Mga Hebreo 12:22-27
Magandang Balita Biblia
22 Sa halip, ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion at ang lungsod ng Diyos na buháy, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di mabilang na anghel. 23 Ang dinaluhan ninyo ay masayang pagtitipon[a] ng mga panganay na anak, na ang mga pangalan ay nakatala sa langit. Ang nilapitan ninyo ay ang Diyos na hukom ng lahat, at ang mga espiritu ng mga taong ginawang ganap. 24 Nilapitan ninyo si Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan, at ang dugong iwinisik na may pangako ng mas mabubuting bagay kaysa sa isinisigaw ng dugo ni Abel.
25 Kaya't(A) huwag kayong tumangging makinig sa kanya na nagsasalita. Ang tumangging makinig sa nagsalita sa kanila dito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa! Gaano pa kaya tayo, kung tayo'y tatangging makinig sa nagsasalita mula sa langit! 26 Dahil(B) sa kanyang tinig, nayanig noon ang lupa; ngunit ipinangako niya ngayon, “Minsan ko pang yayanigin, hindi lamang ang lupa, pati na rin ang langit.” 27 Ang mga salitang “Minsan pa” ay maliwanag na nagsasabing aalisin ang mga nilikhang nayayanig, upang manatili ang mga bagay na di-nayayanig.
Read full chapterFootnotes
- Mga Hebreo 12:23 masayang pagtitipon: o kaya'y mga anghel na masayang nagkakatipon .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.