Add parallel Print Page Options

Sa Atenas

16 Habang hinihintay sila ni Pablo sa Atenas, nahamon ang kaniyang kalooban nang makita niyang ang buong lungsod ay punong-puno ng mga diyos-diyosan.

17 Kaya siya ay nakiki­pagkatwiranan sa mga Judio sa loob ng sinagoga at sa mga taong palasamba. Gayundin, araw-araw siyang nakikipagka­twiranan sa sinumang makatagpo niya sa pamilihan. 18 Ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipag-usap sa kaniya. Sinabi ng ilan: Ano ang ibig sabihin ng lalaking ito na nagsasalita ng walang kabuluhan? Ang iba ay nagsasabing para siyang tagapangaral ng mga kakaibang diyos sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang pagkabuhay na mag-uli. 19 Siya ay kinuha nila at dinala siya sa burol ng Areo. Sinabi nila: Maaari bang malaman namin kung ano itong bagong aral na sinasalita mo? 20 Ito ay sapagkat nagdadala ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga pandinig. Gusto nga naming malaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito. 21 Ginugugol ng mga taga-Atenas at ng mga nakikipamayan doon ang kanilang panahon, hindi sa ano pa man, kundi sa pagsasalaysay o pakikinig ng mga bagong bagay.

22 Kaya si Pablo ay tumayo sa gitna ng burol ng Areo at nagsabi: Mga lalaking taga-Atenas, napapansin kong sa lahat ng mga bagay ay lubha kayong tapat sa inyong relihiyon. 23 Ito ay sapagkat sa aking paglalakad at pagmamasid sa mga bagay na inyong sinasamba ay nakakita ako ng isang dambana. Doon ay may nakaukit na ganito: SA ISANG DIYOS NA HINDI KILALA. Siya na inyong sinasamba bagaman hindi ninyo nakikilala, siya ang aking ipinangangaral sa inyo.

Read full chapter