Add parallel Print Page Options

Ang Sagot ng Diyos kay Job

38 Pagkatapos nito, sumagot ang Diyos kay Job sa pamamagitan ng malakas na bagyo,

“Sino kang mag-aalinlangan sa aking kaalaman?
    Lalo lamang lumilitaw ang iyong kamangmangan.
Tumayo ka riyan at magpakalalaki,
    tanong ko'y sagutin, ikaw ay magsabi.
Nasaan ka nang likhain ko ang mundo?
    Kung talagang may alam ka, lahat ay sabihin mo.
Sino ang nagpasya tungkol sa lawak nito?
    Sino ang sumukat, alam mo ba ito?
Sino ang may hawak ng mga haligi ng mundo?
    Sino ang naglagay ng mga panulukang-bato?
Noong(A) umagang iyon, ang mga bitui'y nag-awitan,
    at mga nilalang sa langit, sa tuwa'y nagsigawan.

“Sino(B) ang humarang sa agos ng dagat,
    nang mula sa kalaliman ito'y sumambulat?
Tinakpan ko ang dagat ng ulap na makapal,
    at binalutan ito ng kadiliman.
10 Ang dagat ay nilagyan ko ng hangganan,
    upang ito'y manatili sa likod ng mga harang.
11 Sinabi kong sila'y hanggang doon na lang,
    at huwag lalampas ang alon na naglalakihan.
12 Job, nakalikha ka ba kahit isang bukang-liwayway?
13 Ang daigdig ba ay naigawa mo ng tanglaw,
    upang ang masasama'y mabulabog sa taguan?
14 Malinaw na gaya ng tatak sa putik,
    nang makulayan ay tumingkad gaya ng damit.
15 Masasamang tao'y nasisilaw sa liwanag ng araw,
    sa paggawa ng karahasan sila'y napipigilan.

16 “Nakapunta ka na ba sa mga bukal ng karagatan?
    Ang sahig ng dagat ay iyo bang nalakaran?
17 May nakapagturo na ba sa iyo sa mga pintuan
    na pasukan tungo sa madilim na daigdig ng mga patay?
18 Alam mo ba kung gaano kalaki itong mundo?
    Sumagot ka kung alam mo.

19 “Alam mo ba kung saan nanggagaling ang liwanag,
    at ang kadiliman, saan ba ito nagbubuhat?
20 Masasabi mo ba kung hanggang saan dapat makarating,
    at mula doon sila'y iyong pabalikin?
21 Ikaw ay matanda na, baka nga iyong kaya,
    pagkat nang likhain ang daigdig, ikaw ay nariyan na!

22 “Napuntahan mo na ba ang aking mga imbakan
    ng niyebe at ng yelong ulan?
23 Ang mga ito'y aking inilalaan,
    sa panahon ng digmaan at ng kaguluhan.
24 Nakapunta ka na ba sa sikatan ng araw,
    o sa pinagmumulan ng hanging silangan?

25 “Sino nga ba ang humukay ng daanan ng baha?
    Ang landas ng kulog ay sino ang gumawa?
26 Sino ang nagbibigay ng ulan sa disyerto,
    kahit na doo'y wala namang nakatirang tao?
27 Sino ang dumidilig sa tigang na lupa,
    upang dito'y tumubo ang damong sariwa?
28 Ang ulan ba o ang hamog ay mayroong ama?
29 Ang yelong malamig, mayroon bang ina?
    Sino nga kaya ang nagsilang sa kanila?
30     Sa labis na lamig, tubig ay tumitigas,
    nagiging parang bato ang ibabaw ng dagat.

31 “Ang(C) Pleyades ba'y iyong matatalian,
    o ang Orion kaya'y iyong makakalagan?
32 Mapapatnubayan mo ba ang mga bituin,
    o maituturo ang daan ng malaki't maliit na diper?
33 Alam mo ba ang mga batas sa langit,
    ito ba'y maiaangkop mo sa daigdig?

34 “Ang mga ulap ba'y iyong mauutusan
    upang sa lupa ay magbuhos ng malakas na ulan?
35 Mauutusan mo ba ang kidlat na ito'y kumislap,
    sumunod naman kaya sa iyong mga atas?
36 Sino ang nagsasabi sa ibong Ibis kung kailan tataas ang Ilog Nilo,
    at sino ang nagpapabatid sa tandang upang ibadya ang pagdating ng bukang-liwayway?
37 Sinong makakabilang sa ulap na makapal,
    o makakapagtaob nito upang bumuhos ang ulan?
38     Ang ulan na sa alabok ay babasa, kapag iyon ay natuyo, magiging matigas na lupa.

39 “Maihahanap mo ba ng pagkain ang mga leon,
    upang mapawi ang kanilang gutom?
40     Habang sila'y naroon sa kanilang taguan,
    at wari bang pagkai'y kanilang hinihintay?
41 Sino ang nagbibigay ng pagkain sa mga ibon,
    sino ang bumubusog sa kanilang inakay na nagugutom?

39 Ang panganganak ng mga kambing, alam mo ba kung kailan,
    o ang panahon na ang usa ay magsisilang?
Bilang mo ba ang araw ng anak niya habang nasa tiyan?
    Alam mo ba kung kailan ito iluluwal?
Namasdan mo ba habang sila ay gumagapang
    sa pagbubukas ng sinapupunan upang ang anak ay isilang?
Ang kanilang mga anak doon lumalaki sa parang
    at kapag malaki na ay tuluyang lumilisan.

“Sino ba ang nagbibigay laya sa mga asno?
    Sa asnong maiilap, ang nagpalaya ay sino?
Tirahang ibinigay ko ay ang kaparangan,
    at doon sa maalat na kapatagan.
Sila'y lumalayo sa lunsod na maingay,
    walang makapagpaamo at hindi mautusan.
Ang pastulan nila'y ang kaburulan,
    hinahanap nila'y sariwang damuhan.

“Ang mailap na toro iyo kayang mapagtrabaho?
    Maitali mo kaya siya isang gabi sa iyong kuwadra?
10 Matatalian mo kaya siya ng lubid upang sa pag-aararo ay magamit,
    at sa paghila ng suyod sa iyong mga bukid?
11 Iyo bang maaasahan ang lakas na taglay niya?
    Mabibigat mong gawai'y maipagkakatiwala ba sa kanya?
12 Umaasa ka ba na siya ay magbabalik
    upang sa ani mo ay siya ang gumiik?

13 “Ang pakpak ng ostrits buong gandang kumakampay,
    nagbabadya kaya iyon kahit bahagyang pagmamahal?
14 Ang kanyang mga itlog sa lupa ay iniiwan,
    ito'y hinahayaang sa lupa ay mainitan.
15 Di niya iniisip na baka ito'y matapakan,
    o baka madurog ng mailap na nilalang.
16 Sa mga inakay niya siya ay malupit,
    hindi niya alintanang hirap niya'y di masulit,
17 sapagkat pang-unawa ay di ko siya binigyan,
    di ko hinatian ng kahit kaunting katalinuhan.
18 Ngunit napakabilis kapag siya'y tumatakbo,
    pinagtatawanan lang niya kahit ang kabayo.

19 “Ikaw ba ang nagbigay ng lakas sa kabayo?
    Ikaw ba ang naglagay ng magandang buhok nito?
20 Ikaw ba ang nagpapalukso dito na parang balang,
    at kapag humalinghing ay kinatatakutan?
21 Nagpapakitang-gilas sa pagkamot niya sa lupa,
    at napakabilis tumakbo upang makidigma.
22 Siya ay nagtatawa sa gitna ng panganib,
    sa tabak na nakaumang, hindi siya nanginginig.
23 Ang mga sandata ng sa kanya'y nakasakay,
    sa sikat ng araw kumakalampag at kumikinang.
24 Sa bilis ng kanyang takbo, lupa'y parang nilululon,
    hindi siya mapakali kapag trumpeta ay umugong.
25 Sa tunog ng trumpeta'y halinghing ang sagot niya.
    Ang ingay ng digmaan, dinig nito kahit malayo pa;
    maging ang utos ng kapitan sa mga kasama.

26 “Ikaw ba ang nagturo sa lawin upang ito'y makalipad,
    kapag ikinakampay ang pakpak tungo sa timog ang tahak?
27 Naghihintay ba ng iyong utos ang agila,
    upang sa mataas na bundok gumawa ng pugad niya?
28 Matataas na bato ang kanyang tirahan,
    mga pagitan ng bato ang pinagkukutaan.
29 Ang kanyang biktima'y doon niya pinagmamasdan,
    kahit malayo pa ay kanya nang natatanaw.
30 Sa(D) kanyang mga inakay, dugo ang ibinubuhay,
    at tiyak na naroon siya kung saan mayroong bangkay.”

40 Sinabi ni Yahweh kay Job,
“Ang mapaghanap ba ng mali ay mangangatwiran,
    at sa Makapangyarihan ay makikipaglaban?
Sinumang sa Diyos ay nakikipagtalo,
    ay dapat sumagot sa tanong na ito.”

Tumugon naman si Job,
“Narito, ako'y hamak at walang kabuluhan,
    wala akong maisasagot, bibig ay tatakpan.
Sa panig ko'y nasabi na ang lahat ng sasabihin,
    ako'y di na kikibo, nasabi'y di na uulitin.”

Ang Kapahayagan ng Kapangyarihan ng Diyos

Buhat sa bagyo, sinagot ni Yahweh si Job,

“Tumayo ka ngayon at magpakalalaki,
    tanong ko'y sagutin, ikaw ay magsabi.
Ako pa ba ang nais mong palabasing masama
    upang iyong palitawin na ikaw ang siyang tama?
Ang iyong lakas ba ay katulad ng sa Diyos?
    Tinig mo ba'y dumadagundong, katulad ng kulog?
10 Kung gayon, balutin mo ang sarili ng dangal at kadakilaan,
    magbihis ka muna ng luwalhati't kaningningan.
11 Ibuhos mo nga ang tindi ng iyong poot,
    at ang mga palalo'y iyong ilugmok.
12 Subukin mong pahiyain ang mga palalo,
    at ang masasama'y tapakan sa kanilang puwesto.
13 Ibaon mo silang lahat sa ilalim ng lupa,
    sa daigdig ng mga patay sila'y itanikala.
14 Kung iyan ay magawâ mo, maniniwala ako sa iyo
    na kaya mong magtagumpay sa sariling kakayahan mo.

15 “Ang dambuhalang hayop ay tingnan mo,
    gaya mo'y nilikha ko dito sa mundo.
Ito'y parang baka kung kumain ng damo.
16     Ang lakas niya'y naiipon sa kanyang katawan;
    ang kapangyarihan, sa himaymay ng kanyang laman.
17 Ang tigas ng buntot niya ay sedar ang katulad,
    ang kanyang mga hita'y siksik at matatag.
18 Parang tanso ang kanyang mga buto,
    sintigas ng bakal ang kanyang mga braso.

19 “Siya ay pangunahin sa mga nilikha,
    ngunit magagapi nang sa kanya'y lumikha.
20 Siya'y nanginginain doon sa mga bundok,
    doon sa tirahan ng kapwa niya hayop.
21 Siya'y doon lumalagi sa ilalim ng tinikan,
    nakatago sa gitna ng mga talahib sa putikan.
22 Sanga ng mga puno ang sa kanya'y tumatakip,
    sa kanya'y nakapaligid sa tabi nitong batis.
23 Hindi siya natatakot lumakas man ang agos;
    ang Jordan man ay lumalim, mahinahon pa rin kung kumilos.
24 Siya kaya ay mahuli sa pamamagitan ng bingwit,
    makuha kaya siya sa ilong sa pamamagitan ng kawit?

41 “Mahuhuli(E) mo ba ang Leviatan[a] sa pamamagitan ng pamingwit?
    Maitatali mo ba ang dila nito sa pamamagitan ng lubid?
Matatalian mo kaya ng lubid ang ilong nito?
    Tatagusan kaya ng kawit ang mga panga nito?
Siya kaya ay lumapit at lumuhod sa harap mo,
    magsalita nang malumanay at magmakaawa sa iyo?
Siya kaya'y makiusap at ikaw ay pangakuan,
    na sa habang buhay ikaw ay paglingkuran?
Siya kaya'y parang ibong tatalian at lalaruin
    upang mga babaing lingkod mo ay aliwin?
Tawaran kaya siya ng mga mamimili,
    paghatian kaya siya upang maipagbili?
Tablan kaya ang makapal niyang balat,
    sa ulo kaya niya'y tumagos ang matulis na sibat?
Hawakan mo siya kahit na minsan lang,
    hindi mo na uulitin dahil sa inyong paglalaban.

“Ang sinumang sa kanya'y makakakita,
    sa lupa'y mabubuwal, nawawalan ng pag-asa.
10 Kapag siya'y ginambala, ubod siya ng bagsik.
    Sa kanyang harapa'y walang nangangahas lumapit.
11 Sinong lulusob sa kanya at hindi mamamatay?
    Walang makakagawa nito sa buong sanlibutan.

12 “Ang kanyang mga binti ay malaki at matatag,
    at walang kaparis ang taglay nitong lakas.
13 Sino ang makakapag-alis sa panlabas niyang kasuotan?
    May sandata na bang nakatusok sa balat niyang makapal?
14 Sa bibig niya'y sino kaya ang maaaring magbuka?
    Nakakatakot na mga ngipin nakahanay sa bunganga niya.
15 Maraming kalasag, nakahanay sa kanyang likod;
    sintigas ng bato at nakalagay nang maayos.
16-17 Masinsin ang pagkaayos, ito'y dikit-dikit,
    walang pagitan, ni hangin ay di makasingit.
18 Kung siya ay bumahin, ang ilong ay nag-aapoy,
    mata niya'y mapula parang araw sa dapit-hapon.
19 Mula sa bibig niya'y may apoy na lumalabas,
    mga baga ng apoy ang doo'y sumisiklab.
20 Sa ilong niya'y nanggagaling ang makapal na usok,
    parang usok na nagmumula sa kumukulong palayok at damong sinusunog.
21 Hininga niya'y nagbabaga, sa init ay nag-aalab;
    naglalagablab na apoy sa bibig niya'y nagbubuhat.
22 Ang kanyang leeg nama'y puno ng kalakasan,
    sinumang makakita sa kanya'y kinikilabutan.
23 Walang mahinang bahagi sa kanyang balat,
    tulad ng bakal, matigas at makunat.
24 Ang tigas ng kanyang puso, bato ang katulad,
    gaya ng batong gilingan sa tibay at tatag.
25 Kapag siya ay tumayo masisindak rin ang pinakamalakas,
    wala silang magawâ, at sa takot ay tumatakas.
26 Pagkat siya'y di tatablan kahit na ng tabak,
    maging ng palaso, ng punyal o ng sibat.
27 Sa kanya ang bakal ay parang dayaming marupok,
    ang katulad nitong tanso ay kahoy na nabubulok.
28 Sa palaso'y hindi siya maaaring mapatakbo,
    sa kanya'y parang dayami ang tirador at ang bato.
29 Kahoy na panghampas sa kanya'y para lamang patpat,
    tumatawa lamang siya kapag siya'y sinisibat.
30 Kaliskis ng kanyang tiyan ay napakatalas,
    at sa putik na daanan, nag-iiwan ng mga bakas.
31 Kaya niyang pakuluin ang malalim na tubig,
    hinahalo niya ang dagat na parang palayok ng langis.
32 Ang kanyang madaana'y kumikislap sa liwanag,
    ang akala mo sa tubig, puting buhok ang katulad.
33 Dito sa daigdig ay wala siyang katulad,
    pagkat siya'y walang takot, hindi nasisindak.
34 Sa lahat ng mga hayop ay mababa ang tingin niya,
    at sa kanilang lahat ang naghahari ay siya.”

Kinilala ni Job ang Kanyang Pagkakamali

42 Ito naman ang sagot ni Job kay Yahweh:

“Alam kong ang lahat ng bagay ay kaya ninyong gawin,
    at walang makakapigil sa lahat ng inyong balakin.
Itinatanong(F) ninyo,
‘Sino akong nangahas na kayo'y pag-alinlanganan
    gayong ako nama'y walang nalalaman?’
Nagsalita ako ng mga bagay na di ko nauunawaan,
    ng mga hiwagang di abot ng aking isipan.
Sinabi(G) ninyong papakinggan ko ang iyong sasabihin,
    at ang iyong mga tanong ay aking sasagutin.
Noo'y nakilala ko kayo dahil sa sinabi ng iba,
    subalit ngayo'y nakita ko kayo ng sarili kong mga mata.
Kaya ako ngayon ay nagsisisi,
    ikinahihiya lahat ng sinabi, sa alabok at abo, ako ay nakaupo.”

Footnotes

  1. 1 LEVIATAN: Isang mala-alamat na dambuhalang halimaw sa karagatan na sumisimbolo sa kaguluhan at kasamaan.