Esther 3
Ang Biblia (1978)
Si Mardocheo ay ayaw gumalang kay Aman.
3 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay dinakila ng haring Assuero si Aman na anak ni Amedatha na (A)Agageo, at pinataas siya, at inilagay ang kaniyang upuan na mataas kay sa lahat na prinsipe na kasama niya.
2 At lahat ng mga lingkod ng hari na (B)nangasa pintuang-daan ng hari, ay nagsiyukod at nagsigalang kay Aman; sapagka't iniutos na gayon ng hari tungkol sa kaniya. Nguni't si Mardocheo ay hindi yumukod, o gumalang man sa kaniya.
3 Nang magkagayo'y sinabi ng mga lingkod ng hari na nangasa pintuang-daan ng hari kay Mardocheo: Bakit mo sinasalangsang ang (C)utos ng hari?
4 Nangyari nga, nang sila'y mangagsalita araw-araw sa kaniya, at hindi niya dinggin sila, na kanilang sinaysay kay Aman, upang makita kung mangyayari ang bagay ni Mardocheo: sapagka't sinaysay niya sa kanila na siya'y Judio.
5 At nang makita ni Aman na si Mardocheo ay hindi yumuyukod, o gumagalang man sa kaniya, napuspos nga ng pagkapoot si Aman.
6 Nguni't inakala niyang walang kabuluhan na pagbuhatan ng kamay si Mardocheo na magisa; sapagka't ipinakilala nila sa kaniya ang bayan ni Mardocheo: kaya't inisip ni Aman na lipulin ang lahat na Judio na nangasa buong kaharian ni Assuero, sa makatuwid baga'y ang bayan ni Mardocheo.
7 Nang unang buwan, na siyang buwan ng (D)Nisan, nang ikalabing dalawang taon ng haring Assuero, (E)kanilang pinagsapalaran nga ang Pur sa harap ni Aman sa araw-araw, at sa buwan-buwan, hanggang sa ikalabing dalawang buwan, na siyang buwan ng (F)Adar.
8 At sinabi ni Aman sa haring Assuero, May isang bayang nakakalat at nakasabog sa gitna ng mga bayan sa lahat ng mga lalawigan ng iyong kaharian at ang (G)kanilang kautusan ay kaiba sa bawa't bayan; na hindi man lamang iniingatan nila ang mga kautusan ng hari; kaya't hindi mapakinabang sa hari na sila'y tiisin.
9 Kung kalugdan ng hari, masulat na sila'y lipulin: at ako'y magbabayad ng sangpung libong talentong pilak sa mga kamay niyaong mga may katungkulan sa mga gawain ng hari, upang dalhin sa mga ingatang-yaman ng hari.
10 Nang magkagayo'y (H)hinubad ng hari ang kaniyang singsing sa kaniyang kamay, at ibinigay kay Aman na anak ni Amedatha na Agageo, na (I)kaaway ng mga Judio.
11 At sinabi ng hari kay Aman, Ang pilak ay nabigay sa iyo at gayon din ang bayan upang gawin mo sa mga yaon kung ano ang inaakala mong mabuti.
Inisip ni Aman na lipulin ang mga Judio.
12 (J)Nang magkagayo'y tinawag ang mga kalihim ng hari sa (K)unang buwan, nang ikalabing tatlong araw niyaon; at nangasulat ayon sa lahat na iniutos ni Aman sa mga (L)satrapa ng hari, at sa mga tagapamahala na nangasa bawa't lalawigan, at sa mga prinsipe ng bawa't bayan, sa bawa't lalawigan ayon sa sulat niyaon, at sa bawa't bayan ayon sa kanilang wika; (M)sa pangalan ng haring Assuero nasulat, at tinatakan ng singsing ng hari.
13 At nagpadala ng mga sulat (N)sa pamamagitan ng mga sugo sa lahat ng mga lalawigan ng hari, upang ipahamak, upang patayin, at upang lipulin ang lahat na Judio, ang bata at gayon din ang matanda, ang mga bata at ang mga babae (O)sa isang araw, sa makatuwid baga'y sa ikalabing tatlong araw ng ikalabing dalawang buwan, na siyang buwan ng (P)Adar, at (Q)upang kumuha ng samsam sa kanila na pinakahuli.
14 (R)Isang salin ng sulat ay ibigay sa bawa't lalawigan upang ang pasiya ay mahayag sa lahat na bayan, na sila'y magsihanda sa araw na yaon.
15 Ang mga sugo ay nagsilabas na madalian sa utos ng hari, at ang pasiya ay natanyag sa Susan na bahay-hari. At ang hari at si Aman ay naupo upang uminom; nguni't (S)ang bayan ng Susan ay natitigilan.
Read full chapter
Esther 5:9-6:14
Ang Biblia (1978)
Nagpagawa si Aman ng bibitayan para kay Mardocheo.
9 Nang magkagayo'y lumabas si Aman sa araw na yaon na galak at may masayang puso: nguni't nang makita ni Aman si Mardocheo sa pintuang-daan ng hari, (A)na hindi siya tumayo o kumilos man sa kaniya, siya'y napuno ng pagkapoot laban kay Mardocheo.
10 Gayon may nagpigil si Aman sa kaniyang sarili, at umuwi sa bahay; at siya'y nagsugo at tinipon ang kaniyang mga kaibigan at si (B)Zeres na kaniyang asawa.
11 At isinaysay ni Aman sa kanila ang kaluwalhatian ng kaniyang mga kayamanan, at (C)ang karamihan ng kaniyang mga anak, at lahat ng bagay na (D)ipinagkaloob ng hari sa kaniya, at kung paanong siya'y nataas ng higit kay sa mga prinsipe at mga lingkod ng hari.
12 Sinabi ni Aman, bukod dito: Oo, si Esther na reina ay hindi nagpasok ng sinoman na kasama ng hari sa pigingan na kaniyang inihanda kundi ako lamang; at kinabukasan naman ay inaanyayahan niya ako na kasama ng hari.
13 Gayon ma'y ang lahat ng ito'y walang kabuluhan sa akin habang aking nakikita si Mardocheo na Judio na nakaupo sa pintuang-daan ng hari.
14 Nang magkagayo'y sinabi ni Zeres na kaniyang asawa at ng lahat niyang kaibigan sa kaniya: Magpagawa ka ng isang bibitayan na may limang pung siko ang taas, at sa kinaumagahan ay salitain mo sa hari na bitayin doon si Mardocheo: kung magkagayo'y yumaon kang masaya na kasama ng hari sa pigingan. At ang bagay ay nakalugod kay Aman; at kaniyang ipinagawa ang bibitayan.
Si Mardocheo ay pinarangalan ng hari.
6 Nang gabing yaon ay hindi makatulog ang hari; at kaniyang iniutos na dalhin (E)ang aklat ng mga alaala ng mga gawa, at mga binasa sa harap ng hari.
2 At nasumpungang nakasulat, na si Mardocheo ay nagsaysay tungkol kay (F)Bigthana at kay Teres, dalawa sa mga kamarero ng hari, sa nangagingat ng pintuan na nangagisip magbuhat ng kamay sa haring Assuero.
3 At sinabi ng hari, Anong karangalan at kamahalan ang nagawa kay Mardocheo sa bagay na ito? Nang magkagayo'y sinabi ng mga lingkod ng hari na nagsisipaglingkod sa kaniya, Walang anomang nagawa sa kaniya.
4 At sinabi ng hari, Sino ang nasa looban? Si Aman nga ay pumasok (G)sa looban ng bahay ng hari, (H)upang magsalita sa hari na bitayin si Mardocheo sa bibitayan na inihanda niya sa kaniya.
5 At ang mga lingkod ng hari ay nagsabi sa kaniya. Narito, si Aman ay nakatayo sa looban. At sinabi ng hari, Papasukin siya.
6 Sa gayo'y pumasok si Aman. At ang hari ay nagsabi sa kaniya, Anong gagawin sa lalake na kinalulugdang parangalin ng hari? Sinabi nga ni Aman sa kaniyang sarili: Sino ang kinalulugdang parangalin ng hari na higit kay sa akin?
7 At sinabi ni Aman sa hari, Sa lalake na kinalulugdang parangalin ng hari,
8 Ay dalhan ng damit-hari na isinusuot ng hari, at (I)ng kabayo na sinasakyan ng hari, at putungan sa ulo ng putong na hari:
9 At ang bihisan at ang kabayo ay mabigay sa kamay ng isa sa pinakamahal na prinsipe ng hari, upang bihisang gayon ang lalake na kinalulugdang parangalin ng hari, at pasakayin siya sa kabayo sa lansangan ng bayan, at itanyag sa unahan niya; Ganito ang gagawin sa lalake na kinalulugdang parangalin ng hari.
10 Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Aman, Ikaw ay magmadali, at kunin mo ang bihisan at ang kabayo, gaya ng iyong sinabi, at gawin mong gayon kay Mardocheo, na Judio, na nauupo sa pintuang-daan ng hari; huwag magkulang ang anomang bagay sa lahat na iyong sinalita.
11 Nang magkagayo'y kinuha ni Aman ang bihisan at ang kabayo, at binihisan si Mardocheo, at pinasakay sa lansangan ng bayan, at nagtanyag sa unahan niya: Ganito ang gagawin sa lalake na kinalulugdang parangalin ng hari.
12 At si Mardocheo ay bumalik sa pintuang-daan ng hari. Nguni't si Aman ay nagmadaling umuwi, na tumatangis (J)at may takip ang ulo.
13 At isinaysay ni Aman kay Zeres na kaniyang asawa at sa lahat niyang mga kaibigan ang bawa't bagay na nangyari sa kaniya. Nang magkagayo'y sinabi ng kaniyang mga pantas na lalake, at ni (K)Zeres na kaniyang asawa sa kaniya: Kung si Mardocheo, na iyong pinasimulang kinahulugan sa harap, ay sa binhi ng mga Judio, hindi ka mananaig laban sa kaniya, kundi ikaw ay walang pagsalang mahuhulog sa harap niya.
14 Samantalang sila'y nakikipagsalitaan pa sa kaniya, dumating ang mga kamarero ng hari at nagmadaling dinala si Aman (L)sa pigingan na inihanda ni Esther.
Esther 10
Ang Biblia (1978)
Ang kadakilaan ni Mardocheo.
10 At ang haring Assuero ay nagatang ng buwis sa lupain, at sa mga (A)pulo ng dagat.
2 At lahat ng mga gawa ng kaniyang kapangyarihan at ng kaniyang kakayahan, at ang lubos na kasaysayan ng kadakilaan ni Mardocheo, (B)na ipinagtaas sa kaniya ng hari, hindi ba nangasusulat sa (C)aklat ng mga alaala sa mga hari sa Media at Persia?
3 Sapagka't si Mardocheo na Judio ay (D)pangalawa ng haring Assuero, at dakila sa gitna ng mga Judio, at kinalulugdan ng karamihan ng kaniyang mga kapatid: na humahanap ng ikabubuti ng kaniyang bayan, at nagsasalita ng kapayapaan sa kaniyang buong lahi.
Read full chapterAng Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978