Add parallel Print Page Options

Ang Pagtawag ng Dios kay Abram

12 Ngayon, sinabi ng Panginoon kay Abram, “Lisanin mo ang iyong bansa, ang mga kamag-anak mo, at kahit ang sambahayan ng iyong ama, at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo.

Gagawin kong isang tanyag na bansa ang lahi mo.
    Pagpapalain kita at magiging tanyag ang iyong pangalan.
    Sa pamamagitan mo, marami ang pagpapalain.
Pagpapalain ko ang magmamagandang loob sa iyo.
    Pero isusumpa ko naman ang susumpa sa iyo.
    Sa pamamagitan mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo.”

4-5 Kaya umalis si Abram sa Haran at pumunta sa Canaan, ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya. Nasa 75 taong gulang noon si Abram. Sumama sa kanya ang pamangkin niyang si Lot. Kasama rin niya ang asawa niyang si Sarai at ang lahat ng ari-arian at aliping natipon nila sa Haran.

Pagdating nila sa Canaan, nagpatuloy sila hanggang sa nakarating sa malaking puno[a] ng Moreh roon sa Shekem. (Nang panahong iyon, naroon pa ang mga Cananeo). Pagkatapos, nagpakita ang Panginoon kay Abram at sinabi sa kanya, “Ang lupaing ito ay ibibigay ko sa mga lahi mo.” Kaya gumawa ng altar si Abram para sa Panginoon.

Mula roon, lumipat sila sa bundok na nasa silangan ng Betel, at doon sila nagtayo ng tolda, sa kalagitnaan ng Betel at Ai. Ang Betel ay nasa kanluran at ang Ai naman ay nasa silangan. Gumawa rin doon si Abram ng altar at sumamba sa Panginoon. Hindi nagtagal, muli silang lumipat. Nagpatuloy sila sa paglalakbay papunta sa Negev.

Pumunta si Abram sa Egipto

10 Ngayon, nagkaroon ng matinding taggutom sa Canaan, kaya pumunta si Abram sa Egipto para roon muna manirahan. 11 Nang paparating na sila sa Egipto, sinabi ni Abram sa kanyang asawa, “Sarai, maganda kang babae. 12 Kapag nakita ka ng mga Egipcio, sasabihin nila na asawa kita, kaya papatayin nila ako para makuha ka nila. 13 Mabuti sigurong sabihin mo sa kanila na magkapatid tayo para hindi nila ako patayin at para maging mabuti ang pakikitungo nila sa akin dahil sa iyo.”

14 Kaya pagdating nila sa Egipto, nakita nga ng mga Egipcio ang kagandahan ni Sarai. 15 At nang makita siya ng mga opisyal ng Faraon,[b] sinabi nila sa hari kung gaano siya kaganda. Kaya dinala si Sarai roon sa palasyo. 16 Dahil kay Sarai, naging mabuti ang pakikitungo ng hari kay Abram at binigyan pa siya ng mga tupa, kambing, baka, asno, kamelyo at mga alipin.

17 Pero binigyan ng Panginoon ng nakakakilabot na karamdaman ang Faraon at ang mga tauhan niya sa palasyo dahil kay Sarai. 18 Nang malaman ng Faraon ang dahilan ng lahat ng ito, ipinatawag niya si Abram at tinanong, “Ano ba itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo sinabi na asawa mo pala siya? 19 Bakit mo sinabing magkapatid kayo? Kaya kinuha ko siya para maging asawa ko. Ngayon, heto ang asawa mo, kunin mo siya at umalis na kayo!” 20 Pagkatapos, nag-utos ang Faraon sa mga tauhan niya na paalisin na sila. Kaya dinala nila si Abram palabas ng lupain na iyon at pinaalis kasama ang asawa niya at ang lahat ng ari-arian niya.

Naghiwalay si Abram at si Lot

13 Mula sa Egipto, pumunta si Abram sa Negev kasama ang asawa niya at dala ang lahat ng ari-arian niya, at sumama rin sa kanila si Lot. Napakayaman na ni Abram, marami na siyang hayop, pilak at ginto. Mula sa Negev, nagpalipat-lipat sila hanggang makabalik sila sa lugar na dati nilang pinagtayuan ng tolda. Ang lugar na ito ay nasa gitna ng Betel at Ai. Dito rin sila unang nagtayo ng altar nang dumating sila sa Canaan. At muling sumamba si Abram sa Panginoon.

Si Lot na laging kasama ni Abram saan man siya pumunta ay may sarili ring mga hayop at mga tolda. At dahil marami na ang mga hayop nila at iba pang mga ari-arian, hindi sila maaaring manirahan sa iisang lugar. Ang pastulan ay hindi magkakasya sa kanila. Dahil dito, nag-away-away ang mga tagapagbantay ng mga hayop nila. (Nang panahong iyon, ang mga Cananeo at mga Perezeo ay nakatira sa lupaing iyon.)

Kaya sinabi ni Abram kay Lot, “Tayo at ang mga tauhan natin ay hindi dapat mag-away, dahil magkakamag-anak tayo. Ang mabuti pa, maghiwalay na lang tayo dahil marami pang lugar na maaaring lipatan. Ikaw ang mamili kung aling bahagi ng lupain ang pipiliin mo. Kung kakaliwa ka, kakanan ako; kung kakanan ka, kakaliwa naman ako.”

10 Tumanaw si Lot sa paligid at nakita niya na ang kapatagan ng Jordan hanggang sa Zoar ay sagana sa tubig, katulad ng lugar ng Eden at ng lupain ng Egipto. (Nangyari ito noong hindi pa nililipol ng Panginoon ang Sodom at Gomora.) 11 Kaya pinili ni Lot ang buong kapatagan ng Jordan sa silangan. Sa ganoong paraan, naghiwalay sila ni Abram. 12 Si Abram ay nagpaiwan sa Canaan habang si Lot naman ay naroon sa mga lungsod ng kapatagan. Nagtayo si Lot ng mga tolda malapit sa Sodom. 13 Ang mga tao sa Sodom ay talamak na makasalanan. Labis ang pagkakasala nila laban sa Panginoon.

Lumipat si Abram sa Hebron

14 Nang nakaalis na si Lot, sinabi ng Panginoon kay Abram, “Mula sa kinatatayuan mo, tingnan mong mabuti ang paligid. 15 Ang lahat ng lupain na maaabot ng paningin mo ay ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo, at magiging inyo ito magpakailanman. 16 Pararamihin ko ang lahi mo na kasindami ng buhangin sa mundo. Ang buhangin ay hindi kayang bilangin, kaya ang mga lahi mo ay hindi rin mabibilang. 17 Lumakad ka at ikutin ang buong lupain dahil ibibigay ko itong lahat sa iyo.”

18 Kaya inilipat ni Abram ang tolda niya, at doon siya nanirahan malapit sa malalaking puno[c] ni Mamre roon sa Hebron, at gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon.

Iniligtas ni Abram si Lot

14 Nang panahong iyon, sina Haring Amrafel ng Shinar, Haring Arioc ng Elasar, Haring Kedorlaomer ng Elam, at Haring Tidal ng Goyim ay nakipaglaban kina Haring Bera ng Sodom, Haring Birsha ng Gomora, Haring Shinab ng Adma, Haring Shemeber ng Zeboyim, at sa hari ng Bela na tinatawag din na Zoar. Nagtipon ang limang haring ito kasama ang kanilang mga sundalo roon sa Lambak ng Sidim na tinatawag ngayon na Dagat na Patay. Ang mga haring ito ay sinakop ni Kedorlaomer sa loob ng 12 taon, pero nang ika-13 taon, nagrebelde sila laban sa kanya.

At nang ika-14 na taon, tinalo ni Kedorlaomer at ng mga kakampi niyang hari ang mga Refaimeo sa Ashterot Karnaim, ang mga Zuzita sa Ham, ang mga Emita sa kapatagan ng Kiriataim, at ang mga Horita sa bundok ng Seir hanggang sa El Paran na malapit sa disyerto. Mula roon, bumalik sila at nakarating sa En Mishpat na tinatawag ngayong Kadesh. At sinakop nila ang lahat ng lupain ng mga Amalekita at mga Amoreo na nakatira sa Hazazon Tamar.

Ngayon, tinipon ng mga hari ng Sodom, Gomora, Adma, Zeboyim at Bela ang mga sundalo nila sa Lambak ng Sidim at nakipaglaban sila kina Haring Kedorlaomer ng Elam, Haring Tidal ng Goyim, Haring Amrafel ng Shinar, at Haring Arioc ng Elasar – limang hari laban sa apat na hari. 10 Ngayon, ang Lambak ng Sidim ay may maraming malalim na hukay na pinagkukunan ng aspalto. At nang tumakas ang hari ng Sodom at ng Gomora kasama ang mga tauhan nila, nahulog sila sa mga balon, pero ang iba nilang kasama ay tumakas sa mga bundok. 11-12 Ang lahat ng ari-arian ng Sodom at Gomora pati ang mga pagkain nila ay kinuha ng mga kalaban nila. Nabihag din nila si Lot na pamangkin ni Abram at kinuha ang mga ari-arian nito, dahil doon siya nakatira sa Sodom. Pagkatapos itong makuha ng mga kalaban, umalis agad sila.

13 Ngayon, may isang nakatakas at nagbalita kay Abram na Hebreo tungkol sa nangyari. Si Abram ay nakatira malapit sa malalaking puno ni Mamre na Amoreo. Si Mamre at ang mga kapatid niyang sina Eshcol at Aner ang mga kakampi ni Abram. 14 Nang marinig ni Abram na binihag ang kamag-anak nila, tinipon niya agad ang 318 niyang tauhan na talagang maaasahan, at hinabol nila ang apat na hari hanggang sa Dan. 15 Kinagabihan, hinati ni Abram ang mga tauhan niya at nilusob nila ang mga kalaban, at natalo nila ito. Ang ibang nakatakas ay hinabol nila hanggang sa Hoba, sa hilaga ng Damascus. 16 Binawi nila ang lahat ng ari-arian na inagaw ng mga kalaban. Binawi rin nila si Lot at ang mga ari-arian nito pati ang mga babae at ang iba pang mga tao.

Binasbasan ni Melkizedek si Abram

17 Nang umuwi na si Abram, matapos nilang talunin si Kedorlaomer at ang mga kasama niyang hari, sinalubong siya ng hari ng Sodom sa Lambak ng Save (na tinatawag din na Lambak ng Hari).

18 Sinalubong din siya ni Haring Melkizedek ng Salem at pari ng Kataas-taasang Dios. May dala si Melkizedek na pagkain at inumin. 19 Binasbasan niya si Abram at sinabing:

“Nawaʼy pagpalain ka Abram ng Kataas-taasang Dios
na lumikha ng langit at mundo.
20 Purihin ang Kataas-taasang Dios
na nagbigay ng tagumpay sa iyo laban sa mga kaaway mo!”

Pagkatapos, ibinigay ni Abram kay Melkizedek ang ikasampung bahagi ng lahat ng bagay na nakuha niya sa labanan.

21 Ngayon, sinabi ng hari ng Sodom kay Abram, “Sa iyo na lang ang lahat ng ari-arian ko na nabawi mo, pero isauli mo lang sa akin ang lahat ng tauhan ko.”

22 Pero sinabi ni Abram sa hari ng Sodom, “Isinusumpa ko sa harapan ng Panginoon, ang Kataas-taasang Dios na siyang lumikha ng langit at mundo, 23 na hindi ako kukuha ng kahit anumang ari-arian na galing sa iyo, kahit sinulid o kayaʼy tali ng sandalyas, para hindi mo masabing ikaw ang nagpayaman sa akin. 24 Hindi ako tatanggap ng kahit anuman para sa sarili ko. Ang ituturing ko lang na natanggap ko ay ang mga kinain ng aking mga tauhan, at pabayaan mo lang sina Aner, Eshcol at Mamre na sumama sa akin sa pagkuha ng bahagi nila sa mga bagay na nakuha mula sa labanan.”

Footnotes

  1. 12:6 malaking puno: Maaaring, puno ng terebinto. Pinaniniwalaang banal na puno ito.
  2. 12:15 Faraon: o, hari ng Egipto. Ganito rin sa talatang 17, 18, at 20.
  3. 13:18 malalaking puno: Tingnan ang “footnote” sa 12:6.