Genesis 6:1-7
Magandang Balita Biblia
Ang Kasamaan ng Sangkatauhan
6 Napakarami(A) na ng mga tao sa daigdig nang panahong iyon. Nagkaroon sila ng mga anak na babae. 2 Nang makita ng mga anak ng Diyos[a] na ang mga babaing anak ng tao ay magaganda, ang mga ito'y pumili sa kanila ng kanya-kanyang asawa. 3 Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko ipapahintulot na mabuhay nang habang panahon ang tao, sapagkat siya'y makalaman. Hindi na lalampas sa 120 taon ang kanyang buhay sa daigdig.” 4 Nang(B) panahong iyon, may mga higante sa ibabaw ng lupa. Sila ang naging bunga ng pakikipagtalik ng mga anak ng Diyos sa mga anak ng tao. Ang mga higanteng iyon ay tinanghal na mga dakilang bayani at tanyag na tao noong unang panahon.
5 Nakita(C) ni Yahweh na laganap na ang kasamaan ng tao sa daigdig, at puro kasamaan na lamang ang palaging nasa isip nito. 6 Kaya't labis na ikinalungkot ni Yahweh na nilikha pa niya ang tao. 7 Sinabi niya, “Lilipulin ko ang lahat ng taong aking nilalang. Lilipulin ko rin ang lahat ng hayop at mga ibon. Ikinalulungkot kong nilalang ko pa ang mga ito.”
Read full chapterFootnotes
- Genesis 6:2 mga anak ng Diyos: o kaya'y mga nilalang mula sa langit .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.