Colosas 3:5-14
Magandang Balita Biblia
Ang Dati at Bagong Buhay
5 Kaya't patayin na ninyo ang mga pagnanasang makamundo: ang pakikiapid, karumihan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masamang pagnanasa, at ang kasakiman na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan. 6 Dahil sa mga ito, tatanggap ng parusa ng Diyos [ang mga taong ayaw pasakop sa kanya].[a] 7 Kayo man ay namuhay din ayon sa mga pagnanasang iyon nang kayo ay pinaghaharian pa ng mga ito.
8 Ngunit ngayon, itakwil na ninyo ang lahat ng galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panlalait at malaswang pananalita. 9 Huwag(A) kayong magsisinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang dati ninyong pagkatao, pati ang mga gawa nito. 10 Isinuot(B) ninyo ang bagong pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang lalo ninyo siyang makilala. 11 Kaya't sa kalagayang ito, wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di-tuli, ang dayuhan at ang hindi sibilisado, ang alipin at ang malaya. Ngunit si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat, at siya'y nasa inyong lahat.
12 Kaya(C) nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagtiis. 13 Magpasensiya(D) kayo sa isa't isa. Kung may hinanakit kayo kaninuman, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon.[b] 14 At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pagmamahalan, na siyang nagbubuklod sa lahat sa ganap na pagkakaisa.
Read full chapterFootnotes
- Colosas 3:6 ang mga taong ayaw pasakop sa kanya: Sa ibang manuskrito’y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
- Colosas 3:13 ng Panginoon: Sa ibang manuskrito'y ni Cristo, at sa iba pang manuskrito'y ng Diyos kay Cristo .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.