Habakuk 1:1-11
Magandang Balita Biblia
1 Ang aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Habakuk.
Inireklamo ni Habakuk ang Kawalang-katarungan
2 O Yahweh, hanggang kailan ako hihingi ng tulong sa inyo,
bago ninyo ako dinggin,
bago ninyo ako iligtas sa karahasan?
3 Bakit puro kaguluhan at kasamaan
ang ipinapakita mo sa akin?
Sa magkabi-kabila'y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan;
laganap ang karahasan at ang labanan.
4 Ang batas ay walang bisa at walang pakinabang,
at hindi umiiral ang katarungan.
Sa husgado ay laging natatalo ng masasama ang walang kasalanan,
kaya't nababaluktot ang katarungan.
Ang Tugon ni Yahweh
5 Pagkatapos(A) ay sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan,
“Masdan mo ang mga bansang nakapalibot sa iyo
at mamamangha ka at magugulat sa iyong makikita.
Hindi magtatagal at mayroon akong gagawing
hindi mo paniniwalaan kapag nabalitaan mo.
6 Papalakarin(B) ko sa kapangyarihan ang mga taga-Babilonia—
ang bansang kilala sa kalupitan at karahasan.
Sinasalakay nila ang lahat ng dako ng daigdig
upang sakupin ang lupaing hindi kanila.
7 Naghahasik sila ng takot at sindak;
ipinagmamapuri nila na sila mismo ang batas.
8 Ang mga kabayo nila'y mas mabibilis kaysa mga leopardo,
mas mababangis kaysa mga asong-gubat pagsapit ng gabi.
Ang kanilang mga mangangabayo ay rumaragasa mula sa malalayong lupain;
para silang mga agila na dumadagit sa kanilang biktima.
9 Ang kanilang mga hukbo ay marahas na sumasalakay,
at lahat ay nasisindak habang sila'y nananakop.
Di mabilang na parang buhangin ang kanilang mga bihag.
10 Hinahamak nila ang mga hari,
at walang pinunong iginagalang.
Pinagtatawanan lamang nila ang bawat muog,
sapagkat ito'y kanilang nilulusob at madaling nakukuha.
11 Pagkatapos ay nagpapatuloy silang parang malakas na hangin;
walang dinidiyos
kundi ang sarili nilang lakas.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.