Amos 3
Ang Dating Biblia (1905)
3 Dinggin ninyo ang salitang ito na sinalita ng Panginoon laban sa inyo, Oh mga anak ni Israel, laban sa buong angkan na aking iniahon mula sa lupain ng Egipto, na sinasabi,
2 Kayo lamang ang aking nakilala sa lahat ng angkan sa lupa: kaya't aking dadalawin sa inyo ang lahat ninyong kasamaan.
3 Makalalakad baga ang dalawa na magkasama, liban na sila'y magkasundo?
4 Uungal baga ang leon sa gubat, kung wala siyang huli? sisigaw baga ang batang leon sa kaniyang yungib, kung wala siyang huling anoman?
5 Malalaglag baga ang ibon sa silo sa ibabaw ng lupa, ng walang silo sa kaniya? lulukso baga ang panghuli mula sa lupa, at walang nahuling anoman?
6 Tutunog baga ang pakakak sa bayan, at ang bayan ay hindi manginginig? sasapit baga ang kasamaan sa bayan, at hindi ginawa ng Panginoon?
7 Tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.
8 Ang leon ay umungal, sinong di matatakot? Ang Panginoong Dios ay nagsalita; sinong hindi manghuhula?
9 Ihayag ninyo sa mga palacio sa Asdod, at sa mga palacio sa lupain ng Egipto, at inyong sabihin, Magpipisan kayo sa mga bundok ng Samaria, at inyong masdan kung anong laking ingay ang nandoon, at kung anong pahirap ang nasa gitna niyaon.
10 Sapagka't hindi sila marunong magsigawa ng matuwid, sabi ng Panginoon, na nagiimbak ng pangdadahas at pagnanakaw sa kanilang mga palacio.
11 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Kaaway ay paririto sa palibot ng lupain; at kaniyang ibabagsak ang lakas mo sa iyo, at ang iyong mga palacio ay sasamsaman.
12 Ganito ang sabi ng Panginoon: Kung paanong inaagaw ng pastor sa bibig ng leon ang dalawang hita, o ang isang putol ng tainga; gayon ililigtas ang mga anak ni Israel na nangauupo sa Samaria sa sulok ng hiligan, at sa mga sedang colchon ng higaang malaki.
13 Dinggin ninyo, at patotohanan ninyo laban sa sangbahayan ni Jacob, sabi ng Panginoong Dios, ng Dios ng mga hukbo.
14 Sapagka't sa araw na aking dadalawin ang mga pagsalangsang ng Israel sa kaniya, aking dadalawin din ang mga dambana ng Beth-el, at ang mga sungay ng dambana ay mahihiwalay, at malalaglag sa lupa.
15 At aking sisirain ang bahay na pangtagginaw na kasabay ng bahay na pangtaginit; at ang mga bahay na garing ay mangawawala, at ang mga malaking bahay ay magkakawakas, sabi ng Panginoon.
Obadias
Ang Dating Biblia (1905)
1 Ang pangitain ni Obadias. Ganito ang sabi ng Panginoong Dios tungkol sa Edom, Kami ay nakarinig ng mga balita na mula sa Panginoon, at isang sugo ay sinugo sa mga bansa, na nagsasabi, Magsibangon kayo, at tayo'y mangagtindig laban sa kaniya sa pakikipagbaka.
2 Narito, ginawa kitang maliit sa mga bansa: ikaw ay lubhang hinamak.
3 Dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso, Oh ikaw na tumatahan sa mga bitak ng bato, na ang tahanan ay matayog; na nagsasabi sa kaniyang puso, Sinong magbababa sa akin sa lupa?
4 Bagaman ikaw ay pailanglang sa itaas na parang aguila, at bagaman ang iyong pugad ay malagay sa gitna ng mga bituin, aking ibababa ka mula roon, sabi ng Panginoon.
5 Kung ang mga magnanakaw ay nagsiparoon sa iyo, kung mga mangloloob sa gabi (paano kang nahiwalay!) di baga sila sana'y nangagnakaw hanggang sa sila'y nangagkaroon ng sapat? kung mga mamimitas ng ubas ay nagsiparoon sa iyo, di baga sila sana'y nangagiwan ng laglag na ubas?
6 Paano nasiyasat ang mga bagay ng Esau! paano nasumpungan ang kaniyang mga kayamanang natago!
7 Lahat na lalake na iyong kaalam ay dinala ka sa iyong lakad, hanggang sa hangganan: ang mga lalake na nangasa kapayapaan sa iyo ay dinaya ka, at nanaig laban sa iyo; silang nagsisikain ng iyong tinapay ay naglagay ng silo sa ilalim mo: walang paguunawa sa kaniya.
8 Di ko baga lilipulin sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, ang mga pantas na tao sa Edom, at papawiin ang unawa sa bundok ng Esau?
9 At ang iyong mga makapangyarihang tao, Oh Teman, ay manglulupaypay, palibhasa'y bawa't isa'y mahihiwalay sa bundok ng Esau sa pamamagitan ng patayan.
10 Dahil sa karahasan na ginawa sa iyong kapatid na Jacob ay kahihiyan ang tatakip sa iyo, at ikaw ay mahihiwalay magpakailan man.
11 Nang araw na ikaw ay tumayo sa kabilang dako, nang araw na dalhin ng mga taga ibang bayan ang kaniyang kayamanan, at magsipasok ang mga mangingibang bayan sa kaniyang mga pintuang-bayan at pagsapalaran ang Jerusalem, ikaw man ay naging gaya ng isa sa kanila.
12 Huwag ka ngang magmasid sa araw ng iyong kapatid sa kaarawan ng kaniyang kasakunaan, at huwag mong ikagalak ang mga anak ni Juda sa kaarawan ng kanilang pagkabuwal; ni magsalita mang may kapalaluan sa kaarawan ng pagkahapis.
13 Huwag kang pumasok sa pintuan ng aking bayan sa kaarawan ng kanilang kasakunaan; oo, huwag mong masdan ang kanilang pagdadalamhati sa kaarawan ng kanilang kasakunaan, o pakialaman man ninyo ang kanilang kayamanan sa kaarawan ng kanilang kasakunaan.
14 At huwag kang tumayo sa mga salubungang daan na ihiwalay ang kaniya na tumatanan; at huwag mong ibigay ang kaniya na nalabi sa kaarawan ng kapanglawan.
15 Sapagka't ang kaarawan ng Panginoon ay malapit na, laban sa lahat ng bansa: kung ano ang iyong gawin, ay siyang gagawin sa iyo; ang iyong gawa ay babalik sa iyong sariling ulo.
16 Sapagka't kung paanong kayo'y nagsiinom sa aking banal na bundok, gayon magsisiinom na palagi ang lahat na bansa, oo, sila'y magsisiinom, at magsisitungga, at magiging wari baga sila'y hindi nangabuhay.
17 Nguni't sa bundok ng Sion ay doroon yaong nangakatatanan, at magiging banal; at aariin ng sangbahayan ni Jacob ang kaniyang mga pag-aari.
18 At ang sangbahayan ni Jacob ay magiging isang apoy, at ang sangbahayan ni Jose ay isang liyab, at ang sangbahayan ni Esau ay dayami, at sila'y kanilang susunugin, at sila'y susupukin; at walang malalabi sa sangbahayan ni Esau; sapagka't sinalita ng Panginoon.
19 At silang sa Timugan, ay mangagaari ng bundok ng Esau, at silang sa mababang lupa ay ng mga Filisteo; at kanilang aariin ang parang ng Ephraim, at ang parang ng Samaria; at aariin ng Benjamin ang Galaad.
20 At ang mga bihag sa hukbong ito ng mga anak ni Israel na nasa mga taga Canaan, ay magaari ng hanggang sa Sarefat; at ang mga bihag sa Jerusalem na nasa Sepharad ay magaari ng mga bayan ng Timugan.
21 At ang mga tagapagligtas ay magsisisampa sa bundok ng Sion upang hatulan ang bundok ng Esau; at ang kaharian ay magiging sa Panginoon.
Jonas 1
Ang Dating Biblia (1905)
1 Ang salita nga ng Panginoon ay dumating kay Jonas na anak ni Amittai, na nagsasabi,
2 Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at humiyaw ka laban doon; sapagka't ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap ko.
3 Nguni't si Jonas ay bumangon upang tumakas na patungo sa Tarsis mula sa harapan ng Panginoon; at siya'y lumusong sa Joppe, at nakasumpong ng sasakyan na patungo sa Tarsis: sa gayo'y nagbayad siya ng upa niyaon, at siya'y lumulan, upang yumaong kasama nila sa Tarsis mula sa harapan ng Panginoon.
4 Nguni't ang Panginoon ay nagpasapit ng malakas na hangin sa dagat, at nagkaroon ng malakas na unos sa dagat, na anopa't ang sasakyan ay halos masira.
5 Nang magkagayo'y nangatakot ang mga taong dagat at dumaing ang bawa't tao sa kanikaniyang dios; at kanilang inihagis sa dagat ang mga daladalahang nangasa sasakyan upang makapagpagaan sa kanila. Nguni't si Jonas ay bumaba sa pinakaloob na bahagi ng sasakyan; at siya'y nahiga at nakatulog ng mahimbing.
6 Sa gayo'y lumapit sa kaniya ang puno ng sasakyan, at sinabi sa kaniya, Ano ang inaakala mo, O matutulugin? bumangon ka, tumawag ka sa iyong Dios, baka sakaling alalahanin ng Dios tayo, upang huwag tayong mangamatay.
7 At sinabi ng bawa't isa sa kanila sa kaniyang kasama, Magsiparito kayo at tayo'y mangagsapalaran, upang ating maalaman kung dahil kanino dumating ang kasamaang ito sa atin. Sa gayo'y nangagsapalaran sila, at ang palad ay nahulog kay Jonas.
8 Nang magkagayo'y sinabi nila sa kaniya, Isinasamo namin sa iyo na iyong saysayin sa amin, kung dahil kanino dumating ang kasamaang ito sa atin; ano ang iyong hanap-buhay? at saan ka nanggaling? ano ang iyong lupain? at taga saang bayan ka?
9 At kaniyang sinabi sa kanila, Ako'y isang Hebreo; at ako'y natatakot sa Panginoon, sa Dios ng langit, na siyang gumawa ng dagat at ng tuyong lupain.
10 Nang magkagayo'y nangatakot na mainam ang mga tao, at sinabi sa kaniya, Ano itong iyong ginawa? Sapagka't talastas ng mga tao na siya'y tumatakas mula sa harapan ng Panginoon, sapagka't isinaysay niya sa kanila,
11 Nang magkagayo'y sinabi nila sa kaniya, Anong gagawin namin sa iyo, upang ang dagat ay tumahimik sa atin? sapagka't ang dagat ay lalo't lalong umuunos.
12 At sinabi niya sa kanila, Ako'y inyong buhatin, at ihagis ninyo ako sa dagat; sa gayo'y ang dagat ay tatahimik sa inyo: sapagka't talastas ko na dahil sa akin dumating ang malaking unos na ito sa inyo.
13 Gayon ma'y ang mga lalake ay nagsisigaod na mainam upang bumalik sa lupa; nguni't hindi nila magawa; sapagka't ang dagat ay lalo't lalong umuunos laban sa kanila.
14 Kaya't sila'y nagsidaing sa Panginoon, at nangagsabi, Ipinamamanhik namin sa iyo, Oh Panginoon, ipinamamanhik namin sa iyo, huwag mo kaming ipahamak dahil sa buhay ng lalaking ito, at huwag mong ihulog sa amin ang walang salang dugo; sapagka't ikaw, Oh Panginoon, iyong ginawa ang nakalulugod sa iyo.
15 Sa gayo'y kanilang binuhat si Jonas, at inihagis sa dagat; at ang dagat ay tumigil sa kaniyang poot.
16 Nang magkagayo'y nangatakot na mainam ang mga tao sa Panginoon; at sila'y nangaghandog ng isang hain sa Panginoon, at nagsipanata.
17 At inihanda ng Panginoon ang isang malaking isda upang lamunin si Jonas; at si Jonas ay napasa tiyan ng isda na tatlong araw at tatlong gabi.