Add parallel Print Page Options

Mga Handog para sa Toldang Tipanan(A)

25 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na maghandog sila sa akin. Ikaw ang tumanggap ng kanilang mga handog na gusto nilang ialay sa akin. Ito ang mga handog na tatanggapin mo mula sa kanila: ginto, pilak, tanso, lanang kulay asul, ube at pula, manipis na telang linen, tela na gawa sa balahibo ng kambing, balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, magandang klase ng balat, kahoy na akasya, langis ng olibo para sa ilaw, mga sangkap sa langis na pamahid at pabango sa insenso, batong onix at iba pang mamahaling bato na ilalagay sa espesyal na damit[a] ng punong pari at sa bulsa sa dibdib nito.

“Ipagawa mo sa mga mamamayan ng Israel ang Toldang Sambahan para sa akin kung saan titira akong kasama nila. Ipagawa mo ang Toldang Sambahan at ang mga kagamitan dito ayon sa eksaktong tuntunin na sinabi ko sa iyo.

Ang Kahon ng Kasunduan(B)

10 “Magpagawa ka ng Kahon na yari sa akasya – mga 45 pulgada ang haba, 27 pulgada ang lapad at 27 pulgada rin ang taas. 11 Balutan ninyo ito ng purong ginto sa loob at labas, at palagyan ng hinulmang ginto ang paligid nito. 12 Maghulma ka ng apat na argolyang[b] ginto at ikabit ito sa apat na paa nito, dalawa sa bawat gilid. 13 Magpagawa ka rin ng tukod na akasya at balutan ito ng ginto. 14 Isuot mo ang tukod sa mga argolyang ginto sa bawat gilid ng Kahon para mabuhat ang Kahon sa pamamagitan ng mga tukod. 15 Huwag ninyong tatanggalin ang argolyang ginto sa tukod ng Kahon. 16 Pagkatapos, ipasok mo sa Kahon ang malapad na bato na ibinigay ko sa iyo, kung saan nakasulat ang aking mga utos.

17 “Pagawan mo ng takip na purong ginto ang Kahon, na 45 pulgada ang haba at 27 pulgada ang lapad. 18-19 Magpagawa ka rin ng dalawang gintong kerubin, ilalagay ito sa dalawang dulo ng takip ng Kahon. 20 Kailangan nakalukob ang pakpak ng mga kerubin sa ibabaw ng takip para maliliman nila ito, at kailangang magkaharap silang dalawa na nakatingin sa takip. 21 Ilagay mo sa Kahon ang malapad na bato na ibinigay ko sa iyo, kung saan nakasulat ang mga utos ko, at pagkatapos ay takpan mo ang Kahon. 22 Makikipagkita ako sa iyo roon sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng Kahon, at ibibigay ko sa iyo ang lahat ng utos para sa mga mamamayan ng Israel.

Ang Mesa na Pinaglalagyan ng Tinapay(C)

23 “Magpagawa ka rin ng mesang akasya, na may sukat na 36 na pulgada ang haba, 18 pulgada ang lapad at 27 pulgada ang taas. 24 Balutan mo ito ng purong ginto at lagyan ng hinulmang ginto ang mga paligid nito. 25 Palagyan nʼyo rin ito ng sinepa sa bawat gilid, apat na pulgada ang lapad, at palagyan ng hinulmang ginto ang sinepa. 26 Magpagawa ka rin ng apat na argolyang ginto at ikabit sa apat na sulok ng mesa, 27 malapit sa sinepa. Dito ninyo ipasok ang mga tukod na pambuhat sa mesa. 28 Dapat ay akasya ang tukod at nababalutan ng ginto.

29 “Magpagawa ka rin ng mga pinggan, tasa, banga at mga mangkok na gagamitin para sa handog na inumin. Kailangang purong ginto ang mga ito. 30 At kailangang palaging lagyan ng tinapay na inihahandog sa aking presensya ang mesang ito.

Ang Lalagyan ng Ilaw(D)

31 “Magpagawa ka rin ng lalagyan ng ilaw na purong ginto ang paa, katawan at mga palamuting hugis bulaklak, na ang ibaʼy buko pa lang at ang ibaʼy nakabuka na. Ang palamuting ito ay dapat kasama nang gagawin ang katawan ng lalagyan ng ilaw. 32 Ang lalagyan ng ilaw ay may anim na sanga, tigtatatlo sa bawat gilid. 33 Ang bawat sanga ay may tatlong lalagyan na hugis bulaklak ng almendro.[c] 34 Ang katawan ng lalagyan ng ilaw ay may apat na palamuting hugis bulaklak ng almendro, na ang ibaʼy buko pa at ang ibaʼy nakabuka na. 35 May isang hugis bulaklak sa ilalim ng bawat pares ng anim na sanga. 36 Ang mga palamuting bulaklak at ang mga sanga ay isang piraso lamang nang hinulma ang lalagyan ng ilaw.

37 “Magpagawa ka ng pitong ilawan at ilagay sa lalagyan nito para mailawan ang lugar sa harapan nito. 38 Ang mga panggupit ng mitsa ng ilaw at mga pansahod ng abo ng ilaw ay dapat purong ginto rin. 39 Ang kailangan mo sa pagpapagawa ng lalagyan ng ilaw at sa lahat ng kagamitan nito ay 35 kilo ng purong ginto. 40 Siguraduhin mong ipapagawa mo ang lahat ng ito ayon sa planong ipinakita ko sa iyo rito sa bundok.

Ang Toldang Sambahan(E)

26 “Magpagawa ka ng Toldang Sambahan. Ito ang mga gagamitin sa paggawa nito: sampung piraso ng pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. At paburdahan ito ng kerubin sa mahuhusay na mambuburda. Kailangang magkakasukat ang bawat tela na may habang 42 talampakan at may lapad na anim na talampakan. Pagdugtong-dugtungin ninyo ito ng tiglilima. At pagawan mo ng parang singsing na telang asul ang bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela, at tig-50 na parang singsing na tela sa bawat dulo at kailangan magkatapat sa isaʼt isa. Magpagawa ka ng 50 kawit na ginto para mapagkabit ang parang mga singsing na tela sa dalawang pinagsamang tela. Sa pamamagitan nito, magagawa ang Toldang Sambahan.

“Pagawan mo ng talukbong ang Tolda. Labing-isang pirasong tela na gawa sa balahibo ng kambing ang gagamitin sa paggawa nito. Kailangang may haba na 45 talampakan ang bawat tela at anim na talampakan ang lapad. Pagdugtong-dugtungin mo ang limang tela at ganoon din ang gawin sa natirang anim. Ang ikaanim naman ay tutupiin at ilalagay sa harap ng tolda. 10 Palagyan mo rin ito ng 50 parang singsing na tela ang bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela, 11 at ikabit dito ang 50 tansong kawit. 12 Ilaylay mo sa likod ng Tolda ang kalahati ng sobrang tela, 13 at ilaylay din sa bawat gilid ang isaʼt kalahating talampakan ng tela na sobra sa pangtalukbong ng Tolda. 14 Ang ibabaw ng talukbong ng Tolda ay papatungan ng balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at papatungan din ng magandang klase ng balat.[d]

15 “Dapat ang balangkas ng Tolda ay tablang akasya. 16 Ang haba ng bawat tabla ay 15 talampakan at ang lapad ay dalawang talampakan. 17 Ang bawat tabla ay nilagyan ng dalawang mitsa[e] para maidugtong ito sa isa pang tabla. Ganito ang ginawa nila sa bawat tabla. 18 Ang 20 sa mga tablang ito ay gagamitin sa pagtatayo ng Tolda sa timog na bahagi. 19 Ang mga tablang ito ay isinuksok sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla. 20 Ang hilagang bahagi ng Tolda ay gagamitan din ng 20 tabla, 21 at isinuksok din sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla. 22 Ang bandang kanlurang bahagi naman ng Tolda ay ginamitan nila ng anim na tabla, 23 at dalawang tabla sa mga gilid nito. 24 Pagdugtungin ang mga tabla sa mga sulok mula sa ilalim hanggang sa itaas. Kailangang ganito rin ang gawin sa dalawang tabla sa mga gilid. 25 Kaya may walong tabla sa bahaging ito ng Tolda, at nakasuksok ito sa 16 na pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla.

26 “Magpagawa ka rin ng mga akasyang biga – lima para sa bahaging hilaga ng Tolda, 27 lima rin sa bahaging timog, at lima pa rin sa bahaging kanluran sa likod ng Tolda. 28 Ang biga sa gitna ng balangkas ay manggagaling sa dulo ng Tolda papunta sa kabilang dulo. 29 Pabalutan ng ginto ang mga tabla at palagyan ng mga argolyang[f] ginto na pagsusuotan ng mga biga, pabalutan din ng ginto ang mga biga.

30 “Kailangang ipatayo mo ang Toldang Sambahan ayon sa planong sinabi ko sa iyo rito sa bundok.

31 “Magpagawa ka rin ng kurtina na gawa sa pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. At paburdahan mo ito ng kerubin. 32 Ipakabit ito sa mga kawit na ginto sa apat na haliging akasya na nababalutan ng ginto. Ang apat na haliging ito ay nakasuksok sa apat na pundasyong pilak. 33 Kapag nakabit na ang kurtina sa mga kawit, ilagay sa likod nito ang Kahon ng Kasunduan. Ang kurtina ang maghihiwalay sa Banal na Lugar at sa Pinakabanal na Lugar. 34 Ang Kahon ng Kasunduan ay dapat ilagay sa Pinakabanal na Lugar at dapat may takip ito. 35 Ilagay ang mesa sa labas ng Pinakabanal na Lugar, sa hilagang bahagi ng Tolda, at sa bandang timog, ilagay sa tapat ng mesa ang lalagyan ng ilaw.

36 “Magpagawa ka ng isa pang kurtina para sa pintuan ng Toldang Sambahan. Pinong telang linen rin ito na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. 37 Pagkatapos, ipakabit ito sa mga kawit na ginto sa limang haliging akasya na nababalutan ng ginto. Ang limang haliging ito ay nakasuksok sa limang pundasyong tanso.

Ang Altar na Pagsusunugan ng Handog(F)

27 “Magpagawa ka ng altar na gawa sa akasya. Pitoʼt kalahating talampakan ang haba, pitoʼt kalahating talampakan din ang lapad, at apat at kalahating talampakan ang taas. Palagyan ito ng parang mga sungay sa apat na sulok, na kasama nang ginawa nang gawin ang altar. Pabalutan ng tanso ang altar. Ang lahat ng kagamitan ng altar ay kailangang gawa sa tanso – ang mga lalagyan ng abo, pala, mangkok, malalaking tinidor para sa karne at mga lalagyan ng baga. Magpagawa ka rin ng parilyang tanso para sa altar, at lagyan ito ng argolyang[g] tanso sa bawat sulok. Pagkatapos, ilagay mo ito sa ilalim ng altar, sa patungan nito sa bandang gitna ng altar. Magpagawa ka rin ng tukod na pambuhat sa altar. Kailangang galing ito sa kahoy na akasya, at nababalutan ng tanso. Ipasok ang tukod sa argolya sa bawat gilid ng altar para mabuhat ang altar. Ang ipapagawa mong altar ay tabla at dapat bakante sa loob. Ipagawa ito ayon sa planong sinabi ko sa iyo roon sa bundok.

Ang Bakuran ng Toldang Sambahan(G)

“Palagyan ng bakuran ang Toldang Sambahan, at palibutan ito ng kurtina na gawa sa pinong telang linen. Ang haba ng kurtina sa bandang timog ay 150 talampakan. 10 Ikabit ang kurtina sa 20 haliging tanso na nakasuksok sa 20 pundasyong tanso. Ang pagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa baras na pilak sa mga haligi. 11 Ang kurtina sa bandang hilaga ay 150 talampakan din ang haba. Ikabit din ito sa 20 haliging tanso na nakasuksok sa 20 pundasyong tanso. Ang pagkakabitan ng mga kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi.

12 “Ang kurtina sa bandang kanluran ay may sukat na 75 talampakan ang haba at nakakabit ito sa sampung haligi na nakasuksok sa sampung pundasyon. 13 Ang kurtina sa bandang silangan ay 75 talampakan ang haba. 14 Ang pintuan ng bakuran ay nasa silangan, at may mga kurtina rin ito sa gilid. Ang kurtina sa kanan ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon. 15 Ang kurtina sa kaliwa ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit din ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon.

16 “Ang pintuan ng bakuran ay palagyan mo ng kurtina na 30 talampakan ang haba. Kailangang gawa ang kurtina mula sa pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. Kailangang napakaganda ng pagkakaburda nito. Pagkatapos, isabit ang kurtina sa apat na haligi na nakasuksok sa apat na pundasyon. 17 Kailangang may kawit at baras na pilak ang lahat ng haligi sa palibot ng bakuran, at kailangan ding may mga tansong pundasyon. 18 Ang buong sukat ng bakuran ay 150 talampakan ang haba at 75 talampakan ang lapad. Napapalibutan ito ng kurtinang pinong telang linen, na pitoʼt kalahating talampakan ang taas. Ang mga haligi nito ay nakasuksok sa mga pundasyong tanso. 19 Kailangang purong tanso ang lahat ng kagamitan sa Toldang Sambahan pati na ang lahat ng tulos ng Tolda at sa bakuran nito.

Ang Pangangalaga sa Ilawan ng Toldang Sambahan(H)

20 “Utusan mo ang mga Israelita na dalhan ka nila ng purong langis na mula sa pinigang olibo para sa mga ilaw ng Tolda, para tuloy-tuloy ang pag-ilaw nito. 21 Ilagay ang lalagyan ng ilaw sa labas ng kurtina na tumatakip sa Kahon ng Kasunduan. Si Aaron at ang mga anak niyang lalaki ang mag-aasikaso sa mga ilaw sa Toldang Tipanan.[h] Sisindihan nila ito sa aking presensya araw at gabi. Ang tuntuning itoʼy dapat sundin ng mga Israelita at ng susunod pa nilang mga henerasyon.

Ang Mga Damit ng mga Pari(I)

28 “Ibukod mo sa mga tao si Aaron at ang mga anak niyang lalaki na sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar para makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. Magpatahi ka ng banal na damit para sa kapatid mong si Aaron, para maparangalan siya. Sabihin mo sa lahat ng mahuhusay na mananahi na binigyan ko ng kakayahang manahi na itahi nila ng damit si Aaron na magbubukod sa kanya sa mga tao para makapaglingkod siya sa akin bilang pari. Ito ang mga damit na tatahiin nila: ang bulsa na nasa dibdib, ang espesyal na damit,[i] ang damit-panlabas, ang damit-panloob na binurdahan, ang turban at ang sinturon. Itatahi rin nila ng banal na mga damit ang mga anak na lalaki ni Aaron para makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. Kailangan na pinong telang linen na may lanang kulay ginto, asul, ube at pula ang gagamitin nilang tela.

Ang Espesyal na Damit ng mga Pari(J)

“Ang espesyal na damit ng mga pari ay kailangan na pinong telang linen na may lanang kulay ginto, asul, kulay ube at pula. Kailangang napakaganda ng pagkakaburda nito. May dalawang parte ito, likod at harapan, at pinagdudugtong ng dalawang tirante sa may balikat. Ang sinturon nito ay gawa sa pinong telang linen na binurdahan ng gintong sinulid at lanang kulay asul, ube at pula.

“Magpakuha ka ng dalawang batong onix at iukit mo rito ang mga pangalan ng mga anak na lalaki ni Jacob.[j] 10 Dapat sunud-sunod ang paglalagay ng mga pangalan ayon sa kanilang kapanganakan, at anim na pangalan ang ilalagay sa bawat bato. 11 Dapat iukit ito kagaya ng pag-ukit ng platero sa pantatak. Pagkatapos, ilagay ang bato sa balangkas na ginto, 12 at ikabit ito sa tirante ng espesyal na damit bilang mga alaalang bato nila para sa mga lahi ng Israel. Sa pamamagitan nito, palaging madadala ni Aaron ang pangalan nila sa presensya ko, at aalalahanin ko sila. 13 Ang balangkas na ginto ay 14 palagyan mo ng dalawang mala-kwintas na tali na purong ginto para maikabit sa may balikat ng damit.

Ang Bulsa na Nasa Dibdib(K)

15 “Magpagawa ka ng bulsa sa dibdib na ginagamit sa pag-alam ng kalooban ng Panginoon.[k] Kailangang maganda ang pagkakagawa nito, at ang tela nitoʼy kapareho ng tela ng espesyal na damit ng mga pari: pinong telang linen na may lanang kulay ginto, asul, kulay ube at pula. 16 Ang bulsa na nasa dibdib ay dapat nakatupi nang doble at parisukat – siyam na pulgada ang haba at siyam na pulgada rin ang lapad. 17 Palagyan ito ng apat na hanay ng mga mamahaling bato. Sa unang hanay, ilalagay ang rubi, topaz at beril; 18 sa ikalawang hanay, esmeralda, safiro at turkois; 19 sa ikatlong hanay, hasinto, agata at ametista, 20 at sa ikaapat na hanay, krisolito, onix at jasper. Ilagay ang mga bato sa balangkas na ginto. 21 Dapat ang bawat bato ay may pangalan ng isa sa mga anak ni Jacob bilang kinatawan sa 12 lahi ng Israel. Ang pagkakaukit ng pangalan ay gaya ng pagkakaukit sa pantatak.

22 “Palagyan din ng mala-kwintas na tali na purong ginto ang bulsa na nasa dibdib. 23 Magpagawa ka ng dalawang parang singsing na ginto at ikabit ito sa ibabaw ng mga sulok ng bulsa na nasa dibdib. 24 Isuot sa parang singsing na ito ang dalawang mala-kwintas na taling ginto, 25 at ang dalawang dulo naman ng mala-kwintas na tali ay isinuot sa dalawang balangkas na ginto na nakakabit sa tirante ng espesyal na damit. 26 Magpagawa ka ng dalawang parang singsing na ginto at ipasok ito sa ilalim ng mga gilid ng bulsa na nasa dibdib na nakapatong sa espesyal na damit. 27 Magpagawa ka pa ng dalawang parang singsing na ginto at ikabit mo ito sa espesyal na damit sa may bandang sinturon. 28 Pagkatapos, talian ninyo ng asul na panali ang mga pang-ilalim na parang singsing na ginto sa espesyal na damit. Sa pamamagitan nito, maikakabit nang maayos ang bulsa na nasa dibdib ng espesyal na damit, sa itaas ng sinturon.

29 “Kung papasok si Aaron sa Banal na Lugar, kailangang suot niya ang bulsa sa dibdib na may pangalan ng mga lahi ng Israel para alalahanin ko silang palagi. 30 Ilagay sa bulsa na nasa dibdib ang ‘Urim’ at ‘Thummim’[l] para naroon ito sa bulsa ni Aaron kapag pupunta siya sa aking presensya para malaman ang kalooban ko para sa mga Israelita.

Ang Iba pang Damit ng mga Pari(L)

31 “Ang damit-panlabas na napapatungan ng espesyal na damit ay kailangang purong asul 32 at may butas sa gitna para sa ulo. At kailangang lagyan ng butas ang parang kwelyo para hindi ito mapunit. 33-34 Palagyan ang palibot ng mga laylayan nito ng mga palamuti na korteng prutas na pomegranata, na gawa sa lanang kulay asul, ube at pula. Isingit mo ang mga palamuting ito sa mga pagitan ng gintong mga kampanilya. 35 Kailangang isuot ito ni Aaron kapag papasok siya sa Banal na Lugar para maglingkod sa aking presensya, para marinig ang tunog ng mga kampanilya kung papasok at lalabas si Aaron sa Banal na Lugar. Kung gagawin niya ito, hindi siya mamamatay.

36 “Magpagawa ka ng medalyang ginto at paukitan mo ito ng ganitong mga salita: ‘Ibinukod para sa Panginoon.’ 37 Itali mo ito sa harap ng turban ni Aaron sa pamamagitan ng asul na panali, 38 para makita ito sa kanyang noo. Ipinapakita nito na dadalhin ni Aaron ang kahit anong kasalanang nagawa ng mga Israelita sa paghahandog nila sa Panginoon. Lagi itong ikakabit ni Aaron sa kanyang noo para matuwa ang Panginoon sa mga mamamayan.

39 “Ang damit-panloob ni Aaron ay kailangang pinong linen, ganoon din ang kanyang turban at ang sinturon na binurdahan ng maganda. 40 Magpatahi ka rin ng mga damit-panloob, mga sinturon, at mga turban para sa mga anak ni Aaron para sa ikararangal nila.

41 “Ipasuot mo ang mga damit sa kapatid mong si Aaron at sa mga anak niyang lalaki, at pagkatapos, pahiran[m] mo sila ng langis at ordinahan. Italaga mo sila sa akin para makapaghandog sila sa akin bilang mga pari.

42 “Ipatahi mo rin sila ng mga pang-ilalim na damit na tatakip sa kanyang kahubaran. Ang haba nitoʼy mula sa baywang hanggang sa hita para hindi sila masilipan. 43 Kailangan nila itong isuot kapag papasok sila sa Toldang Tipanan, o kapag lalapit sila sa altar ng Banal na Lugar sa paglilingkod bilang mga pari, para hindi sila masilipan at mamatay. Ang tuntuning itoʼy dapat sundin ni Aaron at ng kanyang salinlahi magpakailanman.

Ang Pagtatalaga kay Aaron at sa mga Anak Niyang Lalaki Bilang mga Pari(M)

29 “Ito ang gagawin mo sa pag-ordina kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki para makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. Kumuha ka ng isang batang toro at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. Kumuha ka rin ng magandang klaseng harina at magluto ka ng tinapay na walang pampaalsa. Makapal na tinapay na hinaluan ng langis ang lutuin mo, at manipis na tinapay na pinahiran ng langis. Pagkatapos, ilagay mo ang mga tinapay sa basket at ihandog sa akin kasama ang batang toro at dalawang lalaking tupa.

“Dadalhin mo sa may pintuan ng Toldang Tipanan si Aaron at ang mga anak niyang lalaki, at papaliguin mo sila. Pagkatapos, ipasuot mo kay Aaron ang damit-panloob, ang damit-panlabas, ang espesyal na damit,[n] at ang bulsa na nasa dibdib. Itali mo nang mabuti ang espesyal na damit gamit ang hinabing sinturon na maganda ang pagkakagawa. Ipasuot mo sa ulo niya ang turban, at ikabit sa harapan ng turban ang ginto na simbolo ng pagbubukod sa kanila ng Panginoon. Kunin mo rin ang langis at ibuhos ito sa ulo ni Aaron sa pagtatalaga sa kanya. Italaga rin ang mga anak niyang lalaki at pagsuotin sila ng damit-panloob, turban at sinturon at ordinahan din sila. Magiging pari sila habang buhay. Sa pamamagitan nito, ordinahan mo si Aaron at ang mga anak niya.

10 “Dalhin mo ang batang toro sa harap ng Toldang Tipanan, at ipapatong ni Aaron at ng mga anak niya ang kamay nila sa ulo ng toro. 11 Pagkatapos, katayin ang baka sa presensya ng Panginoon, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 12 Kumuha ka ng dugo ng baka at ipahid mo ito sa parang sungay sa mga sulok ng altar, at ibuhos mo sa ilalim ng altar ang matitirang dugo. 13 Pagkatapos, kunin mo ang lahat ng taba sa tiyan ng baka, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati na ang mga taba nito, at sunugin ito sa altar. 14 Pero sunugin mo ang laman, balat at bituka nito sa labas ng kampo bilang handog sa paglilinis.

15 “Pagkatapos, kunin mo ang isa sa lalaking tupa at ipatong mo ang mga kamay ni Aaron at ng mga anak niya sa ulo ng tupa. 16 Katayin ito, at iwisik ang dugo sa palibot ng altar. 17 Hiwa-hiwain mo ang tupa at hugasan ang mga lamang loob at paa, ipunin mo ito pati ang ulo at ang iba pang parte ng hayop. 18 Sunugin mo itong lahat sa altar bilang handog na sinusunog para sa akin. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa akin.

19 “Pagkatapos, kunin mo ang isa pang lalaking tupa, at ipatong ang mga kamay ni Aaron at ng mga anak niya sa ulo ng tupa. 20 Katayin ninyo ito at kumuha ka ng dugo, at ipahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ni Aaron at ng mga anak niya, at sa mga kanang hinlalaki ng kanilang kamay at paa. Pagkatapos, iwiwisik ang natirang dugo sa palibot ng altar. 21 Kumuha ka ng kaunting dugo sa altar at ihalo ito sa langis na pamahid,[o] iwisik ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, at sa kanilang mga damit. Sa pamamagitan nito, maitatalaga si Aaron at ang mga anak niya, pati na ang mga damit nila.

22 “Pagkatapos, kunin ninyo ang taba ng tupa, ang matabang buntot, at ang lahat ng taba sa lamang-loob, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati ang taba nito, at ang kanang hita. Ito ang tupang handog para sa pagtatalaga sa mga pari. 23 Kumuha ka sa basket ng mga tinapay na walang pampaalsa na ihahandog para sa akin: tinapay na hindi hinaluan ng langis, makapal na tinapay na hinaluan ng langis at manipis na tinapay. 24 Ipahawak mo itong lahat kay Aaron at sa mga anak niya, at itataas nila ito sa akin bilang mga handog na itinataas. 25 Kunin mo ito sa kanila at sunugin sa altar kasama ng mga handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa akin. 26 Kunin mo rin ang dibdib ng tupa at itaas nʼyo ito sa akin bilang mga handog na itinataas. Ito ang parte mo sa tupang handog para sa pagtatalaga kay Aaron at ng mga anak niyang lalaki.

27 “Ialay mo rin sa akin ang mga parte ng tupang inihandog para sa pagtatalaga kay Aaron at ng mga anak niya, kasama na rito ang dibdib at hitang itinaas mo sa akin. 28 Sa tuwing maghahandog ang mga Israelita ng mga handog para sa mabuting relasyon, dapat ganito palagi ang mga parte ng mga hayop na mapupunta kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki.

29 “Kapag namatay na si Aaron, ang banal na mga damit niya ay ibibigay sa mga anak niyang papalit sa kanya bilang punong pari, para ito ang isuot nila kapag ordinahan na sila. 30 Ang mga angkan ni Aaron na papalit sa kanya bilang punong pari ang magsusuot ng mga damit na ito sa loob ng pitong araw kapag papasok siya sa Toldang Tipanan para maglingkod sa Banal na Lugar.

31 “Kunin mo ang tupa na inialay sa pagtatalaga at lutuin ang karne nito sa isang banal na lugar. 32 Kakainin ito ni Aaron at ng mga anak niya, kasama ang tinapay sa basket, doon sa pintuan ng Toldang Tipanan. 33 Sila lang ang makakakain ng karneng ito at tinapay na inihandog para sa kapatawaran ng mga kasalanan nila nang inordinahan sila. Walang ibang maaaring kumain nito dahil banal ang pagkaing ito. 34 Kung may matirang pagkain, sa kinaumagahan dapat itong sunugin. Hindi ito dapat kainin, dahil itoʼy banal.

35 “Sundin mo ang iniuutos kong ito sa iyo tungkol sa pag-ordina kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Gawin mo ang pag-ordina sa kanila sa loob ng pitong araw. 36 Bawat araw, maghandog ka ng isang baka bilang handog sa paglilinis para maging malinis ang altar, at pagkatapos, pahiran mo ito ng langis para sa pagtatalaga nito. 37 Gawin mo ito sa loob ng pitong araw; at magiging pinakabanal ang altar, at dapat banal din ang humahawak nito.

Ang Araw-araw na mga Handog(N)

38 “Dalawang tupa na isang taong gulang ang ihandog mo sa altar araw-araw. 39 Isa sa umaga at isa sa hapon. 40 Sa paghahandog mo ng tupa sa umaga, maghandog ka rin ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng isang litrong langis mula sa pinigang olibo. Maghandog ka rin ng isang litrong katas ng ubas bilang handog na inumin. 41 Sa paghahandog mo ng tupa sa hapon, ihandog mo rin ang mga nabanggit na harina at inumin. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa akin. 42-43 Ang mga handog na sinusunog ay kailangang ihandog araw-araw ng susunod pang mga henerasyon. Ihandog ninyo ito sa aking presensya, doon sa may pintuan ng Toldang Tipanan kung saan ako makikipag-usap sa iyo at makikipagkita sa mga Israelita. Magiging banal ang Tolda dahil sa makapangyarihan kong presensya. 44 Oo, gagawin kong banal ang Toldang Tipanan at ang altar, at ibubukod ko si Aaron at ang mga anak niya sa paglilingkod sa akin bilang mga pari. 45 Maninirahan ako kasama ng mga Israelita at akoʼy magiging Dios nila. 46 Malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Dios na naglabas sa kanila sa Egipto para makapanirahan akong kasama nila. Oo, Ako ang Panginoon na kanilang Dios.

Ang Altar na Pagsusunugan ng Insenso(O)

30 “Magpagawa ka ng altar na akasya na pagsusunugan ng insenso. Kailangang kwadrado ito-18 pulgada ang haba at ang lapad, at tatlong talampakan ang taas. Kailangang mayroon itong parang sungay sa mga sulok na kasamang ginawa nang gawin ang altar. Balutin mo ng purong ginto ang ibabaw nito, ang apat na gilid, at ang parang sungay sa mga sulok nito. At lagyan mo ito ng hinulmang ginto sa palibot. Palagyan ng dalawang argolyang ginto sa ilalim ng hinulmang ginto sa magkabilang gilid ng altar, para pagsuksukan ng mga tukod na pambuhat dito. Gumawa ka ng tukod na gawa sa kahoy ng akasya at balutan ito ng ginto. Ilagay ito sa harap ng altar sa telang tumatabing sa Kahon ng Kasunduan. Doon ako makikipagkita sa inyo.

“Tuwing umaga, kapag mag-aasikaso si Aaron ng mga ilaw, magsusunog siya ng mabangong insenso sa nasabing altar. At sa hapon, kapag magsisindi siya ng ilaw, magsusunog siyang muli ng insenso. Dapat itong gawin araw-araw sa aking presensya ng susunod pang mga henerasyon. Huwag kayong mag-aalay sa altar na ito ng ibang insenso, o kahit anong handog na sinusunog, o handog para sa mabuting relasyon, o handog na inumin. 10 Isang beses sa bawat taon, kailangang linisin ni Aaron ang altar sa pamamagitan ng pagpapahid ng dugo sa parang mga sungay na sulok nito. Ang dugong ipapahid ay galing sa handog sa paglilinis. Dapat itong gawin bawat taon ng susunod pang mga henerasyon, dahil ang altar na ito ay napakabanal para sa akin.”

11 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, 12 “Kapag isesensus mo ang mga mamamayan ng Israel, ang bawat mabibilang ay magbabayad sa akin para sa buhay niya, para walang kapahamakang dumating sa kanya habang binibilang mo sila. 13 Ang ibabayad ng bawat isang mabibilang mo ay anim na gramong pilak ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Ibibigay nila ito bilang handog sa akin. 14 Ang lahat ng may edad na 20 pataas ang maghahandog nito sa akin. 15 Hindi magbabayad ng sobra ang mga mayayaman, at hindi magbabayad ng kulang ang mga mahihirap. 16 Gamitin mo ang pera para sa mga pangangailangan sa Toldang Tipanan. Bayad ito ng mga Israelita para sa kanilang buhay, at sa pamamagitan nitoʼy aalalahanin ko sila.”

Ang Plangganang Hugasan(P)

17 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 18 “Gumawa ka ng tansong planggana na tanso rin ang patungan, para gamiting hugasan. Ilagay mo ito sa gitna ng Toldang Tipanan at ng altar, at lagyan ito ng tubig. 19 Ito ang gagamitin ni Aaron at ng mga anak niya sa paghuhugas ng mga kamay at paa nila, 20-21 bago sila pumasok sa Toldang Tipanan, at bago sila lumapit sa altar para mag-alay sa akin ng mga handog sa pamamagitan ng apoy. Kailangan nilang hugasan ang mga kamay at paa nila para hindi sila mamatay. Dapat sundin ni Aaron at ng mga angkan niya ang mga tuntuning ito hanggang sa susunod pang mga henerasyon.”

Ang Langis na Pamahid

22 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 23 “Kumuha ka ng pinakamainam na mga sangkap: anim na kilong mira, tatlong kilo ng mabangong sinamon, tatlong kilong asukal, 24 anim na kilong kasia (kailangan ang bigat nitoʼy ayon sa timbangang ginagamit ng mga pari) at isang galong langis ng olibo. 25 Sa pamamagitan nito, makakagawa ka ng banal na mabangong langis na pamahid. 26-28 Pahiran mo ng langis na ito ang Toldang Tipanan, ang Kahon ng Kasunduan, ang mesa at ang lahat ng kagamitan nito, ang lalagyan ng ilaw at ang lahat ng kagamitan nito, ang altar na pagsusunugan ng insenso, ang altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang lahat ng kagamitan nito, at ang planggana at ang patungan nito. 29 Italaga mo ang mga bagay na ito para maging napakabanal nito. Ibubukod ang sinumang makakahawak nito.[p]

30 “Pahiran mo rin ng langis si Aaron at ang mga anak niya bilang pag-oordina sa kanila, para makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. 31 Sabihin mo sa mga Israelita na ito ang banal kong langis ang dapat gamiting pamahid hanggang sa mga susunod pang mga henerasyon. 32 Huwag nʼyo itong ipapahid sa ordinaryong mga tao, at huwag nʼyo rin itong gawin para sa mga sarili nʼyo lang. Banal ito, kaya ituring nʼyo rin itong banal. 33 Ang sinumang gagawa ng langis na ito o gagamit nito sa sinumang hindi pari ay huwag na ninyong ituring na kababayan.”

Ang Insenso

34 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kumuha ka ng pare-parehong dami ng mababangong sangkap: estakte, onika, galbano at purong kamangyan. 35 Sa pamamagitan ng mga ito, gumawa ka ng napakabangong insenso. Pagkatapos, lagyan mo ng asin para maging puro ito at banal. 36 Dikdikin nang pino ang iba sa mga ito at iwisik sa harap ng Kahon ng Kasunduan na nasa Toldang Tipanan, kung saan ako makikipagkita sa iyo. Dapat mo itong ituring na pinakabanal. 37 Huwag kayong gagawa ng mga insensong ito para sa inyong sarili. Ituring nʼyo itong banal para sa Panginoon. 38 Ang sinumang gagawa nito para gagamiting pabango ay huwag na ninyong ituring na kababayan.”

Ang mga Manggagawa ng Toldang Sambahan(Q)

31 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pinili ko si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, na mula sa lahi ni Juda. Pinuspos ko siya ng aking Espiritu[q] para bigyan siya ng kapangyarihan na magkaroon ng karunungan at kakayahan sa anumang gawain: sa paggawa ng magagandang bagay na ginto, pilak at tanso, sa paghuhugis ng mamahaling mga bato, sa paglililok ng kahoy at lahat ng klase na gawang kamay. Pinili ko rin si Oholiab na anak ni Ahisamac, na mula sa lahi ni Dan, para tumulong kay Bezalel. Binigyan ko rin siya ng kakayahan sa anumang gawain para magawa nila ang lahat ng iniutos kong gawin mo: ang Toldang Tipanan, ang Kahon ng Kasunduan at ang takip nito, at ang lahat ng kagamitan sa Tolda – ang mesa at ang mga kagamitan nito, ang lalagyan ng ilaw na purong ginto at ang lahat ng kagamitan nito, ang altar na pagsusunugan ng insenso, ang altar na pagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang lahat ng kagamitan nito, ang planggana at ang patungan nito, 10 ang banal at magandang damit ni Aaron at ng mga anak niya na isusuot nila kapag naglilingkod na sila bilang mga pari, 11 ang langis na pamahid at ang mabangong insenso para sa Banal na Lugar. Gagawin nila itong lahat ayon sa iniutos ko sa iyo.”

Ang Araw ng Pamamahinga

12 Iniutos ng Dios kay Moises 13 na sabihin niya ito sa mga Israelita, “Sundin ninyo ang aking ipinag-uutos tungkol sa Araw ng Pamamahinga, dahil tanda ito ng kasunduan natin hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Sa pamamagitan nito, malalaman ninyo na ako ang Panginoon na pumili sa inyo na maging mga mamamayan ko. 14 Dapat ninyong sundin ang ipinag-uutos ko tungkol sa Araw ng Pamamahinga, dahil banal ang araw na ito para sa inyo. Ang sinumang lalabag sa ipinag-uutos ko sa araw na iyon ay dapat patayin. Ang sinumang gagawa sa araw na iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan. 15 Gawin ninyo ang mga gawain nʼyo sa loob ng anim na araw, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo. Sapagkat banal ang araw na ito para sa akin, papatayin ang sinumang gagawa sa araw na ito. 16-17 Kaya kayong mga Israelita, dapat ninyong sundin magpakailanman ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ito ang walang hanggang tanda ng walang katapusang kasunduan natin. Dahil sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit at ang mundo, at sa ikapitong araw ay nagpahinga ako.”

18 Pagkatapos ng pakikipag-usap ng Panginoon kay Moises sa Bundok ng Sinai, ibinigay niya kay Moises ang dalawang malalapad na batong sinulatan ng kanyang mga utos, na siya mismo ang sumulat.

Ang Gintong Baka(R)

32 Nang mainip ang mga tao sa tagal ni Moises na bumaba ng bundok, nagtipon sila kay Aaron at sinabi, “Igawa mo kami ng dios[r] na mangunguna sa amin, dahil hindi natin alam kung ano na ang nangyari kay Moises na naglabas sa atin sa Egipto.” Sumagot si Aaron, “Kunin nʼyo ang mga hikaw na ginto na suot ng mga asawaʼt anak ninyo, at dalhin ninyo sa akin.” Kaya kinuha nilang lahat ang gintong mga hikaw at dinala ito kay Aaron. Tinipon ni Aaron ang mga ito tinunaw, at hinugis na baka. Sinabi ng mga Israelita, “Ito ang dios natin na naglabas sa atin sa Egipto.”

Pagkakita ni Aaron na sumaya ang mga tao, nagpagawa siya ng altar sa harap ng baka at ipinaalam sa kanila, “Bukas, magdaraos tayo ng pista para sa karangalan ng Panginoon.” Kaya kinaumagahan, maagang bumangon ang mga tao at nag-alay ng mga handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon. Kumain sila at uminom at nilubos ang pagsasaya sa pagsamba sa dios-diosan.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka na dahil nagpapakasama ang mga kababayan mo na inilabas mo sa Egipto. Napakadali nilang tumalikod sa mga itinuro ko sa kanila. Gumawa sila ng dios-diosang baka at sinamba nila ito. Naghandog ang mga Israelita sa dios-diosang ito at sinabi, ‘Ito ang dios natin na naglabas sa atin sa Egipto.’ ”

At sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Nakita ko kung gaano katigas ang ulo ng mga taong ito. 10 Kaya pabayaan mong lipulin ko sila nang matindi kong galit. Ikaw na lang at ang mga angkan mo ang gagawin kong dakilang bansa.”

11 Pero nagmakaawa si Moises sa Panginoon na kanyang Dios, “O Panginoon, bakit po ninyo ipapalasap ang galit nʼyo sa inyong mga mamamayang inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng dakila nʼyong kapangyarihan? 12 Ano na lang po ang sasabihin ng mga Egipcio? Na kinuha po ninyo ang inyong mga mamamayan sa Egipto para patayin sa kabundukan at mawala sila sa mundo? O, Panginoon, huwag po ninyong ituloy ang matinding galit ninyo sa kanila, huwag ninyo silang papatayin. 13 Alalahanin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa inyong lingkod na sina Abraham, Isaac, at Jacob[s] na pararamihin ninyo ang lahi nila na kasindami ng bituin sa langit, at ibibigay ninyo sa lahi nila ang lahat ng lupaing ipinangako ninyo sa kanila, at magiging kanila ito magpakailanman.” 14 Kaya hindi na itinuloy ng Panginoon ang plano niyang pagpatay sa kanyang mga mamamayan.

15 Bumaba si Moises ng bundok na dala ang dalawang malalapad na batong sinulatan ng mga utos ng Dios. Nakasulat ang mga utos sa harap at likod ng bato. 16 Ang Dios mismo ang gumawa at sumulat nito.

17 Nang marinig ni Josue ang kaguluhan ng mga tao, sinabi niya kay Moises, “Parang may ingay ng digmaan sa kampo.” 18 Sumagot si Moises, “Hindi ingay ng digmaan ang naririnig ko kundi ingay ng mga awitan.”

19 Nang malapit na si Moises sa kampo, nakita niya ang dios-diosang baka at ang pagsasayaw ng mga tao, kaya nagalit siya nang matindi. Inihagis niya sa paanan ng bundok ang malalapad na bato na dala niya, at nabiyak ang mga ito. 20 Pagkatapos, kinuha niya ang dios-diosang baka na ginawa nila, at sinunog ito. Dinurog niya ito nang pinong-pino at inihalo sa tubig, at ipinainom sa mga mamamayan ng Israel.

21 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Ano ba ang ginawa ng mga tao sa iyo at pinabayaan mo silang magkasala?”

22 Sumagot si Aaron, “Huwag po kayong magalit sa akin. Alam nʼyo kung gaano sila kadaling gumawa ng kasamaan. 23 Sinabi nila sa akin, ‘Igawa mo kami ng dios na mangunguna sa amin, dahil hindi natin alam kung ano na ang nangyari sa taong si Moises na naglabas sa atin sa Egipto.’ 24 Kaya sinabi ko sa kanila na dalhin nila sa akin ang mga alahas nilang ginto. Nang madala nila ito sa akin, inihagis ko ito sa apoy at mula roon, nabuo itong baka.”

25 Nakita ni Moises na nagwawala ang mga tao at pinababayaan lang sila ni Aaron. Dahil dito, naging katawa-tawa sila sa mga kaaway nila sa palibot. 26 Kaya tumayo si Moises sa pintuan ng kampo at sumigaw, “Sinuman sa inyo na pumapanig sa Panginoon, lumapit sa akin!” At nagtipon sa kanya ang lahat ng mga Levita.

27 Sinabi ni Moises sa kanila, “Sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na isukbit ng bawat isa sa inyo ang mga espada ninyo, libutin ninyo ang buong kampo, at patayin ninyo ang masasamang taong ito kahit na kapatid pa ninyo, kaibigan o kapitbahay.” 28 Sinunod ng mga Levita ang iniutos sa kanila ni Moises, at nang araw na iyon 3,000 ang taong namatay. 29 Sinabi ni Moises sa mga Levita, “Ibinukod kayo ng Panginoon sa araw na ito, dahil pinagpapatay ninyo kahit mga anak ninyo at mga kapatid. Kaya binasbasan niya kayo sa araw na ito.”

30 Nang sumunod na araw, sinabi ni Moises sa mga tao, “Nakagawa kayo ng malaking kasalanan. Pero aakyat ako ngayon sa bundok, doon sa Panginoon; baka matulungan ko kayong mapatawad sa inyong mga kasalanan.”

31 Kaya bumalik si Moises sa Panginoon at sinabi, “O Panginoon, malaking kasalanan po ang nagawa ng mga taong ito. Gumawa sila ng dios na ginto. 32 Pero ngayon, patawarin nʼyo po sila sa kanilang mga kasalanan. Kung hindi ninyo sila mapapatawad, burahin na lang ninyo ang aking pangalan sa aklat na sinulatan nʼyo ng pangalan ng inyong mga mamamayan.”

33 Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Kung sino ang nagkasala sa akin, ang pangalan niya ang buburahin ko sa aklat ko. 34 Lumakad ka na at pangunahan ang mga tao papunta sa lugar na sinabi ko sa iyo, at pangungunahan kayo ng anghel ko. Pero darating ang panahon na paparusahan ko sila sa mga kasalanan nila.”

35 At nagpadala ang Panginoon ng mga karamdaman sa mga Israelita dahil sinamba nila ang dios-diosang baka na ginawa ni Aaron.

33 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umalis ka sa lugar na ito kasama ang mga mamamayang inilabas mo sa Egipto, at pumunta kayo sa lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac, at Jacob. Sinabi ko sa kanila noon na ibibigay ko ang mga lupaing ito sa kanilang mga salinlahi. Pauunahin ko ang anghel sa inyo, at itataboy ko ang mga Cananeo, Amoreo, Heteo, Perezeo, Hiveo at Jebuseo sa lugar na iyon. Kayo lang ang pupunta roon sa maganda at masaganang lupain;[t] hindi ko kayo sasamahan dahil matigas ang mga ulo ninyo, at baka mapatay ko pa kayo habang nasa daan.”

Nang marinig ng mga tao ang masasakit na salitang ito, labis silang nalungkot at hindi nila isinuot ang kanilang mga alahas. Sapagkat, iniutos ng Panginoon kay Moises na sabihin ito sa mga Israelita: “Napakatigas ng ulo ninyo. Kung sasamahan ko kayo kahit na sa sandaling panahon lang, baka mapatay ko pa kayo. Ngayon, hubarin ninyo ang mga alahas ninyo hanggang sa makapagdesisyon ako kung ano ang gagawin ko sa inyo.” Kaya hinubad ng mga Israelita ang mga alahas nila roon sa bundok ng Horeb.

Ang Toldang Tipanan

Nakaugalian na ni Moises na itayo ang Tolda malayo sa kampo. Ang Toldang itoʼy tinatawag na “Toldang Tipanan.” Pumupunta sa Toldang ito ang sinumang gustong malaman ang kalooban ng Panginoon. Sa tuwing papasok si Moises sa Tolda, tumatayo ang mga tao sa pintuan ng mga tolda nila. Tinitingnan nila si Moises hanggang sa makapasok siya sa Tolda. At habang naroon si Moises sa loob, bumababa ang makapal na ulap sa pintuan ng Tolda habang nakikipag-usap ang Panginoon sa kanya. 10 At kapag nakita ng mga tao ang makapal na ulap sa pintuan ng Tolda, tumatayo sila at sumasamba sa Panginoon sa may pintuan ng tolda nila. 11 Kapag nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises, magkaharap sila, katulad ng magkaibigan na nagkukwentuhan. Pagkatapos, bumabalik si Moises sa kampo, pero ang binata niyang lingkod na si Josue na anak ni Nun ay nananatili sa Tolda.

Nakita ni Moises ang Makapangyarihang Presensya ng Dios

12 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Lagi po ninyong sinasabi sa akin na pangunahan ko ang inyong mga mamamayan sa pagpunta sa lupaing ipinangako ninyo, pero hindi pa po ninyo ipinapaalam kung sino ang pasasamahin ninyo sa akin. Sinabi pa po ninyo na kilalang-kilala nʼyo ako at nalulugod kayo sa akin. 13 Kung totoo pong nalulugod kayo sa akin, turuan nʼyo ako ng mga pamamaraan ninyo para makilala ko kayo at para mas matuwa pa kayo sa akin. Alalahanin po ninyong ang bansang ito ay bayan ninyo.”

14 Sumagot ang Panginoon, “Ako mismo ang sasama sa iyo, at bibigyan kita ng kapahingahan.”

15 Sinabi ni Moises sa kanya, “Kung hindi po ninyo kami sasamahan, huwag nʼyo na lang po kaming paalisin sa lugar na ito. 16 Dahil paano po malalaman ng iba na nalulugod kayo sa akin at sa inyong mga mamamayan kung hindi nʼyo kami sasamahan? At paano po nila malalaman na espesyal kaming mga mamamayan kaysa sa ibang mamamayan sa mundo?”

17 Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Gagawin ko ang ipinapakiusap mo, dahil nalulugod ako sa iyo at kilalang-kilala kita.”

18 Sinabi ni Moises, “Ipakita po ninyo sa akin ngayon ang makapangyarihang presensya ninyo.”

19 Sumagot ang Panginoon, “Ipapakita ko sa iyo ang lahat ng kabutihan ko, at ipapaalam ko sa iyo ang pangalan ko, ang Panginoon. Mahahabag ako sa gusto kong kahabagan; maaawa ako sa gusto kong kaawaan. 20 Pero hindi ko ipapakita sa iyo ang aking mukha dahil walang taong nakakita sa mukha ko nang nabuhay.”

21 Sinabi ng Panginoon, “Tumayo ka rito sa bato malapit sa akin. 22 At habang dumadaan ang makapangyarihan presensya ko, ipapasok kita sa siwang ng bato at tatakpan kita ng aking kamay hanggang sa makadaan ako. 23 Pagkatapos, tatanggalin ko ang kamay ko at makikita mo ang likod ko, pero hindi ang aking mukha.”

Ang Bagong Malalapad na Bato(S)

34 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tumapyas ka ng dalawang malalapad na bato gaya noong una, dahil susulatan ko ito ng mga salitang nakasulat sa naunang bato na binasag mo. Maghanda ka bukas ng umaga, at umakyat ka sa Bundok ng Sinai. Makipagkita ka sa akin sa itaas ng Bundok. Kailangang walang sasama sa iyo; walang sinumang makikita sa kahit saang bahagi ng bundok. Kahit na mga tupa o baka ay hindi maaaring manginain sa bundok.”

Kaya tumapyas si Moises ng dalawang malalapad na bato gaya noong una. At kinabukasan, maaga paʼy umakyat na siya sa bundok ayon sa iniutos ng Panginoon dala ang dalawang malalapad na bato. Bumaba ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap at binanggit niya ang kanyang pangalang Panginoon habang nakatayo si Moises sa presensya niya. Dumaan ang Panginoon sa harap ni Moises at sinabi, “Ako ang Panginoon, ang mahabagin at matulunging Dios. Mapagmahal at matapat ako, at hindi madaling magalit. Ipinapakita ko ang pagmamahal ko sa maraming tao, at pinapatawad ko ang mga kasamaan nila, pagsuway at mga kasalanan. Pero pinaparusahan ko ang mga nagkakasala, pati na ang kanilang salinlahi hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon.”

Nagpatirapa si Moises sa lupa at sumamba. Sinabi niya, “O Panginoon, kung nalulugod po kayo sa akin, nakikiusap po akong sumama kayo sa amin. Kahit na matigas ang ulo ng mga taong ito, patawarin po ninyo kami sa aming kasamaan at mga kasalanan. Tanggapin po ninyo kami bilang inyong mga mamamayan.”

Inulit ang Kasunduan(T)

10 Sinabi ng Panginoon, “Gagawa ako ng kasunduan sa inyo. Sa harap ng lahat ng kababayan mo, gagawa ako ng mga kamangha-manghang bagay na hinding-hindi ko pa nagagawa sa kahit saang bansa sa buong mundo. Makikita ng mga mamamayan sa palibot ninyo ang mga bagay na gagawin ko sa pamamagitan mo. 11 Sundin mo ang iniutos ko sa iyo sa araw na ito. Itataboy ko ang mga Amoreo, Cananeo, Heteo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo mula sa lupaing ipinangako ko sa inyo. 12 Huwag kang gagawa ng kasunduan sa mga tao sa lupaing pupuntahan ninyo, dahil magiging bitag ito para sa inyo. 13 Sa halip, gibain ninyo ang mga altar nila, durugin ang mga alaalang bato nila, at putulin ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. 14 Huwag kayong sasamba sa ibang mga dios dahil ako, ang Panginoon, ay ayaw na may sinasamba kayong iba. 15 Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga taong nakatira sa lupain na pupuntahan ninyo. Dahil baka matukso kayong kumain ng mga handog nila, at anyayahan nila kayo sa paghahandog at pagsamba nila sa kanilang mga dios. 16 Baka mapangasawa ng mga anak nʼyo ang mga anak nila, na silang magtutulak sa kanila sa pagsamba sa ibang mga dios.

17 “Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan.

18 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ayon sa iniutos ko sa inyo, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw. Gawin ninyo ito sa itinakdang panahon sa buwan ng Abib, dahil iyon ang buwan nang lumabas kayo ng Egipto.

19 “Akin ang lahat ng panganay na lalaki, pati ang panganay na lalaki ng mga hayop ninyo. 20 Maaaring matubos ang panganay na lalaki ng mga asno nʼyo sa pamamagitan ng pagpapalit dito ng tupa. Pero kung hindi ito tutubusin, kailangang patayin ang asno sa pamamagitan ng pagbali sa leeg nito. Maaari rin ninyong matubos ang mga panganay ninyong lalaki.

“Walang makakalapit sa akin na walang dalang mga handog.

21 “Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, kahit sa panahon ng pag-aararo at pag-ani.

22 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Pag-aani kung mag-aani kayo ng mga unang ani ng trigo, at ipagdiwang din ninyo ang Pista ng Katapusan ng Pag-ani sa katapusan ng taon.

23 “Tatlong beses sa isang taon, pupunta ang kalalakihan ninyo sa mga pistang ito sa pagsamba sa Panginoong Dios, ang Dios ng Israel. 24 Itataboy ko ang mga mamamayan sa lupaing ibibigay ko sa inyo, at palalawakin ko ang teritoryo ninyo. At walang sasalakay o aagaw sa bansa ninyo sa panahong lumalapit kayo sa akin na Panginoon na inyong Dios.

25 “Huwag kayong maghahandog ng dugo sa akin at kahit anong may pampaalsa. Huwag din kayong magtitira para sa susunod na araw ng karne ng tupa na handog ninyo sa panahon ng Pista ng Paglampas ng Anghel.

26 “Dalhin ninyo sa templo ng Panginoon na inyong Dios ang pinakamagandang bahagi ng una ninyong ani.

“Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing na hindi pa naaawat sa kanyang ina.”

27 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Isulat mo itong sinasabi ko, dahil ito ang tuntunin ng kasunduan ko sa iyo at sa Israel.” 28 Naroon si Moises kasama ng Panginoon sa loob ng 40 araw at 40 gabi na wala siyang kinain at ininom. Isinulat niya sa malalapad na bato ang mga tuntunin ng kasunduan – ang Sampung Utos.

29 Nang bumaba si Moises sa Bundok ng Sinai, dala niya ang dalawang malalapad na bato kung saan nakasulat ang mga utos ng Dios. Hindi niya alam na nakakasilaw ang mukha niya dahil sa pakikipag-usap niya sa Panginoon. 30 Nang makita ni Aaron at ng lahat ng mga Israelita ang nakakasilaw na mukha ni Moises, natakot silang lumapit sa kanya. 31 Pero ipinatawag sila ni Moises, kaya lumapit sila Aaron at ang mga pinuno ng mamamayan ng Israel, at nakipag-usap si Moises sa kanila. 32 Pagkatapos, lumapit ang lahat ng mga Israelita sa kanya. At sinabi niya sa kanila ang lahat ng utos na ibinigay sa kanya ng Panginoon sa Bundok ng Sinai.

33 Matapos makipag-usap ni Moises sa kanila, tinalukbungan ni Moises ang kanyang mukha. 34 Pero sa tuwing papasok siya sa Toldang Tipanan para makipag-usap sa Panginoon, tinatanggal niya ang talukbong hanggang sa makalabas siya ng Tolda. Kapag nakalabas na siya, sinasabi niya sa mga Israelita ang lahat ng sinabi ng Panginoon sa kanya, 35 at nakikita ng mga Israelita ang nakakasilaw niyang mukha. At tatalukbungan na naman ni Moises ang mukha niya hanggang sa bumalik siya sa Tolda para makipag-usap sa Panginoon.

Ang Tuntunin sa Araw ng Pamamahinga

35 Tinipon ni Moises ang buong mamamayan ng Israel at sinabi sa kanila, “Ito ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: Sa loob ng anim na araw, gawin ninyo ang mga gawain ninyo, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, dahil banal ang araw na ito at para ito sa Panginoon. Ang sinumang magtrabaho sa araw na ito ay papatayin. Kaya huwag na huwag kayong magtatrabaho, kahit na magsindi ng apoy sa bahay ninyo para magluto sa araw na iyon.”

Ang mga Handog para sa Toldang Sambahan(U)

Sinabi ni Moises sa buong mamamayan ng Israel, “Ito ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: Maghandog kayo sa Panginoon mula sa mga ari-arian ninyo. Maghandog nang maluwag sa inyong puso ng mga ginto, pilak, tanso, lanang kulay asul, ube at pula, pinong telang linen, telang gawa sa balahibo ng kambing, balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, magandang klase ng balat, kahoy na akasya, langis ng olibo para sa ilaw, mga sangkap sa langis na pamahid at pabango sa insenso, batong onix at iba pang mamahaling bato na ilalagay sa espesyal na damit[u] ng punong pari at sa bulsa sa dibdib nito.

Mga Kagamitan para sa Toldang Sambahan(V)

10 “Lumapit ang lahat ng may kakayahang magtrabaho sa inyo at tumulong sa paggawa ng lahat ng bagay na iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: 11 ang Toldang Sambahan at ang mga talukbong nito, mga kawit, mga tablang balangkas, mga biga, mga haligi at mga pundasyon; 12 ang Kahon ng Kasunduan at ang mga tukod na pambuhat, takip at kurtina; 13 ang mesa at ang mga tukod na pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito, at ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios; 14 ang lalagyan ng ilaw at mga kagamitan nito, ang mga ilaw at ang langis para sa ilawan; 15 ang altar na pagsusunugan ng insenso at ang mga tukod na pambuhat nito, ang langis na pamahid, ang mabangong insenso, ang kurtina ng pintuan ng Tolda; 16 ang altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang parilyang tanso, mga tukod na pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito, ang tansong planggana at ang patungan nito; 17 ang mga kurtina sa palibot ng bakuran ng Tolda at ang mga haligi at pundasyon nito, ang kurtina sa pintuan ng bakuran; 18 ang mga tulos at mga lubid ng Tolda at ang mga kurtina sa palibot nito, 19 at ang banal na mga damit ni Aaron na pari at mga anak niyang lalaki, na isusuot nila kapag naglilingkod na sila sa Banal na Lugar.”

20 Pagkatapos, umalis ang buong mamamayan ng Israel sa harapan ni Moises. 21 Ang lahat ng gustong maghandog sa Panginoon ay nagdala ng mga materyales na gagamitin sa paggawa ng Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan nito, at mga materyales para sa mga damit ng mga pari. 22 Ang lahat ng gustong maghandog, lalaki man o babae ay nagdala ng mamahaling mga alahas; mga hikaw, mga kwintas, mga pulseras at ibaʼt ibang klase ng gintong alahas. Dinala nila ang mga ginto nila bilang handog sa Panginoon. 23 May mga naghandog din ng lanang kulay asul, ube at pula, pinong telang linen, tela na gawa sa balahibo ng kambing, balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at magandang klase ng balat. 24 Nagdala ang iba ng pilak o kaya naman ay tanso, at mga kahoy na akasya bilang handog sa Panginoon. 25 Nagdala naman ng mga lanang kulay asul, ube at pula, at pinong telang linen ang mga babaeng may kakayahang gumawa ng tela. 26 At ang mga babae namang marunong gumawa ng tela mula sa balahibo ng kambing ay kusang-loob na ginawa nito. 27 Nagdala ang mga pinuno ng mga batong onix at iba pang mamahaling bato para ilagay sa espesyal na damit ng punong pari at sa bulsa sa dibdib nito. 28 Nagdala rin sila ng mga sangkap at langis ng olibo para sa ilaw, para sa langis na pamahid at pabango sa insenso. 29 Kaya ang lahat ng mga Israelita, lalaki man o babae, na gustong tumulong sa lahat ng gawain na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises ay kusang-loob na nagdala ng mga handog sa Panginoon.

Ang mga Manggagawa ng Toldang Sambahan(W)

30 Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Pinili ng Panginoon si Bezalel, na anak ni Uri at apo ni Hur, na mula sa lahi ni Juda. 31 Pinuspos siya ng Espiritu ng Dios at binigyan ng kaalaman at kakayahan sa anumang gawain – 32 sa paggawa ng magagandang bagay na ginto, pilak at tanso; 33 sa paghuhugis ng mamahaling bato, sa paglililok ng kahoy, at lahat ng klase na gawang kamay. 34 Binigyan din siya ng Dios, at si Oholiab na anak ni Ahisamac na mula sa lahi ni Dan, ng kakayahang magturo sa iba ng mga nalalaman nila. 35 Binigyan sila ng Panginoon ng kakayahang gumawa ng lahat ng klase ng gawain: ang pagdidisenyo, ang paggawa ng tela, ang pagbuburda ng pinong telang linen at ng lanang kulay asul, ube at pula. Kaya nilang gawin ang kahit anong klase ng gawain, at napakahuhusay nilang gumawa.

36 “Sina Bezalel, Oholiab at ang iba pang binigyan ng Panginoon ng kaalaman at kakayahan sa ibaʼt ibang gawain ang siyang gagawa ng Tolda ayon sa utos ng Panginoon.”

Kaya ipinatawag ni Moises sina Bezalel, Oholiab at ang iba pang binigyan ng Panginoon ng kaalaman at kakayahan sa ibaʼt ibang gawain na desididong tumulong sa pagtatrabaho. Ibinigay ni Moises sa kanila ang lahat ng inihandog ng mga Israelita para sa pagpapatayo ng Tolda. At patuloy pa rin ang kusang-loob na pagdadala ng mga tao ng mga handog nila tuwing umaga. Kaya pumunta kay Moises ang mga nagtatrabaho sa Tolda at nagsabi, “Sobra na sa kinakailangan ang dinadala ng mga tao para sa gawaing iniutos ng Panginoon na gawin.”

Kaya ipinadala ni Moises ang utos na ito sa buong kampo: “Huwag na kayong maghahandog para sa pagpapatayo ng Toldang Sambahan.” Kaya tumigil na ang mga tao sa pagdadala ng mga handog nila, dahil sobra-sobra na ang ibinigay nila para sa lahat ng gawain sa Tolda.

Ang Pagpapatayo ng Toldang Sambahan(X)

Ang lahat ng mahuhusay magtrabaho ang gagawa ng Toldang Sambahan. Ang mga gagamitin sa paggawa nito ay sampung piraso ng pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. At paburdahan ito ng kerubin sa mahuhusay na mambuburda. Ang bawat tela ay may haba na 42 talampakan at may lapad na anim na talampakan. 10 Pagtatahi-tahiin nila ito ng tiglilima. 11 Gumawa sila ng parang singsing na telang asul at inihanay sa bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela; 12 tig-50 ang ikinabit sa bawat dulo at magkaharap ito. 13 Gumawa rin sila ng 50 kawit na ginto para mapagsama ang mga parang singsing ng gilid ng pinagdugtong na mga tela. Sa pamamagitan nito, magagawa ang Toldang Sambahan.

14 Kaya gumawa silang talukbong ang Tolda. Labing-isang pirasong tela na gawa sa balahibo ng kambing ang gagamitin sa paggawa nito. 15 May haba na 45 talampakan ang bawat tela at may anim na talampakan ang lapad. 16 Pinagdugtong-dugtong nila ang limang tela, at ganoon din ang ginawa nila sa natirang anim. 17 Nilagyan nila ng 50 parang singsing ang bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela, 18 at ikinabit nila ang 50 tansong kawit.

19 Ang ibabaw ng talukbong nito ay papatungan ng balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at papatungan din ng magandang klase ng balat.

20 Pagkatapos, gumawa sila ng balangkas ng Tolda. Ang ginamit nila ay tabla ng akasya. 21 Ang haba ng bawat tabla ay 15 talampakan at dalawang talampakan ang lapad. 22 Ang bawat tabla ay nilagyan ng dalawang mitsa[v] para maidugtong ito sa isa pang tabla. Ganito ang ginawa nila sa bawat tabla. 23 Ang 20 sa tablang ito ay ginamit nila na pangbalangkas sa timog na bahagi ng Tolda. 24 Ang mga tabla ay isinuksok nila sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla. 25 Ang hilagang bahagi ng Tolda ay ginamitan din ng 20 tabla, 26 at isinuksok din sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon bawat tabla. 27 Ang kanlurang bahagi ng Tolda ay ginamitan nila ng anim na tabla, 28 at dalawang tabla sa mga gilid nito. 29 Ang mga tabla sa sulok ay naikabit nang maayos mula sa ilalim hanggang sa itaas sa pamamagitan ng isang argolya. Ganito rin ang ginawa nila sa dalawang tabla sa mga sulok. 30 Kaya may walong tabla sa bahaging ito ng Tolda, at nakasuksok ito sa 16 na pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla.

31 Gumawa rin sila ng mga akasyang biga – lima para sa bahaging hilaga ng Tolda, 32 lima rin sa bahaging timog, at lima pa rin sa bahaging kanluran, sa likod ng Tolda. 33 Ang biga sa gitna ng balangkas ay inilagay nila mula sa dulo ng Tolda papunta sa kabilang dulo nito. 34 Binalutan nila ng ginto ang mga tabla at nilagyan ng argolyang[w] ginto na siyang humahawak sa mga tabla. Binalutan din nila ng ginto ang mga biga.

35 Gumawa rin sila ng kurtina na mula sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At maayos na nabuburdahan ng larawan ng kerubin. 36 Gumawa rin sila ng apat na haligi ng akasya na may mga kawit na ginto, at ikinabit nila roon ang kurtina. Ang apat na haligi ay nakasuksok sa apat na pundasyong pilak. 37 Gumawa sila ng isa pang kurtina para sa pintuan ng Toldang Sambahan. Pinong telang linen rin ito na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. 38 Gumawa rin sila ng limang haligi na may mga kawit, at ikinabit nila rito ang kurtina. Ang mga haliging itoʼy nababalutan ng ginto pati na ang mga ulo at baras nito, at nakasuksok ito sa limang pundasyong tanso.

Ang Paggawa ng Kahon ng Kasunduan(Y)

37 Ginawa nina Bezalel ang Kahon ng Kasunduan. Kahoy ng akasya ang ginamit nila. May 45 pulgada ang haba ng Kahon, 27 pulgada ang lapad at taas nito. Binalutan ito ng purong ginto sa loob at labas, at nilagyan ng hinulmang ginto ang mga palibot nito. Ginawaan din nila ito ng apat na argolyang[x] ginto at ikinabit sa apat na paa nito. Gumawa sila ng tukod na akasya na binalutan ng ginto. Ikinabit nila ang mga argolya sa bawat gilid ng Kahon para mabuhat ang Kahon sa pamamagitan ng mga tukod.

Ginawaan din nila ang Kahon ng takip na purong ginto. May 45 pulgada ang haba at 27 pulgada ang lapad. 7-8 Gumawa rin sila ng dalawang gintong kerubin, at inilagay sa bawat dulo ng takip ng Kahon. Nakalukob ang mga pakpak ng mga kerubin sa ibabaw ng takip para maliliman nila ito. Magkaharap ang dalawang kerubin at nakatingin sa takip.

Ang Paggawa ng Mesa na Nilalagyan ng Tinapay(Z)

10 Gumawa rin sila ng mesang akasya na 36 na pulgada ang haba, 18 pulgada ang lapad, at 27 pulgada ang taas. 11 Binalutan ito ng purong ginto at nilagyan ng hinulmang ginto ang palibot nito. 12 Nilagyan din nila ng sinepa[y] ang bawat gilid. Mga apat na pulgada ang lapad at nilagyan din nila ng hinulmang ginto ang sinepa. 13 Pagkatapos, gumawa sila ng apat na argolyang ginto, at ikinabit ito sa apat na paa ng mesa, 14 malapit sa sinepa. Dito nila isinuksok ang mga tukod na pambuhat sa mesa. 15 Gawa sa akasya ang mga tukod na ito at nababalot ng ginto. 16 Gumawa rin sila ng mga kagamitang purong ginto para sa mesa: pinggan, tasa, mangkok at banga na gagamitin para sa mga handog na inumin.

Ang Paggawa ng Lalagyan ng Ilaw(AA)

17 Gumawa rin sila ng lalagyan ng ilaw na purong ginto ang paa, katawan, at palamuting hugis bulaklak na ang ibaʼy buko pa lang at ang iba naman ay nakabuka na. Ang palamuti ay kasama nang ginawa nang gawin ang katawan ng lalagyan ng ilaw. 18 Ang lalagyan ng ilaw ay may anim na sanga, tigtatatlo sa bawat gilid. 19 Ang bawat sanga ay may tatlong palamuting hugis bulaklak ng almendro, na ang iba ay buko pa at ang iba naman ay nakabuka na. 20 Ang katawan ng lalagyan ng ilaw ay may apat na palamuting hugis bulaklak ng almendro, na ang ibaʼy buko pa at ang iba naman ay nakabuka na. 21 May isang hugis bulaklak sa ilalim ng bawat pares ng sanga. 22 Ang mga palamuti at ang mga sanga ay kasama nang ginawa nang gawin ang katawan ng lalagyan ng ilaw.

23 Gumawa rin sila ng pitong ilaw, mga panggupit ng mitsa nito, at mga pansahod sa upos ng mitsa ng ilaw. Purong ginto ang lahat ng ito. 24 Ang nagamit sa paggawa ng lalagyan ng ilaw at ng lahat ng kagamitan nito ay 35 kilong purong ginto.

Ang Paggawa ng Altar na Pagsusunugan ng Insenso(AB)

25 Gumawa rin sila ng altar na akasya na pagsusunugan ng insenso. Kwadrado ito, 18 pulgada ang haba, 18 pulgada ang lapad, at mga tatlong talampakan ang taas. May parang sungay ito sa mga sulok na kasama nang ginawa nang gawin ang altar. 26 Nilagyan nila ng purong ginto ang ibabaw nito, ang apat na gilid at ang parang sungay sa mga sulok at hinulmang ginto sa palibot. 27 Nilagyan nila ng dalawang argolyang ginto ang ilalim ng hinulmang ginto sa magkabilang gilid ng altar, para pagsuksukan ng mga tukod na pambuhat dito. 28 Ang tukod ay gawa sa kahoy ng akasya at binalutan ng ginto.

29 Gumawa rin sila ng banal na langis na pamahid at purong insenso na napakabango.

Ang Paggawa ng Altar na Pagsusunugan ng mga Handog(AC)

38 Gumawa rin sila ng kwadradong altar na pagsusunugan ng handog na sinusunog. Pitoʼt kalahating talampakan ang haba nito, pitoʼt kalahating talampakan din ang lapad, at apat at kalahating talampakan ang taas. Nilagyan nila ito ng parang mga sungay sa apat na sulok, na kasama nang ginawa nang gawin ang altar. Binalutan nila ng tanso ang altar. Ang lahat ng kagamitan ng altar ay gawa rin sa tanso – ang mga lalagyan ng abo, pala, mangkok, malalaking tinidor para sa karne at mga lalagyan ng baga. Gumawa rin sila ng parilyang tanso para sa altar, at inilagay nila sa ilalim ng altar, sa patungan nito sa gitna ng altar. Gumawa rin sila ng apat na argolyang tanso at ikinabit ito sa apat na sulok ng parilyang tanso. Ang mga argolyang ito ang pagsusuksukan ng mga tukod na pambuhat sa altar. Ang mga tukod ay gawa sa kahoy ng akasya at binalutan ng tanso. Isinuksok nila ang mga tukod sa argolya sa bawat gilid ng altar para mabuhat ito. Tabla ang ginawa nilang altar at bakante ang loob.

Ang Paggawa ng Plangganang Hugasan(AD)

Pagkatapos, gumawa sila ng tansong planggana. Ang patungan nito ay tanso rin. Ang mga tansong ginamit dito ay galing sa tanso na salamin ng mga babaeng naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan.[z]

Ang Paggawa sa Bakuran ng Toldang Tipanan(AE)

Nilagyan nila ng bakuran ang Toldang Tipanan, at pinalibutan nila ito ng mga kurtina na pinong telang linen. Ang haba ng kurtina sa bandang timog ay 150 talampakan. 10 Ikinabit nila ang kurtina sa 20 haliging tanso na nakasuksok din sa 20 pundasyong tanso. Ang kinabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi. 11 Ang kurtina sa bandang hilaga ay 150 talampakan din ang haba at nakakabit ito sa 20 haliging tanso na nakasuksok sa 20 pundasyong tanso. Ang pinagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi.

12 Ang kurtina sa bandang kanluran ay 75 talampakan ang haba, at nakakabit ito sa sampung haligi na nakasuksok naman sa sampung pundasyon. Ang pinagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi. 13 Ang kurtina sa bandang silangan ay 75 talampakan ang haba. 14 Ang pintuan ng bakuran ay nasa silangan, at may mga kurtina ito sa gilid. Ang kurtina sa kanan ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon. 15 Ang kurtina sa kaliwa ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon. 16 Ang lahat ng kurtina sa palibot ng bakuran ay gawa sa pinong telang linen. 17 Tanso ang pundasyon ng mga haligi, at pilak naman ang mga kawit, at mga baras nito. Ang mga ulo ng haligi ay nababalutan ng pilak. Ang lahat ng haligi sa palibot ng bakuran ay may baras na pilak.

18 Ang kurtina ng pintuan ng bakuran ay gawa sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube, at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. Ang haba nitoʼy 30 talampakan at pitoʼt kalahating talampakan ang taas, katulad ng taas ng mga kurtina na nakapalibot sa bakuran. 19 Ang kurtinang itoʼy nakakabit sa apat na haligi na nakasuksok naman sa apat na pundasyon. Nababalutan ng pilak ang mga kawit at mga baras ng mga haligi at ang mga ulo nito. 20 Purong tanso ang lahat ng tulos ng Tolda at ng bakuran sa palibot nito.

Ang mga Materyales na Ginamit sa Pagpapatayo ng Tolda

21 Ito ang mga materyales na ginamit sa pagpapatayo ng Toldang Sambahan, kung saan nakalagay ang malalapad na batong sinulatan ng mga utos ng Dios. Inilista ng mga Levita ang mga materyales na ito ayon sa utos ni Moises. Ang gawaing itoʼy pinamahalaan ni Itamar na anak ni Aaron na pari.

22 Ang namamahala sa pagpapatayo ng Tolda ay si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, na mula sa lahi ni Juda. Ginawa niya ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 23 Katulong niya si Oholiab na anak ni Ahisamac, na mula sa lahi ni Dan. Magaling siyang magtrabaho, magdisenyo, at magburda ng pinong telang linen at ng lanang kulay asul, ube at pula.

24 Ang kabuuang timbang ng gintong inihandog para gamitin sa paggawa ng Tolda ay 1,000 kilo ayon sa timbangang ginagamit ng mga pari.

25-26 Ang kabuuang timbang ng pilak na naipon ay 3,520 kilo ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Nanggaling ito sa mga taong nailista sa sensus. Nagbigay ang bawat isa sa kanila ng anim na gramo ng pilak ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. May 603,550 tao na may edad na 20 pataas ang nailista sa sensus. 27 Ang 3,500 kilo ng pilak ay ginamit sa paggawa ng 100 pundasyon ng Tolda at ng mga kurtina, 35 kilo bawat pundasyon. 28 Ang natirang 20 kilong pilak ay ginawang kawit at baras ng mga haligi, at ibinalot sa ulo ng mga haligi.

29 Ang bigat ng tansong inihandog sa Panginoon ay mga 2,500 kilo. 30 Ginamit ito sa paggawa ng mga pundasyon ng mga haligi sa pintuan ng Toldang Tipanan. Ang iba ritoʼy ginamit sa paggawa ng altar na tanso, ng parilya nito, at ng lahat ng kagamitan ng altar. 31 Ginamit din ang mga tanso sa paggawa ng mga pundasyon ng mga haligi sa palibot ng bakuran at ng pintuan nito, at sa paggawa ng lahat ng tulos ng Tolda at ng mga kurtina sa palibot nito.

Ang mga Damit ng mga Pari(AF)

39 Tumahi rin sina Bezalel ng banal na mga damit para sa mga pari ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. Ang telang ginamit nila ay lanang kulay asul, ube at pula. Ito rin ang telang ginamit nila sa pagtahi ng damit ni Aaron.

Ang Espesyal na Damit ng mga Pari(AG)

Nagtahi rin sila ng espesyal na damit[aa] ng mga pari. Ang telang ginamit nila ay pinong linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. Gumawa sila ng sinulid na ginto sa pamamagitan ng pagpitpit sa ginto at paghahati-hati rito nang manipis. Pagkatapos, ibinurda nila ito sa pinong telang linen, kasama ng lanang kulay asul, ube at pula. Napakaganda ng pagkakaburda nito. May dalawang parte ang damit na ito, sa likod at harap, at pinagdudugtong ito ng dalawang tirante sa may balikat. Ang sinturon nito ay gawa sa pinong telang linen na binurdahan ng gintong sinulid at lanang kulay asul, ube at pula. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ikinabit nila ang mga batong onix sa balangkas na ginto. Inukitan nila ito ng pangalan ng mga anak ni Jacob[ab] gaya ng pagkakaukit sa pantatak. Ikinabit nila ito sa mga tirante ng espesyal na damit bilang mga alaalang bato para sa lahi ng Israel. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Bulsa na Nasa Dibdib(AH)

Gumawa rin sila ng bulsa na nasa dibdib at napakaganda ng pagkakagawa nito. Ang tela nitoʼy katulad din ng tela ng espesyal na damit: pinong telang linen na binurdahan gamit ang gintong sinulid, lanang kulay asul, ube at pula. Ang bulsa na nasa dibdib ay nakatupi ng doble at parisukat – siyam na pulgada ang haba at siyam na pulgada rin ang lapad. 10 Inilagay nila rito ang apat na hanay ng mamahaling mga bato. Sa unang hanay nakalagay ang rubi, topaz, at beril; 11 sa ikalawang hanay, esmeralda, safiro at turkois; 12 sa ikatlong hanay, hasinto, agata at ametista; 13 at sa ikaapat na hanay, krisolito, onix at jasper. Inilagay nila ito sa balangkas na ginto. 14 Ang bawat bato ay may pangalan ng isa sa mga anak ni Jacob bilang kinatawan sa 12 lahi ng Israel. Ang pagkakaukit ng pangalan ay gaya ng pagkakaukit sa pantatak.

15 Nilagyan nila ng mala-kwintas na tali na purong ginto ang bulsa na nasa dibdib. 16 Gumawa rin sila ng dalawang balangkas na ginto at dalawang parang singsing na ginto sa ibabaw ng mga sulok ng bulsa sa dibdib. 17 Isinuot nila ang dalawang mala-kwintas na taling ginto sa dalawang parang singsing sa bulsa na nasa dibdib, 18 at ang dalawang dulo naman ng mala-kwintas na tali ay isinuot sa dalawang balangkas na ginto na nakakabit sa tirante ng espesyal na damit.

19 Gumawa rin sila ng dalawa pang parang mga singsing na ginto at isinuot ito sa ilalim ng mga gilid ng bulsa na nasa dibdib na nakapatong sa espesyal na damit. 20 Gumawa pa rin sila ng dalawa pang parang singsing na ginto at ikabit nila ito sa espesyal na damit sa may bandang sinturon. 21 Pagkatapos, tinahi nila ng asul na panali ang ilalim ng mga parang singsing sa bulsa sa dibdib at ang mga parang singsing sa espesyal na damit. Sa pamamagitan nito, mapapagdugtong nang maayos ang mga parang singsing sa bulsa sa dibdib at sa espesyal na damit, sa itaas ng sinturon. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Iba pang Damit ng mga Pari(AI)

22 Tumahi rin sila ng damit-panlabas ng mga pari. Ang mga ito ay napapatungan ng espesyal na damit. Ang telang ginamit nila sa pagtahi ng damit-panlabas ay lana na purong asul. 23 Ang mga damit na itoʼy may butas sa gitna para sa ulo at may parang kwelyo para hindi ito mapunit. 24 Nilagyan nila ang palibot ng laylayan ng damit ng mga palamuting korteng prutas na pomegranata, na gawa sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. 25-26 Nilagyan nila ng mga gintong kampanilya ang laylayan ng damit sa pagitan ng palamuting hugis pomegranata. Ang damit na ito ang isusuot ni Aaron kapag naglilingkod na siya sa Panginoon. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

27 Gumawa rin sila ng panloob na mga damit para kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Pinong linen ang tela na kanilang ginamit. 28 Ganito rin ang tela na ginamit nila sa paggawa ng mga turban, mga panali sa ulo at panloob na mga damit. 29 Ang mga sinturon ay gawa rin sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

30 Gumawa sila ng parang medalya na purong ginto at inukit nila ang mga salitang ito, “Ibinukod para sa Panginoon,” katulad ng pagkakaukit sa pantatak. 31 Itinali nila ito sa harap ng turban sa pamamagitan ng asul na panali. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Pagsusuri ni Moises sa Natapos na Gawain(AJ)

32 Natapos ang lahat ng gawain sa Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan. Ginawa ng mga Israelita ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 33 Ipinakita nila kay Moises ang Toldang Sambahan at ang lahat ng kagamitan nito: ang mga kawit, balangkas, biga, haligi, pundasyon, 34 ang pantaklob na gawa sa balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, ang pantaklob na gawa sa magandang klase ng balat, ang mga kurtina; 35 ang Kahon ng Kasunduan, ang takip nito at pambuhat; 36 ang mesa at ang lahat ng kagamitan nito, ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios; 37 ang lalagyan ng ilaw na purong ginto at ang mga ilaw at kagamitan nito, ang langis para sa ilaw; 38 ang altar na ginto, ang langis na pamahid, ang mabangong insenso, ang kurtina sa pintuan ng Tolda; 39 ang altar na tanso at ang parilyang tanso, ang pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito, ang planggana at ang patungan nito; 40 ang mga kurtina sa palibot ng bakuran at ang mga haligi at pundasyon nito, ang kurtina sa pintuan ng bakuran, ang mga panali at mga tulos para sa kurtina ng bakuran, ang lahat ng kagamitan sa Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan; 41 at ang banal na mga damit na isusuot ni Aaron at ng mga anak niya kapag naglilingkod na sila bilang mga pari sa Tolda.

Footnotes

  1. 25:7 espesyal na damit: sa Hebreo, “efod.”
  2. 25:12 argolya: korteng singsing.
  3. 25:33 almendro: sa Ingles, “almond.”
  4. 26:14 magandang klase ng balat: Maaaring ang ibig sabihin, balat ng “dolphin.”
  5. 26:17 mitsa: sa Ingles, “tenon.”
  6. 26:29 argolya: Tingnan ang “footnote” sa 25:12. Ganito rin sa 27:4.
  7. 27:4 argolya: Tingnan ang “footnote” sa 26:29.
  8. 27:21 Toldang Tipanan: Ang Toldang Sambahan.
  9. 28:4 espesyal na damit: sa Hebreo, “efod.” Ito rin ay nasa talatang 6, 12, 15, 25-28 at 31.
  10. 28:9 Jacob: sa Hebreo, Israel.
  11. 28:15 Tingnan ang talatang 30.
  12. 28:30 ‘Urim’ at ‘Thummim’: Dalawang bagay na ginagamit sa pag-alam ng kalooban ng Dios.
  13. 28:41 pahiran: o, buhusan.
  14. 29:5 espesyal na damit: sa Hebreo, “efod.”
  15. 29:21 pamahid: o, pambuhos.
  16. 30:29 Ibubukod … makakahawak nito: Tingnan ang Lev. 6:18 at ang “footnote” nito.
  17. 31:3 Espiritu: o, kapangyarihan.
  18. 32:1 dios: o, mga dios. Ito rin ay nasa mga talatang 4, 8, 23 at 31.
  19. 32:13 Jacob: sa Hebreo, Israel.
  20. 33:3 maganda at masaganang lupain: sa literal, lupain na dumadaloy ang gatas at pulot.
  21. 35:9 espesyal na damit: sa Hebreo, “efod.”
  22. 36:22 mitsa: sa Ingles, “tenon.”
  23. 36:34 argolya: korteng singsing. Ito rin ang nasa 37:3.
  24. 37:3 argolya: Tingnan ang “footnote” sa 36:34.
  25. 37:12 sinepa: sa Ingles, “rim.”
  26. 38:8 Toldang Tipanan: na tinatawag din na Toldang Sambahan.
  27. 39:2 espesyal na damit: sa Hebreo, efod.
  28. 39:6 Jacob: sa Hebreo, Israel.