Deuteronomio 28:58-67
Ang Biblia, 2001
58 “Kung hindi mo gagawin ang lahat ng mga salita ng kautusang ito na nasusulat sa aklat na ito, upang ikaw ay matakot dito sa maluwalhati at kakilakilabot na pangalang, ang ‘ Panginoon mong Diyos,’
59 kung magkagayo'y ipapadala ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga anak ang di-pangkaraniwang kahirapan, matindi at walang katapusan, at malubhang karamdaman na tumatagal.
60 Muli niyang ipapadala sa iyo ang lahat ng mga sakit sa Ehipto, na iyong kinatakutan at kakapit sa iyo.
61 Bawat sakit, at bawat salot na hindi nakasulat sa aklat ng kautusang ito'y ipararating nga sa iyo ng Panginoon, hanggang sa ikaw ay mapuksa.
62 Kayo'y maiiwang iilan sa bilang samantalang noon kayo'y naging gaya ng mga bituin sa langit sa karamihan; sapagkat hindi ninyo pinakinggan ang tinig ng Panginoon mong Diyos.
63 Kung paanong ang Panginoon ay natutuwa na gawan kayo ng mabuti at paramihin kayo, ay gayon magagalak ang Panginoon sa inyo na kayo'y lipulin at puksain. Kayo'y palalayasin sa lupain na inyong pinapasok upang angkinin.
64 Pangangalatin kayo ng Panginoon sa lahat ng mga bayan, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa; at doo'y maglilingkod kayo sa ibang mga diyos na yari sa kahoy at bato na hindi ninyo kilala, ni ng inyong mga ninuno.
65 Sa gitna ng mga bansang ito ay hindi ka makakasumpong ng ginhawa, at mawawalan ng kapahingahan ang talampakan ng iyong paa, kundi bibigyan ka doon ng Panginoon ng isang nanginginig na puso, lumalabong paningin, at nanghihinang kaluluwa.
66 Ang iyong buhay ay mabibitin sa pag-aalinlangan sa harapan mo; at ikaw ay matatakot gabi't araw, at mawawalan ng katiyakan ang iyong buhay.
67 Sa kinaumagahan ay iyong sasabihin, ‘Sana'y gumabi na!’ at sa kinagabihan ay iyong sasabihin, ‘Sana'y mag-umaga na!’—dahil sa takot ng iyong puso na iyong ikatatakot, at dahil sa tanawing makikita ng iyong paningin.
Read full chapter