Add parallel Print Page Options

Ang Pagtawag ng Diyos kay Abraham

12 Sinabi(A) ng Panginoon kay Abram, “Umalis ka sa iyong lupain, sa iyong mga kamag-anak, sa bahay ng iyong ama, at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.

Gagawin kitang isang malaking bansa, ikaw ay aking pagpapalain, gagawin kong dakila ang iyong pangalan, at ikaw ay magiging isang pagpapala.

Pagpapalain(B) ko ang magbibigay ng pagpapala sa iyo, at susumpain ko ang mga susumpa sa iyo; at sa pamamagitan mo ang lahat ng angkan sa lupa ay pagpapalain.”

Kaya't umalis si Abram ayon sa sinabi sa kanya ng Panginoon, at si Lot ay sumama sa kanya. Si Abram ay may pitumpu't limang taong gulang nang umalis siya sa Haran.

Isinama ni Abram si Sarai na kanyang asawa, at si Lot na anak ng kanyang kapatid, at ang lahat ng pag-aaring kanilang natipon at ang mga taong kanilang nakuha sa Haran; at umalis sila upang pumunta sa lupain ng Canaan at nakarating sila roon.

Dumaan sa lupain si Abram hanggang sa lugar ng Shekem, sa punong ensina ng More. Noon, ang mga Cananeo ay nasa lupaing iyon.

Nagpakita(C) ang Panginoon kay Abram, at sinabi, “Ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong lahi.”[a] At siya'y nagtayo roon ng isang dambana sa Panginoon na nagpakita sa kanya.

Mula roon ay lumipat siya sa bundok na nasa silangan ng Bethel, at doon niya itinayo ang kanyang tolda, na nasa kanluran ang Bethel, at nasa silangan ang Ai. Siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon, at tinawag ang pangalan ng Panginoon.

Si Abram ay patuloy na naglakbay hanggang sa Negeb.[b]

Si Abram sa Ehipto

10 Nagkagutom sa lupain kaya't bumaba si Abram sa Ehipto upang manirahan doon sapagkat mahigpit ang taggutom sa lupain.

11 Nang siya'y malapit na sa Ehipto, sinabi niya kay Sarai na kanyang asawa, “Alam kong ikaw ay isang babaing maganda sa paningin;

12 at kapag nakita ka ng mga Ehipcio ay kanilang sasabihin, ‘Ito'y kanyang asawa;’ at ako'y kanilang papatayin, subalit hahayaan ka nilang mabuhay.

13 Sabihin(D) mong ikaw ay aking kapatid upang ako'y mapabuti dahil sa iyo, at upang ang buhay ko'y makaligtas dahil sa iyo.”

14 Nang dumating si Abram sa Ehipto, nakita ng mga Ehipcio na ang babae ay napakaganda.

15 Nang makita siya ng mga pinuno ng Faraon, siya'y kanilang pinuri kay Faraon, at dinala ang babae sa bahay ng Faraon.

16 At pinagpakitaan niya ng magandang loob si Abram dahil kay Sarai at nagkaroon si Abram ng mga tupa, baka, lalaking asno, aliping lalaki at alilang babae, babaing asno, at mga kamelyo.

17 Subalit pinahirapan ng Panginoon ang Faraon at ang kanyang sambahayan ng malubhang salot dahil kay Sarai na asawa ni Abram.

18 Tinawag ng Faraon si Abram, at sinabi, “Ano itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo sinabi sa akin na siya'y iyong asawa?

19 Bakit mo sinabing, ‘Siya'y aking kapatid?’ na anupa't siya'y aking kinuha upang maging asawa. Kaya't ngayon, narito ang iyong asawa. Siya'y kunin mo at umalis ka.”

20 At nag-utos ang Faraon sa mga tao tungkol sa kanya, at siya'y kanilang inihatid sa daan, ang kanyang asawa, at ang lahat ng kanyang pag-aari.

Naghiwalay sina Abram at Lot

13 Umahon sa Negeb mula sa Ehipto si Abram, ang kanyang asawa, dala ang lahat ng kanyang pag-aari, at si Lot.

At si Abram ay napakayaman sa hayop, pilak, at ginto.

Nagpatuloy si Abram ng kanyang paglalakbay mula sa Negeb hanggang sa Bethel, hanggang sa dakong kinaroroonan ng kanyang tolda sa pagitan ng Bethel at ng Ai;

sa lugar ng dambana na kanyang ginawa roon nang una; at doon ay tinawag ni Abram ang pangalan ng Panginoon.

Si Lot na sumama kay Abram ay mayroon ding mga tupa, baka, at mga tolda.

Hindi makayanan ng lupain na sila'y manirahang magkasama sapagkat napakarami ng kanilang pag-aari.

Paghiwalay kay Lot

At nagkaroon ng pagtatalo ang mga pastol ng hayop ni Abram at ang mga pastol ng hayop ni Lot. Ang Cananeo at ang Perezeo ay naninirahan noon sa lupain.

Sinabi ni Abram kay Lot, “Huwag na tayong magkaroon ng pagtatalo, maging ang ating mga pastol, sapagkat tayo'y magkapatid.

Di ba nasa harapan mo ang buong lupain? Humiwalay ka sa akin. Kapag kinuha mo ang nasa kaliwa, ako ay pupunta sa kanan; o kapag kinuha mo ang nasa kanan, ako ay pupunta sa kaliwa.”

10 Inilibot(E) ni Lot ang kanyang paningin, at natanaw niya ang buong libis ng Jordan na pawang natutubigang mabuti gaya ng halamanan ng Panginoon, gaya ng lupain ng Ehipto, sa gawi ng Zoar; ito ay bago winasak ng Panginoon ang Sodoma at Gomorra.

11 Kaya't pinili ni Lot para sa kanya ang buong libis ng Jordan; at si Lot ay naglakbay sa silangan at sila'y kapwa naghiwalay.

12 Nanirahan si Abram sa lupain ng Canaan, at si Lot ay nanirahan sa mga bayan ng libis, at inilipat ang kanyang tolda hanggang sa Sodoma.

13 Ang mga tao nga sa Sodoma ay napakasama at makasalanan sa harap ng Panginoon.

Nagtungo si Abram sa Hebron

14 Sinabi ng Panginoon kay Abram pagkatapos na humiwalay si Lot sa kanya, “Itaas mo ngayon ang iyong paningin, at tumanaw ka mula sa dakong iyong kinalalagyan, sa dakong hilaga, timog, silangan, at sa kanluran;

15 sapagkat(F) ang buong lupaing natatanaw mo ay ibibigay ko sa iyo, at sa iyong binhi magpakailanman.

16 Gagawin kong parang alabok ng lupa ang iyong binhi, at kung mabibilang ng sinuman ang alabok ng lupa, ang iyong binhi ay mabibilang din.

17 Tumindig ka! Lakarin mo ang lupain, ang kanyang haba at luwang sapagkat ibibigay ko ito sa iyo.”

18 At inilipat ni Abram ang kanyang tolda, at humayo at nanirahan sa gitna ng mga punong ensina ni Mamre na nasa Hebron, at siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon.

Iniligtas ni Abram si Lot

14 Nang mga araw ni Amrafel, hari ng Shinar, ni Arioc na hari ng Elasar, ni Kedorlaomer na hari ng Elam, at ni Tidal na hari ng mga Goiim,

ang mga ito ay nakipagdigma laban kay Bera na hari ng Sodoma, kay Birsha na hari ng Gomorra, kay Shinab na hari ng Adma, kay Shemeber na hari ng Zeboyin, at ng hari sa Bela na si Zoar.

Silang lahat ay nagsama-sama sa libis ng Siddim na siyang Dagat na Patay.

Labindalawang taon silang naglingkod kay Kedorlaomer, at sa ikalabintatlong taon ay naghimagsik.

Sa ikalabing-apat na taon ay dumating si Kedorlaomer at ang mga haring kasama niya, at nilupig ang mga Refaim sa Astarot-carnaim, ang mga Zuzita sa Ham, ang mga Emita sa Save-Kiryataim,

at ang mga Horeo sa kanilang kabundukan ng Seir hanggang Elparan na nasa tabi ng ilang.

Pagkatapos, sila'y bumalik at tumungo sa Enmispat (na siyang Kadesh), at kanilang nilupig ang buong lupain ng mga Amalekita at pati ng mga Amoreo na nakatira sa Hazazon-tamar.

At lumabas ang mga hari ng Sodoma, Gomorra, Adma, Zeboyin, Bela na si Zoar; at sila'y sumama sa pakikidigma sa libis ng Siddim

laban kay Kedorlaomer na hari ng Elam, kay Tidal na hari ng mga Goiim, kay Amrafel na hari ng Shinar, at kay Arioc na hari ng Elasar; apat na hari laban sa lima.

10 Ang libis ng Siddim ay punô ng hukay ng betun, at nang tumakas ang mga hari ng Sodoma at ng Gomorra, ang ilan ay nahulog doon, at ang natira ay tumakas sa kabundukan.

11 At kanilang sinamsam ang lahat ng pag-aari at pagkain ng Sodoma at Gomorra, at saka umalis.

12 Dinala nila si Lot na anak ng kapatid ni Abram, na nakatira sa Sodoma, at ang kanyang mga pag-aari at sila'y umalis.

13 At dumating ang isang nakatakas at ibinalita kay Abram na Hebreo na naninirahan sa mga puno ng ensina ni Mamre na Amoreo, kapatid nina Escol at Aner. Ang mga ito ay mga kakampi ni Abram.

14 Nang marinig ni Abram na nabihag ang kanyang kamag-anak, pinangunahan niya ang kanyang tatlong daan at labingwalong mga sanay na tauhan na ipinanganak sa kanyang bahay, at kanilang hinabol sila hanggang sa Dan.

15 Kinagabihan, sila'y nagpangkat-pangkat laban sa kaaway, siya at ang kanyang mga alipin, at sila'y kanilang ginapi at hinabol sila hanggang sa Hoba na nasa hilaga ng Damasco.

16 At iniuwi niya ang lahat ng pag-aari, gayundin si Lot na kanyang kamag-anak at ang kanyang mga pag-aari, at ang mga kababaihan at ang taong-bayan.

Binasbasan ni Melquizedek si Abram

17 Siya'y sinalubong ng hari ng Sodoma pagkatapos na siya'y bumalik mula sa pagkatalo ni Kedorlaomer, at sa mga haring kasama niya sa libis ng Shave (na siyang libis ng hari).

18 At(G) si Melquizedek, hari ng Salem na pari ng Kataas-taasang Diyos,[c] ay naglabas ng tinapay at alak.

19 Siya'y kanyang binasbasan na sinabi, “Pagpalain si Abram ng Kataas-taasang Diyos, na lumikha ng langit at ng lupa;

20 at purihin ang Kataas-taasang Diyos, na nagbigay ng iyong mga kaaway sa iyong kamay.” At binigyan siya ni Abram ng ikasampung bahagi ng lahat.

21 Sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram, “Ibigay mo sa akin ang mga tao at kunin mo ang mga ari-arian para sa iyong sarili.”

22 Sinabi ni Abram sa hari ng Sodoma, “Ako'y sumumpa sa Panginoong Diyos na Kataas-taasan, na lumikha ng langit at ng lupa,

23 na hindi ako kukuha kahit isang sinulid, o isang panali ng sandalyas, o ng anumang para sa iyo, baka iyong sabihin, ‘Pinayaman ko si Abram.’

24 Wala akong kukunin, maliban sa kinain ng mga kabataang lalaki at ang bahagi ng mga lalaking sumama sa akin—sina Aner, Escol, at Mamre. Ibigay mo sa kanila ang kanilang bahagi.”

Ang Tipan ng Diyos kay Abram

15 Pagkatapos ng mga bagay na ito, dumating ang salita ng Panginoon kay Abram sa isang pangitain, “Huwag kang matakot, Abram; ako ang iyong kalasag, ang iyong gantimpala ay magiging napakadakila.”

Ngunit sinabi ni Abram, “O Panginoong Diyos, anong ibibigay mo sa akin, yamang ako'y patuloy na walang anak at ang tagapagmana ng aking bahay ay si Eliezer ng Damasco?”

At sinabi ni Abram, “Hindi mo ako binigyan ng anak at isang alipin na ipinanganak sa aking bahay ang magiging tagapagmana ko.”

Ngunit ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, “Hindi ang taong ito ang magiging tagapagmana mo; ang iyong sariling anak ang magiging tagapagmana mo.”

Siya'y(H) dinala niya sa labas at sinabi, “Tumingala ka ngayon sa langit, at iyong bilangin ang mga bituin, kung mabibilang mo.” At sinabi sa kanya, “Magiging ganyan ang iyong binhi.”

Sumampalataya(I) siya sa Panginoon; at ito'y ibinilang na katuwiran sa kanya.

At sinabi niya sa kanya, “Ako ang Panginoon na nagpaalis sa iyo sa Ur ng mga Caldeo, upang ibigay sa iyo ang lupaing ito para angkinin.”

Sinabi niya, “O Panginoong Diyos, paano ko malalaman na mamanahin ko iyon?”

At sinabi sa kanya, “Magdala ka rito ng isang dumalagang bakang tatlong taon ang gulang, isang babaing kambing na tatlong taon ang gulang, isang lalaking tupang tatlong taon ang gulang, isang inakay na batu-bato, at isang inakay na kalapati.”

10 Dinala niya ang lahat ng ito sa kanya at hinati niya sa gitna, at kanyang inihanay na magkakatapat ang isa't isa subalit hindi niya hinati ang mga ibon.

11 Nang bumaba ang mga ibong mandaragit sa mga bangkay, ang mga iyon ay binugaw ni Abram.

12 Nang(J) lulubog na ang araw, nakatulog si Abram nang mahimbing; isang makapal at nakakatakot na kadiliman ang dumating sa kanya.

13 Sinabi(K) ng Panginoon kay Abram, “Tunay na dapat mong malaman na ang iyong binhi ay magiging taga-ibang bayan sa lupaing hindi kanila, at sila'y magiging mga alipin doon, at sila'y pahihirapan sa loob ng apatnaraang taon;

14 ngunit(L) ang bansang kanilang paglilingkuran ay aking hahatulan; at pagkatapos ay aalis sila na may malaking ari-arian.

15 Subalit ikaw ay payapang tutungo sa iyong mga ninuno, at ikaw ay malilibing sa panahong lubos na ang iyong katandaan.

16 Sa ikaapat na salin ng iyong binhi, muli silang babalik rito sapagkat hindi pa nalulubos ang kasamaan ng mga Amoreo.”

17 Nang lumubog na ang araw at madilim na, isang hurnong umuusok at ang isang tanglaw na nagniningas ang dumaan sa gitna ng mga hinating hayop.

18 Nang(M) araw na iyon, ang Panginoon ay nakipagtipan kay Abram, na sinasabi, “Ibinigay ko ang lupaing ito sa iyong binhi, mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa malaking ilog, ang Ilog Eufrates,

19 ang lupain ng mga Kineo, Kenizeo, at ng mga Cadmoneo,

20 ng mga Heteo, Perezeo, at Refaim,

21 at ng mga Amoreo, Cananeo, Gergeseo, at ng mga Jebuseo.”

Si Hagar at si Ismael

16 Si Sarai na asawa ni Abram ay hindi nagkaanak sa kanya; at siya'y may isang alilang babae na taga-Ehipto, na ang pangalan ay Hagar.

Sinabi ni Sarai kay Abram, “Ako'y hinadlangan ng Panginoon na magkaanak. Sumiping[d] ka sa aking alilang babae; marahil ay magkakaanak ako sa pamamagitan niya.” At pinakinggan ni Abram ang sinabi ni Sarai.

Kaya't pagkaraan ng sampung taong paninirahan ni Abram sa lupain ng Canaan, kinuha ni Sarai na asawa ni Abram si Hagar na taga-Ehipto, na kanyang alila, at ibinigay kay Abram na kanyang asawa upang maging asawa niya.

Siya'y sumiping kay Hagar at naglihi; at nang makita ni Hagar na siya'y naglihi, tiningnan niya na may paghamak ang kanyang panginoong babae.

At sinabi ni Sarai kay Abram, “Mapasaiyo nawa ang kasamaang ginawa sa akin, ibinigay ko ang aking alila sa iyong kandungan; at nang kanyang makita na siya'y naglihi ay hinamak ako sa kanyang paningin. Ang Panginoon ang humatol sa akin at sa iyo.”

Subalit sinabi ni Abram kay Sarai, “Ang iyong alila ay nasa iyong kapangyarihan. Gawin mo sa kanya ang mabuti sa iyong paningin.” Pinagmalupitan siya ni Sarai at si Hagar ay tumakas.

Natagpuan siya ng anghel ng Panginoon sa tabi ng isang bukal sa ilang, sa bukal na nasa daang patungo sa Shur.

At sinabi niya, “Hagar, alila ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?” At kanyang sinabi, “Ako'y tumatakas kay Sarai na aking panginoon.”

Sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Magbalik ka sa iyong panginoon, at pasakop ka sa kanyang mga kamay.”

10 Sinabi din sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Pararamihin kong lubos ang iyong binhi, at sila'y hindi mabibilang dahil sa karamihan.”

11 At sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Ngayon, ikaw ay nagdadalang-tao at manganganak ng isang lalaki. Ang itatawag mo sa kanyang pangalan ay Ismael, sapagkat pinakinggan ng Panginoon ang iyong dalamhati.”

12 Siya'y magiging isang taong gaya ng mailap na asno, ang kanyang kamay laban sa lahat, at ang kamay ng lahat ay laban sa kanya; at habang nabubuhay ay kalaban ng lahat niyang mga kapatid.

13 Kaya't kanyang pinangalanan ang Panginoon na nagsalita sa kanya, “Ikaw ay Diyos na nakakakita;”[e] sapagkat sinabi niya, “Talaga bang nakita ko ang Diyos at nanatiling buháy pagkatapos na makita siya?”

14 Kaya't pinangalanan ang balong iyon na Balon ng Nabubuhay na Nakakakita sa Akin;[f] ito'y nasa pagitan ng Kadesh at Bered.

15 At(N) nanganak si Hagar ng isang lalaki kay Abram at ang itinawag ni Abram sa kanyang anak na ipinanganak ni Hagar ay Ismael.

16 Si Abram ay walumpu't anim na taon nang ipanganak ni Hagar si Ismael sa kanya.

Pagtutuli ang Tanda ng Tipan

17 Nang si Abram ay siyamnapu't siyam na taon, ang Panginoon ay nagpakita kay Abram, at sa kanya'y nagsabi, “Ako ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Lumakad ka sa harapan ko, at maging walang kapintasan;

at ako'y makikipagtipan sa iyo at ikaw ay aking labis na pararamihin.”

At nagpatirapa si Abram, at sinabi ng Diyos sa kanya,

“Para sa akin, ito ang aking pakikipagtipan sa iyo: Ikaw ang magiging ama ng maraming bansa.

Ang(O) pangalan mo ay hindi na tatawaging Abram,[g] kundi Abraham ang magiging pangalan mo; sapagkat ikaw ay ginawa kong ama ng maraming bansa.

Ikaw ay gagawin kong mayroong napakaraming anak at magmumula sa iyo ang mga bansa; at magbubuhat sa iyo ang mga hari.

Aking(P) itatatag ang aking tipan sa iyo at sa iyong binhi kahit sa iyong pagkamatay sa buong lahi nila, isang tipang walang hanggan, upang maging Diyos mo at ng iyong binhi.

At(Q) ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi pagkamatay mo ang lupaing kung saan ka ngayon ay isang dayuhan, ang buong lupain ng Canaan bilang pag-aaring walang hanggan; at ako ang magiging Diyos nila.”

Sinabi ng Diyos kay Abraham, “At tungkol sa iyo, iingatan mo ang aking tipan, ikaw at ang iyong binhi pagkamatay mo sa buong lahi nila.

10 Ito(R) ang aking tipan na inyong iingatan, ang tipan natin at ng iyong binhi pagkamatay mo: Ang bawat lalaki sa inyo ay tutuliin.

11 Inyong tutuliin ang balat ng inyong maselang bahagi, at ito ang magiging tanda ng aking tipan sa inyo.

12 Sa inyong buong lahi, bawat lalaking may gulang na walong araw sa inyo ay tutuliin, maging ang aliping ipinanganak sa inyong bahay, o ang binili ng salapi sa sinumang taga-ibang lupa na hindi sa iyong lahi.

13 Ang aliping ipinanganak sa bahay at ang binili ng iyong salapi ay dapat tuliin; at ang aking tipan ay makikita sa iyong laman bilang tipang walang hanggan.

14 Ang sinumang lalaking hindi tuli, na hindi tinuli ang balat ng maselang bahagi ay ititiwalag sa kanyang bayan; sinira niya ang aking tipan.”

Ang Panganganak kay Isaac ay Ipinangako

15 At sinabi ng Diyos kay Abraham, “Tungkol kay Sarai na iyong asawa, huwag siyang tatawaging Sarai, kundi Sara[h] ang magiging pangalan niya.

16 Siya'y aking pagpapalain, at bibigyan kita ng anak sa pamamagitan niya. Siya'y aking pagpapalain, at siya'y magiging ina ng mga bansa; ang mga hari ng mga bayan ay magmumula sa kanya.”

17 Nang magkagayo'y nagpatirapa at tumawa si Abraham, at sinabi sa kanyang sarili, “Magkakaanak pa kaya ang isang tao na isandaang taong gulang na? Manganak pa kaya si Sara na siyamnapung taong gulang na?”

18 At sinabi ni Abraham sa Diyos, “Bakit hindi na lang si Ismael ang magmana ng mga ipinangako ninyo sa akin?”[i]

19 Sinabi ng Diyos, “Hindi! Ang iyong asawang si Sara ay tiyak na magkakaanak sa iyo, at tatawagin mo siya sa pangalang Isaac. Itatatag ko ang aking tipan sa kanya bilang isang walang hanggang tipan, at sa kanyang lahi pagkamatay niya.

20 Tungkol kay Ismael ay narinig kita. Pinagpala ko siya at siya'y gagawin kong mabunga at lubos kong pararamihin. Labindalawang prinsipe ang kanyang magiging anak, at siya'y gagawin kong malaking bansa.

21 Aking itatatag ang aking tipan kay Isaac na ipapanganak sa iyo ni Sara sa panahong ito sa taong darating.”

22 Pagkatapos makipag-usap sa kanya, ang Diyos ay pumaitaas na mula kay Abraham.

23 Ipinagsama ni Abraham si Ismael, na kanyang anak, at ang lahat ng ipinanganak sa kanyang bahay, at ang lahat ng binili niya ng kanyang salapi, ang lahat ng lalaki sa mga kasambahay ni Abraham, at kanyang tinuli ang balat ng maselang bahagi ng kanilang katawan nang araw ding iyon, ayon sa sinabi ng Diyos sa kanya.

24 Si Abraham ay siyamnapu't siyam na taong gulang nang tuliin ang balat ng kanyang maselang bahagi.

25 At si Ismael ay labintatlong taon nang tuliin ang balat ng kanyang maselang bahagi.

26 Nang araw ding iyon ay tinuli si Abraham at si Ismael na kanyang anak.

27 At lahat ng lalaking kasambahay niya, maging ang mga aliping ipinanganak sa bahay niya at ang mga binili ng salapi sa taga-ibang lupain ay tinuling kasama niya.

Ipinangako kay Abraham ang Isang Anak

18 Ang Panginoon ay nagpakita kay Abraham[j] sa may punong ensina ni Mamre habang siya'y nakaupo nang kainitan ang araw sa pintuan ng tolda.

Itinaas(S) niya ang kanyang paningin at nakita ang tatlong lalaki na nakatayo na malapit sa kanya. Nang sila'y kanyang makita, tumakbo siya upang sila'y salubungin mula sa pintuan ng tolda, at yumuko siya sa lupa.

At sinabi, “Panginoon ko, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa inyong paningin ay hinihiling ko sa inyo na huwag mong lampasan ang iyong lingkod.

Hayaan mong dalhan ko kayo rito ng kaunting tubig, at maghugas kayo ng inyong mga paa, at magpahinga kayo sa lilim ng kahoy.

Kukuha ako ng kaunting tinapay upang makapagpalakas sa inyo, at pagkatapos ay magpatuloy na kayo, yamang kayo'y pumarito sa inyong lingkod.” Kaya't sinabi nila, “Gawin mo ang ayon sa iyong sinabi.”

Si Abraham ay nagmadaling pumunta sa tolda ni Sara, at sinabi, “Dali! Maghanda ka ng tatlong takal ng mainam na harina, masahin mo at gawing mga tinapay.”

At tumakbo si Abraham sa bakahan at kumuha ng isang bata at malusog na baka, at ibinigay sa alipin na nagmamadaling inihanda ito.

Kinuha niya ang mantekilya, gatas, at ang bakang inihanda niya, at inihain sa harapan nila. Siya'y tumayo sa tabi nila sa lilim ng punungkahoy samantalang sila'y kumakain.

At sinabi nila sa kanya, “Nasaan si Sara na iyong asawa?” At sinabi niya “Naroon siya sa tolda.”

10 At(T) sinabi ng isa, “Ako ay tiyak na babalik sa iyo sa tamang panahon, at si Sara na iyong asawa ay magkakaanak ng isang lalaki.” Si Sara noon ay nakikinig sa may pintuan ng tolda na nasa likuran niya.

11 Sina Abraham at Sara ay kapwa matanda na at lipas na sa panahon. Si Sara ay hindi na dinadatnan ng tulad ng likas sa mga babae.

12 Nagtawa(U) si Sara sa kanyang sarili, na sinasabi, “Pagkatapos na ako'y tumanda at matanda na rin ang asawa ko, magkakaroon pa ba ako ng kasiyahan?”

13 At sinabi ng Panginoon kay Abraham, “Bakit tumawa si Sara, na sinasabi, ‘Tunay kayang ako'y manganganak, kahit matanda na ako?’”

14 “Mayroon(V) bang anumang bagay na napakahirap sa Panginoon? Sa takdang panahon ay babalik ako sa iyo, sa tamang panahon, at si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki.”

15 Subalit nagkaila si Sara, na sinasabi, “Hindi ako tumawa,” sapagkat siya'y natakot. Ngunit sinabi ng Panginoon, “Hindi. Ikaw ay talagang tumawa.”

Nakiusap si Abraham para sa Sodoma

16 Tumindig mula roon ang mga lalaki at tumingin sa dakong Sodoma; at sinamahan sila ni Abraham upang ihatid sila sa daan.

17 At sinabi ng Panginoon, “Ililihim ko ba kay Abraham ang aking gagawin;

18 yamang si Abraham ay magiging isang dakila at makapangyarihang bansa, at ang lahat ng bansa sa lupa ay pagpapalain sa pamamagitan niya?

19 Hindi, sapagkat siya'y aking pinili upang kanyang tagubilinan ang kanyang mga anak at sambahayan pagkamatay niya, na maingatan ang daan ng Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng kabanalan at kahatulan; upang maibigay ng Panginoon kay Abraham ang ipinangako niya sa kanya.”

20 Sinabi ng Panginoon, “Ang sigaw laban sa Sodoma at Gomorra ay malakas, at sapagkat ang kasalanan nila ay napakalubha,

21 at bababa ako ngayon at titingnan ko kung ginawa nga nila ang ayon sa sigaw na dumating sa akin; at kung hindi ay aking malalaman.”

22 At ang mga lalaki ay lumayo mula roon at nagtungo sa Sodoma samantalang si Abraham ay nanatiling nakatayo sa harapan ng Panginoon.

Ang Pamamagitan ni Abraham

23 Lumapit si Abraham at nagsabi, “Ang mga banal ba ay iyong lilipuling kasama ng mga masama?

24 Halimbawang may limampung banal sa loob ng bayan; lilipulin mo ba at di mo patatawarin ang lugar na iyon alang-alang sa limampung banal na nasa loob noon?

25 Malayong gagawa ka ng ganito, na ang banal ay iyong pataying kasama ng masama, anupa't ang banal ay makatulad sa masama! Malayong mangyari iyan! Di ba gagawa ng matuwid ang Hukom ng buong mundo?”

26 At sinabi ng Panginoon, “Kung makatagpo ako sa Sodoma ng limampung banal sa loob ng bayan, patatawarin ko ang buong lugar na iyon alang-alang sa kanila.”

27 Sumagot si Abraham, at nagsabi, “Mangangahas akong magsalita sa Panginoon, akong alabok at abo lamang.

28 Kung sakaling magkukulang ng lima sa limampung banal, lilipulin mo ba ang buong bayan dahil sa limang kulang?” At sinabi niya, “Hindi ko lilipulin kung makatagpo ako roon ng apatnapu't lima.”

29 At siya'y muling nagsalita sa kanya, at nagsabi, “Halimbawang may matatagpuang apatnapu.” At sinabi niya, “Hindi ko gagawin alang-alang sa apatnapu.”

30 Pagkatapos ay sinabi niya, “O huwag sanang magalit ang Panginoon, at ako'y magsasalita. Kung sakaling may matatagpuan doong tatlumpu.” At sinabi niya, “Hindi ko gagawin kung makakatagpo ako roon ng tatlumpu.”

31 At kanyang sinabi, “Ako'y mangangahas magsalita sa Panginoon. Kung sakaling may matatagpuan doong dalawampu.” At sinabi niya, “Hindi ko lilipulin alang-alang sa dalawampu.”

32 Pagkatapos ay sinabi niya, “O huwag magalit ang Panginoon at magsasalita na lamang akong minsan; kung sakaling may matatagpuan doong sampu.” At sinabi niya, “Hindi ko lilipulin alang-alang sa sampu.”

33 At umalis ang Panginoon pagkatapos na makipag-usap kay Abraham at si Abraham ay nagbalik sa kanyang lugar.

Ang Pagiging Makasalanan ng Sodoma

19 Dumating ang dalawang anghel sa Sodoma nang nagtatakipsilim na. Si Lot ay nakaupo sa pintuang-bayan ng Sodoma. Sila'y nakita ni Lot at tumindig upang salubungin sila; at iniyukod ang kanyang mukha sa lupa.

At sinabi, “Ngayon mga panginoon ko, hinihiling ko sa inyo na kayo'y bumalik at tumuloy sa bahay ng inyong lingkod, at magpalipas ng gabi, at maghugas ng inyong mga paa, at sa madaling araw ay magsibangon kayo at magpatuloy ng inyong paglakad.” Kanilang sinabi, “Hindi, sa lansangan kami magpapalipas ng buong magdamag.”

Ngunit kanyang pinilit nang husto kaya't sila'y nagsipasok sa kanyang bahay. Sila'y kanyang ipinaghanda, ipinagluto ng mga tinapay na walang pampaalsa, at sila ay kumain.

Subalit bago sila nagsihiga, ang mga lalaki ng lunsod, ang mga lalaki sa Sodoma, maging mga bata at matanda, lahat ng mga tao hanggang sa pinakahuling tao, ay pumalibot sa bahay.

Kanilang(W) tinawagan si Lot at sinabi, “Saan naroon ang mga lalaking dumating sa iyo nang gabing ito? Ilabas mo sila sa amin upang makilala namin sila.”

Lumabas si Lot sa pintuan upang humarap sa kanila, at isinara ang pinto sa likuran niya.

At sinabi niya, “Mga kapatid ko, nakikiusap ako na huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan.

Narito, may dalawa akong anak na babae na hindi pa nasipingan ng lalaki. Sila'y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang ayon sa inyong nais, huwag lamang ninyong gawan ng anuman ang mga lalaking ito, sapagkat sila'y nasa ilalim ng aking bubungan.”

At sinabi nila, “Manatili ka diyan!” At sinabi pa nila, “Ang taong ito'y naparito bilang dayuhan, at ibig niyang maging hukom! Ngayon, gagawan ka namin ng higit na masama kaysa kanila.” At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan.

10 Subalit iniunat ng mga lalaki ang kanilang kamay at binatak si Lot sa loob ng bahay at kanilang sinarhan ang pintuan.

11 At(X) binulag nila ang mga taong nasa pintuan ng bahay, maging maliit o malaki, anupa't hindi nila makita ang pintuan.

Umalis si Lot sa Sodoma

12 At sinabi ng mga lalaki kay Lot, “Mayroon ka pa ba ritong kasama? Paalisin mo sa lugar na ito ang iyong mga manugang na lalaki at mga anak na lalaki at babae, o sinuman sa mga kasamahan mo sa lunsod.

13 Sapagkat malapit na naming lipulin ang lugar na ito dahil sa napakalakas na ng sigaw laban sa bayang ito sa harap ng Panginoon; at kami ay sinugo ng Panginoon upang ito ay aming lipulin.”

14 Kaya't si Lot ay lumabas at kinausap ang kanyang mga manugang na noon ay mapapangasawa ng kanyang mga anak na babae, at sinabi, “Tumindig kayo, magsialis kayo sa lugar na ito; sapagkat gugunawin ng Panginoon ang bayan.” Subalit ang akala ng kanyang mga manugang ay nagbibiro siya.

15 Kinaumagahan, pinapagmadali ng mga anghel si Lot, na sinasabi, “Bumangon ka, isama mo ang iyong asawa at ang iyong dalawang anak na babae na narito, baka pati ikaw ay madamay sa parusa sa bayan.”

16 Subalit(Y) siya'y nagtagal. Kaya't dahil sa habag sa kanya ng Panginoon, hinawakan ng mga lalaki ang kanyang kamay at ang kamay ng kanyang asawa, at ang kamay ng kanyang dalawang anak na babae; at siya'y inilabas nila at iniwan sa labas ng bayan.

17 Nang sila'y mailabas na nila, ay sinabi nila, “Tumakas ka alang-alang sa iyong buhay. Huwag kang lumingon o huminto man sa buong libis; tumakas ka hanggang sa bundok, sapagkat kung hindi, ikaw ay mamamatay.”

18 At sinabi sa kanila ni Lot, “Huwag, mga panginoon ko!

19 Ang lingkod mo ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, at nagpakita ka sa akin ng malaking awa sa pagliligtas ng aking buhay. Subalit hindi ko kayang tumakas sa bundok, baka ako'y abutan ng kapahamakan, at ako'y mamatay.

20 Tingnan mo, ang kasunod na lunsod ay malapit lamang upang matakasan at iyon ay maliit. Pahintulutan mo akong tumakas roon. Hindi ba iyon ay maliit lamang at ang aking buhay ay maliligtas?”

21 At sinabi niya sa kanya, “O sige, pinapayagan din kita sa bagay na ito at hindi ko na gugunawin ang lunsod na iyong binanggit.

22 Magmadali ka, tumakas ka roon; sapagkat wala akong magagawa hanggang sa dumating ka roon.” Kaya't ang pangalang itinawag sa bayang iyon ay Zoar.[k]

Ang Pagkawasak ng Sodoma at Gomorra

23 Ang araw ay sumikat na sa lupa nang dumating si Lot sa Zoar.

24 At(Z) buhat sa langit ay nagpaulan ang Panginoon sa Sodoma at Gomorra ng asupre at apoy.

25 Ginunaw niya ang mga lunsod na iyon, at ang buong libis at ang lahat ng nakatira sa mga lunsod at ang tumutubo sa lupa.

26 Subalit(AA) ang asawa ni Lot ay lumingon sa likuran niya, at siya ay naging haliging asin.

27 Kinaumagahan, si Abraham ay maagang nagtungo sa dakong kinatayuan niya sa harap ng Panginoon.

28 Siya'y tumingin sa dakong Sodoma at Gomorra, at sa buong lupain ng libis. At kanyang nakita na ang usok ng lupain ay tumataas na parang usok ng isang hurno.

29 At nangyari, nang gunawin ng Diyos ang mga lunsod ng libis, naalala ng Diyos si Abraham, at inilabas si Lot nang gunawin ang mga lunsod na tinirahan niya.[l]

Ang Pinagmulan ng mga Moabita at Ammonita

30 Umahon si Lot papalabas sa Zoar at tumira sa bundok kasama ang kanyang dalawang anak na babae sapagkat siya'y takot na tumira sa Zoar. Siya'y tumira sa isang yungib kasama ang kanyang dalawang anak na babae.

31 At sinabi ng panganay sa bunso, “Ang ating ama ay matanda na at walang lalaki sa lupa na sumiping sa atin, ayon sa kaugalian ng buong lupa.

32 Halika, painumin natin ng alak ang ating ama, at tayo'y sumiping sa kanya upang mapanatili natin ang binhi ng ating ama.”

33 At pinainom nila ng alak ang kanilang ama nang gabing iyon at pumasok ang panganay at sumiping sa kanyang ama. Hindi nalaman ng ama nang siya'y mahiga ni nang siya'y bumangon.

34 Kinabukasan, sinabi ng panganay sa bunso, “Tingnan mo, ako'y sumiping kagabi sa aking ama. Painumin din natin siya ng alak sa gabing ito. Pumasok ka at sumiping sa kanya upang mapanatili natin ang binhi ng ating ama.”

35 At pinainom din nila ng alak ang kanilang ama nang gabing iyon. Tumindig ang bunso at sumiping sa ama. Hindi nalaman ng ama nang siya'y mahiga ni nang siya'y bumangon.

36 Sa ganito'y kapwa nagdalang-tao ang mga anak ni Lot sa pamamagitan ng kanilang ama.

37 Nanganak ang panganay ng isang lalaki, at tinawag sa pangalang Moab na siyang ama ng mga Moabita hanggang sa araw na ito.

38 At ang bunso ay nanganak din ng isang lalaki, at tinawag sa pangalang Benammi na siyang ama ng mga anak ni Ammon hanggang sa araw na ito.

Sina Abraham at Abimelec

20 At mula roon ay naglakbay si Abraham sa lupain ng timog, at nanirahan sa pagitan ng Kadesh at Shur. Samantalang naninirahan bilang isang dayuhan sa Gerar,

sinabi(AB) ni Abraham tungkol kay Sara na kanyang asawa, “Siya'y aking kapatid;” at si Abimelec na hari sa Gerar ay nagpasugo at kinuha si Sara.

Subalit pumunta ang Diyos kay Abimelec sa panaginip sa gabi at sinabi sa kanya, “Ikaw ay malapit nang mamatay dahil sa ang babaing kinuha mo'y asawa ng isang lalaki.”

Ngunit si Abimelec ay hindi pa nakakasiping sa kanya. At sinabi niya, “Panginoon, papatayin mo ba pati ang isang bayang walang sala?

Hindi ba siya rin ang nagsabi sa akin, ‘Siya'y aking kapatid.’ at si Sara man ay nagsabi, ‘Siya'y aking kapatid?’ Sa katapatan ng aking puso at kawalang-sala ng aking mga kamay ay ginawa ko ito.”

Sinabi sa kanya ng Diyos sa panaginip, “Oo, nalalaman ko na sa katapatan ng iyong puso ay ginawa mo ito, at hinadlangan din naman kita na magkasala ng laban sa akin kaya't hindi ko ipinahintulot na galawin mo siya.

Ngayon nga'y isauli mo ang asawa ng lalaking ito; sapagkat siya'y isang propeta, at ikaw ay ipapanalangin niya at mabubuhay ka. Ngunit kapag hindi mo siya isinauli, tandaan mong tiyak na mamamatay ka, ikaw at ang lahat ng iyo.”

Kinaumagahan, si Abimelec ay bumangon nang maaga at tinawag ang lahat niyang mga lingkod. Sinabi niya sa kanila ang lahat ng bagay na ito, at ang mga tao'y takot na takot.

Tinawag ni Abimelec si Abraham, at sa kanya'y sinabi, “Anong ginawa mo sa amin at paano ako nagkasala laban sa iyo, upang dalhan mo ako at ang aking kaharian ng isang malaking kasalanan? Ginawa mo sa akin ang mga gawang di nararapat gawin.”

10 At sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Ano ba ang iniisip mo at ginawa mo ang bagay na ito?”

11 Sumagot si Abraham, “Sapagkat inisip ko na tunay na walang pagkatakot sa Diyos sa lugar na ito at papatayin nila ako dahil sa aking asawa.

12 At saka, talagang siya'y kapatid ko, anak ng aking ama, subalit hindi anak ng aking ina; at siya'y naging asawa ko.

13 Nang paalisin ako ng Diyos sa bahay ng aking ama ay sinabi ko sa kanya, ‘Ito ang kabutihan na maipapakita mo sa akin: sa lahat ng lugar na ating pupuntahan ay sabihin mo tungkol sa akin, Siya'y aking kapatid.’”

14 Si Abimelec ay kumuha ng mga tupa at baka, mga aliping lalaki at babae, at ibinigay ang mga ito kay Abraham, at isinauli sa kanya si Sara na kanyang asawa.

15 At sinabi ni Abimelec, “Ang lupain ko ay nasa harapan mo; manirahan ka kung saan mo gusto.”

16 Sinabi niya kay Sara, “Tingnan mo, nagbigay ako ng isang libong pirasong pilak sa iyong kapatid. Ito'y magpapawalang-sala sa iyo sa paningin ng lahat ng kasama mo; ikaw ay ganap na napawalang-sala.”

17 At nanalangin si Abraham sa Diyos; at pinagaling ng Diyos si Abimelec, ang kanyang asawa, at ang kanyang mga aliping babae, na anupa't nagkaanak sila.

18 Sapagkat sinarhan ng Panginoon ang lahat ng bahay-bata sa sambahayan ni Abimelec, dahil kay Sara na asawa ni Abraham.

Ipinanganak si Isaac

21 Dinalaw ng Panginoon si Sara ayon sa sinabi niya, at ginawa ng Panginoon kay Sara ang ayon sa kanyang pangako.

Si(AC) Sara ay naglihi at nagkaanak ng isang lalaki kay Abraham sa kanyang katandaan, sa takdang panahong sinabi ng Diyos sa kanya.

Tinawag ni Abraham na Isaac ang anak na ipinanganak sa kanya ni Sara.

At(AD) tinuli ni Abraham ang anak niyang si Isaac pagkaraan ng walong araw gaya ng iniutos ng Diyos sa kanya.

Si Abraham ay isandaang taong gulang nang ipanganak si Isaac na kanyang anak.

Sinabi ni Sara, “Pinatawa ako ng Diyos, sinumang makarinig ay makikitawa sa akin.”

At sinabi niya, “Sino ang magsasabi kay Abraham na si Sara ay magpapasuso ng mga anak? Ngunit ako'y nagkaanak pa sa kanya ng isang lalaki sa kanyang katandaan.”

Pinalayas sina Hagar at Ismael

Lumaki ang sanggol, at inawat sa pagsuso; at nagdaos ng malaking handaan si Abraham nang araw na ihiwalay sa pagsuso si Isaac.

Subalit nakita ni Sara ang anak ni Hagar na taga-Ehipto, na ipinanganak kay Abraham, na nakikipaglaro sa anak niyang si Isaac.

10 Kaya't(AE) sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang aliping ito at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamana ang anak ng aliping ito na kahati ng aking anak na si Isaac.”

11 Ang bagay na ito ay naging lubhang mabigat sa kalooban ni Abraham dahil sa kanyang anak.

12 Sinabi(AF) ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang magdamdam ng dahil sa bata at dahil sa iyong aliping babae. Makinig ka sa lahat ng sasabihin sa iyo ni Sara sapagkat sa pamamagitan ni Isaac papangalanan ang iyong binhi.

13 Ang anak ng alipin ay gagawin ko ring isang bansa, sapagkat siya'y iyong binhi.”

14 Kinaumagahan, maagang bumangon si Abraham at kumuha ng tinapay at lalagyan ng tubig na yari sa balat at ibinigay kay Hagar. Ipinatong ang mga ito sa kanyang balikat at ang bata at siya ay pinaalis. Siya'y umalis at nagpagala-gala sa ilang ng Beer-seba.

15 Nang maubos ang tubig sa lalagyang-balat, kanyang inilapag ang bata sa ilalim ng isa sa mabababang puno.

16 At siya'y umalis at umupo sa tapat ng bata na ang layo ay may isang banat ng pana at sinabi niya, “Ayaw kong makita ang kamatayan ng bata.” At pag-upo niya sa tapat ng bata,[m] siya'y nagsisigaw at umiiyak.

17 Narinig ng Diyos ang tinig ng bata; at mula sa langit ay tinawag ng anghel ng Diyos si Hagar at sinabi sa kanya, “Napaano ka, Hagar? Huwag kang matakot; sapagkat narinig ng Diyos ang tinig ng bata sa kanyang kinalalagyan.

18 Tumindig ka, itayo mo ang bata at alalayan mo siya ng iyong kamay sapagkat siya'y gagawin kong isang malaking bansa.”

19 Binuksan ng Diyos ang kanyang mga mata at siya'y nakakita ng isang balon ng tubig. Pumunta siya roon at pinuno ng tubig ang lalagyang-balat at pinainom ang bata.

20 Ang Diyos ay kasama ng bata at siya'y lumaki, at nanirahan sa ilang at naging sanay sa paggamit ng pana.

21 Tumira siya sa ilang ng Paran at ikinuha siya ng kanyang ina ng asawa sa lupain ng Ehipto.

Ang Pagtatalo nina Abraham at Abimelec

22 Nang(AG) panahong iyon, si Abimelec at si Ficol na kapitan ng kanyang hukbo ay nagsalita kay Abraham, “Sumasaiyo ang Diyos sa lahat mong ginagawa.

23 Ngayon nga'y isumpa mo rito sa akin alang-alang sa Diyos, na di ka magsisinungaling sa akin, sa aking anak, at sa aking tagapagmana. Ayon sa kagandahang-loob na ipinakita ko sa iyo ay gayon ang gagawin mo sa akin, at sa lupaing iyong tinitirhan.”

24 At sinabi ni Abraham, “Sumusumpa ako.”

25 Nang sumbatan ni Abraham si Abimelec dahil sa isang balon ng tubig na sinamsam sa kanya ng mga tauhan ni Abimelec,

26 ay sinabi ni Abimelec, “Hindi ko alam kung sinong gumawa ng bagay na ito. Hindi mo naman sinabi sa akin, at hindi ko naman nabalitaan kundi ngayon.”

27 Kaya't kumuha si Abraham ng mga tupa at baka at ibinigay kay Abimelec; at silang dalawa ay gumawa ng isang tipan.

28 Nagbukod si Abraham ng pitong babaing kordero sa kawan.

29 At sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Ano itong pitong babaing kordero na iyong ibinukod?”

30 Sinabi niya, “Itong pitong babaing kordero ay iyong kukunin sa akin upang ikaw ay maging saksi ko na hinukay ko ang balong ito.”

31 Kaya't tinawag niya ang lugar na iyon bilang Beer-seba; sapagkat doon sila kapwa sumumpa.

32 Pagkatapos nilang gumawa ng isang tipan sa Beer-seba, tumindig si Abimelec at si Ficol na kapitan ng kanyang hukbo at bumalik sa lupain ng mga Filisteo.

33 Nagtanim si Abraham ng isang punungkahoy ng tamarisko sa Beer-seba, at doon ay tinawag niya ang pangalan ng Panginoon, ang Walang Hanggang Diyos.

34 At si Abraham ay tumira ng maraming araw bilang isang dayuhan sa lupain ng mga Filisteo.

Iniutos ng Diyos na Ihandog ni Abraham si Isaac

22 Pagkatapos(AH) ng mga bagay na ito, sinubok ng Diyos si Abraham, at sinabi sa kanya, “Abraham,” at sinabi niya, “Narito ako.”

At(AI) kanyang sinabi, “Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumunta ka sa lupain ng Moria. Ialay mo siya bilang handog na susunugin sa itaas ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo.”

Si Abraham ay maagang bumangon at inihanda ang kanyang asno. Isinama niya ang dalawa sa kanyang mga batang tauhan at si Isaac na kanyang anak. Nagsibak siya ng kahoy para sa handog na susunugin; at siya'y naghanda at pumunta sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos.

Nang ikatlong araw ay tumingin si Abraham at kanyang natanaw ang lugar na iyon sa malayo.

Sinabi ni Abraham sa kanyang mga batang tauhan, “Maghintay kayo rito at ng asno, at ako at ang bata ay pupunta roon upang kami ay sumamba. Babalikan namin kayo.”

At kinuha ni Abraham ang kahoy ng handog na susunugin, at ipinasan kay Isaac na kanyang anak. Dinala niya sa kanyang kamay ang apoy at ang patalim at sila'y umalis na magkasama.

Nagsalita si Isaac kay Abraham na kanyang ama, “Ama ko.” At kanyang sinabi, “Narito ako, anak.” Sinabi niya, “Narito ang apoy at ang kahoy, ngunit nasaan ang korderong handog na susunugin?”

Kaya't sinabi ni Abraham, “Anak ko, ang Diyos ang magkakaloob ng korderong handog na susunugin.” At sila'y umalis na magkasama.

At(AJ) sila'y dumating sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos. Nagtayo roon si Abraham ng isang dambana, inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kanyang anak at inilagay sa ibabaw ng kahoy na nasa ibabaw ng dambana.

10 Iniunat ni Abraham ang kanyang kamay at hinawakan ang patalim upang patayin ang kanyang anak.

11 Ngunit tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, at sinabi, “Abraham, Abraham.” At kanyang sinabi, “Narito ako.”

12 At sa kanya'y sinabi, “Huwag mong sasaktan ang bata, o gawan man siya ng anuman, sapagkat ngayon ay nalalaman ko na ikaw ay may takot sa Diyos, at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak.”

13 Kaya't tumingin si Abraham, at nakita niya ang isang tupang lalaki sa likuran niya na ang mga sungay ay sumabit sa mga tinik. Lumapit si Abraham at kinuha ang tupa, at siyang inialay na handog na susunugin kapalit ng kanyang anak.

14 Kaya't tinawag ni Abraham ang lugar na iyon Yahweh-yireh.[n] Kaya't sinasabi hanggang sa araw na ito: “Sa bundok ng Panginoon ito ay ipagkakaloob.”

15 Mula sa langit ay muling tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham.

16 At(AK) sinabi niya, “Sumumpa ako sa aking sarili,” wika ng Panginoon, “sapagkat ginawa mo ito at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak;

17 tunay(AL) na pagpapalain kita, at pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa baybayin ng dagat; at makakamit ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway.

18 At(AM) sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng bansa sa lupa, sapagkat sinunod mo ang aking tinig.”

19 Kaya't bumalik si Abraham sa kanyang mga batang tauhan, at sila'y tumayo at sama-samang nagtungo sa Beer-seba; at nanirahan si Abraham sa Beer-seba.

Ang Lahi ni Nahor

20 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ibinalita kay Abraham, “Si Milca ay nagkaroon din ng mga anak kay Nahor na iyong kapatid.

21 Si Uz ang kanyang panganay, si Buz na kanyang kapatid, at si Kemuel na ama ni Aram;

22 Si Chesed, Hazo, Pildas, Jidlaf, at si Betuel.”

23 Si Betuel ang naging ama ni Rebecca. Ang walong ito ay naging anak ni Milca kay Nahor na kapatid ni Abraham.

24 Gayundin, ipinanganak ng kanyang asawang-lingkod na si Reuma sina Teba, Gaham, Taas, at Maaca.

Namatay si Sara at Bumili si Abraham ng Paglilibingan

23 Ang buhay ni Sara ay tumagal ng isandaan at dalawampu't pitong taon. Ito ang naging mga taon ng buhay ni Sara.

At namatay si Sara sa Kiryat-arba (na siyang Hebron) sa lupain ng Canaan, at pumaroon si Abraham upang ipagluksa si Sara at umiyak para sa kanya.

Tumindig si Abraham sa harap ng kanyang patay at nagsalita sa mga anak ni Het,

“Ako'y(AN) taga-ibang bayan at dayuhan sa gitna ninyo. Bigyan ninyo ako ng pag-aaring libingan sa gitna ninyo upang mapaglilibingan ng aking patay at mawala ito sa aking paningin.”

Ang mga anak ni Het ay sumagot kay Abraham,

“Pakinggan mo kami, panginoon ko. Ikaw ay isang makapangyarihang prinsipe sa gitna namin. Ilibing mo ang iyong patay sa pinakamabuti sa aming mga libingan. Walang sinuman sa amin ang magkakait sa iyo ng kanyang libingan upang paglibingan ng iyong patay.”

At tumindig si Abraham, at yumuko sa mga mamamayan ng lupain, sa mga anak ni Het.

Ang Pagbili ng Parang sa Macpela

At sinabi niya sa kanila, “Kung sang-ayon kayo na ilibing ko ang aking patay upang mawala ito sa aking paningin ay pakinggan ninyo ako, at mamagitan kayo para sa akin kay Efron na anak ni Zohar,

upang ibigay niya sa akin ang yungib ng Macpela, na kanyang pag-aari na nasa hangganan ng kanyang parang. Sa kabuuang halaga ay ibigay niya iyon sa akin sa harap ninyo bilang isang pag-aari na paglilibingan.”

10 Si Efron nga ay nakaupo sa gitna ng mga anak ni Het at sumagot si Efron na Heteo kay Abraham, sa harap ng mga anak ni Het, na naririnig ng lahat ng pumapasok sa pintuan ng bayan,

11 “Hindi, panginoon ko, pakinggan mo ako. Ang parang ay ibinibigay ko sa iyo, at ang yungib na naroroon ay ibinibigay ko sa iyo. Sa harapan ng mga anak ng aking bayan ay ibinibigay ko sa iyo, ilibing mo ang iyong patay.”

12 Kaya't si Abraham ay yumukod sa harapan ng mga mamamayan ng lupain.

13 At sinabi niya kay Efron sa pandinig ng mga mamamayan ng lupain, “Kung nais mo ay pakinggan mo ako. Ibibigay ko sa iyo ang halaga ng parang; tanggapin mo iyon sa akin, at ililibing ko roon ang aking patay.”

14 Sumagot si Efron kay Abraham,

15 “Panginoon ko, pakinggan mo ako. Ang halaga ng isang pirasong lupa ay apatnaraang siklong pilak. Gaano na lamang iyon sa iyo at sa akin? Ilibing mo na nga ang iyong patay.”

16 At nakinig naman si Abraham kay Efron; at tinimbang ni Abraham para kay Efron ang salaping kanyang sinabi sa harapan ng mga anak ni Het, apatnaraang siklong pilak, sang-ayon sa timbang na karaniwan sa mga mangangalakal.

17 Kaya't ang parang ni Efron na nasa Macpela, na nasa tapat ng Mamre, ang parang at ang yungib na nandoon, at ang lahat ng mga punungkahoy na nasa parang at ang lahat ng hangganan sa palibot nito,

18 ay naging pag-aari ni Abraham sa harapan ng mga anak ni Het, sa harapan ng lahat ng pumasok sa pintuang-daan ng kanyang bayan.

19 Pagkatapos nito ay inilibing ni Abraham si Sara na kanyang asawa sa yungib ng parang sa Macpela sa tapat ng Mamre (na siyang Hebron) sa lupain ng Canaan.

20 Ang parang at ang yungib na naroroon ay naging pag-aari ni Abraham upang maging lugar ng libingan mula sa mga anak ni Het.

Asawa para kay Isaac

24 Si Abraham ay matanda na at lipas na sa panahon; at pinagpala ng Panginoon si Abraham sa lahat ng mga bagay.

At sinabi ni Abraham sa kanyang alipin, sa pinakamatanda sa kanyang bahay na namamahala ng lahat niyang ari-arian, “Pakilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita,[o]

at ikaw ay aking panunumpain sa ngalan ng Panginoon, ang Diyos ng langit at lupa, na hindi mo ikukuha ng asawa ang aking anak sa mga anak na babae ng mga Cananeo na siyang aking tinitirhan,

kundi ikaw ay pupunta sa aking lupain, at sa aking kamag-anak, at ikukuha mo roon ng asawa ang aking anak na si Isaac.”

Sinabi sa kanya ng alipin, “Sakaling hindi pumayag ang babae na sumama sa akin sa lupaing ito; dapat ko bang ibalik ang anak mo sa lupaing pinanggalingan mo?”

Sinabi naman sa kanya ni Abraham, “Huwag mong ibabalik doon ang aking anak.

Ang Panginoon, ang Diyos ng langit, na kumuha sa akin sa sambahayan ng aking ama, at sa lupaing aking tinubuan ay nagsalita at sumumpa sa akin na nagsasabi, ‘Sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lupaing ito;’ magsusugo siya ng kanyang anghel sa unahan mo, at ikukuha mo roon ng asawa ang aking anak.

Subalit kung ang babae ay ayaw sumama sa iyo, ikaw ay magiging malaya sa aking sumpa; huwag mo lamang pabalikin ang aking anak doon.”

Inilagay ng alipin ang kanyang kamay sa ilalim ng hita ni Abraham na kanyang panginoon, at sumumpa sa kanya tungkol sa bagay na ito.

10 Kumuha ang alipin ng sampung kamelyo mula sa kanyang panginoon, at umalis na dala ang pinakamabuti sa lahat ng pag-aari ng kanyang panginoon. At pumunta siya sa Mesopotamia, sa bayan ni Nahor.

11 Kanyang pinaluhod ang mga kamelyo sa labas ng bayan, sa tabi ng balon ng tubig nang papalubog na ang araw, panahon nang paglabas ng mga babae upang umigib ng tubig.

12 At kanyang sinabi, “O Panginoon, Diyos ng aking panginoong si Abraham, hinihiling ko sa iyong pagkalooban mo ako ng tagumpay ngayon, at ikaw ay magmagandang-loob sa aking panginoong si Abraham.

13 Ako'y nakatayo sa tabi ng balon ng tubig at ang mga anak na babae ng mga tao sa bayan ay darating upang umigib ng tubig.

14 At mangyari na ang dalagang aking pagsabihan, ‘Pakibaba mo ang iyong banga upang ako'y makainom;’ at kanyang sasabihin, ‘Uminom ka, at paiinumin ko pati ang iyong mga kamelyo;’ ay siyang pinili mo para sa iyong lingkod na si Isaac; at sa ganito ay malalaman kong nagpakita ka ng tapat na pag-ibig sa aking panginoon.”

15 Bago pa man siya nakatapos ng pagsasalita, si Rebecca na ipinanganak kay Betuel, na anak ni Milca, na asawa ni Nahor na kapatid ni Abraham ay lumabas na pasan ang banga sa kanyang balikat.

16 Ang babae ay may magandang anyo, dalaga na hindi pa nasisipingan ng lalaki. Siya ay lumusong sa bukal, pinuno ang kanyang banga, at umahon.

17 Tumakbo ang alipin upang salubungin siya at sinabi, “Makikiinom ako ng kaunting tubig sa iyong banga.”

18 At sinabi niya, “Uminom ka, panginoon ko.” Nagmadali niyang ibinaba ang banga sa kanyang kamay, at pinainom siya.

19 Pagkatapos na siya'y kanyang mapainom, siya ay nagsabi, “Iiigib ko naman ang iyong mga kamelyo, hanggang silang lahat ay makainom na.”

20 Kaagad na ibinuhos ang kanyang banga sa inuman at tumakbong muli sa balon upang umigib at siya'y umigib para sa lahat niyang kamelyo.

21 Ang lalaki ay nanatiling tahimik na tinitingnan siya upang malaman kung pinagpala ng Panginoon ang kanyang paglalakbay o hindi.

22 Nang makainom ang mga kamelyo, kumuha ang lalaki ng isang singsing na ginto, na may kalahating siklo ang timbang, at dalawang pulseras para sa kanyang mga kamay, na may timbang na sampung siklong ginto.

23 Kanyang itinanong, “Kanino kang anak? Sabihin mo sa akin, may lugar ba sa bahay ng iyong ama na aming matutuluyan?”

24 At sinabi niya sa kanya, “Anak ako ni Betuel, na anak ni Milca, na ipinanganak niya kay Nahor.”

25 Sinabi rin niya sa kanya, “Sagana kami sa dayami at pagkain sa hayop, at mayroon ding lugar na matutuluyan.”

26 At lumuhod ang lalaki at sumamba sa Panginoon.

27 Sinabi niya, “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng aking panginoong si Abraham, na hindi inilayo ang kanyang habag at ang kanyang katapatan sa aking panginoon. Nang ako ay nasa daan, pinatnubayan ako ng Panginoon hanggang sa bahay ng mga kapatid ng aking panginoon.”

28 Tumakbo ang dalaga at isinalaysay ang mga bagay na ito sa sambahayan ng kanyang ina.

29 Si Rebecca ay may isang kapatid na ang pangalan ay Laban. Tumakbong papalabas si Laban patungo sa lalaki na nasa bukal.

30 Nang makita niya ang singsing at mga pulseras sa mga kamay ng kanyang kapatid, at pagkarinig sa mga salita ni Rebecca na kanyang kapatid, na sinasabi, “Gayon ang sinabi sa akin ng lalaki;” ay lumapit siya sa lalaki at nakitang ito'y nakatayo sa tabi ng mga kamelyo sa bukal.

31 At sinabi niya, “Pumasok ka, pinagpala ng Panginoon. Bakit ka nakatayo sa labas? Naihanda ko na ang bahay at ang lugar para sa mga kamelyo.”

32 Pumasok ang lalaki sa bahay at kinalagan ang mga kamelyo. Binigyan ni Laban ng dayami at pagkain ang mga kamelyo, at ng tubig upang ipaghugas ng kanyang mga paa at mga paa ng mga taong kasama niya.

33 At siya'y hinainan nila ng pagkain, ngunit sinabi niya, “Hindi ako kakain hanggang hindi ko nasasabi ang aking sadya.” At sinabi ni Laban, “Magsalita ka.”

34 At kanyang sinabi, “Ako ay alipin ni Abraham.

35 Pinagpalang mabuti ng Panginoon ang aking panginoon at siya'y naging dakila. Siya'y binigyan ng kawan at bakahan, pilak at ginto, mga aliping lalaki at babae, mga kamelyo at mga asno.

36 At si Sara na asawa ng aking panginoon ay nagkaanak ng lalaki sa aking panginoon nang siya'y matanda na, at kanyang ibinigay sa kanya ang lahat niyang pag-aari.

37 Pinapanumpa ako ng aking panginoon, na sinasabi, ‘Huwag mong ikukuha ng asawa ang aking anak sa mga anak na babae ng mga Cananeo na siyang lupaing aking tinitirhan;

38 kundi pumunta ka sa bahay ng aking ama at sa aking mga kamag-anak at ikuha mo roon ng asawa ang aking anak.’

39 Kaya't sinabi ko sa aking panginoon, ‘Baka hindi sumama sa akin ang babae!’

40 At sinabi niya sa akin, ‘Ang Panginoon, na lagi kong sinusunod[p] ay magsusugo ng kanyang anghel upang makasama mo, at kanyang pagpapalain ang iyong lakad, at ikukuha mo ng asawa ang aking anak mula sa aking mga kamag-anak at sa angkan ng aking ama.

41 Makakalaya ka sa aking sumpa, kapag ikaw ay dumating sa aking mga kamag-anak; kahit hindi nila ibigay sa iyo ang babae ay makakalaya ka sa aking sumpa.’

42 “Dumating ako nang araw na ito sa bukal at aking sinabi, ‘O Panginoon, na Diyos ng aking panginoong si Abraham, kung kalooban mo, idinadalangin ko na iyong pagpalain ang daan na malapit ko nang tahakin.

43 Nakatayo ako sa tabi ng bukal ng tubig at kapag ang dalaga ay dumating upang umigib at sinabi ko sa kanya, “Makikiinom ako ng kaunting tubig sa iyong banga;”

44 at sinabi niya sa akin, “Uminom ka, at iiigib ko rin ang iyong mga kamelyo,” ay siyang maging babaing pinili ng Panginoon sa anak ng aking panginoon.’

45 “Bago ako nakatapos sa pagsasalita sa aking puso, nakita ko si Rebecca na lumalabas na pasan ang kanyang banga sa kanyang balikat. Siya ay lumusong sa bukal at umigib at aking sinabi sa kanya, ‘Makikiinom ako sa iyo.’

46 Dali-dali niyang ibinaba ang kanyang banga sa kanyang balikat, at sinabi, ‘Uminom ka, at paiinumin ko pati ang iyong mga kamelyo,’ sa gayo'y uminom ako, at pinainom niya pati ang mga kamelyo.

47 At siya'y aking tinanong, ‘Kanino kang anak?’ At kanyang sinabi, ‘Anak ako ni Betuel, na anak ni Nahor, na ipinanganak sa kanya ni Milca.’ At inilagay ko ang singsing sa kanyang ilong, at ang mga pulseras sa kanyang mga kamay.

48 At aking iniyuko ang aking ulo at sumamba ako sa Panginoon at pinuri ang Panginoon, na Diyos ng aking panginoong si Abraham, na pumatnubay sa akin sa tunay na daan upang kunin ang anak ng kapatid ng aking panginoon, para sa kanyang anak.

49 Ngayon, kung kayo ay gagawa ng kagandahang-loob at katapatan sa aking panginoon ay sabihin ninyo sa akin, at kung hindi, ay sabihin din ninyo sa akin upang malaman ko kung ako ay liliko sa kanan o sa kaliwa.”

50 Nang magkagayo'y sumagot sina Laban at Betuel at sinabi, “Sa Panginoon ito nagmumula. Kami ay hindi makapagsasabi sa iyo ng masama o ng mabuti.

51 Narito, si Rebecca ay nasa harap mo, dalhin mo, at humayo ka. Siya'y maging asawa ng anak ng iyong panginoon, gaya ng sinabi ng Panginoon.”

52 Nang marinig ng alipin ni Abraham ang kanilang mga salita, siya ay nagpatirapa sa lupa sa harap ng Panginoon.

53 At naglabas ang alipin ng mga alahas na pilak at ginto, at mga damit, at ibinigay kay Rebecca. Nagbigay rin siya ng mahahalagang bagay sa kanyang kapatid na lalaki at sa kanyang ina.

54 At sila'y nagsikain at nagsiinom, siya at ang mga taong kasama niya, at doon nagpalipas ng magdamag. Bumangon sila nang umaga at kanyang sinabi, “Pabalikin na ninyo ako sa aking panginoon.”

55 At sinabi ng kanyang kapatid na lalaki at ng kanyang ina, “Hayaan muna ninyong manatili sa amin ang dalaga ng ilang araw, sampung araw man lamang; pagkatapos ay maaari na siyang umalis.”

56 At sinabi niya sa kanila, “Huwag na ninyo akong patagalin, yamang pinagpala ng Panginoon ang aking lakad. Pabalikin na ninyo ako upang ako'y makauwi sa aking panginoon.”

57 Sinabi nila, “Tatawagin namin ang dalaga at tatanungin siya.”

58 At kanila ngang tinawag si Rebecca at kanilang sinabi sa kanya, “Sasama ka ba sa lalaking ito?” At sinabi niya, “Sasama ako.”

59 Kaya't kanilang pinasama si Rebecca na kanilang kapatid at ang kanyang tagapag-alaga kasama ang alipin ni Abraham at ang kanyang mga tauhan.

60 At kanilang binasbasan si Rebecca at sinabi nila sa kanya, “Kapatid namin, maging ina ka nawa ng libu-libo at makamit ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng mga napopoot sa kanila.”

61 Tumindig si Rebecca at ang kanyang mga abay, at sila ay sumakay sa mga kamelyo, at sumunod sa lalaki; at dinala ng alipin si Rebecca at humayo.

62 Ngayon, si Isaac ay nanggaling sa daang Beer-lahai-roi at siya'y nakatira sa lupain ng Negeb.

63 Lumabas si Isaac sa parang upang maglakad-lakad ng dapit-hapon. Itinaas niya ang kanyang mga paningin at nakita niyang may dumarating na mga kamelyo.

64 Tumingin naman si Rebecca at kanyang nakita si Isaac. Mabilis siyang bumaba sa kamelyo.

65 Sinabi ni Rebecca sa alipin, “Sino ang taong ito na naglalakad sa parang upang sumalubong sa atin?” At sinabi ng alipin, “Iyon ang aking panginoon.” Kinuha niya ang kanyang belo, at siya'y nagtakip.

66 At isinalaysay ng alipin kay Isaac ang lahat ng kanyang ginawa.

Ang Pag-aasawa ni Isaac

67 Dinala siya ni Isaac sa tolda ni Sara na kanyang ina. Kinuha niya si Rebecca at siya'y naging asawa niya, at siya'y kanyang minahal. Kaya't naaliw si Isaac pagkamatay ng kanyang ina.

Iba pang mga Naging Anak ni Abraham(AO)

25 Si Abraham ay nag-asawa ng iba at ang kanyang pangalan ay Ketura.

Naging mga anak nito sina Zimram, Jokshan, Medan, Midian, Isbak, at Shua.

Naging anak ni Jokshan sina Seba at Dedan. At ang mga anak na lalaki ni Dedan ay sina Assurim, Letusim, at Leummim.

Ang mga ito ang naging anak ni Midian: Efa, Efer, Hanoc, Abida, at Eldaa. Lahat ng ito ay mga anak ni Ketura.

At ibinigay ni Abraham ang lahat ng kanyang pag-aari kay Isaac.

Subalit ang mga anak ng naging mga asawang-lingkod ni Abraham ay binigyan ni Abraham ng mga kaloob. Habang nabubuhay pa siya ay inilayo niya ang mga ito kay Isaac na kanyang anak. Kanyang pinapunta sila sa lupaing silangan.

At ito ang haba ng buhay ni Abraham, isandaan at pitumpu't limang taon.

Namatay at Inilibing si Abraham

Nalagot ang hininga ni Abraham at namatay sa mabuting katandaan, matanda at puspos ng mga taon; at naging kasama ng kanyang bayan.

Inilibing siya ng kanyang mga anak na sina Isaac at Ismael sa yungib ng Macpela, sa parang ni Efron na anak ni Zohar na Heteo, na nasa tapat ng Mamre,

10 sa(AP) parang na binili ni Abraham sa mga anak ni Het. Doon inilibing si Abraham at si Sara na kanyang asawa.

11 Pagkamatay ni Abraham, pinagpala ng Diyos si Isaac na kanyang anak; at si Isaac ay nanirahan sa may Beer-lahai-roi.

Footnotes

  1. Genesis 12:7 Sa Hebreo ay binhi .
  2. Genesis 12:9 o Timog .
  3. Genesis 14:18 Sa Hebreo ay El-Elyon .
  4. Genesis 16:2 Sa Hebreo ay Pumasok .
  5. Genesis 16:13 Sa Hebreo ay El-Roi .
  6. Genesis 16:14 Sa Hebreo ay Beer-lahai-roi .
  7. Genesis 17:5 o dakila, o marangal .
  8. Genesis 17:15 o Prinsesa .
  9. Genesis 17:18 Sa Hebreo ay Nawa'y mabuhay si Ismael sa harapan mo!
  10. Genesis 18:1 Sa Hebreo ay sa kanya .
  11. Genesis 19:22 o maliit .
  12. Genesis 19:29 Sa Hebreo ay ni Lot .
  13. Genesis 21:16 Sa Hebreo ay niya .
  14. Genesis 22:14 o Jehovah-Jireh .
  15. Genesis 24:2 Ito ay paraan upang ang isang panata ay di mabago.
  16. Genesis 24:40 Sa Hebreo ay sa harap niya ay lumalakad ako .