Add parallel Print Page Options

Ang Salita ng Buhay

Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. Sa pasimula ay kasama na ng Diyos ang Salita. Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Nasa kanya ang buhay,[a] at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi kailanman ng kadiliman.

Sinugo(A) ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya sa pamamagitan niya. Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw. Ito ang tunay na ilaw: dumarating ito sa sanlibutan upang magbigay liwanag sa lahat ng tao.[b]

10 Dumating ang Salita sa sanlibutan ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutang ito na nilikha sa pamamagitan niya. 11 Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan. 12 Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. 13 Sila ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao, kundi ayon sa kalooban ng Diyos.

14 Naging tao ang Salita at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.

15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya, na isinisigaw, “Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, ‘Ang dumarating na kasunod ko'y higit kaysa sa akin, sapagkat siya ay naroon na bago pa man ako ipanganak.’”

16 Mula sa kapuspusan ng kanyang kagandahang-loob, tumanggap tayong lahat ng abut-abot na kagandahang-loob. 17 Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises; ngunit dumating ang kagandahang-loob at katotohanan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 18 Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit ang natatanging Diyos[c] na pinakamamahal ng Ama, ang nagpakilala sa Ama.

Ang Patotoo ni Juan na Tagapagbautismo(B)

19 Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng mga pari at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. 20 Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, “Hindi ako ang Cristo.”

21 “Sino(C) ka kung gayon?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?”

“Hindi ako si Elias,” tugon niya.

“Ikaw ba ang Propeta?”

Sumagot siya, “Hindi rin.”

22 “Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” tanong nilang muli.

23 Sumagot(D) si Juan ayon sa nasusulat sa aklat ni Propeta Isaias,

    “Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang,
    ‘Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.’”

24 Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. 25 Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?”

26 Sumagot si Juan, “Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala. 27 Dumarating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng tali ng kanyang sandalyas.”

28 Ang mga ito'y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan.

Ang Kordero ng Diyos

29 Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya. Sinabi niya, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. 30 Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong ang dumarating na kasunod ko ay higit sa akin, sapagkat siya'y naroon na bago pa man ako ipanganak. 31 Hindi ko rin siya kilala noon subalit ako'y naparitong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.”

32 Ganito ang patotoo ni Juan: “Nakita ko ang Espiritu na bumababa na parang isang kalapati na buhat sa langit at nanatili sa kanya. 33 Hindi ko nga siya kilala noon. Ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ang siyang nagsabi sa akin, ‘Kung kanino mo makitang bumabâ at manatili ang Espiritu, siya ang magbabautismo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.’ 34 Ngayon ay nakita ko siya, at pinapatotohanan kong siya ang Anak ng Diyos.”

Ang Unang Apat na Alagad ni Jesus

35 Kinabukasan, naroon muli si Juan kasama ang dalawa sa kanyang mga alagad. 36 Nang makita niya si Jesus na nagdaraan ay kanyang sinabi, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos!”

37 Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, kaya't sumunod sila kay Jesus. 38 Lumingon si Jesus, at nang makita niyang sumusunod sa kanya ang mga ito, sila'y tinanong niya, “Ano ang kailangan ninyo?”

Sumagot sila, “Saan po kayo nakatira, Rabi?” Ang kahulugan ng salitang ito'y Guro.

39 “Halikayo at tingnan ninyo,” sabi ni Jesus.

Sumama sila kay Jesus at nakita nila ang kanyang tinitirhan; at tumuloy sila roon nang araw na iyon. Noo'y mag-aalas kuwatro na ng hapon.

40 Ang isa sa dalawang alagad na nakarinig kay Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41 Unang hinanap ni Andres ang kanyang kapatid na si Simon. Sinabi niya rito, “Nakita na namin ang Mesiyas!” Ang kahulugan ng salitang ito'y Cristo. 42 At isinama ni Andres si Simon kay Jesus.

Tiningnan ni Jesus si Simon at sinabi sa kanya, “Ikaw ay si Simon na anak ni Juan. Ikaw ay tatawaging Cefas”[d] (na ang katumbas ay Pedro[e]).

Ang Pagkatawag kina Felipe at Nathanael

43 Kinabukasan, minabuti ni Jesus na pumunta sa Galilea. Nakita niya roon si Felipe at sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” 44 Si Felipe ay taga-Bethsaida, tulad nina Andres at Pedro.

45 Nakita ni Felipe si Nathanael at sinabi niya dito, “Natagpuan na namin ang tinutukoy ni Moises sa kanyang isinulat sa aklat ng Kautusan at gayundin ng mga propeta. Siya'y si Jesus na taga-Nazaret, na anak ni Jose.”

46 “May mabuti bang maaaring magmula sa Nazaret?” tanong ni Nathanael.

Sumagot si Felipe, “Halika't tingnan mo.”

47 Nang malapit na si Nathanael ay sinabi ni Jesus, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita. Wala siyang anumang pagkukunwari.”

48 Tinanong siya ni Nathanael, “Paano ninyo ako nakilala?”

Sumagot si Jesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.”

49 Sumagot si Nathanael, “Rabi, kayo nga po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!”

50 Sinabi ni Jesus, “Sumampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Higit pa riyan ang masasaksihan mo.” 51 At(E) sinabi niya sa kanya, “Pakatandaan mo: makikita ninyong bukás ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!”

Ang Unang Himala ni Jesus

Nang ikatlong araw, may kasalan sa Cana sa Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan. Naubos ang alak, kaya't sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Anak, wala na silang alak.”

Sinabi ni Jesus, “Ipaubaya na lang po ninyo ito sa akin, Ginang.[f] Hindi pa ito ang aking tamang oras.”

Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”

May anim na banga doon, ang bawat isa'y naglalaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galon. Ang mga ito ay nakalaan para sa paghuhugas ayon sa rituwal ng mga Judio. Sinabi ni Jesus sa mga tumutulong doon, “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.”

At pinuno nga nila ang mga banga na halos mag-umapaw. Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng kaunti at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.”

Dinalhan nga nila ang namamahala, at tinikman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, subalit alam ng mga sumalok ng tubig. Kaya't tinawag niya ang lalaking ikinasal 10 at sinabi, “Ang masarap na alak ay unang inihahain; kapag marami nang nainom ang mga tao, saka inihahain ang mababang uri. Ngunit sa huli ninyo inilabas ang masarap na alak!”

11 Ang nangyaring ito sa Cana sa Galilea ang unang himalang ginawa ni Jesus. Sa pamamagitan nito'y inihayag niya ang kanyang kaluwalhatian at naniwala sa kanya ang mga alagad niya.

12 Pagkatapos(F) nito, pumunta si Jesus sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at mga alagad. Sila'y nanatili roon nang ilang araw.

Pagmamalasakit para sa Templo(G)

13 Malapit(H) na ang Paskwa ng mga Judio kaya't pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14 Nakita niya sa Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa at kalapati, at ang mga namamalit ng salapi. 15 Kumuha siya ng lubid at ginawa iyong panghagupit, at ipinagtabuyan niyang palabas ang mga nagtitinda, pati na ang mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit ng pera at ipinagtataob ang kanilang mga mesa. 16 Pinagsabihan niya ang mga nagtitinda ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!”

17 Naalala(I) ng kanyang mga alagad ang sinasabi sa kasulatan, “Ang malasakit ko sa iyong bahay ang tutupok sa akin.”

18 Dahil dito'y tinanong siya ng mga pinuno ng Judio, “Anong himala ang maipapakita mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?”

19 Sumagot(J) si Jesus, “Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli ko itong itatayo.”

20 Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu't anim na taong ginawa ang Templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?”

21 Ngunit ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan. 22 Kaya't nang siya'y muling nabuhay, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito, at sila'y naniwala sa kasulatan at sa sinabi ni Jesus.

Alam ni Jesus ang Kalooban ng Tao

23 Nang Pista ng Paskwa ay nasa Jerusalem si Jesus. Marami ang naniwala sa kanya nang makita nila ang mga himalang ginagawa niya. 24 Subalit hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila, sapagkat kilala niya ang lahat ng mga tao. 25 Hindi na kailangang may magsabi pa sa kanya tungkol sa kaninuman, sapagkat nalalaman niya ang nasa isip ng lahat ng tao.

Si Jesus at si Nicodemo

May isang Pariseo na nagngangalang Nicodemo na pinuno ng mga Judio. Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, “Rabi, nalalaman po naming kayo'y isang tagapagturong mula sa Diyos, sapagkat walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo kung wala sa inyo ang Diyos.”

Sumagot si Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ipanganak na muli[g] ang isang tao, hindi niya makikita ang paghahari ng Diyos.”

“Paanong maipapanganak pang muli ang isang taong matanda na? Makakapasok pa ba siya sa sinapupunan ng kanyang ina para muling ipanganak?” tanong ni Nicodemo.

Sagot naman ni Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ang isang tao ay ipanganak sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. Ang taong ipinanganak sa laman ay laman, at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu. Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kayong lahat ay kailangang ipanganak na muli.’[h] Umiihip ang hangin[i] kung saan nito nais at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Ganoon din ang bawat ipinanganak sa Espiritu.”

“Paano po mangyayari iyon?” tanong ni Nicodemo.

10 Sumagot si Jesus, “Guro ka pa naman sa Israel, hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito? 11 Pakatandaan mo: ang sinasabi namin ay nalalaman namin, at ang pinapatotohanan namin ay nasaksihan namin, subalit hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo. 12 Kung(K) hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa ninyo mapapaniwalaan ang sasabihin ko tungkol sa mga bagay doon sa langit? 13 Wala(L) pang sinumang umakyat sa langit kundi ang bumabâ mula sa langit, ang Anak ng Tao.”

14 At(M) kung paanong itinaas ni Moises ang tansong ahas doon sa ilang, gayundin naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, 15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. 16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulan ng parusa ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.

18 Hindi hinahatulan ng parusa ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. 19 Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang mga gawa. 20 Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. 21 Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos.

Si Jesus at si Juan

22 Pagkatapos nito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa lupain ng Judea. Nanatili siya roon nang kaunting panahon na kasama nila at nagbautismo ng mga tao. 23 Samantala, si Juan ay nagbabautismo naman sa Enon, malapit sa Salim, sapagkat maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao at nagpapabautismo. 24 Hindi(N) pa noon nabibilanggo si Juan.

25 Minsan, nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio[j] tungkol sa rituwal ng paglilinis. 26 Kaya't pumunta sila kay Juan at sinabi sa kanya, “Guro, naaalala pa po ba ninyo ang lalaking kasama ninyo sa ibayo ng Jordan, na inyong pinatotohanan? Siya po ay nagbabautismo rin at nagpupuntahan sa kanya ang lahat!”

27 Sumagot si Juan, “Walang sinumang tatanggap ng anuman malibang ito'y ipagkaloob sa kanya ng Diyos. 28 Kayo(O) mismo ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo; isa lamang akong sugo na mauuna sa kanya. 29 Sa isang kasalan, ang babaing ikakasal ay para lamang sa lalaking ikakasal. Ang abay na naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal ay lubos na nagagalak kapag narinig niya ang tinig nito. Gayundin naman, lubos na ang aking kagalakan ngayon. 30 Dapat siyang maitaas at ako nama'y maibaba.”

Si Jesus ang Mula sa Langit

31 Ang mula sa itaas ay dakila sa lahat; ang mula sa lupa ay taga-lupa at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa. Ang mula sa langit ay dakila sa lahat. 32 Pinapatotohanan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit walang tumatanggap sa kanyang patotoo. 33 Ang tumatanggap sa kanyang patotoo ay nagpapatunay na ang sinasabi ng Diyos ay totoo. 34 Ang isinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos, sapagkat lubusang ipinagkakaloob ng Diyos ang kanyang Espiritu. 35 Iniibig(P) ng Ama ang Anak, at ibinigay niya rito ang pamamahala sa lahat ng bagay. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay. Sa halip, mananatili sa kanya ang poot ng Diyos.

Si Jesus sa Samaria

Nabalitaan ng mga Pariseo na si Jesus ay mas maraming nahihikayat na maging alagad at nababautismuhan kaysa kay Juan. Nalaman ito ng Panginoon[k] (bagaman hindi si Jesus mismo ang nagbabautismo, kundi ang kanyang mga alagad), kaya umalis siya sa Judea at bumalik sa Galilea. Kailangan dumaan siya sa Samaria.

Dumating(Q) siya sa isang bayan na tinatawag na Sicar. Malapit ito sa bukid na ibinigay ni Jacob sa kanyang anak na si Jose. Dito matatagpuan ang balon ni Jacob. Dahil napagod si Jesus sa paglalakbay, umupo siya sa tabi ng balon. Halos katanghalian na noon.

May isang Samaritanang dumating upang umigib, at sinabi ni Jesus sa kanya, “Maaari bang makiinom?” Wala noon ang kanyang mga alagad dahil sila'y bumibili ng pagkain sa bayan.

Sinabi(R) sa kanya ng babae, “Ikaw ay Judio at Samaritana naman ako. Bakit ka humihingi sa akin ng inumin?” Sinabi niya iyon sapagkat hindi nakikihalubilo ang mga Judio sa mga Samaritano.[l]

10 Sumagot si Jesus, “Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa iyo ng inumin, ikaw ang hihingi sa kanya at bibigyan ka niya ng tubig na nagbibigay-buhay.”

11 Nagsalita ang babae, “Ginoo, malalim ang balong ito at wala ka namang pansalok. Saan ka kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? 12 Ang balong ito ay pamana pa sa amin ng aming ninunong si Jacob. Dito siya uminom, gayundin ang kanyang mga anak at mga hayop. Higit ka pa ba sa kanya?”

13 Sumagot si Jesus, “Ang bawat uminom ng tubig na ito'y muling mauuhaw, 14 ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.”

15 Sinabi ng babae, “Ginoo, bigyan po ninyo ako ng tubig na iyan upang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa upang sumalok muli.”

16 “Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa,” wika ni Jesus.

17 “Wala akong asawa,” sagot ng babae.

Sinabi ni Jesus, “Tama ang sinabi mong wala kang asawa 18 sapagkat lima na ang iyong naging asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo.”

19 Sinabi ng babae, “Ginoo, palagay ko ay isa kang propeta. 20 Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga ninuno, ngunit sinasabi ninyong mga Judio na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.”

21 Sinabi naman ni Jesus, “Maniwala ka sa akin, darating ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem. 22 Hindi ninyo kilala ang inyong sinasamba, ngunit kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay nagmumula sa mga Judio. 23 Subalit dumarating na ang panahon at ngayon na nga, na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ganyan ang uri ng pagsambang ninanais ng Ama. 24 Ang Diyos ay Espiritu at ang mga sumasamba sa kanya ay dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.”

25 Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong darating ang Mesiyas, ang tinatawag na Cristo. Pagdating niya, siya ang magpapahayag sa amin ng lahat ng bagay.”

26 “Akong kausap mo ngayon ang iyong tinutukoy,” sabi ni Jesus.

27 Dumating ang kanyang mga alagad nang sandaling iyon, at nagtaka sila nang makita nilang nakikipag-usap si Jesus sa isang Samaritana. Ngunit isa man sa kanila'y walang nagtanong sa babae, “Ano ang kailangan ninyo?” Wala ring nagtanong kay Jesus, “Bakit ninyo siya kinakausap?”

28 Iniwan ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga tagaroon, 29 “Halikayo! Tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na kaya ang Cristo?”

30 Kaya't lumabas ng bayan ang mga tao at nagpunta kay Jesus.

31 Samantala, makailang ulit na sinabi ng mga alagad kay Jesus, “Rabi, kumain na kayo.”

32 Ngunit sumagot siya, “Ako'y may pagkaing hindi ninyo nalalaman.”

33 Kaya't nagtanung-tanungan ang mga alagad, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”

34 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang pagkain ko'y ang tuparin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang ipinapagawa niya sa akin.

35 “Hindi ba sinasabi ninyo, ‘Apat na buwan pa at anihan na’? Sinasabi ko naman sa inyo, masdan ninyo ang mga bukid, hinog na ang trigo at handa nang anihin. 36 Ang umaani ay tumatanggap ng kabayaran at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan. Kaya't magkasamang magagalak ang nagtatanim at ang umaani. 37 Dito nagkakatotoo ang kasabihang, ‘Iba ang nagtatanim at iba naman ang umaani.’ 38 Isinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo itinanim. Iba ang naghirap dito at kayo naman ang umani ng kanilang pinaghirapan.”

39 Maraming Samaritano sa bayang iyon ang naniwala kay Jesus dahil sa patotoo ng babae, “Sinabi niya sa akin ang lahat ng aking ginawa.” 40 Kaya't pumunta sila kay Jesus at nakiusap na tumigil muna siya roon, at tumigil nga siya roon sa loob ng dalawang araw.

41 At marami pang sumampalataya nang mapakinggan siya. 42 Pagkatapos, sinabi nila sa babae, “Naniniwala kami ngayon, hindi na dahil sa sinabi mo kundi dahil sa narinig namin siya. Alam na naming siya nga ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.”

Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Isang Pinuno ng Pamahalaan

43 Pagkaraan ng dalawang araw, bumalik si Jesus sa Galilea. 44 (Si(S) Jesus na rin ang nagpatotoo na ang isang propeta'y hindi iginagalang sa sarili nitong bayan.) 45 Pagdating(T) niya sa Galilea ay mabuti ang pagtanggap sa kanya ng mga tagaroon, sapagkat nasa Jerusalem din sila noong Pista ng Paskwa at nakita nila ang lahat ng kanyang ginawa roon.

46 Nagpunta(U) muli si Jesus sa Cana sa Galilea, kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Sa bayan naman ng Capernaum ay may isang pinuno ng pamahalaan. Ang anak niyang lalaki ay may sakit 47 at naghihingalo na. Nang mabalitaan niyang bumalik si Jesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito at pinakiusapang pumunta sa Capernaum upang pagalingin ang kanyang anak. 48 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hangga't hindi kayo nakakakita ng mga himala at mga kababalaghan, kailanman ay hindi kayo sasampalataya.”

49 Ngunit sinabi ng pinuno, “Tayo na po, Panginoon, bago mamatay ang aking anak.”

50 Sumagot si Jesus, “Umuwi ka na, hindi mamamatay ang iyong anak.” Naniwala ang lalaki sa sinabi ni Jesus, at umuwi na nga siya. 51 Sa daan pa lamang ay sinalubong na siya ng kanyang mga alipin at sinabing gumaling na ang kanyang anak.

52 Tinanong niya ang mga iyon, “Anong oras nang bumuti ang kalagayan niya?”

“Ala-una po kahapon nang siya'y mawalan ng lagnat,” tugon nila.

53 Naalala ng ama na noong oras na iyon sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi mamamatay ang iyong anak.” Kaya't siya at ang kanyang buong sambahayan ay sumampalataya kay Jesus.

54 Ito ang pangalawang himalang ginawa ni Jesus sa Galilea pagkagaling mula sa Judea.

Ang Pagpapagaling sa Bethzata

Pagkaraan nito'y dumating ang isang pista ng mga Judio, at pumunta si Jesus sa Jerusalem. Sa lungsod na ito, malapit sa Pintuan ng mga Tupa ay may malaking imbakan ng tubig na may limang portiko. Kung tawagin ito sa wikang Hebreo ay Bethzata.[m] Nasa paligid nito ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. [Sila'y naghihintay na gumalaw ang tubig, dahil may panahong ang isang anghel ng Panginoon ay bumababa at pinapagalaw ang tubig, at ang maunang lumusong sa tubig matapos na ito'y gumalaw ay gumagaling sa anumang karamdaman.][n]

May isang lalaki doon na tatlumpu't walong taon nang may sakit. Nakita siya ni Jesus at alam niyang matagal nang may sakit ang lalaki kaya't tinanong niya ito, “Gusto mo bang gumaling?”

Sumagot ang maysakit, “Ginoo, wala pong maglulusong sa akin kapag gumalaw na ang tubig; papunta pa lamang ako, may nauuna na sa akin.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” Noon di'y gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan, at lumakad.

Noo'y Araw ng Pamamahinga 10 kaya't(V) sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa lalaking pinagaling, “Araw ng Pamamahinga ngayon! Labag sa Kautusan na dalhin mo ang iyong higaan.”

11 Ngunit sumagot siya, “Ang nagpagaling po sa akin ang nagsabing buhatin ko ang aking higaan at lumakad ako.”

12 At siya'y tinanong nila, “Sino ang nagsabi sa iyong buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?” 13 Ngunit hindi alam ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, sapagkat maraming tao sa lugar na iyon at nakaalis na si Jesus.

14 Pagkatapos nito, nakita ni Jesus sa loob ng Templo ang lalaki at sinabihan itong, “Magaling ka na ngayon! Huwag ka nang gumawa ng kasalanan at baka masahol pa riyan ang mangyari sa iyo.”

15 Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Dahil dito, si Jesus ay sinimulang usigin ng mga pinuno ng mga Judio, sapagkat ginawa niya ito sa Araw ng Pamamahinga.

17 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang aking Ama ay patuloy sa kanyang gawain hanggang ngayon, at gayundin ako.” 18 Lalo(W) namang pinagsikapan ng mga Judio na ipapatay siya, sapagkat hindi lamang niya nilabag ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga, sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayon ay ipinapantay ang kanyang sarili sa Diyos.

Ang Kapangyarihan ng Anak

19 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Pakatandaan ninyo na walang magagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang nakikita niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang niyang ginagawa. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak, 20 sapagkat minamahal ng Ama ang Anak at ipinapakita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya at higit pa sa mga ito ang mga gawang ipapakita sa kanya ng Ama upang kayo'y mamangha. 21 Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binibigyan sila ng buhay, gayundin naman, binubuhay ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. 22 Hindi humahatol kaninuman ang Ama, sa halip ay ibinigay na niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol 23 upang maparangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa Anak.

24 “Pakatandaan ninyo: ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi nakatawid na siya sa buhay mula sa kamatayan. 25 Pakatandaan ninyo na darating ang oras, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang sinumang makinig sa kanya ay mabubuhay. 26 Kung paanong ang Ama mismo ang pinagmumulan ng buhay, gayon din naman ang Anak na binigyan niya ng ganoong karapatan. 27 Binigyan niya ang Anak ng kapangyarihang humatol, sapagkat siya ang Anak ng Tao. 28 Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig 29 at sila'y(X) babangon. Lahat ng gumawa ng kabutihan ay babangon patungo sa buhay na walang hanggan, at lahat ng gumawa ng kasamaan ay babangon patungo sa kaparusahan.”

Mga Saksi para kay Jesus

30 “Wala akong magagawa sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya't matuwid ang hatol ko. Hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

31 “Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang patotoo ko ay walang katotohanan. 32 Ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi. 33 Nagpadala(Y) kayo ng mga sugo kay Juan at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. 34 Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. 35 Si(Z) Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo'y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. 36 Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit pa sa patotoo ni Juan. Ang mga gawang ipinapagawa sa akin ng Ama na siya ko namang ginaganap, ang nagpapatotoo na ako'y isinugo ng Ama. 37 At(AA) ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo. 38 Hindi nanatili sa inyong mga puso ang kanyang salita sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa isinugo niya. 39 Sinasaliksik(AB) ninyo ang mga Kasulatan sa pag-aakalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga Kasulatang iyan ang nagpapatotoo tungkol sa akin! 40 Ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay.

41 “Hindi ako naghahangad ng parangal ng tao. 42 Subalit kilala ko kayo; alam kong wala kayong pag-ibig sa Diyos. 43 Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, subalit ayaw ninyo akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, siya'y inyong tatanggapin. 44 Paano kayo maniniwala sa akin kung ang hinahangad ninyo'y ang papuri ng isa't isa at hindi ang papuri na nanggagaling sa iisang Diyos? 45 Huwag ninyong isipin na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harapan ng Ama. Si Moises, na inaasahan ninyo, ang siyang maghaharap ng paratang laban sa inyo. 46 Kung talagang naniniwala kayo kay Moises, maniniwala din kayo sa akin, sapagkat sumulat siya tungkol sa akin. 47 Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa mga isinulat niya, paano kayo maniniwala sa mga sinasabi ko?”

Ang Pagpapakain sa Limanlibo(AC)

Pagkatapos nito, tumawid si Jesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga himalang ginawa niya sa pagpapagaling sa mga maysakit. Umakyat si Jesus sa bundok kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon. Noon ay malapit na ang Paskwa ng mga Judio. Tumanaw si Jesus at nang makita niyang dumarating ang napakaraming tao, tinanong niya si Felipe, “Saan kaya tayo makakabili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Sinabi niya iyon upang subukin si Felipe, sapagkat alam na niya ang kanyang gagawin.

Sumagot naman si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang salaping pilak[o] ng tinapay ay di sasapat para makakain sila nang tigkakaunti.”

Sinabi ni Andres na isa sa kanyang mga alagad at kapatid ni Simon Pedro, “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda. Subalit sasapat kaya ang mga ito?” 10 “Paupuin ninyo ang mga tao,” sabi ni Jesus. Madamo sa lugar na iyon. Umupo nga ang mga tao; sa kanila'y may humigit-kumulang sa limanlibo ang mga lalaki. 11 Kinuha ni Jesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi iyon sa mga taong nakaupo. Gayundin ang ginawa niya sa mga isda. Nakakain ang lahat at nabusog. 12 Nang makakain na ang mga tao, sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Ipunin ninyo ang lumabis nang di masayang.” 13 Ganoon nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang kaing mula sa limang tinapay na sebada.

14 Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang darating sa sanlibutan!” 15 Napansin ni Jesus na lalapitan siya ng mga tao at pipilitin siyang gawing hari, kaya't umalis siyang muli at mag-isang umakyat sa bundok.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(AD)

16 Nang magtatakipsilim na, ang mga alagad ay pumunta sa tabi ng lawa. 17 Sumakay sila sa bangka at naglayag papuntang Capernaum. Madilim na'y wala pa si Jesus. 18 Lumakas ang hangin at lumaki ang alon. 19 Nang makasagwan na sila nang may lima o anim na kilometro, nakita nila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa bangka, at sila'y natakot. 20 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Ako ito!” 21 Tuwang-tuwa nilang pinasakay si Jesus; at kaagad na nakarating ang bangka sa kanilang pupuntahan.

Hinanap ng mga Tao si Jesus

22 Kinabukasan, nakita ng mga taong naiwan sa dalampasigan na iisa lamang ang bangkang naroon. Nalaman nilang si Jesus ay hindi kasama ng mga alagad nang ang mga ito'y sumakay sa bangka dahil ang mga ito lamang ang umalis. 23 Dumating naman ang ilang bangkang galing sa Tiberias at dumaong sa lugar na malapit sa kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon. 24 Kaya't nang makita nilang wala roon si Jesus at ang kanyang mga alagad, sila'y sumakay sa mga bangka at pumunta sa Capernaum upang hanapin si Jesus.

Si Jesus ang Tinapay na Nagbibigay-buhay

25 Nang makita nila si Jesus sa ibayo ng lawa, siya'y tinanong nila, “Guro, kailan pa kayo rito?”

26 Sumagot si Jesus, “Totoo ang sinasabi kong ito: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. 27 Huwag(AE) ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat ipinapakita ng Diyos Ama na siya ang may ganitong karapatan.”

28 Kaya't siya'y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming matupad ang ipinapagawa ng Diyos?”

29 “Ito ang ipinapagawa sa inyo ng Diyos, sumampalataya kayo sa sinugo niya,” tugon ni Jesus.

30 “Ano pong himala ang maipapakita ninyo upang sumampalataya kami sa inyo? Ano po ang inyong gagawin? 31 Ang(AF) aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang; ayon sa nasusulat, ‘Sila'y binigyan niya ng tinapay na galing sa langit,’” sabi nila.

32 Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit. 33 Sapagkat ang tinapay na galing sa Diyos ay ang bumabâ mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sangkatauhan.”

34 Sumagot sila, “Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na ito.”

35 Sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman. 36 Ngunit sinabi ko na sa inyo, nakita na ninyo ako, ngunit hindi pa rin kayo sumasampalataya sa akin. 37 Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko itataboy kailanman ang sinumang lumalapit sa akin. 38 Ako'y bumabâ mula sa langit, hindi upang gawin ang sarili kong kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin. 39 At ito ang kanyang kalooban: ang huwag kong hayaang mapahamak ang kahit sinuman sa mga ibinigay niya sa akin, kundi ang buhayin ko silang muli sa huling araw. 40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng nakakakita sa Anak at sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila'y muli kong bubuhayin sa huling araw.”

41 Nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sa sinabi niyang, “Ako ang tinapay na bumabâ mula sa langit.” 42 Sinabi nila, “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kanyang ama't ina. Paano niya masasabi ngayong bumabâ siya mula sa langit?” 43 Kaya't sinabi ni Jesus, “Tigilan ninyo ang inyong bulung-bulungan. 44 Walang makakalapit sa akin malibang dalhin siya sa akin ng Ama na nagsugo sa akin. At ang lumalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw. 45 Nasusulat(AG) sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo sa kanya ay lumalapit sa akin. 46 Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; ang nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama. 47 Pakatandaan ninyo: ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan. 48 Ako ang tinapay ng buhay. 49 Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila'y nasa ilang, ngunit sila'y namatay. 50 Narito ang tinapay na bumabâ mula sa langit upang ang sinumang kumain nito ay hindi na mamatay. 51 Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumabâ mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay na ibibigay ko upang mabuhay ang sanlibutan ay ang aking laman.”

52 Dahil dito'y nagtalu-talo ang mga Judio, “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang makain natin?”

53 Sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. 54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. 55 Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. 56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya. 57 Isinugo ako ng buháy na Ama at ako'y nabubuhay dahil sa kanya. Gayundin naman, ang sinumang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na bumabâ mula sa langit. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga ninuno sa ilang; namatay sila kahit na kumain niyon. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”

59 Sinabi ito ni Jesus sa sinagoga habang siya'y nagtuturo sa Capernaum.

Mga Salita tungkol sa Buhay na Walang Hanggan

60 Narinig ito ng kanyang mga alagad at marami sa kanila ang nagsabi, “Mabigat na pananalita ito; sino ang makakatanggap nito?”

61 Kahit walang nagsasabi kay Jesus, alam niya na nagbubulung-bulungan ang kanyang mga alagad tungkol dito. Kaya't sinabi niya, “Dahil ba rito'y tatalikuran na ninyo ako? 62 Gaano pa kaya kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao papunta sa dati niyang kinaroroonan? 63 Ang(AH) Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng laman. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at ito ang nagbibigay-buhay. 64 Ngunit may ilan sa inyong hindi sumasampalataya.” Alam na ni Jesus buhat pa noong una kung sinu-sino ang hindi mananalig sa kanya, at kung sino ang magkakanulo sa kanya. 65 Idinugtong pa niya, “Iyan ang dahilan kaya ko sinabi sa inyo na walang makakalapit sa akin malibang ito'y loobin ng Ama.”

66 Mula noo'y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na sumama sa kanya. 67 Tinanong ni Jesus ang Labindalawa, “At kayo, gusto rin ba ninyong umalis?”

68 Sumagot(AI) si Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. 69 Naniniwala kami at natitiyak namin na kayo nga ang Banal na mula sa Diyos.”

70 Sumagot si Jesus, “Hindi ba't ako ang humirang sa inyong Labindalawa at ang isa sa inyo ay diyablo!” 71 Ang tinutukoy niya'y si Judas na anak ni Simon Iscariote, sapagkat siya na kabilang sa Labindalawa ay magkakanulo sa kanya.

Hindi Sumampalataya kay Jesus ang Kanyang mga Kapatid

Pagkatapos nito'y nilibot ni Jesus ang Galilea. Iniwasan niya ang Judea dahil nais siyang patayin ng mga pinuno ng mga Judio roon. Nalalapit(AJ) na noon ang Pista ng mga Tolda, isa sa mga pista ng mga Judio, kaya't sinabi kay Jesus ng kanyang mga kapatid, “Bakit hindi ka umalis dito at pumunta sa Judea para makita ng iyong mga tagasunod ang ginagawa mo? Walang taong naglilihim ng kanyang ginagawa kung ang hangad niya'y maging tanyag. Ginagawa mo rin lamang ang mga bagay na ito, magpakilala ka na sa sanlibutan.” Maging ang mga kapatid ni Jesus ay hindi naniniwala sa kanya.

Sumagot si Jesus, “Hindi pa dumating ang aking panahon; sa inyo'y maaari kahit anong panahon. Hindi kayo kapopootan ng sanlibutan, ngunit ako'y kinapopootan nila, sapagkat pinapatotohanan kong masasama ang mga gawa nito. Kayo na lamang ang pumunta sa pista. Hindi ako pupunta[p] sapagkat hindi pa dumating ang aking panahon.” Pagkasabi nito, nagpaiwan siya sa Galilea.

Nagturo si Jesus sa Pista ng mga Tolda

10 Pagkaalis ng kanyang mga kapatid, si Jesus ay palihim na pumunta rin sa pista. 11 Hinahanap siya roon ng mga Judio. “Nasaan kaya siya?” tanong nila. 12 Pabulong na pinag-uusapan siya ng marami. “Siya'y mabuting tao,” sabi ng ilan. “Hindi, inililigaw niya ang mga tao,” sabi naman ng iba. 13 Ngunit walang nangahas magsalita nang hayagan tungkol sa kanya dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio.

14 Nang kalagitnaan na ng pista, pumasok si Jesus sa Templo at nagturo. 15 Nagtaka ang mga Judio at naitanong nila, “Saan kaya nakakuha ng karunungan ang taong ito gayong hindi naman siya nakapag-aral?”

16 Kaya't sinabi ni Jesus, “Hindi sa akin ang itinuturo ko, kundi sa nagsugo sa akin. 17 Kung talagang nais ninumang sumunod sa kalooban ng Diyos, malalaman niya kung ang itinuturo ko'y mula nga sa Diyos, o kung ang sinasabi ko ay galing lamang sa akin. 18 Ang nagtuturo ng galing sa sarili niya ay naghahangad ng sariling karangalan. Ngunit ang taong naghahangad na maparangalan ang nagsugo sa kanya ay tapat at hindi nagsisinungaling. 19 Hindi ba't ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan? Bakit wala ni isa man sa inyo ang tumutupad nito? Bakit nais ninyo akong patayin?”

20 Sumagot ang mga tao, “Sinasapian ka ng demonyo! Sino ba ang gustong pumatay sa iyo?”

21 Sumagot si Jesus, “Isang bagay pa lamang ang ginawa ko'y nagtataka na kayong lahat. 22 Ibinigay(AK) sa inyo ni Moises ang utos tungkol sa pagtutuli bagaman hindi ito nagmula sa kanya kundi sa inyong mga ninuno, at ginagawa ninyo ito kahit Araw ng Pamamahinga. 23 Kung(AL) tinutuli ang isang sanggol na lalaki kahit Araw ng Pamamahinga para masunod ang utos ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil nagpagaling ako ng isang tao sa Araw ng Pamamahinga? 24 Huwag kayong humatol batay sa anyo, kundi humatol kayo batay sa matuwid na pamantayan.”

Siya na nga Kaya ang Cristo?

25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong nais nilang patayin? 26 Hayan! Lantaran siyang nagsasalita, ngunit wala silang sinasabi laban sa kanya! Baka naman alam na ng mga pinuno na siya nga ang Cristo! 27 Ngunit pagdating ng Cristo ay walang makakaalam kung saan siya magmumula, subalit alam natin kung saan nagmula ang taong ito!”

28 Kaya't habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sumigaw siya, “Ako ba'y talagang kilala ninyo? Alam nga ba ninyo kung saan ako nagmula? Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan lamang. Karapat-dapat paniwalaan ang nagsugo sa akin. Hindi ninyo siya nakikilala, 29 ngunit nakikilala ko siya, sapagkat sa kanya ako nagmula, at siya ang nagsugo sa akin.”

30 Nais na siyang dakpin ng ilang naroroon, ngunit walang nangahas sapagkat hindi pa dumating ang kanyang panahon. 31 Marami sa mga tao ang naniwala sa kanya. Ang sabi nila, “Pagparito ng Cristo, gagawa kaya siya ng mas marami pang himala higit kaysa sa mga ginawa ng taong ito?”

Nag-utos ang mga Pariseo na Dakpin si Jesus

32 Nakarating sa mga Pariseo ang usap-usapan ng mga tao tungkol kay Jesus, kaya't inutusan nila at ng mga punong pari ang ilang bantay sa Templo na dakpin si Jesus.

33 Sinabi ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon at babalik na ako sa nagsugo sa akin. 34 Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita sapagkat hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.”

35 Nag-usap-usap ang mga Judio, “Saan kaya pupunta ang taong ito at hindi na raw natin siya makikita? Pupunta kaya siya sa ating mga kababayang napadpad sa lupain ng mga Griego upang magturo sa kanila? 36 Ano kaya ang ibig niyang sabihin nang kanyang sinabing, ‘Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita,’ at ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko’?”

Daloy ng Tubig na Nagbibigay-buhay

37 Sa(AM) kahuli-hulihan at pinakatanging araw ng pista, tumayo si Jesus at nagsalita nang malakas, “Kayong mga nauuhaw ay lumapit sa akin at uminom. 38 Ang(AN) sumasampalataya sa akin, ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso ay dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay.’[q] 39 Ang tinutukoy niya'y ang Espiritung tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Sapagkat hindi pa naipagkakaloob noon ang Espiritu dahil si Jesus ay hindi pa niluwalhati.

Nagtalu-talo ang mga Tao tungkol sa Cristo

40 Sinabi ng ilang nakarinig sa kanya, “Tunay ngang ito ang Propetang hinihintay natin!” 41 “Siya na nga ang Cristo!” sabi naman ng iba. Ngunit may nagsabi rin, “Maaari bang magmula sa Galilea ang Cristo? Di ba hindi? 42 Hindi(AO) ba sinasabi sa Kasulatan na ang Cristo ay magmumula sa lipi ni David, at ipanganganak sa Bethlehem na bayan ni David?” 43 Nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa mga tao dahil sa kanya. 44 Gusto ng iba na dakpin siya, ngunit wala namang nangahas na humuli sa kanya.

Ang Di-paniniwala ng mga Pinuno

45 Nang bumalik ang mga bantay ng Templo, tinanong sila ng mga punong pari at ng mga Pariseo, “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?”

46 Sumagot ang mga bantay, “Wala pa po kaming narinig na nagsalita nang tulad ng taong ito!”

47 “Pati ba kayo'y nalinlang na rin?” tanong ng mga Pariseo. 48 “Mayroon bang pinuno o Pariseong naniniwala sa kanya? 49 Ang mga taong bayan na ito na walang nalalaman sa Kautusan ay mga sinumpa!”

50 Isa(AP) sa mga naroon ay si Nicodemo, ang Pariseong nagsadya kay Jesus noong una. At siya'y nagtanong, 51 “Hindi ba't labag sa ating Kautusan na hatulan ang isang tao nang di muna nililitis at inaalam kung ano ang kanyang ginawa?”

52 Sumagot sila, “Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Saliksikin mo ang Kasulatan at makikita mong walang propetang magmumula sa Galilea.”

Pinatawad ang Babaing Nangalunya

[53 Pagkatapos nito, umuwi na ang lahat.

Si Jesus naman ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. Kinabukasan, maaga pa'y nagbalik na siya sa Templo. Lumapit sa kanya ang lahat ng mga tao. Umupo siya at nagsimulang magturo. Dumating noon ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Iniharap nila ito sa karamihan, at sinabi kay Jesus, “Guro, ang babaing ito'y nahuli sa aktong pangangalunya. Ayon(AQ) sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga katulad niya. Ano naman ang masasabi ninyo?” Itinanong nila ito upang subukin siya, at nang may maiparatang sila laban sa kanya.

Ngunit yumuko lamang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri.

Patuloy(AR) sila sa pagtatanong kaya't tumayo si Jesus at nagsalita, “Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa.

Nang marinig nila iyon, sila'y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Iniwan nila ang babaing nakatayo sa harap ni Jesus. 10 Tumayo si Jesus at tinanong ang babae, “Nasaan sila? Wala na bang humahatol sa iyo?”

11 “Wala po, Ginoo,” sagot ng babae.

Sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita hahatulan. Umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.”][r]

Patotoo tungkol kay Jesus

12 Muling(AS) nagsalita si Jesus sa mga tao. Sinabi niya, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay magkakaroon ng ilaw sa kanyang buhay at di na lalakad sa kadiliman.”

13 Sinabi(AT) sa kanya ng mga Pariseo, “Ikaw lang ang nagpapatotoo tungkol sa iyong sarili; walang katotohanan ang ganyang patotoo.”

14 Sumagot si Jesus, “Kung nagpapatotoo man ako tungkol sa aking sarili, totoo ang aking sinasabi, sapagkat alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Ngunit hindi ninyo alam ang aking pinanggalingan at ang aking pupuntahan. 15 Humahatol kayo ayon sa mga pamantayan ng tao, ngunit hindi ako humahatol kaninuman. 16 At humatol man ako, tama ang aking paghatol, sapagkat hindi ako nag-iisa sa aking paghatol, kundi kasama ko ang Ama na nagsugo sa akin. 17 Nasusulat(AU) sa inyong Kautusan na dapat tanggapin ang patotoo ng dalawang saksi. 18 Nagpatotoo ako tungkol sa aking sarili, at nagpapatotoo rin ang Ama na nagsugo sa akin.”

19 Siya'y tinanong nila, “Nasaan ang iyong ama?”

Sumagot si Jesus, “Hindi ninyo ako kilala, at hindi rin ninyo kilala ang aking Ama. Kung kilala ninyo ako, kilala rin ninyo siya.”

20 Ito'y sinabi ni Jesus nang siya'y nagtuturo sa Templo, sa may lalagyan ng mga alay. Ngunit walang nangahas na humuli sa kanya sapagkat hindi pa dumating ang kanyang takdang oras.

Ang Nagsugo kay Jesus

21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako'y aalis at hahanapin ninyo ako; ngunit hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko. Mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.”

22 Nag-usap-usap ang mga Judio, “Magpapakamatay kaya siya kaya niya sinabing ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko’?”

23 Kaya't sinabi ni Jesus, “Kayo'y mula dito sa ibaba, ako'y mula sa itaas. Kayo'y taga-sanlibutang ito, ngunit ako'y hindi. 24 Sinabi ko sa inyong mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo maniniwalang ‘Ako'y Ako Nga’, mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.”

25 “Sino ka nga bang talaga?” tanong nila.

Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyo noong simula pa lamang kung sino ako. 26 Marami akong masasabi at maihahatol laban sa inyo. Ngunit totoo at dapat paniwalaan ang nagsugo sa akin, at ang narinig ko sa kanya ang ipinapahayag ko sa sanlibutan.”

27 Hindi nila nauunawaan na ang Ama ang tinutukoy niya. 28 Kaya't sinabi ni Jesus, “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, malalaman ninyong ‘Ako'y Ako Nga.’ Wala akong ginagawa batay sa sarili kong kapangyarihan. Ang ipinapasabi lamang ng Ama ang siya kong sinasabi, 29 at kasama ko ang nagsugo sa akin at hindi niya ako iniiwan, sapagkat lagi kong ginagawa ang kalugud-lugod sa kanya.”

30 Maraming nakarinig nito ang naniwala sa kanya.

Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo

31 Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aking turo, kayo nga'y tunay na mga alagad ko. 32 Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”

33 Sumagot(AV) sila, “Kami ay mula sa lahi ni Abraham, at kailanma'y hindi kami naalipin ninuman. Paano mo masasabing palalayain kami?”

34 Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: ang gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi kabilang sa pamilya sa habang panahon, subalit ang anak ay kabilang magpakailanman. 36 Kung ang Anak ang magpalaya sa inyo, kayo nga'y magiging tunay na malaya. 37 Alam kong kayo'y mula sa lahi ni Abraham, gayunma'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, sapagkat ayaw ninyong tanggapin ang aking turo. 38 Ang nakita ko sa aking Ama ang siya kong sinasabi sa inyo, at ang narinig ninyo sa inyong ama ang siya namang ginagawa ninyo.”

Ang Diyablo ang Inyong Ama

39 Sumagot sila, “Si Abraham ang aming ama.”

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung kayo'y tunay na mga anak ni Abraham, gagawin sana ninyo ang kanyang ginawa. 40 Sinasabi ko lang ang katotohanang narinig ko mula sa Diyos ngunit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin. Hindi ganoon ang ginawa ni Abraham. 41 Ang ginagawa ninyo'y tulad ng ginawa ng inyong ama.”

Sumagot sila, “Hindi kami mga anak sa labas. Iisa ang aming Ama, ang Diyos.”

42 Sinabi ni Jesus, “Kung talagang ang Diyos ang inyong Ama, inibig sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako nanggaling. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi isinugo niya ako. 43 Bakit di ninyo maunawaan ang sinasabi ko? Hindi ba't ito'y dahil sa ayaw ninyong tanggapin ang itinuturo ko? 44 Ang(AW) diyablo ang inyong ama! At ang gusto ninyong gawin ay kung ano ang gusto niya. Sa simula pa lang ay mamamatay-tao na siya. Hindi siya pumanig sa katotohanan kailanman, sapagkat walang puwang sa kanya ang katotohanan. Kapag nagsasalita siya ng kasinungalingan, nagsasalita siya ayon sa kanyang kalikasan sapagkat siya'y sinungaling, at siya ang ama ng kasinungalingan. 45 Ayaw ninyong maniwala sa akin sapagkat katotohanan ang sinasabi ko sa inyo. 46 Sino sa inyo ang maaaring magpatunay na ako'y nagkasala? At kung katotohanan ang sinasabi ko, bakit ayaw ninyong maniwala sa akin? 47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig sa mga salita ng Diyos, subalit ayaw ninyong makinig sa akin sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.”

Si Jesus at si Abraham

48 Sinabi ng mga Judio kay Jesus, “Hindi ba tama ang sinabi naming ikaw ay Samaritano at sinasapian ng demonyo?”

49 Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasapian ng demonyo. Pinaparangalan ko ang aking Ama ngunit ako'y nilalapastangan ninyo. 50 Hindi ako naghahangad na ako'y parangalan; may isang nagsisikap na ako'y parangalan, at siya ang hahatol. 51 Pakatandaan ninyo: ang tumutupad ng aking salita ay hindi mamamatay kailanman.”

52 Sinabi ng mga Judio, “Ngayo'y natitiyak naming sinasapian ka nga ng demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, ngunit sinasabi mong hindi mamamatay kailanman ang sinumang tumutupad ng iyong aral. 53 Mas magaling ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham? Siya'y namatay, gayundin ang mga propeta. Ano ba ang palagay mo sa iyong sarili?”

54 Sumagot si Jesus, “Kung ako ang nagpaparangal sa aking sarili, walang kabuluhan iyon. Ang nagpaparangal sa akin ay ang aking Ama na sinasabi ninyong Diyos ninyo. 55 Hindi ninyo siya kilala, ngunit siya'y kilala ko. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, ako'y magiging sinungaling na tulad ninyo. Subalit kilala ko siya at tinutupad ko ang kanyang salita. 56 Natuwa ang inyong amang si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang araw ng aking pagdating. Nakita nga niya ito at siya'y nagalak.”

57 Dahil dito'y sinabi sa kanya ng mga Judio, “Wala ka pang limampung taong gulang, paano mo masasabing nakita mo na si Abraham?”[s]

58 Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: bago pa ipinanganak si Abraham, ‘Ako ay Ako Na’.”

59 Nagsidampot sila ng bato upang siya'y batuhin, ngunit nagtago si Jesus at lumabas ng Templo.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag

Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking bulag mula pa nang ipanganak. Tinanong siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, sino po ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang lalaking ito, siya ba o ang kanyang mga magulang?”

Sumagot si Jesus, “Ipinanganak siyang bulag, hindi dahil sa nagkasala siya, o ang kanyang mga magulang, kundi upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan niya. Kailangang gawin natin[t] ang mga ipinapagawa ng nagsugo sa akin[u] habang may araw pa; darating ang gabi, kung kailan wala nang makakapagtrabaho. Habang(AX) ako'y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.”

Pagkasabi nito, dumura si Jesus sa lupa at gumawa ng putik. Pagkatapos, ipinahid niya ito sa mata ng bulag. Sinabi ni Jesus sa bulag, “Pumunta ka sa imbakan ng tubig sa Siloe at maghilamos ka roon.” (Ang kahulugan ng salitang Siloe ay Sinugo.) Pumunta nga ang bulag, naghilamos doon, at pagbalik niya ay nakakakita na.

Sinabi ng mga kapitbahay niya at ng mga nakakita sa kanya noong siya'y namamalimos pa, “Hindi ba iyan ang lalaking dating nakaupo at namamalimos?”

Sumagot ang ilan, “Iyan nga!” Sabi naman ng iba, “Hindi! Kamukha lang.” Kaya't nagsalita ang dating bulag, “Ako nga po iyon.”

10 “Paano kang nakakita?” tanong nila.

11 Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik at ipinahid iyon sa aking mata. Pagkatapos, sinabi niya sa akin, ‘Pumunta ka sa Siloe at maghilamos.’ Pumunta nga ako doon at naghilamos, at nakakita na ako!”

12 “Nasaan siya?” tanong nila sa kanya. “Hindi ko alam,” sagot niya.

Nagsiyasat ang mga Pariseo tungkol sa Pagpapagaling

13 Dinala ng mga tao sa mga Pariseo ang dating bulag. 14 Araw ng Pamamahinga nang gumawa si Jesus ng putik at nang pinagaling niya ang bulag. 15 Tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Kaya't sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata, ako'y naghilamos at ngayo'y nakakakita na ako.”

16 Ang sabi ng ilang Pariseo, “Hindi maaaring mula sa Diyos ang taong iyon, sapagkat hindi niya ipinapangilin ang Araw ng Pamamahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba, “Paanong makakagawa ng ganitong mga himala ang isang makasalanan?” At hindi sila magkaisa.

17 Kaya't tinanong nilang muli ang dating bulag, “At ikaw, ano naman ang masasabi mo tungkol sa kanya, dahil pinagaling niya ang iyong mga mata?”

“Isa siyang propeta!” sagot niya.

18 Ayaw maniwala ng mga Judio na siya'y talagang dating bulag na ngayo'y nakakakita na kaya't ipinatawag nila ang kanyang mga magulang. 19 “Anak nga ba ninyo ito? Talaga bang siya'y ipinanganak na bulag? Ano'ng nangyari at nakakakita na siya ngayon?” tanong nila.

20 Sumagot ang kanyang mga magulang, “Alam naming anak namin siya at alam din naming siya'y ipinanganak na bulag. 21 Ngunit hindi po namin alam kung ano ang nangyari at nakakakita na siya ngayon, o kung sino ang nagpagaling sa kanya. Siya na po ang tanungin ninyo. Nasa hustong gulang na siya. Makakapagsalita na siya para sa kanyang sarili.”

22 Ganito ang sinabi ng kanyang mga magulang dahil sa kanilang takot sa mga pinuno ng mga Judio. Sapagkat pinagkaisahan na ng mga Judio na ang sinumang magpahayag na si Jesus ang Cristo ay ititiwalag sa sinagoga. 23 Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng kanyang mga magulang, “Siya'y nasa hustong gulang na, siya ang tanungin ninyo.”

24 Muli nilang ipinatawag ang dating bulag at sinabi sa kanya, “Sa ngalan ng Diyos, magsabi ka ng totoo. Alam naming ang taong iyon ay makasalanan.”

25 Sumagot siya, “Hindi ko po alam kung siya'y makasalanan, o hindi. Isang bagay po ang alam ko; ako'y dating bulag, subalit ngayo'y nakakakita na.”

26 “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano niya pinagaling ang iyong mga mata?” tanong nila.

27 Sumagot siya, “Sinabi ko na po sa inyo, at ayaw naman ninyo akong paniwalaan. Bakit gusto ninyong marinig muli? Nais ba ninyong maging alagad din niya?”

28 At siya'y kanilang nilait, “Ikaw ang alagad niya! Kami'y mga alagad ni Moises. 29 Nalalaman naming nagsalita ang Diyos kay Moises ngunit ang taong iyon, ni hindi namin alam kung saan siya nanggaling!”

30 Sumagot ang lalaki, “Iyan nga po ang nakapagtataka! Hindi ninyo alam kung saan siya nanggaling, gayunma'y pinagaling niya ang aking mga mata. 31 Alam nating hindi pinapakinggan ng Diyos ang mga makasalanan, ngunit pinapakinggan niya ang mga sumasamba sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban. 32 Mula pa nang likhain ang mundo ay wala pa tayong nabalitaang nakapagpagaling ng mata ng taong ipinanganak na bulag. 33 Wala pong magagawa ang taong iyon kung siya'y hindi mula sa Diyos!”

34 Sumagot sila, “Ipinanganak kang lubos na makasalanan at ngayo'y nais mo pa kaming turuan!” At siya'y kanilang itiniwalag.

Mga Bulag sa Espiritu

35 Nabalitaan ni Jesus na ang lalaking pinagaling niya ay itiniwalag ng mga Pariseo. Kaya't nang matagpuan niya ito ay kanyang tinanong, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?”

36 Sumagot ang lalaki, “Sino po ba siya, Ginoo? Sabihin ninyo sa akin upang ako'y sumampalataya sa kanya.”

37 “Siya'y nakita mo na. Siya ang kausap mo ngayon,” wika ni Jesus.

38 “Sumasampalataya po ako, Panginoon!” sabi ng lalaki. At sinamba niya si Jesus.

39 Sinabi ni Jesus, “Naparito ako sa mundong ito upang humatol, at nang sa gayo'y makakita ang mga bulag at mabulag naman ang mga nakakakita.”

40 Narinig ito ng ilang Pariseong naroon at siya'y kanilang tinanong, “Ibig mo bang sabihi'y mga bulag din kami?”

41 Sumagot si Jesus, “Kung kayo nga'y bulag, hindi sana kayo hahatulang maysala. Ngunit dahil sinasabi ninyong nakakakita kayo, nananatili kayong maysala.”

Ang Tunay na Pastol

10 “Tandaan ninyo ito: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan ay magnanakaw at tulisan. Ngunit ang nagdaraan sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. Pinapapasok siya ng bantay, at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na, siya'y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga ito sapagkat kilala nila ang kanyang tinig. Hindi sila susunod sa iba, kundi tatakbong palayo, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.”

Sinabi ni Jesus ang paglalarawang ito ngunit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.

Si Jesus ang Mabuting Pastol

Kaya't muling sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko'y maliligtas. Papasok siya't lalabas, at makakatagpo ng pastulan. 10 Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, buhay na masaganang lubos.

11 “Ako(AY) ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. 12 Ang upahan ay tumatakas kapag may dumarating na asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa'y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga ito. Kaya't sinusunggaban ng asong-gubat ang mga ito at binubulabog. 13 Tumatakas siya, palibhasa'y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. 14-15 Ako(AZ) nga ang mabuting pastol. Kung paanong kilala ako ng Ama at siya'y kilala ko, gayundin naman, kilala ko ang aking mga tupa at ako nama'y kilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa aking mga tupa. 16 Mayroon akong iba pang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kinakailangang sila'y ipasok ko rin, at papakinggan nila ang aking tinig. Sa gayon, magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol.

17 “Dahil dito'y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang ito'y kunin kong muli. 18 Walang makakakuha ng aking buhay; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at mayroon akong kapangyarihang kunin itong muli. Ang utos na ito'y tinanggap ko mula sa aking Ama.”

19 Dahil sa mga pananalitang ito, nagkabaha-bahagi muli ang mga Judio. 20 Marami sa kanila ang nagsabi, “Sinasapian siya ng demonyo! Nababaliw siya! Bakit kayo nakikinig sa kanya?” 21 Sinabi naman ng iba, “Hindi makakapagsalita nang ganoon ang isang sinasapian ng demonyo! Nakakapagpagaling ba ng bulag ang demonyo?”

Itinakwil ng mga Judio si Jesus

22 Taglamig(BA) na noon at kasalukuyang ipinagdiriwang sa Jerusalem ang Pista ng Pagtatalaga ng Templo. 23 Habang naglalakad si Jesus sa Templo, sa Portiko ni Solomon, 24 pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw nga ang Cristo, sabihin mo na nang maliwanag.”

25 Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin. 26 Ngunit ayaw ninyong maniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman. 29 Ang(BB) aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat,[v] at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.”

31 Muling dumampot ng bato ang mga Judio upang batuhin si Jesus. 32 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Marami akong ipinakita sa inyo na mabubuting gawa mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan at ako'y inyong babatuhin?”

33 Sumagot(BC) ang mga Judio, “Hindi dahil sa mabubuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat ipinapantay mo ang iyong sarili sa Diyos, gayong tao ka lamang.”

34 Tumugon(BD) si Jesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko, mga diyos kayo’? 35 Tinawag na diyos ang mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos, at hindi maaaring ipawalang-bisa ang sinasabi ng kasulatan. 36 Ako'y pinili at isinugo ng Ama; paano ninyo ngayon masasabing nilalapastangan ko ang Diyos dahil sa sinabi kong ako ang Anak ng Diyos? 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinapagawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. 38 Ngunit kung ginagawa ko ang mga ito, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa kung ayaw man ninyong maniwala sa akin. Sa gayon, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako'y nasa Ama.”

39 Kaya't tinangka na naman nilang dakpin si Jesus, ngunit natakasan niya sila.

40 Muling(BE) pumunta si Jesus sa ibayo ng Jordan, sa pook na dating pinagbabautismuhan ni Juan. Nanatili siya roon 41 at maraming lumapit sa kanya. Sinabi nila, “Walang ginawang himala si Juan ngunit totoo ang lahat ng sinabi niya tungkol sa taong ito.”

42 At doo'y maraming sumampalataya kay Jesus.

Ang Pagkamatay ni Lazaro

11 May(BF) isang taong nagngangalang Lazaro na nagkasakit. Nakatira siya sa Bethania kasama ang mga kapatid niyang sina Maria at Martha. Si(BG) Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro, nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, “Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.”

Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.”

Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Martha, Maria at Lazaro. Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.”

Sumagot ang mga alagad, “Rabi, hindi po ba't kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga tao? Bakit pupunta na naman kayo doon?”

Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito. 10 Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag.” 11 Idinugtong pa ni Jesus, “Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya.”

12 “Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya,” sagot ng mga alagad.

13 Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. 14 Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, “Patay na si Lazaro; 15 ngunit dahil sa inyo, ako'y nagagalak na wala ako roon, nang sa gayon ay sumampalataya kayo sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.”

16 Sinabi ni Tomas, na tinatawag na Kambal, sa kanyang mga kasama, “Sumama tayo sa kanya, nang mamatay tayong kasama niya.”

Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay

17 Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. 18 May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania, 19 at maraming Judio ang dumalaw kina Martha at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid.

20 Nang mabalitaan ni Martha na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Martha, “Panginoon, kung narito po kayo, hindi sana namatay ang kapatid ko. 22 Subalit alam kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.”

Footnotes

  1. Juan 1:4 Nilikha…buhay: o kaya'y Ang lahat ng nilikha ay may buhay sa kanya .
  2. Juan 1:9 dumarating ito…tao: o kaya'y nagbibigay liwanag ito sa lahat ng taong ipinapanganak sa sanlibutan .
  3. Juan 1:18 Diyos: Sa ibang manuskrito'y Anak ; at sa iba nama'y Anak ng Diyos .
  4. Juan 1:42 CEFAS: Sa wikang Aramaico, ang kahulugan ng salitang ito ay “bato”.
  5. Juan 1:42 PEDRO: Sa wikang Griego, ang kahulugan ng salitang ito ay “bato”.
  6. Juan 2:4 Ginang: Sa Griego ay Babae .
  7. Juan 3:3 na muli: o kaya'y mula sa itaas .
  8. Juan 3:7 na muli: o kaya'y mula sa itaas .
  9. Juan 3:8 HANGIN: Sa wikang Griego, ang kataga para sa mga salitang “hangin” at “espiritu” ay iisa lang.
  10. Juan 3:25 isang Judio: Sa ibang manuskrito'y ilang mga Judio .
  11. Juan 4:1 ng Panginoon: Sa ibang manuskrito'y ni Jesus .
  12. Juan 4:9 hindi nakikihalubilo ang mga Judio sa mga Samaritano: o kaya'y hindi gumagamit ang mga Judio ng pinggan o tasa ng mga Samaritano .
  13. Juan 5:2 Bethzata: Sa ibang manuskrito'y Bethsaida, at sa iba pang mga manuskrito'y Bethesda .
  14. Juan 5:4 Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang talatang 4.
  15. Juan 6:7 SALAPING PILAK: Ito ay katumbas ng maghapong sahod ng isang karaniwang manggagawa.
  16. Juan 7:8 Hindi ako pupunta: Sa ibang matatandang manuskrito'y Hindi pa ako pupunta .
  17. Juan 7:38 Ang sumasampalataya…nagbibigay-buhay: Sa ibang manuskrito'y Sa nananalig sa akin ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso'y dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay.’
  18. Juan 8:11 Ang mga talatang 7:53 hanggang 8:11 ay hindi nakasulat sa ibang matatandang manuskrito. Sa iba namang mga manuskrito'y nakarugtong ito sa 21:24 o kaya'y sa Lucas 21:38.
  19. Juan 8:57 nakita mo na si Abraham?: Sa ibang manuskrito'y nakita ka ni Abraham?
  20. Juan 9:4 natin: Sa ibang manuskrito'y ko .
  21. Juan 9:4 akin: Sa ibang manuskrito'y atin .
  22. Juan 10:29 Ang aking Ama…dakila sa lahat: Sa ibang manuskrito'y Ang ibinigay sa akin ng Ama ay higit sa lahat .