Genesis 24:12-27
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
12 Nanalangin ang alipin, “Panginoon, Dios ng amo kong si Abraham, nawaʼy magtagumpay po ako sa pakay ko rito, at ipakita nʼyo ang kabutihan ninyo sa aking amo. 13 Nakatayo po ako sa tabi ng balon habang umiigib ang mga babae sa bayan na ito. 14 Kung hihingi po ako ng tubig na nasa banga ng isang dalaga, at pumayag siyang painumin ako pati ang mga kamelyo ko, nawaʼy siya na po ang babaeng pinili ninyong maging asawa ng lingkod ninyong si Isaac. Sa ganito ko po malalaman ang pagpapakita nʼyo ng inyong kabutihan sa amo kong si Abraham.”
15 Hindi pa siya natatapos sa pananalangin, dumating si Rebeka na may pasan-pasan na banga sa balikat niya. Si Rebeka ay anak ni Betuel na anak nina Nahor at Milca. Si Nahor ay kapatid ni Abraham. 16 Magandang dalaga si Rebeka at birhen pa. Bumaba siya papunta sa balon at nilagyan niya ng tubig ang kanyang banga. Pagkatapos, umakyat siya para umuwi.
17 Nagmamadali ang alipin sa pagsalubong sa kanya at sinabi, “Pwede mo ba akong painumin sa banga mo kahit kaunti lang.”
18 Sumagot si Rebeka, “Sige Ginoo, uminom ka.” Mula sa balikat niya, ibinaba niya agad ang banga at hinawakan ito habang umiinom ang alipin.
19 Pagkatapos niyang painumin ang alipin, sinabi niya, “Iigib naman ako para sa mga kamelyo mo hanggang sa makainom silang lahat.” 20 Dali-dali niyang ibinuhos ang tubig sa inuman ng mga hayop at bumalik siya sa balon para muling umigib. At patuloy siya sa pag-igib hanggang sa makainom ang lahat ng kamelyo. 21 Habang nakamasid ang alipin kay Rebeka, iniisip niya kung iyon na ang sagot ng Panginoon sa panalangin niya sa pagpunta niya sa lugar na iyon.
22 Pagkatapos uminom ng mga kamelyo, inilabas ng alipin ang dala niyang gintong singsing na ang bigat ay anim na gramo. Inilabas din niya ang dalawang pulseras na ginto na ang bigat ay mga 120 gramo. At ibinigay niya ito kay Rebeka. 23 Pagkatapos, nagtanong siya kay Rebeka, “Kanino kang anak? May lugar pa ba sa inyo na maaari naming matulugan ngayong gabi?”
24 Sumagot si Rebeka, “Anak ako ni Betuel na anak na lalaki nina Nahor at Milca. 25 May matutulugan kayo roon sa amin, at marami ring dayami at pagkain para sa mga kamelyo ninyo.”
26 Yumukod agad ang alipin at sumamba sa Dios. 27 Sinabi niya, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng aking amo na si Abraham. Ipinakita niya ang kanyang kabutihan sa aking amo. Ako mismo ay ginabayan niya sa pagpunta ko sa mga kamag-anak ng aking amo.”
Read full chapterAng Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®