Habakuk 3:3-15
Ang Biblia, 2001
3 Ang Diyos ay dumating mula sa Teman,
at ang Banal mula sa Bundok ng Paran. Selah
Ang kanyang kaluwalhatia'y tumakip sa mga langit,
at ang lupa'y punô ng kanyang kapurihan.
4 Ang kanyang ningning ay parang liwanag;
may mga sinag na nagliliwanag mula sa kanyang kamay;
at doo'y ikinubli niya ang kanyang kapangyarihan.
5 Sa unahan niya'y nagpapauna ang peste,
at ang salot ay malapit na sumusunod.
6 Siya'y tumayo at sinukat ang lupa.
Siya'y tumingin at niliglig ang mga bansa;
at ang mga walang hanggang bundok ay nangalat;
ang mga burol na walang hanggan ay nagsiyukod.
Ang kanyang mga pamamaraan ay walang hanggan.
7 Nakita ko ang mga tolda sa Cusan na nasa pagdadalamhati.
Ang mga tabing ng lupain ng Midian ay nanginig.
8 Ang iyo bang poot ay laban sa mga ilog, O Panginoon?
Ang iyo bang galit ay laban sa mga ilog,
O ang iyo bang poot ay laban sa dagat,
kapag ikaw ay sumasakay sa iyong mga kabayo,
sa iyong karwahe ng kaligtasan?
9 Hubad na nilantad mo ang iyong pana,
ayon sa panunumpa na tungkol sa iyong salita. Selah
Iyong nilagyan ng mga ilog ang lupa.
10 Nakita ka ng mga bundok at ang mga ito'y nanginig;
ang rumaragasang tubig ay dumaan,
ibinigay ng kalaliman ang kanyang tinig,
at itinaas nito ang kanyang mga kamay.
11 Ang araw at buwan ay tumigil sa kanilang mataas na lugar,
sa liwanag ng iyong mga palaso sila'y umalis,
sa kislap ng iyong makinang na sibat.
12 Ikaw ay lumakad na may galit sa mga lupain,
iyong tinapakan ang mga bansa sa galit.
13 Ikaw ay lumabas upang iligtas ang iyong bayan,
at iligtas ang iyong pinahiran ng langis.
Iyong dinurog ang puno ng masamang sambahayan,
hinubaran mo siya mula hita hanggang sa leeg. Selah
14 Iyong tinusok ang ulo ng kanyang mga mandirigma ng kanyang sariling sibat;
na dumating na parang ipu-ipo upang pangalatin ako;
ang kanilang kagalakan ay sakmaling lihim ang dukha.
15 Iyong tinapakan ang dagat ng iyong mga kabayo,
ang bunton ng makapangyarihang tubig.