Isaias 1:1-27:9
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
1 Ang aklat na itoʼy tungkol sa ipinahayag ng Dios kay Isaias na anak ni Amoz. Tungkol ito sa Juda at Jerusalem noong magkakasunod na naghari sa Juda sina Uzia, Jotam, Ahaz, at Hezekia.
Ang Makasalanang Bansa
2 Pakinggan ninyo langit at lupa, dahil sinabi ng Panginoon, “Inalagaan koʼt pinalaki ang mga Israelita na aking mga anak, pero nagrebelde sila sa akin. 3 Kahit ang mga bakaʼy kilala ang kanilang tagapag-alaga,[a] at ang mga asnoʼy alam kung saang sabsaban sila pinapakain ng nagmamay-ari sa kanila, pero ang mga mamamayan kong Israelita ay hindi nakakakilala sa akin.”
4 Sila ay bansang makasalanan, mga taong punong-puno ng kasamaan, lahi ng mga gumagawa ng masama at mapaminsala. Itinakwil nila at kinutya ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel, at siyaʼy tinalikuran nila.
5 Mga taga-Israel, bakit patuloy kayong nagrerebelde? Gusto pa ba ninyong maparusahan? Para kayong tao na puro sugat ang ulo at ang pusoʼy puno ng sakit. 6 Mula ulo hanggang talampakan, walang bahagi na walang sugat, pasa at pamamaga. Hindi ito nahuhugasan, o nabebendahan, o nagagamot.
7 Hindi na mapakinabangan ang inyong bansa; sinunog ng mga dayuhan ang mga lungsod ninyo. Kitang-kita ninyong sinasamsam nila ang mga bunga ng inyong pananim. Sinisira nila ang inyong lupain hanggang sa hindi na mapakinabangan. 8 Walang natira kundi ang Jerusalem.[b] Para itong silungan sa isang ubasan o isang kubol sa taniman ng mga pipino na mag-isang nakatayo, at para ring lungsod na pinalibutan ng kaaway. 9 Kung ang Panginoong Makapangyarihan ay hindi nagtira ng ilan sa atin, natulad na sana tayo sa Sodom at Gomora.
10 Kayong mga pinuno at mga mamamayan ng Jerusalem na katulad ng mga taga-Sodom at Gomora, pakinggan ninyo ang salita at kautusan ng Panginoon na ating Dios. 11 Sinabi niya, “Balewala sa akin ang napakarami ninyong handog. Sawang-sawa na ako sa inyong mga handog na sinusunog – ang mga tupa at ang mga taba ng mga pinatabang hayop. Hindi ako nalulugod sa dugo ng mga toro, tupa at mga kambing. 12 Sino ang nag-utos sa inyo na dalhin ang lahat ng ito kapag sumasamba kayo sa akin? Sino ang nag-utos sa inyong tumapak sa aking templo? 13 Tigilan nʼyo na ang pagdadala ng mga handog na walang silbi. Nasusuklam ako sa amoy ng mga insenso ninyo. Hindi ko na matiis ang mga pagtitipon nʼyo kapag Pista ng Pagsisimula ng Buwan at kapag Araw ng Pamamahinga, dahil kahit na nagtitipon kayo, gumagawa kayo ng kasamaan. 14 Nasusuklam ako sa inyong mga Pista ng Bagong Buwan at sa iba pa ninyong mga pista. Sobra-sobra na! Hindi ko na ito matiis!
15 “Kapag mananalangin kayo hindi ko kayo papansinin. Kahit paulit-ulit pa kayong manalangin hindi ko kayo pakikinggan dahil marami kayong pinatay na tao. 16 Linisin ninyo ang inyong sarili. Tigilan na ninyo ang paggawa ng kasamaan sa aking harapan. 17 Pag-aralan ninyong gumawa ng mabuti at pairalin ang katarungan. Sawayin ninyo ang mga nang-aapi[c] at ipagtanggol ninyo ang karapatan ng mga ulila at mga biyuda.”
18 Sinabi pa ng Panginoon, “Halikayoʼt pag-usapan natin ito. Kahit gaano man karumi ang inyong mga kasalanan, lilinisin ko iyan para maging malinis kayo. 19 Kung susunod lang kayo sa akin ay pagpapalain ko kayo.[d] 20 Pero kung patuloy kayong magrerebelde, tiyak na mamamatay kayo.”
Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon.
Ang Makasalanang Lungsod
21 Tingnan ninyo ang lungsod ng Jerusalem. Matapat ito noon, pero ngayoʼy para nang babaeng bayaran. Datiʼy mga taong matuwid ang mga nakatira rito, pero ngayon ay mga mamamatay-tao. 22 Jerusalem, datiʼy mahalaga ka tulad ng pilak, pero ngayon ay wala ka nang silbi. Noon para kang mamahaling alak, pero ngayon ay para ka nang alak na may halong tubig. 23 Ang mga pinuno moʼy mga suwail at kasabwat ng mga magnanakaw. Gusto nila palagi ng suhol, at nanghihingi ng mga regalo. Hindi nila ipinagtatanggol ang karapatan ng mga ulila at hindi rin nila pinapakinggan ang daing ng mga biyuda.
24 Kaya sinabi ng Panginoon, ang Makapangyarihang Dios ng Israel, “Gagaan ang kalooban ko kapag naparusahan ko na kayong mga taga-Jerusalem na aking mga kaaway. 25 Parurusahan ko kayo para magbago kayo, katulad ng pilak na dinadalisay sa apoy. 26 Muli ko kayong bibigyan ng mga pinuno at mga tagapayo, katulad noong una. At ang lungsod ninyo ay tatawaging lungsod ng mga matuwid at tapat na mga tao.”
27 Magsisisi ang mga tao sa Jerusalem,[e] at ito ay ililigtas ng Dios at magiging matuwid ang pagtrato ng mga pinuno sa lahat ng mga mamamayan. 28 Pero lilipulin niya ang mga suwail at mga makasalanan, ang mga taong tumalikod sa Panginoon.
29 Mapapahiya kayo na mga taga-Jerusalem dahil sa pagsamba ninyo sa mga puno ng ensina at sa mga sagradong halamanan. 30 Matutulad kayo sa isang nalalantang puno ng ensina, at sa isang halamanang hindi nadidiligan. 31 Ang mga makapangyarihan sa inyo ay magiging katulad ng tuyong kahoy na madaling masunog, at ang masasama nilang gawa ay magiging parang tilamsik ng apoy na susunog sa kanila. Walang makakapatay sa apoy na iyon.
Kapayapaan sa Mundo(A)
2 Ito ang ipinahayag ng Dios kay Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem:
2 Sa mga huling araw, ang bundok na kinatatayuan ng templo ng Panginoon ay magiging pinakamahalaga sa lahat ng bundok.
Dadagsa rito ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bansa.
3 Sasabihin nila, “Tayo na sa bundok ng Panginoon, sa templo ng Dios ni Jacob.
Tuturuan niya tayo roon ng kanyang mga pamamaraan upang sundin natin.”
Kaya magsisiuwi ang mga tao mula sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, na dala ang Kautusan ng Panginoon.
4 At sa pamamagitan ng mga kautusan niya, pagkakasunduin niya ang maraming bansa.
Kaya hindi na magdidigmaan ang mga bansa, at hindi na rin sila magsasanay ng mga sundalo para sa digmaan.
Gagawin na lang nilang talim ng araro ang kanilang mga espada, at karit na pantabas ang kanilang mga sibat.
5 Halikayo, mga lahi ni Jacob, mamuhay tayo sa katotohanan,[f] na ibinigay sa atin ng Panginoon.
Ang Araw na Magpaparusa ang Dios
6 Totoong itinakwil nʼyo, Panginoon, ang mga mamamayan ninyo, ang lahi ni Jacob, dahil naniniwala sila sa mga pamahiing mula sa silangan at sa mga manghuhula, gaya ng mga Filisteo. Sinusunod nila ang pag-uugali ng mga dayuhan. 7 Sagana sa pilak at ginto ang lupain ng Israel, at hindi nauubos ang kanilang kayamanan. Napakarami nilang kabayo, at hindi mabilang ang mga karwahe nila. 8 Marami silang dios-diosan, at sinasamba nila ang mga bagay na ito na sila mismo ang gumawa. 9 Kaya Panginoon, ibagsak nʼyo ang bawat isa sa kanila, nang mapahiya sila. Huwag nʼyo silang patatawarin.
10 Mga taga-Israel, tumakas kayo papunta sa mga kweba at mga hukay para magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan. 11 Darating ang araw na tanging ang Panginoon lamang ang pupurihin. Ibabagsak niya ang mayayabang at mga mapagmataas. 12 Sapagkat nagtakda ang Panginoong Makapangyarihan ng araw kung kailan niya ibabagsak ang mga mayayabang at mapagmataas, at ang mga nag-aakalang silaʼy makapangyarihan. 13 Puputulin niya ang lahat ng matataas na puno ng sedro sa Lebanon at ang lahat ng puno ng ensina sa Bashan. 14 Papantayin niya ang lahat ng matataas na bundok at burol, 15 at wawasakin ang lahat ng matataas na tore at pader. 16 Palulubugin niya ang lahat ng barko ng Tarshish at ang mga naggagandahang sasakyang pandagat. 17 Ibabagsak nga niya ang mayayabang at mga mapagmataas. Tanging ang Panginoon ang maitataas sa araw na iyon. 18 At tuluyan nang mawawala ang mga dios-diosan.
19 Kapag niyanig na niya ang mundo, tatakas ang mga tao papunta sa mga kweba sa burol at sa mga hukay sa lupa para magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan. 20 Sa araw na iyon, itatapon nila sa mga daga at mga paniki ang mga rebulto nilang pilak at ginto na ginawa nila para sambahin. 21 Tatakas nga sila papunta sa mga kweba sa burol at sa malalaking bato para magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan kapag niyanig na niya ang mundo.
22 Huwag kayong magtitiwala sa tao. Mamamatay lang din sila. Ano ba ang magagawa nila?
Ang Parusa sa Jerusalem at Juda
3 Makinig kayo! Kukunin ng Panginoon, ang Panginoong Makapangyarihan, ang lahat ng inaasahan ng mga taga-Jerusalem at taga-Juda: ang pagkain at tubig nila, 2 ang mga bayani, kawal, hukom, propeta, manghuhula, tagapamahala, 3 kapitan ng mga kawal, mararangal na tao, mga tagapayo, at ang mga dalubhasang salamangkero[g] nila at mga manggagayuma. 4 Ang pamumunuin ng Panginoon sa kanila ay mga kabataan. 5 Aapihin ng bawat isa ang kanyang kapwa. Lalabanan ng mga bata ang matatanda, at lalabanan ng mga hamak ang mararangal.
6-7 Sa mga araw na iyon, pupuntahan ng isang tao ang kanyang kamag-anak at sasabihin, “Maayos pa naman ang damit mo, ikaw na lang ang mamuno sa amin sa panahong ito na wasak ang ating lugar.” Pero sasagot siya, “Hindi ko kayo matutulungan. Wala ring pagkain o damit ang aking pamilya, kaya huwag nʼyo akong gagawing pinuno.”
8 Tiyak na mawawasak ang Jerusalem at Juda, dahil nilalabag nila ang Panginoon sa kanilang mga salita at gawa. Nilalapastangan nila ang makapangyarihang presensya ng Panginoon. 9 Halatang-halata sa mga mukha nila ang kanilang pagkakasala. Hayagan silang gumagawa ng kasalanan tulad ng Sodom at Gomora. Hindi na nila ito itinatago. Nakakaawa sila! Sila na mismo ang nagpapahamak sa sarili nila.
10 Sabihin ninyo sa mga matuwid na mapalad sila, dahil aanihin nila ang bunga ng mabubuti nilang gawa. 11 Pero nakakaawa ang masasama, dahil darating sa kanila ang kapahamakan. Gagantihan sila ayon sa mga ginawa nila.
12 Sinabi ng Panginoon, “Inaapi ng mga kabataan ang mga mamamayan ko. Pinamumunuan sila ng mga babae.
“Mga mamamayan ko, nililinlang kayo ng mga pinuno ninyo. Inaakay nila kayo sa maling daan.”
13 Nakahanda na ang Panginoon para hatulan ang kanyang mga mamamayan.[h] 14 Hahatulan niya ang mga tagapamahala at mga pinuno ng mga mamamayan niya. Ito ang paratang niya sa kanila, “Sinira ninyo ang aking ubasan na siyang aking mga mamamayan. Ang mga bahay ninyo ay puno ng mga bagay na sinamsam ninyo sa mga mahihirap. 15 Bakit ninyo inaapi ang mga mamamayan ko at ginigipit ang mga mahihirap?” Iyan ang sinabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan.
16 Sinabi pa ng Panginoon, “Mayayabang ang mga babae sa Jerusalem. Akala mo kung sino sila kung maglakad. Pinakakalansing pa nila ang mga alahas sa mga paa nila, at kapag tumitingin sila ay may kasama pang kindat. 17 Kaya patutubuan ko ng mga galis ang mga ulo nila at makakalbo sila.”
18 Sa araw na iyon, kukunin ng Panginoon ang mga alahas sa kanilang paa, ulo, at leeg. 19 Kukunin din sa kanila ang kanilang mga hikaw, pulseras, belo, 20 turban, alahas sa braso, sinturon, pabango at mga anting-anting. 21 Kukunin pati ang kanilang mga singsing sa daliri at ilong, 22 ang kanilang mga mamahaling damit, mga kapa, mga balabal, mga pitaka, 23 mga salamin, mga damit na telang linen, mga putong, at mga belo. 24 Kung dati silang mabango, babaho sila. Lubid ang isisinturon nila, at kakalbuhin ang magaganda nilang buhok. Ang magagara nilang damit ay papalitan ng sako, at mawawala ang kanilang kagandahan.
25 Mamamatay sa digmaan ang mga lalaki ng Jerusalem kahit na ang matatapang nilang mga kawal. 26 May mga iyakan at pagluluksa sa mga pintuan ng bayan. At ang lungsod ay matutulad sa babaeng nakalupasay sa lupa, na nawalan ng lahat ng ari-arian.
4 Sa mga araw na iyon, pitong babae ang mag-aagawan sa isang lalaki at sasabihin nila, “Kami na ang bahala sa pagkain at damit namin, pakasalan mo lang kami para hindi kami kahiya-hiya dahil wala kaming asawa.”
Muling Pagpapalain ang Jerusalem
2 Darating ang araw na pasasaganain at pagagandahin ng Panginoon ang mga pananim[i] sa Israel, at ang mga ani ng lupain ay magiging karangalan at kaligayahan ng natitirang mga tao sa Jerusalem. 3 Tatawaging banal ang mga natirang buhay sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem. 4 Sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, hahatulan niya at lilinisin ang kasamaan ng mga babae sa Jerusalem at ang mga patayan doon. 5 Pagkatapos, lilikha ang Panginoon ng ulap na lililim sa ibabaw ng Jerusalem[j] at sa mga nagtitipon doon. Lilikha rin siya ng nagniningas na apoy na magbibigay ng liwanag kung gabi. Tatakip ito sa Jerusalem na parang isang malapad na tolda, 6 at parang kubol na magsisilbing lilim sa init ng araw at kublihan sa panahon ng bagyo at ulan.
Awit tungkol sa Ubasan
5 Aawit ako para sa aking minamahal tungkol sa kanyang ubasan:
May ubasan ang aking minamahal sa burol na mataba ang lupa.
2 Inararo niya ito, inalisan ng mga bato, at tinamnan ng mga piling ubas.
Nagtayo siya ng isang bantayang tore sa ubasang ito, at nagpagawa ng pigaan ng ubas sa bato.
Pagkatapos, naghintay siyang magbunga ito ng matamis,
pero nagbunga ito ng maasim.
3 Kaya ito ang sinabi ng may-ari ng ubasan: “Kayong mga mamamayan ng Jerusalem at Juda, hatulan nʼyo ako at ang aking ubasan. 4 Ano pa ang nakalimutan kong gawin sa ubasan ko? Matamis na bunga ang inaasahan ko, pero nang pitasin ko ito ay maasim.
5 “Sasabihin ko sa inyo ang gagawin ko sa ubasan ko. Aalisin ko ang mga nakapaligid na halaman na nagsisilbing bakod ng ubasan, at wawasakin ko ang pader nito, para kainin at apak-apakan ng mga hayop ang mga tanim na ubas. 6 Pababayaan ko na lang ito at hindi na aasikasuhin. Hindi ko na rin ito puputulan ng mga sanga o bubungkalin. Hahayaan ko na lang ito na mabaon sa mga damo at mga halamang may tinik. At uutusan ko ang mga ulap na huwag itong patakan ng ulan.”
7 Ang ubasan ng Panginoong Makapangyarihan na kanyang inalagaan at magbibigay sana sa kanya ng kaligayahan ay ang Israel at Juda. Umasa siyang paiiralin nila ang katarungan, pero pumatay sila. Umasa siyang paiiralin nila ang katuwiran pero pang-aapi ang ginawa nila.
Ang Kasamaang Ginawa ng mga Tao
8 Nakakaawa kayong mga nagpaparami ng mga bahay at nagpapalawak ng inyong mga lupain hanggang sa wala ng lugar ang iba at kayo na lang ang nakatira sa lupaing ito. 9 Sinabi sa akin ng Panginoong Makapangyarihan, “Ang malalaki at naggagandahang bahay na ito ay hindi na titirhan. 10 Ang dalawang ektaryang ubasan ay aani na lang ng anim na galong katas ng ubas. At ang sampung takal na binhi ay aani lang ng isang takal.”
11 Nakakaawa kayong maaagang bumangon para magsimulang mag-inuman at naglalasing hanggang gabi. 12 May mga banda pa kayo at mga alak sa inyong mga handaan. Pero hindi ninyo pinapansin ang ginagawa ng Panginoon. 13 Kaya kayong mga mamamayan ko ay bibihagin dahil hindi nʼyo nauunawaan ang mga ginagawa ko. Kayo at ang mga pinuno ninyo ay mamamatay sa gutom at uhaw.
14 Bumubukas na nang maluwang ang libingan. Hinihintay nito na maipasok sa kanya ang mga kilala at makapangyarihang mga mamamayan ng Jerusalem, pati ang mga mamamayang nag-iingay at nagsasaya.
15 Kaya ibabagsak ang lahat ng tao, lalo na ang mga mapagmataas. 16 Pero ang Panginoong Makapangyarihan ay dadakilain sa kanyang paghatol. Sa pamamagitan ng matuwid niyang paghatol, ipinapakita niyang siya ay banal na Dios. 17 Ang nawasak na lungsod na tinitirhan ng mga mayayaman ay ginawang pastulan ng mga tupa.
18 Nakakaawa kayong mga gumagawa ng kasamaan sa pamamagitan ng pagsisinungaling. 19 Sinasabi nʼyo pa, “Bilis-bilisan sana ng banal na Dios ng Israel na gawin ang sinabi niyang kaparusahan para makita na namin. Magkatotoo na nga ang kanyang plano, para malaman namin ito.”
20 Nakakaawa kayong mga nagsasabi na ang masama ay mabuti at ang mabuti ay masama. Ang kadiliman ay sinasabi ninyong liwanag at ang liwanag ay sinasabi ninyong kadiliman. Ang mapait ay sinasabi ninyong matamis at ang matamis ay sinasabi ninyong mapait.
21 Nakakaawa kayo, kayong mga nag-aakalang kayoʼy marurunong at matatalino.
22 Nakakaawa kayo, kayong malakas uminom ng alak at bihasa sa pagtitimpla nito. 23 Pinakakawalan ninyo ang may mga kasalanan dahil sa suhol, pero hindi ninyo binibigyan ng katarungan ang mga walang kasalanan. 24 Kaya matutulad kayo sa dayami o tuyong damo na masusunog ng apoy. Matutulad din kayo sa tanim na ang mga ugat ay nabulok o sa bulaklak na tinangay ng hangin na parang alikabok, dahil itinakwil ninyo ang Kautusan ng Panginoong Makapangyarihan, ang Banal na Dios ng Israel. 25 Kaya dahil sa matinding galit ng Panginoon sa inyo na kanyang mga mamamayan, parurusahan niya kayo. Mayayanig ang mga bundok at kakalat sa mga lansangan ang inyong mga bangkay na parang mga basura. Pero hindi pa mapapawi ang galit ng Panginoon. Nakahanda pa rin siyang magparusa sa inyo.
26 Sesenyasan niya ang mga bansa sa malayo; sisipulan niya ang mga nakatira sa pinakamalayong bahagi ng mundo, at agad silang darating para salakayin kayo. 27 Ni isa man sa kanila ay hindi mapapagod o madadapa, at wala ring aantukin o matutulog. Walang sinturon na matatanggal sa kanila, o tali ng sapatos na malalagot. 28 Matutulis ang kanilang mga palaso, at handang-handa na ang kanilang mga pana. Ang kuko ng kanilang mga kabayo ay parang matigas na bato, at ang pag-ikot ng mga gulong ng kanilang karwahe ay parang buhawi. 29 Sa pagsalakay nila ay sisigaw sila na parang mga leon na umuungal. Ang mabibiktima nila ay dadalhin nila sa malayong lugar at walang makakaligtas sa mga ito.
30 Sa araw na sumalakay sila sa Israel, sisigaw sila na parang ugong ng dagat. At kapag tiningnan ng mga tao ang lupain ng Israel, ang makikita nila ay kadiliman at kahirapan. Ang liwanag ay matatakpan ng makapal na ulap.
Ang Pagkatawag kay Isaias
6 Noong taon ng pagkamatay ni Haring Uzia, nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa napakataas na trono. Ang mahabang damit niya ay tumakip sa buong templo. 2 May mga makalangit na nilalang[k] sa gawing ulo niya. Ang bawat isa sa kanila ay may anim na pakpak: Ang dalawang pakpak ay nakatakip sa kanilang mukha, ang dalawa ay nakatakip sa kanilang paa, at ang dalawa ay ginagamit nila sa paglipad. 3 Sinasabi nila sa isaʼt isa:
“Banal, Banal, Banal, ang Panginoong Makapangyarihan! Ang kapangyarihan niyaʼy sumasakop sa buong mundo.”
4 Sa lakas ng tinig nila, nayanig ang mga pundasyon ng templo at napuno ng usok ang loob ng templo. 5 Sinabi ko, “Nakakaawa ako! Tiyak na mapapahamak ako, dahil akoʼy may makasalanang labi at naninirahan ako sa piling ng mga taong makasalanan din ang mga labi. At ngayon, nakita ko ang Hari, ang Panginoong Makapangyarihan.”
6 Pagkatapos, lumipad ang isa sa mga makalangit na nilalang papunta sa akin, may dala siyang baga na kinuha niya sa altar. 7 Inilapat niya ang baga sa aking bibig at sinabi, “Hinipo nito ang iyong bibig, at wala ka nang kasalanan dahil pinatawad ka na.” 8 Pagkatapos, narinig ko ang tinig ng Panginoon na nagsasabi, “Sino ang susuguin ko? Sino ang lalakad para sa amin?” Sumagot ako, “Narito po ako! Ako ang isugo ninyo.”
9 Sinabi niya, “Umalis ka at sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel, ‘Makinig man kayo nang makinig ay hindi rin kayo makakaunawa. Tumingin man kayo nang tumingin, hindi rin kayo makakakita!’ ”
10 Sinabi pa niya, “Patigasin mo ang puso ng mga taong ito. Hayaan mo silang magbingi-bingihan at magbulag-bulagan, dahil baka makarinig sila, makakita, at makaunawa. Dahil kung makaunawa sila, magbabalik-loob sila sa akin, at gagaling.”
11 Nagtanong ako, “Panginoon, gaano katagal?” Sumagot siya, “Hanggang sa mawasak ang mga lungsod ng Israel at wala nang manirahan dito. Hanggang sa wala nang tumira sa mga bahay at ang lupain ay maging tiwangwang at wasak. 12 Hanggang sa palayasin ko ang mga Israelita at ang lupain nila ay mapabayaan na. 13 Kahit maiwan pa ang ikasampung bahagi ng mga Israelita sa lupain ng Israel, lilipulin pa rin sila. Pero may mga pinili akong matitira sa kanila. Ang katulad nilaʼy tuod ng pinutol na punong ensina.”
Ang Mensahe para kay Haring Ahaz
7 Noong si Ahaz na anak ni Jotam at apo ni Uzia ang hari ng Juda, sinalakay ang Jerusalem. Sinalakay ito ni Haring Rezin ng Aram[l] at ni Haring Peka ng Israel, na anak ni Remalia. Pero hindi nila naagaw ang Jerusalem.
2 Nang mabalitaan ng hari ng Juda[m] na nagkampihan ang Aram at Israel,[n] siya at ang mga mamamayan niya ay nanginig sa takot. Nanginig sila na parang punong niyayanig ng hangin.
3 Sinabi ng Panginoon kay Isaias, “Isama mo ang anak mong si Shear Jashub[o] at salubungin ninyo si Ahaz sa dulo ng daluyan ng tubig na nasa itaas ng lugar na pinag-iimbakan ng tubig, malapit sa daan papunta sa pinaglalabahan. 4 Ito ang sasabihin mo sa kanya, ‘Humanda ka! Pumanatag ka at huwag matakot. Huwag kang kabahan dahil sa tindi ng galit nina Haring Rezin ng Aram at Haring Peka na anak ni Remalia. Ang dalawang itoʼy parang mga tuod ng puno na umuusok pero walang apoy. 5 Nagplano sila ng masama laban sa iyo. Nagkasundo sila at sinabi, 6 “Lusubin natin ang Juda at sakupin. Pagkatapos, paghati-hatian natin ang kanyang lupain at gawing hari roon ang anak ni Tabeel.”
7 “ ‘Pero sinabi ng Panginoong Dios na hindi mangyayari iyon. 8-9 Sapagkat ang Damascus ay kabisera lang ng Aram, at si Rezin ay sa Damascus lang naghahari. At ang Samaria ay kabisera lang ng Israel, at si Peka na anak ni Remalia ay sa Samaria rin lang naghahari. Tungkol naman sa Israel, mawawasak ito sa loob ng 65 taon, at hindi na ito matatawag na bansa. Kung hindi matatag ang pananalig nʼyo sa Dios, tiyak na mapapahamak kayo.’ ”
10 Muling nangusap ang Panginoon kay Ahaz, 11 “Ako ang Panginoon na iyong Dios. Humingi ka sa akin ng palatandaan bilang patunay na gagawin ko ang aking ipinangako. Kahit magmula man ito sa ilalim, doon sa lugar ng mga patay, o sa itaas, doon sa langit.” 12 Pero sumagot si Ahaz, “Hindi ako hihingi ng palatandaan. Hindi ko susubukin ang Panginoon.”
13 Sinabi ni Isaias, “Makinig kayong mga angkan ni David. Hindi pa ba kayo nasisiyahan sa pang-iinis nʼyo sa mga tao? At ngayon, ang Dios ko naman ang iniinis ninyo? 14 Dahil dito, ang Panginoon na mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan: Magbubuntis ang isang birhen,[p] at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki. At tatawagin niya ang bata na Emmanuel.[q] 15-16 Bago siya magkaisip at makakain ng keso[r] at pulot, ang lupain ng dalawang hari na kinatatakutan mo, Ahaz, ay mawawasak at pababayaan na lang. 17 Pero darating ang araw na ikaw at ang mga mamamayan mo, pati na ang sambahayan mo, ay ipapalusob ng Panginoon sa hari ng Asiria. At mararanasan ninyo ang hirap na hindi pa ninyo naranasan mula nang humiwalay ang Israel sa Juda.”
18 Sa araw na iyon, sisipulan ng Panginoon ang mga taga-Egipto at Asiria. Darating ang mga taga-Egipto na parang mga langaw mula sa malalayong ilog ng Egipto. Darating din ang mga taga-Asiria na parang mga pukyutan. 19 At ang mga ito ay maninirahan sa lahat ng dako: sa matatarik na lambak, sa mga kweba ng mga bangin, sa mga halamang matitinik, at sa mga pastulan.
20 Sa araw na iyon, gagamitin ng Panginoon ang hari ng Asiria para lubusang wasakin ang inyong lupain. Magmimistula siyang isang barbero na galing sa kabila ng Ilog ng Eufrates na binayaran para ahitin ang inyong buhok, balahibo, at balbas.
21 Sa panahong iyon, ang maaalagaan lamang ng bawat tao ay tig-iisang dumalagang baka at dalawang kambing, 22 na siyang pagkukunan nila ng gatas. Keso[s] at pulot ang magiging pagkain ng lahat ng naiwan sa Juda. 23 Sa panahon ding iyon, ang ubasan na may 1,000 puno na nagkakahalaga ng 1,000 pirasong pilak ay maging masukal at mapupuno ng halamang may tinik. 24 Mangangaso ang mga tao roon na dala ang kanilang mga pana at sibat dahil naging masukal na ito at puno ng mga halamang may tinik. 25 Wala nang pupunta sa mga burol na dating tinataniman, dahil masukal na at puno ng mga halamang may tinik. Magiging pastulan na lang ito ng mga baka at tupa.
Ipinanganak ang Anak na Lalaki ni Isaias
8 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Kumuha ka ng isang malapad na sulatan, at isulat mo ang mga katagang ito: ‘Maher Shalal Hash Baz.’ ”[t] 2 Kumuha ako ng dalawang mapagkakatiwalaang saksi na magpapatunay na isinulat ko nga ito. Sila ay sina Uria na pari, at Zacarias na anak ni Jeberekia.
3 Pagkatapos, sumiping ako sa aking asawa. Hindi nagtagal, naglihi siya at nanganak ng lalaki. Sinabi ng Panginoon sa akin, “Pangalanan mo siyang Maher Shalal Hash Baz. 4 Bago matutong tumawag ang bata ng ‘tatay’ o ‘nanay,’ ang kayamanan ng Damascus at ang mga sinamsam ng Samaria ay kukunin ng hari ng Asiria.”
5 Sinabi pa ng Panginoon sa akin, 6 “Dahil sa tinanggihan ng mga taong ito[u] ang tubig ng Shiloa na umaagos nang banayad,[v] at natutuwa sila kay Haring Rezin at Haring Peka, 7 ipapasalakay ko sila sa hari ng Asiria at sa mga sundalo nito na parang Ilog ng Eufrates na bumabaha at umaapaw sa kanyang mga pampang. 8 Dadagsa sila sa Juda gaya ng baha na ang tubig ay tumataas hanggang leeg at umaapaw sa buong lupain.”
Pero kasama namin ang Dios![w] 9 Kayong mga bansa, kahit na magsama-sama kayo, magkakawatak-watak pa rin kayo. Makinig kayong mga nasa malayo! Kahit na maghanda pa kayo sa pakikipagdigma, matatalo pa rin kayo. 10 Anuman ang binabalak ninyo laban sa amin ay hindi magtatagumpay, dahil kasama namin ang Dios.[x]
Panawagan ng Pagtitiwala sa Dios
11 Mariin akong binalaan ng Panginoon na huwag kong gagayahin ang pamamaraan ng mga kababayan ko. 12 Sinabi rin niya, “Huwag kayong makikipag-isa sa ibang mga bansa katulad ng ginagawa ng iba. Huwag kayong matatakot sa kinakatakutan nila, at huwag kayong kabahan. 13 Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay dapat ninyong kilalaning banal. Ako ang dapat ninyong katakutan. 14 Ako ang magiging kanlungan ninyo. Pero sa mga taga-Israel at taga-Juda, katulad ako ng isang batong naging katitisuran sa mga tao, at nakakapagpadapa sa kanila. At para sa mga taga-Jerusalem, para akong isang bitag. 15 Marami sa kanila ang matitisod, madadapa at mapapahamak. Masisilo sila at mahuhuli.”
16 Kayong mga tagasunod ko, ingatan ninyo ang mga aral ko. 17 Magtitiwala ako sa Panginoon kahit na tinalikuran niya ang lahi ni Jacob. Sa kanya ako aasa. 18 Ako at ang mga anak kong ibinigay ng Panginoon ay mga palatandaan para sa Israel[y] mula sa Panginoong Makapangyarihan na nakatira sa Bundok ng Zion. 19 Kapag may mga nagsasabi sa inyong humingi kayo ng mensahe mula sa mga patay sa pamamagitan ng mga mangkukulam at mga espiritistang bumubulong-bulong, huwag ninyong gagawin iyon. Hindi ba dapat sa Dios kayo humingi ng mensahe? Bakit sa mga patay kayo nagtatanong tungkol sa mga buhay? 20 Ang kautusan at katuruan ng Panginoon ang dapat ninyong pakinggan. Kapag may mga nagsasabi ng mga bagay na salungat sa mga itinuturo ng Panginoon, nadidiliman pa ang pag-iisip ng mga taong iyon.
21 Lalakad sila na pagod at gutom. At dahil sa gutom, magagalit sila at susumpain ang hari nila at ang kanilang Dios. Tumingala man sila sa langit 22 o tumingin sa lupa wala silang makikita kundi kahirapan at kadiliman. At doon sila dadalhin sa matinding kadiliman.
Ang Haring Darating
9 Pero darating ang araw na mawawala rin ang kadiliman sa lupaing nasa kahirapan. Noong una, inilagay ng Panginoon sa kahihiyan ang lupain ng Zebulun at Naftali. Pero darating ang araw na pararangalan niya ang mga lugar na ito na daanan patungo sa lawa[z] at nasa kabila ng Ilog ng Jordan. Ang mga lugar na itoʼy sakop ng Galilea at tinitirhan ng mga hindi Judio. 2 Nabubuhay sa kadiliman ang mga tao roon, ngunit makakakita sila ng matinding liwanag.
Kahit nasa kadiliman sila at natatakot mamatay, maliliwanagan sila.
3 Panginoon, bigyan nʼyo po sila ng malaking kagalakan, at matutuwa sila sa presensya nʼyo katulad ng mga taong natutuwa kapag panahon na ng anihan, o katulad din ng mga taong nagdiriwang sa paghahati-hati nila ng mga nasamsam sa digmaan. 4 Sapagkat palalayain nʼyo sila sa mga umaapi sa kanila. Magiging katulad sila ng mga hayop na binali nʼyo ang pamatok na kahoy na pasan-pasan nila at ang pamalo na ipinapalo sa kanila. Gagawin nʼyo po sa kanila ang ginawa nʼyo noon nang lupigin nʼyo ang mga taga-Midian.[aa] 5 Matutuwa sila dahil matitigil na ang mga digmaan. Susunugin na ang mga uniporme ng mga sundalo na puno ng dugo, pati ang kanilang mga bota.
6 Ipapanganak ang isang batang lalaki na maghahari sa amin. Tatawagin siyang, “Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang Hanggang Ama, at Prinsipe ng Kapayapaan.” 7 Hindi magwawakas ang pag-unlad ng kanyang pamamahala, at maghahari ang kapayapaan. Siya ang magmamana ng kaharian ni David. Patatatagin niya ito at paghahariang may katarungan at katuwiran magpakailanman. Sisiguraduhin ng Panginoong Makapangyarihan na matutupad ito.
Ang Galit ng Dios sa Israel
8 Sinabi ng Panginoon na parurusahan niya ang Israel, ang lahi ni Jacob. 9 At alam[ab] ito ng lahat ng tao sa Israel,[ac] pati ng mga nasa Samaria na kabisera nito. Pero nagmamataas pa rin sila at payabang na sinasabi, 10 “Mawasak man ang mga itinayo naming bahay na yari sa brik at kahoy na sikomoro, papalitan naman namin ito ng bato at kahoy na sedro.”
11 Kaya ipapasalakay sila ng Panginoon sa mga taga-Asiria na kaaway ni Haring Rezin. 12 Ang Israel ay wawasakin ng mga taga-Aram sa gawing silangan, at ng mga Filisteo sa gawing kanluran, tulad ng mabangis na hayop na sisila sa kanila. Pero hindi pa napapawi ang galit ng Panginoon, kaya nakahanda pa siyang magparusa sa kanila.
13 Dahil ayaw pa ring magbalik-loob ng mga Israelita sa Panginoong Makapangyarihan na nagparusa sa kanila, 14 hindi magtatagal ay paparusahang muli ng Panginoon ang buong Israel. Matutulad sila sa hayop na puputulan ng buntot at ulo. 15 Ang ulo ay ang mga pinuno at ang mga iginagalang na tao, at ang buntot ay ang mga sinungaling na propeta. 16 Ang mga namumuno sa mga mamamayan ng Israel ay ang mga nanlilinlang sa kanila, kaya naliligaw ang mga mamamayan. 17 Dahil dito, hindi nalulugod ang Panginoon sa mga kabataan nilang lalaki, at hindi niya kinakaawaan ang mga ulila nilaʼt mga biyuda. Sapagkat masama ang lahat at hindi makadios; nakakahiya ang lahat ng sinasabi nila.
Kaya hindi pa rin mapapawi ang galit ng Panginoon, at nakahanda pa siyang magparusa sa kanila. 18 Sapagkat ang kasamaan nila ay tulad ng apoy na tumutupok ng mga halamang may tinik. Naglalagablab ito na parang apoy na tumutupok ng mga kahoy, at ang makapal na usok ay pumapailanlang. 19 Dahil sa galit ng Panginoong Makapangyarihan, masusunog ang kanilang lupain, at silaʼy magiging panggatong na lalamunin ng apoy.
Ayaw nilang kaawaan kahit na kapwa nila Israelita. 20 Anumang pagkain ang makita nila ay kukunin nila at kakainin, pero hindi pa rin sila mabubusog. Kaya kakainin na nila pati ang kanilang mga anak.[ad] 21 Mag-aaway ang Manase at ang Efraim, at lulusubin nilang dalawa ang Juda. Pero ang galit ng Panginoon ay hindi pa rin mapapawi at nakahanda pa siyang magparusa sa kanila.
10 1-2 Nakakaawa kayong mga gumagawa ng mga di-makatarungang kautusan na umaapi sa mga mahihirap kong mamamayan at nagkakait ng katarungan sa kanila. Sa pamamagitan ng mga kautusang iyon, kinukuha ninyo ang mga ari-arian ng mga biyuda at mga ulila. 3 Ano ang gagawin ninyo sa araw ng pagpaparusa sa inyo? Ano ang gagawin nʼyo pagdating ng panganib mula sa malayo? Kanino kayo hihingi ng tulong? At saan ninyo itatago ang mga kayamanan ninyo? 4 Walang matitira sa inyo. Mabibihag o mamamatay kayo, pero ang galit ng Panginoon ay hindi pa mapapawi. Nakahanda pa rin siyang magparusa sa inyo.
Ang Parusa ng Panginoon sa mga taga-Asiria
5 Sinabi ng Panginoon, “Nakakaawa ang mga taga-Asiria. Sila ang gagamitin kong pamalo para parusahan ang mga kinamumuhian ko. 6 Uutusan ko silang salakayin ang bansang hindi makadios at kinapopootan ko, para wasakin ito at tapak-tapakan na parang putik sa lansangan, at samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian.”
7 Pero hindi malalaman ng hari ng Asiria na ginagamit lang siya ng Panginoon. Akala niyaʼy basta na lang siya mangwawasak ng maraming bansa. 8 Buong pagmamalaki niyang sinabi, “Ang mga kumander ng mga sundalo ko ay parang mga hari. 9 Anong pagkakaiba ng Carkemish at Calno, ng Arpad at Hamat, at ng Damascus at Samaria? Silang lahat ay pare-pareho kong winasak. 10 Pinarusahan ko ang mga bansang sumasamba sa mga dios-diosan na mas marami pa kaysa sa mga dios-diosan sa Jerusalem at Samaria. 11 Winasak ko na ang Samaria at ang mga dios-diosan nito. Ganyan din ang gagawin ko sa Jerusalem at sa mga dios-diosan nito.”
12 Pero ito ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kapag natapos na niya ang gagawin niya laban sa Bundok ng Zion at sa Jerusalem: “Parurusahan ko ang hari ng Asiria dahil sa kanyang pagmamataas at pagmamalaki. 13 Sapagkat sinasabi niya, ‘Nagawa ko ito dahil sa sarili kong lakas at karunungan. Tinalo ko ang maraming bansa at sinamsam ang kanilang mga kayamanan. Para akong toro; tinalo ko ang kanilang mga hari. 14 Kinuha ko ang mga kayamanan ng mga bansa, na para bang nangunguha lang ako ng itlog sa mga pugad na iniwanan ng inahin. Walang pakpak na pumagaspas o huni na narinig.’ ”
15 Maaari bang magmalaki ang palakol o ang lagare sa gumagamit sa kanya? Mabubuhat ba ng pamalo ang may hawak sa kanya? 16 Kaya magpapadala ang Panginoong Makapangyarihan ng sakit na magpapahina sa malulusog na sundalo ng Asiria. Susunugin ng Panginoon ang mga kayamanan niya sa naglalagablab na apoy. 17 Ang Panginoon na siyang ilaw at banal na Dios ng Israel ay magiging tulad ng naglalagablab na apoy na susunog sa mga matitinik niyang halaman sa loob ng isang araw lang. 18 Kung paanong sinisira ng sakit ang katawan ng tao, sisirain din ng Panginoon ang mga kagubatan at mga bukid ng hari ng Asiria. 19 Iilan lang ang matitirang puno sa kanyang kagubatan. Mabibilang ito kahit ng batang paslit.
20-21 Darating ang araw na ang mga natitirang Israelitang lahi ni Jacob ay hindi na magtitiwala sa Asiria na nagpahirap sa kanila. Magtitiwala na sila sa Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel. Magbabalik-loob sila sa Makapangyarihang Dios. 22-23 Kahit na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat ang mga Israelita, iilan lang ang makakabalik. Nakatakda na ang parusang nararapat para sa buong Israel. At tiyak na gagawin ito ng Panginoong Dios na Makapangyarihan. 24 Kaya sinabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, “Kayong mga mamamayan ko na naninirahan sa Zion, huwag kayong matakot sa mga taga-Asiria kahit na pinahihirapan nila kayo katulad ng ginawa sa inyo ng mga Egipcio. 25 Sapagkat hindi magtatagal at mawawala na ang galit ko sa inyo at sa kanila ko naman ito ibubuhos hanggang sa mamatay sila. 26 Parurusahan ko sila katulad ng ginawa ko sa mga taga-Midian sa Bato ng Oreb at sa mga Egipcio nang nilunod ko sila sa dagat. 27 Sa araw na iyon, palalayain ko kayo mula sa kapangyarihan ng Asiria. Para kayong natanggalan ng mabigat na pasanin sa mga balikat nʼyo at ng pamatok na nagpapabigat sa leeg ninyo. Lalaya kayo mula sa kapangyarihan nila dahil magiging makapangyarihan kayo.”[ae]
Sumalakay ang Asiria
28 Nilusob ng Asiria ang Ayat. Doon sila dumaan sa Migron at iniwan nila sa Micmash ang mga dala nila. 29 Dumaan sila sa tawiran, at doon natulog sa Geba. Natakot ang mga taga-Rama, at tumakas ang mga mamamayan ng Gibea na bayan ni Haring Saul. 30 Sumigaw kayong mga taga-Galim! Makinig kayong mga taga-Laish at kayong mga kawawang taga-Anatot. 31 Tumakas na ang mga mamamayan ng Madmena at Gebim. 32 Sa araw na ito, darating ang mga taga-Asiria sa Nob. At sesenyas sila na salakayin ang bundok ng Jerusalem, ang Bundok ng Zion. 33 Makinig kayo! Ang Panginoong Makapangyarihan ang wawasak sa mga taga-Asiria sa pamamagitan ng kahanga-hanga niyang kapangyarihan, na parang pumuputol ng mga sanga sa puno. Ibabagsak niya ang mga mapagmataas katulad ng pagputol ng matataas na punongkahoy. 34 Pababagsakin niya sila katulad ng pagputol ng mga puno sa kagubatan sa pamamagitan ng palakol. Silang mga katulad ng puno sa Lebanon ay pababagsakin ng Makapangyarihang Dios.
Ang Mapayapang Kaharian
11 Ang maharlikang angkan ni David[af] ay parang punong pinutol. Pero kung papaanong ang tuod ay nagkakaroon ng usbong, darating din ang isang bagong hari mula sa angkan ni David. 2 Mananatili sa kanya ang Espiritu ng Panginoon at magbibigay ito sa kanya ng karunungan, pang-unawa, kakayahan sa pagpaplano, kapangyarihan, kaalaman, at takot sa Panginoon. 3 Magiging kagalakan niya ang pagsunod sa Panginoon. Hindi siya mamumuno at hahatol batay lang sa kanyang nakita o narinig sa iba. 4 Bibigyan niya ng katarungan ang mga mahihirap at ipagtatanggol ang kanilang mga karapatan. Sa pamamagitan ng kanyang salita, parurusahan niya ang mga tao sa mundo at mamamatay ang masasamang tao. 5 Paiiralin niya ang katarungan at katapatan, ito ang magiging pinakasinturon niya.
6 Magiging lubos ang kapayapaan sa kanyang paghahari. Ang asong lobo ay maninirahang kasama ng tupa. Mahihigang magkakasama ang kambing at leopardo. Magsasama ang guya at batang leon, at ang mag-aalaga sa kanila ay mga batang paslit. 7 Magkasamang kakain ang baka at ang oso, at ang mga anak nila ay magkakatabing hihiga. Ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka. 8 Kahit maglaro ang mga paslit sa tabi ng lungga ng makamandag na ahas, o kahit na isuot nila ang kamay nila sa lungga nito, hindi sila mapapahamak. 9 Walang mamiminsala o gigiba sa Zion, ang banal kong bundok. Sapagkat magiging laganap sa buong mundo ang pagkilala sa Panginoon katulad ng karagatan na puno ng tubig.
10 Darating ang araw at isisilang ang bagong hari mula sa lahi ni David na magsisilbing hudyat sa mga bansa para magtipon sila. Magtitipon sila sa kanya, at magiging maluwalhati ang lugar na tinitirhan niya. 11 Sa araw na iyon, muling gagamitin ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan para pauwiin ang mga natitira sa mga mamamayan niya na dinalang bihag sa Asiria, Egipto, Patros, Etiopia,[ag] Elam, Babilonia, Hamat at sa iba pang malalayong lugar. 12 Itataas ng Panginoon ang isang bandila para ipakita sa mga bansa na tinitipon na niya ang mga mamamayan ng Israel at Juda mula sa ibaʼt ibang dako ng mundo. 13 Mawawala na ang inggit ng Israel sa Juda at ang galit ng Juda sa Israel. 14 Magkasama silang lulusob sa mga Filisteo sa kanluran. Lulusubin din nila ang mga bansa sa silangan at sasamsamin ang mga ari-arian ng mga ito. Sasakupin nila ang Edom at Moab, at ang mga Ammonita ay magpapasakop din sa kanila. 15 Patutuyuin ng Panginoon ang Dagat ng Egipto at paiihipin ang mainit na hangin sa Ilog ng Eufrates para maging pitong maliliit na daluyan ng tubig na matatawid ng taong naglalakad. 16 Kung paanong may malapad na daan na dinaanan ng mga mamamayan ng Israel noong umalis sila sa Egipto, mayroon ding malapad na daan para sa mga natitira niyang mga mamamayan sa Asiria.
Awit ng Pasasalamat
12 Sa araw na iyon, aawit kayo:
“Panginoon, pinupuri[ah] ko kayo. Nagalit kayo sa akin, pero hindi na ngayon, at ngayoʼy inaaliw nʼyo na ako.
2 Kayo, O Dios ang aking Tagapagligtas.
Magtitiwala po ako sa inyo at hindi matatakot.
Kayo, Panginoon, ang nagbibigay ng lakas sa akin, at kayo ang aking awit.
Kayo nga ang nagligtas sa akin.”
3 Kung paanong ang malamig na tubig ay nagbibigay kagalakan sa nauuhaw, kayo naman ay magagalak kapag iniligtas na kayo ng Panginoon. 4 Pagsapit ng araw na iyon, aawit kayo:
“Purihin ninyo ang Panginoon!
Sambahin nʼyo siya!
Sabihin nʼyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa.
Sabihin nʼyo na karapat-dapat siyang purihin.[ai]
5 Umawit kayo sa Panginoon dahil kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa.
Ipahayag nʼyo ito sa buong mundo.
6 Sumigaw kayo at umawit sa galak, kayong mga taga-Zion.
Sapagkat makapangyarihan ang Banal na Dios ng Israel na nasa piling ninyo.”
Ang Mensahe tungkol sa Babilonia
13 Ito ang mensahe tungkol sa Babilonia na ipinahayag ng Panginoon kay Isaias na anak ni Amoz:
2 Magtaas kayo ng isang bandila roon sa tuktok ng bundok na walang puno. Pagkatapos, sumigaw kayo nang malakas sa mga sundalo at senyasan ninyo sila para salakayin at pasukin ang lungsod ng mga kilala at makapangyarihang tao. 3 Inutusan ko na ang mga itinalaga kong sundalo na magpaparusa sa mga taong kinapopootan ko. Ang mga sundalo na itoʼy natutuwa at umaasang isasagawa ko ang parusang ito.
4 Pakinggan nʼyo ang ingay ng napakaraming tao sa mga bundok. Pakinggan nʼyo ang ingay ng mga kaharian at mga bansang nagtitipon. Tinitipon ng Panginoong Makapangyarihan ang mga sundalo niya para sa digmaan. 5 Nanggaling sila sa malalayong lugar. Wawasakin ng Panginoon at ng mga sundalo niya ang buong lupain.
6 Umiyak kayo, dahil malapit na ang araw ng Panginoon, ang araw ng pagwawasak ng Makapangyarihang Dios. 7 Sa araw na iyon, manlulupaypay ang lahat ng tao. Ang bawat isaʼy masisiraan ng loob, 8 at manginginig sa takot. Madadama nila ang labis na paghihirap katulad ng paghihirap ng isang babaeng nanganganak. Magtitinginan sila sa isaʼt isa at mamumula ang mga mukha nila sa hiya. 9 Makinig kayo! Darating na ang araw ng Panginoon, ang araw ng kalupitan at matinding galit. Wawasakin ang lupain hanggang sa hindi na matirhan, at ang mga makasalanang naroon ay lilipulin. 10 Hindi na magniningning ang mga bituin. Sisikat ang araw pero madilim pa rin, at ang buwan ay hindi na rin magbibigay ng liwanag.
11 Sinabi ng Panginoon, “Parurusahan ko ang mundo dahil sa kasamaan nito. Parurusahan ko ang mga makasalanan dahil sa kanilang kasalanan. Wawakasan ko ang kahambugan ng mayayabang. Patitigilin ko ang pagmamataas ng mga taong malupit. 12 Kaunti lang ang matitirang tao, kaya mas mahirap silang hanapin kaysa sa dalisay na gintong galing sa Ofir. 13 Yayanigin ko ang langit at ang lupa. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay gagawin ito sa araw na ipapakita ko ang matindi kong galit.”
14 Ang mga dayuhan sa Babilonia ay tatakas at babalik sa sarili nilang bayan na parang mga usang hinahabol. Uuwi sila na parang mga tupang walang nagbabantay. 15 Ang bawat mahuli ay sasaksakin hanggang sa mamatay. 16 Ang kanilang mga sanggol ay luluray-lurayin sa kanilang harapan. Sasamsamin ang mga ari-arian nila sa kanilang mga bahay at gagahasain ang kanilang mga asawa.
17 Makinig kayo! Ipapalusob ko ang Babilonia sa mga taga-Media na hindi nagpapahalaga sa pilak at ginto. 18 Papatayin ng mga taga-Media ang mga kabataang lalaki sa pamamagitan ng pana. Pati ang mga bata ay hindi nila kaaawaan. 19 Ang Babilonia ay kahariang pinakamaganda sa lahat ng kaharian. Ipinagmamalaki ito ng kanyang mga mamamayan.[aj] Pero wawasakin ko ito katulad ng Sodom at Gomora. 20 At hindi na ito titirhan magpakailanman. Walang Arabong magtatayo roon ng kanyang tolda. At wala ring pastol na mag-aalaga roon ng kanyang mga tupa. 21 Magiging tirahan na lang ito ng mga hayop sa gubat. Titirhan ng mga kuwago at ng iba pang mababangis na hayop ang kanilang mga bahay, at lulukso-lukso roon ang mga kambing na maiilap. 22 Aalulong doon sa mga tore nila at mga palasyo ang mga asong-gubat.[ak] Nalalapit na ang wakas ng Babilonia; hindi na ito magtatagal.
Babalik ang mga Israelita mula sa Pagkabihag
14 Kaaawaan ng Panginoon ang Israel at muli niyang pipiliin bilang mga mamamayan niya. Muli niyang patitirahin ang mga ito sa sarili nilang lupain, at may mga dayuhang maninirahang kasama nila. 2 Tutulungan ng ibang bansa ang Israel para makabalik sila sa lupaing ibinigay sa kanila ng Panginoon. At magiging alipin nila roon ang mga dayuhan. Bibihagin nila ang mga bumihag sa kanila noon, at sasakupin nila ang mga umapi sa kanila.
Mamamatay ang Hari ng Babilonia
3 Mga Israelita, sa araw na pagpapahingahin kayo ng Panginoon sa inyong mga paghihirap, pagtitiis at pagkaalipin, 4 kukutyain ninyo ng ganito ang hari ng Babilonia:
“Bumagsak na ang mapang-aping hari. Tapos na ang kanyang pagpapahirap. 5 Winakasan na ng Panginoon ang kapangyarihan ng masasamang pinuno, 6 na sa galit nilaʼy walang tigil ang pagpapahirap nila sa mga tao, at matindi kung umusig ng mga bansa. 7 Sa wakas ay magiging payapa na rin ang buong mundo. At mag-aawitan ang mga tao sa tuwa. 8 Magagalak pati ang mga puno ng sipres[al] at sedro sa Lebanon dahil sa nangyari sa hari. Para silang tao na nagsasabi, ‘Ngayong wala ka na, wala nang puputol sa amin.’
9 “Nagkakagulo ang mga patay sa iyong pagdating at handang-handa na silang salubungin ka. Ang kaluluwa ng mga dating makapangyarihan sa mundo ay nagkakagulo sa pagbati sa iyo. Tumatayo sa kanilang mga trono ang kaluluwa ng mga hari para salubungin ka. 10 Sasabihin nilang lahat sa iyo, ‘Humina ka na rin pala katulad namin. Pare-pareho na tayo. 11 Ngayong patay ka na, wala ka nang kapangyarihan, at wala na rin ang mga tugtugan ng mga alpa para parangalan ka. Uod na ang higaan at ang kumot mo.’
12 “Nahulog ka mula sa langit, ikaw na tinatawag na tala sa umaga. Ibinagsak ka sa lupa, ikaw na nagpasuko ng mga bansa. 13 Sinabi mo sa iyong sarili, ‘Aakyat ako sa langit, at ilalagay ko ang aking trono sa itaas ng mga bituin ng Dios. Uupo ako sa itaas ng bundok na pinagtitipunan ng mga dios sa bandang hilaga. 14 Aakyat ako sa itaas ng mga ulap, at magiging gaya ng Kataas-taasang Dios.’
15 “Pero ano ang nangyari sa iyo? Dinala ka sa lugar ng mga patay, sa pinakamalalim na hukay. 16 Tititigan kang mabuti ng mga patay at sasabihin nila, ‘Hindi baʼt ito ang taong kinatatakutan ng mga tao sa mundo, at ang yumanig ng mga kaharian? 17 Hindi baʼt siya ang nagwasak ng mga lungsod, ginawang parang ilang ang buong mundo, at hindi nagpalaya sa kanyang mga bihag?’
18 “Ang lahat ng hari sa mundo ay marangal na nakahimlay sa sarili nilang libingan. 19 Pero ikaw naman ay itatapon na parang sanga na walang silbi. Tatambakan ka ng mga bangkay ng mga sundalong namatay sa digmaan. Ihuhulog ka sa hukay kasama nila at tatambakan ng mga bato. Matutulad ka sa bangkay na tinatapak-tapakan ng mga tao. 20 Hindi ka ililibing na katulad ng ibang hari, dahil winasak mo ang sarili mong bansa at pinatay ang mga mamamayan mo. Walang matitira sa masamang lahi mo.
21 “Ihanda na ang lugar kung saan papatayin ang mga anak niya dahil sa kasalanan ng kanilang mga ninuno. Hindi na sila papayagang sumakop pa ng mga lupain o magtayo ng mga lungsod sa buong mundo.”
22 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Lulusubin ko at wawasakin ang Babilonia. Wala akong ititirang buhay sa lugar na ito. Walang matitira sa kanilang mga lahi. 23 Gagawin ko itong ilang, na may maraming latian, at gigibain ko na parang winalisan. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”
Ang Mensahe tungkol sa Asiria
24 Nanumpa ang Panginoong Makapangyarihan at sinabi, “Mangyayari ang plano ko; matutupad ang desisyon ko. 25 Lilipulin ko ang mga taga-Asiria sa lupain ng Israel. Dudurugin ko sila sa aking mga bundok. Hindi na nila maaaring alipinin ang mga mamamayan ko. 26 Ito ang binabalak kong gawin sa buong mundo. Ganito ang parusang ipapakita ko sa lahat ng bansa.” 27 Sino ang makakapagbago ng plano ng Panginoong Makapangyarihan? Sino ang makakapigil sa kanyang pagpaparusa?
Ang Mensahe tungkol sa mga Filisteo
28 Ang mensaheng itoʼy sinabi ng Dios noong namatay si Haring Ahaz:
29 Mga Filisteo, huwag muna kayong magalak sa pagkamatay ng haring sumalakay sa inyo. Sapagkat ang anak niyang papalit ay mas mabagsik kaysa sa kanya, parang isang ahas na namatay pero nagkaanak ng mas makamandag na ahas na tila lumilipad. 30 Ang mga mahihirap kong mamamayan ay pakakainin ko at bibigyan ng kapahingahan nang walang anumang kinatatakutan. Pero pababayaan kong mamatay sa gutom ang mga lahi mo, at ang matitira sa kanila ay papatayin ko pa rin. 31 Umiyak kayo nang malakas, kayong mga mamamayan ng mga bayan ng Filistia. Sapagkat sasalakay sa inyo ang inyong mga kaaway na parang usok mula sa hilaga at silaʼy pawang matatapang.
32 Ano ang isasagot natin sa mga sugo ng bansang iyon? Sabihin natin sa kanila na ang Panginoon ang nagtayo ng Zion, at dito manganganlong ang nahihirapan niyang mga mamamayan.
Ang Mensahe tungkol sa Moab
15 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Moab:
Sa loob lang ng isang gabi ay nawasak ang lungsod ng Ar at Kir na sakop ng Moab. 2 Umahon ang mga taga-Dibon sa kanilang templo at sa kanilang mga sambahan sa matataas na lugar para umiyak. Iniiyakan ng mga taga-Moab ang Nebo at Medeba. Ang bawat isa sa kanilaʼy nagpakalbo at nagpaahit ng mga balbas upang ipakita ang kanilang kalungkutan. 3 Nakadamit sila ng sako[am] habang lumalakad sa lansangan. Humahagulgol sila sa bubong ng kanilang mga bahay at sa mga plasa. 4 Umiiyak ang mga taga-Heshbon at ang mga taga-Eleale at naririnig ito hanggang sa Jahaz. Kaya ang mga sundalo ng Moab ay sumisigaw sa takot. 5 Nalungkot ako dahil sa nangyari sa Moab. Nagsitakas ang kanyang mga mamamayan papuntang Zoar hanggang sa Eglat Shelishiya. Nag-iiyakan sila habang umaahon papuntang Luhit. Ang iba sa kanila ay humahagulgol patungo sa Horonaim, dahil sa kanilang sinapit. 6 Natuyo ang mga sapa ng Nimrim at nalanta ang mga damo. At wala nang sariwang mga tanim, 7 kaya dinala nila sa kabila ng daluyan ng tubig ng Arabim ang mga ari-arian at kayamanang natipon nila. 8 Ang iyakan nila ay maririnig sa hangganan ng Moab, mula sa Eglaim hanggang sa Beer Elim. 9 Naging pula sa dugo ang tubig ng Dibon,[an] pero higit pa riyan ang gagawin ko: Magpapadala ako ng mga leon na lalapa sa mga nagsisitakas sa Moab at sa mga naiwan doon.
16 Ang mga taga-Moab na nagsitakas sa Sela, na isang bayan sa ilang ay nagpadala ng mga batang tupa bilang regalo sa hari ng Jerusalem.[ao] 2 Ang mga babaeng taga-Moab na nasa tawiran ng Arnon ay parang mga ibong binulabog sa kanilang mga pugad.
3 Sinabi ng mga taga-Moab sa mga taga-Juda, “Payuhan ninyo kami kung ano ang dapat naming gawin. Kalingain ninyo kami, tulad ng lilim na ibinibigay ng punongkahoy sa tanghaling-tapat. Nagsitakas kami mula sa aming bayan, at ngayon ay wala nang sariling tahanan. Kupkupin nʼyo sana kami at huwag pababayaan. 4 Patirahin nʼyo sana kaming mga taga-Moab sa inyong lupain. Ipagtanggol nʼyo kami sa mga gustong pumatay sa amin.”
Matitigil ang mga pang-aapi at pamumuksa. At mawawala na ang pang-aapi sa lupain ng Israel. 5 At maghahari ang isa sa mga angkan ni David na may katapatan at pag-ibig. Paiiralin niya ang katarungan sa kanyang paghatol. At masigasig siyang gagawa ng matuwid.
6 Nabalitaan naming masyadong mapagmalaki ang mga taga-Moab. Ang pagmamataas at kahambugan nila ay walang kabuluhan. 7 Kaya iiyakan ng mga taga-Moab ang kanilang bansa. Iiyak silang lahat dahil sa pagkawala ng masasarap nilang pagkain sa Kir Hareset. 8 Nasira ang mga bukid sa Heshbon pati na ang mga ubasan sa Sibma. Winasak ng mga pinuno ng mga bansa ang mga ubasan hanggang sa Jazer patungo sa disyerto at umabot pa hanggang sa Dagat na Patay. 9 Kaya umiiyak ako tulad ng mga taga-Jazer, dahil sa ubasan ng Sibma. Iniiyakan ko ang Heshbon at Eleale dahil hindi na maririnig ang masasaya nilang hiyawan dahil sa masaganang ani. 10 Naglaho ang kagalakan nila at kasayahan sa kanilang mga ubasan. Wala nang umaawit o humihiyaw sa mga ubasan. Wala na ring pumipisa ng ubas para gawing alak. Pinatigil na ng Panginoon[ap] ang kanilang hiyawan. 11 Kaya nalulungkot ako sa sinapit ng Moab na katulad ng malungkot na tugtugin ng alpa. Nalulungkot din ako sa sinapit ng Kir Hareset. 12 Mapapagod lang ang mga taga-Moab sa kababalik sa kanilang mga sambahan sa matataas na lugar.[aq] At wala ring kabuluhan ang kanilang pagpunta nila sa templo para manalangin.
13 Iyon ang sinabi noon ng Panginoon tungkol sa Moab. 14 At ngayon, ito ang kanyang sinabi, “Sa loob ng tatlong taon, mawawala ang kayamanan ng Moab at malalagay sa kahihiyan ang kanyang mga mamamayan. Iilan lang ang matitirang buhay sa mga mamamayan nito at mahihina pa.”
Ang Mensahe Tungkol sa Damascus
17 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Damascus:[ar] “Makinig kayo! Ang Damascus ay hindi na magiging lungsod dahil magigiba ito. 2 Wala nang titira sa lungsod ng Aroer. Magiging pastulan na lamang ito ng mga hayop, at walang gagambala sa kanila roon. 3 Mawawasak ang mga napapaderang mga lungsod ng Israel,[as] at mawawala ang kapangyarihan ng Damascus. Ang sasapitin ng mga matitira sa Aram[at] ay katulad ng sinapit ng mga taga-Israel. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.
4 “Pagdating ng araw na iyon, mawawala na ang kapangyarihan ng Israel, at ang kanyang kayamanan ay mapapalitan ng kahirapan. 5 Matutulad siya sa taniman ng mga butil na ginapas na ng mga nag-aani, tulad ng taniman sa Lambak ng Refaim pagkatapos ng anihan. 6 Iilan lang ang matitira sa kanyang mga mamamayan. Matutulad siya sa puno ng olibo pagkatapos pitasin ang mga bunga. Maaaring dalawa o tatlo lamang ang bungang matitira sa pinakamataas na mga sanga, at apat o limang bunga sa ibang mga sanga. Ako, ang Panginoong Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.”
7 Sa araw na iyon, lalapit na ang mga tao sa lumikha sa kanila, sa Banal na Dios ng Israel. 8 Hindi na nila papansinin ang mga altar na sila mismo ang gumawa. Hindi na rin nila papansinin ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, pati ang mga altar na pinagsusunugan nila ng insenso na gawa rin lang ng kanilang mga kamay. 9 Sa araw na iyon, ang matitibay nilang lungsod ay mawawasak at iiwan na lang nila, katulad ng mga lungsod ng mga Amoreo at Hiveo[au] na iniwan ng mga ito nang dumating ang mga Israelita.
10 Kinalimutan ninyo ang Dios na inyong Tagapagligtas at Bato na kanlungan. Kaya kahit na magtanim kayo ng magagandang klaseng tanim, katulad ng ubas na galing sa ibang lugar, 11 at kahit na tumubo ito at mamulaklak sa araw din na inyong itinanim, wala kayong makukuhang bunga. Nagpagod lang kayo at naghirap.
12 Tingnan nʼyo! Nagkakagulo ang napakaraming tao mula sa mga bansa. Ang ingay nila ay parang ugong ng malalaking alon. 13 Pero kahit na katulad sila ng malalaking alon na umuugong, tatakas sila kapag sinaway sila ng Dios. Matutulad sila sa ipa sa mga burol na ipinapadpad ng hangin at ng dayaming tinatangay ng ipu-ipo. 14 Sa gabiʼy naghahasik sila ng lagim, pero kinaumagahan nilipol sila. Iyan ang mangyayari sa mga sumasalakay sa atin at mananamsam ng mga ari-arian natin.
Ang Mensahe tungkol sa Etiopia
18 Nakakaawa ang mga lugar malapit sa mga ilog ng Etiopia,[av] na may mga pagaspas ng pakpak ng mga kulisap na naririnig.[aw] 2 Mula sa lugar na ito ay may mga sugong nakasakay sa sasakyang yari sa tambo[ax] at dumadaan sa Ilog ng Nilo.
Kayong mabibilis na sugo, bumalik na kayo sa inyong lupain na hinahati ng mga ilog. Bumalik na kayo sa inyong mga mamamayan na matatangkad at makikinis ang balat, mga taong makapangyarihan at kinakatakutan kahit saan.
3 Kayong lahat ng naninirahan sa mundo, abangan ninyo ang pagtaas ng bandila sa ibabaw ng bundok, at pakinggan ninyo ang tunog ng trumpeta. 4 Sapagkat ito ang sinabi sa akin ng Panginoon, “Mula sa aking luklukan, panatag akong nagmamasid na parang nagniningning na araw sa katanghaliang tapat, at parang namumuong ambon sa maalinsangang gabi sa panahon ng anihan.”
5 Bago pa dumating ang panahon ng pag-ani, sa panahon pa lang ng pamumulaklak ng mga ubas at unti-unting paghinog ng mga bunga nito, puputulin na ng Dios ang mga sanga nito. 6 Lilipulin ng Dios ang mga taga-Etiopia, at ang mga bangkay nila ay ipapaubaya sa ibong mandaragit at mababangis na hayop. Magiging pagkain sila ng mga ibon sa panahon ng tag-araw at ng mababangis na hayop sa panahon ng taglamig. 7 Pero darating ang araw na tatanggap ang Panginoong Makapangyarihan ng mga handog mula sa lupaing ito na hinahati ng mga ilog. Ang mga mamamayan nitoʼy matatangkad, makikinis ang balat, makapangyarihan, at kinatatakutan kahit saan. Dadalhin nila ang kanilang mga regalo sa Bundok ng Zion, kung saan sinasamba ang Panginoong Makapangyarihan.
Ang Mensahe tungkol sa Egipto
19 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Egipto:
Makinig kayo! Ang Panginoon ay nakasakay sa ulap at mabilis na pumunta sa Egipto. Nanginginig sa takot ang mga dios-diosan ng Egipto, at kinakabahan ang mga Egipcio.
2 Sinabi ng Panginoon, “Pag-aawayin ko ang mga taga-Egipto: Kapatid laban sa kapatid, kapitbahay laban sa kapitbahay, lungsod laban sa lungsod, at kaharian laban sa kaharian. 3 Masisiraan ng loob ang mga taga-Egipto, at guguluhin ko ang mga plano nila. Sasangguni sila sa mga dios-diosan, sa kaluluwa ng mga patay, sa mga mangkukulam at mga espiritista. 4 Ipapasakop ko sila sa isang malupit na hari.” Iyon nga ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan.
5 Matutuyo ang Ilog ng Nilo. 6 Ang mga sapa at mga batis na dinadaluyan nito ay babaho at matutuyo. Malalanta ang mga tambo at mga talahib, 7 ang lahat ng tanim sa pampang ng ilog. Matutuyo at titigas ang lupa malapit sa Ilog ng Nilo at mamamatay ang mga halaman dito. 8 Iiyak, maghihinagpis, at manghihina ang mga mangingisda sa Ilog ng Nilo, 9 at malulungkot ang mga gumagawa ng mga telang linen. 10 Manlulumo ang mga manghahabi at ang iba pang mga manggagawa.
11 Hangal ang mga pinuno ng Zoan! Kinikilala silang mga pinakamatalinong tagapayo ng Faraon,[ay] pero ang kanilang mga payo ay walang kabuluhan. Paano nila nasabi sa Faraon, “Lahi kami ng matatalino at ng mga hari noong unang panahon.”
12 Faraon, nasaan na ngayon ang matatalino mong tao? Kung talagang matatalino sila, itanong mo kung ano ang plano ng Panginoong Makapangyarihan para sa Egipto. 13 Talagang mga mangmang ang mga pinuno ng Zoan at Memfis.[az] Madali silang malinlang. Silang mga pinuno ang siyang dapat sanang manguna sa mga mamamayan ng Egipto, pero sila pa ang luminlang sa kanila. 14 Ginugulo ng Panginoon ang isip ng mga Egipcio. Pamali-mali ang mga hakbang na kanilang ginagawa. Para silang mga lasing na pasuray-suray at nagsusuka. 15 Walang sinuman sa buong Egipto, mayaman man o mahirap, marangal man o aba, ang makakatulong sa kanyang bansa.
16 Sa mga araw na iyon, ang mga taga-Egipto ay magiging mahina na parang babae. Manginginig sila sa takot sa parusang ihahatol sa kanila ng Panginoong Makapangyarihan. 17 Matatakot sila sa Juda, kahit marinig lang nila ang pangalan nito. Mangyayari ito sa kanila dahil sa plano ng Panginoong Makapangyarihan laban sa kanila.
18 Sa araw na iyon, limang lungsod ng Egipto ang susunod sa Panginoong Makapangyarihan, at magsasalita sila sa wikang Hebreo.[ba] Isa sa mga lungsod na itoʼy tatawaging, Lungsod ng Araw.[bb]
19 Sa araw na iyon, itatayo ang isang altar para sa Panginoon sa lupain ng Egipto, at itatayo ang isang alaalang bato sa hangganan nito. 20 Magiging tanda ito at patunay na naroon ang Panginoong Makapangyarihan sa lupain ng Egipto. Kung ang mga taga-Egipto ay hihingi ng tulong sa Panginoon sa dahilang pinapahirapan sila ng mga umaapi sa kanila, padadalhan sila ng magliligtas at kakalinga sa kanila. 21 Ipapakilala ng Panginoon ang kanyang sarili sa kanila, at sa araw na iyon ay kikilalanin nila ang Panginoon. Sasambahin nila siya sa pamamagitan ng sari-saring mga handog. Magsisipanata sila sa Panginoon, at tutuparin nila iyon. 22 Parurusahan ng Panginoon ng salot ang mga taga-Egipto, pero pagagalingin din niya ang mga ito. Dudulog sila sa Panginoon, at didinggin niya ang mga dalangin nila at pagagalingin sila.
23 Sa araw na iyon, magkakaroon ng malapad na daan mula sa Egipto papuntang Asiria. Ang mga taga-Egipto at mga taga-Asiria ay magpaparooʼt parito sa Egipto at sa Asiria, at magkasama silang sasamba. 24 Sa araw na iyon, magsasama ang Israel, Egipto, at ang Asiria. At ang tatlong bansang ito ay magiging pagpapala sa buong mundo. 25 Pagpapalain sila ng Panginoong Makapangyarihan at sasabihin, “Pinagpapala ko ang mga taga-Egipto na aking mga mamamayan, ang mga taga-Asiria na aking nilalang, at ang mga taga-Israel na pagmamay-ari ko.”
Ang Mensahe Tungkol sa Egipto at sa Etiopia
20 Ayon sa utos ni Haring Sargon ng Asiria, sinalakay ng kumander ng mga sundalo ng Asiria ang Ashdod, at naagaw nila ito. 2 Bago ito nangyari, sinabi ng Panginoon kay Isaias na anak ni Amoz, “Hubarin mo ang iyong damit na panluksa at tanggalin mo ang iyong sandalyas.” Ginawa ito ni Isaias, at palakad-lakad siyang nakahubad at nakayapak.
3 Sinabi ng Panginoon, “Ang lingkod kong si Isaias ay palakad-lakad nang hubad at nakayapak sa loob ng tatlong taon. Itoʼy isang babala para sa Egipto at Etiopia.[bc] 4 Sapagkat bibihagin ng hari ng Asiria ang mga taga-Egipto at mga taga-Etiopia,[bd] bata man o matanda. Bibihagin sila nang hubad at nakayapak. Makikita ang kanilang puwit, at talaga ngang mapapahiya ang mga Egipcio. 5 Ang mga umaasa sa Etiopia at ipinagmamalaki ang Egipto ay manlulupaypay at mapapahiya. 6 Sa araw na mangyari iyon, sasabihin ng mga Filisteo,[be] ‘Tingnan ninyo ang nangyari sa mga bansang ating inaasahan at hinihingan ng tulong para tayoʼy maligtas sa hari ng Asiria. Paano na tayo maliligtas?’ ”
Ang Mensahe tungkol sa Babilonia
21 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Babilonia:[bf]
Sasalakay ang mga kaaway na parang buhawi. Dadaan ito sa Negev mula sa ilang, sa nakakapangilabot na lupain. 2 Nakita ko ang isang kakila-kilabot na pangitain tungkol sa kataksilan at kapahamakan.
Kayong mga taga-Elam at taga-Media, palibutan ninyo ang Babilonia at salakayin. Wawakasan na ng Dios ang pagpapahirap niya sa ibang bansa.
3 Ang nakita kong ito sa pangitain ay nagdulot sa akin ng matinding takot at nakadama ako ng pananakit ng katawan, na para bang babaeng naghihirap sa panganganak. 4 Kinakabahan ako at nanginginig sa takot. Sana makapagpahinga ako paglubog ng araw, pero hindi maaari, dahil takot ako sa maaaring mangyari.
5 Naghahanda ng piging ang mga pinuno. Naglalagay sila ng mga pansapin para upuan. Kumakain sila at umiinom, nang biglang may sumigaw, “Magmadali kayo! Humanda kayo sa digmaan.”
6 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Maglagay ka ng tagapagbantay sa lungsod na magbabalita ng makikita niya. 7 Kinakailangang magbantay siya nang mabuti at ipaalam agad kapag nakakita siya ng mga karwahe na hila-hila ng dalawang kabayo, at mga sundalo na nakasakay sa mga asno at mga kamelyo.”
8 Sumigaw ang bantay, “Ginoo, araw-gabiʼy nagbabantay po ako sa tore. 9 At ngayon, tingnan nʼyo! May dumarating na mga karwahe na hila-hila ng dalawang kabayo.” At sinabi pa ng bantay, “Nawasak na ang Babilonia! Ang lahat ng imahen ng kanyang mga dios-diosan ay nagbagsakan sa lupa at nawasak lahat.”
10 Pagkatapos, sinabi ko, “Mga kapwa kong mga Israelita, na parang mga trigong ginigiik,[bg] sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na aking napakinggan sa Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel.”
Ang Mensahe tungkol sa Edom
11 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Edom:[bh]
May taong mula sa Edom[bi] na palaging nagtatanong sa akin, “Tagapagbantay, matagal pa ba ang umaga?” 12 Sumagot ako, “Mag-uumaga na pero sasapit na naman ang gabi. Kung gusto mong magtanong ulit bumalik ka na lang.”
Ang Mensahe tungkol sa Arabia
13 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Arabia:
Kayong mga mamamayan ng Dedan, na pulu-pulutong na naglalakbay at nagkakampo sa mga ilang ng Arabia, 14 bigyan ninyo ng tubig ang mga nauuhaw. Kayong mga nakatira sa Tema, bigyan ninyo ng pagkain ang mga taong nagsitakas mula sa kani-kanilang mga lugar. 15 Tumakas sila mula sa mahigpit na labanan at hinahabol sila ng kanilang mga kaaway na may mga espada at mga pana.
16 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Sa loob ng isang taon magwawakas ang kapangyarihan ng Kedar. 17 Kakaunti ang matitira sa matatapang niyang sundalo na gumagamit ng pana.” Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel.
Ang Mensahe tungkol sa Jerusalem
22 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Lambak ng Pangitain.[bj]
Ano ang nangyayari? Bakit kayo umaakyat sa mga bubong? 2 Nagkakagulo at nagsisigawan ang mga tao sa bayan. Ang mga namatay sa inyo ay hindi sa digmaan namatay. 3 Ang lahat ninyong pinuno ay nagsitakas at nahuli nang walang kalaban-laban. Ang ilan sa inyo ay tumangkang tumakas, pero nahuli pa rin. 4 Hayaan ninyo akong umiyak para sa aking mga kababayan na namatay. Huwag ninyo akong aliwin. 5 Sapagkat itinakda ng Panginoong Dios na Makapangyarihan ang araw na ito ng pagkakagulo, pagtatakbuhan, at pagkalito ng mga tao sa Lambak ng Pangitain. Ang mga pader nito ay nagbabagsakan at ang sigawan ng mga tao ay dinig hanggang sa kabundukan. 6 Sumasalakay ang mga sundalo ng Elam na sakay ng mga kabayo at may mga pana. Ang mga sundalo ng Kir ay sumasalakay din na may mga hawak na kalasag. 7 Pinapalibutan nila ang inyong mga lambak na sagana sa ani, at nagtitipon-tipon sila sa mga pintuan ng inyong lungsod. 8 Nakuha na nila ang mga pangproteksyon ng Juda.
Kumuha kayo ng mga sandata sa taguan nito. 9 Tiningnan ninyo ang mga pader ng Lungsod ni David upang malaman ninyo kung nasaan ang mga sira nito. Nag-imbak kayo ng tubig sa imbakan sa ibaba. 10 Tiningnan ninyo ang mga bahay sa Jerusalem at giniba ang ilan para gamitin ang mga bato sa pag-aayos ng nagibang pader ng lungsod. 11 Gumawa kayo ng imbakan ng tubig sa pagitan ng dalawang pader, at itoʼy pinuno ninyo ng tubig mula sa dating imbakan. Pero hindi ninyo naisip ang Dios na siyang nagplano nito noong una pa at niloob niya na mangyari ito.
12 Nanawagan sa inyo ang Panginoong Dios na Makapangyarihan na kayoʼy magdalamhati, umiyak, magpakalbo at magsuot ng damit na panluksa[bk] bilang tanda ng inyong pagsisisi. 13 Sa halip, nagdiwang kayo at nagsaya. Nagkatay kayo ng mga baka at tupa, at nagkainan at nag-inuman. Sabi ninyo, “Magpakasaya tayo, kumain tayoʼt uminom, dahil baka bukas, mamamatay na tayo.”
14 Sinabi sa akin ng Panginoong Makapangyarihan na hindi niya kayo patatawarin sa kasalanang ito habang kayoʼy nabubuhay.
Ang Mensahe para kay Shebna
15 Inutusan ako ng Panginoong Dios na Makapangyarihan na puntahan ko si Shebna na katiwala ng palasyo, at sabihin sa kanya, 16 “Sino ka ba para humuhukay sa gilid ng bundok para gumawa ng libingang kasama ng mga bayani? Sino ang nagbigay sa iyo ng pahintulot na gawin ito? 17 Mag-ingat ka! Kahit na ikaw ay makapangyarihan, huhulihin ka at itatapon ng Panginoon. 18 Bibilugin ka niya na parang bola at itatapon sa maluwang na lupain. Doon ka mamamatay at doon din mawawasak ang mga karwaheng ipinagmamalaki mo. Nagdulot ka ng kahihiyan sa iyong amo. 19 Sinasabi pa ng Panginoon sa iyo, ‘Paaalisin kita sa iyong katungkulan. 20 Sa araw na iyon, tatawagin ko ang lingkod kong si Eliakim na anak ni Hilkia. 21 Ipapasuot ko sa kanya ang damit mong pang-opisyal pati ang iyong sinturon, at ibibigay ko sa kanya ang kapangyarihan mo. Siya ang magiging pinakaama ng mga taga-Jerusalem at taga-Juda. 22 Ibibigay ko sa kanya ang susi ng kaharian ni David. Kapag binuksan niya ang pintuan, walang makapagsasara nito, at kapag sinarhan niya walang makapagbubukas nito. 23 Palalakasin ko siya sa kanyang katungkulan na parang matibay na sabitan sa dingding, at magbibigay siya ng karangalan sa kanyang pamilya. 24 At ang buo niyang pamilya at mga kamag-anak ay aasa sa kanya. Para siyang sabitan na pinagsasabitan ng sari-saring maliliit na lalagyan mula sa tasa hanggang sa mga palayok. 25 Sa araw na iyon kapag marami na ang nakasabit sa kanya, mahuhulog siya at mawawasak ang lahat ng nakasabit sa kanya. Mangyayari nga ito dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
Ang Mensahe tungkol sa Tyre at Sidon
23 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Tyre:
Umiyak kayong mga pasahero ng mga barko ng Tarshish. Sapagkat nawasak na ang inyong daungan sa Tyre. Sinabi na iyon sa inyo ng mga nanggaling sa Cyprus.[bl] 2 Tumahimik kayong mga naninirahan sa tabing-dagat pati na kayong mga mangangalakal ng Sidon. Ang inyong mga biyahero na nagpayaman sa inyo ay bumibiyahe 3 sa mga karagatan para bumili at magbenta ng mga ani mula sa Shihor na bahagi ng Ilog ng Nilo. At nakikipagkalakalan sa inyo ang mga bansa. 4 Mahiya ka, lungsod ng Sidon, ikaw na kanlungan ng mga taong nakatira sa tabing-dagat. Itinatakwil ka na ng karagatan. Sinabi niya, “Wala na akong anak; wala akong inalagaang anak, babae man o lalaki.”
5 Labis na magdaramdam ang mga taga-Egipto kapag nabalitaan nila ang nangyari sa Tyre. 6 Umiyak kayo, kayong mga naninirahan sa tabing-dagat. Tumawid kayo sa Tarshish. 7 Noon, masaya ang lungsod ng Tyre na itinayo noong unang panahon. Nakaabot ang mga mamamayan nito sa malalayong lupain at sinakop nila ang mga lupaing iyon. Pero ano ang nangyari sa kanya ngayon? 8 Sino ang nagplano ng ganito sa Tyre? Ang lungsod na ito ay sumakop ng mga lugar. Ang mararangal na mangangalakal nito ay tanyag sa buong mundo. 9 Ang Panginoong Makapangyarihan ang nagplano nito para ibagsak ang nagmamalaki ng kanyang kapangyarihan at ang mga kinikilalang tanyag sa mundo. 10 Kayong mga taga-Tarshish ay malayang dumaan sa Tyre, katulad ng Ilog ng Nilo na malayang dumadaloy, dahil wala nang pipigil sa inyo. 11 Iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay sa dagat, at niyanig niya ang mga kaharian. Iniutos niyang wasakin ang mga kampo ng Fenicia[bm] 12 Sinabi ng Panginoon, “Mga mamamayan[bn] ng Sidon, tapos na ang maliligayang araw ninyo. Wasak na kayo! Kahit na tumakas kayo papuntang Cyprus, hindi pa rin kayo magkakaroon ng kapahingahan doon.”
13 Tingnan ninyo ang lupain ng mga taga-Babilonia.[bo] Nasaan na ang mga mamamayan nito? Sinalakay ito ng Asiria at winasak ang matitibay na bahagi nito. Pinabayaan itong giba at naging tirahan ng maiilap na hayop. 14 Umiyak kayo, kayong mga nagbibiyahe sa Tarshish, dahil nawasak na ang lungsod na pinupuntahan ninyo. 15 Ang Tyre ay makakalimutan sa loob ng 70 taon, kasintagal ng buhay ng isang hari. Pero pagkatapos ng panahong iyon, matutulad siya sa isang babaeng bayaran sa awiting ito: “Babaeng bayaran, ikaw ay nalimutan na. 16 Kaya kunin mo ang iyong alpa at tugtugin mong mabuti habang nililibot mo ang lungsod. Umawit ka nang umawit para maalala ka.”
17 Pagkatapos ng 70 taon, aalalahanin ng Panginoon ang Tyre. Pero muling gagawin ng Tyre ang ginawa niya noon, na katulad ng ginawa ng babaeng bayaran. Gagawa siya ng masama sa lahat ng kaharian ng mundo para magkapera. 18 Pero sa bandang huli, ang kikitain niyaʼy hindi niya itatabi. Ihahandog niya ito sa Panginoon para pambili ng maraming pagkain at magagandang klase ng damit para sa mga naglilingkod sa Panginoon.
Parurusahan ng Dios ang Mundo
24 Makinig kayo! Wawasakin ng Panginoon ang mundo[bp] hanggang sa hindi na ito mapakinabangan at pangangalatin niya ang mga mamamayan nito. 2 Iisa ang sasapitin ng lahat: pari man o mamamayan, amo man o alipin, nagtitinda man o bumibili, nagpapautang man o umuutang. 3 Lubusang mawawasak ang mundo at walang matitira rito. Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon. 4 Matutuyo at titigas ang lupa. Manlulumo ang buong mundo pati na ang mga kilala at makapangyarihang tao. 5 Ang mundo ay dinungisan ng mga mamamayan nito, dahil hindi nila sinunod ang Kautusan ng Dios at ang kanyang mga tuntunin. Nilabag nila ang walang hanggang kasunduan ng Dios sa kanila. 6 Kaya isusumpa ng Dios ang mundo, at mananagot ang mga mamamayan nito dahil sa kanilang mga kasalanan. Susunugin sila at iilan lang ang matitira. 7 Malalanta ang mga ubas, at mauubos ang katas nito. Ang mga nagsasaya ay malulungkot, 8 at hindi na maririnig ang magagandang tugtugan ng mga tamburin at alpa, at ang hiyawan ng mga taong nagdiriwang. 9 Mawawala ang awitan sa kanilang pag-iinuman, at ang inumin ay magiging mapait. 10 Mawawasak ang lungsod at hindi na mapapakinabangan. Sasarhan ang mga pintuan ng bawat bahay para walang makapasok. 11 Sisigaw ang mga tao sa lansangan, na naghahanap ng alak. Ang kanilang kaligayahan ay papalitan ng kalungkutan. Wala nang kasayahan sa mundo. 12 Ang lungsod ay mananatiling wasak, pati ang mga pintuan nito. 13 Iilan na lamang ang matitirang tao sa lahat ng bansa sa mundo, tulad ng olibo o ubas pagkatapos ng pitasan. 14 Ang mga matitirang tao ay sisigaw sa kaligayahan. Ang mga nasa kanluran ay magpapahayag tungkol sa kapangyarihan ng Panginoon. 15 Kaya nararapat ding purihin ng mga tao sa silangan at ng mga lugar na malapit sa dagat[bq] ang Panginoon, ang Dios ng Israel. 16 Maririnig ang awitan kahit saang dako ng mundo, “Purihin ang matuwid na Dios.”
Pero nakakaawa ako. Akoʼy nanghihina! Sapagkat patuloy ang pagtataksil ng mga taong taksil. 17 Kayong mga mamamayan ng mga bansa sa buong mundo, naghihintay sa inyo ang takot, hukay, at bitag. 18 Ang tumatakas dahil sa takot ay mahuhulog sa hukay at mabibitag ang mga lumalabas dito.
Uulan nang malakas at mayayanig ang pundasyon ng lupa. 19 Bibitak ang lupa at mabibiyak. 20 At magpapasuray-suray ito na parang lasing at parang kubong gumagalaw-galaw sa ihip ng hangin. Ang lupa ay mabibigatan dahil sa kasalanan, at mawawasak ito at hindi na muling makakabangon.
21 Sa araw na iyon, parurusahan ng Panginoon ang mga makapangyarihang nilalang sa langit,[br] pati ang mga hari rito sa mundo. 22 Sama-sama silang ihuhulog sa hukay na katulad ng mga bilanggo. Ikukulong sila at saka parurusahan. 23 Magdidilim ang araw at ang buwan dahil maghahari ang Panginoong Makapangyarihan sa Bundok ng Zion, sa Jerusalem. At doon mahahayag ang kanyang kapangyarihan sa harap ng mga tagapamahala ng kanyang mga mamamayan.
Purihin ang Dios
25 Panginoon, kayo ang aking Dios! Pupurihin kita at pararangalan dahil kahanga-hanga ang iyong mga gawa. Tinupad mo ang iyong mga plano noong unang panahon. 2 Winasak mo ang mga lungsod ng taga-ibang bansa pati ang may mga pader. Winasak mo rin ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod, at hindi na nila ito maitatayong muli. 3 Kaya pararangalan ka ng mga taong makapangyarihan at igagalang ka ng mga malulupit na mga bansa. 4 Ikaw ang takbuhan ng mga dukha at ng mga nangangailangan sa panahon ng kahirapan. Ikaw ang kanlungan sa panahon ng bagyo at tag-init. Sapagkat ang paglusob ng mga malulupit na taoʼy parang bagyo na humahampas sa pader, 5 at parang init sa disyerto. Pero pinatahimik mo ang sigawan ng mga dayuhan. Pinatigil mo ang awitan ng malulupit na mga tao, na parang init na nawala dahil natakpan ng ulap.
6 Dito sa Bundok ng Zion, ang Panginoong Makapangyarihan ay maghahanda ng isang piging para sa lahat. Masasarap na pagkain at inumin ang kanyang inihanda. 7 At sa bundok ding ito, papawiin niya ang kalungkutan[bs] ng mga tao sa lahat ng bansa. 8 Aalisin din ng Panginoong Dios ang kamatayan at papahirin niya ang mga luha ng lahat ng tao. Aalisin niya ang kahihiyan ng kanyang mga mamamayan sa buong mundo. Mangyayari nga ito dahil sinabi mismo ng Panginoon.
9 Kapag itoʼy nangyari na, sasabihin ng mga tao, “Siya ang ating Dios! Nagtiwala tayo sa kanya, at iniligtas niya tayo. Siya ang Panginoon na ating inaasahan. Magalak tayoʼt magdiwang dahil iniligtas niya tayo.”
10 Talagang tutulungan ng Panginoon ang Bundok ng Zion, pero parurusahan niya ang Moab. Tatapakan niya ito na parang dayami sa tapunan ng dumi. 11 Pagsisikapan nilang makaligtas sa kalagayang iyon na parang taong kakampay-kampay sa tubig. Pero kahit na magaling silang lumangoy, ilulubog pa rin sila ng Panginoon. Ibabagsak sila dahil sa kanilang pagmamataas. 12 Wawasakin niya ang kanilang mataas at matibay na pader hanggang sa madurog at kumalat ito sa lupa.
Awit ng Papuri sa Dios
26 Sa mga araw na iyon ang awit na itoʼy aawitin sa Juda:
Matatag na ang ating lungsod!
Ang Pagliligtas ng Dios ay parang pader na nakapalibot sa atin.
2 Buksan ang mga pintuan ng lungsod para makapasok ang bansang matuwid at tapat sa Panginoon.
3 Panginoon, bigyan nʼyo nang lubos na kapayapaan ang taong kayo lagi ang iniisip dahil nagtitiwala siya sa inyo.
4 Magtiwala kayong lagi sa Panginoon,
dahil siya ang ating Bato na kanlungan magpakailanman.
5 Ang totoo, ibinabagsak niya ang mga mapagmataas.
Winawasak niya ang kanilang lungsod hanggang sa madurog sa lupa.
6 At itoʼy tinatapak-tapakan ng mga dukha na kanilang inapi.
7 Patag ang daan ng taong matuwid, at kayo, Panginoong matuwid, ang nagpatag nito.
8 Panginoon, sinunod namin ang inyong mga utos,
at nagtiwala kami sa inyo.
Hangad namin na kayo ay aming maparangalan.
9 Buong puso kitang hinahanap-hanap kapag gabi.
Kung hahatulan nʼyo ang mga tao sa mundo,
matututo silang mamuhay nang matuwid.
10 Kahit kinaaawaan nʼyo ang masasama,
hindi pa rin sila natututong mamuhay nang matuwid.
Kahit na naninirahan silang kasama ng mga matuwid,
patuloy pa rin sila sa kanilang gawaing masama,
at hindi nila kinikilala ang inyong kapangyarihan.
11 Panginoon, nakahanda na po kayong magparusa sa kanila,
pero hindi nila alam.
Ipaalam nʼyo sa kanila, Panginoon.
Ilagay nʼyo po sila sa kahihiyan. Ipakita nʼyo sa kanila kung gaano nʼyo kamahal ang iyong mga mamamayan.
Lipulin nʼyo po sa pamamagitan ng inyong apoy ang inyong mga kaaway.
12 Panginoon, ilagay nʼyo po kami sa mabuting kalagayan,
sapagkat ang lahat ng aming nagagawa ay nagagawa namin sa tulong ninyo.
13 Panginoon na aming Dios,
pinamahalaan kami ng ibang panginoon,
pero kayo lang ang aming sinasamba.
14 Patay na sila ngayon at hindi na mabubuhay pa.
Pinarusahan nʼyo sila at pinatay para malimutan at hindi na maaalala pa.
15 Panginoon, pinalawak nʼyo ang aming bansa.
Pinalapad nʼyo ang aming mga hangganan,
at itoʼy nagbigay ng karangalan sa inyo.
16 Panginoon, pinarusahan nʼyo ang iyong mga mamamayan,
at sa kanilang mga paghihirap ay dumulog at tumawag sila sa inyo.
17 Panginoon, kitang-kita nʼyo ang aming paghihirap.
Tulad kami ng isang babaeng nanganganak, na napapasigaw dahil sa tindi ng sakit.
18 Dumaing kami dahil sa hirap, pero wala rin kaming iniluwal.
Wala kaming nagawa para iligtas ang lupain namin,
at hindi rin namin nalipol ang mga taong kaaway namin dito sa mundo.
19 Pero muling mabubuhay ang inyong mga mamamayang namatay.
Babangon ang kanilang mga bangkay at aawit sa galak.
Kung papaanong ang hamog ay nagpapalamig ng lupa,
kayo rin Panginoon ang muling bubuhay sa mga patay.
20 Mga kababayan, pumasok kayo sa inyong mga bahay at isara ninyo ang inyong mga pintuan.
Magtago muna kayo hanggang sa mawala ang galit ng Panginoon.
21 Sapagkat darating na siya mula sa kanyang tirahan para parusahan ang mga tao sa mundo dahil sa kanilang mga kasalanan.
Ilalabas ng lupa ang mga taong pinatay, at hindi na niya itatago pa.
27 Sa araw na iyon, gagamitin ng Panginoon ang kanyang matalim at makapangyarihang espada para patayin ang Leviatan, ang maliksi at gumagapang na dragon sa karagatan.
2 “Sa araw na iyon, aawit kayo tungkol sa ubasan na umaani nang sagana, na larawan ng aking bayan. 3 Ako ang Panginoon na nag-aalaga ng ubasan. Dinidiligan ko ito at binabantayan araw-gabi para hindi masira. 4 Hindi na ako galit sa ubasang ito. Pero sa sandaling may makita akong mga halamang may tinik, tatanggalin ko iyon at susunugin. 5 Pero maliligtas siya kung siyaʼy makikipagkaibigan at hihingi ng kalinga sa akin.”
6 Darating ang araw na ang mga mamamayan ng Israel na lahi ni Jacob ay magkakaugat tulad ng halaman. Magkakasanga ito, mamumulaklak, at mamumunga ng marami at pupunuin ang buong mundo. 7 Hindi pinaparusahan ng Dios ang Israel katulad ng pagpaparusa niya at pagpatay sa mga kaaway nila. 8 Ipinabihag ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan bilang parusa sa kanila. Ipinatangay niya sila sa napakalakas na hangin mula sa silangan. 9 Mapapatawad lang sila kung gigibain nila ang mga altar nilang bato at kung didikdikin ng pino at itatapon ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, at ang mga altar na sinusunugan nila ng insenso.
Footnotes
- 1:3 ang kanilang tagapag-alaga: sa Hebreo, ang mga nagmamay-ari sa kanya.
- 1:8 Jerusalem: sa Hebreo, anak na babae ng Zion.
- 1:17 Sawayin ninyo ang mga nang-aapi: o, Tulungan ninyo ang mga inaapi.
- 1:19 pagpapalain ko kayo: o, makakakain kayo ng pinakamagandang ani ng lupain.
- 1:27 Jerusalem: sa Hebreo, Zion.
- 2:5 katotohanan: sa literal, liwanag.
- 3:3 salamangkero: o, karpintero.
- 3:13 kanyang mga mamamayan: Ito ang nasa Septuagint at Syriac; pero sa Hebreo, mga tao.
- 4:2 mga pananim: sa literal, mga sanga.
- 4:5 Jerusalem: sa Hebreo, Bundok ng Zion.
- 6:2 makalangit na nilalang: sa literal, serafim.
- 7:1 Aram: o, Syria.
- 7:2 hari ng Juda: sa literal, pamilya ni David.
- 7:2 Israel: sa Hebreo, Efraim. Isa ito sa mga tawag sa kaharian ng Israel.
- 7:3 Shear Jashub: Ang ibig sabihin, ang mga naiwan ay babalik.
- 7:14 birhen: o, dalaga.
- 7:14 Emmanuel: Ang ibig sabihin, kasama natin ang Dios.
- 7:15-16 keso: o, yogurt.
- 7:22 Keso: o, yogurt.
- 8:1 Maher Shalal Hash Baz: Ang ibig sabihin, mabilis kumuha, mabilis umagaw. Ganito rin sa talatang 3.
- 8:6 mga taong ito: mga taga-Juda.
- 8:6 ang tubig ng Shiloa na umaagos nang banayad: Maaaring ang ibig sabihin ay ang proteksyon ng Dios.
- 8:8 kasama namin ang Dios: sa Hebreo, Emmanuel.
- 8:10 kasama namin ang Dios: Tingnan ang footnote sa talatang 8.
- 8:18 mga palatandaan para sa Israel: Ang ibig sabihin ay may kahulugan ang kanilang mga pangalan para sa Israel.
- 9:1 daanan patungo sa lawa: o, malapit sa lawa.
- 9:4 noon nang lupigin nʼyo ang mga taga-Midian: Tinutukoy nito ang panalo ni Gideon laban sa bansang Midian noong niligtas ng Dios ang Israel sa dayuhang sumasakop sa kanila (Hukom 7–8).
- 9:9 alam: o, malalaman.
- 9:9 Israel: Tingnan ang footnote sa 7:2.
- 9:20 mga anak: o, mga bisig. Sa ibang mga teksto ng Septuagint, kapatid o, kamag-anak. Sa Targum, kapwa.
- 10:27 dahil magiging makapangyarihan kayo: sa literal, dahil magiging mataba kayo.
- 11:1 David: sa Hebreo, Jesse. Siya ang ama ni David.
- 11:11 Etiopia: sa Hebreo, Cush.
- 12:1 pinupuri: o, pinapasalamatan.
- 12:4 purihin: o, pasalamatan.
- 13:19 ng kanyang mga mamamayan: sa literal, ng mga taga-Caldeo. Isa ito sa mga tawag sa mga taga-Babilonia.
- 13:22 asong-gubat: sa Ingles, jackal.
- 14:8 sipres: o, “pine tree.”
- 15:3 nakadamit sila ng sako: Tanda ng pagsisisi.
- 15:9 Dibon: o, Dimon.
- 16:1 Jerusalem: sa literal, sa bundok ng mga anak na babae ng Zion.
- 16:10 Pinatigil na ng Panginoon: sa Hebreo, Pinatigil ko na. Nagsasalita rito ang Panginoon sa pamamagitan ni Isaias.
- 16:12 sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
- 17:1 Damascus: Ang Damascus ay kabisera ng Aram at kumakatawan sa bansang Aram.
- 17:3 Israel: sa Hebreo, Efraim. Isa ito sa mga tawag sa kaharian ng Israel.
- 17:3 Aram: o, Syria.
- 17:9 mga lungsod ng mga Amoreo at Hiveo: Ito ang nasa Septuagint. Sa Hebreo, sa kakahuyan at kasukalan.
- 18:1 Etiopia: sa Hebreo, Cush.
- 18:1 may mga pagaspas ng pakpak ng mga kulisap na naririnig: o, ang kanilang mga sasakyan ay may katig.
- 18:2 tambo: sa Ingles, papyrus o reed.
- 19:11 Faraon: o hari ng Egipto.
- 19:13 Memfis: sa Hebreo, Nof.
- 19:18 wikang Hebreo: sa Hebreo, wikang Canaan.
- 19:18 Lungsod ng Araw: Ito ang makikita sa karamihang mga tekstong Hebreo. Sa ibang mga tekstong Hebreo at sa Latin Vulgate, Lungsod ng Kapahamakan.
- 20:3 Etiopia: sa Hebreo, Cush.
- 20:4 taga-Etiopia: sa Hebreo, taga-Cush.
- 20:6 Filisteo: sa literal, naninirahan sa tabing-dagat.
- 21:1 Babilonia: sa literal, ilang na malapit sa tabing-dagat.
- 21:10 na parang mga trigong ginigiik: Ang ibig sabihin ay dadanas ng matinding hirap.
- 21:11 Edom: sa Hebreo, Duma.
- 21:11 Edom: sa Hebreo, Seir. Isa ito sa mga pangalan ng Edom.
- 22:1 Lambak ng Pangitain: Maaaring ang Jerusalem.
- 22:12 damit na panluksa: sa Hebreo, sakong damit.
- 23:1 Cyprus: sa Hebreo, Kitim.
- 23:11 Fenicia: sa Hebreo, Canaan.
- 23:12 mamamayan: sa literal, birheng anak na babae.
- 23:13 taga-Babilonia: sa literal, Caldeo. Isa ito sa tawag sa mga taga-Babilonia.
- 24:1 ang mundo: o, ang lugar ng Canaan at ang mga lugar sa paligid nito.
- 24:15 mga lugar na malapit sa dagat o, mga isla; o, malalayong lugar.
- 24:21 makapangyarihang nilalang sa langit: o, mga sundalo sa matataas na lugar.
- 25:7 kalungkutan: sa literal, belo, na isinusuot ng tao noong unang panahon sa kanilang pagluluksa.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®