Jeremias 7:16-8:17
Ang Biblia (1978)
Ang sumusunod sa idolatria ay parurusahan.
16 Kaya't (A)huwag mong idalangin ang bayang ito, ni palakasin man ang daing patungkol sa kanila ni dalangin man, o mamagitan man ikaw sa akin; sapagka't hindi kita didinggin.
17 Hindi mo ba nakikita kung ano ang kanilang ginagawa sa bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem?
18 Ang mga anak ay nangamumulot ng kahoy, at ang mga ama ay nangagpapaningas ng apoy, at ang mga babae ay nangagmamasa ng masa, upang igawa ng mga tinapay ang reina ng langit, at upang magbuhos ng mga handog na inumin sa ibang mga dios, upang kanilang mungkahiin ako sa galit.
19 Kanila baga akong minumungkahi sa galit? sabi ng Panginoon; hindi baga sila namumungkahi sa kanilang sarili (B)sa ikalilito ng kanila ring mukha?
20 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ang aking galit at ang aking kapusukan ay mabubuhos sa dakong ito, sa tao, at (C)sa hayop, at sa mga punong kahoy sa parang, at sa bunga ng lupa: at masusupok, at hindi mapapatay.
21 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, (D)Inyong idagdag ang inyong mga handog na susunugin sa inyong mga hain, at (E)magsikain kayo ng laman.
22 (F)Sapagka't hindi ako nagsalita sa inyong mga magulang, o nagutos man sa kanila nang araw na inilabas ko sila sa lupain ng Egipto, tungkol sa mga handog na susunugin, o sa mga hain:
23 Kundi ang bagay na ito ang iniutos ko sa kanila, na aking sinasabi, (G)Inyong dinggin ang aking tinig, at ako'y magiging inyong Dios, at kayo'y magiging aking bayan; at magsilakad kayo sa lahat ng daan na iniuutos ko sa inyo, (H)sa ikabubuti ninyo.
24 Nguni't hindi nila dininig, o ikiniling man ang kanilang pakinig, kundi nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa pagmamatigas ng kanilang masamang puso, at nagsiyaong paurong at hindi pasulong.
25 Mula nang araw na ang inyong mga magulang ay magsilabas sa lupain ng Egipto hanggang sa araw na ito, aking (I)sinugo sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na araw-araw ay bumabangon akong maaga at sinusugo ko sila:
26 Gayon ma'y hindi sila nangakinig sa akin, (J)o nangagkiling man ng kanilang pakinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg: sila'y nagsigawa ng lalong masama kay sa kanilang mga magulang.
Ang kasuklamsuklam ng Topheth at ang kanilang kaparusahan.
27 At iyong sasalitain ang lahat na salitang ito sa kanila; nguni't hindi sila mangakikinig sa iyo: iyo namang tatawagin sila; nguni't hindi sila magsisisagot sa iyo.
28 At iyong sasabihin sa kanila, Ito ang bansang hindi nakinig sa tinig ng Panginoon nilang Dios, o tumanggap man ng aral: katotohanan ay (K)nawala, at nahiwalay sa kanilang bibig.
29 Iyong gupitin ang iyong buhok, Oh Jerusalem, (L)at ihagis mo, at maglakas ka ng panaghoy sa (M)mga luwal na kaitaasan; sapagka't itinakuwil ng Panginoon at nilimot ang lahat ng kaniyang poot.
30 Sapagka't nagsigawa ang mga anak ni Juda ng masama sa aking paningin, sabi ng Panginoon: (N)kanilang inilagay ang kanilang mga kasuklamsuklam sa bahay (O)na tinatawag sa aking pangalan, upang lapastanganin.
31 At kanilang itinayo (P)ang mga mataas na dako ng Topheth, na nasa (Q)libis ng anak ni Hinnom, (R)upang sunugin ang kanilang mga anak na lalake at babae sa apoy; na hindi ko iniuutos, o pumasok man sa aking pagiisip.
32 Kaya't, narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na siya tatawaging Topheth, o ang libis ng anak ni Hinnom man, kundi Ang libis ng Patayan: (S)sapagka't sila'y mangaglilibing sa Topheth, hanggang sa mawalan ng dakong mapaglilibingan.
33 At ang mga bangkay ng bayang ito ay magiging pinakapagkain sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa; at walang bubugaw sa mga yaon.
34 Kung magkagayo'y (T)aking ipatitigil sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem, ang tinig ng kalayawan at ang tinig ng kasayahan, ang tinig ng kasintahang lalake at ang tinig ng kasintahang babae: (U)sapagka't ang lupain ay masisira.
Ang pagsuway ng Juda.
8 Sa panahong yaon, sabi ng Panginoon, ay ilalabas nila ang mga buto ng mga hari sa Juda, at ang mga buto ng kaniyang mga prinsipe, at ang mga buto ng mga saserdote, at ang mga buto ng mga propeta, at ang mga buto ng mga nananahan sa Jerusalem, mula sa kanilang mga libingan;
2 At kanilang ikakalat (V)sa liwanag ng araw, at ng buwan, at ng lahat na natatanaw sa langit na kanilang inibig, at kanilang pinaglingkuran, at siya nilang sinundan, at siyang kanilang hinanap, at (W)siyang kanilang sinamba: (X)hindi mangapipisan, (Y)o mangalilibing man, sila'y magiging pinakasukal sa ibabaw ng lupa.
3 At ang kamatayan ay (Z)pipiliin na higit kay sa kabuhayan ng lahat ng naiwang nalabi rito sa masamang angkan, na nalabi sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
4 Bukod dito'y sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon. Mangabubuwal baga ang mga tao, at hindi magsisibangon uli? maliligaw baga ang isa, at hindi babalik?
5 Bakit nga ang bayang ito na Jerusalem ay (AA)tumatalikod ng walang hanggang pagtalikod? sila'y nagsisihawak na mahigpit ng karayaan, sila'y nagsisitangging bumalik.
6 Aking pinakinggan at narinig ko, nguni't hindi sila nagsalita ng matuwid: walang (AB)nagsisisi ng kaniyang kasamaan, na nagsasabi, Anong aking ginawa? bawa't isa'y lumilihis sa kaniyang lakad, gaya ng kabayo na dumadaluhong sa pagbabaka.
7 Oo, nalalaman ng ciguena (AC)sa himpapawid ang kaniyang mga takdang kapanahunan; at ang bato bato at ang langaylangayan at ang tagak ay nangagmamalas ng panahon ng pagdating ng mga yaon; nguni't hindi nalalaman ng (AD)aking bayan ang alituntunin ng Panginoon.
8 Paano ninyo sinasabi, Kami ay pantas, (AE)at ang kautusan ng Panginoon ay sumasaamin? Nguni't, narito, ang sinungaling na pangsulat ng mga escriba ay sumulat na may kasinungalingan.
9 Ang mga pantas ay nangapapahiya, sila'y nanganglulupaypay at nangahuhuli: narito, kanilang itinakuwil ang salita ng Panginoon: at anong uri ng karunungan ang nasa kanila?
10 Kaya't (AF)ibibigay ko ang kanilang mga asawa sa mga iba, at ang kanilang mga parang sa mga magaari sa mga yaon: sapagka't bawa't isa mula sa kaliitliitan hanggang sa kalakilakihan, ay ibinigay sa kasakiman; mula sa propeta hanggang sa saserdote bawa't isa'y gumagawang may kasinungalingan.
11 At kanilang pinagaling ng kaunti ang sugat ng anak na babae ng aking bayan, na sinasabi, Kapayapaan, kapayapaan; gayon ma'y walang kapayapaan.
12 Nangahiya baga sila nang sila'y gumawa ng kasuklamsuklam? (AG)hindi, hindi sila nangahiya sa anoman, ni nangamula man sila: kaya't sila'y mangabubuwal sa gitna niyaong nangabubuwal; sa panahon ng pagdalaw sa kanila ay mahahagis sila, sabi ng Panginoon.
13 Aking lubos na lilipulin sila, sabi ng Panginoon: (AH)hindi magkakaroon ng mga ubas sa puno ng ubas, o ng mga higos man sa mga puno ng higos, at ang dahon ay malalanta; at ang mga bagay na aking naibigay sa kanila ay mapapawi sa kanila.
Ang manghihiganti ay malapit.
14 Bakit tayo'y nagsisitigil na nakaupo? (AI)kayo'y magkatipon, at tayo'y magsipasok sa mga bayang nakukutaan, at tayo'y magsitahimik doon; sapagka't tayo'y pinatahimik ng Panginoon nating Dios, at (AJ)binigyan tayo ng inuming mapait upang inumin, sapagka't tayo'y nangagkasala laban sa Panginoon.
15 Tayo'y nangaghihintay ng kapayapaan, (AK)nguni't walang dumating na mabuti; at ng panahon ng kagalingan, at narito panglulupaypay!
16 Ang singasing ng kaniyang mga kabayo (AL)ay naririnig mula sa Dan: sa tinig ng halinghing ng kaniyang mga malakas ay nayayanig ang buong lupain; sapagka't sila'y nagsidating, at nilamon ang lupain at lahat ng naroon; ang bayan at yaong mga nagsisitahan doon.
17 Sapagka't, narito, ako'y magsusugo ng mga ahas, ng mga ulupong sa gitna ninyo, (AM)na hindi maeenkanto, at kakagatin nila kayo, sabi ng Panginoon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978