Add parallel Print Page Options

27 At nangyari, nang matanda na si Isaac, at malabo na ang kaniyang mga mata, na ano pa't hindi na siya makakita, ay tinawag si Esau na kaniyang anak na panganay, at sinabi sa kaniya, Anak ko: at kaniyang sinabi, Narito ako.

At sinabi niya, Narito, ako'y matanda, at hindi ko nalalaman ang kaarawan ng aking kamatayan.

Ngayon nga'y kunin mo ipinamamanhik ko sa iyo, ang iyong almas, ang iyong lalagyan ng pana, at ang iyong busog, at lumabas ka sa parang, at ihuli mo ako ng usa;

At igawa mo ako ng masarap na pagkain, na aking ibig, at dalhin mo rito sa akin, upang ako'y kumain; upang ikaw ay basbasan ko bago ako mamatay.

At pinakikinggan ni Rebeca nang nagsasalita si Isaac kay Esau na kaniyang anak. At naparoon si Esau sa parang upang manghuli ng usa, at upang madala.

At isinaysay ni Rebeca kay Jacob na kaniyang anak na sinasabi, Narito, narinig ko ang iyong ama na nagsasalita kay Esau na iyong kapatid, na sinasabi,

Dalhan mo ako ng usa, at igawa mo ako ng pagkaing masarap, upang ako'y kumain, at ikaw ay aking basbasan sa harap ng Panginoon, bago ako mamatay,

Ngayon nga, anak ko, sundin mo ang aking tinig, ayon sa iniutos ko sa iyo.

Pumaroon ka ngayon sa kawan, at dalhin mo rito sa akin ang dalawang mabuting anak ng kambing; at gagawin kong masarap na pagkain sa iyong ama, ayon sa kaniyang ibig.

10 At dadalhin mo sa iyong ama, upang kumain, ano pa't ikaw ay kaniyang basbasan bago siya mamatay.

11 At sinabi ni Jacob kay Rebeca na kaniyang ina, Narito, si Esau na aking kapatid ay taong mabalahibo, at ako'y taong makinis.

12 Marahil ay hihipuin ako ng aking ama, at aariin niya akong parang nagdaraya sa kaniya; at ang aking mahihita ay sumpa at hindi basbas.

13 At sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, Sa akin mapunta ang sumpa sa iyo, anak ko: sundin mo lamang ang aking tinig, at yumaon ka, na dalhin mo sa akin.

14 At siya'y yumaon at dinala sa kaniyang ina: at gumawa ang kaniyang ina ng masarap na pagkain, na ibig ng kaniyang ama.

15 At kinuha ni Rebeca ang mainam na damit ni Esau, na kaniyang anak na panganay, na nasa kaniya sa bahay, at isinuot kay Jacob na kaniyang bunsong anak:

16 At ang mga balat ng mga anak ng kambing ay ibinalot sa kaniyang mga kamay, at sa kinis ng kaniyang leeg.

17 At kaniyang ibinigay ang pagkaing masarap, at ang tinapay na kaniyang inihanda, sa kamay ni Jacob na kaniyang anak.

18 At siya'y lumapit sa kaniyang ama, at nagsabi, Ama ko; at sinabi niya: Narito ako; sino ka, anak ko?

19 At sinabi ni Jacob sa kaniyang ama, Ako'y si Esau na iyong panganay; ginawa ko ang ayon sa sinabi mo sa akin: bumangon ka, ipinamamanhik ko sa iyo, maupo ka at kumain ka ng aking usa, upang basbasan ako ng iyong kaluluwa.

20 At sinabi ni Isaac sa kaniyang anak, Ano't kay dali mong nakasumpong, anak ko? At sinabi niya, Sapagka't binigyan ako ng mabuting kapalaran ng Panginoon mong Dios.

21 At sinabi ni Isaac kay Jacob, Lumapit ka rito, ipinamamanhik ko sa iyo upang hipuin kita, anak ko, kung tunay na ikaw ang aking anak na si Esau o hindi.

22 At lumapit si Jacob kay Isaac na kaniyang ama: at hinipo siya, at sinabi, Ang tinig ay tinig ni Jacob, nguni't ang mga kamay ay mga kamay ni Esau.

23 At hindi siya nakilala, sapagka't ang kaniyang kamay ay mabalahibo, gaya ng mga kamay ni Esau na kaniyang kapatid: at sa gayo'y binasbasan siya.

24 At sinabi niya, Ikaw bang tunay ang aking anak na si Esau? At sinabi niya, Ako nga.

25 At kaniyang sinabi, Ilapit mo sa akin, at kakain ako ng usa ng aking anak, upang basbasan ka ng aking kaluluwa. At kaniyang inilapit sa kaniya at kumain siya: at siya'y dinalhan niya ng alak, at uminom.

Read full chapter