Add parallel Print Page Options

Ang aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Habakuk.

Inireklamo ni Habakuk ang Kawalang-katarungan

O Yahweh, hanggang kailan ako hihingi ng tulong sa inyo,
    bago ninyo ako dinggin,
    bago ninyo ako iligtas sa karahasan?
Bakit puro kaguluhan at kasamaan
    ang ipinapakita mo sa akin?
Sa magkabi-kabila'y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan;
    laganap ang karahasan at ang labanan.
Ang batas ay walang bisa at walang pakinabang,
    at hindi umiiral ang katarungan.
Sa husgado ay laging natatalo ng masasama ang walang kasalanan,
    kaya't nababaluktot ang katarungan.

Ang Tugon ni Yahweh

Pagkatapos(A) ay sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan,
“Masdan mo ang mga bansang nakapalibot sa iyo
    at mamamangha ka at magugulat sa iyong makikita.
Hindi magtatagal at mayroon akong gagawing
    hindi mo paniniwalaan kapag nabalitaan mo.
Papalakarin(B) ko sa kapangyarihan ang mga taga-Babilonia—
    ang bansang kilala sa kalupitan at karahasan.
Sinasalakay nila ang lahat ng dako ng daigdig
    upang sakupin ang lupaing hindi kanila.
Naghahasik sila ng takot at sindak;
    ipinagmamapuri nila na sila mismo ang batas.
Ang mga kabayo nila'y mas mabibilis kaysa mga leopardo,
    mas mababangis kaysa mga asong-gubat pagsapit ng gabi.
Ang kanilang mga mangangabayo ay rumaragasa mula sa malalayong lupain;
    para silang mga agila na dumadagit sa kanilang biktima.
Ang kanilang mga hukbo ay marahas na sumasalakay,
    at lahat ay nasisindak habang sila'y nananakop.
    Di mabilang na parang buhangin ang kanilang mga bihag.
10 Hinahamak nila ang mga hari,
    at walang pinunong iginagalang.
Pinagtatawanan lamang nila ang bawat muog,
    sapagkat ito'y kanilang nilulusob at madaling nakukuha.
11 Pagkatapos ay nagpapatuloy silang parang malakas na hangin;
    walang dinidiyos
    kundi ang sarili nilang lakas.”

Muling Dumaing si Habakuk

12 O Yahweh, kayo ay Diyos na walang hanggan.
    Kayo ang aking Diyos, banal at magpakailanman.
O Yahweh, aking Diyos at tanggulan,
    pinili ninyo ang mga taga-Babilonia at sila'y inyong pinalakas.
O Batong matibay, inilagay mo sila upang kami'y pahirapan,
    upang kami'y parusahan.
13 Ngunit paano ninyo natitiis ang mga taksil at masasamang taong ito?
Napakabanal ng inyong paningin upang masdan ang kasamaan.
    Hindi ninyo matitiis ang mga taong gumagawa ng mali.
Bakit hindi kayo kumikibo gayong pinupuksa nila
    ang mga taong higit na mabuti kaysa kanila?
14 Itinuturing mo ang mga tao na gaya ng mga isda,
    o gaya ng mga kulisap na walang mangunguna sa kanila.

15 Binibingwit sila ng mga taga-Babilonia na wari'y isda.
    Itinataboy nila ang mga ito sa mga lambat,
    at pagkatapos ay nagsisigawan sa galak!
16 Kaya't sinasamba pa nila ang kanilang mga lambat,
    at nag-aalay ng mga handog;
sapagkat ito ang nagbibigay sa kanila ng karangyaan.
17 Patuloy ba nilang gagamitin ang kanilang tabak
    at walang awang pupuksain ang mga bansa?

Ang Kapahamakan at Katubusan ng Israel

Mapapahamak ang mapaghimagsik na lunsod ng Jerusalem,
    punung-puno ng mga makasalanan at ng mga pinunong mapang-api.
Hindi ito sumusunod kay Yahweh
    at ayaw tumanggap ng kanyang pagtutuwid.
Wala itong tiwala sa kanya,
    at ayaw nitong lumapit sa Diyos upang humingi ng tulong.

Ang kanyang mga pinuno ay parang mga leong umuungal;
ang mga hukom nama'y parang mga asong-gubat sa gabi,
    na sa pagsapit ng umaga'y walang itinitira kahit na buto.
Ang kanyang mga propeta ay di mapagkakatiwalaan at mapanganib;
ang kanyang mga pari ay lapastangan sa mga bagay na sagrado;
    at binabaluktot ang kautusan para sa kanilang kapakinabangan.
Ngunit nasa lunsod pa rin si Yahweh;
    doo'y pawang tama ang kanyang ginawa
at kailanma'y hindi siya nagkakamali.
    Araw-araw ay walang tigil niyang ipinapakita
ang kanyang katarungan sa kanyang bayan,
    ngunit hindi pa rin nahihiya ang masasama sa paggawa ng kasalanan.

“Nilipol ko na ang mga bansa;
    winasak ko na ang kanilang mga tore at kuta.
Sinira ko na ang kanilang mga lansangan,
    kaya't wala ni isa mang doo'y dumaraan.
Giba na ang mga lunsod nila,
    wala nang naninirahan doon,” sabi ni Yahweh.
Kaya't nasabi ko, “Tiyak na matatakot na siya sa akin,
    tatanggap na siya ng aking pagtutuwid.
Hindi na niya ipagwawalang-bahala ang mga paalala ko.
Ngunit lalo pa siyang nasabik gumawa ng masama.”

“Kaya't hintayin ninyo ako,” sabi ni Yahweh,
    “hintayin ninyo ang araw ng aking pag-uusig.
Sapagkat ipinasya kong tipunin,
    ang mga bansa at ang mga kaharian,
upang idarang sila sa init ng aking galit,
    sa tindi ng aking poot;
at ang buong lupa ay matutupok sa apoy ng aking poot.

“Oo, sa panahong iyon ay babaguhin ko ang pananalita ng mga tao,
    at bibigyan ko sila ng dilang malinis,
upang sa kay Yahweh lamang manalangin at sumamba
    at buong pagkakaisang maglingkod sa kanya.
10 Mula sa kabilang panig ng mga ilog ng Etiopia,[a]
    ang aking nangalat na bayan,
    ay sasamba sa akin at magdadala ng kanilang handog.

11 “Sa araw na iyon ay hindi na kayo mapapahiya
    sa ginawa ninyong paghihimagsik sa akin,
sapagkat aalisin ko ang mga mapagmataas,
    at hindi na kayo maghihimagsik sa aking banal na bundok.
12 Iiwan ko roon
    ang mga taong mapagpakumbaba;
lalapit sila sa akin upang magpatulong.
13 Hindi(A) na gagawa ng kasamaan ang mga nakaligtas sa Israel;
    hindi na sila magsisinungaling ni mandaraya man.
Uunlad ang kanilang buhay at magiging panatag;
    wala na silang katatakutan.”

Isang Awit ng Kagalakan

14 Umawit ka nang malakas, Lunsod ng Zion! Sumigaw ka, Israel!
    Magalak ka ng buong puso, Lunsod ng Jerusalem!
15 Ang iyong kaparusahan ay inalis na ni Yahweh,
    at pinalayas na niya ang iyong mga kaaway.
Nasa kalagitnaan mo si Yahweh, ang Hari ng Israel,
    wala nang kasawiang dapat pang katakutan.
16 Sa araw na iyon ay sasabihin sa Jerusalem,
    “Huwag kang matakot, Zion;
    huwag kang panghinaan ng loob.
17 Nasa piling mo si Yahweh na iyong Diyos,
    at ang kanyang kapangyarihan ang magbibigay sa iyo ng tagumpay.
Siya ay magagalak sa iyo
    at ang pag-ibig niya ang magbibigay sa iyo ng bagong buhay.
Masaya siyang aawit sa laki ng kagalakan,
18     gaya ng nagdiriwang sa isang kapistahan.
Ililigtas kita sa iyong kapahamakan,
    upang huwag mo nang maranasan ang kahihiyan.
19 Sa panahong iyon ay haharapin ko ang mga umapi sa iyo.
Titipunin ko ang mga itinakwil,
    papalitan ko ng karangalan ang kanilang mga kahihiyan,
    at gagawin ko silang tanyag sa buong daigdig.
20 Sa panahong iyon, kayo'y aking titipunin at ibabalik sa inyong tahanan.
    Gagawin ko kayong bantog sa buong daigdig,
    at muli kong ibabalik ang inyong kayamanan at kasaganaan.”

Si Yahweh ang nagsabi nito.

Footnotes

  1. Zefanias 3:10 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan.

Iniutos ni Yahweh na Muling Itayo ang Templo

Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Hagai. Noong ikalawang taon ng paghahari ni Haring Dario sa Persia, noong unang araw ng ikaanim na buwan, si Yahweh ay nangusap kay Hagai para kay Zerubabel na gobernador ng Juda, anak ni Sealtiel, at sa pinakapunong pari na si Josue, anak ni Jehozadak.

Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Sinasabi ng mga taong ito na diumano'y hindi pa napapanahon upang itayong muli ang Templo.” Dahil dito, sa pamamagitan ni Propeta Hagai ay sinabi ni Yahweh sa sambayanan, “Tama ba na naninirahan kayo sa mga magaganda at maaayos na bahay ngunit wasak na wasak naman ang aking Templo? Hindi ba ninyo napapansin ang mga nangyayari sa inyo? Marami na kayong naihasik ngunit kaunti lamang ang inyong ani. May mga pagkain nga kayo ngunit kakaunti naman at hindi makabusog. May alak nga kayong naiinom ngunit hindi naman sapat upang magbigay kasiyahan. May damit nga kayong naisusuot ngunit giniginaw pa rin kayo sa taglamig. Kumikita nga ang manggagawa ngunit kinukulang pa rin siya. Alam ba ninyo kung bakit ganyan ang nangyayari? Hindi ako nasisiyahan sa mga ginagawa ninyo. Kaya pumunta kayo sa kagubatan at kumuha ng mga trosong gagamitin sa muling pagtatayo ng Templo upang ako ay masiyahan at doon ay mabigyan ng karangalan.”

“Umasa kayong aani ng masagana ngunit kayo'y nabigo. At ang kaunting ani na iniuwi ninyo ay akin pang isinambulat. Ginawa ko iyan sa inyo sapagkat abalang-abala kayo sa pagpapaganda ng inyong mga bahay samantalang ang Templo na aking tahanan ay pinababayaan ninyong wasak. 10 Iyan ang dahilan kaya kahit hamog ay hindi kayo napapatakan, at ang inyong mga pananim ay hindi lumalago. 11 Matinding tagtuyot ang ipinararanas ko sa buong lupain: sa mga kabukiran at kaburulan, sa mga inaning butil, sa mga bagong alak sa lahat ng ani, sa lahat ng tao at hayop, at sa lahat ng pinagpaguran ninyo.”

Sinunod ng Sambayanan ang Utos ni Yahweh

12 Natakot ang sambayanan kay Yahweh. Kaya't bilang tugon sa ipinasabi nito kay Propeta Hagai, sinunod nina Gobernador Zerubabel na anak ni Sealtiel at ng pinakapunong pari na si Josue, anak ni Jehozadak, gayundin ng buong sambayanang nagbalik mula sa pagkabihag sa Babilonia, ang ipinagagawa sa kanila ni Yahweh na kanilang Diyos. 13 Nalugod siya kaya't sa pamamagitan ni Propeta Hagai ay muli niyang ipinasabi sa sambayanan, “Nangangako akong kayo'y aking papatnubayan.” 14 Simula nga noon, si Yahweh ang nagbigay ng lakas ng loob sa lahat ng nagtatrabaho upang muling itayo ang Templo—hindi lamang ni Zerubabel na gobernador ng Juda at ni Josue na pinakapunong pari, kundi ng buong sambayanang lumaya at nagsibalik mula sa pagkabihag. Sama-sama at tulung-tulong nilang sinimulan ang muling pagtatayo ng Templo ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang kanilang Diyos, 15 noong ikadalawampu't apat na araw ng ikaanim na buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Dario.