Add parallel Print Page Options

Sinira ng mga Balang ang mga Tanim

Kayong mga tagapamahala ng Juda at ang lahat ng inyong mamamayan, pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyo. Wala pang nangyari na katulad nito noong kapanahunan ng inyong mga ninuno o sa panahon ninyo ngayon. Kailangang isalaysay ito sa bawat henerasyon ng inyong lahi.

Sunud-sunod na sumalakay ang mga pulutong ng balang. Ang mga naiwan na tanim na hindi naubos ng unang pulutong ay kinain ng sumunod na pulutong hanggang sa naubos ang mga tanim.[a]

Kayong mga lasenggo, bumangon kayo at umiyak nang malakas! Sapagkat wala na kayong maiinom; wala nang bunga ang mga ubas na gagawing alak. Ang lupain ng Panginoon[b] ay sinalakay ng napakaraming balang.[c] Matalas ang kanilang mga ngipin na parang mga ngipin ng leon. Sinira nila ang mga tanim na ubas ng Panginoon at ang kanyang mga puno ng igos. Nginatngat nila ang mga balat nito hanggang sa mamuti ang mga sanga.

Umiyak kayo katulad ng isang dalaga[d] na nakadamit ng sako[e] na namatayan ng binatang mapapangasawa. Sapagkat wala nang butil o inumin na maihahandog sa templo ng Panginoon, kaya nalulungkot ang mga paring naglilingkod sa kanya. 10 Nasira ang mga bukirin na parang taong nagdadalamhati. Nasira na ang mga trigo, at wala na ang katas ng ubas at langis.

11 Kayong mga magsasaka, dapat kayong malungkot! Kayong mga tagapangalaga ng ubasan, umiyak kayo nang malakas! Sapagkat nasira ang aanihing mga trigo at sebada. 12 Nalanta ang mga tanim na ubas at ang lahat ng puno, pati na ang mga igos, pomegranata, palma, at mansanas. Talagang nawala ang kaligayahan ng mga tao.

Panawagan ng Pagsisisi

13 Kayong mga pari na naglilingkod sa altar ng aking Dios, magsuot kayo ng sako at pumunta sa templo at umiyak buong magdamag. Sapagkat wala nang butil o inumin na ihahandog sa templo ng inyong Dios. 14 Sabihin ninyo sa mga tagapamahala ng Juda at sa lahat ng kanyang mamamayan na pumunta silang lahat sa templo ng Panginoon na inyong Dios at mag-ayuno. Humingi sila ng tulong sa Panginoon.

15 Naku! Malapit na ang araw ng pagpaparusa ng Panginoong Makapangyarihan. 16 Nakita natin mismo kung paano tayo nawalan ng pagkain at kung paano nawala ang kagalakan sa templo ng Dios. 17 Namatay ang mga binhi sa tigang na lupa. At dahil natuyo ang mga butil, wala nang laman ang mga bodega, kaya nagiba na lamang ang mga ito. 18 Umaatungal ang mga hayop dahil sa gutom. Gumagala ang mga baka na naghahanap ng makakain, pati ang mga tupa ay nahihirapan na rin.

19 Nanalangin si Joel: Panginoon, nananawagan po ako sa inyo, dahil natuyo na ang mga pastulan at ang lahat ng punongkahoy sa bukirin, na parang nilamon ng apoy. 20 Maging ang mga hayop sa gubat ay dumadaing sa inyo, dahil tuyong-tuyo na ang mga ilog at mga sapa, at tuyo na rin ang mga pastulan, na parang nilamon ng apoy.

Ang Pagparusa ng Panginoon ay Inihalintulad sa Pagsalakay ng mga Balang

Hipan ninyo ang trumpeta upang bigyang babala ang mga tao sa Zion,[f] ang banal[g] na bundok ng Panginoon. Lahat kayong nakatira sa Juda, manginig kayo sa takot, dahil malapit na ang araw ng paghatol ng Panginoon. Magiging maulap at madilim ang araw na iyon. Kakalat ang napakaraming balang[h] sa mga kabundukan na parang sinag ng araw kapag nagbubukang-liwayway. Wala pang nangyaring kagaya nito noon, at hindi na mangyayari ang katulad nito kahit kailan.

Sunud-sunod na sumalakay ang mga balang na parang apoy.[i] Bago sila dumating ang lupain ay parang halamanan ng Eden. Pero nang masalakay na nila, para na itong disyerto. Wala silang halaman na itinira. Parang kabayo ang kanilang anyo, at mabilis sila tulad ng mga kabayong pandigma. Ang ingay ng kanilang paglukso sa ibabaw ng mga bundok ay parang mga karwaheng tumatakbo at parang ingay ng nasusunog na dayami. Tulad sila ng makapangyarihang hukbo na handang makipagdigma. Ang mga taong makakakita sa kanila ay mamumutla sa takot. 7-8 Sumasalakay sila at umaakyat sa mga pader na parang mga sundalo. Diretso ang kanilang paglakad at hindi lumilihis sa kanilang dinadaanan. Hindi sila nagtutulakan, at kahit masalubong nila ang mga sandata ng kaaway, hindi sila naghihiwa-hiwalay. Sinasalakay nila ang lungsod at inaakyat ang mga pader nito. Inaakyat nila ang mga bahay at pumapasok sa mga bintana na parang magnanakaw. 10 Nayayanig ang lupa at ang langit sa kanilang pagdating. At nagdidilim ang araw at ang buwan, at nawawalan ng liwanag ang mga bituin.

11 Inuutusan ng Panginoon ang kanyang hukbo – ang napakarami at makapangyarihang mga balang – at sumusunod sila sa kanyang utos. Nakakatakot ang araw ng pagpaparusa ng Panginoon. Sino ang makakatagal dito?

Panawagan upang Magbalik-loob sa Dios

12 Sinabi ng Panginoon na ito na ang panahon para magbalik-loob kayo sa kanya nang buong puso, na nag-aayuno, nananangis at nagdadalamhati. 13 Magsisi kayo nang buong puso at hindi pakitang-tao lamang sa pamamagitan ng pagpunit ng inyong mga damit. Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Dios, dahil mahabagin siya at maalalahanin. Mapagmahal siya at hindi madaling magalit. Handa siyang magbago ng isip upang hindi na magpadala ng parusa. 14 Baka sakaling magbago ang isip ng Panginoon na inyong Dios at pagpalain kayo ng masaganang ani, para makapaghandog kayo sa kanya ng mga butil at inumin.

15 Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion upang ipaalam sa mga tao na magtipon sila at mag-ayuno. 16 Gawin ninyo ang seremonya ng paglilinis at magtipon kayong lahat, bata at matanda, pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal. 17 Umiyak sa pagitan ng altar at ng balkonahe ng templo ang mga pari na naglilingkod sa Panginoon, at manalangin sila ng ganito: “Panginoon, maawa po kayo sa mga mamamayang pag-aari ninyo. Huwag nʼyo pong payagan na hiyain sila at sakupin ng ibang bansa na nagsasabing, ‘Nasaan ang inyong Dios?’ ”

Pagpapalain ng Panginoon ang Juda

18 Nagmamalasakit ang Panginoon sa kanyang bayan at naaawa siya sa kanyang mga mamamayan. 19 At bilang sagot sa kanilang dalangin sasabihin niya sa kanila, “Bibigyan ko kayo ng mga butil, bagong katas ng ubas, at langis, at mabubusog kayo. Hindi ko papayagang hiyain kayo ng ibang bansa. 20 Palalayasin ko ang mga sasalakay sa inyo mula sa hilaga at itataboy ko sila sa disyerto. Itataboy ko ang unang pulutong nila sa Dagat na Patay[j] at ang huling pulutong ay itataboy ko sa Dagat ng Mediteraneo.[k] At babaho ang kanilang mga bangkay.”

Tunay na kamangha-mangha ang ginawa ng Panginoon. 21 Hindi dapat matakot ang lupain ng Juda, sa halip dapat itong magalak dahil sa kamangha-manghang ginawa ng Panginoon. 22 Huwag matakot ang mga hayop, dahil luntian na ang mga pastulan at namumunga na ang mga punongkahoy, pati na ang mga igos, gayon din ang mga ubas.

23 Kayong mga taga-Zion, magalak kayo sa ginawa sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Sapagkat binigyan niya kayo ng unang ulan at nasundan pa ito gaya ng dati para ipakita na matuwid siya. 24 Mapupuno ng butil ang mga giikan, at aapaw ang bagong katas ng ubas at langis sa mga pisaan nito. 25 Sapagkat sinasabi ng Panginoon, “Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo noong mga panahon na sinalakay ang inyong mga pananim ng sunud-sunod na pulutong ng mga balang na iyon. Ako ang nagpadala sa inyo ng napakalaking pulutong ng mga balang. 26 Magkakaroon na kayo ngayon ng saganang pagkain at lubusang mabubusog. At dahil dito, pupurihin ninyo ako na inyong Dios, na gumawa ng mga kamangha-manghang bagay na iyon. At kayo na aking mga mamamayan ay hindi na mapapahiya kailanman. 27 Malalaman ninyo na akoʼy sumasainyo na mga taga-Israel, at ako lamang ang Panginoon na inyong Dios at wala nang iba pa. Kayo na aking mga mamamayan ay hindi na nga mapapahiya kailanman.

Footnotes

  1. 1:4 Maaari rin na ang sinasabi ng talatang ito ay ang apat na klaseng balang o ang apat na “stages” ng paglaki ng balang.
  2. 1:6 lupain ng Panginoon: sa literal, aking lupain, na siyang Juda.
  3. 1:6 napakaraming balang: sa literal, mga bansa. Maaaring ang mga balang na ito ay kumakatawan sa mga bansang sasalakay sa Juda.
  4. 1:8 dalaga: o, birhen.
  5. 1:8 nakadamit ng sako: tanda ng pagluluksa.
  6. 2:1 Zion: Isa ito sa mga tawag sa Jerusalem.
  7. 2:1 banal: o, pinili.
  8. 2:2 balang: sa literal, tao o bansa. Maaaring ang mga balang na ito ay kumakatawan sa mga taong sasalakay sa Juda.
  9. 2:3 Sunud-sunod … apoy: sa literal, Sa kanilang harapan at sa likuran ay may apoy na sumusunog. Maaaring ang ibig sabihin ay sa harapan at sa likuran ng isang kawan ng mga balang ay mayroon pang mga kawan ng balang. Tingnan sa 1:4 at 2:20.
  10. 2:20 Dagat na Patay: sa Hebreo, dagat sa silangan.
  11. 2:20 Dagat ng Mediteraneo: sa Hebreo, dagat sa kanluran.