Isaias 45:1-7
Ang Biblia, 2001
Ang Paghirang kay Ciro
45 Ganito ang sabi ng Panginoon sa kanyang pinahiran ng langis, kay Ciro,
na ang kanang kamay ay aking hinawakan,
upang pasukuin ang mga bansa sa harap niya;
at kalagan ang mga balakang ng mga hari,
upang magbukas ng mga pintuan sa harapan niya,
upang ang mga pintuan ay hindi masarhan:
2 “Ako'y magpapauna sa iyo,
at papatagin ko ang mga baku-bakong dako,
ang mga pintuang tanso ay aking wawasakin,
at ang mga harang na bakal ay aking puputulin,
3 at ibibigay ko sa iyo ang mga kayamanan ng kadiliman,
at ang mga natatagong kayamanan sa mga lihim na dako,
upang inyong malaman na ako ang Panginoon,
ang Diyos ng Israel na tumatawag sa iyo sa iyong pangalan.
4 Alang-alang kay Jacob na aking lingkod,
at sa Israel na aking pinili,
sa iyong pangalan ay tinawag kita,
aking pinangalanan ka, bagaman hindi mo ako kilala.
5 Ako ang Panginoon, at walang iba;
liban sa akin ay walang Diyos.
Aking binibigkisan ka, bagaman hindi mo ako kilala,
6 upang malaman ng mga tao mula sa sikatan ng araw,
at mula sa kanluran, na walang iba liban sa akin;
ako ang Panginoon, at walang iba.
7 Aking inilagay ang liwanag at nililikha ko ang kadiliman;
ako'y gumagawa ng kaginhawahan at lumilikha ako ng kapahamakan;
ako ang Panginoon, na gumagawa ng lahat ng mga bagay na ito.