Amos 2
Magandang Balita Biblia
Sa Moab
2 Ganito(A) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Moab,
kaya sila'y paparusahan ko.
Sinunog nila at pinulbos ang mga buto ng hari ng Edom.
2 Susunugin ko ang lupain ng Moab;
tutupukin ko ang mga tanggulan sa Keriot.
Masasawi ang mga taga-Moab sa gitna ng ingay ng labanan,
sa sigawan ng mga kawal at tunog ng mga trumpeta.
3 Papatayin ko ang hari ng Moab,
gayundin ang mga pinuno sa lupaing iyon.”
Sa Juda
4 Ganito ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Juda,
kaya sila'y paparusahan ko.
Hinamak nila ang aking mga katuruan;
nilabag nila ang aking mga kautusan.
Iniligaw sila ng mga diyus-diyosang
pinaglingkuran ng kanilang mga ninuno.
5 Susunugin ko ang Juda;
tutupukin ko ang mga tanggulan ng Jerusalem.”
Ang Paghatol sa Israel
6 Ganito ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Israel,
kaya sila'y paparusahan ko.
Dahil sa suhol, pinarusahan nila ang mga matutuwid,
at ibinentang alipin sa halagang isang pares ng sandalyas ang mga taong hindi makabayad ng utang.
7 Niyuyurakan nila ang mga abâ;
ipinagtutulakan nila ang mahihirap.
Nakikipagtalik ang mag-ama sa iisang babaing alipin,
kaya't nalalapastangan ang aking banal na pangalan.
8 Ginagamit nilang higaan sa tabi ng alinmang altar
ang balabal na sangla ng isang may utang.
Sa templo ng kanilang Diyos, sila'y nag-iinuman
ng alak na binili sa salaping ninakaw sa mga dukha.
9 Nagawa(B) pa nila ito sa akin matapos kong lipulin ang mga Amoreo,
na kasintangkad ng mga punong sedar at kasintigas ng punong ensina.
Pinuksa kong lahat ang mga ito alang-alang sa kanila.
10 Inilabas ko kayo mula sa Egipto,
pinatnubayan sa ilang sa loob ng apatnapung taon,
at ibinigay sa inyo ang lupain ng mga Amoreo.
11 Itinalaga(C) kong propeta ang ilan sa inyong mga anak;
ginawa kong Nazareo ang iba ninyong kabataan.
Mga taga-Israel, hindi ba totoo ang aking sinasabi?
12 Ngunit pinainom ninyo ng alak ang mga Nazareo,
at pinagbawalang mangaral ang mga propeta.
13 Kaya ngayo'y pababagsakin ko kayo sa lupa,
gaya ng kariton na di makausad sa bigat ng dala.
14 Maging ang matutuling tumakbo ay di makakatakas.
Manghihina pati na ang malalakas,
maging ang magigiting ay di rin makakaligtas;
15 walang tatamaan ang mga manunudla;
di makakaligtas ang matutuling tumakbo,
di rin makakatakas ang mga nakakabayo.
16 Sa araw na iyon ay magsisitakas
maging ang pinakamatatapang.”
Amos 2
Ang Biblia (1978)
Hatol sa Moab.
2 Ganito ang sabi ng Panginoon: (A)Dahil sa tatlong pagsalangsang ng Moab, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kaniya; sapagka't (B)kaniyang sinunog ang mga buto ng hari sa Edom na pinapaging apog.
2 Nguni't ako'y magsusugo ng isang apoy sa Moab, at susupukin niyaon ang mga palacio ng Cherioth; at ang Moab ay mamamatay na may kaingay, may hiyawan, at may tunog ng pakakak.
3 At aking ihihiwalay ang hukom sa gitna niyaon, at papatayin ko ang lahat na prinsipe niyaon na kasama niya, sabi ng Panginoon.
Ang hatol sa Juda at sa Israel.
4 Ganito ang sabi ng Panginoon: Dahil sa tatlong pagsalangsang ng Juda, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kaniya; (C)sapagka't kanilang itinakuwil ang kautusan ng Panginoon, at hindi iningatan ang kaniyang mga palatuntunan, at iniligaw sila ng kanilang mga pagbubulaan, (D)ayon sa inilakad ng kanilang mga magulang.
5 Nguni't magsusugo ako ng isang apoy sa Juda; at susupukin niyaon ang mga palacio ng Jerusalem.
6 Ganito ang sabi ng Panginoon, Dahil sa tatlong pagsalangsang ng Israel, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kaniya; sapagka't (E)kanilang ipinagbili ang matuwid dahil sa pilak, at (F)ang mapagkailangan sa dalawang paang panyapak—
7 Na iniimbot ang (G)alabok sa lupa na nasa ulo ng dukha, at inililiko ang lakad ng maamo: at ang magama ay sumisiping sa isang dalaga, upang lapastanganin ang aking banal na pangalan:
8 At sila'y nangahihiga sa tabi ng lahat na dambana, sa ibabaw (H)ng mga kasuutang sangla; at sa bahay ng kanilang Dios ay nagsisiinom ng alak ng mga multa.
9 Gayon ma'y nililipol ko (I)ang Amorrheo sa harap nila, na ang taas ay gaya ng taas ng mga cedro, at siya'y malakas na gaya ng mga encina; gayon ma'y nilipol ko ang kaniyang bunga sa itaas, at ang kaniyang mga ugat sa ilalim.
10 Iniahon (J)ko rin kayo sa lupain ng Egipto, at pinatnubayan ko kayong apat na pung taon sa ilang, upang ariin ninyo ang lupain ng Amorrheo.
11 At nagbangon ako sa inyong mga anak ng mga propeta, at sa inyong mga binata ng mga (K)Nazareo. Di baga gayon, Oh kayong mga anak ng Israel? sabi ng Panginoon.
12 (L)Nguni't binigyan ninyo ang mga Nazareo ng alak na maiinom, at inutusan ninyo ang mga propeta, na sinasabi, Huwag kayong manganghuhula.
13 Narito, aking huhutukin kayo sa inyong dako, na gaya ng isang karong nahuhutok na puno ng mga bigkis.
14 At (M)ang pagtakas ay mapapawi sa (N)matulin; at ang malakas ay hindi makaaasa sa kaniyang kalakasan; ni ang makapangyarihan man ay makapagliligtas sa sarili;
15 Ni makatitindig man siyang humahawak ng busog; at siyang matulin sa paa ay hindi makaliligtas; (O)ni siya mang nakasakay sa kabayo ay makaliligtas:
16 At siya na matapang sa mga makapangyarihan ay tatakas na hubad sa araw na yaon, sabi ng Panginoon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
