Add parallel Print Page Options

Nalaman ni Ezra na may mga Judiong Nag-asawa ng Di-Judio

Nang magawâ na ang mga bagay na ito, kinausap ako ng mga pinuno na dala ang ganitong ulat: “Hindi inihiwalay ng bayang Israel—kasama na rito ang mga pari at mga Levita—ang kanilang sarili mula sa mga naninirahan sa lupain gaya ng mga Cananeo, Heteo, Perezeo, Jebuseo, Ammonita, Moabita, Egipcio at Amoreo. Dahil dito, gumaya sila sa mga karumal-dumal na gawain ng mga taong ito. Nakipag-asawa sila at ang kanilang mga anak na lalaki sa mga kababaihan doon. Kaya't ang banal na lahi ay nahaluan ng ibang mga lahi, at ang mga pinuno at tagapanguna pa nila ang pasimuno sa pagtataksil na ito.” Nang marinig ko ito ay sinira ko ang aking damit at balabal; bumunot ako ng buhok sa aking ulo at sa aking balbas at naupong nanlulumo. Nakaupo ako roon na nagdadalamhati hanggang sa oras ng panggabing handog. Maya-maya ay nagdatingan na ang mga tao sa paligid ko. Sila ang mga nabagabag dahil alam nila ang sinabi ng Diyos ng Israel tungkol sa kataksilan ng mga bumalik mula sa pagkabihag.

Nang oras na ng pag-aalay ng panggabing handog, tumayo ako sa aking pagdadalamhati na suot pa rin ang aking sirang damit. Lumuhod ako at nanalanging nakataas ang mga kamay kay Yahweh na aking Diyos. Sinabi ko sa kanya, “O Diyos, wala po akong mukhang maiharap sa inyo, sapagkat ang aming kasamaan ay patung-patong na at ngayo'y lampas na sa aming mga ulo. Ang aming kasalanan ay abot na sa langit. Mula pa sa panahon ng aming mga ninuno hanggang ngayon, kami po na inyong bayan ay lubog na sa kasalanan. Dahil po sa aming mga kasalanan, kami—pati ang aming mga hari at mga pari—ay pinabayaan ninyong madaig at masakop ng mga hari ng ibang mga lupain. Pinagpapatay nila kami, binihag, at pinagnakawan. Ganap ang pagyurak na nangyari sa amin maging hanggang sa kasalukuyan. Gayunman, Yahweh na aming Diyos, pinakitaan pa rin ninyo kami ng kagandahang-loob maging ito ma'y sa isang maikling panahon lamang. Ilang tao ang pinalaya ninyo mula sa pagkaalipin at ligtas na pinatira sa banal na dakong ito upang bigyan ninyo ng bagong pag-asa at buhay. Kami po'y mga alipin ngunit hindi ninyo pinabayaan sa pagkaalipin. Sa halip, ipinakita ninyo ang inyong tapat na pag-ibig nang inudyukan ninyo ang mga hari ng Persia na sumang-ayon sa amin at pahintulutan kaming mamuhay at muling itayo ang Templo na noo'y wasak na wasak. Iningatan din ninyo kami sa Juda at sa Jerusalem.

10 “Ngunit ngayon, O aming Diyos, ano pa ang masasabi namin pagkatapos ng lahat ng ito? Muli naming sinuway ang inyong mga utos 11 na sa ami'y ibinigay ninyo sa pamamagitan ng mga lingkod ninyong propeta. Sinabi nila sa amin na ang lupaing aming papasukin at aariin ay isang maruming lupain sapagkat ang mga nakatira rito ay punung-puno ng mga gawaing karumal-dumal. 12 Sinabi(A) rin nila sa amin na kailanma'y huwag kaming mag-aasawa sa mga iyon at huwag din naming tulungang umunlad ang kanilang kabuhayan, kung gusto naming pakinabangan ang mga pagpapala sa lupaing iyon at maipamana namin ito sa aming mga susunod na salinlahi magpakailanman. 13 Kahit naranasan na namin ang inyong parusa dahil sa aming mga kasalanan at kamalian, alam namin, O aming Diyos, na ang parusang iginawad ninyo sa amin ay kulang pa sa dapat naming tanggapin; sa halip, pinahintulutan pa ninyo kaming mabuhay. 14 Muli ba naming susuwayin ang inyong mga utos at makikipag-asawa kami sa mga taong ito na kasuklam-suklam ang mga gawain? Kung gagawin namin ito'y labis kayong mapopoot sa amin at wawasakin ninyo kami hanggang sa maubos. 15 O Yahweh, Diyos ng Israel, kayo ay makatarungan, subalit niloob ninyong may matira sa aming lahi. Inaamin po namin ang aming kasalanan sa inyo at wala po kaming karapatang humarap sa inyo dahil dito.”

Nakipaghiwalay ang mga may Asawang Hindi Kalahi

10 Habang si Ezra ay nakadapang nananalangin sa harap ng Templo at tumatangis na ipinapahayag ang mga kasalanan ng bayan, pumalibot sa kanya ang napakaraming tao na buong kapaitan ding tumatangis. Pagkatapos ay sinabi sa kanya ni Secanias na anak ni Jehiel, mula sa angkan ni Elam, “Nagtaksil kami sa ating Diyos dahil nag-asawa kami ng mga babaing dayuhan. Gayunma'y may pag-asa pa rin ang Israel sa kabila ng lahat ng ito. Kaya't sumusumpa kami ngayon sa ating Diyos na palalayasin at hihiwalayan namin ang mga babaing ito pati na ang mga anak nila. Gagawin namin ang payo mo at ng iba pang mga pinuno na may paggalang sa utos ng ating Diyos. Tutuparin namin ang anumang itinatakda ng Kautusan. Bumangon ka at gawin mo ito sapagkat ito'y pananagutan mo at kami'y nasa likuran mo.”

Tumayo nga si Ezra at pinanumpa niya ang mga pinakapunong pari at Levita, pati na ang buong Israel, na gagawin ng mga ito ang sinabi ni Secanias. Pagkatapos ay umalis si Ezra sa harap ng Templo at pumunta sa silid ni Jehohanan na anak ni Eliasib. Pinalipas niya roon ang magdamag na nagdadalamhati dahil sa kataksilan ng mga bumalik mula sa pagkabihag. Hindi siya kumain ni uminom ng anuman.

Isang mensahe ang ipinahayag sa buong Juda at Jerusalem para sa lahat ng bumalik mula sa pagkabihag na kailangang dumalo sila sa isang pagpupulong sa Jerusalem. Ayon sa utos ng mga pinuno, sasamsamin ang lahat ng ari-arian ng sinumang hindi dumalo sa loob ng tatlong araw. Bukod dito ay aalisan pa sila ng karapatang makabilang sa sambayanan ng mga bumalik mula sa pagkabihag. Sa loob ng tatlong araw ang mga kalalakihan ng Juda at Benjamin ay nagtipon nga sa harapan ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Noo'y ika-20 araw ng ika-9 na buwan. Ang mga tao'y nanginginig dahil sa kahalagahan ng bagay na pinag-uusapan at dahil din sa napakalakas na ulan.

10 Tumayo ang paring si Ezra at sinabi sa kanila, “Nagtaksil kayo sa Diyos nang mag-asawa kayo ng mga babaing banyaga at dahil dito'y pinalaki ninyo ang pagkakasala ng Israel. 11 Kaya nga ipahayag ninyo ang inyong mga kasalanan kay Yahweh na Diyos ng inyong mga ninuno, at gawin ninyo ang kanyang kagustuhan. Humiwalay kayo sa mga tagarito; palayasin at hiwalayan din ninyo ang inyong mga asawang banyaga.”

12 Pasigaw na sumagot ang buong kapulungan, “Gagawin namin ang anumang sasabihin mo sa amin! 13 Ngunit masyadong marami ang mga tao at napakalakas ng ulan; hindi kami makakatagal sa labas. Hindi rin naman matatapos ang bagay na ito sa loob lamang ng isa o dalawang araw sapagkat napakarami naming gumawa ng kasalanang ito. 14 Ang mga pinuno na lamang namin ang pananatilihin mo rito para kumatawan sa buong bayan. Pagkatapos ay itakda ninyo ang pagparito ng lahat ng may asawang banyaga, kasama ang matatandang pinuno at mga hukom ng kani-kanilang lunsod. Sa ganitong paraan ay mawawala ang galit ng Diyos dahil sa bagay na ito.” 15 Walang sumalungat sa balak na ito maliban kina Jonatan na anak ni Asahel at Jazeias na anak ni Tikva. Sila nama'y sinuportahan nina Mesulam at Sabetai na isang Levita.

16 Sinang-ayunan nga ng mga bumalik mula sa pagkabihag ang balak na iyon, kaya pumili ang paring si Ezra ng mga lalaki mula sa mga pinuno ng mga angkan at inilista ang kanilang mga pangalan. Nang unang araw ng ika-10 buwan, sinimulan nila ang kanilang pagsisiyasat, 17 at sa loob ng sumunod na tatlong buwan ay nasiyasat nila ang lahat ng kaso ng mga lalaking may mga asawang banyaga.

Ang mga Lalaking may mga Asawang Banyaga

18 Ito ang listahan ng mga lalaking may asawang banyaga:

Sa mga pari, mula sa angkan ni Josue at ng kanyang mga kapatid, ang mga anak ni Jehozadak na sina Maaseias, Eliezer, Jarib, at Gedalia. 19 Nangako silang palalayasin at hihiwalayan ang kani-kanilang mga asawa. Nag-alay din sila ng lalaking tupa bilang handog na pambayad sa kasalanan.

20 Mula sa angkan ni Imer: sina Hanani at Zebadias.

21 Mula sa angkan ni Harim: sina Maaseias, Elias, Semaias, Jehiel, at Uzias.

22 Mula sa angkan ni Pashur: sina Elioenai, Maaseias, Ismael, Netanel, Jozabad, at Elasa.

23 Sa mga Levita: sina Jozabad, Simei, Petahias, Juda, Eliezer, at Kelaias, na kilala rin sa pangalang Kelita.

24 Sa mga mang-aawit: Si Eliasib.

Sa mga bantay sa pinto ng Templo: sina Sallum, Telem, at Uri.

25 Mula naman sa angkan ni Paros: sina Ramias, Izias, Malquijas, Mijamin, Eleazar, Malquijas, at Benaias.

26 Mula sa angkan ni Elam: sina Matanias, Zecarias, Jehiel, Abdi, Jeremot, at Elias.

27 Mula sa angkan ni Zatu: sina Elioenai, Eliasib, Matanias, Jeremot, Zabad, at Aziza.

28 Mula sa angkan ni Bebai: sina Jehohanan, Hananias, Zabai, at Atlai.

29 Mula sa angkan ni Bani: sina Mesulam, Maluc, Adaias, Jasub, Seal, at Jeremot.

30 Mula sa angkan ni Pahat-moab: sina Adna, Helal, Benaias, Maaseias, Matanias, Bezalel, Binui, at Manases.

31-32 Mula sa angkan ni Harim: sina Eliezer, Isijas, Malquijas, Semaias, Simeon, Benjamin, Maluc, at Semarias.

33 Mula sa angkan ni Hasum: sina Matenai, Matata, Zabad, Elifelet, Jeremai, Manases, at Simei.

34-37 Mula sa angkan ni Bani: sina Maadai, Amram, Uel, Benaias, Bedeias, Heluhi, Vanias, Meremot, Eliasib, Matanias, Matenai, at Jaasu.

38-42 Mula sa angkan ni Binui: sina Simei, Selemias, Natan, Adaias, Macnadebai, Sasai, Sarai, Azarel, Selemias, Semarias, Sallum, Amarias, at Jose.

43 Mula sa angkan ni Nebo: sina Jeiel, Matitias, Zabad, Zebina, Jadai, Joel, at Benaias.

44 Ang lahat ng ito ay may mga asawang banyaga na hiniwalayan nila at pinaalis kasama ang kani-kanilang mga anak.[a]

Nanalangin si Nehemias para sa Jerusalem

Ito ang kasaysayan ng mga nagawa ni Nehemias na anak ni Hacalias. Noon ay ikasiyam na buwan, ng ikadalawampung taon ng paghahari ni Artaxerxes. Akong si Nehemias ay nasa Lunsod ng Susa, ang kabiserang lunsod, nang dumating ang kapatid kong si Hanani, kasama ang isang pangkat ng mga lalaki mula sa Juda. Kinumusta ko sila tungkol sa Jerusalem at sa mga Judiong nagbalik sa Juda mula sa pagkabihag sa Babilonia.[b] Sumagot sila, “Kawawa naman sila roon. Hinahamak at nilalait ng mga dayuhang nakatira malapit doon.” Sinabi nila na wasak pa ang mga pader ng Jerusalem at ang mga pintuan ng lunsod ay hindi pa nagagawa mula nang sunugin iyon.

Nang marinig ko ito, naupo ako at napaiyak. Ilang araw akong nagdalamhati at nag-ayuno. Nanalangin ako ng ganito sa Diyos ng kalangitan: “O Yahweh, Diyos ng kalangitan, kayo ay dakila at nanginginig kami sa takot sa inyong presensya. Matapat ninyong tinutupad ang inyong tipan at wagas na pag-ibig sa mga nagmamahal sa inyo at tumutupad ng inyong mga utos. Pagmasdan ninyo ako at pakinggan ang aking panalangin. Nananalangin ako sa inyo araw at gabi para sa bayang Israel na inyong lingkod. Inaamin ko pong nagkasala kami sa inyo, ako at ang aking mga ninuno. Napakabigat ng aming kasalanan sa inyo! Hindi namin sinunod ang inyong Kautusan. Nilabag namin ang mga tuntuning ibinigay ninyo sa amin sa pamamagitan ng inyong lingkod na si Moises. Sinabi(B) ninyo kay Moises, ‘Kung kayong mga Israelita ay tatalikod sa akin, ikakalat ko kayo sa iba't ibang mga bansa. Subalit(C) kung manunumbalik kayo at tutupad sa aking mga utos, mapadpad man kayo sa pinakamalalayong lugar, titipunin ko kayong muli sa lupaing aking pinili upang sambahin ako roon.’ 10 Sila ang inyong mga lingkod at ang inyong bayan na tinubos sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan at lakas. 11 O Panginoon, pakinggan ninyo ang panalangin ko, at ng iba pang lingkod ninyo na nagnanais magparangal sa inyo. Pagtagumpayin po ninyo ako ngayon at loobin po ninyong kahabagan ako ng hari.”

Pumunta si Nehemias sa Jerusalem

Nang panahong iyon, ako ang namamahala sa mga inumin ng hari.

Isang araw ng unang buwan, ika-20 taon ng paghahari ni Artaxerxes, binigyan ko siya ng kanyang inuming alak. Noon lamang niya ako nakitang malungkot. Tinanong niya ako, “Bakit ka nalulungkot? Tingin ko sa iyo'y wala ka namang sakit.” Natakot(D) ako kaya sinabi ko sa hari, “Nawa'y ingatan kayo ng Diyos, habang panahon! Nalulungkot po ako sapagkat ang lunsod na pinaglibingan sa aking mga ninuno ay wasak at ang mga pintuan niyon ay natupok ng apoy.”

“Ano ngayon ang nais mo?” tanong ng hari.

Nanalangin ako sa Diyos ng kalangitan, at pagkatapos, sinabi ko sa hari, “Kung pahihintulutan po ninyo ako, Kamahalan, nais kong umuwi sa Juda, upang itayong muli ang lunsod na pinaglibingan sa aking mga ninuno.”

Sinabi sa akin ng hari na noo'y katabi ng reyna, “Gaano ka katagal roon at kailan ka babalik?” Nagtakda ako ng panahon at malugod naman akong pinahintulutan.

Nakiusap ako sa hari na bigyan na rin niya ako ng mga liham para sa mga gobernador ng lalawigan sa Kanluran ng Ilog Eufrates upang paraanin ako patungong Juda. Gumawa rin siya ng sulat para kay Asaf, ang tagapamahala ng kagubatan ng kaharian upang bigyan ako ng mga trosong gagamitin sa pintuan ng muog ng Templo, sa pader ng lunsod at sa bahay na aking titirhan. Ang lahat ng ito ay ginawa ng hari dahil sa kabutihan ng Diyos sa akin.

Nang ako'y umalis, pinasamahan pa ako ng hari sa mga pinuno ng hukbo at sa isang hukbong nakakabayo. Pagdaan ko sa mga gobernador ng lalawigan sa Kanluran ng Eufrates, iniabot ko sa kanila ang liham ng hari. 10 Nang malaman ni Sanbalat na Horonita at ni Tobias na isang opisyal na Ammonita na may dumating upang itaguyod ang kapakanan ng mga Israelita, sila'y lubos na nagalit.

Ang Muling Pagtatayo ng Pader

11 Dumating ako sa Jerusalem. Tatlong araw na ako roon ay 12 hindi ko pa ipinaalam kaninuman ang ipinagagawa sa akin ng Diyos tungkol sa Jerusalem. Sa gabi nang ikatlong araw, gumising ako at lumabas ng lunsod na may ilang kasama. Ang tanging hayop na dinala namin ay ang asnong aking sinasakyan. 13 Lumabas ako sa Pintuan ng Libis sa daang patungo sa Bukal ng Dragon hanggang sa pintuang papunta sa tapunan ng basura. Sinuri kong mabuti ang giba-gibang pader ng Jerusalem at ang mga nasunog nitong pintuan. 14 Nagpatuloy ako sa Pintuang Bukal hanggang sa Paliguan ng Hari. Pagdating doon, walang madaanan ang sinasakyan kong asno. 15 Kaya't naglakad ako patungong Libis at siniyasat ko ang pader. Pagkatapos ay muli akong pumasok sa Pintuan ng Libis pabalik. 16 Hindi alam ng mga pinuno kung saan ako nanggaling at kung ano ang aking ginawa. Wala pa rin akong sinasabi sa mga Judio—sa mga pari, mga pinuno, mga opisyal, at sa iba pang magkakaroon ng bahagi sa gawain.

17 Pagkatapos, sinabi ko sa kanila, “Nakikita ninyo ang kalunus-lunos na kalagayan ng ating bayan. Wasak ang Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito. Itayo nating muli ang pader ng lunsod upang mahango na tayo sa kahihiyan.” 18 At sinabi ko sa kanila kung paano ako pinagpala ng Diyos at kung ano ang sinabi sa akin ng hari.

“Kung gayon, simulan na natin ang pagtatayo,” ang sagot nila. Kaya't naghanda nga sila upang simulan ang gawain.

19 Ngunit nang malaman ito nina Sanbalat na Horonita at Tobias na isang opisyal na Ammonita, at maging si Gesem na taga-Arabia, pinagtawanan nila kami at hinamak, at sinabing, “Ano ang ginagawa ninyong iyan? Naghihimagsik ba kayo laban sa hari?”

20 Sinagot ko sila, “Pagtatagumpayin kami ng Diyos ng kalangitan, at kami na kanyang mga lingkod ay magsisimula nang magtayo. Ngunit kayo'y walang bahagi, karapatan o alaala man sa Jerusalem.”

Mga Parteng Ipinagagawa

Ganito muling itinayo ang nasirang pader ng lunsod. Ang pinakapunong pari na si Eliasib at ang mga kasamahan niyang pari ang muling nagtayo ng Pintuan ng mga Tupa. Binasbasan nila ito at pagkatapos ay nilagyan ng mga pinto. Binasbasan din nila ang pader hanggang sa Tore ng Sandaan, at sa Tore ni Hananel. Ang kasunod na bahagi ay itinayo ng mga taga-Jerico. Si Zacur na anak ni Imri ang nagtayo ng kasunod na bahagi.

Ang gumawa ng Pintuan ng Isda ay ang angkan ni Hasenaa. Nilagyan nila ito ng mga posteng pahalang, mga pinto at mga bakal na pangkandado.

Ang kasunod na bahagi naman ay ginawa ni Meremot na anak ni Urias at apo naman ni Hakoz. Ang gumawa ng kasunod nito ay si Mesulam na anak ni Berequias at apo ni Mesezabel.

Ang kasunod nito ay ginawa naman ni Zadok na anak ni Baana.

Ang kasunod na bahagi ay ginawa ng mga taga-Tekoa. Ngunit ang mga maharlika ay tumangging gawin ang mga iniatas ng mga namamahala.

Ang muling nag-ayos ng Pintuang Luma ay sina Joiada na anak ni Pasea at si Mesulam na anak ni Besodeias. Sila rin ang naglagay ng mga posteng pahalang, mga pinto at mga bakal na pangkandado.

Ang kasunod nito ay ginawa nina Melatias na taga-Gibeon at Jadon na taga-Meronot, at ng mga taga-Gibeon at Mizpa, hanggang sa tirahan ng gobernador ng lalawigan sa Kanluran ng Eufrates. Ang kasunod na bahagi ay ginawa ni Uziel na platero, anak ni Harhaia.

Ang sumunod na bahagi hanggang sa Malapad na Pader ay ginawa ni Hananias na manggagawa ng pabango. Ang kasunod na bahagi ay ginawa naman ng anak ni Hur na si Refaias, pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem.

10 Si Jedaias na anak ni Harumaf ang gumawa ng sunod na bahaging malapit sa kanyang bahay.

Ang kasunod nito ay ginawa naman ni Hatus na anak ni Hasabneias.

11 Ang bahaging kasunod hanggang sa Tore ng mga Hurno ay ginawa ni Malquias na anak ni Harim at ni Hasub na anak naman ni Pahat-moab.

12 Ang kasunod nito ay ginawa ng anak ni Halohesh na si Sallum, pinuno ng isa pang kalahating distrito ng Jerusalem. Siya'y tinulungan ng kanyang mga anak na babae.

13 Ang Pintuan ng Libis hanggang sa pintuang papunta sa tapunan ng basura ay itinayo ni Hanun at ng mga taga-Zanoa. Sila rin ang nag-ayos ng mga pinto at ng mga bakal na pangkandado. May 450 metro ang haba ng pader na inayos nila.

14 Ang pintuang papunta sa tapunan ng basura ay inayos ng anak ni Recab na si Malquias, pinuno ng distrito ng Beth-hakerem. Siya rin ang naglagay ng mga pinto at ng mga bakal na pangkandado.

15 Ang nag-ayos ng Pintuan ng Bukal ay ang anak ni Colhoze na si Sallum,[c] pinuno ng distrito ng Mizpa. Binubungan niya ito at nilagyan ng mga pintuan at mga bakal na pangkandado. Inayos din niya ang pader ng Ipunan ng Tubig ng Sela, patungo sa halamanan ng hari hanggang sa makababa ng hagdanan mula sa Lunsod ni David.

16 Mula naman doon hanggang sa tapat ng libingan ni David, tipunan ng tubig at ng himpilan ng mga bantay, ang nag-ayos ay ang anak ni Azbuk na si Nehemias, pinuno ng kalahating distrito ng Beth-sur.

Ang mga Levitang Nagtayo ng Pader

17 Ito naman ang mga Levitang nagtayo ng mga kasunod na bahagi ng pader:

Si Rehum na anak ni Bani ang gumawa ng kasunod na bahagi.

Ang sumunod na bahagi ay ginawa ni Hashabias, pinuno ng kalahating distrito ng Keila.

18 Ang anak ni Henadad na si Bavai, pinuno ng kalahating distrito ng Keila ang siya namang gumawa ng kasunod na bahagi.

19 Ang gumawa naman ng kasunod na bahagi ay ang anak ni Jeshua na si Ezer, pinuno ng Mizpa. Siya ang gumawa ng bahaging paakyat hanggang sa tapat ng taguan ng mga sandata.

20 Ang anak ni Zabai na si Baruc ang gumawa ng kasunod na bahagi, mula sa taguan ng mga sandata hanggang sa pintuan ng bahay ni Eliasib na pinakapunong pari.

21 Ang kasunod na bahagi ay ginawa ng anak ni Urias at apo ni Hakoz na si Meremot. Ito'y umabot hanggang sa dulo ng bahay ni Eliasib.

Ang mga Paring Nagtayo ng Pader

22 Ang mga sumusunod na pari ay nagtayo rin ng mga kasunod na bahagi ng pader:

Ang mga pari sa paligid ng Jerusalem ang gumawa ng kasunod na bahagi.

23 Sina Benjamin at Hasub ang nag-ayos ng kasunod na bahagi na nasa harapan ng kanilang mga bahay.

Si Azarias na anak ni Maaseias at apo ni Ananias ang gumawa ng kasunod na bahagi sa tapat ng kanyang bahay. 24 Mula dito hanggang sa sulok ng pader ang nag-ayos naman ay si Binui na anak ni Henadad.

25-26 Ang kasunod na bahagi ng pader ay ginawa ni Palal na anak ni Uzai. Ito'y mula sa sulok ng pader at ng tore sa itaas ng palasyo, malapit sa bulwagan ng mga bantay.

Ang kasunod na bahagi naman ay ginawa ni Pedaia na anak ni Paros. Ito'y pasilangan hanggang sa tabi ng Pintuang Tubig at ng toreng nagsisilbing bantay sa Templo. Malapit ito sa Ofel na tirahan ng mga manggagawa sa Templo.

Ang Iba pang mga Manggagawa

27 Ang mga taga-Tekoa naman ang nag-ayos ng bahagi mula sa toreng nagsisilbing bantay sa Templo hanggang sa Pader ng Ofel.

28 Isang pangkat ng mga pari ang nag-ayos ng pader sa pahilaga mula sa Pintuan ng Kabayo. Ginawa ng bawat isa ang bahaging nasa tapat ng kanyang bahay.

29 Si Zadok na anak ni Immer ang gumawa ng bahaging nasa tapat ng kanyang tahanan.

Ang kasunod nito'y ginawa ng anak ni Secanias na si Semaias, tagapamahala ng Pintuang Silangan.

30 Si Hananias na anak ni Selemias at si Hanun, pang-anim na anak ni Zalaf ang gumawa naman ng kasunod na bahagi. Ito'y pangalawang bahagi na kanilang ginawa.

Si Mesulam na anak ni Berequias naman ang nag-ayos ng pader sa tapat ng kanyang bahay.

31 Ang kasunod nito ay ginawa naman ni Malquias na isang platero. Ang ginawa niya'y umabot hanggang sa bahay ng mga katulong sa Templo at ng mga mangangalakal. Ang bahaging ito ay nasa tapat ng Pintuang Bantayan malapit sa silid na nasa itaas ng hilagang-silangang kanto ng pader. 32 Mula naman dito hanggang sa Pintuan ng mga Tupa, ang mga platero at mga mangangalakal ang nag-ayos ng pader.

Footnotes

  1. 44 na hiniwalayan…anak: o kaya'y at ilan sa kanila'y may mga anak sa mga babaing ito .
  2. 2 nagbalik…mula sa pagkabihag sa Babilonia: o kaya'y hindi dinalang-bihag .
  3. 15 Sallum: Sa ibang manuskrito'y Solomon .