Isaias 11:1-9
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Mapayapang Kaharian
11 Naputol(A) na tulad ng punongkahoy, ang paghahari ng anak ni Jesse.
Ngunit katulad ng pag-usbong ng mga bagong sanga sa pinutol na puno, sa lahi niya'y lilitaw ang isang bagong hari.
2 Mananahan sa kanya ang Espiritu[a] ni Yahweh,
ang espiritu ng karunungan at pang-unawa,
ng mabuting payo at kalakasan,
kaalaman at pagsunod at paggalang kay Yahweh.
3 Kagalakan niya ang sumunod at gumalang kay Yahweh.
Hindi siya hahatol ayon sa kanyang nakita,
o magpapasya batay sa kanyang narinig.
4 Ngunit(B) hahatulan niya ng buong katuwiran ang mga dukha,
at ipagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa.
Tulad ng pamalo ang kanyang mga salita,
sa hatol niya'y mamamatay ang masasama.
5 Maghahari(C) siyang may katarungan,
at mamamahala ng may katapatan.
6 Maninirahan(D) ang asong-gubat sa piling ng kordero,
mahihiga ang leopardo sa tabi ng batang kambing,
magkasamang manginginain ang guya at ang batang leon,
at ang mag-aalaga sa kanila'y isang batang paslit.
7 Ang baka at ang oso'y magkasamang manginginain,
ang mga anak nila'y mahihigang magkakatabi,
ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka.
8 Maglalaro ang sanggol sa tabi ng lungga ng ahas,
hindi mapapahamak ang batang munti kahit pa isuot nito ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.
9 Walang(E) mananakit o mamiminsala
sa nasasaklaw ng aking bundok na pinagpala;
sapagkat ang buong mundo ay mapupuno ng mga taong kumikilala kay Yahweh,
kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig.
Footnotes
- 2 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan .