Add parallel Print Page Options

Dahil dito, anak ng tao, maghanda ka ng dala-dalahan ng bihag. Habang maliwanag pa ang araw ay pumunta ka sa pagkabihag na nakikita nila. Ikaw ay lalakad na gaya ng bihag mula sa iyong lugar hanggang sa ibang lugar na nakikita nila. Baka sakaling kanilang maunawaan ito, bagaman sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.

Ilalabas mo ang iyong dala-dalahan kapag araw na nakikita nila, bilang dala-dalahan sa pagkabihag. Ikaw ay lalabas sa hapon na kanilang nakikita na gaya ng mga tao na dapat tumungo sa pagkabihag.

Bumutas ka sa pader na nakatingin sila at lumabas ka sa pamamagitan niyon.

Habang nakatingin sila ay iyong papasanin ang dala-dalahan sa iyong balikat, at dadalhing papalabas sa dilim. Tatakpan mo ang iyong mukha upang hindi mo makita ang lupa: sapagkat ginawa kitang isang tanda sa sambahayan ni Israel.”

At aking ginawa ang ayon sa iniutos sa akin. Inilabas ko ang aking dala-dalahan nang araw, na gaya ng dala-dalahan sa pagkabihag, at nang hapon ay bumutas ako sa pader sa pamamagitan ng aking kamay. Lumabas ako sa dilim, at pinasan ko sa aking balikat ang aking kagamitan habang sila'y nakatingin.

Kinaumagahan, dumating ang salita ng Panginoon sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, hindi ba ang sambahayan ni Israel, ang mapaghimagsik na sambahayan, ay nagsabi sa iyo, ‘Anong ginagawa mo?’

10 Sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang pahayag na ito ay tungkol sa pinuno ng Jerusalem at sa buong sambahayan ni Israel na nasa gitna nila.’

11 Sabihin mo, ‘Ako'y inyong tanda: kung ano ang aking ginawa, gayon ang gagawin sa kanila; sila'y patungo sa pagkabihag, sa pagkatapon.’

12 Ang pinuno na nasa gitna nila ay magpapasan ng kanyang dala-dalahan sa kanyang balikat sa dilim, at lalabas. Bubutasin nila ang pader at lalabas doon. Siya'y magtatakip ng kanyang mukha, upang hindi niya makita ang lupa.

13 At(A) ilaladlad ko ang aking lambat sa ibabaw niya, at siya'y mahuhuli sa aking bitag. Aking dadalhin siya sa Babilonia sa lupain ng mga Caldeo; gayunma'y hindi niya ito makikita, at siya'y mamamatay doon.

14 Aking pangangalatin sa bawat dako ang lahat ng nasa palibot niya, ang kanyang mga katulong, at ang lahat niyang mga pulutong. At aking huhugutin ang tabak sa likuran nila.

15 Kanilang malalaman na ako ang Panginoon, kapag sila'y aking pinangalat sa gitna ng mga bayan at mga bansa.

16 Ngunit hahayaan kong makatakas sa tabak ang ilan sa kanila, sa taggutom at sa salot, upang kanilang maipahayag ang lahat nilang kasuklamsuklam sa gitna ng mga bansa na kanilang pinaroroonan. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”

Read full chapter