu.” 60 Pagkatapos, lumuhod siya at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag nʼyo silang papanagutin sa kasalanang ito na ginawa nila.” At pagkasabi niya nito, namatay siya.

1-2 Inilibing si Esteban ng mga taong may takot sa Dios, at labis nila siyang iniyakan.

Pinag-uusig ni Saulo ang mga Mananampalataya

Mula noon, nagsimula na ang matinding pag-uusig sa mga mananampalataya sa Jerusalem. Kaya nagkawatak-watak ang mga mananampalataya sa buong lalawigan ng Judea at Samaria. Ang mga apostol lang ang hindi umalis sa Jerusalem. Si Saulo na sumang-ayon sa pagpatay kay Esteban ay nagsumikap na wasakin ang iglesya. Kaya pinasok niya ang mga bahay-bahay at dinakip ang mga mananampalataya, lalaki man o babae, at dinala sa bilangguan.

Footnotes

  1. 1:6 Ang iniisip nila ay baka paaalisin na ni Jesus ang mga Romano na namamahala sa kanila para silang mga Israelita ay makapamahala muli sa kanilang bansa.
  2. 1:13 makabayan: Si Simon ay naging kabilang sa grupo ng mga Judiong lumalaban sa mga taga-Roma.
  3. 1:20 Salmo 69:25.
  4. 2:1 Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  5. 2:21 Joel 2:28-32.
  6. 2:27 libingan: o, lugar ng mga patay; sa literal, Hades. Ganito rin sa talatang 31.
  7. 2:28 Salmo 16:8-11.
  8. 2:33 Itinaas siya sa kanan ng Dios na siyang pinakamataas na posisyon.
  9. 2:34-35 Panginoon: Sa Griego: Kurios, na ang ibig sabihin ay Panginoon o amo.
  10. 2:38 sa pangalan ni Jesu-Cristo: Ang ibig sabihin, sa pagpapakilala na silaʼy kay Jesu-Cristo na.
  11. 3:6 pera: sa literal, pilak o ginto.
  12. 3:6 pangalan: Ang ibig sabihin, kapangyarihan o awtoridad.
  13. 3:16 kay Jesus: sa literal, sa pangalan ni Jesus.
  14. 3:23 Deu. 18:15, 18, 19.
  15. 4:7 awtoridad: sa literal, pangalan.
  16. 4:10 kapangyarihan: sa literal, pangalan.
  17. 4:26 Salmo 2:1-2.
  18. 4:30 kapangyarihan: sa literal, pangalan.
  19. 6:11 lihim nilang sinulsulan: o, sinuhulan nila.
  20. 7:3 Gen. 12:1.
  21. 7:41 guya: sa Ingles, “calf.”
  22. 7:52 Matuwid na Lingkod: Ang ibig sabihin, si Jesus.