Add parallel Print Page Options

Nangaral si Pablo sa Athens

16 Habang naghihintay si Pablo kina Silas at Timoteo sa Athens, nakita niyang maraming dios-diosan doon. At lubos niyang ikinabahala ito. 17 Kaya pumasok siya sa sambahan ng mga Judio at nakipagdiskusyon sa kanila at sa mga hindi Judio na sumasamba rin sa Dios. Araw-araw pumupunta rin siya sa plasa at nakikipagdiskusyon sa sinumang makatagpo niya roon. 18 Dalawang grupo ng mga tagapagturo ang nakipagtalo kay Pablo. Ang isa ay tinatawag na mga Epicureo, at ang isa naman ay mga Estoico. Sinabi ng ilan sa kanila, “Ano kaya ang idinadaldal ng mayabang na iyan?” Ang sabi naman ng iba, “Iba yatang dios ang ipinangangaral niya.” Ganoon ang sinabi nila dahil nangangaral si Pablo tungkol kay Jesus at sa kanyang muling pagkabuhay.

Read full chapter