Santiago 4:1-8
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Kaaway ng Diyos ang Kaibigan ng Sanlibutan
4 Saan nanggagaling ang inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba't nagmumula iyan sa mga pagnanasang naglalaban-laban sa inyong kalooban? 2 Mayroon kayong ninanasa ngunit hindi ninyo makamtan, kaya't pumapatay kayo, mapasainyo lamang iyon. May mga bagay na gustung-gusto ninyo ngunit hindi ninyo maangkin, kaya kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong ninanais dahil hindi kayo humihingi sa Diyos. 3 At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap dahil hindi tama ang inyong layunin. Humihingi kayo upang mapagbigyan ang inyong kalayawan. 4 Mga taksil! Hindi ba ninyo alam na kapag nakipagkaibigan kayo sa sanlibutan ay kinakaaway naman ninyo ang Diyos? Ang sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos. 5 Huwag ninyong akalaing walang kabuluhan ang sinasabi sa kasulatan, “Ang espiritung inilagay ng Diyos sa atin ay punô ng matitinding pagnanasa.”[a] 6 Ngunit(A) ang Diyos ay nagbibigay ng higit pang pagpapala. Kaya't sinasabi ng kasulatan, “Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas ngunit pinagpapala niya ang mga mapagpakumbaba.”
7 Kaya nga, pasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan niya kayo. 8 Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Hugasan ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip.
Read full chapterFootnotes
- 5 Ang espiritung...matitinding pagnanasa: o kaya’y Matindi ang pagnanasa ng Diyos sa espiritung inilagay niya sa atin .