Jeremias 7:16-8:17
Ang Biblia, 2001
Ang Pagsuway ng Bayan
16 “Tungkol sa iyo, huwag mong ipanalangin ang bayang ito, ni magtaas man ng daing o panalangin para sa kanila, o mamagitan ka man sa akin, sapagkat hindi kita diringgin.
17 Hindi mo ba nakikita kung ano ang kanilang ginagawa sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem?
18 Ang(A) mga bata ay namumulot ng kahoy, at ang mga ama ay nagpapaningas ng apoy, at ang mga babae ay nagmamasa ng masa upang igawa ng mga tinapay ang reyna ng langit, at sila'y nagbubuhos ng mga handog na inumin sa ibang mga diyos, upang ako'y kanilang ibunsod sa galit.
19 Ako ba ang kanilang ibinubunsod sa galit? sabi ng Panginoon. Hindi ba ang kanilang sarili, sa kanilang sariling ikalilito?
20 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ang aking galit at poot ay ibubuhos sa dakong ito, sa tao, at hayop, sa mga punungkahoy sa parang at sa bunga ng lupa. Ito ay magliliyab at hindi mapapatay.”
21 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, “Idagdag ninyo ang inyong mga handog na sinusunog sa inyong mga alay, at kainin ninyo ang laman.
22 Sapagkat nang araw na ilabas ko sila sa lupain ng Ehipto, hindi ako nagsalita sa inyong mga magulang, o nag-utos man sa kanila, tungkol sa mga handog na sinusunog at mga alay.
23 Kundi ito ang ipinag-utos ko sa kanila, ‘Sundin ninyo ang aking tinig, at ako'y magiging inyong Diyos, at kayo'y magiging aking bayan; at magsilakad kayo sa lahat ng daan na iniuutos ko sa inyo, para sa ikabubuti ninyo.’
24 Ngunit hindi sila nakinig o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa katigasan ng kanilang masasamang puso, at nagsilakad nang paurong at hindi pasulong.
25 Mula nang araw na ang inyong mga magulang ay lumabas sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito, sinugo ko sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na araw-araw akong bumabangong maaga at isinusugo sila.
26 Gayunma'y hindi sila nakinig sa akin, o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg. Sila'y higit na masama kaysa kanilang mga magulang.
27 “Kaya't sasabihin mo ang lahat ng salitang ito sa kanila, ngunit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila, ngunit hindi sila sasagot sa iyo.
28 At sasabihin mo sa kanila, ‘Ito ang bansang hindi sumunod sa tinig ng Panginoon nilang Diyos, at hindi tumanggap ng pagtutuwid. Ang katotohanan ay naglaho na; ito ay nahiwalay sa kanilang bibig.
29 Gupitin mo ang iyong buhok, at itapon mo,
tumaghoy ka sa mga lantad na kaitaasan;
sapagkat itinakuwil at pinabayaan ng Panginoon
ang salinlahi ng kanyang poot.'
30 “Sapagkat ang mga anak ni Juda ay gumawa ng masama sa aking paningin, sabi ng Panginoon; kanilang inilagay ang kanilang mga karumaldumal sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang dungisan ito.
31 At(B) sila'y nagtayo ng mga mataas na dako ng Tofet, na nasa libis ng anak ni Hinom, upang sunugin sa apoy ang kanilang mga anak na lalaki at babae, na hindi ko ipinag-utos, o dumating man sa aking pag-iisip.
32 Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na siya tatawaging Tofet, o ang libis ng anak ni Hinom, kundi ang libis ng Katayan. Sapagkat sila'y maglilibing sa Tofet, hanggang sa mawalan ng lugar saanman.
33 Ang mga bangkay ng mga taong ito ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid, at para sa mga hayop sa lupa; at walang bubugaw sa mga iyon.
34 At(C) aking patitigilin sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem ang tinig ng pagsasaya at ang tinig ng katuwaan, ang tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, sapagkat ang lupain ay mawawasak.
8 “Sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ang mga buto ng mga hari ng Juda, ang mga buto ng kanyang mga pinuno, ang mga buto ng mga pari, ang mga buto ng mga propeta, at ang mga buto ng mga naninirahan sa Jerusalem ay ilalabas sa kanilang mga libingan;
2 at ang mga ito ay ikakalat sa harap ng araw, ng buwan, at ng lahat ng natatanaw sa langit, na kanilang inibig at pinaglingkuran, na sila nilang sinundan, hinanap, at sinamba. Sila'y hindi matitipon o malilibing; sila'y magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng lupa.
3 Ang kamatayan ay higit na pipiliin kaysa buhay ng lahat ng naiwang nalabi na nanatili sa masamang angkang ito sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Ang Kasalanan at ang Parusa
4 “Sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon!
Kapag nabubuwal ang mga tao, di ba't muling bumabangon sila?
Kapag ang isang tao'y tumalikod, hindi ba't bumabalik siya?
5 Kung gayo'y bakit ang bayang ito ng Jerusalem ay tumalikod
sa tuluy-tuloy na pagtalikod?
Sila'y nananatili sa pandaraya,
ayaw nilang bumalik.
6 Aking pinakinggan at aking narinig,
ngunit hindi sila nagsalita nang matuwid;
walang nagsisisi sa kanyang kasamaan,
na nagsasabi, ‘Anong aking ginawa?’
Bawat isa'y tumatahak sa kanyang sariling daanan,
gaya ng kabayo na dumadaluhong sa labanan.
7 Maging ang tagak sa himpapawid
ay nakakaalam ng kanyang kapanahunan;
at ang batu-bato, langay-langayan, at tagak
ay tumutupad sa panahon ng kanilang pagdating,
ngunit hindi nalalaman ng aking bayan
ang alituntunin ng Panginoon.
8 “Paano ninyo nasasabi, ‘Kami ay matalino,
at ang kautusan ng Panginoon ay nasa amin?’
Ngunit sa katunayan, ito ay ginawang kasinungalingan
ng huwad na panulat ng mga eskriba.
9 Ang mga taong pantas ay mapapahiya,
sila'y masisindak at kukunin;
narito, kanilang itinakuwil ang salita ng Panginoon,
at anong karunungan ang nasa kanila?
10 Kaya't(D) ibibigay ko ang kanilang mga asawa sa iba,
at ang kanilang mga parang sa mga bagong magmamay-ari,
sapagkat mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki,
ang bawat isa ay sakim sa pakinabang;
mula sa propeta hanggang sa pari,
bawat isa'y gumagawang may panlilinlang.
11 Kanilang(E) pinagaling nang bahagya ang sugat ng aking bayan,
na sinasabi, ‘Kapayapaan, kapayapaan,’
gayong walang kapayapaan.
12 Nahiya ba sila nang sila'y gumawa ng karumaldumal?
Hindi, hindi man lamang sila nahiya,
hindi sila marunong mamula sa hiya.
Kaya't sila'y mabubuwal sa gitna ng mga nabuwal;
sa panahon ng kanilang kaparusahan, sila'y ibabagsak, sabi ng Panginoon.
13 Lubos ko silang lilipulin, sabi ng Panginoon,
mawawalan ng ubas sa puno ng ubas,
o ng mga igos sa mga puno ng igos,
maging ang mga dahon ay nalalanta;
at ang naibigay ko sa kanila ay lumipas na sa kanila.”
14 Bakit tayo'y nakaupo lamang?
Kayo'y magtipun-tipon, at magsipasok tayo sa mga lunsod na may kuta,
at mamatay doon;
sapagkat tayo'y itinakda nang mamatay ng Panginoon nating Diyos,
at binigyan tayo ng tubig na may lason upang inumin,
sapagkat tayo'y nagkasala laban sa Panginoon.
15 Tayo'y naghanap ng kapayapaan, ngunit walang mabuting dumating;
ng panahon ng paggaling, ngunit narito, ang panghihilakbot.
16 “Ang singasing ng kanilang mga kabayo ay naririnig mula sa Dan,
sa tunog ng halinghing ng kanilang malalaking kabayo
ay nayayanig ang buong lupain.
Sila'y dumarating at nilalamon ang lupain at ang lahat ng naroon;
ang lunsod at ang mga naninirahan doon.
17 Sapagkat narito, ako'y nagsusugo ng mga ahas sa gitna ninyo,
mga ulupong na hindi mapapaamo,
at kakagatin nila kayo,” sabi ng Panginoon.