Jeremias 1-18
Ang Biblia, 2001
Ang Pagkatawag kay Jeremias
1 Ang mga salita ni Jeremias na anak ni Hilkias, isa sa mga pari na nasa Anatot sa lupain ng Benjamin,
2 na(A) sa kanya dumating ang salita ng Panginoon nang mga araw ni Josias na anak ni Amon, na hari ng Juda, nang ikalabintatlong taon ng kanyang paghahari.
3 Dumating(B) din ito nang mga araw ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, at hanggang sa katapusan nang ikalabing-isang taon ni Zedekias, na anak ni Josias, hari ng Juda, hanggang sa pagkadalang-bihag ng Jerusalem nang ikalimang buwan.
4 Ngayon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin na sinasabi,
5 “Bago kita inanyuan sa sinapupunan ay kilala na kita,
at bago ka ipinanganak, ikaw ay aking itinalaga;
hinirang kitang propeta sa mga bansa.”
6 Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ah, Panginoong Diyos! Tingnan mo, hindi ako marunong magsalita, sapagkat ako'y kabataan pa.”
7 Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon,
“Huwag mong sabihin, ‘Ako'y isang kabataan;’
sapagkat saanman kita suguin ay paroroon ka,
at anumang iutos ko sa iyo ay sasabihin mo.
8 Huwag kang matakot sa kanila,
sapagkat ako'y kasama mo na magliligtas sa iyo, sabi ng Panginoon.”
9 Pagkatapos ay iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon,
“Narito, inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig.
10 Tingnan mo, inilagay kita sa araw na ito sa ibabaw ng mga bansa at ng mga kaharian,
upang bumunot at magpabagsak,
upang pumuksa at magwasak,
upang magtayo at magtanim.”
Dalawang Pangitain
11 Dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi, “Jeremias, anong nakikita mo?” At aking sinabi, “Ako'y nakakakita ng isang tungkod na almendro.”
12 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Nakita mong mabuti, sapagkat pinagmamasdan ko ang aking salita upang isagawa ito.”
13 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin sa ikalawang pagkakataon, na nagsasabi, “Ano ang iyong nakikita?” At aking sinabi, “Ako'y nakakakita ng isang palayok na pinagpapakuluan, at nakaharap palayo sa hilaga.”
14 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Mula sa hilaga ay lalabas ang kasamaan sa lahat ng naninirahan sa lupain.
15 Sapagkat narito, tinatawag ko ang lahat ng mga angkan ng mga kaharian ng hilaga, sabi ng Panginoon. Sila'y darating at bawat isa ay maglalagay ng kanya-kanyang trono sa pasukan ng mga pintuan ng Jerusalem, laban sa lahat ng pader nito sa palibot, at laban sa lahat ng mga lunsod ng Juda.
16 At aking bibigkasin ang aking mga hatol laban sa kanila, dahil sa lahat nilang kasamaan sa pagtalikod sa akin. Sila'y nagsunog ng insenso sa ibang mga diyos, at nagsisamba sa mga gawa ng kanilang sariling mga kamay.
17 Ngunit ikaw, magbigkis ka ng iyong mga balakang, tumindig ka at sabihin mo sa kanila ang lahat ng iniuutos ko sa iyo. Huwag kang manghina sa harapan nila, baka ikaw ay papanghinain ko sa harapan nila.
18 Ngayon, tingnan mo, ginawa kita sa araw na ito na isang lunsod na may kuta at isang haliging bakal, at gaya ng pader na tanso laban sa buong lupain, laban sa mga hari ng Juda, sa mga prinsipe nito, sa mga pari nito, at laban sa mamamayan ng lupain.
19 Lalaban sila sa iyo, ngunit hindi sila magtatagumpay laban sa iyo, sapagkat ako'y kasama mo upang iligtas ka, sabi ng Panginoon.”
Ang Pag-aaruga ng Diyos sa Israel
2 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
2 “Humayo ka at ipahayag mo sa pandinig ng Jerusalem na sinasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon:
Naaalala ko ang katapatan ng iyong kabataan,
ang iyong pag-ibig bilang babaing ikakasal,
kung paanong sumunod ka sa akin sa ilang,
sa lupaing hindi hinasikan.
3 Ang Israel ay banal sa Panginoon,
ang unang bunga ng kanyang ani.
Lahat ng nagsikain nito ay nagkasala,
ang kasamaan ay dumating sa kanila, sabi ng Panginoon.”
4 Pakinggan mo ang salita ng Panginoon, O sambahayan ni Jacob, at lahat ng mga angkan ng sambahayan ng Israel.
5 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Anong kamalian ang natagpuan sa akin ng inyong mga magulang
upang ako'y kanilang layuan,
at sumunod sa kawalang kabuluhan, at naging walang kabuluhan?
6 Hindi nila sinabi, ‘Nasaan ang Panginoon
na nag-ahon sa atin mula sa lupain ng Ehipto,
na pumatnubay sa atin sa ilang,
sa lupain ng mga disyerto at mga hukay,
sa lupain ng tagtuyot at malalim na kadiliman,
sa lupaing hindi dinaanan ng sinuman
at walang taong nanirahan?’
7 At dinala ko kayo sa masaganang lupain,
upang sa mga bunga ng mabubuting bagay nito kayo ay kumain.
Ngunit nang kayo'y pumasok ang lupain ko'y inyong dinungisan,
at ang aking pamana ay ginawa ninyong karumaldumal.
8 Hindi sinabi ng mga pari, ‘Nasaan ang Panginoon?’
Silang nagsisihawak ng kautusan ay hindi nakakilala sa akin;
ang mga pinuno[a] ay sumuway sa akin,
at ang mga propeta ay nagsalita ng propesiya sa pamamagitan ni Baal,
at nagsisunod sa mga bagay na walang pakinabang.
9 “Kaya't makikipagtalo pa rin ako sa inyo, sabi ng Panginoon,
at sa mga anak ng inyong mga anak ay makikipagtalo ako.
10 Sapagkat tumawid kayo sa mga baybayin ng Kittim,[b] at inyong tingnan,
at magsugo kayo sa Kedar, at magsuring mainam;
at inyong tingnan kung may nangyari nang ganitong bagay.
11 Nagpalit ba ang isang bansa ng mga diyos,
bagaman sila'y hindi mga diyos?
Ngunit ipinagpalit ng bayan ko ang kanilang kaluwalhatian
sa hindi pinakikinabangan.
12 Magtaka kayo, O mga langit, sa bagay na ito,
at magulat kayo, mawasak kayong lubos, sabi ng Panginoon.
13 Sapagkat ang bayan ko ay gumawa ng dalawang kasamaan:
tinalikuran nila ako,
ang bukal ng mga tubig na buháy,
at gumawa para sa kanila ng mga tipunan ng tubig
na mga sirang tipunan
na hindi malagyan ng tubig.
Mga Bunga ng Kataksilan ng Israel
14 “Ang Israel ba'y alipin? Siya ba'y aliping ipinanganak sa bahay?
Bakit nga siya'y naging hayop na nasila?
15 Ang mga batang leon ay nagsiungal laban sa kanya,
at sila'y malakas na nagsiungal.
Winasak nila ang kanyang lupain;
ang kanyang mga lunsod ay guho, walang naninirahan.
16 Bukod dito'y binasag[c] ng mga anak ng Memfis at ng Tafnes
ang bao ng iyong ulo.
17 Hindi ba ikaw na rin ang nagdala nito sa iyong sarili,
dahil sa iyong pagtalikod sa Panginoon mong Diyos,
nang kanyang patnubayan ka sa daan?
18 At ano ngayon ang napala mo sa pagpunta sa Ehipto,
upang uminom ng tubig ng Nilo?
O anong napala mo sa pagpunta sa Asiria,
upang uminom ng tubig ng Eufrates?
19 Parurusahan ka ng iyong sariling kasamaan,
at ang iyong pagtalikod ang sa iyo'y sasaway.
Alamin mo at iyong tingnan na masama at mapait
na iyong talikuran ang Panginoon mong Diyos,
at ang takot sa akin ay wala sa iyo, sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo.
Tumanggi ang Israel na Sambahin ang Diyos
20 “Sapagkat matagal nang panahong binasag ko ang iyong pamatok
at ang mga gapos mo'y nilagot;
ngunit iyong sinabi, ‘Hindi ako maglilingkod.’
Sapagkat sa bawat mataas na burol
at sa lilim ng bawat luntiang punungkahoy
ay yumuko kang tulad sa mahalay na babae.[d]
21 Gayunma'y itinanim kita na isang piling puno ng ubas,
na pawang dalisay na binhi.
Bakit nga naging bansot ka
at naging ligaw na ubas?
22 Kahit maligo ka ng lihiya,
at gumamit ng maraming sabon,
ang mantsa ng iyong pagkakasala ay nasa harapan ko pa rin, sabi ng Panginoong Diyos.
23 Paano mo nasasabi, ‘Hindi ako nadungisan,
hindi ako sumunod sa mga Baal’?
Tingnan mo ang iyong daan sa libis!
Alamin mo kung ano ang iyong ginawa!
Ikaw ay isang matuling batang kamelyo na pinagsala-salabat ang kanyang mga daan,
24 isang mailap na asno na sanay sa ilang,
na sa kanyang init ay sinisinghot ang hangin!
Sinong makakapigil sa kanyang pagnanasa?
Hindi na mapapagod pa ang mga nagsisihanap sa kanya;
sa kanyang kabuwanan ay kanilang matatagpuan siya.
25 Ingatan mo ang iyong paa sa paglakad na walang panyapak,
at ang iyong lalamunan sa pagkauhaw.
Ngunit iyong sinabi, ‘Walang pag-asa,
sapagkat ako'y umibig sa mga dayuhan,
at ako'y susunod sa kanila!’
26 “Kung paanong ang isang magnanakaw ay napapahiya kapag nahuhuli,
gayon mapapahiya ang sambahayan ni Israel;
sila, ang kanilang mga hari, ang kanilang mga pinuno,
ang kanilang mga pari, at ang kanilang mga propeta,
27 na nagsasabi sa punungkahoy, ‘Ikaw ay aking ama;’
at sa bato, ‘Ipinanganak mo ako.’
Sapagkat sila'y tumalikod sa akin,
at hindi ang kanilang mukha.
Ngunit sa panahon ng kanilang kaguluhan ay sinasabi nila,
‘Bumangon ka at iligtas mo kami!’
28 Ngunit nasaan ang iyong mga diyos
na ginawa mo para sa iyo?
Hayaan mo silang magsibangon, kung maililigtas nila kayo
sa panahon ng iyong kaguluhan,
sapagkat kung gaano karami ang iyong mga bayan
ay gayon ang iyong mga diyos, O Juda.
29 “Bakit kayo nagrereklamo laban sa akin?
Kayong lahat ay naghimagsik laban sa akin, sabi ng Panginoon.
30 Sa walang kabuluhan ang mga anak ninyo'y aking sinaktan;
sila'y hindi tumanggap ng saway.
Nilamon ng inyong sariling tabak ang inyong mga propeta,
na gaya ng leong mapamuksa.
31 At ikaw, O salinlahi, dinggin ninyo ang salita ng Panginoon.
Ako ba'y naging lupang ilang sa Israel,
o isang lupain ng makapal na kadiliman?
Bakit sinasabi ng aking bayan, ‘Kami ay malaya,
hindi na kami lalapit pa sa iyo’?
32 Malilimutan ba ng isang dalaga ang kanyang mga hiyas,
o ng isang ikakasal na babae ang kanyang kasuotan?
Gayunma'y kinalimutan ako ng aking bayan
sa di mabilang na mga araw.
33 “Kay galing mong pinamahalaan ang iyong lakad
upang humanap ng mga mangingibig!
Anupa't maging sa masasamang babae
ay itinuro mo ang iyong mga lakad.
34 Sa iyong mga palda ay natagpuan din
ang dugong ikinabubuhay ng mga dukhang walang sala;
hindi mo sila natagpuan na sapilitang pumapasok.
Gayunman, sa kabila ng lahat ng mga ito
35 ay sinasabi mo, ‘Ako'y walang sala;
tunay na ang kanyang galit sa akin ay lumayo na.’
Narito, sa kahatulan ay dadalhin kita,
sapagkat iyong sinabi, ‘Hindi ako nagkasala.’
36 Kay dali mong magpagala-gala
na binabago mo ang iyong lakad!
Ilalagay ka sa kahihiyan ng Ehipto
na gaya ng panghihiya sa iyo ng Asiria.
37 Mula doon ay lalabas ka rin
na ang iyong mga kamay ay nakapatong sa iyong ulo,
sapagkat itinakuwil ng Panginoon ang iyong mga pinagkakatiwalaan,
at sa pamamagitan nila'y hindi ka magtatagumpay.
Ang Taksil na Israel
3 Sinasabi nila, “Kung hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa,
at siya'y humiwalay sa kanya,
at maging asawa ng ibang lalaki,
babalik pa ba uli ang lalaki sa kanya?
Hindi ba lubos na madudumihan ang lupaing iyon?
Ikaw ay naging upahang babae[e] sa maraming mangingibig;
at babalik ka sa akin?
sabi ng Panginoon.
2 Itanaw mo ang iyong mga mata sa lantad na kaitaasan, at iyong tingnan!
Saan ka hindi nasipingan?
Sa tabi ng mga lansangan ay umupo kang naghihintay
na gaya ng taga-Arabia sa ilang.
Dinumihan mo ang lupain
ng iyong kahalayan at ng iyong kasamaan.
3 Kaya't pinigil ang mga ambon,
at hindi dumating ang ulan sa tagsibol;
gayunma'y mayroon kang noo ng isang upahang babae,
ikaw ay tumatangging mapahiya.
4 Hindi ba sa akin ay katatawag mo lamang,
‘Ama ko, ikaw ang kaibigan ng aking kabataan—
5 siya ba ay magagalit magpakailanman,
siya ba ay magngingitngit hanggang sa katapusan?’
Narito, ikaw ay nagsalita,
at gumawa ng masasamang bagay, at nasunod mo ang iyong naibigan.”
Ayaw Magsisi ng Israel at ng Juda
6 Sinabi(C) sa akin ng Panginoon sa mga araw ng haring si Josias, “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel, kung paanong siya'y umahon sa bawat mataas na burol at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy, at doon siya'y naging paupahang babae?
7 At aking sinabi, ‘Pagkatapos na magawa niya ang lahat ng bagay na ito, siya'y babalik sa akin;’ ngunit hindi siya bumalik, at ito'y nakita ng taksil niyang kapatid na Juda.
8 Nakita niya na dahil sa lahat ng pangangalunya ng taksil na Israel, pinalayas ko siya na may kasulatan ng paghihiwalay. Gayunma'y hindi natakot ang taksil niyang kapatid na Juda; sa halip siya man ay humayo at naging paupahang babae.
9 Sapagkat ang pagiging paupahang babae ay napakagaan para sa kanya, dinumihan niya ang lupain, at siya'y nangalunya sa mga bato at punungkahoy.
10 Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay hindi bumalik sa akin ng buong puso ang taksil niyang kapatid na Juda, kundi paimbabaw, sabi ng Panginoon.”
11 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Ipinakita ng taksil na Israel ang kanyang sarili na mas matuwid kaysa taksil na Juda.
12 Humayo ka at ipahayag mo ang mga salitang ito paharap sa hilaga, at sabihin mo,
‘Manumbalik ka, taksil na Israel, sabi ng Panginoon.
Hindi ako titingin na may galit sa inyo,
sapagkat ako'y maawain, sabi ng Panginoon;
hindi ako magagalit magpakailanman.
13 Kilalanin mo lamang ang iyong pagkakasala,
na ikaw ay naghimagsik laban sa Panginoon mong Diyos,
at ikinalat mo ang iyong mga lingap sa mga dayuhan sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy,
at kayo'y hindi nagsisunod sa aking tinig, sabi ng Panginoon.
14 Manumbalik kayo, O taksil na mga anak, sabi ng Panginoon,
sapagkat ako ay panginoon sa inyo,
at kukuha ako sa inyo ng isa sa isang lunsod, at dalawa sa isang angkan,
at dadalhin ko kayo sa Zion.
15 “‘At bibigyan ko kayo ng mga pastol ayon sa aking napupusuan, na magpapakain sa inyo ng kaalaman at unawa.
16 At mangyayari na kapag kayo'y dumami at lumago sa lupain sa mga araw na iyon, sabi ng Panginoon, hindi na nila sasabihin, “Ang kaban ng tipan ng Panginoon.” Hindi na iyon maiisip ni maaalala, ni hahanap-hanapin; at ito ay hindi na muling gagawin.
17 Sa panahong iyon ay tatawagin nila ang Jerusalem na trono ng Panginoon, at lahat ng mga bansa ay magtitipon doon sa Jerusalem, sa pangalan ng Panginoon, at hindi na sila lalakad ayon sa katigasan ng kanilang masasamang puso.
18 Sa mga araw na iyon ang sambahayan ng Juda ay lalakad na kasama ng sambahayan ng Israel, at magkasama silang manggagaling sa lupain ng hilaga patungo sa lupain na ibinigay ko bilang pamana sa inyong mga magulang.
Ang Pagsamba ng Israel sa Diyus-diyosan
19 “‘Aking inisip,
nais kong ilagay ka na kasama ng aking mga anak,
at bigyan ka ng magandang lupain,
isang pinakamagandang pamana sa lahat ng mga bansa.
At akala ko'y tatawagin mo ako, Ama ko;
at hindi ka na hihiwalay pa sa pagsunod sa akin.
20 Tunay na kung paanong iniiwan ng taksil na asawang babae ang kanyang asawa,
gayon kayo nagtaksil sa akin, O sambahayan ng Israel, sabi ng Panginoon.’”
21 Isang tinig ay naririnig sa mga lantad na kaitaasan,
ang iyak at pagsusumamo ng mga anak ni Israel;
sapagkat kanilang binaluktot ang kanilang daan,
kanilang nilimot ang Panginoon nilang Diyos.
22 “Manumbalik kayo, O taksil na mga anak,
pagagalingin ko ang inyong kataksilan.”
“Narito, kami ay lumalapit sa iyo;
sapagkat ikaw ang Panginoon naming Diyos.
23 Tunay na ang mga burol ay kahibangan,
ang mga lasingan sa mga bundok.
Tunay na nasa Panginoon naming Diyos
ang kaligtasan ng Israel.
24 “Ngunit mula sa ating pagkabata ay nilamon ng kahiyahiyang bagay ang lahat ng pinagpagalan ng ating mga magulang, ang kanilang mga kawan at ang kanilang mga bakahan, ang kanilang mga anak na lalaki at babae.
25 Tayo'y magsihiga sa ating kahihiyan, at takpan tayo ng ating kawalan ng dangal; sapagkat tayo'y nagkasala laban sa Panginoon nating Diyos, tayo at ang ating mga magulang, mula sa ating kabataan hanggang sa araw na ito; at hindi tayo nakinig sa tinig ng Panginoon nating Diyos.”
Panawagan upang Magsisi
4 “Kung ikaw ay manunumbalik, O Israel, sabi ng Panginoon,
sa akin ka dapat manumbalik.
Kung iyong aalisin ang iyong mga karumaldumal sa aking harapan,
at hindi ka mag-uurong-sulong,
2 at kung ikaw ay susumpa, ‘Habang buháy ang Panginoon,’
sa katotohanan, sa katarungan, at sa katuwiran;
ang mga bansa ay pagpapalain sa pamamagitan niya,
at sa kanya luluwalhati sila.”
Ang Juda ay Binalaang Sasalakayin
3 Sapagkat(D) ganito ang sabi ng Panginoon sa mga kalalakihan ng Juda at sa Jerusalem,
“Bungkalin ninyo ang inyong lupang tiwangwang,
at huwag kayong maghasik sa mga tinikan.
4 Tuliin ninyo ang inyong mga sarili para sa Panginoon,
at inyong alisin ang maruming balat ng inyong puso,
O mga taga-Juda at mga mamamayan ng Jerusalem;
baka ang aking poot ay sumiklab na parang apoy,
at magliyab na walang makakapatay nito,
dahil sa kasamaan ng inyong mga gawa.”
5 Ipahayag ninyo sa Juda, at ibalita ninyo sa Jerusalem; at inyong sabihin,
“Inyong hipan ang trumpeta sa buong lupain;
sumigaw kayo nang malakas, at inyong sabihin,
‘Magtipun-tipon kayo, at tayo'y magsipasok
sa mga lunsod na may kuta!’
6 Magtaas kayo ng watawat paharap sa Zion;
kayo'y magsitakas upang maligtas, huwag kayong magsitigil;
sapagkat ako'y nagdadala ng kasamaan mula sa hilaga,
at ng malaking pagkawasak.
7 Ang isang leon ay umahon mula sa sukal niya,
at isang mangwawasak ng mga bansa ang naghanda;
siya'y lumabas mula sa kanyang lugar,
upang wasakin ang iyong lupain,
ang iyong mga lunsod ay magiging guho
na walang maninirahan.
8 Dahil dito ay magbigkis kayo ng damit-sako,
managhoy kayo at tumangis;
sapagkat ang mabangis na galit ng Panginoon
ay hindi pa humihiwalay sa atin.”
9 “Mangyayari sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, ang puso ng hari at ang puso ng mga pinuno ay manlulumo. Ang mga pari ay matitigilan at ang mga propeta ay mamamangha.”
10 Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ah Panginoong Diyos, tunay na iyong lubos na dinaya ang sambayanang ito at ang Jerusalem, na iyong sinasabi, ‘Kayo'y magiging payapa,’ samantalang ang tabak ay nasa kanilang lalamunan!”
11 Sa panahong iyon ay sasabihin sa sambayanang ito at sa Jerusalem, “Isang mainit na hangin mula sa mga hubad na kaitaasan sa ilang ay patungo sa anak na babae ng aking bayan, hindi upang magtahip o maglinis man;
12 isang hanging napakalakas para dito ang darating dahil sa utos ko. Ngayon ako ay magsasalita ng mga hatol laban sa kanila.”
13 Pagmasdan ninyo, siya'y tumataas na parang mga ulap,
at ang kanyang mga karwahe ay tulad ng ipu-ipo;
mas matulin kaysa mga agila ang kanyang mga kabayo—
kahabag-habag tayo, sapagkat nawawasak tayo!
14 O Jerusalem, puso mo'y hugasan mula sa kasamaan,
upang ikaw ay maligtas naman.
Hanggang kailan titigil sa iyong kalooban
ang iyong pag-iisip na kasamaan?
15 Sapagkat isang tinig ang nagpapahayag mula sa Dan,
at mula sa Bundok ng Efraim ay nagbabalita ng kasamaan.
16 Balaan ninyo ang mga bansa na siya ay darating;
ibalita ninyo sa Jerusalem,
“Dumating ang mga mananakop mula sa malayong lupain,
sila ay sumisigaw laban sa mga lunsod ng Juda.
17 Gaya ng mga bantay sa parang sila'y nakapalibot laban sa kanya
sapagkat siya'y naghimagsik laban sa akin, sabi ng Panginoon.
18 Ang iyong mga lakad at ang iyong mga gawa
ang nagdala ng mga bagay na ito sa iyo.
Ito ang iyong pagkasalanta, anong pait!
Ito'y tumatagos sa iyong puso.”
Ang Kalungkutan ni Jeremias para sa Kanyang Bayan
19 Ang paghihirap ko, ang paghihirap ko! Ako'y namimilipit sa sakit!
O ang pagdaramdam ng aking puso!
Ang aking puso ay kakaba-kaba,
hindi ako matahimik;
sapagkat narinig mo, o kaluluwa ko, ang tunog ng trumpeta,
ang hudyat ng digmaan.
20 Sunud-sunod ang mga pagkapinsala,
ang buong lupain ay nasisira.
Ang aking mga tolda ay biglang nawasak,
at ang aking mga tabing sa isang iglap.
21 Hanggang kailan ang watawat ay aking makikita
at maririnig ang tunog ng trumpeta?
22 “Sapagkat ang bayan ko ay hangal,
hindi nila ako nakikilala:
sila'y mga batang mangmang
at sila'y walang pang-unawa.
Sa paggawa ng masama sila ay marunong,
ngunit sa paggawa ng mabuti ay wala silang alam.”
23 Ako'y tumingin sa lupa, at narito, ito'y wasak at walang laman;
at sa mga langit, at sila'y walang liwanag.
24 Ako'y tumingin sa mga bundok, at narito, sila ay nayayanig,
at ang lahat ng burol ay nagpapabalik-balik.
25 Ako'y tumingin, at narito, walang tao,
at lahat ng mga ibon sa himpapawid ay nagsialisan.
26 Ako'y tumingin, at narito, ang mabungang lupain ay naging disyerto,
at lahat ng mga lunsod ay nakatiwangwang na guho
sa harapan ng Panginoon, sa harapan ng kanyang mabangis na galit.
27 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, “Ang buong lupain ay mawawasak; gayunma'y hindi ko isasagawa ang lubos na pagwasak.
28 Dahil dito ang lupa ay tatangis,
at ang langit sa itaas ay magiging madilim;
sapagkat ako'y nagsalita, ako'y nagpanukala,
at hindi ako magbabago ng isip ni ako'y uurong.”
29 Ang bawat bayan ay tumakas dahil sa ingay
ng mga mangangabayo at ng mga mamamana;
sila'y pumapasok sa mga sukal, at umaakyat sa malalaking bato;
lahat ng mga lunsod ay pinabayaan,
at walang taong sa mga iyon ay naninirahan.
30 At ikaw, ikaw na nawasak, anong gagawin mo?
Magdamit ka man ng matingkad na pula,
gayakan mo man ang iyong sarili ng mga palamuting ginto,
palakihin mo man ang iyong mga mata sa pamamagitan ng pinta?
Sa walang kabuluhan ay nagpapaganda ka.
Hinahamak ka ng iyong mga mangingibig,
pinagbabantaan nila ang iyong buhay.
31 Sapagkat ako'y nakarinig ng isang sigaw na gaya ng sa babaing manganganak,
ng daing na gaya ng isang magsisilang ng kanyang panganay,
ang daing ng anak na babae ng Zion, na hinahabol ang paghinga,
na nag-uunat ng kanyang mga kamay,
“Kahabag-habag ako! Ako ay nanlulupaypay sa harap ng mga mamamatay-tao.”
Ang Kasalanan ng Jerusalem
5 Tumakbo kayong paroo't parito sa mga lansangan ng Jerusalem,
tingnan ninyo, at pansinin!
Halughugin ninyo ang kanyang mga liwasan
kung kayo'y mayroong taong matatagpuan,
na gumagawa ng katarungan
at naghahanap ng katotohanan;
upang patawarin ko siya.
2 Bagaman kanilang sinasabi, “Habang ang Panginoon ay buháy;”
gayunma'y sumusumpa sila ng may kasinungalingan.
3 O Panginoon, hindi ba naghahanap ng katotohanan ang iyong mga mata?
Hinampas mo sila,
ngunit hindi sila nasaktan;
nilipol mo sila,
ngunit ayaw nilang tumanggap ng pagtutuwid.
Kanilang pinatigas ang kanilang mukha ng higit kaysa batong malaki;
ayaw nilang magsisi.
4 Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ang mga ito ay dukha lamang,
sila'y mga hangal,
sapagkat hindi nila alam ang daan ng Panginoon,
ang kautusan ng kanilang Diyos.
5 Ako'y pupunta sa mga dakila,
at magsasalita sa kanila;
sapagkat alam nila ang daan ng Panginoon,
ang kautusan ng kanilang Diyos.”
Ngunit nagkakaisa nilang binali ang pamatok,
nilagot nila ang mga gapos.
6 Kaya't isang leon mula sa gubat ang sa kanila'y papaslang,
pupuksain sila ng isang lobo mula sa ilang,
isang leopardo ang nag-aabang sa kanilang mga lunsod.
Bawat isa na lalabas doon ay pagluluray-lurayin;
sapagkat ang kanilang mga pagsuway ay marami,
at ang kanilang mga pagtalikod ay malalaki.
7 “Paano kita mapapatawad?
Tinalikuran ako ng iyong mga anak,
at sila'y nanumpa sa pamamagitan ng mga hindi diyos.
Nang busugin ko sila,
sila'y nangalunya
at nagpuntahan sa mga bahay ng mga babaing upahan.[f]
8 Sila'y mga kabayong malulusog at pinakaing mabuti,
bawat isa'y humalinghing sa asawa ng kanyang kapwa.
9 Hindi ko ba sila parurusahan dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon,
sa isang bansang gaya nito
hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili?
10 “Akyatin ninyo ang kanyang mga hanay ng ubasan at inyong sirain;
ngunit huwag kayong magsagawa ng lubos na pagwasak.
Tanggalin ninyo ang kanyang mga sanga;
sapagkat sila'y hindi sa Panginoon.
11 Sapagkat ang sambahayan ng Israel at ang sambahayan ng Juda
ay labis na nagtaksil sa akin, sabi ng Panginoon.
12 Sila'y nagsalita ng kasinungalingan tungkol sa Panginoon,
at kanilang sinabi, ‘Wala siyang gagawin,
walang kasamaang darating sa atin,
ni makakakita tayo ng tabak o ng taggutom.
13 Ang mga propeta ay magiging hangin,
at ang salita ay wala sa kanila.
Ganoon ang gagawin sa kanila!’”
14 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo:
“Sapagkat sinabi ninyo ang salitang ito,
narito, gagawin kong apoy ang aking mga salita sa inyong bibig,
at ang sambayanang ito ay kahoy, at sila'y lalamunin ng apoy.
15 Narito, ako'y nagdadala sa inyo
ng isang bansang mula sa malayo, O sambahayan ng Israel, sabi ng Panginoon.
Ito'y isang tumatagal na bansa,
ito'y isang matandang bansa,
isang bansa na ang wika ay hindi mo nalalaman,
at ang kanilang sinasabi ay di mo mauunawaan.
16 Ang kanilang lalagyan ng pana ay gaya ng bukas na libingan,
silang lahat ay mga lalaking makapangyarihan.
17 Lalamunin nila ang iyong ani at ang iyong pagkain,
lalamunin nila ang iyong mga anak na lalaki at babae;
lalamunin nila ang iyong mga kawan at ang iyong mga bakahan;
lalamunin nila ang iyong mga puno ng ubas at mga puno ng igos;
ang iyong mga lunsod na may kuta na iyong pinagtitiwalaan,
ay kanilang wawasakin sa pamamagitan ng tabak.”
18 “Ngunit maging sa mga araw na iyon, sabi ng Panginoon, hindi ko gagawin ang inyong lubos na pagkawasak.
19 Mangyayari na kanilang sasabihin, ‘Bakit ginawa ng Panginoon nating Diyos ang lahat ng mga bagay na ito sa atin?’ At sasabihin mo sa kanila, ‘Kung paanong inyong tinalikuran ako, at naglingkod kayo sa mga ibang diyos sa inyong lupain, gayon kayo maglilingkod sa mga banyaga sa isang lupain na hindi sa inyo.’”
Binalaan ng Diyos ang Kanyang Bayan
20 Ipahayag mo ito sa sambahayan ng Jacob,
at ibalita mo ito sa Juda, na sinasabi,
21 “Pakinggan(E) ninyo ito ngayon, O hangal at bayang walang unawa;
na may mga mata, ngunit hindi nakakakita;
na may mga tainga, ngunit hindi nakakarinig.
22 Hindi(F) ba kayo natatakot sa akin? sabi ng Panginoon,
hindi ba kayo nanginginig sa aking harapan?
Sapagkat inilagay ko ang buhangin bilang hangganan sa karagatan,
isang palagiang hadlang na hindi nito malalampasan;
bagaman tumaas ang mga alon, hindi sila magtatagumpay,
bagaman ang mga ito'y magsihugong, hindi nila ito madadaanan.
23 Ngunit ang bayang ito ay may suwail at mapaghimagsik na puso;
sila'y tumalikod at lumayo.
24 Hindi nila sinasabi sa kanilang mga puso,
‘Sa Panginoon nating Diyos ay matakot tayo,
na nagbibigay ng ulan sa kapanahunan nito,
ng ulan sa taglagas at ulan sa tagsibol,
at nag-iingat para sa atin
ng mga sanlinggong itinakda para sa pag-aani!’
25 Ang inyong mga kasamaan ang nagpalayo ng mga ito,
at ang inyong mga kasalanan ang nagsipigil ng kabutihan para sa inyo.
26 Sapagkat ang masasamang tao ay natagpuang kasama ng aking bayan;
sila'y nagbabantay na gaya ng pagbabantay ng mga mamimitag.
Sila'y naglalagay ng silo,
sila'y nanghuhuli ng mga tao.
27 Gaya ng hawla na punô ng mga ibon,
ang kanilang mga bahay ay punô ng pandaraya;
kaya't sila'y naging dakila at mayaman.
28 Sila'y nagsitaba, sila'y kumintab.
Sila'y magagaling sa paggawa ng kasamaan.
Hindi nila ipinaglalaban ang usapin,
ang usapin ng mga ulila, upang sila'y magwagi,
at hindi nila ipinagtatanggol ang mga karapatan ng mga dukha.
29 Hindi ko ba sila parurusahan dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon;
sa isang bansang gaya nito,
hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili?
30 Isang kamanghamangha at kakilakilabot na bagay
ang nangyayari sa lupain:
31 ang mga propeta ay nagpapahayag ng kasinungalingan,
at ang mga pari ay namumuno ayon sa kanilang kapangyarihan,
at iniibig ng aking bayan ang gayon;
ngunit ano ang inyong gagawin sa wakas nito?
Ang Jerusalem ay Pinaligiran ng mga Kaaway
6 Tumakas kayo upang maligtas, O mga anak ni Benjamin,
mula sa gitna ng Jerusalem!
Hipan ninyo ang trumpeta sa Tekoa,
at magtaas ng hudyat sa Bet-hacquerim;
sapagkat may nagbabadyang kasamaan sa hilaga,
at isang malaking pagkawasak.
2 Ang maganda at maayos na anak na babae ng Zion
ay pupuksain ko.
3 Ang mga pastol at ang kanilang mga kawan ay darating laban sa kanya;
magtatayo sila ng kanilang mga tolda sa palibot niya,
sila'y magpapakain ng tupa, sa kanya-kanyang lugar ang bawat isa.
4 “Maghanda kayo upang digmain siya,
bangon, at tayo'y sumalakay sa katanghaliang-tapat!”
“Kahabag-habag tayo! sapagkat ang araw ay kumikiling,
sapagkat ang mga dilim ng gabi ay humahaba!”
5 “Bangon, at tayo'y sumalakay nang gabi,
at gibain natin ang kanyang mga palasyo!”
6 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
“Putulin ninyo ang kanyang mga punungkahoy,
at magtayo kayo ng bunton laban sa Jerusalem.
Ito ang lunsod na dapat parusahan;
walang anumang bagay sa loob niya kundi kalupitan.
7 Kung paanong pinananatiling sariwa ng isang bukal ang kanyang tubig,
gayon niya pinananatiling sariwa ang kanyang kasamaan;
karahasan at pagwasak ang naririnig sa loob niya;
pagkakasakit at mga sugat ang laging nasa harapan ko.
8 Tumanggap ka ng babala, O Jerusalem,
baka mapalayo ako sa iyo;
at ikaw ay gawin kong wasak,
isang lupaing hindi tinatahanan.”
Ang Mapanghimagsik na Israel
9 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
“Pupulutin nilang lubusan na gaya ng sa puno ng ubas
ang nalabi sa Israel;
gaya ng mamimitas ng ubas ay idaan mo uli ang iyong kamay
sa mga sanga nito.”
10 Kanino ako magsasalita at magbibigay ng babala,
upang sila'y makinig?
Ang kanilang mga tainga ay nakapinid,[g]
at hindi sila makarinig:
Narito, ang salita ng Panginoon sa kanila ay kadustaan;
ito'y hindi nila kinaluluguran.
11 Ngunit ako'y punô ng poot ng Panginoon;
ako'y pagod na sa pagpipigil nito.
“Ibuhos mo ito sa mga bata sa lansangan,
at gayundin sa pagtitipon ng kabinataan;
sapagkat ang lalaki at ang kanyang asawa ay kapwa kukunin,
maging ang may gulang at ang napakatanda na.
12 At(G) ang kanilang mga bahay ay ibibigay sa iba,
ang kanilang mga bukid at ang kanilang mga asawa na magkakasama,
sapagkat iuunat ko ang aking kamay
laban sa mga naninirahan sa lupain,” sabi ng Panginoon.
13 “Sapagkat mula sa pinakamaliit sa kanila hanggang sa pinakamalaki sa kanila,
ang bawat isa ay sakim sa pinagkakakitaan;
at mula sa propeta hanggang sa pari man,
bawat isa'y gumagawang may panlilinlang.
14 Kanilang(H) pinagaling nang bahagya ang sugat ng aking bayan,
na sinasabi, ‘Kapayapaan, kapayapaan’;
gayong wala namang kapayapaan.
15 Sila ba'y nahiya dahil sa ginawa nilang karumaldumal?
Hindi, kailanma'y hindi sila nahiya;
kung paano mamula ang pisngi ay hindi nila alam.
Kaya't sila'y mabubuwal na kasama ng mga nabubuwal;
sa panahon na akin silang parurusahan, sila'y babagsak,” sabi ng Panginoon.
16 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Tumayo kayo sa mga daan at tumingin,
at ipagtanong ninyo ang mga sinaunang landas,
kung saan naroon ang mabuting daan; at lumakad kayo roon,
at kayo'y makakatagpo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.
Ngunit kanilang sinabi, ‘Hindi kami lalakad doon.’
17 Ako'y naglagay ng mga bantay sa inyo, na sinasabi,
‘Inyong pakinggan ang tunog ng trumpeta!’
Ngunit kanilang sinabi, ‘Hindi kami makikinig.’
18 Kaya't inyong pakinggan, mga bansa,
at inyong alamin, O kapulungan, kung ano ang mangyayari sa kanila.
19 Pakinggan mo, O lupa: ako'y nagdadala ng kasamaan sa bayang ito,
na bunga ng kanilang mga pakana,
sapagkat sila'y hindi nakinig sa aking mga salita;
at tungkol sa aking kautusan, ito'y kanilang itinakuwil.
20 Sa anong layunin nagdadala kayo sa akin ng insenso mula sa Sheba,
o ng matamis na tubó mula sa malayong lupain?
Ang inyong mga handog na sinusunog ay hindi maaaring tanggapin,
ni ang inyo mang mga handog ay nakakalugod sa akin.
21 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon,
‘Tingnan mo, ako'y maglalagay ng mga batong katitisuran
sa harap ng bayang ito na kanilang katitisuran;
ang mga magulang at kasama ang mga anak,
ang kapitbahay at ang kanyang kaibigan ay mapapahamak.’”
22 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Tingnan mo, isang bayan ay dumarating mula sa lupain sa hilaga,
ang isang malaking bansa ay gigisingin mula sa mga kadulu-duluhang bahagi ng lupa.
23 Sila'y nagsisihawak ng pana at ng sibat;
sila'y malupit at walang habag;
ang kanilang tunog ay gaya ng nagngangalit na dagat;
sa mga kabayo sila'y nakasakay,
nakahanay na gaya ng isang lalaki para sa digmaan,
laban sa iyo, O anak na babae ng Zion!”
24 Narinig namin ang balita tungkol doon,
ang aming mga kamay ay walang magawa;
napigilan kaming lahat ng kahapisan,
ng sakit na gaya ng sa isang babae sa panganganak.
25 Huwag kang lumabas sa parang,
o lumakad man sa daan;
sapagkat may tabak ang kaaway,
ang kilabot ay nasa bawat dako.
26 O anak na babae ng bayan ko, magbihis ka ng damit-sako,
at gumulong ka sa abo,
tumangis ka na gaya ng sa bugtong na anak,
ng pinakamapait na pag-iyak;
sapagkat biglang darating sa atin ang mangwawasak.
27 “Ginawa kitang isang tagasubok at tagapagdalisay sa gitna ng aking bayan:
upang iyong malaman at masubok ang kanilang mga daan.
28 Silang lahat ay lubhang mapanghimagsik,
gumagala na may paninirang-puri;
sila'y tanso at bakal,
silang lahat ay kumikilos na may kabulukan.
29 Ang panghihip ay humihihip nang malakas;
ang tingga ay natutunaw sa apoy;
sa walang kabuluhan na nagpapatuloy ang pagdalisay,
sapagkat ang masasama ay hindi natatanggal.
30 Tatawagin silang pilak na itinakuwil,
sapagkat itinakuwil sila ng Panginoon.”
Nangaral si Jeremias sa Templo
7 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon na sinasabi,
2 “Tumayo ka sa pintuan ng bahay ng Panginoon, at ipahayag mo roon ang salitang ito, at iyong sabihin, Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, kayong lahat na taga-Juda na nagsisipasok sa mga pintuang ito upang magsisamba sa Panginoon.
3 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, Baguhin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa, at hahayaan ko kayong manirahan sa dakong ito.
4 Huwag kayong magtiwala sa mapandayang mga salita, na sinasabi, ‘Ito ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon.’
5 “Sapagkat kung tunay na inyong babaguhin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa; kung kayo'y tunay na magsisigawa ng katarungan sa isa't isa,
6 kung hindi ninyo aapihin ang dayuhan, ang ulila at ang babaing balo, o hindi kayo magpapadanak ng walang salang dugo sa dakong ito, o susunod man sa ibang mga diyos sa ikapapahamak ng inyong sarili,
7 kung gayo'y hahayaan ko kayong manirahan sa dakong ito, sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga magulang mula nang una hanggang magpakailanman.
8 “Narito, kayo'y nagtitiwala sa mga mapandayang salita na hindi mapapakinabangan.
9 Kayo ba'y magnanakaw, papatay, mangangalunya at susumpa ng kasinungalingan, at magsusunog ng insenso kay Baal, at magsisisunod sa ibang mga diyos na hindi ninyo nakikilala,
10 at pagkatapos ay magsisiparito at magsisitayo sa harapan ko sa bahay na ito, na tinatawag sa aking pangalan, na magsasabi, ‘Kami ay ligtas!’ upang magpatuloy lamang sa paggawa ng lahat ng karumaldumal na ito?
11 Ang(I) bahay bang ito na tinawag sa aking pangalan, ay naging yungib ng mga tulisan sa inyong mga mata? Narito, ako mismo ang nakakita nito, sabi ng Panginoon.
12 Magsiparoon(J) kayo ngayon sa aking lugar na dating nasa Shilo, na doon ko pinatira ang aking pangalan nang una, at inyong tingnan kung ano ang aking ginawa roon dahil sa kasamaan ng aking bayang Israel.
13 At ngayon, sapagkat inyong ginawa ang lahat ng mga bagay na ito, sabi ng Panginoon, at nang ako'y nagsalita sa inyo na bumabangong maaga at nagsasalita, ay hindi kayo nakinig. At nang tawagin ko kayo, hindi kayo sumagot,
14 kaya't gagawin ko sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, na inyong pinagtitiwalaan at sa dakong ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, ang gaya ng aking ginawa sa Shilo.
15 Palalayasin ko kayo sa aking paningin, gaya ng pagpapalayas ko sa lahat ninyong mga kapatid, ang lahat ng supling ni Efraim.
Ang Pagsuway ng Bayan
16 “Tungkol sa iyo, huwag mong ipanalangin ang bayang ito, ni magtaas man ng daing o panalangin para sa kanila, o mamagitan ka man sa akin, sapagkat hindi kita diringgin.
17 Hindi mo ba nakikita kung ano ang kanilang ginagawa sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem?
18 Ang(K) mga bata ay namumulot ng kahoy, at ang mga ama ay nagpapaningas ng apoy, at ang mga babae ay nagmamasa ng masa upang igawa ng mga tinapay ang reyna ng langit, at sila'y nagbubuhos ng mga handog na inumin sa ibang mga diyos, upang ako'y kanilang ibunsod sa galit.
19 Ako ba ang kanilang ibinubunsod sa galit? sabi ng Panginoon. Hindi ba ang kanilang sarili, sa kanilang sariling ikalilito?
20 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ang aking galit at poot ay ibubuhos sa dakong ito, sa tao, at hayop, sa mga punungkahoy sa parang at sa bunga ng lupa. Ito ay magliliyab at hindi mapapatay.”
21 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, “Idagdag ninyo ang inyong mga handog na sinusunog sa inyong mga alay, at kainin ninyo ang laman.
22 Sapagkat nang araw na ilabas ko sila sa lupain ng Ehipto, hindi ako nagsalita sa inyong mga magulang, o nag-utos man sa kanila, tungkol sa mga handog na sinusunog at mga alay.
23 Kundi ito ang ipinag-utos ko sa kanila, ‘Sundin ninyo ang aking tinig, at ako'y magiging inyong Diyos, at kayo'y magiging aking bayan; at magsilakad kayo sa lahat ng daan na iniuutos ko sa inyo, para sa ikabubuti ninyo.’
24 Ngunit hindi sila nakinig o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa katigasan ng kanilang masasamang puso, at nagsilakad nang paurong at hindi pasulong.
25 Mula nang araw na ang inyong mga magulang ay lumabas sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito, sinugo ko sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na araw-araw akong bumabangong maaga at isinusugo sila.
26 Gayunma'y hindi sila nakinig sa akin, o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg. Sila'y higit na masama kaysa kanilang mga magulang.
27 “Kaya't sasabihin mo ang lahat ng salitang ito sa kanila, ngunit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila, ngunit hindi sila sasagot sa iyo.
28 At sasabihin mo sa kanila, ‘Ito ang bansang hindi sumunod sa tinig ng Panginoon nilang Diyos, at hindi tumanggap ng pagtutuwid. Ang katotohanan ay naglaho na; ito ay nahiwalay sa kanilang bibig.
29 Gupitin mo ang iyong buhok, at itapon mo,
tumaghoy ka sa mga lantad na kaitaasan;
sapagkat itinakuwil at pinabayaan ng Panginoon
ang salinlahi ng kanyang poot.'
30 “Sapagkat ang mga anak ni Juda ay gumawa ng masama sa aking paningin, sabi ng Panginoon; kanilang inilagay ang kanilang mga karumaldumal sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang dungisan ito.
31 At(L) sila'y nagtayo ng mga mataas na dako ng Tofet, na nasa libis ng anak ni Hinom, upang sunugin sa apoy ang kanilang mga anak na lalaki at babae, na hindi ko ipinag-utos, o dumating man sa aking pag-iisip.
32 Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na siya tatawaging Tofet, o ang libis ng anak ni Hinom, kundi ang libis ng Katayan. Sapagkat sila'y maglilibing sa Tofet, hanggang sa mawalan ng lugar saanman.
33 Ang mga bangkay ng mga taong ito ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid, at para sa mga hayop sa lupa; at walang bubugaw sa mga iyon.
34 At(M) aking patitigilin sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem ang tinig ng pagsasaya at ang tinig ng katuwaan, ang tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, sapagkat ang lupain ay mawawasak.
8 “Sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ang mga buto ng mga hari ng Juda, ang mga buto ng kanyang mga pinuno, ang mga buto ng mga pari, ang mga buto ng mga propeta, at ang mga buto ng mga naninirahan sa Jerusalem ay ilalabas sa kanilang mga libingan;
2 at ang mga ito ay ikakalat sa harap ng araw, ng buwan, at ng lahat ng natatanaw sa langit, na kanilang inibig at pinaglingkuran, na sila nilang sinundan, hinanap, at sinamba. Sila'y hindi matitipon o malilibing; sila'y magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng lupa.
3 Ang kamatayan ay higit na pipiliin kaysa buhay ng lahat ng naiwang nalabi na nanatili sa masamang angkang ito sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Ang Kasalanan at ang Parusa
4 “Sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon!
Kapag nabubuwal ang mga tao, di ba't muling bumabangon sila?
Kapag ang isang tao'y tumalikod, hindi ba't bumabalik siya?
5 Kung gayo'y bakit ang bayang ito ng Jerusalem ay tumalikod
sa tuluy-tuloy na pagtalikod?
Sila'y nananatili sa pandaraya,
ayaw nilang bumalik.
6 Aking pinakinggan at aking narinig,
ngunit hindi sila nagsalita nang matuwid;
walang nagsisisi sa kanyang kasamaan,
na nagsasabi, ‘Anong aking ginawa?’
Bawat isa'y tumatahak sa kanyang sariling daanan,
gaya ng kabayo na dumadaluhong sa labanan.
7 Maging ang tagak sa himpapawid
ay nakakaalam ng kanyang kapanahunan;
at ang batu-bato, langay-langayan, at tagak
ay tumutupad sa panahon ng kanilang pagdating,
ngunit hindi nalalaman ng aking bayan
ang alituntunin ng Panginoon.
8 “Paano ninyo nasasabi, ‘Kami ay matalino,
at ang kautusan ng Panginoon ay nasa amin?’
Ngunit sa katunayan, ito ay ginawang kasinungalingan
ng huwad na panulat ng mga eskriba.
9 Ang mga taong pantas ay mapapahiya,
sila'y masisindak at kukunin;
narito, kanilang itinakuwil ang salita ng Panginoon,
at anong karunungan ang nasa kanila?
10 Kaya't(N) ibibigay ko ang kanilang mga asawa sa iba,
at ang kanilang mga parang sa mga bagong magmamay-ari,
sapagkat mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki,
ang bawat isa ay sakim sa pakinabang;
mula sa propeta hanggang sa pari,
bawat isa'y gumagawang may panlilinlang.
11 Kanilang(O) pinagaling nang bahagya ang sugat ng aking bayan,
na sinasabi, ‘Kapayapaan, kapayapaan,’
gayong walang kapayapaan.
12 Nahiya ba sila nang sila'y gumawa ng karumaldumal?
Hindi, hindi man lamang sila nahiya,
hindi sila marunong mamula sa hiya.
Kaya't sila'y mabubuwal sa gitna ng mga nabuwal;
sa panahon ng kanilang kaparusahan, sila'y ibabagsak, sabi ng Panginoon.
13 Lubos ko silang lilipulin, sabi ng Panginoon,
mawawalan ng ubas sa puno ng ubas,
o ng mga igos sa mga puno ng igos,
maging ang mga dahon ay nalalanta;
at ang naibigay ko sa kanila ay lumipas na sa kanila.”
14 Bakit tayo'y nakaupo lamang?
Kayo'y magtipun-tipon, at magsipasok tayo sa mga lunsod na may kuta,
at mamatay doon;
sapagkat tayo'y itinakda nang mamatay ng Panginoon nating Diyos,
at binigyan tayo ng tubig na may lason upang inumin,
sapagkat tayo'y nagkasala laban sa Panginoon.
15 Tayo'y naghanap ng kapayapaan, ngunit walang mabuting dumating;
ng panahon ng paggaling, ngunit narito, ang panghihilakbot.
16 “Ang singasing ng kanilang mga kabayo ay naririnig mula sa Dan,
sa tunog ng halinghing ng kanilang malalaking kabayo
ay nayayanig ang buong lupain.
Sila'y dumarating at nilalamon ang lupain at ang lahat ng naroon;
ang lunsod at ang mga naninirahan doon.
17 Sapagkat narito, ako'y nagsusugo ng mga ahas sa gitna ninyo,
mga ulupong na hindi mapapaamo,
at kakagatin nila kayo,” sabi ng Panginoon.
18 Ang aking kapighatian ay wala nang lunas!
ang puso ko ay nanlulupaypay.
19 Narito, dinggin ninyo ang daing ng anak na babae ng aking bayan
mula sa malayong lupain:
“Hindi ba nasa Zion ang Panginoon?
Wala ba sa loob niya ang kanyang Hari?”
“Bakit nila ako ginalit sa pamamagitan ng kanilang mga larawang inanyuan,
at ng kanilang ibang mga diyos?”
20 “Ang pag-aani ay nakaraan, ang tag-init ay tapos na,
at tayo'y hindi ligtas.”
21 Dahil sa sugat ng anak na babae ng aking bayan ay nasaktan ako,
ako'y nagluluksa, at ako'y sakmal ng pagkabalisa.
22 Wala bang pamahid na gamot sa Gilead?
Wala bang manggagamot doon?
Bakit nga hindi pa naibabalik
ang kalusugan ng anak na babae ng aking bayan?
9 O, ang ulo ko sana ay mga tubig,
at ang aking mga mata ay bukal ng mga luha,
upang ako'y makaiyak araw at gabi
dahil sa mga pinaslang sa anak na babae ng aking bayan!
2 O, mayroon sana akong patuluyan sa ilang
para sa mga manlalakbay,
upang aking maiwan ang aking bayan
at sila'y aking layuan!
Sapagkat silang lahat ay mapakiapid,
isang pangkat ng mga taksil!
3 Binabaluktot nila ang kanilang dila gaya ng pana;
ang kasinungalingan at hindi katotohanan ang nananaig sa lupain;
sapagkat sila'y nagpapatuloy mula sa kasamaan tungo sa kasamaan,
at hindi nila ako nakikilala, sabi ng Panginoon.
4 Mag-ingat ang bawat isa sa kanyang kapwa,
at huwag kayong magtiwala sa sinumang kapatid;
sapagkat bawat kapatid ay mang-aagaw,
at bawat kapwa ay gumagala bilang isang maninirang-puri.
5 Dinadaya ng bawat isa ang kanyang kapwa,
at hindi nagsasalita ng katotohanan;
kanilang tinuruan ang kanilang dila na magsalita ng kabulaanan;
sila'y gumagawa ng kasamaan at pinapagod ang sarili sa paggawa ng kasamaan.
6 Ang iyong tahanan ay nasa gitna ng pandaraya; at sa pamamagitan ng pandaraya ay
ayaw nila akong kilalanin, sabi ng Panginoon.
7 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
“Tingnan mo, akin silang dadalisayin at susubukin,
sapagkat ano pa ang aking magagawa, dahil sa mga kasalanan ng aking bayan?
8 Ang kanilang dila ay palasong nakakamatay;
ito ay nagsasalita nang may kadayaan;
sa kanyang bibig ay nagsasalita ng kapayapaan ang bawat isa sa kanyang kapwa,
ngunit sa kanyang puso ay nagbabalak siya na tambangan ito.
9 Hindi ko ba sila parurusahan dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon;
sa isang bansa na gaya nito,
hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili?
10 “Itataas ko para sa mga bundok ang pag-iyak at paghagulhol,
at ang panaghoy sa mga pastulan sa ilang,
sapagkat ang mga iyon ay giba na, anupa't walang dumaraan;
at hindi naririnig ang ungal ng kawan;
ang mga ibon sa himpapawid at gayundin ang mga hayop sa parang
ay nagsitakas at ang mga ito'y wala na.
11 Gagawin kong bunton ng mga guho ang Jerusalem,
isang pugad ng mga asong-gubat;
at aking sisirain ang mga lunsod ng Juda,
na walang maninirahan.”
12 Sino ang matalino na makakaunawa nito? At kanino nagsalita ang bibig ng Panginoon, upang ito'y kanyang maipahayag? Bakit ang lupain ay giba at wasak na parang ilang, na anupa't walang dumaraan?
13 At sinabi ng Panginoon: “Sapagkat kanilang tinalikuran ang aking kautusan na aking inilagay sa harapan nila, at hindi sila sumunod sa aking tinig, o lumakad ayon dito,
14 kundi matigas na nagsisunod sa kanilang sariling puso, at nagsisunod sa mga Baal, gaya ng itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang.
15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Aking pakakainin ang bayang ito ng mapait na halaman, at bibigyan ko sila ng nakalalasong tubig upang inumin.
16 Ikakalat ko sila sa mga bansa na hindi nila nakilala, maging ng kanilang mga magulang man; at ipahahabol ko sila sa tabak, hanggang sa malipol ko sila.”
Humingi ng Saklolo ang Jerusalem
17 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
“Isaalang-alang ninyo, at tawagin ninyo upang pumarito ang mga babaing tagatangis,
at inyong ipasundo ang mga babaing tagaiyak, upang sila'y pumarito!
18 Magmadali sila, at magsihagulhol para sa atin,
upang ang ating mga mata ay daluyan ng mga luha,
at ang ating mga talukap-mata ay labasan ng tubig.
19 Sapagkat ang tinig ng pagtangis ay naririnig mula sa Zion,
‘Tayo'y wasak na wasak!
Tayo'y nalagay sa malaking kahihiyan,
sapagkat iniwan natin ang lupain,
sapagkat kanilang ibinagsak ang ating mga tirahan.’”
20 Ngayo'y pakinggan ninyo, O mga kababaihan, ang salita ng Panginoon,
at tanggapin ng inyong pandinig ang salita ng kanyang bibig;
at turuan ninyo ng pagtangis ang inyong mga anak na babae
at ng panaghoy ang bawat isa sa kanyang kapwa.
21 Sapagkat ang kamatayan ay umakyat sa ating mga bintana,
ito'y nakapasok sa ating mga palasyo,
upang lipulin ang mga bata sa mga lansangan
at ang mga binata sa mga liwasang-bayan.
22 Magsalita ka: “Ganito ang sabi ng Panginoon,
‘Ang mga bangkay ng mga tao ay mabubuwal
na parang dumi sa kaparangan,
gaya ng bigkis sa likod ng manggagapas,
at walang magtitipon sa mga iyon!’”
23 Ganito ang sabi ng Panginoon: “Huwag magmapuri ang marunong sa kanyang karunungan, at huwag magmapuri ang makapangyarihan sa kanyang kapangyarihan, huwag magmapuri ang mayaman sa kanyang kayamanan;
24 kundi(P) ang nagmamapuri ay dito magmapuri, na kanyang nauunawaan at nakikilala ako, na ako ang Panginoon na nagsasagawa ng kagandahang-loob, ng katarungan, at ng katuwiran sa daigdig; sapagkat sa mga bagay na ito ay nalulugod ako, sabi ng Panginoon.”
25 “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na parurusahan ko ang lahat ng mga tuli gayunma'y hindi tuli—
26 ang Ehipto, Juda, Edom, at ang mga anak ni Ammon, at ni Moab, at ang lahat ng naninirahan sa ilang na inaahit ang buhok sa kanilang noo, sapagkat ang lahat ng mga bansang ito ay hindi tuli, at ang buong sambahayan ng Israel ay hindi tuli sa puso.”
Huwad at Tunay na Pagsamba
10 Pakinggan ninyo ang salita na sinasabi ng Panginoon sa inyo, O sambahayan ng Israel.
2 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Huwag ninyong pag-aralan ang lakad ng mga bansa,
ni mabagabag sa mga tanda ng mga langit,
sapagkat ang mga bansa ay nababagabag sa mga iyon,
3 sapagkat ang mga kaugalian ng mga sambayanan ay walang kabuluhan.
Isang punungkahoy mula sa gubat ang pinuputol,
at nilililok sa pamamagitan ng palakol ng mga kamay ng manlililok.
4 Ginagayakan ito ng mga tao ng pilak at ginto;
pinatatatag nila ito ng martilyo at mga pako,
upang huwag itong makilos.
5 Sila ay gaya ng mga panakot-uwak sa gitna ng taniman ng pipino,
at hindi sila makapagsalita.
Kailangan silang pasanin,
sapagkat hindi sila makalakad.
Huwag ninyong katakutan ang mga iyon,
sapagkat sila'y hindi makakagawa ng masama,
ni wala ring magagawang mabuti.”
6 Walang gaya mo, O Panginoon;
ikaw ay dakila, at ang iyong pangalan ay dakila sa kapangyarihan.
7 Sinong(Q) hindi matatakot sa iyo, O Hari ng mga bansa?
Sapagkat ito'y nararapat sa iyo;
sapagkat sa lahat ng mga pantas ng mga bansa
at sa lahat nilang mga kaharian
ay walang gaya mo.
8 Sila'y pawang mga mangmang at hangal,
ang turo ng mga diyus-diyosan ay kahoy lamang!
9 Pinitpit na pilak ang dinadala mula sa Tarsis,
at ginto mula sa Uphaz.
Ang mga ito'y gawa ng manlililok at ng mga kamay ng platero;
ang kanilang damit ay bughaw at kulay ube;
ang mga ito'y gawang lahat ng mga bihasang manggagawa.
10 Ngunit ang Panginoon ang tunay na Diyos;
siya ang buháy na Diyos at walang hanggang Hari.
Sa kanyang poot ang lupa'y nayayanig,
at hindi matatagalan ng mga bansa ang kanyang galit.
11 Kaya't ganito ang inyong sasabihin sa kanila: “Ang mga diyos na hindi gumawa ng langit at ng lupa ay malilipol sa lupa, at sa silong ng mga langit.”[h]
12 Siya ang gumawa ng lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan,
na nagtatag ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang karunungan,
at sa pamamagitan ng kanyang kaunawaan ay iniladlad niya ang kalangitan.
13 Kapag siya'y nagsasalita
ay may hugong ng tubig sa mga langit,
at kanyang pinaiilanglang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa.
Gumagawa siya ng mga kidlat para sa ulan,
at naglalabas siya ng hangin mula sa kanyang mga kamalig.
14 Bawat tao ay hangal at walang kaalaman;
bawat platero ay inilalagay sa kahihiyan ng kanyang mga diyus-diyosan;
sapagkat ang kanyang mga larawan ay kabulaanan,
at walang hininga sa mga iyon.
15 Sila'y walang kabuluhan, isang gawa ng panlilinlang;
sa panahon ng pagpaparusa sa kanila ay malilipol sila.
16 Hindi gaya ng mga ito ang bahagi ng Jacob,
sapagkat siya ang nag-anyo sa lahat ng mga bagay;
at ang Israel ay siyang lipi ng kanyang mana;
ang Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan.
Ang Darating na Pagkabihag
17 Pulutin mo ang iyong balutan mula sa lupa,
O ikaw na nakukubkob!
18 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:
“Narito, aking ihahagis palabas ang mga naninirahan sa lupain
sa panahong ito,
at ako'y magdadala ng kahirapan sa kanila
upang ito'y maramdaman nila.”
19 Kahabag-habag ako dahil sa aking sugat!
Malubha ang aking sugat.
Ngunit aking sinabi, “Tunay na ito ay isang paghihirap,
at dapat kong tiisin.”
20 Ang aking tolda ay nagiba,
at lahat ng panali ko ay napatid;
iniwan ako ng aking mga anak,
at sila'y wala na;
wala nang magtatayo pa ng aking tolda,
at magtataas ng aking mga tabing.
21 Sapagkat ang mga pastol ay naging hangal,
at hindi sumasangguni sa Panginoon;
kaya't hindi sila umuunlad,
at lahat nilang kawan ay nakakalat.
22 Pakinggan ninyo, isang ingay! Tingnan ninyo, ito'y dumarating—
isang malaking kaguluhan mula sa hilagang lupain,
upang wasakin ang mga lunsod ng Juda,
at gawing tahanan ng mga asong-gubat.
23 Alam ko, O Panginoon, na ang lakad ng tao ay wala sa kanyang sarili;
wala sa taong lumalakad ang magtuwid ng kanyang mga hakbang.
24 Ituwid mo ako, O Panginoon, ngunit sa katarungan,
huwag sa iyong galit, baka ako'y iuwi mo sa wala.
25 Ibuhos mo ang iyong poot sa mga bansang hindi nakakakilala sa iyo,
at sa mga bayan na hindi tumatawag sa iyong pangalan;
sapagkat kanilang nilamon ang Jacob,
kanilang nilamon siya, at nilipol siya,
at winasak ang kanyang tahanan.
Si Jeremias at ang Tipan
11 Ang salitang dumating kay Jeremias mula sa Panginoon na nagsasabi,
2 “Pakinggan ninyo ang mga salita ng tipang ito, at sabihin ninyo sa mga mamamayan ng Juda at mamamayan ng Jerusalem.
3 Sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Sumpain ang taong hindi nakikinig sa mga salita ng tipang ito,
4 na aking iniutos sa inyong mga ninuno, nang araw na aking inilabas sila mula sa lupain ng Ehipto, mula sa hurnong bakal, na sinasabi, Makinig kayo sa aking tinig, at gawin ninyo ang lahat ng iniuutos ko sa inyo. Sa gayo'y magiging bayan ko kayo, at ako'y magiging inyong Diyos,
5 upang aking maisagawa ang aking ipinangako sa inyong mga ninuno, na bibigyan ko sila ng isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, gaya sa araw na ito.” Nang magkagayo'y sumagot ako, “Amen, O Panginoon.”
6 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Ipahayag mo ang lahat ng mga salitang ito sa mga lunsod ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem: Pakinggan ninyo ang mga salita ng tipang ito at inyong isagawa.
7 Sapagkat taimtim kong binalaan ang inyong mga ninuno nang araw na aking iahon sila sa lupain ng Ehipto at patuloy ko silang binabalaan hanggang sa araw na ito, na aking sinasabi, Sundin ninyo ang aking tinig.
8 Gayunma'y hindi sila sumunod o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi lumakad ang bawat isa sa katigasan ng kanyang masamang puso. Kaya't dinala ko sa kanila ang lahat ng salita ng tipang ito, na iniutos kong gawin nila, ngunit hindi nila ginawa.”
Pinagbantaan si Jeremias
9 At sinabi sa akin ng Panginoon, “May sabwatang natagpuan sa mga kalalakihan ng Juda at sa mga mamamayan ng Jerusalem.
10 Sila'y bumalik sa mga kasamaan ng kanilang mga ninuno na tumangging makinig sa aking mga salita. Sila'y nagsisunod sa ibang mga diyos upang paglingkuran ang mga iyon. Sinira ng sambahayan ng Israel at ng Juda ang tipan na aking ginawa sa kanilang mga ninuno.
11 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magdadala sa kanila ng kasamaan na hindi nila matatakasan. Bagaman sila'y dumaing sa akin, hindi ko sila papakinggan.
12 Kung magkagayo'y hahayo at dadaing ang mga lunsod ng Juda at ang mga naninirahan sa Jerusalem sa mga diyos na kanilang pinaghandugan ng insenso, ngunit hindi sila maililigtas sa panahon ng kanilang kagipitan.
13 Sapagkat ang iyong mga diyos ay naging kasindami ng iyong mga bayan, O Juda; at kasindami ng mga lansangan ng Jerusalem ang mga dambana na inyong itinayo sa kahihiyan, mga dambana upang pagsunugan ng insenso kay Baal.
14 “Kaya't huwag kang manalangin para sa bayang ito, o dumaing alang-alang sa kanila, sapagkat hindi ako makikinig kapag sila'y tumawag sa akin sa panahon ng kanilang kagipitan.
15 Anong karapatan mayroon ang aking minamahal sa aking bahay, gayong siya'y gumawa ng napakasamang mga gawa? Mailalayo ba ng mga panata at handog na laman ang iyong kapahamakan? Makapagsasaya ka pa ba?
16 Tinawag ka ng Panginoon na, ‘Luntiang puno ng olibo, maganda at may mabuting bunga;’ ngunit sa pamamagitan ng ingay ng malakas na bagyo ay susunugin niya ito, at ang mga sanga nito ay matutupok.
17 Ang Panginoon ng mga hukbo na nagtanim sa iyo ay nagpahayag ng kasamaan laban sa iyo, dahil sa kasamaang ginawa ng sambahayan ng Israel at ng sambahayan ng Juda. Ginalit nila ako sa pamamagitan ng pag-aalay ng handog kay Baal.”
18 Ipinaalam iyon sa akin ng Panginoon at nalaman ko;
pagkatapos ay ipinakita mo sa akin ang kanilang masasamang gawa.
19 Ngunit ako'y naging gaya ng maamong kordero
na inaakay patungo sa katayan.
Hindi ko alam na laban sa akin
ay gumawa sila ng mga pakana, na sinasabi,
“Sirain natin ang punungkahoy at ang bunga nito,
at ihiwalay natin siya sa lupain ng mga nabubuhay,
upang ang kanyang pangalan ay hindi na maalala.”
20 Ngunit, O Panginoon ng mga hukbo, na humahatol ng matuwid,
na sumusubok sa puso[i] at sa pag-iisip,
ipakita mo sa akin ang iyong paghihiganti sa kanila,
sapagkat sa iyo'y inihayag ko ang aking ipinaglalaban.
21 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga lalaki ng Anatot na nagbabanta sa iyong buhay, at nagsasabi, “Huwag kang magsalita ng propesiya sa pangalan ng Panginoon, kung hindi ay mamamatay ka sa aming kamay”—
22 kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Parurusahan ko sila. Ang mga kabataang lalaki ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ang kanilang mga anak na lalaki at babae ay mamamatay sa gutom.
23 Walang matitira sa kanila sapagkat ako'y magdadala ng kasamaan sa mga mamamayan ng Anatot, sa taon ng pagdalaw sa kanila.”
Tinanong ni Jeremias ang Panginoon
12 Ikaw ay matuwid, O Panginoon,
kapag ako'y maghaharap ng paratang sa iyo;
gayunma'y hayaan mong ilahad ko ang aking panig sa harapan mo.
Bakit nagtatagumpay ang lakad ng masama?
Bakit lumalago ang lahat ng mga taksil?
2 Itinatanim mo sila, oo, at sila'y nagkakaugat;
sila'y lumalaki, oo, at sila'y nagbubunga;
ikaw ay malapit sa kanilang bibig,
at malayo sa kanilang mga puso.
3 Ngunit ikaw, O Panginoon, kilala mo ako;
nakikita mo ako, at sinusubok mo ang aking isipan tungkol sa iyo.
Hilahin mo silang gaya ng mga tupa para sa katayan,
at ihanda mo sila para sa araw ng pagkatay.
4 Hanggang kailan tatangis ang lupain,
at matutuyo ang mga damo sa buong lupain?
Dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon,
ang mga hayop at ang mga ibon ay nawala,
sapagkat sinasabi ng mga tao, “Hindi niya makikita ang ating huling wakas.”
5 Kung ikaw ay nakitakbo sa mga mananakbo, at kanilang pinagod ka,
paano ka makikipag-unahan sa mga kabayo?
At kung sa isang tiwasay na lupain ay nabubuwal ka,
paano ka na sa kagubatan ng Jordan?
6 Sapagkat maging ang iyong mga kapatid at ang sambahayan ng iyong ama
ay nagtaksil sa iyo;
sila'y sumisigaw ng malakas sa hulihan mo;
huwag mo silang paniwalaan,
bagaman sila'y nagsasalita ng kaaya-ayang salita sa iyo.”
Ang Hatol ng Panginoon sa Juda at sa Kanyang mga Kaaway
7 “Pinabayaan ko ang aking bahay,
tinalikuran ko ang aking mana;
ibinigay ko ang pinakamamahal ng aking kaluluwa
sa kamay ng kanyang mga kaaway.
8 Ang aking mana para sa akin
ay naging parang leon sa gubat;
inilakas niya ang kanyang tinig laban sa akin,
kaya't kinamumuhian ko siya.
9 Ang akin bang mana ay naging parang batik-batik na ibong mandaragit?
Laban ba sa kanya ang mga ibong mandaragit na nakapaligid sa kanya?
Humayo kayo, tipunin ninyo ang lahat ng mababangis na hayop,
dalhin ninyo sila upang sakmalin siya.
10 Sinira ng maraming pastol ang aking ubasan,
kanilang niyurakan ang aking bahagi,
ginawa nilang ilang na wasak
ang aking kalugud-lugod na bahagi.
11 Winasak nila ito, ito'y wasak,
ito'y tumatangis sa akin.
Ang buong lupain ay nawawasak,
gayunma'y walang taong nakakapansin nito.
12 Ang mga manglilipol ay dumating sa lahat ng lantad na kaitaasan sa ilang;
sapagkat ang tabak ng Panginoon ay nananakmal
mula sa isang dulo ng lupain hanggang sa kabilang dulo ng lupain;
walang taong may kapayapaan.
13 Sila'y naghasik ng trigo at nagsiani ng mga tinik;
pinagod nila ang kanilang mga sarili ngunit walang napalâ.
Ikahihiya nila ang inyong mga ani,
dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.”
14 Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa lahat ng aking masasamang kapwa na gumalaw sa mana na aking ipinamana sa aking bayang Israel: “Narito, bubunutin ko sila sa kanilang lupain, at aking bubunutin ang sambahayan ng Juda mula sa kanila.
15 At mangyayari, pagkatapos na aking mabunot sila, ako'y babalik at maaawa sa kanila; at muli ko silang ibabalik sa kani-kanilang mana at sa kani-kanilang lupain.
16 At mangyayari, kung kanilang masikap na pag-aaralan ang mga lakad ng aking bayan, na sumumpa sa pamamagitan ng pangalan ko, ‘Habang buháy ang Panginoon;’ gaya ng kanilang itinuro sa bayan ko na pagsumpa sa pamamagitan ng pangalan ni Baal, ay maitatayo nga sila sa gitna ng aking bayan.
17 Ngunit kung ang alinmang bansa ay hindi makikinig, kung gayo'y lubos ko itong bubunutin at lilipulin, sabi ng Panginoon.”
Ang Pamigkis na Lino
13 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, “Humayo ka at bumili ka ng isang pamigkis na lino, at ibigkis mo sa iyong baywang at huwag mong ilubog sa tubig.”
2 Kaya't bumili ako ng pamigkis ayon sa salita ng Panginoon, at inilagay ko sa aking baywang.
3 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin sa ikalawang pagkakataon, na sinasabi,
4 “Kunin mo ang pamigkis na iyong binili, na nasa iyong baywang, at bumangon ka at pumunta sa Eufrates, at ikubli mo ito sa isang bitak ng malaking bato.”
5 Kaya't pumunta ako, at ikinubli ko iyon sa tabi ng Eufrates gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.
6 At nangyari, pagkaraan ng maraming araw sinabi ng Panginoon sa akin, “Bumangon ka, pumunta ka sa Eufrates at kunin mo roon ang pamigkis na iniutos kong itago mo roon.”
7 Pumunta nga ako sa Eufrates, at hinukay ko at kinuha ang pamigkis mula sa dakong pinagtaguan ko nito. At narito, bulok na ang pamigkis at hindi na mapapakinabangan.
8 Nang magkagayo'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon na sinasabi,
9 “Ganito ang sabi ng Panginoon: Sa gayon ko rin bubulukin ang kapalaluan ng Juda at ang malaking kapalaluan ng Jerusalem.
10 Ang masamang bayang ito, na ayaw makinig sa mga salita ko, na may katigasang sumusunod sa kanilang puso, at sumunod sa ibang mga diyos upang paglingkuran at sambahin sila, ay magiging gaya ng pamigkis na ito, na hindi na mapapakinabangan.
11 Sapagkat kung paanong ang pamigkis ay kumakapit sa baywang ng isang lalaki, gayon ko pinakapit sa akin ang buong sambahayan ng Israel at ang buong sambahayan ng Juda, sabi ng Panginoon; upang sila para sa akin ay maging isang bayan, isang pangalan, isang kapurihan at kaluwalhatian, ngunit ayaw nilang makinig.
Ang Sisidlan ng Alak
12 “Kaya't sasabihin mo sa kanila ang salitang ito. ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, “Bawat sisidlan ng alak ay mapupuno ng alak:”’ At kanilang sasabihin sa iyo, ‘Hindi ba namin nalalaman na ang bawat sisidlan ng alak ay mapupuno ng alak?’
13 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Aking pupunuin ng kalasingan ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito: ang mga hari na nakaluklok sa trono ni David, ang mga pari, ang mga propeta, at ang lahat ng naninirahan sa Jerusalem.
14 At pag-uumpugin ko sila, maging ang mga magulang at ang mga anak na magkakasama, sabi ng Panginoon. Hindi ako magpapatawad, o maaawa man, o mahahabag, upang sila'y hindi ko lipulin.’”
Nagbabala si Jeremias tungkol sa Kapalaluan
15 Dinggin ninyo at bigyang-pansin, huwag kayong maging palalo,
sapagkat nagsalita ang Panginoon.
16 Luwalhatiin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos,
bago siya magpadilim,
bago matisod ang inyong mga paa
sa mga madilim na bundok,
at habang kayo'y naghahanap ng liwanag,
ay gagawin niya itong anino ng kamatayan
at gagawin niya itong pusikit na kadiliman.
17 Ngunit kung hindi kayo makikinig,
ang aking kaluluwa ay lihim na iiyak dahil sa inyong kapalaluan;
at ang mga mata ko ay iiyak nang mapait at dadaluyan ng mga luha,
sapagkat ang kawan ng Panginoon ay dinalang-bihag.
18 Sabihin mo sa hari at sa inang reyna,
“Kayo'y magpakumbaba, kayo'y umupo,
sapagkat ang inyong magandang korona
ay bumaba na mula sa inyong ulo.”
19 Ang mga bayan ng Negeb ay nasarhan,
at walang magbukas sa mga iyon,
ang buong Juda ay nadalang-bihag,
buong nadalang-bihag.
20 “Itanaw ninyo ang inyong mga mata,
at masdan ninyo ang mga nanggagaling sa hilaga.
Nasaan ang kawan na ibinigay sa iyo,
ang iyong magandang kawan?
21 Ano ang iyong sasabihin kapag kanilang inilagay bilang iyong puno
yaong tinuruan mo upang makipagkaibigan sa iyo?
Hindi ka ba masasaktan
gaya ng isang babae na manganganak?
22 At kung iyong sasabihin sa iyong puso,
‘Bakit dumating sa akin ang mga bagay na ito?’
Dahil sa laki ng iyong kasamaan
ay itinaas ang iyong palda
at nagdaranas ka ng karahasan.
23 Mababago ba ng taga-Etiopia ang kanyang balat,
o ng leopardo ang kanyang mga batik?
Kung gayon ay makakagawa rin kayo ng mabuti,
kayong mga sanay gumawa ng masama.
24 Ikakalat ko kayo[j] na gaya ng ipa
na itinaboy ng hangin mula sa ilang.
25 Ito ang iyong kapalaran,
ang bahaging itinakda ko sa iyo, sabi ng Panginoon;
sapagkat kinalimutan mo ako,
at nagtiwala ka sa kasinungalingan.
26 Ako mismo ang magtataas ng iyong palda sa ibabaw ng iyong mukha,
at ang iyong kahihiyan ay makikita.
27 Nakita ko ang iyong mga kasuklamsuklam na gawa,
ang iyong mga pangangalunya, at mga paghalinghing, ang kahalayan ng iyong pakikiapid,
sa mga burol sa parang.
Kahabag-habag ka, O Jerusalem!
Gaano pa katagal
bago ka maging malinis?”
Ang Matinding Tagtuyot
14 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias tungkol sa tagtuyot.
2 “Ang Juda ay tumatangis,
at ang mga pintuan niya ay nanghihina,
sila'y nangingitim na bumagsak sa lupa;
at ang daing ng Jerusalem ay pumapailanglang.
3 Sinugo ng kanyang mga maharlika ang kanilang mga lingkod na pumunta sa tubig;
sila'y dumating sa mga balon,
at walang natagpuang tubig;
sila'y nagsisibalik na dala ang mga sisidlan na walang laman;
sila'y nahihiya at nalilito,
at tinatakpan ang kanilang mga ulo.
4 Dahil sa lupa na bitak-bitak,
palibhasa'y walang ulan sa lupain,
ang mga magbubukid ay nahihiya,
tinatakpan nila ang kanilang mga ulo.
5 Maging ang usa sa parang ay pinababayaan ang kanyang bagong silang na usa,
sapagkat walang damo.
6 Ang maiilap na asno ay nakatayo sa mga lantad na kaitaasan,
sila'y humihingal na parang mga asong-gubat;
ang mata nila'y nanlalabo
sapagkat walang halaman.
7 “Bagaman ang aming mga kasamaan ay sumasaksi laban sa amin,
kumilos ka, O Panginoon, alang-alang sa iyong pangalan,
sapagkat ang aming mga pagtalikod ay marami;
kami ay nagkasala laban sa iyo.
8 O ikaw na pag-asa ng Israel,
ang Tagapagligtas nito sa panahon ng kagipitan,
bakit kailangan kang maging parang isang dayuhan sa lupain,
gaya ng manlalakbay na dumaraan upang magpalipas ng gabi?
9 Bakit kailangan kang maging gaya ng taong nalilito,
gaya ng taong makapangyarihan na hindi makapagligtas?
Gayunma'y ikaw, O Panginoon, ay nasa gitna namin,
at kami ay tinatawag sa iyong pangalan;
huwag mo kaming iwan.”
Walang Magagawa ang Mamagitan para sa Bayan
10 Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa bayang ito:
“Yamang inibig nila ang magpalabuy-laboy,
hindi nila pinigilan ang kanilang mga paa,
kaya't hindi sila tinatanggap ng Panginoon;
ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan,
at dadalawin sila dahil sa kanilang mga kasalanan.”
11 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Huwag mong idalangin ang kapakanan ng bayang ito.
12 Kapag sila'y mag-aayuno, hindi ko papakinggan ang kanilang daing; at kapag sila'y maghahandog ng handog na sinusunog at ng alay na butil, hindi ko tatanggapin ang mga iyon; kundi aking uubusin sila sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot.”
13 Nang magkagayo'y sinabi ko: “Ah Panginoong Diyos! Sinasabi ng mga propeta sa kanila, ‘Hindi kayo makakakita ng tabak, o magkakaroon man kayo ng taggutom, kundi bibigyan ko kayo ng tunay na kapayapaan sa dakong ito.’”
14 At sinabi sa akin ng Panginoon, “Ang mga propeta ay nagsasalita ng kasinungalingan sa aking pangalan; hindi ko sila sinugo, o inutusan ko man sila, o nagsalita man ako sa kanila. Sila'y nagpapahayag sa inyo ng sinungaling na pangitain, ng walang kabuluhang panghuhula at ng daya ng kanilang sariling mga pag-iisip.
15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga propeta na nagsasalita ng propesiya sa aking pangalan, bagaman hindi ko sila sinugo, na nagsasabi, ‘Tabak at taggutom ay hindi darating sa lupaing ito:’ Sa pamamagitan ng tabak at taggutom ay malilipol ang mga propetang iyon.
16 At ang mga taong pinagsalitaan nila ng propesiya ay ihahagis sa mga lansangan ng Jerusalem, dahil sa taggutom at tabak; at walang maglilibing sa kanila—sila, ang kanilang mga asawa, mga anak na lalaki at babae. Sapagkat ibubuhos ko sa kanila ang kanilang kasamaan.
17 “Sasabihin mo sa kanila ang salitang ito:
‘Hayaang daluyan ang aking mga mata ng mga luha sa gabi at araw,
at huwag huminto,
sapagkat ang anak na dalaga ng aking bayan ay sinaktan ng malaking sugat,
ng isang napakabigat na dagok.
18 Kung ako'y lalabas sa parang,
tingnan ninyo, ang mga pinatay ng tabak!
At kung ako'y papasok sa lunsod,
tingnan ninyo, ang mga sakit ng pagkagutom!
Sapagkat ang propeta at ang pari ay kapwa lumilibot sa buong lupain
at walang kaalaman.’”
19 Lubos mo na bang itinakuwil ang Juda?
Kinapopootan ba ng iyong kaluluwa ang Zion?
Bakit mo kami sinaktan,
anupa't hindi kami mapapagaling?
Naghanap kami ng kapayapaan, ngunit walang kabutihang dumating;
ng panahon ng paggaling, ngunit narito, ang pagkatakot!
20 Aming kinikilala ang aming kasamaan, O Panginoon
at ang kasamaan ng aming mga magulang;
sapagkat kami ay nagkasala laban sa iyo.
21 Huwag mo kaming kamuhian, alang-alang sa iyong pangalan;
huwag mong hamakin ang iyong trono ng kaluwalhatian
alalahanin mo at huwag mong sirain ang iyong tipan sa amin.
22 Mayroon ba sa mga huwad na diyos ng mga bansa na makapagbibigay ng ulan?
O makapagpapaambon ba ang mga langit?
Hindi ba ikaw iyon, O Panginoon naming Diyos?
Kaya't kami ay umaasa sa iyo;
sapagkat ginagawa mo ang lahat ng mga bagay na ito.
Kapahamakan para sa mga Taga-Juda
15 Pagkatapos(R) ay sinabi ng Panginoon sa akin, “Kahit pa tumayo sina Moises at Samuel sa harapan ko, hindi babaling ang aking puso sa bayang ito. Palayasin mo sila sa aking paningin, at paalisin mo sila!
2 At(S) kapag tinanong ka nila, ‘Saan kami pupunta?’ sasabihin mo nga sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Ang mga nakatakda sa kamatayan ay sa kamatayan,
at ang sa tabak ay sa tabak;
at ang sa taggutom, ay sa taggutom;
at ang sa pagkabihag, ay sa pagkabihag.”’
3 “Ako'y magtatalaga sa kanila ng apat na bagay, sabi ng Panginoon: ang tabak upang pumatay, mga aso upang lumapa, at ang mga ibon sa himpapawid at mga hayop sa lupa upang lumamon at lumipol.
4 At(T) gagawin ko silang katatakutan ng lahat ng mga kaharian sa lupa dahil sa ginawa sa Jerusalem ni Manases, na anak ni Hezekias, hari ng Juda.
5 “Sinong mahahabag sa iyo, O Jerusalem,
o sinong tataghoy sa iyo?
Sinong hihinto
upang itanong ang iyong kalagayan?
6 Itinakuwil mo ako, sabi ng Panginoon,
patuloy kang umuurong;
kaya't iniunat ko ang aking kamay laban sa iyo, at pinuksa kita;
pagod na ako sa pagiging mahabagin.
7 Tinahipan ko sila ng pantahip
sa mga pintuang-bayan ng lupain;
pinangulila ko sila, nilipol ko ang aking bayan;
sila'y hindi humiwalay sa kanilang mga lakad.
8 Pinarami ko ang kanilang mga babaing balo
nang higit kaysa buhangin sa karagatan.
Dinala ko laban sa mga ina ng mga binata
ang manglilipol sa katanghaliang-tapat;
bigla kong pinarating sa kanila
ang dalamhati at sindak.
9 Siyang nanganak ng pito ay nanghihina;
siya'y nalagutan ng hininga;
ang kanyang araw ay lumubog samantalang may araw pa;
siya'y napahiya at napariwara.
At ang nalabi sa kanila ay ibibigay ko sa tabak
sa harapan ng kanilang mga kaaway, sabi ng Panginoon.”
Dumaing si Jeremias sa Panginoon
10 Kahabag-habag ako, ina ko, na ipinanganak mo ako, isang taong palaaway at taong palaban sa buong lupain! Ako'y hindi nagpautang na may patubo o pinautang man na may patubo, gayunma'y sinusumpa nila akong lahat.
11 Sinabi ng Panginoon, Tunay na namagitan ako sa iyong buhay sa ikabubuti, tunay na nakiusap ako sa iyo para sa kaaway sa panahon ng kasamaan at sa panahon ng kagipitan!
12 Mababasag ba ng sinuman ang bakal, ang bakal na mula sa hilaga, at ang tanso?
13 “Ang iyong kayamanan at ang iyong ari-arian ay ibibigay ko bilang samsam, na walang bayad, dahil sa lahat mong kasalanan, sa lahat mong nasasakupan.
14 Pararaanin kita kasama ng iyong mga kaaway sa lupaing hindi mo nakikilala; sapagkat sa aking galit ay isang apoy ang nagniningas na magliliyab magpakailanman.”
15 O Panginoon, nalalaman mo;
alalahanin mo ako, at dalawin mo ako,
at ipaghiganti mo ako sa mga umuusig sa akin.
Ayon sa iyong pagiging matiisin ay huwag mo akong kunin,
alamin mo na alang-alang sa iyo ay nagtitiis ako ng pagkutya.
16 Ang iyong mga salita ay natagpuan, at aking kinain;
at sa ganang akin ang iyong mga salita ay katuwaan
at kagalakan ng aking puso,
sapagkat ako'y tinatawag sa iyong pangalan, O Panginoon, Diyos ng mga hukbo.
17 Hindi ako umupo sa kapulungan ng mga nagsasaya,
ni nagalak man ako;
ako'y naupong mag-isa sapagkat ang iyong kamay ay nakapatong sa akin,
sapagkat pinuno mo ako ng galit.
18 Bakit hindi tumitigil ang aking kirot,
at ang aking sugat ay walang lunas,
at ayaw mapagaling?
Ikaw ba'y magiging parang mandarayang batis sa akin,
parang tubig na nauubos?
19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
“Kung ikaw ay magbabalik-loob, tatanggapin kitang muli,
at ikaw ay tatayo sa harapan ko.
Kung bibigkasin mo ang mahalaga at hindi ang walang katuturan,
ikaw ay magiging parang aking bibig.
Sila'y manunumbalik sa iyo,
ngunit hindi ka manunumbalik sa kanila.
20 At gagawin kita para sa bayang ito
na pinatibay na pader na tanso;
lalaban sila sa iyo,
ngunit hindi sila magtatagumpay laban sa iyo;
sapagkat ako'y kasama mo
upang iligtas kita at sagipin kita, sabi ng Panginoon.
21 At ililigtas kita mula sa kamay ng masama,
at tutubusin kita mula sa kamay ng mga walang awa.”
Ang Kalooban ng Panginoon para kay Jeremias
16 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Huwag kang mag-aasawa, o magkakaroon man ng mga anak na lalaki o babae sa lugar na ito:
3 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga anak na lalaki at babae na ipinanganak sa lugar na ito, at tungkol sa mga ina at ama na nagsilang sa kanila sa lupaing ito:
4 Sila'y mamamatay sa mga masaklap na pagkamatay. Hindi sila tatangisan, ni ililibing man sila. Sila'y magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng lupa. Sila'y mamamatay sa tabak at pagkagutom, at ang kanilang mga bangkay ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid, at ng mga hayop sa lupa.
5 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: Huwag kang pumasok sa bahay ng pagluluksa, o pumaroon upang tumaghoy, o umiyak man sa mga iyon; sapagkat aking inalis ang kapayapaan ko sa bayang ito at ang aking tapat na pag-ibig at habag, sabi ng Panginoon.
6 Ang dakila at hamak ay kapwa mamamatay sa lupaing ito; sila'y hindi malilibing, at walang tataghoy para sa kanila o maghihiwa ng sarili o magpapakalbo man para sa kanila.
7 Walang magpuputol ng tinapay para sa nagluluksa, upang aliwin sila dahil sa namatay; ni ang sinuman ay magbibigay sa kanya ng saro ng kaaliwan upang inumin para sa kanyang ama o ina.
8 Huwag kang papasok sa bahay na may handaan upang makasalo nila sa pagkain at pag-inom.
9 Sapagkat(U) ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Aking patitigilin sa lugar na ito, sa harapan ng inyong mga mata at sa inyong mga araw, ang tinig ng katuwaan at kasayahan, ang mga tinig ng lalaking ikakasal at ng babaing ikakasal.
10 “At kapag sinabi mo sa mga taong ito ang lahat ng mga salitang ito, at kanilang sasabihin sa iyo, ‘Bakit binigkas ng Panginoon ang lahat ng malaking kasamaang ito laban sa amin? Ano ang aming kasamaan? Ano ang kasalanang nagawa namin laban sa Panginoon naming Diyos?’
11 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, ‘Sapagkat tinalikuran ako ng inyong mga ninuno, at nagsisunod sa ibang mga diyos, naglingkod sa kanila, nagsisamba sa kanila, tinalikuran ako, at hindi iningatan ang aking kautusan, sabi ng Panginoon.
12 At yamang kayo'y nagsigawa ng kasamaan na higit kaysa inyong mga ninuno, sapagkat, masdan ninyo, lumalakad ang bawat isa sa inyo ayon sa katigasan ng kanya-kanyang masamang kalooban, at ayaw makinig sa akin.
13 Kaya't itataboy ko kayo mula sa lupaing ito tungo sa lupaing hindi ninyo kilala, ni ng inyong mga ninuno. Doo'y maglilingkod kayo sa ibang mga diyos araw at gabi, sapagkat hindi ako magpapakita sa inyo ng anumang paglingap.’
Ang Pagbabalik mula sa Pagkabihag
14 “Kaya't ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na sasabihin pa, ‘Habang buháy ang Panginoon, na nag-ahon sa sambahayan ng Israel mula sa lupain ng Ehipto;’
15 kundi, ‘Habang buháy ang Panginoon, na nag-ahon sa sambayanan ng Israel mula sa hilagang lupain at mula sa lahat ng lupain na pinagtabuyan niya sa kanila!’ Sapagkat ibabalik ko sila sa kanilang sariling lupain na ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.
16 “Narito, ipasusundo ko ang maraming mangingisda, at kanilang huhulihin sila, sabi ng Panginoon. At pagkatapos ay ipasusundo ko ang maraming mangangaso, at kanilang huhulihin sila sa bawat bundok at burol, at sa mga bitak ng malalaking bato.
17 Sapagkat ang aking mga mata ay nasa lahat ng kanilang lakad, sila'y hindi nakukubli sa akin o nalilingid man ang kanilang kasamaan sa harap ng aking mga mata.
18 At akin munang dalawang ulit na gagantihan ang kanilang kasamaan at ang kanilang kasalanan, sapagkat kanilang dinumihan ang aking lupain ng mga bangkay ng kanilang karumaldumal na mga diyus-diyosan, at kanilang pinuno ang aking mana ng kanilang mga kasuklamsuklam.”
19 O Panginoon, aking kalakasan at aking tanggulan,
at aking kanlungan sa araw ng kaguluhan,
sa iyo pupunta ang mga bansa
mula sa mga hangganan ng daigdig, at magsasabi,
“Ang aming mga ninuno ay walang minana kundi mga kasinungalingan,
mga walang kabuluhang bagay na hindi mapapakinabangan.
20 Makakagawa ba ang tao para sa kanyang sarili ng mga diyos?
Ang mga iyon ay hindi mga diyos!”
21 “Kaya't ipapaalam ko sa kanila, minsan pa ay ipapaalam ko sa kanila ang aking lakas at ang aking kapangyarihan; at malalaman nila na ang aking pangalan ay Panginoon.”
Ang Kasalanan at Parusa para sa Juda
17 “Ang kasalanan ng Juda ay isinulat ng panulat na bakal. Sa pamamagitan ng pang-ukit na diamante, iniukit ito sa kanilang puso at sa mga sungay ng kanilang mga dambana;
2 habang naaalala ng kanilang mga anak ang kanilang mga dambana at mga Ashera sa tabi ng bawat luntiang punungkahoy, at sa mga mataas na burol,
3 sa mga bundok sa kaparangan. Ang lahat mong kayamanan at ari-arian ay aking ibibigay na samsam bilang halaga ng iyong kasalanan sa iyong buong nasasakupan.
4 Ibibitaw mo ang iyong kamay sa iyong mana na ibinigay ko sa iyo; at papaglilingkurin kita sa iyong mga kaaway sa lupain na hindi mo nakikilala; sapagkat sa aking galit ay nagningas ang apoy na magliliyab magpakailanman.”
Iba't Ibang Kasabihan
5 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Sumpain ang tao na nagtitiwala sa tao,
at ginagawang kalakasan ang laman,
at ang puso ay lumalayo sa Panginoon.
6 Sapagkat siya'y magiging gaya ng kugon sa ilang,
at hindi makakakita ng anumang mabuting darating.
Siya'y maninirahan sa mga tuyong dako sa ilang,
sa lupang maalat at hindi tinatahanan.
7 “Mapalad ang tao na nagtitiwala sa Panginoon,
at ang pag-asa ay ang Panginoon.
8 Sapagkat(V) siya'y magiging tulad sa punungkahoy na itinanim sa tabi ng tubig,
at gumagapang ang mga ugat sa tabi ng batis,
at hindi natatakot kapag dumarating ang init,
sapagkat ang mga dahon nito ay nananatiling sariwa;
at hindi mababalisa sa taon ng pagkatuyo,
sapagkat hindi ito tumitigil sa pamumunga.”
9 Ang puso ay mandaraya kaysa lahat ng bagay,
at lubhang napakasama;
sinong makakaunawa nito?
10 “Akong(W) Panginoon ay sumisiyasat ng pag-iisip,
at sumusubok ng puso,[k]
upang ibigay sa lahat ang ayon sa kanilang mga lakad,
ayon sa bunga ng kanyang mga gawa.”
11 Gaya ng pugo na pinipisa ang hindi naman kanyang itlog,
gayon ang yumayaman ngunit hindi sa tamang paraan;
sa kalagitnaan ng kanyang mga araw ay kanilang iiwan siya,
at sa kanyang wakas ay magiging hangal siya.
12 Isang maluwalhating trono na itinaas mula nang pasimula,
ang lugar ng aming santuwaryo.
13 O Panginoon, ang pag-asa ng Israel,
ang lahat ng tumalikod sa iyo ay mapapahiya.
Silang humihiwalay sa iyo ay masusulat sa lupa,
sapagkat kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang bukal ng tubig na buháy.
Humingi ng Tulong sa Panginoon si Jeremias
14 Pagalingin mo ako, O Panginoon, at gagaling ako;
iligtas mo ako, at maliligtas ako;
sapagkat ikaw ang aking kapurihan.
15 Sinasabi nila sa akin,
“Nasaan ang salita ng Panginoon?
Hayaan itong dumating ngayon!”
16 Tungkol sa akin, hindi ako nagmadali na lumayo sa pagkapastol na kasunod mo;
ni ninasa ko man ang araw ng kapahamakan;
iyong nalalaman ang lumabas sa aking mga labi
ay nasa iyong harapan.
17 Huwag kang maging kilabot sa akin,
ikaw ang aking kanlungan sa araw ng kasamaan.
18 Mapahiya nawa silang umuusig sa akin,
ngunit huwag mo akong ipahiya;
biguin mo sila,
ngunit huwag akong biguin.
Iparating mo sa kanila ang araw ng kasamaan,
at wasakin mo sila ng ibayong pagkawasak!
Tungkol sa Pangingilin ng Sabbath
19 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, “Humayo ka at tumayo ka sa pintuan ng mga anak ng taong-bayan, na pinapasukan at nilalabasan ng mga hari ng Juda, at sa lahat ng mga pintuan ng Jerusalem;
20 at sabihin mo sa kanila: ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, ninyong mga hari ng Juda, at ng buong Juda, at ng lahat ng naninirahan sa Jerusalem na pumapasok sa mga pintuang ito.
21 Ganito(X) ang sabi ng Panginoon: Mag-ingat kayo sa inyong sarili, at huwag kayong magdala ng pasan sa araw ng Sabbath, o ipasok iyon sa mga pintuan ng Jerusalem.
22 Huwag(Y) din kayong maglabas ng pasan sa inyong mga bahay sa araw ng Sabbath, o gumawa man kayo ng anumang gawain; kundi inyong ipangilin ang araw ng Sabbath, gaya ng iniutos ko sa inyong mga ninuno.
23 Gayunma'y hindi sila nakinig, o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi pinagmatigas ang kanilang ulo, upang huwag silang makinig at tumanggap ng turo.
24 “‘Ngunit, kung kayo'y makikinig sa akin, sabi ng Panginoon, at hindi magpapasok ng pasan sa mga pintuan ng lunsod na ito sa araw ng Sabbath, kundi ipangingilin ang araw ng Sabbath, at hindi gagawa ng anumang gawain sa araw na iyon,
25 kung gayo'y papasok sa mga pintuan ng lunsod na ito ang mga hari at prinsipe na nakaupo sa trono ni David, na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, sila at ang kanilang mga prinsipe, ang mga mamamayan ng Juda at ang mga taga-Jerusalem; at ang lunsod na ito ay mananatili magpakailanman.
26 At darating ang mga tao mula sa mga bayan ng Juda at sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, mula sa lupain ng Benjamin, mula sa Shefela, mula sa maburol na lupain, at mula sa Negeb, na may dalang mga handog na sinusunog at mga alay, mga handog na butil at insenso, at handog na pasasalamat sa bahay ng Panginoon.
27 Ngunit kung hindi kayo makikinig sa akin, upang ipangilin ang araw ng Sabbath, at huwag magdala ng pasan at pumasok sa mga pintuan ng Jerusalem sa araw ng Sabbath; kung magkagayo'y magpapaningas ako ng apoy sa mga pintuan nito, at lalamunin nito ang mga palasyo ng Jerusalem at hindi ito mapapatay.’”
Si Jeremias sa Bahay ng Magpapalayok
18 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,
2 “Tumindig ka, bumaba ka sa bahay ng magpapalayok, at doo'y iparirinig ko sa iyo ang aking mga salita.”
3 Kaya't bumaba ako sa bahay ng magpapalayok, at naroon siya na gumagawa sa kanyang gulong na panggawa.
4 At ang sisidlan na kanyang ginagawa mula sa luwad ay nasira sa kamay ng magpapalayok, at muli niya itong ginawa upang maging panibagong sisidlan, ayon sa ikinasiya na gawin ng magpapalayok.
5 Pagkatapos ay dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na sinasabi,
6 “O sambahayan ng Israel, hindi ko ba magagawa sa inyo ang gaya ng ginawa ng magpapalayok na ito? sabi ng Panginoon. Gaya ng putik sa kamay ng magpapalayok, gayon kayo sa kamay ko, O sambahayan ng Israel.
7 Kung sa anumang sandali ay magsalita ako ng tungkol sa isang bansa o sa isang kaharian na ito'y aking bubunutin, ibabagsak at lilipulin,
8 at kung ang bansang iyon na aking pinagsalitaan ay humiwalay sa kanilang kasamaan ay magbabago ang isip ko tungkol sa kasamaan na binabalak kong gawin doon.
9 At kung sa anumang sandali ay magsalita ako tungkol sa isang bansa o kaharian, na ito'y aking itatayo at itatanim,
10 kung ito'y gumawa ng kasamaan sa aking paningin, na hindi nakikinig sa aking tinig, ay magbabago ang isip ko tungkol sa kabutihan na binabalak kong gawin doon.
11 Kaya't ngayon, sabihin mo sa mga kalalakihan ng Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Ako'y bumubuo ng kasamaan laban sa inyo, at bumabalangkas ng balak laban sa inyo. Manumbalik ang bawat isa sa inyo mula sa kanyang masamang lakad, at baguhin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa.’
12 “Ngunit kanilang sinabi, ‘Wala iyang kabuluhan! Susunod kami sa aming sariling mga panukala, at bawat isa'y kikilos ng ayon sa katigasan ng kanyang masamang puso.’
13 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
Ipagtanong mo sa mga bansa,
sinong nakarinig ng katulad nito?
Ang birhen ng Israel
ay gumawa ng kakilakilabot na bagay.
14 Iniiwan ba ng niyebe ng Lebanon
ang mga bato ng Sirion?
Natutuyo ba ang mga tubig sa bundok,
ang umaagos na malamig na tubig?
15 Ngunit kinalimutan ako ng aking bayan,
sila'y nagsusunog ng insenso sa mga di-tunay na diyos;
at sila'y natisod sa kanilang mga lakad,
sa mga sinaunang landas,
at lumakad sa mga daan sa tabi-tabi,
hindi sa lansangang-bayan,
16 na ginagawa ang kanilang lupain na isang katatakutan,
isang bagay na hahamakin magpakailanman.
Bawat isang dumaraan doon ay kinikilabutan
at iniiling ang kanyang ulo.
17 Ikakalat ko sila na gaya ng hanging silangan
sa harapan ng kaaway.
Ipapakita ko sa kanila ang aking likod, hindi ang aking mukha,
sa araw ng kanilang kapahamakan.”
18 Nang magkagayo'y sinabi nila, “Halikayo, at magpakana tayo ng mga pakana laban kay Jeremias, sapagkat ang kautusan ay hindi mawawala sa pari, o ang payo sa pantas, o ang salita man sa propeta. Halikayo, saktan natin siya sa pamamagitan ng dila at huwag nating pansinin ang kanyang mga salita.”
Si Jeremias ay Nanalangin Laban sa mga Kaaway
19 Bigyang-pansin mo ako, O Panginoon,
at pakinggan mo ang sinasabi ng aking mga kaaway!
20 Ang kasamaan ba'y ganti sa kabutihan?
Gayunma'y gumawa sila ng hukay para sa aking buhay.
Alalahanin mo kung paanong ako'y tumayo sa harapan mo,
upang magsalita ng mabuti para sa kanila,
upang ilayo ang iyong poot sa kanila.
21 Kaya't ibigay mo ang kanilang mga anak sa taggutom,
ibigay mo sila sa kapangyarihan ng tabak;
ang kanila nawang mga asawa ay mawalan ng anak at mabalo.
Ang kanila nawang mga lalaki ay mamatay sa salot
at ang kanilang mga kabataan ay mapatay ng tabak sa labanan.
22 Makarinig nawa ng daing mula sa kanilang mga bahay,
kapag bigla mong dinala ang mga mandarambong sa kanila!
Sapagkat sila'y gumawa ng hukay upang kunin ako,
at naglagay ng mga bitag para sa aking mga paa.
23 Gayunman, ikaw, O Panginoon, ay nakakaalam
sa lahat nilang balak na ako'y patayin.
Huwag mong patawarin ang kanilang kasamaan,
ni pawiin man ang kanilang kasalanan sa iyong paningin.
Bumagsak sana sila sa harapan mo.
Harapin mo sila sa panahon ng iyong galit.
Footnotes
- Jeremias 2:8 o mga pastol .
- Jeremias 2:10 o Cyprus .
- Jeremias 2:16 o inahitan .
- Jeremias 2:20 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw .
- Jeremias 3:1 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw .
- Jeremias 5:7 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw .
- Jeremias 6:10 Sa Hebreo ay di-tuli .
- Jeremias 10:11 Ang talatang ito ay nasa wikang Aramaico.
- Jeremias 11:20 Sa Hebreo ay bato .
- Jeremias 13:24 Sa Hebreo ay sila .
- Jeremias 17:10 Sa Hebreo ay bato .